Ikaanim na Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikaánim na Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Hábang lumaláon, ang poók na pamúmuháyan mo ay tíla isáng bansâng kúkubkubín sa ngálan ng Bágong Kaayúsang Pándaigdíg, at sásalakáyin nang palihím mulâ sa ápat na pánig, at uulán ng mga tagurî na tututúlan ng iyóng pag-íral. Pára kang mígranteng naípit sa bakbákan ng mga trópa na pawàng banyagà sa iyóng kinágisnán. Sumigáw ka man ng saklólo’y tíla itínadhanà ang kapaláran sa taíngang-kawalì at ni walâng saysáy  kung ilahád pa ang iyóng kasaysáyan. Ang mápa ng poók mo ay pánsamántalá at mahírap mapasákamáy; na maidídiktá ng mga satéliteng tíla gáling sa ibáng pláneta, at ang kártograpíya ay maígugúhit lámang sa pagsaló ng gránada o pagsanggâ ng bayonéta. Ang mga hukbó ng mananákop ay magwáwagaywáy ng watáwat ng pagmámatwíd, gáya sa mga lupálop na minimína ang matáng-túbig na makapágdudúlot ng ínmortálidád sa dinastíya ng mga díktador at sabwátan ng mga mandárambóng. At ang mga sugatán, réfuhiyádong salitâ ay tátawíd ng dágat o iibíging maglakád sa mga búbog at bága, umaásang makakátagpô ng kákanlóng na díksiyonáryo ng mga míto o dírektóryo ng mga patáy na pangárap. Tumíngalâ ka’y tátamból ang dibdíb sa mga humáhaginít na éroplánong nagpapásagitsít ng mga pakáhulugán; samantálang  matútunugán ng mga talampákan mo ang úsad ng mga sopístikádong tangké na nagpápasábog ng mga síngkahulugán káhit dalawámpûng daáng mílya ang layò mulâ sa iyó. Daraán ka, gáya ng ibá pang tulâ, sa tunggalîan ng mga tagurî: ang tagurî ng sindikáto sa gramátika at réperénsiyá; ang tagurî ng própagandísta sa retórika at esotérikong kábalbalán; ang tagurî ng mga pártidong ang lóhika ay ikinákahón ng mga  mílisyang demagógo sa prósodya at ímported na poétika. Sa digmâan ng tagurî, ang urì ay kasímpayák ng pagháhatì ng mga urì sa lipúnan, na ang mahírap ay mayáman sa kamángmangán kung hindî man kahángalán sapagkát malímit tagaságap lámang ng ímpormasyón at préhuwisyó mulâ sa teóriko ng karáhasán; na ang mayáman ay mahírap sapagkát lumálagô sa útang o inumít na talíno at nágbabáyad sa pamámagítan ng pangakò at buwís na láway. Higít pa ríto, ang próduksiyón ng mga pakáhulugán ay maúugát— hindî sa mga manúnulát o karaníwang mamámayán—bagkús sa mga burát na burúkratang náis manatíli sa kaní-kaniláng púwesto hábambúhay at mag-ímprenta ng mga salapî nang walâng pagkapágod. Sa digmâan ng tagurî, ang kapaní-paníwalà at maráming kakampí ang nagwáwagî, gáya ng ang klásisísmo ay pósmodernísmo na tinipíl at pinábilís ang transisyón, at nagkakáibá lámang ng baybáy at diín, bukód sa malalágom sa isáng talatà, kung hindî man pirá-pirásong paríralà. Mag-íngat ka’y kakatwâ. Sa digmâan ng tagurî, ang paliwánag ay naikúkublí sa mga palámutîng pang-urì, sa mabábagsík na panagurî ng pag-aglahì o paghámak, at pinanánatíling nakábilíbid ang mga pakáhulugán sa Balón ng Karimlán. De-susì ang mga pandiwà doón, at kung umáandár man sa túlong ng pang-ábay ay párang róbotíkong pawíkan. Samantála, hindî mahalagá warì ang mga panghalíp, pangatníg o pang-úkol pára makálusót ang sabláy na panánaludtód, bágo ka mataúhan na panagínip lámang kung ikáw man ay páhalagahán. Madalîng hulàan ang mga susunód na hakbáng ng magkátunggalîng púwersa sa larángan ng mga tagurî, at mapanlágom ang lóhika ng mga íbig manaíg. Ang padrón ng pagsusurì, kumbagá, ay dápat alinsúnod sa íbig ng nagtátagurî, na tíla hindî na mababágo pa ang magíging pangwakás na pasiyá. Sa digmâan ng tagurî, ikáw bílang tulâ ay hindî makáiíwas na ipágkanuló at ipahámak ng pásimunò ng Pinágtubùang Wikà, hanggáng lahát ay masawî.

