Ang Sayaw, ni Humberto Ak’abal

 
Salin ng “El Baile,” ni Humberto Ak’abal ng Guatemala
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Ang Sayaw
  
 Lahat tayo’y sumasasayaw
 sa gilid ng isang sentimo.
  
 Ang dukha——dahil dukha siya——
 ay mawawalan ng panimbang
 at mabubuwal
  
 at ang iba pang tao
 ay magsisidagan sa kaniya. 
Alimbúkad: Poetry rhythm at its best. Photo by Marko Zirdum on Pexels.com

Ang Pagsilang ng Ngiti, ni Christopher Middleton

Salin ng “The Birth of the Smile,” ni Christopher Middleton ng United Kingdom

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

May tatlong alamat hinggil sa pagsilang ng ngiti, at umuugnay ang bawat isa sa magkakaibang panahon. Kaugalian nang isalaysay ang mga alamat na ito sa pabaligtad na pagkakasunod-sunod, na tila ba maituturo nito sa wakas ang walang katapusang sinaunang panahon na taglay ang mga lihim na balang araw ay ibubunyag din sa mga alamat na kinakailangan pang tuklasin.

Ang unang alamat ay hinggil sa mga Sumeryo. Bumaba mula sa kabundukan tungong kapatagan ang mga tao na ito upang maghanap ng pagkain at tubig. Makalipas ang ilang siglo ng pagtatamasa ng pagkain at tubig, naaburido ang mga tao sa pagkasapád ng kapatagan, nanabik muli sa sinauna’t nakagawiang pag-akyat at pagbabâ sa mga bundok, at nagpasiya pagkaraan na magtayo ng bundok na matatawag na kanila (malinaw na ibig nilang magbalik sa dáting pook). Sa loob ng sampung taon, nagpunyagi ang mga lalaki sa pagtatayo ng bundok. Ang mga babaylan ang tumapos doon—naghukay ng mga butas para agúsan ng tubig, nagtanim ng punongkahoy sa tuktok, isinaayos ang mga silid sa loob, malapit sa paanan, para sa materyales sa aklatan, at ang palikuran, na napakahalaga. Habang abala ang mga babaylan, isang napakalaking hablon, na hinabi sa loob ng sampung taon ng mga babae, ang inilambong paikot sa bundok. At sa wakas, nagtipon ang mga tao; pagdaka’y tinanggal ang nakalukob sa bundok nang may angkop na seremonya habang sumasaliw ang mga lumalabog na agung. Habang lumilislis sa lupa ang hablon, ginupit ang mga hibla sa pamamagitan ng malalaking gunting na yaring Sumeryo, at lumantad ang bundok na sariwa at lastag, at napangiti ang lahat ng Sumeryo sa unang pagkakataon. Maikli ang pagngiti, gayunman.  Nagtayo ng bundok ang mga Sumeryo upang bagtasin nang paakyat at pababa, ang bundok ng puso, ang bundok ng kawalang-pag-asa, ang bundok ng kirot; ngunit naglaho ang kanilang ngiti nang ang isang babaylan, mula sa ilalim ng punongkahoy doon sa tuktok, ay maghayag: “Sagrado ang pook na ito; huwag itanong kung kanino laan ito. At huwag pumasok o umakyat sa kabilang panig, o kayo’y mamamatay!”

Isinasalaysay ng ikalawang alamat na isinilang ang ngiti sa mukha ng unang babae nang tumayo ito sa unang pagkakataon sa harap ng unang lalaki, at sumagap ng katahimikan na nagpalaki at nagpahaba sa uten ng lalaki sa labis na pagkalugod sa piling ng babae.

