Ang Ritmo, bilang Ikatatlumpu’t walong Aralin, Roberto T. Añonuevo

Ang Rítmo, bílang Ikátatlúmpû’t walóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Paglabás mo sa daigdíg ng Tralalá, ikáw bílang tulâ ay hindî bastá tulâ, o tulâng de-número at may etikéta, gáya ng diyónang nakábilanggô sa papél o elektrónikong magásin, bagkús warìng tínig ni Nusrat Fateh Alih Khan na humihímig sa mga talinghagà ni Rumi o  Muhammad Iqbal sa sáliw ng pinághalòng rondálya, qawwali, at metáliká, sumásakáy sa dayaráy, naglálarô sa pag-íral, nagtátanóng ng pag-íbig sa kápuwâ, pumupúri sa Maykapál, dumádakilà sa sánlibután, bumúbuô ng lipúnan, bumúbuô ng káakuhán sa binágong estádo ng kamalayán, sa kabilâ ng pándurustâ at kaalipnán, sa kabilâ ng karukhâán at bundók ng kalansáy, sa kabilâ ng pátuluyáng digmâan at dogmátikong pananálig, tumátalón-talón sa ibá’t ibáng dimensiyón o kasaysáyan, umúusisà sa mga salaysáy, sápagkát kailángang mabúhay, kailángang mamatáy upang sumílang, umaása sa mga búnga ng katarúngan, nananálig sa talíno ng kagubátan at karunúngan ng karagatán, nakaáarók sa síklo ng mga planéta at bituín, handâng ipágpatúloy ang kamalayán sa yutà-yutàng laláng, wikà, o sagísag, sálinlahì káda sálinlahì, marúnong gumálang sa sinápupúnang naglúluwál ng mga pakikibáka at walâng kúpas na bayanihán, hindî magbábantulót bumuô ng bágong díksiyonáryo ng pakikipágsapalarán, mabigô man ay hindî sumúsukò, babángong wagás, itátalâ ang mga guníguní at krókis sa sahíg pára sa pórmulá ng tagumpáy, gugúhit ng mga anínong umíindák, umiíkot, pumípiglás, humíhiyáw gayóng nároón ka o nása loób silá, sápagkát ikáw ang tulâ, may lóhiká sa gitnâ ng kabaliwán, hindî kailángang ipágtanggól ang saríli sa lahát ng kahinàang hindî mo namán kasalánan, bagkús karupukán ng iyong Maylikhâ, na kung totoó’y hindî siyá ínmortál, at magíging ínmortál lámang kung ikáw ay umaápaw sa galíng, walâng hanggá, walâng katúlad, isáng pagdiríwang ng pámbihiràng tunóg at poétika, paglabás na paglabás sa daigdíg ng Tralalá.

Alimbúkad: Epic rhythmic poetry imagination across the world. Photo by Aa Dil on Pexels.com

Ang Resureksiyon, bilang Ikadalawampu’t pitong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Resureksiyón, bílang Ikádalawámpû’t pitóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Kapág nagsawà ka na sa sapád at makínis, kapág nagsawà sa tuwíd at malínis dáhil nakabábató yaón o nakaáantók, magháhanáp ka ng bundók na áakyatín, o buról na lúlundagín. Hindî ka mabíbigô. Iíwan mo ang iyóng motorsíklo o helikópter ngúnit mangangárap bílang pinágtambál na shérpa at paragláyder, pílit áabutín ang úlap sa anyô ng pagtítindíg ng guniguníng zíggurát sakâ magpapásampál sa hánging makapílas-balát kundî man mangungúsap bílang kulóg nang halinhán itó, magpapákalúnod sa abót-tanáw na pawàng muntî o mga diyamánteng kumíkináng, lílimútin káhit pánandalî ang saríli sa lábis na galák, at ihíhiyáw, O, Diyós ko! sa umaápaw na damdáming higít sa máidudúlot ng Bóhun Úpas. Ang patáy ay nabubúhay sa isáng kindát; ang kidlát ay dumádapò sa kílay; ang kúlay ay gumugúlong na dalúyong, at kung hindî pa itó sapát, magwáwakás ang lahát na kasímpayák ng pagkabásag ng pinggán o pagkapúnit ng kartón.  K’ara K’ara. Olusosun. Payátas. Walâng katapusán ang katumbás ng Sagarmatha, at sa noó ng káitaásan, ay magágawâ mong pababâín mulâ sa paraíso si Dante na sabóg na sabóg sa kaluwalhatìan, at utúsan itóng pagniláyan ang umáanták na súgat ng modernidád. Ngúnit matagál nang iníwan siyá ng patnúbay na makatàng nagbalík sa impiyérno úpang gampanán ang ibáng tungkúlin, at hindî na sumáma pa ang patnúbay na músa na nagpaíwan sa paraíso úpang pumapél na soloísta sa kóro ng mga anghél. Si Dante, pagsápit sa máalamát na Smokey Mountain, ay sásalubúngin ng alingásaw na yumáyapós at tumátagós hanggang lamánloób, at mabábatíd mo itó sa tínig ng patnúbay na kung hindî si Balagtás ay isáng matapát na alagád na Méta-Balagtasín.