Alimbúkad: Epic raging poetry solidarity with Ukraine. No to War! No to Invasion! Yes to Peace! Yes to People Power! Photo by Nana Lapushkina on Pexels.com

Kritika at Panukalang Pagbabago sa Ortograpiyang Filipino

Ang umiiral na ortograpiyang Filipino na binuo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay mabibiyak sa tatlong bahagi: Una, ang paglalahok ng mga hiram na titik sa Inggles (at Espanyol), gaya ng \c\, \f\, \j\, \q\, \x\, at \z\ sa dating Abakadang Tagalog na may apat na katumbas na tunog sa patinig (malúmay, mabilís, malumì, at maragsâ) at ang katinig na may tunog na mahihina (\l\, \m\, \n\, \ng\, \r\, \w\, \y\) at malalakas (\b\, \k\, \d\, \g\, \p\, \s\, \t\) at ang pagtatangkang pagdaragdag ng kaukulang tunog mula sa mga idinagdag na banyagang titik. Ikalawa, ang pagbabaybay, paglalapi, pagbabantas, pag-uulit, at pagpapantig ng mga salita, taal man sa Filipinas o hiram mula sa ibayong-dagat. At ikatlo, ang pagtatakda ng tuntunin sa panghihiram sa Espanyol, bagaman hindi malinaw ang sa Inggles at iba pang banyagang wika, gaya ng Pranses, Aleman, Arabe, Hapones, at Tsino.

Nagkakaproblema lamang sa ngayon ang gaya ng DepEd (Kagawaran ng Edukasyon) at KWF dahil sinisikap nitong bumuo ng labindalawang ortograpiya mula sa labindalawang lalawiganing wika sa Filipinas, alinsunod sa hilaw na multilingguwal na patakarang may ayuda ng UNESCO, UNICEF, at USAID.  Binanggit dito ang pagiging hilaw, kung isasaalang-alang na nanánatíling bilingguwal ang patakarang pangwika sa Filipinas, batay sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987. Nagpalubha pa rito ang pangyayaring bigo hangga ngayon ang  Mataas at Mababang Kapulungan ng Konggreso na magpasa ng panuhay na batas [i.e., enabling law] na magiging gulugod ng Filipino bilang wikang pambansa na sinusuhayan ng mga lalawiganing wika at wikang internasyonal.

Ang panukalang panuhay na batas ang dapat na binabalangkas ng KWF at isinusumite sa mga mambabatas para pag-aralan at isabatas. Ngunit hindi pa ito nagagawa sa kasalukuyang panahon, at kung magiging realistiko’y hindi ito magaganap sa administrasyon ng butihin ngunit inkompetenteng Punong Kom. Jose Laderas Santos.

Ginawang padron sa pagbuo ng mga lokal na ortograpiya ang Gabay sa Ortograpiyang Filipino (2009) ng KWF, gaya sa Bikol, Ilokano, Pampanga, Pangasinan,  at Waray, bagaman ang ilang tuntunin ng KWF, partikular sa panghihiram sa Espanyol, ay utang nang malaki sa Pambansang Lupon sa Wika at Pagsasalin (PLWP) ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) na unang nagsagawa ng pag-aaral sa panghihiram ng salitang banyaga sa panig ng Tagalog noong bungad ng siglo 20 hanggang unang bungad ng siglo 21.

Ilan sa mapupuna sa umiiral na ortograpiyang Filipino (at iba pang binubuong ortograpiya sa wikang lalawiganin) ang sumusunod:

  1. Sa panghihiram ng mga titik mula sa banyagang alpabetong Inggles o Espanyol, hindi malinaw sa tuntunin kung hihiramin din ba ang katumbas na tunog ng nasabing mga titik, o kaya’y sisikaping tumbasan ng pinakamalapit na tunog sa Filipino ang nasabing hiram na mga titik. Lumilitaw ang ganitong problema kapag pinaghambing ang mga teksto na mula sa ordeng relihiyoso na labis na konserbatibo sa mga teksto at ang mga akda o tekstong mula sa mga manunulat at peryodista na pawang mapangahas at liberal at itinataguyod ng  sari-saring publikasyon.
  1. Problematiko ang mga titik na hiram mula sa Espanyol, gaya ng \f\, \j\, \q\, \x\, at \z\ dahil ang mga tunog nito ay karaniwang itinutumbas sa dati nang umiiral sa Tagalog. Halimbawa, ang \f\ ay itinutumbas sa \p\; ang \j\ ay sa \dy\ at \h\; ang \q\ ay itinutumbas sa \k\ o \kw\; ang \x\ ay itinutumbas sa \ks\; at ang \z\ ay itinutumbas sa \s\. Malimit lumilitaw ang mga hiram na titik kapag ginagamit sa mga pangngalang pantangi imbes na pangngalang pambalana, kung hindi sa mga salitang may konotasyong pangkasaysayan, pangkultura, panlipunan, pampanitikan, pang-agham, pambatas, at iba pa. Sa kaso ng pangngalang pambalana, wala pang malinaw na tuntunin kung dapat na bang payagan nang maluwag ang paghalili ng mga titik, gaya sa Abakadang Tagalog, doon sa mga hiram na salitang banyaga. Kung pananatilihin naman ang mga hiram na titik, ibig bang sabihin ay hinihiram na rin ang mga banyagang tunog, gaya ng mahaba at maikling patinig [i.e., long and short vowels] o kaya’y ang mahina at malakas na katinig [i.e., voiced and unvoiced fricatives] sa Inggles? Mga simpleng tanong ito na mabigat ang implikasyon sa Filipino at iba pang lalawiganing wika sapagkat kapag ipinasok ang mga banyagang tunog ay tiyak na maaapektuhan ang nakagawiang pagbabanghay o pagpapantig sa mga taal na salita sa Filipinas. Maaapektuhan din ang pagtuturo ng mga taal na wika sa Filipinas, dahil kailangang isaalang-alang ng guro ang dalawa o higit pang palabigkasan.
  1. Kung magiging bukás sa banyagang tunog ang panukalang ortograpiya, kinakailangang maging bukás din ang Filipino sa tunog schwa, gaya ng taglay ng sa Maranaw [‘Məranau], Bikol, at Pangasinan. Upang matupad ito, kinakailangang mag-ambag ang mga lalawiganing wika sa Filipino, gaya ng panghihiram ng Filipino sa Aleman, Inggles, Pranses, at iba pa. Sa panig ng Filipino, makabubuting ilista ang lahat ng posibleng tunog na magagamit ng Filipino sa binagong ispeling at inangking salita, nang may pagsasaalang-alang sa mga lalawiganing wika o wikang internasyonal. Sa bagong panukalang ortograpiyang Filipino, iminumungkahi na ilista nang bukod ang mga hiram na tunog.
  1. Problematiko rin kung hanggang saan makapanghihiram ang Filipino doon sa mga banyagang wika. Isang tuntuning pinaiiral ang nagsasaad na, “Kung may katumbas na salita sa mga lalawiganing wika ay gamitin muna ito bagong piliing gamitin ang sa banyagang wika.”  Sa naturang tuntunin, nasasalà kahit paano ang mga banyagang salita sapagkat mapipilitang humanap ng taal na salita, lalo sa pagsusulat o pagsasalin.
  1. Dinamiko ang kaso ng pagbabaybay, paglalapi, pagbabantas, pag-uulit, pagbigkas, at pagpapantig ng mga salita, taal man sa Filipinas o inangkin nang ganap gaya ng mga salitang Espanyol na pumasok sa bokabularyo ng Filipino. Pinaunlad sa Filipino ang paraan ng paglalapi na dating ginagawa sa Tagalog, bagaman nangangapa magpahangga ngayon kung paano manghihiram sa paraan ng paglalapi na mula sa mga wikang lalawiganin. Sa yugtong ito, kinakailangang makita ang pambihirang paraan ng paglalapi at pagbabaybay sa Filipino at iba pang taal na wika upang mabatid kung kinakailangang itangi ang isang wika sa iba pang wika. Hindi nagkakalayo sa paggamit ng bantas ang mga taal na wika sa Filipinas.
  1. Sa unang malas ay iisiping magkakaiba ang labindalawang panukalang ortograpiya mula sa labindalawang pangunahing lalawiganing wika. Ngunit kung liliimiing maigi, magkakapareho ang labindalawang ortograpiya sa panig ng panghihiram ng titik mula sa Espanyol [at Inggles], at ang tuntuning maisasagawa sa Filipino ay maaaring gamitin ng iba pang lalawiganing wika. Kung hindi magkakalayo ang paraan ng panghihiram sa Espanyol at Inggles, maitatanong kung handa ba ang mga lalawiganing wika na gamitin ang mga panutong unang binuo sa Filipino? May kaugnayan ito sa pagiging bukás ng lalawiganing wika sa inobasyong ipinapanukala ng Filipino na kayang maging lingguwa prangka sa buong kapuluan.