Inilahad ng ikatlong alamat ang panahon na dapat mauna sa ikalawa, kahit pa ilang araw lamang ang nakalipas. Ito ang sinasabi ng alamat: Nang ginagawa ng tagapaghubog ng búhay ang lalaki at babae, napakaingat niya upang mabigyan sila ng matibay na hubog at nang maisilid ang kaluluwa sa kanila. Malimit may panganib na malusaw ang mga anyong ito sa agos na lumalagos sa lahat ng bagay. Napoot ang kaluluwa sa mga bagong nilalang, at nagwala dahil ikinulong ito, at makalipas ang matinding pagpupumiglas at pakikipaghatakan, sumabog ito sa pagiging apoy. Dumaloy ang apoy sa mga katawan ng mga nilalang, at muntik nang matupok ang lahat ng iba pang nilikha kung hindi naagapan ng Kalmanteng diyos na humawak sa kamay ng kaluluwa. Walang ano-ano’y tumayo sa harap ng babae ang diyos. Nang magkaharap na sila, isang pulô ng kalamigan ang nalikha sa gitna ng pagliliyab. Habang nakatitig sa babae, unti-unting namangha sa gaan at kariktan ng babae ang diyos, at sa halos naaaninag na katawan na ginagapangan ng apoy na humahagupit nang malakas. Nagwika ang diyos sa makalangit na pananalita sa katawan ng babae, samantalang namamangha sa pagtitig. Habang nagsasalita ang diyos, narinig ng kaluluwa ang gayong mga salita, at sa unang pagkakataon ay nagsimulang pumanatag ito sa tinatahanan. Iyon ang sandaling napangiti ang babae. Noong panahong iyon, ang ngiti ay sadyang pagpayag ng kaluluwa na manahan sa atin.

Kung matutuklasan ang mga sinaunang alamat, maipapaliwanag ng mga ito sa atin ang nahihindik na ngiti ng isang Kafka; o ang ngiti na isiningit sa mga gilid ng bibig ni Che Guevara, sa pamamagitan ng mga hinlalaki ng kaniyang mga salarin.

Alimbúkad: Breaking barriers in the name of ultimate poetry. Photo by Pixabay on Pexels.com

Mga Teorya sa Panahon at Espasyo, ni Natasha Trethewey

 Salin ng “Theories of Time and Space,” ni Natasha Trethewey ng USA
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Teorya sa Panahon at Espasyo
  
 Makararating ka roon mula rito, bagaman hindi na makauuwi ng bahay.
  
 Saanman magtungo ay pook na hindi pa naaabot. Subukin ito:
  
 Dumako patimog sa Mississippi 49, bawat milyang paskil ang lalagas
 sa bawat minuto ng buhay mo. Sundin ang likas nitong wakas——
     ang dulo
 sa baybayin, ang piyer sa Gulfport na ang mga lubid ng mga bangka
     sa panghuhuli ng hipon ay maluluwag na tahi
 sa langit na nagbabadya ng ulan. Tumawid sa dalampasigang yari ng tao,
     26 milya ng buhangin
 na itinambak sa latian ng bakawanؙ——na inilibing na lupain ng nakaraan. 
 Dalhin lámang ang makakáya——ang aklat ng gunita na panaka-nakang 
 blangko ang ilang pahina. Sa daungan na may bangkang  
     maghahatid sa Ship Island, may isang kukuha ng iyong retrato:
 ang retrato——na anyo mo noon——
 ay maghihintay kapag ikaw ay nagbalik. 
Alimbúkad: Poetry translation upheaval at the heart of Filipinas. Photo by Todd Trapani on Pexels.com

Humahawig na Hugis, ni Stanley Burnshaw

Salin ng “The Echoing Shape,” ni Stanley Burnshaw ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Humahawig na Hugis
  
 Ano ang magagawa mo sa buong araw?
 Hanapin ang ulap sa araw——makinig
 Sa ilalim ng dagat sa himpapawid——sundan
 Ang dahon, ang damo. . .
  
                              At sa gabi?
  