Ngúnit kung ikáw si Dánte, anó ang dápat ikagitlâ sa bágong planéta ng abentúra kung namatáy ka na’t nakáratíng sa pinakámalálim at pinakámataás hanggáng makakíta ng liwánag? “Ang bágong impiyérno ay walâ sa kríptográpikóng Gimokúdan bagkús nása pagháhanáp ng sariwàng naratíbo ng kaligtásan,” isusúlat mo; at sa iyóng mga talâ mulâ sa kuwadérno ng talinghagà, ang lóhiká ng ikásiyám na kamatáyan kung itátambís sa ídeolohíya ay mawawalán ng saysáy. Sa resureksiyón ng makatà, ang Firenze ay metonímya ng bundók ng basúra [sa kabilâ ng kabihasnán], at gáya sa tulâ ni Rio Alma ay isáng libíngan. Ngúnit ang libíngang itó ay hindî karaníwang libíngan bagkús kabilâng-dúlo ng modérnidád, ang látak at katás ng pagmámalabís, kasakimán, at láyaw, na pawàng magbubúnga ng pagkátiwalág kung hindí man paglabò ng idéntidád. Maáarìng itó ang “Tanghalì sa Smokey Mountain,” na isáng ehersísyo ng pagpápaápaw sa rimárim, poót, at sindák, at ang ilóng ang magtúturò sa wakás ng materyálidád at sa wakás ng kasaysáyan ng arì-arìan at bágay. Subálit ang ilóng ay sinungáling, at ang bibíg ang magalíng.

Kailángang sundán ang tínig, na magsasábing ang espásyo ng kabulukán ay isáng anyô ng bángko o kayâ’y laboratóryo na pinagtútubùan at hindî bastá imbákan ng mikróbyo at bangkáy; at kung ang ganitóng kápangahasán ay sanhî ng orihinál o sinadyâng kasalánan ay kasalánang hindî umanó dápat salangín. At bákit hindî? Maáarìng itó ang talinghagà ng pagpapátumpík-tumpík sa óras na sumunód sa burukrásya ng kalinísan nang may disimuládong pagsang-áyon sa medyókridád at kapabayâán. Ngúnit itó rin ang pasiyá na pagníniláyan, at si Dante ay hindî na kailángan pang “maligò sa liwánag ng alingásaw” sapagkát noón pa man ay niyákap na siyá ng bantót pagsápit na pagsápit sa pórtal ng kabulukán. Totoó, waláng karatúlang nakásaád na Lasciate ogne speranza, voi ch’intrate pagsápit sa paanán ng Bundók ng Basúra. Hindî tinútubós ni Krísto ang saríli noóng nakábayúbay sa krus; at kakatwâ kapág tinubós ng mga debóto ang kaniláng diyós sa pamámagítan ng malawakáng paglípol bílang gantí tuwíng nilálapastángan ang kaniláng sagrádong pananálig. “Ang pagkilála sa likás na síklo ng kamalayán,” isusúlat mo pa sa talâbabâ, “ay nagáganap hindî sa isáng igláp,” at kung síno man ang patnúbay na tínig ni Dante sa bágong impiyérno ay “kailángang íugnáy ang saríli káhit sa mikróbyo at basúra ng ísip” sapagkát walâ sa dogmátikóng patnúbay, at walâ sa íisáng tínig na makapangyarihan, ang páhiwátig ng kolektíbong kaligtásan.

