Ikalabingwalong Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálabíngwalóng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Ang pilandók ay umíinóm; umíinóm ang pilandók. Ang pilandók ay umíinóm sa gílid ng bambáng. Ang pilandók ay umíinóm sa gílid ng bambáng na kinaróroónan mo. Ang pilandók ay maáarìng náuúhaw kayâ náritó’t umíinóm sa gílid ng bambáng, na warì bang íbig malasíng sa pámbihiràng álak hanggáng mamatáy. Sinamyô ng pilandók ang túbig, pagdáka’y tumítig sa túbig. Ang pilandók na tumítig sa túbig ay tumápak sa túbig. Ang pilandók ay hindî na pilandók na tumítig sa túbig nang tumápak sa túbig. Ang pilandók na tumálikód o tumuwád o tumágilíd sa haráp mo ang pilandók na pandák na sinásalamín ng túbig, ngúnit hindî itó manánatíling háyop na pumikít-dumílat sa haráp ng túbig. Pilandók na mabangís, pilandók na mailáp, pilandók na maútak, káhit anó pa ang itáwag sa háyop na itó ang sásagápin ng mga matá, ang ípapások sa guníguní, ang lúlutûin sa pábriká ng ísip, hanggáng máibalík sa haráp mo sa pamámagítan ng mga salitâ. Ang pilandók na natabúnan ng mga dáhon, ang pilandók na may palasó o bála na nakábaón sa tagilíran, o kung hindî’y nagíng sanlígan ng palumpóng, ang posíbleng tagurîáng kaawâ-awâng pilandók na dugûán na isáng malíkmatá hábang igínugúhit nang kisápmatá sa kámbas, ipípiít sa kuwádro pára mabigông makatákas nang págpistahán ng milyón-milyóng matá, títig, tanáw. Ikáw na nása bambáng at kapíling ang pilandók, anó ang íbig sabíhin kapág may pumitlág sa tuktók o sa pusò’y kumurót? Kailángang makíta mo ang pilandók bílang pilandók ngúnit lampás sa kúmbensiyón ng pilandók at kurál ng mga háyop na malímit at paúlit-úlit igínugúhit ng pinsél sa íisáng hágod, testúra, at kúlay. Ang pilandók sa retráto ay maáarìng ang kagubátan sa anyô ng lúmalápad na daán túngong desyérto o eksótikóng náyon. Ang pilandók ay háyop, ngúnit háyop na salitâ at may kákayaháng magíng tulâ. Ang pilandók ang Kípot Balabák na tinawíd mo nang hindî napápansín, sapagkát maáarìng napáidlíp ka kung kailán dápat gisíng na gisíng sa gitnâ ng paglálayág. Hindî ka man nakakíta noón ng pilandók ay hindî máhalagá; ang pilandók na umíinóm ngayón sa gílid ng bambáng at abót-kamáy mo ang uúbos at uúbos sa iyóng katátagán, na maibábalangkás sa maíiklîng pangungúsap at paláugnáyang napakakúnat. Pumikít, at hayàang lupígin ka ng pilandók, bágo mo luráyin at itilápon kung saán ang anumáng eleméntong walâng silbí o kaugnáyan sa kaniyáng nakatútuliróng tínig at hulagwáy.