Makabubuting repasuhin ang mga tuntunin sa panghihiram sa Espanyol, kung magiging batayan ang umiiral na Gabay sa Ortograpiyang Filipino (2009) ng KWF, at ang ilang panukalang pagbabago ay naririto. May panimulang panukala rin sa panghihiram sa Ingles, at ang nasabing panghihiram ay nagmumula sa pananaw ng Filipino imbes Inggles.

Ginamit ko sa pag-aaral na ito ang listahan ng mga salitang Espanyol na pumasok sa Bikol, Kapampangan, Ilokano, Pangasinan, at maitatangi ang binuong listahan nina Alejandro S. Camiling at Teresita Z. Camiling ng mga salitang Espanyol na inangkin ng Kapampangan, at sa dami ng kanilang nalikom ay maitatakda ang ilang panuto at prinsipyo ng kanilang panghihiram.

Panghihiram sa Espanyol
Ang mga prinsipyo sa panghihiram ng salitang banyaga ay nagtatakda ng mga paraan kung paano ilalapat ang ispeling o bigkas ng isang salita.

Sa panig ng Espanyol, ilan sa mga prinsipyo ang sumusunod[i]:

1. Paghalili ng titik \k\ sa titik \c\ sa simula, gitna, penultima, o dulong pantig ng salita, kung ang salitang Espanyol ay may tunog na \k\.

Espanyol                Filipino

cabo             –          kabo
cacerola      –          kaserola
cadena         –          kadena
cadete          –          kadete
caldera         –          kalendaryo
calidad         –          kalidad
calma            –          kalma
cama              –         kama
camada         –         kamada
camara          –         kamara
camison        –         kamison
campana       –         kampana
camposanto –        kamposanto
canal               –         kanal
candidato      –        kandidato
cantidad         –       kantidad
cantina           –        katina
capa                 –        kapa
capital             –       kapital
capitan            –       kapitan
capitolio         –       kapitolyo
cara                  –       kara
carambola     –       karambola
caratula          –       karatula
carbon            –       karbon
carburo          –       karburo
carcel              –       karsel
cardenal         –       kardenal
carga               –        karga
cargador        –        kargador
cargamento   –       kargamento
caricatura      –       karikatura
carisma           –       karisma
carnal              –       karnal
carne               –        karne
carnivoro       –       karniboro
carpa                –       karpa
carpintero      –       karpintero
cartel                –       kartel
cartero            –        kartero
cartilago         –        kartilago
cartografia     –        kartograpiya
carton              –        karton
cartulina         –        kartulina
casa                   –        kasa
casera               –        kasera
casete                –       kasete
casino               –        kasino
caso                   –        kaso
castigo              –        kastigo
casual               –         kaswal
catalogo           –        katalogo
catarata           –         katarata
catastrofe        –         katastrope
catecismo       –         katesismo
categoria        –         kategoriya
cateter             –         kateter
catre                 –         katre
caucion          –          kawsiyon
causa               –          kawsa
delicado         –          delikado
decada            –          dekada
decano            –          dekano
decoracion    –          dekorasyon
decoro            –          dekoro

2. Paghalili ng titik \s\ sa titik \c\ sa simula, gitna, penultima, at dulong pantig ng salita kung ang salitang Espanyol ay may tunog na \s\. Halimbawa,