“Kailán dápat másindák o márimárim si Dante?” itó maráhil ang pangángahás na puwédeng sagutín—ngúnit lampás na itó sa hanggáhan ng pagsasánay sa ilusyón at alusyón na gáya nitó.

Alimbúkad: Epic fluid poetry ideas overflowing. Photo by Mauro Contaldi on Pexels.com

Awit ng Musa, ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Músa

Roberto T. Añonuevo

Nálilikhâ ng kamáy ang húbog, testúra, at kúlay na nátuklasán ng matá. Nálilikhâ ng bungangà ang tínig at tunóg na sinágap ng taingá at isinálin sa senyás ng kamáy. Nálilikhâ ng matá ang paít-ásim-tamís-angháng na ibinúbunyág ng dilà. Nálilikhâ ng ilóng ang ligamgám o halúmigmíg na inílilíhim ng taingá at pálad. Nálilikhâ ng taingá ang kahúngkagán o dumí na námumuô sa bungangà at ilóng. Ngúnit hindî málilikhâ ng kamáy ang saríling kamáy nang hindî iíwan ang pagigíng kamáy at maisálin sa kumpás at indáyog. Hindî málilikhâ ng matá ang saríling matá kung hindî itó pipikít nang papáglahùin ang saríli. Hindî málilikhâ ng ilóng ang saríling ilóng nang hindi nagmúmukhâng elepánteng sumísinghót sa angkíng likídong buntót at nasúsulások sa saríling bigát. Hindî málilikhâ ng taingá ang saríling taingá, sapagkát iyón ang kúsang pagkulób at paglagô nang pauróng. Gayunmán, pipilítin pa rin ng bungangà na likhâin ang saríling bungangà, na lilikhâ ng ibá pang bungangà na magsásalitâ pára sa kaniyá káhit walâng kawawâan, na kapág hindî natiís ng ibá’y púpukulín ng masamâng tingín, sásampalín nang mataúhan, pálalayásin hábang hinahágad ng málulutóng na panghahámak, at sa ísang singasíng ay tútuldukán ang ipinamálas na pághahambóg. Ang bungangà na lumikhâ sa saríli ay nakatakdâng ipatápon sa malayò at doón mamatáy, gáya ng mga hungkág na anúnsiyó sa páhayagán. Itó ang talínghagàng iníwan ng áking mahál, hábang siyá’y umaáwit ng áking áwit, na malugód na tinátangáy ng hángin sa kung saáng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas moving mountains. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Ang Paglilingkod, ni Roberto T. Añonuevo