Alimbúkad: Epic blinding poetry rocking the world. Photo by Joe on Pexels.com

Pulo ng Tuktok, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Tuktók

Roberto T. Añonuevo

Humahángos ang laksâ-laksâng táo na warìng hinahábol ng mga bála at mísil, ni hindî alíntanà kung mawalâ kung saán ang sapátos o tsinélas. Lumulúkob sa kanilá ang úsok, dágim, at alikabók na párang nágbabáwal sa sinúman na lumangháp ng sariwàng símoy. Ngumángawâ ang mga batà, at sumísigáw ang mga luhà ng matátandâ na ni hindî makábigkás ng katagâ. Iníwan nilá at mulî’t mulîng iíwan ang kaní-kaniláng báhay, mágtatagò sa mga líhim na búnker ngúnit tatákas pagdáka úpang humimpíl pánsamántalá sa simbáhan o páaralán o ospitál, gagawíng agáhan ang lagím ng pulbúra o láson at pagsápit ng takípsílim ay magháhapúnan ng dasál o poót lában sa puwérsang nang-aágaw ng pangálan at lupaín, nagkákaít ng pagkilála at pagkáin, nágbuburá ng kasaysáyan o katwíran pára mabúhay. Itó ang matútunghayán mo kapág pinálad na makádaóng sa Pulô ng Tuktók. Doón, ang mga táo ay itínutúring na hindî táo bagkús numéro, itinátalâ sa estadístika ng mga sanggól at bakwét, binibílang na nasawî o sugatán sa  loób ng pupugák-pugák na ambúlansíya, malímit sinusúma bílang rebélde o terorísta o kaáway na tinútumbasán ng bilíbid o embárgo, ngúnit hindî kailánman itutúring na kapatíd o kaibígan. Sapagkát sa Pulô ng Tuktók ay nangíngibábaw ang ideolohíya at lahì, at ang mga dî-kapanálig ay nararápat na itabóy sa pamámagítan ng batás o armás o síning o aghám. Iisá ang pananálig na dápat manaíg, wiwikàin ng mga balità at opinyón sa mga páhayagán. Nabibílog ang úlo ng pilîng lahì sa Pulô ng Tuktók, na pára bang iisá lang ang karápat-dápat na magíng anák ng Maykapál, nabibílog gáya ng bólang kristál ng mga demagógong henerál at demonyóng politíko, na kinákampihán namán ng ibá pang máykapángyaríhan mulâ sa ibá’t ibáng kakampíng pulô. Ang nakapágtataká’y hindî maúbos-úbos ang mga bakwét at refúhiyado. Ang sinúmang mautás sa kanilá’y isisílang pagkáraán ng tadhanà bílang bayáni o martír, na mabúbuwísit sa tinamóng abàng kalagáyan at tatanggí na magíng paláboy ng karáhasán hábambúhay. Háharapín niyá ang dambúhalàng tangké at púpukulín ng bató na nakabálot sa tulâ, walâng tákot kung tutúkan man ng ríple o armaláyt, sapagkát álam niyáng paúlit-úlit siyáng mabubúhay hanggá’t may pang-estádong pándarahás na ginágatúngan ng pangáral ng Sagrádong Aklát at sarádong útak. Sa Pulô ng Tuktók, mawáwalâ ang íyong tákot o pangambá umulán man ng mga bála o granáda sa sandalîng hanápin mo at matagpûan ang minámahál mo. Sapagkát makákapíling mo roón ang mga táo na isinílang sa digmâan at yumayáo nang dilát sa digmâan, ang mga táo na gáya mo’y lunggatî ang kapáyapàan. Báwat salínlahì nilá’y may saríling salaysáy hinggíl sa ubusán ng lahì at pataásan ng ihì, na hindî man maísaaklát (dáhil ipinágbabáwal) ay isasálin nang isasálin na párang agímat sa mga bibíg na magsasálin sa ibá pang bibíg úpang mariníg at pakinggán at damhín ng daigdíg. Itúturò sa iyó ng mga táo, tawágin man siláng bakwét o refúhiyado, na ang sakít ng kalingkíngan ay sakít ng katawán at hindî guníguní lamang—na hindî malúlutás sa pagpútol ng matálas na guntíng o sa paghiwà ng sagrádong patalím. Ang pangwakás na digmâan ay nasá Pulô ng Tuktók, at doón, líliwaywáy sa iyóng kamálayán ang wagás, ang rubdób na higít sa saríli at sa músa mong iniírog.

Alimbúkad: No to war. No to occupation. Yes to humanity. Yes to poetry. Yes to poetry solidarity against intolerance, racism, and injustice. Photo by Tobias Bju00f8rkli on Pexels.com