Espanyol                 Filipino

cabecera        –          kabesera
cancer             –          kanser
cedula             –          sedula
celda                –          selda
celebracion   –         selebrasyon
celebrante     –         selebrante
celebridad     –         selebridad
celofana          –         selofana; selopana
celoso              –         seloso
cementerio    –        sementeryo
cemento         –         semento
cena                  –        sena
censo                –       senso
centavo           –       sentabo
centanada       –       sentanada
centenario      –       sentenaryo
centigrado      –       sentigrado
centimo            –      sentimo
central              –      sentral
centro               –      sentro
centuria           –       senturya
cepo                  –        sepo
ceremonia      –        seremonya
cereza               –       seresa
certificacion   –      sertipikasyon
cesante         –          sesante
cinematografia –    sinematograpiya
cinturon        –          sinturon
circulacion     –        sirkulasyon
circulo         –            sirkulo
ciudad          –            siyudad
diciembre       –        Disyembre
dulce              –          dulse
decena          –           desena
decision        –          desisyon
disposicion    –        disposisyon
distancia       –          distansiya

3. Paghalili ng titik \b\ sa titik \v\, saanmang bahagi ng salita, kung ang salitang Espanyol na may \v\ ay may katumbas na bigkas na \b\ sa Filipino at iba pang lalawiganing wika, halimbawa,

Espanyol                    Filipino

cavado         –         kabado
caviar           –         kabyar
levadura     –          lebadura
civil              –         sibil
vaca             –          baka
uva              –          ubas
favor            –          pabor
favorable        –      paborable
favorito         –          paborito
festival         –          pestibal
festivo          –          pestibo

4. Pagtanggal ng titik \u\ sa kambal patinig na \ui\ o \ue\ pagsapit sa Filipino (at iba pang lalawiganing wika) kung ang \u\ ay hindi binibigkas sa Espanyol [silent letter].

Espanyol                    Filipino

caqui               –         kaki
cheque           –          tseke
duque             –          duke
mantequilla  –          mantekilya
quiapo            –          kiyapo
quimera         –          kimera
piquetero       –         piketero
queso               –         keso
quebrada        –         kebrada
maquina          –         makina
maquinaria    –         makinarya
maquinista     –         makinista

5. Pagpapanatili ng titik at bigkas ng \n\ na katabi ng isa pang katinig sa mga salitang hiram sa Espanyol kung ang salitang hiram ay binibigkas ang nasabing titik na \n\. Halimbawa,

Espanyol                    Filipino

inmortal            –         ínmortal
inmortalidad   –         ínmortalidad
inmaculada      –         ínmakulada
inmaterial         –         inmateryal
ingeniero           –         ínheniyero
inmensidad       –         ínmensidad
inmigración      –         ínmigrasyon
inmodesto         –         inmodesto
inhibición          –         inibisyon
ingenuidad        –         inhenwidad

6. Paghalili ng \ly\ o kaya’y \y\ sa kambal katinig na \ll\ kung ang hiram na salitang Espanyol ay may gayong bigkas. Halimbawa,

Espanyol                    Filipino

calle             –          kalye
callo             –          kalyo
llabe             –          yabe var liyabe
caballo        –          kabayo
capilla          –         kapilya
campanilla –         kampanilya
cartilla         –         kartilya
cepillo          –         sepilyo
cigarillo       –         sigarilyo
mantequilla –       mantekilya
folleto            –        polyeto
manzanilla    –       mansanilya
millon             –       milyon
millonario      –     milyonaryo
silla                   –      silya

7. Paghalili ng \y\ sa \i\ sa kaso ng kambal patinig na \io\ na nasa dulong pantig kung ang salitang Espanyol ay walang diin sa \i\. Halimbawa,

Espanyol                    Filipino

decisión         –          desisyon
revisión         –          rebisyon
delirio             –         deliryo
certificación  –        sertipikasyon
demonio         –         demonyo
devocion        –         debosyon
fiduciario       –          pidusiyaryo
estudioso       –          estudyoso
julio                  –         Hulyo
junio                 –         Hunyo
fundicion        –         pundisyon
notario            –         notaryo
radio                –         radyo

8. Paghalili ng \y\ sa \i\ sa kaso ng kambal patinig na \ia\, \ai\, \ei\ at \ie\ sa simula,gitna, penultima, at dulong pantig ng salitang hiram sa Espanyol, kung ang mahinang titik na \i\ ay walang diin at sumasanib sa malakas na titik \a\.

