Isa sa mga itinatangi kong makata si Romulo A. Sandoval, at ito ay may kinalaman sa sinop niyang tumula at sa maalamat niyang karera bilang matapat na tagapagsulong ng simulain ng kilusang lihim. Manipis lamang ang kaniyang pangwakas na aklat, ang Kanta sa Gabi (1997), ngunit ang aklat na ito ay nagtataglay ng pambihirang testamento ng pananalig, pagbubulay, at pagsusuri sa lipunang nais na baguhin sa rebolusyonaryong paraan ng pagtula.
Ngunit gaya ng dapat asahan, hindi malulutas ng tula ang problema ng lipunan, kahit gamitin ang tula bilang kasangkapan sa himagsikan.
Binubuksan ni Mulong, palayaw ni Sandoval, ang tula sa ibang anggulong karaniwang di-inaasahan ng publiko. Ang kaniyang sensibilidad at kaisipan ay hindi bumababa sa antas na abot lamang ng masa; at lalong hindi rin umaastang mataas, upang hatakin ang masa tungo sa matayog na luklukan. Inilulugar ni Mulong ang kaniyang tula bilang malikhaing sining, at ang sining na ito, anuman ang magiging epekto o datíng sa bumabasang masa, ang magpapalaya sa kamangmangan, prehuwisyo, at pananahimik.
May binubuksang lagim si Mulong sa kaniyang koleksiyon, at isa na rito ang mala-gotikong lagim na ipinamamalas ng “Ang Ginoo, sa Gitna ng Pagkaagnas” (1980).
Ang Ginoo, sa Gitna ng Pagkaagnas
Lumalangitngit ang alpombrang kalansay,
pasan ang pataw ng kanyang mga yabag,
yao’t dito, umaalingawngaw,
sa mga bulwaga’t pasilyong itinirik
ng laksang ngiping nilagas.
Sa balikat ng Ginoo,
banayad na lumalapag
ang pilak na ibon, sulasok ng mga lamang inuka,
payagpag ng dolyar na laging umaaligid sa kanyang ulunan;
at ang kamay niyang itim, pinagkukumahog,
ay nagkakandarapa sa paglagda sa mga papeles
na tumitiyak sa pagdanak,
sa makina at araro, ng granateng plema.
Maya’t maya, inaalpasan niya ang batalyon ng pangil
na binihasa sa pag-amoy, pagsagpang
sa mga gusgusing buto.Nginangatngat ng ipis
ang nakakuwadrong ngiti sa kanyang Ginang;
sa antigong estatwa ng Santo Niño,
sa isang sulok,
may dagang kumakabkab.Humuhulas sa luha, nanlalagkit,
ang mga nilulumot na pader
sa kanyang bastiyon;
susisimsim siya ng ubas,
kasalit ng kanyang mga ngisi,
habang kumikiwal ang isang uod
papalabas ng kanyang bungo.
Sa tumpok ng hamon sa mesa,
lumilimlim ang mga bangaw, nangingitlog.Samantala, sa mga kalawanging bintana
ay sinasalpok ng hangin
ang angaw na ungol, pawisan, yapos ng kugon;
sa mga eskaparate’t aparador sa kuwartong inaamag,
ang amerikana’t barong-tagalog ay nangangalisag.
Nakahihindik ang bukanang saknong ng tula, at mahihiwatigan dito ang kalansay na maaaring tumutukoy sa ginoo at siya ring nangingibabaw sa mga pinatay na tao. Ang paglalarawan sa Ginoo ang maselang bahagi ng tula, at iuugnay dito ang deskripsiyon sa maringal bagaman nakakikilabot na sinaunang kaharian. Ang Ginoo ay hindi ang karaniwang Drakula o bangkay na bumangon sa kung saang libingan. Ang Ginoo ang tumitiyak ng pagkamal ng salapi ng “makina” (pabrika) at “araro” (bukirin). Mahihiwatigan dito na kontrolado ng Ginoo ang ekonomikong produksiyon sa lipunang pulos bangkay, at siya ang magtatakda kung sino ang karapat-dapat umiiral at manaig.