Paglílingkód

Roberto T. Añonuevo

Kay saráp pakinggán ang paglílingkód, ngúnit magsísimulâ iyón kapág nahigtán mo ang saríli. Bágo maglingkód, naiísip mo rin ba kung ginagámit ka lámang ng ibá at kung bákit kailángang maglingkód? Kapág tinurùan mong mamingwít ng isdâ ang isáng táo, nakakíta na ba siyá ng isdâ sa dágat ng buhángin? Kung takót sa túbig ang tinúturùan mo, hindî ba kailángang mabatíd múna niyá ang ugát ng kaniyang fóbya gaya sa túbig, o kaya’y kung paáno uminóm ng túbig? Mínsan, adélantádo ang páglilingkód, na warìng mangmáng ang dápat paglíngkurán, at kung síno ang íbig maglingkód ay siyá rin ang mag-uútos kung paáno gagamítin ang ipinámumúdmod na ayúda o subsídyo. Ang paglílingkód, kung hindî nararápat, ay idinídiktáng pagpapátiwakál na isasápusò ng pinaglílingkurán; at malímit, ginagámit itóng katwíran pára sa págtatayô ng pasugálan, resórt, pabríka, at pantalán págkaraán ng delúbyo o pagkáabó ng gúbat. Ang paglílingkód, kapág tinúmbasán ng medyókridád, ay mangánganák ng kabúlukán sa kalúluwá’t lamán, kung hindî man sa kabáng-yáman. Ang paglílingkód, kapág nabigòng tumbasán ng malasákit at bisyón, ay hagupít sa kabáyo ngunit kutséro ang mararátay. Ang paglílingkód, sa mábulaklák na panayám, ay párang harìng nahíhimbíng sa loób ng kulambô hábang ang buông kapulûan niya’y sinásalákay ng sálot at taggutóm at armáda ng mga dayúhan. Ang paglílingkód ay pagháhayág ng pagmámahál sa báyan, o paghalík sa watáwat, ngúnit disímuládong pagpapátumbá sa mga kúlang-pálad at reklámadór ng lipúnan. Ang páglilingkód ay banidóso kung mangáral, umáakyát sa púlpito na may anyông politíko, at págkaraán, ay hihingì ng abúloy at pasénsiyá sa madlâ ngúnit magbábantulót na humúgot ng salapî sa saríling bulsá. Ang paglílingkód ay pagpapábagsák sa olígarkíya úpang palitán ng kasapákat na olígarkíya. Ang páglilingkód ay kámpo militár na may tóre ng komúnikasyón nang mapábilís ang paníniktík ng banyagàng sandátahán. Ang paglílingkód ay mabúting balità kapalít ng mga anúnsiyó at pamúmuhúnan sa hímpapawíd, o paghímod sa puwít nang mapánatilì ang saríling interés. Sa kabilâ ng lahát, ang paglílingkód ay kusàng lumílihís sa iisáng pananálig o lahì o kapisánan, kung tapát ka sa iyóng inuúsal, at itó ang salitâng humahátak sa lahát túngo sa túnay na bayánihán. Ang paglílingkód ay sapát nang magagáp sa anyô ng maláy na pag-íral—may bagyó man at madilím—bagamán walâ kang útang pagkasílang sa mundóng itó; at anumáng lumábis sa kataúhan mo ay dápat pagsalúhan, hindî lámang ng iilán, bagkús ng sángkataúhan. Humáyo ka, at umíral, at magparámi, kung íbig pangátawánan ang mga salitâ.

Alimbúkad: Poetry archipelagic blues. Photo by Pixabay on Pexels.com

Sabihin nating. . . , ni Nikos Engonopoulos

Salin ng “Let Us Say. . .” ni Nikos Engonopoulos ng Greece

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sabihin nating. . .

Hinila ng mga mangingisda tungo sa dalampasigan ang malaking lamandagat. Nangisay-ngisay ito sa buhanginan, at ang mga puting mata sa tiyan nito’y tumitig sa araw. Umalingasaw ang hangin na wari’y burak, na nagpatindi sa desperadong sikad ng hayop na may malalapad, malalapot na paa. Nagkulumpon ang mga tao upang usisain ang nakaririmarim na mukha ng halimaw. Ginusto ko ring lumapit at magmasid, ngunit dahil siksikan ang mga tao’y nabigo akong makasilip. Isang babae na suot ang kaniyang tanging sombrero, na pinalamutian ng mga balahibo, ang bumulong nang banayad sa akin: “Bulag iyan.” Ay, bulag nga ang hayop. At kung bulag iyon, ano ang ibig sabihin ni Seurat nang wikain niya ang pulang awreola na pumapalibot sa lungtiang halamanan, sa mga maningning na abenida ng Paris? Ano nga ba ang tunog ng mga tinig ng mga bata na hinahadlangan ng trambiya upang hindi natin marinig nang malinaw? Ano ang mga tersiyopelong guwantes na suot ng iyong mga kamay? Huwag mong hubarin ang sapatos, mahal, hintayin mong sumapit ang gabi. At sumapit ang gabi. Nalimutan ang halimaw, nagsiuwi ang mga mangingisda, at nagsilisan ang mga miron. Namumuti ang buwan at inilipad ng bagting sa kalawakan. Marahang ibinaba ang tabing.

