Sa ngalan ng Ama

Magsisimula ang salinlahi, at ikaw ang tagapaghatid ng binhing mula sa kaitaasan. Sasambahin ng daigdig ang salita mo, ang salitang ang totoo’y inusal ko’t inagaw mula sa bibig mo, ngunit mabibigong maunawaan ang pahiwatig at kaisipang magpaparami ng mga tao. Lalago ang iyong kayamanan, gaya ng itinanim na punongkahoy at aklat, at inaasahan mong likás lamang sa amin ang magnasa sa materyal nang higit sa kailangan. Galante kang magpupundar ng mga bahay sa dumaraming demonyito’t anghel. Ikaw ang sentro, na may puwersang sentripetal na magpapainog sa mga planeta, gayunman ay ipapaubaya sa kabiyak ang liwanag sa loob ng tahanan. Kahit hindi naisin, sisibol sa iyong hapag ang sutil na bunso na susuway sa utos o payo. Magdadabog siya’t aangil kapag hindi nasunod ang layaw, ngunit dahil taglay mo ang pasensiya ng tigulang ay gagamitin ang sinturon upang ipaunawa ang bisa ng latay at hagupit. Pailalim na tititig sa iyo ang anak, at isasadula niya ang musmos na tigreng gumagagad sa madudugong pangangaso. Maisasaloob niya ang gutom at ang tadhana ng pagtindig sa sariling mga paa, hanggang ang kagubatan o lungsod ay maipatong niya sa rabaw ng kaniyang palad o kamao. Matutuklasan niya ang dungis sa mukha kapag pinahid ng bisig ang pisngi; at ang dungis na ito na matagal nang isinusumbat sa ninuno ay hindi pala kasalanan bagkus isang anyo ng pagpupugay. Matututuhan niyang patawarin ang daigdig, at pagtawanan ang sarili, na para bang pagtanggap sa walang katuparang pag-asa. Titingalain niya ako bilang kapatid, at mananakop kami ng ibang lupain at tubigan kahit sa guniguni, at magiging ama rin balang araw, handang ipagmalaki ang ngalan mo ngayon at magpakailanman.

“Sa ngalan ng Ama,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo © 2012.