Mahal, ni Roberto T. Añonuevo

 Mahal
 (para kay Maribeth)
  
 Kung nakapagsilang ka ng dalawang bathalà,
 Sino akong nilalang upang hindi humangà?
  
 Ikaw ang aking panahon, at ang mga aklát
 Na magbubunyag kung paano mabuhay ang lahát.
  
 Itinuro mo sa akin ang ubod ng tatag at sigásig
 Sa mga balakid na wari ko’y abot-lángit.
  
 Ngunit dinadapuan ka rin ng paninibughô
 Sa mga sandaling dumarami ang aking pusò.
  
 Sinamahan mo ako nang tumayo sa bangín,
 At ngiti mo’y nakagagaan gaya ng hángin.
  
 Ikaw ang aking pook, at kalakbay sa ibang pook,
 At hindi nagmamaliw kahit dapat na matakot.
  
 Ang munting puwang mo’y maginhawang báhay
 Na kahanga-hangang ayaw dalawin ng lamlám.
  
 Gumagaan ang aking balikat sa mga wika mo
 Kahit parang ang sermon ay laan sa mundo.
  
 Kapag dumarating ang salot, bagyo’t taggutóm,
 Ang lutong isda mo'y higit pa sa sampung litsón.
  
 Mga retaso ng layaw ay ano’t iyong nahahábi
 Nang magkadisenyo na kagila-gilalas ang silbí.
  
 Ngunit labis kang mag-ipon ng mga alaála
 Upang ang mga retrato’y maging pelikúla.
  
 Ikaw na hindi ko maisilid sa isang salaysáy
 Ay lumalampas sa uniberso ng aking pagmamahál. 
Alimbúkad: Poetry beyond symmetry. Photo courtesy of Maribeth M. Añonuevo.

Hugis at Pag-ibig, ni Kalilah Enriquez

 Salin ng “Shapes,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Hugis
  
 kung ang mga puso’y
 may hugis lámang ng mga bituin
 at káyang maghayag ng kalidad
 ng bituing-dagat
 upang pasuplingin muli
 ang naglahong bahagi
 sa sandaling ito’y mabakli
  
 Salin ng “Love You to Life,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sabik Magmahal
  
 Heto ang aking mga lalaki.
 Makasarili ako sa piling nila
 at labis na mapagsanggalang
 sa atas ng pangangailangan.
 Nanaisin kong sabihin nilang
 ibig nilang mabuhay para sa akin
 kaysa mamatay para sa akin.
 Mamahalin ko sila habambuhay
 hangga’t makakaya ko.
 At kung hahayaan nila ako’y
 itatrato sila nang mabuting-mabuti.
 Bubusugin sila ng pagkain habambuhay
 at iibigin nang hindi nila naranasan noon.
  
 Ngunit malimit nila akong iniiwan
 kayâ mahigpit akong nakakapit sa isa
 hanggang maglaho rin siya. 
Alimbúkad: Rebuilding life through poetry. Photo by Mark Walz on Pexels.com