Pulo ng mga Mata, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Matá

Roberto T. Añonuevo

Pámbihiràng manlinláng ang mga matá, at itó ang itúturò sa iyó ng Pulô ng mga Matá. Láhat ng makikíta mo ay paniníwalâan mo; lahát ng di-nakikíta ay pagdúdudáhan mo. Ang mga matá, na umaárok sa mga kúlay, ay kakatwâng hindî maíiwásang ikulóng ka sa dalawaháng pánig na ítim at putî. Párang íntoleránsiyá, itó ang titíisín ng sinúmang táo na hindî másikmurà ng kaniyáng kapuwà táo dáhil sa itsúra o kúlay o pananálig o lahì. Párang pándarahás, ito ay may matindíng pág-iimbót na gawíng kasangkápan sa kalugúrang seksuwál ang sinúmang táo o alinmáng bágay. Karaníwan ang salamángka at pelikúla sa Pulô ng mga Matá, at kailángan ang mga itó pára sa presérbasyón ng kapáyapàan. Halimbawà, ang ísang báso ay nagbábanyúhay na dinosáwro kapág tinamàan ng sínag. Naíbabalík sa plása ang siglá at pagkámalikhâin ng mga yumáo, at mapápanoód mo kung paáno mag-ísip sa ahédres si Paul Morphy at si Wesley So, bagamán magkáibá ang kaní-kaniyáng panahóng pinágmulán. Malilibúgan ka dáhil sa iyóng sinisílip o tinítitígang pornógrapíkong tanáwin, ngúnit dáhil hindî marúnong magmahál ang paningín, kailángang imbéntuhín ang sarì-sarìng paraán ng pagsípat sa ibá’t ibáng anggúlo, kayâ ang dáting itínutúring na karimá-rimárim at malupít ay maaarìng mag-anyông humíhikbîng anghél. Ang ísang binánsagáng pangúlong salarín ay kay bilís idisényong martír. Walâng pang-amóy sa Pulô ng mga Matá, at hindî nitó makúkutubán ang papáratíng na pelígro o disáster. Mauúso roón ang ibá’t ibáng salamín o gamót para sa mga matá, at isáng káugalìan ng mga táo na bumilí ng teleskópyo o salamín o lénte upang gamítin sa daráting na panahón—at unáhan ang ináasáhang pánlalabò ng paningín o pagkabúlag o pangúnang konsúlta sa optalmólogo. Ngúnit kapág dumatíng sa pantalán nitó ang halimúyak na gáya ng tagláy ng íyong mahál o ang musíka niyáng sakáy ng hángin (na agád mapápansín ng mga di-katútubò sa Pulô ng mga Matá), hindî nitó magágagáp ang lálim at láwak ng talínghagà o pahiwátig sapagkát imbísiból at lampás sa itinátadhanà ng solído at tatlóng diménsiyóng grapíko. Magtatágis ang mga kílay sa Pulô ng mga Matá, úpang págkaraán ay iluhà nang palihím ang hindî káyang hulíhin: Naríriyán ngúnit tila lumálabág sa mga batayáng prinsípyo ng paningín—na isáng masakláp na pangitàin.

Alimbúkad: Poetry Filipinas subverting the world. Photo by Jeffrey Czum on Pexels.com

Kapag sumasalpok sa aking bungo ang simoy, ni Boris Vian

Salin ng “Quand j'aurai du vent dans mon crane,” ni Boris Vian   ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Kapag sumasalpok sa aking bungo ang simoy
  
 Kapag sumasalpok sa aking bungo ang hangin
 Kapag binalot ng lungting lumot ang aking mga buto
 Aakalain mong nakita ang ngiting matamlay
 Ngunit higit ka lamang na magugulumihan
 Dahil nahubad ko na 
 Ang kaligirang plastik
 Plastik tik tik
 Na ang mga daga’y nginangata doon
 Ang aking mga laruan, ang pampatalas ng memorya
 Ang aking mga binti, binabalatan ang aking bayúgo
 Ang aking mga hita, ang puwitan
 Na inilalapat ko sa upuan
 Ang aking mga fistula, ang aking buhok
 Ang mga asul na matang kaakit-akit
 Ang matitigas, pantay na panga
 Na ginamit ko sa pagsakmal sa iyo
 Ang matangos na ilong
 Ang aking puso ang aking atay——mga kahanga-hangang
 Bagay na bumubuo ng katanyagang likha ng pangalan ko
 Sa piling ng mga duke at dukesa
 Sa piling ng mga abad at asno
 At ng mga tao na kasama sa hanapbuhay
 Hindi ko na muling tataglayin pa
 Itong munting malambot na posporo
 Itong utak na nagsisilbi sa akin
 At nagbababalang tatakas ang búhay
 Sa mga lungting buto, ang hangin sa moldeng ito
 Ay, nabatid kong sadyang napakahirap ang tumanda. . . . 
Alimbúkad: Living poetry for humanity. Photo by Jonathan Borba on Pexels.com

