“Awit ng Taglagas sa Tagsibol,” ni Rubén Darío

Awit ng Taglagas sa Tagsibol

salin ng “Cancion de Otoño en Primavera,” ni Rubén Darío.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kabataan, ang dibinong kayamanang
maglalahò at hindi na magbabalik!
Ibig ko mang lumuha pa’y itong taglay
Ng puso ko’y walang lakas na tumangis. .  .

Ang puso ko’y lubhang hitik sa bituing
Marami ang kasaysayang di masabi—
Siya’y paslit sa daigdig na ituring
na pasakit at magdusa’y anong dami!

Purong sinag siyang tuwa sa umaga
at may ngiti ng bulaklak pagkaambon;
Buhok niya’y tila gabing tinamasa
ang karimlan at kalisúd na umahon.

Mahiyain at tahimik, ako’y paslit
na di kayang gawin yaong ibang kási.
Pag-ibig ko sa kaniya’y abot-langit:
Ang tambalang Erodiyas at Salomé. .  .

Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayong

Ang kabila’y higit namang sensitibo
mapayapa, mapagmahal, at matatag
Taglay yaong pagnanais na matamo
ang pag-ibig na mahirap nang matuklas.

Sa kabila ng kaniyang kahinhinan
Kung umibig siya’y ano’t isang lihim:
Ang patadyong niyang suot na makulay
ay nagkubli ng babaeng nababaliw. . .

Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayon.

Ang labi ko ay ninasa niyang kunin
At nabuwang naman ako nang tumusok
Sa puso ko ang kaniyang mga pangil—
walang hanggan ang kaniyang halik, yapós.

Libog niya ay tila ba lumalabis;
Puso niya ay lagablab sa buhay ko;
Bawat haplos niyang mula nang magtalik
Ay hanggahang walang tuldok sa espasyo.

Inakala niyang walang pagkaluoy
yaong aming lamán, mula sa Lemlunay;
Di inisip kung maglaho sa tagsibol
ang kay-raming bulaklak na makukulay.

Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayon.

At ang iba! Sa maraming klima mula
Sa malayong mga pook at lupalop
Ay palabas nitong aking mga tugma
Ang pangarap na babaeng niloloob.

Hinanap ko ang prinsesa ngunit bigo,
At naghintay nang naghintay siyang hapis.
Ang tadhana ay malupit, pumapasò.
Di darating ang prinsesang umaawit.

Ngunit kahit makulimlim ang panahon,
Ang pag-ibig sa kaniya’y walang maliw.
Ubanin man ako’y handang makalikom
niyong libong rosas doon sa may hardin.

Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayon.

Akin pa rin, gayumpaman, ang Liwayway!

Advertisements

Pagbabanyuhay, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Transformations” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagbabanyuhay

Para kay F.X. Salda

Naghunos na palumpong sa tagsibol ang binata,
At ang palumpong ay naging pastol na bata,
ang manipis na buhok ay naging kuwerdas ng lira,
ang niyebe’y naging yelo sa sapin-saping hibla.

At ang mga salita’y naging tandang-pananong,
Ang karunungan at katanyagan ay pileges sa noo,
At ang mga kuwerdas ay naging manipis na buhok,
Ang bata’y nagbanyuhay sa pagiging makata,
Ang makata ay nagbanyuhay muli sa ibang anyo,
At naging palumpong na kaniyang hinimlayan
Nang umibig sa kagandahang kaniyang iniyakan.

Sinumang umibig nang lubos sa kagandahan
Ay mamahalin iyon sumapit man ang kamatayan,
Magpapasuray-suray doon nang tila tuliro,
Sa ganda na may mga paa ng balani at hinhin
Sa sandalyas na kaylambot gaya ng pinong seda.

At sa ganitong pagbabanyuhay, ang gayuma
ang bibigkis sa kaniya sa pag-ibig ng babae;
ang isang saglit ay sapat na, tulad ng singaw
sa tugon sa sitsit o hishis, matapat sa alkimista
at bumubulusok na patay na kalapating tinudla.

Mabuway ang katandaan kapag wala ni tungkod,
Ang tungkod na naghuhunos sa alinmang bagay
Sa walang katapusan at kagila-gilalas na laro,
Marahil ay magiging mga bagwis ito ng anghel
Na kumakampay habang pumapaimbulog sa langit:
Walang lawas, walang kirot, singgaan ng balahibo.