Ang Sabi ng Epal

Ang Sabi ng Epal

Nasasabik ka rito para sa pagmamahal
sa katwirang mahal ang bayan,
ngunit ang mga tao’y nalilipol
gaya ng libo-libong anay at langgam
nang walang kamuwang-muwang
nang walang kalaban-laban
nang walang taros, walang patawad
kapag sumasalakay ang mga alagad
ng kawalang-batas
at lumulubha ang pulmonya ng bansa.
Lumusog ba ang ekonomiya sa digma
laban sa taumbayan?
Kung bagong lipunan ang pagdurog
sa oligarkiya,
bakit dumarami yata ang iyong kakosa?
tanong ng rumarapidong komentarista.
Ikaw na may karapatan para sa buhay
ay napaglalaho ang mga karapatan
ng lahat ng sumasalungat sa iyo.
Ubusin ang adik at ubusin ang tulak
ay pag-ubos din sa abogado at aktibista,
sa guro at trabahador,
sa alkalde at negosyante,
sa pahayagan at network ng telebisyon,
sa lahat ng kritiko at reklamador,
at kung ang mga ito’y guniguni,
ano’t nasasaksihan namin
sa mga sumisikip na bilangguan
at sa mga katawang tinatakpan
ng mga peryodiko
ang espektakulo ng kabangisan?
Umuurong ang bayag ng mga politiko
sa pambihira mong paninindak,
kaya dumarami ang mga tuta mo’t kuting.
Digma ka nang digma
at nakaiinis na ang talumpati sa mga dukha.
Naubos na ang aming mga luha.
Naubos na ang aming pagtitimpi.
At kung ubos na rin ang pagtitiwala,
bakit magtataka kung ibig ka naming
bumaba mula sa iyong paniniwala
na ikaw ang trono, at sandatahang lakas
ang magtatakda ng iyong pananatili
sa puwesto at singil gaya sa impuwesto?
Mahal mo ang bayan; at ikaw, wika mo,
ang bahala sa iyong masunuring tropa.
Tinuruan mo sila sa yaman ng estadistika
ng mga bangkay, hindi alintana
ang mga naulila at nawasak ang dangal.
Pinalusog mo sila sa mga pangako
ng ayuda at sandata
upang ibalik sa amin ang pagwawakas.
At kapag nagsalita ang batas,
hindi ba ang hukom ay maaaring matodas?
Ikaw na aming tinitingala
ang sapatos na yuyurak sa aming mukha.
Ngunit dahil isa ka ring inutil
sa harap ng barkong Intsik at diplomasya
ng suhol at kawanggawa,
tutulungan ka namin sakali’t magkasakit.
Nararapat sa iyo ang regalong himagsik—
sa anyo man ng karikatura at gusgusing
karatula at pagtiktok kahit sa kubeta,
sa anyo ng apoy at ulan ng mga salita
na gaya nito’y nagtatangkang maging tula.

Alimbúkad: Poetry voice matters. Photo by Chris Curry @ unsplash.com.

Lastag na Katotohanan, ni Paul Éluard

Salin ng “Nudite de la verité,” ni Paul Éluard (Eugene-Emile-Paul Grindel) ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Lastag na Katotohanan

Alam na alam ko iyon.

Walang bagwis ang pagsuko,
ni taglay na pagmamahal,
wala itong mukha,
at hindi umiimik;
hindi ko ito sinasaling,
hindi ko ito tinitingnan,
hindi ko ito kinakausap,
ngunit buháy, gaya ng aking pag-ibig at pagsuko.

Pag-ibig, ni Nikos Engonopoulos

Salin ng “Love” ni Nikos Engonopoulos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pag-ibig

Paalis na tayo. Ngunit bago maghiwalay, sabay nating awitin ang himig ng batong awtomobil. Kapag sinabing “bato,” gayunman, ay dapat maging tiyak: matatagpuan sa mga sulok ang mga bato; at ang iba pa’y ladrilyo at tabla, gaya ng karaniwan, na may mga gulong ng tintura de yodo. Pasanin natin ang gunita ng maningning na laberinto at ang magkakambal waring bato ng mga kahong arsonista. Tulad ng nakagawian, ang direksiyon pakanan, tungo sa abandonadong bangka ang nagpapailaw sa ating pag-ibig. Paggunita at kalooban ng aspalto: Poseidon. Para sa akin, ang bituin ay aawitin sa loob ng kaha ang awit ng aking tuwa sa pamamagitan ng lagari. Huwag hayaang sumunod sa akin ang sinuman. Hayaang magpahinga ang lahat, gaya ng mga mitolohikong kandelabra at plaka ng pararayos. Na may mga ibon, na may isang ibon, na may dalawang ibon.

Kung hangad mo ang pag-ibig, hayaan ang kabig ng dibdib, ni María Mercedes Carranza

Salin ng “Si quieres amor que siga sus antojos,” ni María Mercedes Carranza ng Colombia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Kung hangad mo ang pag-ibig, hayaan ang kabig ng dibdib

Nalimot ko na ang lahat ng pangalan,
ang mga pangalan ng aking yumao at  mga anak.
Hindi ko makilala ang halimuyak ng aking bahay
o ang tunog pagpihit ng susi sa kandado ng pinto.