Alimbúkad: Empowering Filipino language through world-class translation. Photo by JESSICA TICOZZELLI on Pexels.com

Ayaw ng Gulo, ni Luis Chaves

Salin ng “En son de paz,” ni Luis Chaves ng Costa Rica  /  Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ayaw ng Gulo

Nakaaakit ang magandang araw upang plantsahin ang aking maong na pantalon. Nakaaakit ang isang magandang araw upang putulin hanggang tuhod ang pantalon. “Galit sa atin ang mga impresór,” sabi ni Isabella.  “Isabella,” tugon ko, “anong gandang aporismo o anuman. Masama ang naiisip ko sa mga tao na naglulustay ng oras sa písina nang hindi man lang natitigmak ang mga ulo. Gaya mo. Gaya ko.”

Pinagbukod tayo ng liwanag at ng tunog ng paghinga sa ilalim ng tubig. O sa ilalim ng puso. O sa mga impresór. Ay, ang salitang hinahanap-hanap ko kanina’y “apotegma.”

Ayaw ko ng gulo, pagdaka’y nagbago ang isip.

Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Wika ng Balikbayang Nabulok sa Kuwarentena

Wika ng balikbayang nabulok sa kuwarentena

Roberto T. Añonuevo

Kung naririto si Shiva,
ipahihiram marahil niya
ang kaniyang tatlong mata
at matatanaw
ng mga barko’t biyahero
ang Olakkannesvara
sa ating pantalan
sa loob ng kalooban;
Walang sinumang maliligaw.
Maiiwasan natin ang sakuna
mula sa mga bahura o bato
o mauunahan ang bagyo
laban sa balak nitong bayó.
Hihipan ng mga tanod
na nakadikit sa mga pader
ang mga pakakak
at mapupukaw ang bayan;
at lalagablab ang apoy,
matutupok ang mga bulok.
At gaya ng dapat asahan,
mapahihinto ang simoy
ng pananakop o pandemya
bumunsod man ito mula sa Tsina.

[1839 lithograph of a structural temple on top of a cave temple in Mamallapuram, Tamil Nadu India, Wikimedia Commons].

Kung ang Araw Noon, ni Roberto T. Añonuevo

Kung ang Araw Noon

Roberto T. Añonuevo

Kung ang araw noon ay araw ngayon,
malalasing ako sa iyong mga salita
na ang totoo’y ang iyong hulagway;
at ang oras ay tatakbo,
tatakbo nang tatakbo, nang hindi
nababahala
sa magaganap sa iyo o kaya’y sa akin,
at kapuwa tayo magpapahiwatig
na parang mga bituin,
kumikislap ngunit hindi umiimik,
at sa gitna ng dilim
ay tumitibok ang malawak na espasyo.

Magsasalita ka at makikinig ako;
o magsasalita ako at makikinig ka,
at anuman ang mapag-usapan natin
ay magsasara ng berso o uniberso—
isang dambuhalang anyo ng bayawak
na iginuhit paukit sa noo ng bundok
para sa isang hapunan o kaarawan.
At wala nang ibang mapapansin
(kahit nasa tabi ang mga bathala)
malango man ang lahat ng nakatingin.

Ngunit ang panahon ay nakaiimbento
ng mga lihim na laberinto at medida,
sumusubok sa baitang o bulaklak,
naiiwang katakatayak at disyerto,
nagtatayo ng parmasya o aklatan
sa dalawampung minuto,
hindi nagsisisi sa dugo o ihi o batik,
at sumusuway sa sinaunang simoy
at pangako,
na parang pelikula o hudhud
na umaandar at tumatanggi sa wakas.

Ang araw na ito ang araw din noon:
Isang sinasagupang bagyo o nakaiinip
na kuwarentena
na sinasadya at dahilan sa isa’t isa.
At babalikan ang mga lumang retrato,
aapuhapin ang artsibo ng mga lakad,
upang sabihing
sariwa ang ngiti at tama ang timbang,
at itim na itim
ang buhok na humaba sa paghihintay.