Hugis at Pag-ibig, ni Kalilah Enriquez

 Salin ng “Shapes,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Hugis
  
 kung ang mga puso’y
 may hugis lámang ng mga bituin
 at káyang maghayag ng kalidad
 ng bituing-dagat
 upang pasuplingin muli
 ang naglahong bahagi
 sa sandaling ito’y mabakli
  
 Salin ng “Love You to Life,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sabik Magmahal
  
 Heto ang aking mga lalaki.
 Makasarili ako sa piling nila
 at labis na mapagsanggalang
 sa atas ng pangangailangan.
 Nanaisin kong sabihin nilang
 ibig nilang mabuhay para sa akin
 kaysa mamatay para sa akin.
 Mamahalin ko sila habambuhay
 hangga’t makakaya ko.
 At kung hahayaan nila ako’y
 itatrato sila nang mabuting-mabuti.
 Bubusugin sila ng pagkain habambuhay
 at iibigin nang hindi nila naranasan noon.
  
 Ngunit malimit nila akong iniiwan
 kayâ mahigpit akong nakakapit sa isa
 hanggang maglaho rin siya. 
Alimbúkad: Rebuilding life through poetry. Photo by Mark Walz on Pexels.com

Ang Lungsod, ni Jaime Saenz

Salin ng “La ciudad,” ni Jaime Saenz ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lungsod

Para kina Blanca Wiethüchter at Ramiro Molina

Sa usok at sa apoy, maraming tao ang naumid at natahimik
sa kalye, sa kanto,
sa mataas na lungsod, nagninilay sa kinabukasan sa paghahanap ng nakalipas
—maliligoy na bituka, kidlat ng gabi,
sa matang mapagsiyasat, ang mga meditasyon ay nauuwi sa pagdurusa.

Sa ibang panahon, may silbi ang pag-asa at ligaya—di-nakikita ang agos
. . . . . .ng panahon,
at ang karimlan, na di-nakikitang bagay,
ay mabubunyag lámang sa mga infinitong matatandang nangangapa para damhin
. . . . . .kung hindi ka kabilang sa kanila,
habang kinakapâ ang ilang batang iniisip nilang ramdam nila, kahit ang mga paslit
. . . . . .na ito’y dama sila at nalilito sa piling nila, dinadama ka,
gaya sa pag-iisa na mararamdaman ang balabal ng dilim na nilalá sa di-maarok
. . . . . .na pighati ng ilang naninirahan,
namatay at nawala sa transparenteng karimlan na lungsod na aking pinaninirahan,
pinanirahan na lungsod sa ubod ng aking kaluluwa na tinitirahan ng isang naninirahan,
—at gaya ng lungsod na hitik sa mga siklab, hitik sa mga bituin, hitik sa mga apoy
. . . . . .sa kanto ng mga kalye,
punong-puno ng mga karbon at alipato sa hangin,
gaya ng lungsod na maraming nilalang, mag-isa at malayo sa akin, kumikilos
. . . . . .at bumubulong
na may kapalarang lingid sa kalangitan,
na may mga mata, may mga idolo, at may mga batang dinurog ng gayong kalangitan,
na wala nang búhay na higit sa búhay na ito, na wala nang panahon na higit
. . . . . .sa panahong ito,
na naipit sa matataas na pader ng apoy at paglipol, nagduruyan sa pagsuko,
impit na impit na hinihikbian ang papalubog na lungsod na ito.

At walang anghel o demonyo sa ganitong balón ng katahimikan.
Tanging mga apoy na nakahanay sa mahahabang kalye.
Tanging malalamig na hubog ng mga anino, at pagkabato ng araw na umurong.
Ang hininga ng liwayway na sisilay sa huling sandali, ang mga umiingit na pinto
. . . . . .sa hangin,
ang mga hanggahang nabibiyak at kumakalat at mga anyong nakikisanib sa apoy,
ang mga signo at awit,
na may ilahas na panggigipuspos, sa lupa at lampas sa lupa,
at sa hininga ng mga patay, ang walang humpay na ulan,
ang pagtanggap na lásang tinapay, sa bahay na sinusundan ako tuwing nananaginip,
ang mga patyo at baitang, ang mga laláng at bato, at ang mga bulwagang walang wakas,
ang mga bintanang nagbubukas sa kahungkagan at pumipinid sa pagkagitla,
ang mga silid na kinababaliwan ko at ang mga sulok na aking pinagtataguan
—ang maiitim na dingding at basang lumot, ang mga himpilang hinahanap ko
. . . . . .ang kung anong bagay,
ang pinagkukublihan ng sarili mula sa alingasaw ng bantot ng nakaugalian.