Hindi ko maalala ang taginting ng itinatanging boses,
ni hindi makita ang mga bagay na aking tinitingnan.
Nagwiwika ang mga salita nang hindi ko maintindihan,
ako ang estranghera sa matatalik na lansangan,
at walang ligaya o pighati ang makasusugat sa akin.

Binura ko ang aking apatnapung taon ng kasaysayan.
Mahal kita.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Yes to human rights whatever it takes.

Limitasyon ng Pag-ibig, ni Affonso Romano de Sant’Anna

Salin ng “Limites do amor,” ni Affonso Romano de Sant’Anna ng Brasil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Limitasyon ng Pag-ibig

Kondenado ako na ibigin ka
sa aking mga limitasyon
hanggang mapagal ako’t lalong masabik
sa lubos na pag-ibig, malayà sa mga bakod,
pinag-aalab ng loob, nagsasákit,
tungo sa iba pang pagmamahal,
na iniisip mong ganap, at magiging ganap
sa kabila ng iyong limitasyon sa búhay.

Hindi nasusukat ang pag-ibig
sa malayang pagtungo sa mga plasa
at inuman, na pawang mga hadlang.
Totoo na ito’y mabuti’t minsan ay maringal.
Ngunit kung ang isa’y umiibig sa ibang paraan,
na walang katiyakan, ay ito ang misteryo:

Ang walang limitasyong pag-ibig ay limitado
kung minsan, at ang bawal na pag-ibig
kung minsan ang siya pang may kalayaan.

Yes to human rights, even if it means changing the corrupt system. No to illegal arrest. No to illegal detention.

Ang hagkan ka sa bakuran, ni Ah Bahm

Salin ng “Tz’utz’ A Chi T U Caap Cool Hok Che” ni Ah Bahm, batay sa bersiyon ni John Curl
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Hagkan Ka sa Bakuran

Isuot mo ang pinakamarikit na damit
Dahil ang araw ng ligaya ay sumapit.
Suklayin ang nagusot na buhok
At magbihis nang nakahihigop.
Isuot ang kahanga-hangang balát,
At maghikaw ng batong matingkad.
Magsinturon ng hiyas na makulay
At magkuwintas nang maringal.
Isuot ang palamuti sa mga bisig
Nang lahat sa iyo ay mapatitig.
Walang hihigit sa iyo, aking binibini,
Sa buong kaharian ni Dzitbalche.

Mahal kita, o kaygandang dalaga.
Ibig kong masilayan ka ng iba.
Tunay ka ngang labis na nakaaakit,
Gaya ng bituing umuusok sa langit.
Mimithiin ka na tulad ng buwan
At ng mga bulaklak sa kaparangan.

Isuot ang lantay, puting damit, binibini.
Maghatid ng tuwa sa halakhak na puri.
Taglayin ang kabutihan sa iyong puso,
Dahil ngayon ang araw ng galak na buo.
Handog ng bayan ang buting malaganap,
Dahil ikaw, mahal ko, ang aking kabiyak.

stone, monument, pyramid, ancient, landmark, ruin

“Pag-ibig,” ni Czeslaw Milosz

Salin ng tula ni Czeslaw Milosz ng Poland.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pag-íbig

Ang pag-íbig ay ang pagkatútong tingnán ang saríli
Sa paraáng sinisípat ang malalayòng bágay
Dáhil isá ka lámang sa napakaráming nilaláng.
Sinúmang níta nang gayón ay napagágalíng ang pusò,
Nang hindî nababatíd, mulâ sa sarì-sarìng sakít—
Wiwikàin ng íbon at punòngkáhoy sa kaniyá: Kaibígan.

Pagdáka’y íbig niyáng gamítin ang saríli at mga bágay
Pára makatindíg ang mga itó sa ningníng ng kaganápan.
Hindî mahalagá kung batíd niyá ang kaniyáng inihaháin.
Sinumáng magsilbí nang mahúsay ay hindî láging naaarók.

“Kung iibig ang mga lalaki sa mga babae,” ni Gioconda Belli

Salin ng “Reglas del juego para los hombres que quieren amar a mujeres” ni Gioconda Belli ng Nicaragua.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kung iibig ang mga lalaki sa mga babae

I.
Ang lalaking umiibig sa akin
ay marunong humawi ng kortina ng lamán,
arukin ang lalim ng aking mga mata,
at batid na nananahan sa akin
ang malambot,
nababanaagang pagtanggap.