Engkuwentro, ni Alex Skovron

salin ng tulang tuluyan ni Alex Skovron.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang panahong iyon, ani Turgenev, na ang pagsisisi ay gaya ng pag-asa, at ang pag-asa ay gaya ng pagsisisi, at pumanaw ang kabataan bagaman hindi pa sumasapit sa pagkatigulang. At mailap sa atin ang mga pakahulugan, nakadapo sa likod ng ilusyon ng salamin, at kumakawala ang mga katwiran, at ang mukha ay naghuhunos na katwiran, at ang katwiran ay basta makapangatwiran. Higit sa paliwanag ang ilang bagay, na ang sinisikap nating mahalukay ang siya nating ibig kalimutan, at kalimutan ang pinaghihirapan nating tandaan. Pagsapit sa mga lalawigan, anung gaan ang pag-akyat sa talampas sa lilim ng makukutim na ulap, anung gandang salungatin ang nilimbag na bangin ng maingay na kapatagan. Ngunit ang lungsod ng gunita ay nakatimo sa likod ng hulagway ng langit—tulad ng dambuhalang sasakyang biglang iniladlad pababa, padausdos sa kahanga-hangang kisame sa likod ng bakood, na ang gilid na ilalim ay tampok ang nakapangangalisag na hubog at sirkito—upang uyamin tayo sa walang hanggang ringal, o tawagin tayo sa paglalakbay na walang balikan. Ngunit kapag tayong nakinig ay hindi banyaga ang musika; kilala nito tayo hanggang kaloob-looban. Magpapaikot-ikot tayo, magsisisi at mag-aasam, makikibaka upang upang tuklasin ang solidong bahagi sa pagitan ng ilog at batuhan. Kapag muli tayong tumingala, maglalaho ang monolito. Kakalmutin natin ang himpapawid para humanap ng dahilan at magpapalit-palit ng kahulugan. Sasambahin natin ito, at tatawaging Maykapal. O pipiliing pumagitna, gaya ng winika ni Montale, sa pag-unawa ng wala at labis; ang lalawigan ng makata o nating lahat.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883. Dominyo ng publiko.

Maraming Mansiyon ang Tahanan ng aking Ama, ni Michael Hofmann

Maraming Mansiyon ang Tahanan ng aking Ama

Sino ang makapagsasabing nakatakda tayo sa isa’t isa,
ang aking ama at ako, naglalakad sa labas, magkadaop
ang mga palad sa likod gaya ng iminungkahi ni Goethe?

Napatungó tayo sa mabibigat na sulyap—ang hinaharap,
ang kalang sa bangketa na naroon ang sapatos natin. . .
Sa panig mo, malakape, marikit, lumalagitik na takong;

at sa akin, ang internasyonal, libaging gomang pantenis—
nakikita ngunit hindi naririnig—na mula sa kilos-protesta.
Napailing si Ina nang silipin tayo sa kaniyang bintana.

Higit na matangkad at mabilis ako ngunit maingat:
kabado, malabis, mapagtiis, pagdaka’y bumagal ako’t
yumukod sa iyo. Ibig kong makibahagi sa iyong buhay.

Mamuhay sa iyo sa iyong inuupahang silid sa Ljubljana,
ang ikalawa mong adres: mag-usap at magbasa ng aklat;
makilala ang mga nobya mo, maikli’ng buhok, itim, matabil;

mamili sa supermarket sa pamamagitan ng pulahang salapi;
makipisan sa mga langgam sa kusina, sa silid na hungkag,
sa palyadong gripo ng taglamig. Pagpapakababa ang pamilya

at pananagutan. . . Ang tatlong hakbang sa iyong pintuan
ay tatlong hakbang sa langit. Ngunit pagdalaw lamang ito.
Sa parti ng iyong mga estudyante—ang aking binyag—

tinungga ko nang maringal ang isang baso ng slivovica.
Pagkaraan ay wala. Ibig ko na ang pinaghalo mong hinanakit
at pagmamalaki sa akin ay umabot sa alok ng igwalidad.

Ang paroroonan ba ng pagiging ama ay tanging payo. . . ?
Sa rurok ng paglago, ang mga palumpong sa gilid ng daan
ay kumaskas sa iyong kotse, at humiklat sa salamin sa gilid.

Bawat taon, ang mabunying siruwelo sa iyong halamanan
ay sinosorpresa ka sa maliliit, nangabubulok nitong bunga.

salin ng tula ni Michael Hofmann.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Silip, kuha ni Bobby Añonuevo.

"Silip," kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Isang Silanganing Awit ni Allen Ginsberg

salin ng tulang “An Eastern Ballad” ni Allen Ginsberg
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ISANG SILANGANING AWIT

Winika ko ang pag-ibig na nasagap:
Na matapat itong buwan kahit bulag;
Kumikilos kahit iba yaong loob.
At kalinga sa kaniya’y nagpalungkot.

Di inisip na ang dagat ay malalim
At maitim ang lupain; sa paghimbing,
Muli akong naging isang batang paslit.
Nang magising ay ilahás ang daigdig.

Larawan mula sa public domain photos.com. Kuha ni Jon Sullivan.