Walang tinig, walang liwanag, walang testimonya ng aking dáting buhay.
Tanging mga apoy,
walang kamatayan bagaman habang-panahong kumukutitap, at tanging mga apoy.
Ang malamlam na pangitain ng multo na minsang tinaguriang kabataan
—sa aking lungsod, sa aking tahanan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Geziel Esteban, titled “La Paz, Bolivia.”  Unsplash.com

Pabula ng Sirena at mga Lasenggo, ni Pablo Neruda

Salin ng “Fabula de la suena y los borrachos,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pabula ng Sirena at mga Lasenggo

Lahat ng tigulang na lalaki’y naroroon sa loob
nang pumasok siya, hubad na hubad.
Nag-iinuman sila, at sinimulan nilang duraan siya.
Dahil galing sa ilog, ni wala siyang naunawaan.
Isa siyang sirenang naligaw sa patutunguhan.
Umagos ang mga insulto sa kumikislap niyang balát.
Natigmak sa pambabastos ang bulawan niyang súso.
Lingid sa kaniya ang pagluha kaya hindi siya umiyak.
Lingid sa kaniya ang pananamit kaya hindi nagdamit.
Pinasò siya ng mga sigarilyo at nagbabagang tapón,
at napagulong sa katatawa ang mga nasa taberna.
Hindi siya umimik dahil banyaga sa kaniya ang wika.
Mga mata niya’y kakulay ng malayong pag-ibig;
mga braso niya’y katumbas ng kambal na topasyo.
Kumislot ang kaniyang labì sa liwanag ng korales,
hanggang sukdulang lumabas siya sa pintuan.
Nang lumusong sa ilog ay iglap na dumalisay siya,
at muling nagningning gaya ng batong naulanan;
at muli siyang lumangoy nang hindi lumilingon,
lumangoy tungo sa kawalan, sumisid sa kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Wala sa Loob, ni Naomi Shihab Nye

Salin ng “Missing It,” ni Naomi Shihab Nye ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Wala sa Loob

Noong tinedyer ako, nagbiyahe ang pamilya ko nang ilang daang milya mulang Texas hanggang Grand Canyon, huminto sa maliliit na motel at kainan sa Route 66, para bumili ng tsaa at lemonadang nasa malalaking baso na makapagpapasigla. Para sa akin, dapat na nagbasá na lamang kami ng mga aklat-patnubay hinggil sa Grand Canyon sa loob ng kotse, ngunit nagbasá yata kami ng mga nobela, diyaryo, at magasin, at si Nanay ay patuloy sa pagsagot sa mga palaisipang krosword, at malimit tanungin kami hinggil sa mga esoterikong tatluhang-titik. Sa himpilan sa gilid ng lansangan, isang putakti ang kumagat sa leeg ng kapatid kong lalaki. Aniya’y bubuyog iyon, ngunit ang nakita ko’y PUTAKTI. Namagâ ang leeg niya. Nabahalà ang mga magulang namin. Hindi pa siya nakarating sa langit, gayunman, gaya noong minsang kagatin ako sa leeg ng PUTAKTI. Nang sumapit kami sa aming destinayon, namalayan kong nakayakap ako sa malambot, mamasâ-masâng unan doon sa likod ng sasakyan at nananakit ang ulo. Niyugyog ako ni Tatay, at pinabangon para sumilip at tumanaw, at sa isang saglit ay hindi ko matandaan kung nasaan kami at kung bakit naroon. Mahilo-hilo ako sa alimpungat at gusót ang mga damit. Pasuray-suray akong naglakad sa gilid ng Great View at napansin ang isang lalaki doon sa ibaba na hila-hila ang nakataling rakún. Napukaw ako nito. Waring nakatingin sa nakalululang tagaytay ang rakún, na nakangusò. Luminga-linga ito at umamoy-amoy, umupo nang tila nag-iisip, at pinagdaop ang harapang mga paa. Tahimik akong pumaling sa kanilang direksiyon. Umusal sa rakún ang lalaki, gaya ng “Nakatanaw na ba tayo nang higit na maganda pa rito, kaibigan?” At tumingala ang rakún sa kaniya at ngumiti. Lumikot marahil ang guniguni ko mula sa pangingirot ng ulo. Kumaway ako sa aking pamilya para samahan ako sa kinalulugaran, ngunit lumipat sila ng puwesto, tungo sa higit na magandang anggulo sa pagitan ng mga punongkahoy. Narinig ko ang sigaw ng aking nanay, “Ang lalim! Anung lawak!” Subalit marami akong tanong na ibig ipukol sa lalaki, gaya ng “Gaano na kayo katagal magkasáma, saan mo siya nakuha, naiisip mo bang ibalik siya sa kaniyang lipi, ngumiti ba talaga siya,” atbp. Napatitig na lámang ako tungo sa pagmumuni sa malayo. Hindi magandang sirain pa ang tagpo. Pagkaraan, habang nagmamaneho pauwi, nagtatalo ang pamilya ko kung dapat na lumusong sa tagaytay sakay ng asno o hindi, kung dapat bang bumisita sa higit na maraming magandang tanawin o maglakad nang may patnubay, kung dapat na nagtagal kami sa pamamasyal, humanap ng motel na matutuluyan, at kung ano-ano pa. Nabatid kong ni hindi ko napansin ang mga saráy ng bato, o ang buong lawak ng Grand Canyon. Nakita ko lámang ang rakún.