Iniiwan tayo ng panahon
na hindi lingid sa atin
kahit ibig nating humabol at tumutol.
Isang araw ay lilitaw at lilitaw ang bagong
ako at ikaw,
na lumalampas sa hilaga at timog,
hungkag na hungkag ngunit sapat,
na iba ang mga pangalan at edad,
marahil ay nasa ibang planeta,
naglalakad,
nagbibiruan,
ikinakasal na waring mga tikbalang
sa punto blangko
ng hinaharap—
at lumilikha ng kakaibang epiko
para sa mga salitang ikaw, ako, mahal.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang araw ng liwanag, ni Bjørnstjerne Bjørnson

Salin ng tula ni Bjørnstjerne Bjørnson ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Araw ng Liwanag

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Gumalà ako sa kahuyan, humiga sa damuhán,
At sa duyan ng kaluguran ay nagpabíling-bíling;
Ngunit laksa ang langgam, nangangagat ang mga lamok,
Mabagsik ang mga niknik, at putakti’y nag-aamok.

“Mahal ko, gusto mo bang magliwaliw ngayong maganda
ang araw?” ani inang nasa hagdan at kumakanta.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Sumapit ako sa párang, humilata sa damuhan,
At inawit ang ibinulong sa akin ng damdamin;
Gumapang ang ulupong na sandipa ang habà,
Nagbilad sa araw, at tumakbo ako nang magitlâ.

Sa ganitong araw, puwedeng magyapak, ani ina,
Habang hinuhubad niya ang medyas sa mga paa.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Kinalag ko ang tali’t humilata ako sa paráw
At masayang nagpaanod saka biglang napahimbing;
Ngunit nakapapasò ang sinag, sunog ang ilong ko,
Ayoko na, dadaong na ako sa pasigan dito!

“Ito ang panahon para mangalaykay,” ani ina’t
Isinudsod ang kalaykay sa dayami ng mandalá.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Umakyat ako sa puno’t naglaro nang walang humpay,
At ang malamig na simoy ang nagpakalma sa akin.
Ngunit nangalaglag ang mga uod sa aking batok,
Napalundag ako’t humiyaw: “Yawang umiindayog!”

“Kung hindi malilinis ang mga baka,” ani inang
nakatitig sa buról, “huwag umasang lilinis pa.”

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Nagtungo ako sa talón, naglaro kahit maginaw,
At natamo ang kapanatagan sa angking damdamin.
Nakita ako ng sinag-araw nang nalunod at yumao—
Ikaw ang kumatha ng awit na ito’t hindi ako.

“Tatlong maliwanag na araw na lamang,” ani ina,
“at lahat ay handa na,” at inayos ang aking kama.

Ang Tanong, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Tanong

Tula ni  Roberto T. Añonuevo

(Para kay Tatang Temyong)

Mga gusali sa kaliwa, mga barumbarong sa kanan,
ano na ang tahanan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng mga palaka at paruparo?
Isang retrato sa dingding o kaya’y mesang salamin.

Tila ba maasim na tsismis o diyabolikong pag-ibig:
Bulawang mga pakpak
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . na nagpapaguho ng metropolis
sa loob ng aklat.
Ang lumang peluka o pelikula sa antigong estante.
Ang fatek sa iba’t ibang timbang at katawan.
. .. . . . . . . . . . . . . . . . .. .Nakaririnding rak-en-rol ng kokak
sa selfon at Youtube. Maaaring punit na tisert
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .o pintadong pader sa Instagram.
Ang niresiklong notbuk para sa listahan ng utang.

Maidaragdag:
Ang botelya ng lason at halimuyak ng luwalhati.
Ang hinihimod na pook ng albularyo at adik.
Ang kasarian ng súpot o supót na pananalig.
Ang motel ng pag-ibig at motel ng pagtataksil.
Ang kongreso ng pataasan ng ihi at balatkayo.
Ang ruleta ng numero at kubeta ng suwerte.
Ang mapang ipinambalot sa lumpiya at bibe.

At marahil,
ang pinunong matapat sa resipi ng lutong makaw.

Ang magugunita
mong ipit sa buhok sa utak na natutulog sa tag-araw
ang magugunita
mong kumakain sa kulisap o tumatakip sa bulaklak.

Na marahil ay guniguni sa kagubatan ng kamalayan.

Tangkilikin ang mga aklat ng MBMR Publishing. Bili na!