 Sinisikap kong manaig sa karimlan.
 Walang anumang hubog sa labas ang nagsisimulang
 Kausapin ako: sinusunog ng liwanag nito
 Ang mga tainga ko: naaarok ko ang alon ng hatinggabi.
 Minamasdan ng pusa ko ang aking mga paa,
 Kapuwa kaming umaasa na mabatid ang naririnig
 Sa karimlan na gumugulong mula sa lawa,
 Na ang ibon ay umaawit para sa mga sanga nito.
 Paano kong malalaman kung bulag ang ibon?
 Wala na marahil ito sa pagsapit ng madaling-araw.
 At bagaman makalalapit ako, sa ibang katahimikan,
 Manonood ako palagi nang may paninging 
 Naibabalik ang anumang magpapaalab ng sinag
 Ang mga hawig na hugis ng bisig, binti, balikat——
 Ang mga aninong pugot ng lahat ng pangitaing inibig nila. 
Alimbúkad: Translating the world through poetry. Photo by Pixabay on Pexels.com

Tanawin sa Gabi, ni Paul Verlaine

Salin ng “Effet de nuit,” ni Paul Verlaine ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawin sa Gabi

Gabi. Ulan. Binubutas ng palaso at toreng hungkag
Ang malinaw na anino ng nilalagnat na ulap
Sa malayo, doon sa patay na gotikong kalungsuran.
Kapatagan. Naaagnas na mga bangkay ang bitayan,
inuugoy, binubutas ng mga tuka ng mga uwak,
Patayon-tayon sa himig ng gabi habang nginangasab
ng mga lobo ang mga paang nakabitin sa hangin.
Sa likuran, nakabalangkas ngunit hindi pa aakalain—
Nagsalabid ang mga balag sa putikan—yumayabong
Ang lagim sa kaliwa; sa kanan, ang multong palumpong.
Doon, naglalakad ang tatlong bilanggo—pawisan,
Marungis, nayakapak—habang ang pulutong ng kawal
Na papalapit at sintigas ng maso ay kumikislap
ang tangang palakol, na waring ulan ng mga sibat.

Alimbúkad: Poetry vision, poetry imagination. Photo by Noemí García Reimunde @ unsplash.com

Mga Layanglayang, ni Pedro Serrano

Salin ng “Golondrinas,” ni Pedro Serrano ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Layanglayang

Nakakuyom sa mga kable na animo’y sampayan,
mumunting kanaway na yari sa kahoy,
maliksi at maliit na salungat sa balasik ng bughaw,
nakatakda sa tanghali, sila’y bumubulusok nang isa-isa,
pinakikislot ang mga damit, kamay, ngiti,
puting súso, itim na lambong,
nakahanay ang mga tuwid na pakpak, gusót
nang kaunti ang mga balahibo,
hanggang lumipad ang mga ito maliban sa isa—
na iimbulog pagdaka’y bubulusok pabalik,
gaya ng kisapmatang pamamaalam,
sukdulang pinalalaya ang umaga.
Mananatili ang mga kable, magpaparaya ang langit
na waring kasalan sa nayon kapag linggo,
at pagkaraan ay maglalaho nang ganap.

Alimbúkad: Poetry beautiful, poetry so cool. Photo by Vincent van Zalinge @ unsplash.com

 

Marina, ni T.S. Eliot

Salin ng “Marina,” ni T.S. Eliot ng USA at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Marina

Ano ang pook na ito, anong
rehiyon, anong panig ng mundo?

Anong dagat anong pampang anong abong bato at anong isla
Anong tubigan ang kumakandong sa proa
At samyo ng pino at ang pipit ay umaawit sa ulop
Anong hulagway ang nagbabalik
O aking anak.