Pag-ibig at Pakikibaka, ni Roque Dalton

Salin ng “Poeticus Eficacciae” at “Tercer Poema de Amor,” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Poeticus Eficacciae

Mahuhusgahan mo
ang subók na baít ng politikong rehimen,
ng politikong institusyon,
ng politikong tao,
sa antas ng panganib na pumapayag yaong
sipatin nang maigi sa anggulo ng pagtanaw
na nagmumula sa satirikong makata.

Pangatlong Tula ng Pag-ibig

Sinuman ang nagwika sa iyong hindi pangkaraniwan
ang pag-ibig natin dahil bunga ng hindi pangkaraniwang
pangyayari,
sabihin sa kaniyang nakikibaka tayo upang ang pag-ibig
gaya ng sa atin
(ang pag-ibig sa piling ng mga kasáma sa pakikidigma)
ay maging pinakakaraniwan at karaniwan,
na halos ang tanging pag-ibig sa El Salvador.

Monumento, ni Roberto T. Añonuevo

Monumento

Robeto T. Añonuevo

Matatayog na basura, gunita kayo ng matatangkad
na bisyon, at ngayon ay ultimong bakas ng polusyon.
O yaon ay guniguni lamang ng bulag na si Borges?

Nabása marahil ito ng Komandante, at kung ang Cuba
ay Filipinas, ang rebolusyon ay pagtanggi sa parangal
na magpapasikip sa rotunda o plasa ng mga palaboy.

Sementeryo ang bantayog. Kung hindi kayo mga multo,
bakit iihian ng askal o dudungisan ng aktibista’t tambay?
Kulang para sa tindahan o terminal ng mga sasakyan,

memoryal kayo ng isla o kalabisan, ang palatandaan
kapag naliligaw, ang kabayanihan sa aming natatakot
humawak ng baril at laging tangan ang bagong selfon.

Ngunit babalâ kayo para sa inaasahang kapahamakan,
dulot man ng bagyo o sunog o digma, at tinatanggap
namin ang henyo ng eskultor o kontratista na kumikita

para iresiklo ang mga kamalayang lumulutang sa baha,
tinatabunan ng banlik at putik, at kung sakali’t magbalik
ay hindi mauunawaan ng mga batang naglalaro sa titik.

Pana-panahon kayong nililinis para ulanin ng bulaklak,
at kung minsan ng awit at tula at dula, sa selebrasyon
ng mga politikong artista o sotang bastos ng burukrata.

Sapagkat kayo’y mahal ngayon, at magmamahal lalo
kung artefakto ng kolektor: ang dambana ng papuri,
ang listahan ng pangalan at patina sa tansong tagumpay.

Kung ituring man kayong bilangguan ng dakila’t bathala
ay ano’t hindi namin ikinasisiya ang luwag at aliwalas?
Kahit ang gamot ay nagiging lason sa wika ng hinaharap.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!