Ang nakakatakot sa tula’y isinasalpok ng hangin ang ungol papaloob sa bintana ng palasyo ng Ginoo. Maaaring senyales ito ng paghihimagsik ng mga namatay; o kung hindi’y pahiwatig ng malawakang henosidyo. Ang matalinghagang ungol ng mga patay ay waring nagdudulot ng takot at sindak sa mga kasuotan ng Ginoo. Samantala, posibleng hindi natatakot ang Ginoo, dahil kung siya ang ultimong kamatayan, ang ungol ng mga nasawi ay katanggap-tanggap at lalong magpapalakas sa kaniya upang manatiling mananakop ng mga kaluluwang nakapailalim sa bisa ng kaniyang bagsik at kalupitan. Mahihiwatigan na inaasahan ng Ginoo ang mga ungol at hinagpis ng mga nasawing tao. Ang anumang titis ng buhay ang maaaring kasalungat ng Ginoo; at ang búhay, sa anumang anyo nito, ang maghuhudyat ng pagwawakas sa kalagayang ligtas ng naghaharing Ginoo.
Ang Ginoo sa tula ay mahihiwatigang gumagagad, sa pauyam na paraan, sa dating istoryang malalagim, at maaaring nakasagap kina Edgar Allan Poe, Charles Baudelaire, Arthur Rimbaud, at Peter Will. Ginamit lamang ni Mulong ang anggulo ng malamlam at gotikong tagpo na maaaring si Satanas o si Kamatayan, ngunit ang presentasyon ng kaniyang paglalahad ay sumasalok sa usapin ng mga manggagawa at magbubukid na pawang zombie. Kung babalikan ang isa pang tula ni Mulong, na pinamagatang “Lamay” (1979), ang rimarim at sindak sa ordinaryong paglalamay sa bangkay ay nakakargahan ng pambihirang pahiwatig dahil ang mga naglalamay ay pawang dukha at gutom na gutom:
Lamay
Sa barumbarong na kinukuyumos
ng itim na hangin,
isang sunog na katawan,
halos inagnas ng kumukulong kemikal,
ang pinaglalamayan ng mga granateng mukha.
Wala mang mumong nakatatalilis
sa silo ng mga yayat na daliri,
barumbarong iyon na ayaw talikdan ang mga daga at ipis;
at ngayon, sapagkat luksa,
nagsasayaw ang mapuputlang dila
sa punebre ng kape at tinapay.Isang karaniwang sakuna sa pabrika,
at ang dalamhati ay di na maibalisbis ng luha:
amarilyong pinanawan na ng sangsang,
higit na mapusyaw kaysa ningas
ng kandilang kumikisay.
Sa bawat tikom na abuhing bibig,
bumubukadkad ang mga nagdurugong ngiti,
at tumitina, unti-unti, sa burak ng gabi.
Ang tagpo ng lamay na lunan para makaraos sa gutom ang mga dukha ay pabalintunang lumilibak sa istoryang Drakula, asuwang, at mangkukulam. Ang bangkay ay hindi babangon upang mangagat at sumipsip ng dugo ng sinumang birhen. Sa nasabing tagpo, ang mahihirap ay nakararaos ng gutom sa kape at tinapay mula sa abuloy sa bangkay; ang mga barumbarong ay tahanan din ng ipis at daga; at kahit ang simpleng ngiti ay nagpaparumi sa gabi. Sa realistang pagdulog, ang anumang pagkilos ng mga tao ay magtatakda ng kanilang kapalaran. Ngunit sa tula ni Mulong, ang bangkay—na maaaring manggagawang naaksidente sa pabrika at nabuhusan ng kumukulong kemikal—ay hindi lamang bangungot sa mga naiwang kaanak o kaibigan. Bangungot din ang karukhaan ng kaniyang mga naulila sa iba pang mamamayang nakasaksi, at bumabasag sa kanta o katahimikan ng magdamag.