Silang naghahasà ng ngipin ng áso, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang kumikinang sa kadakilaan ng kulagu, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nakaupo sa bakod sa kaluguran, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nagdurusa sa luwalhati ng mga hayop, na nangangahulugang
Kamatayan

Ay nagiging ampaw, na pinarurupok ng hangin,
Ang hininga ng pino, at ang lawiswis ulop
Na sa kabunyiang ito ay nalulusaw sa pook

Ano ang mukhang ito, malabo-labo at higit na malinaw
Ang pitlag sa bisig, mahina-hina at higit na malakas—
Bigay o hiram? Higit na malayo sa mga talà at kay lapit tingnan

Bulungan at hagikgikan sa mga dahon at nagmamadaling paa
Na nahihimbing. Na tagpuan ng lahat ng tubigan.

Nabiyak na bawpres sa yelo at pinturang inagnas ng init.
Nilikha ko ito, nakalimutan
At nagugunita ko.
Ang marupok na lubid at ang naaagnas na kambas
Sa loob ng isang Hunyo at isa pang Setyembre.
Ang lumikha nitong katangahan, halos malay, lingid, na angkinin ko.

Tumatagas ang tabla ng bangka, dapat tapalan ang mga gilid.
Ang anyong ito, ang mukhang ito, ang buhay na ito
Umiiral para mabuhay sa mundo ng panahong higit sa akin, hayaang
Isuko ang búhay ko sa ganitong búhay, ang wika ko sa di-masambit,
Ang gisíng, bukang labì, ang pag-asa, ang bagong mga barko.

Anong dagat anong pampang anong granateng isla tungo sa aking
. . . . . kahuyan
At ang pipit ay sumisipol paloob sa ulop
Aking anak.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Khamkéo Vilaysing

Mga Resolusyon, ni Robin Fulton

Salin ng “Resolutions,” ni Robin Fulton ng Scotland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Resolusyon

Buong araw na tumindi ang pang-aalipin ng simoy.
Nagigising ako sa madaling-araw, sa mga bubungan,

sa nagyeyelong dagat ng kapanatagan, habang doon
sa ibaba’y pumapatak ang unang niyebe sa kalye.

Ang simoy ng ibang planeta’y lumapag sa mundo,
malupit nating sinisinghot ang mga batong pamilyar.

Walang puwang para sa lamán. Kaluluwa at buto’y
nagtatagisan, naiipit ang tibay ng loob, at umaawit:

‘Dapat bang gayon?’ Marahil gayon nga, marahil ito’y
tumatalbog gaya ng bola sa munting silid na walang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .bintana.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Learn from the master.

 

 

Inaasahan, ni Necip Fazil Kısakürek

Salin ng “Beklenen,” ni Necip Fazil Kısakürek ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Inaasahan

Hindi mahihintay ng maysakit ang umaga,
Hindi mahihintay ng libingan ang yumao,
Hindi mahihintay ng demonyo ang maysala,
Gaya nitong paghihintay ko para sa iyo.

Ayokong dumating ka, ngayon ko lang naisip.
Natagpuan kita naglaho ka man kung saan.
Iwan mo ang aninong hindi dapat mahindik.
Huwag ka nang magbalik, wala na iyang saysay.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Rostyslav Savchyn @ unsplash.com

Panaginip at Mata, ni Orhan Veli

Salin ng “Rüya,” ni Orhan Veli (Orhan Veli Kanik) ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Panaginip

Nakita ko si Nanay sa aking panaginip.
Nagising akong humahagulhol.
Ipinagunita nito sa akin ang isang umaga
noong pista—
nakatitig ako sa lobong hinigop ng langit
habang ako’y iyak nang iyak.

Join Alimbúkad in its online world poetry revolution for humanity. Photo by Chirag Nayak @ unsplash.com

Salin ng “Gözlerim,” ni Orhan Veli (Orhan Veli Kanik) ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Mata Ko

Mga mata ko,
nasaan ang mga mata ko?

Kinuha ng satanas para ipagbili;
at nang umuwi, siya’y bigô at nalugi.

Mga mata ko,
nasaan ang mga mata ko?

Alimbúkad: Timeless poetry for humanity. Photo by Sharon McCutcheon.