II.
Ang lalaking umiibig sa akin
Ay hindi ako aariin gaya ng kasangkapan
O itatanghal ako gaya ng tropeo ng manlalaro
Bagkus ay magiging matapat siya sa akin
Nang may pagkandili
Gaya ng pagkamatapat at pagkandili ko sa kaniya.

III.
Ang lalaking umiibig nang dalisay sa akin
Ay magiging sintatag ng mga punong seybo,
Matigas at lumililim gaya nila;
Dalisay, tulad ng isang umaga ng Disyembre.

IV.
Ang lalaking umiibig sa akin
Ay hindi magdududa sa aking ngiti
O mangangamba sa paglago ng aking buhok.
Igagalang niya ang lungkot ko’t pananahimik.
Sa mga haplos, titipahin niya ang aking puson
Gaya ng gitara, at ilalabas ang kaluguran
Mula sa kaloob-looban ng aking katawan.

V.
Ang lalaking umiibig sa akin
Ay matutuklasang ako’y maaaring maging duyan
na makapapawi ng kaniyang pasanin o alalahanin.
Isang kaibigan na mapaghihingahan ng matatalik na lihim.
Isang lawa na maaaring lutangan,
Walang pangambang ang angkla ng kaniyang pangako
Ay hahadlang sa paglipad
Sakali’t sumapit iyon sa kaniya na isang ibon.

VI.
Ang lalaking umiibig sa akin
Ay gagawing tula ang kaniyang búhay,
At babalangkasin bawat araw
Habang nakapako ang kaniyang titig sa hinaharap.

VII.
Ngunit higit sa lahat,
Ang lalaking umiibig sa akin ay umiibig din sa bayan,
Hindi bilang abstraktong kategoríyang
Inuusal nang walang ingat
Bagkus bilang totoo at kongkreto
Na ipinakikita niya sa pamamagitan ng paggawa,
At handang ialay ang búhay kung kinakailangan.

VIII.
Ang lalaking umiibig sa akin
Ay makikilala ang aking mukha sa gitna ng bakbakan
At habang nakaluhod sa trintsera,
Iibigin niya ako
Habang sabay kaming bumabaril sa kaaway.

IX.
Ang aking lalaking umiibig
Ay hindi mangangambang ihandog ang sarili
O matatakot na magayuma ng kariktan.
Sa gitna ng plasa na punô ng laksang tao’y
Makasisigaw siya ng “Mahal kita!”
O makahihiyaw nang lubos sa tuktok ng gusali,
Handang ihayag ang kaniyang karapatang damhin
Ang pinakamarikit at damdamin ng tao.

X.
Ang aking lalaking umiibig
Ay hindi tatakasan ang mga kusina
O ang pagpapalit ng lampin ng aming anak,
Ang kaniyang pag-ibig ay gaya ng sariwang simoy
Na tinatangay palayo ang ulop ng panaginip at nakalipas,
Mga kahinaan na, sa ilang siglo ay nagbukod sa amin
Bilang mga nilalang na magkakaiba ang estado.

XI.
Ang aking lalaking umiibig
Ay hindi nanaising maging estereotipo ako
O ihuhulma ako sa pamantayan,
Bibigyan niya ako ng hangin, espasyo,
At pangangalaga upang tumayog at umunlad
Gaya ng rebolusyon
Na ginagawa ang bawat bagong araw
Na simula ng isang bagong tagumpay.

XII.
At ibibigay ko sa aking lalaking iniiibig
Ang pamamahinga, at sa bawat digmaan at gulo
Na sinuong niya’y tutumbasan ko ng ginhawa.
Papalitan ko ng mga ngiti ang kaniyang poot,
At ang kandungan ko’y laan sa kaniyang pananahimik.
Magiging matibay na hagdan ako para sa kaniya,
Kapag ibig kong umabot sa rurok ng kalangitan.
At hindi ko bibilangin kailanman ang aking mga halik
Dahil yaon ay magiging eternal pagsapit sa kaniyang labì.