Ibig kong makatipan sa hardin ang minamahal

Salin ng tula ng anonimong makatang Berber ng Morocco,  batay sa bersiyong Ingles ni Willis Barnstone
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ibig kong makatipan sa hardin ang  minamahal

Ibig kong makatipan sa hardin ang minamahal
sa palibot ng mga pabelyon na maririkit ang unan.
Nasa gitna nito ang mga puwente, at ang tubig
ay sumisirit na waring sariwang gatas.
Pinariringal ng ruwisenyor ang halamanan
at ang mga punong peras na pito ang kulay
sa anyo ng nakababalaning awit.

Isang binata ang labas-masok sa iba’t ibang silid
nang napakaelegante.

Napigtal ang mga sanga ng hasmin.

Katabi ang aking kaibigan habang nakaupo,
ako ay gagaling, at mapagagaling.

Advertisements

“Pagtitipan kay Natasha,” ni Baek Seok

Pagtitipan kay Natasha
[나와나타샤와흰당나귀백석]

ni Baek Seok, Hilagang Korea
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles nina Chae-Pyong Song and Anne Rashid.

Ngayong gabi’y umuulan ng niyebe,
Dahil ako, na isang maralita,
Ay umiibig sa marikit na si Natasha.

Mahal ko si Natasha,
At walang humpay ang buhos ng niyebe,
Habang mag-isa akong umiinom ng basi.
Naiisip ko habang tumotoma ng alak:

Sa gabing umuulan nang walang humpay
Ang niyebe, nais kong sumakay ng puting asno
Habang angkas si Natasha, tungo sa liblib,
nagluluksang nayon sa bundok, at tumira sa baláy.

Walang humpay ang buhos ng niyebe.
Iniibig ko si Natasha.
Paparating na marahil si Natasha.

Nang sumapit siya nang tahimik ay winika sa akin:
“Iwinawaksi mo ang daigdig dahil magulo ito,
Ngunit ang pagtungo sa liblib na bundok ay hindi
Kailanman magiging katumbas ng pagkagunaw nito.”

Umuulan ng niyebe nang walang humpay,
Ang napakagandang si Natasha ay iibigin ako,
At sa kung saang pook, hihiyaw din ang puting asno
Dahil sa labis na galak ngayong magdamag.

Lambat at Magdamag ni Rabindranath Tagore

Mga tulang tuluyan ni Rabindranath Tagore
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

INIHAGIS KO ANG AKING LAMBAT SA DAGAT

Inihagis ko kinaumagahan ang aking lambat sa dagat.

Hinila ko mula sa maitim na kailaliman ang mga bagay na kakatwa at kakatwang kariktan—kumislap ang ilan gaya ng ngiti, kuminang ang iba gaya ng luha, at ang ilan ay namula na parang pisngi ng babaeng bagong kasal.

Nang iuwi ko sa bahay ang bigat ng buong araw na pagsisikap, ang sinta ko’y nakaupo sa hardin at pinipitas ang mga dahon ng bulaklak.

Pansamantala akong nagbantulot, at sa harap ng kaniyang paanan ay inilagay ang lahat ng aking huli, at tahimik na tumayo.

Sinulyapan niya iyon, at winika, “Ano ba ang mga bagay na ito? Hindi ko alam kung ano ang silbi ng mga ito!”

Napatungo ako sa hiya at naisip, “Hindi ko ipinaglaban ang mga ito, ni hindi binili sa palengke. Hindi angkop na handog ang mga ito para sa kaniya.”

At sa buong magdamag, inihagis kong isa-isa sa lansangan ang mga nalambat.

Dumating kinaumagahan ang mga manlalakbay; pinulot nila iyon, saka tinangay doon sa malalayong bansa.

KAPAG MAG-ISA AKONG LUMABAS NG BAHAY SA GABI

Kapag mag-isa akong lumabas sa gabi tungo sa aking katipan, hindi umaawit ang mga ibon, walang sipol ang hangin, at tahimik na tahimik ang mga bahay sa magkabilang panig ng daan.

Tanging ang aking mga sengkil ang umaalunignig sa bawat hakbang, at ako’y nahihiya.

Kapag umupo ako sa balkonahe at pinakinggan ang kaniyang mga yabag, hindi lumalawiswis ang mga punongkahoy, at tubig ay nananatiling nasa ilog, gaya ng tabak sa kandungan ng talibang nakatulog.

Tanging ang aking puso ang tumitibok nang malakas—at hindi ko alam kung paano iyon patatahimikin.

Kapag ang irog ko ang dumating at umupo sa aking tabi, kapag nangatal ang aking katawan at bumigat ang talukap, dumidilim ang magdamag, hinihipan ng simoy ang apoy sa lampara, at tinatakpan ng mga ulap ang mga bituin.

Tanging ang mga hiyas sa aking dibdib ang kumikislap at nagbibigay ng liwanag. Hindi ko alam kung paano iyon ikukubli nang ganap.

Kuha ni Lita Asis-Nero. Hatinggabi sa Batanes. 2010

Kuha ni Lita Asis-Nero. Hatinggabi sa Batanes. 2010