Espanyol                    Filipino

Asia               –             Asya
bailarina      –             baylarina
baile               –            bayle
fantasia         –            pantasya
familia           –            pamilya
familiar          –           pamilyar
farmacia        –           parmasya
funeraria        –          puneraria
dalia                 –          dalya
notaria           –          notarya
noticia            –         notisya
aire                   –       ayre, var ere
paisano           –      paysano
peineta          –        peyneta, var payneta
reina               –       reyna
reino              –        reyno
medieval        –     medyebal
cimiento         –     simyento var semento
mandamiento –   mandamyento

10. Kaugnay ng bilang 4, paghalili ng titik \k\ sa \q\ kung ang hiram na salitang Espanyol ay may katumbas na bigkas na \k\ sa Filipino o kaya’y lalawiganing wika. Halimbawa,

Espanyol                Filipino

bosque         –          boske
caqui             –          kaki
querida        –          kerida
quijones       –         kihones
quijote          –         kihote
quimiko       –         kimiko
quinta           –         kinta
quizame       –         kisame

11. Kaugnay ng bilang 7, pagsisingit ng \y\ sa kaso ng kambal patinig na \ia\, \ie\, at \io\ matagpuan man ang \ia\, \ie\ at \io\ sa una, gitna, penultima, o dulong pantig, upang maibukod ang mahinang patinig na \i\ sa malalakas na patinig na \a\, \e\, at \o\ at maitampok ang diin, at maiwasan ang magkasunod na katinig na gaya ng \by\, \dy\, \sy\, \ty\, \ry\, \ly\ na karaniwang may di-binibigkas na patinig na \i\ sa Filipino. Halimbawa,

Espanyol                   Filipino

biología          –          biyolohiya
cambío           –          kambiyo
cardiologia   –         kardiyolohiya
ciencia            –         siyensiya
cientifico       –          siyentipiko
diabetes         –          diyabetes
diablo              –         diyablo
diagnosis        –         diyagnosis
diagonal          –        diyagonal
diagrama        –        diyagrama
diametro        –        diyametro
diario               –        diyaryo
diarrea            –        diyarea
dios                  –        diyos
diosa                –        diyosa
financiero      –         pinansiyero
Griego             –         Griyego
grieta               –          griyeta
grietado          –         griyetado
inquieto          –         inkiyeto
nervioso         –         nerbiyoso
piano                –         piyano
pie                     –         piye
piélago            –         piyelago
piedad             –         piyedad
piedra             –          piyedad
piel                   –          piyel
pieza                 –         piyesa
rio                     –         riyo
siete                  –        siyete
tierra                –        tiyera
tio                      –        tiyo

12. Pagpapanatili ng titik \i\ sa kaso ng kambal patinig na \oi\ at \ei\ kung ang \i\ ay may diin at binibigkas nang bukod na pantig pagkaraan ng naunang pantig kung hindi man salitang ugat.

Espanyol                   Filipino

egoismo         –          egoismo
boicoteo        –          boíkoteo
boíl                  –          boíl
boitrino         –          boítrino
cafeína           –          kapeina
seis                  –          seis

13. Pagsisingit ng \w\ sa pagitan ng kambal patinig na \ua\, \ue\  o \ui\kung ang nasabing mga patinig ay nasa unang pantig, at nang maibukod ang mahinang patinig na \u\ sa malakas na patinig na \a\, \e\ o mahinang patinig na \i\ ng Espanyol. Halimbawa:

Espanyol              Filipino

bueno          –       buweno
cuento         –       kuwento
dueto           –       duweto
fuego            –       puwego
fuente          –       puwente
fuera             –      puwera
fuerza           –      puwersa
juego            –       huwego
mueble         –     muwebles
muebleria    –    muwebleriya
suero              –    suwero
vuelo              –    buwelo
vuelta             –    buwelta
fluido              –    pluwido
fatuidad         –    patuwidad

14. Paghalili ng \w\ sa mahinang patinig na \u\ sa kaso ng kambal patinig na \au\ at \eu\,  at pagsanib nito sa malalakas na patinig na \a\ at \e\, matagpuan man ang kambal patinig sa simula, gitna, penultima, at dulong pantig, halimbawa,

Espanyol                 Filipino

agua                   –          agwa
automatico     –          awtomatiko
autorizado      –          awtorisado
audición          –          awdisyon
Australiano    –          Awstralyano
aureo                –          awreo
cauterio          –          kawteryo
guau                 –          guwaw
jaula                 –          hawla
mausoleo       –          mawsoleo
nautico           –          nawtiko
Europa           –          Ewropa
eutanasia       –          ewtanasya
eufemismo    –          ewfemismo
eucalipto       –          ewkalipto

15. Pagpapanatili ng kambal patinig na \au\ kung ang \u\ ay may diin sa Espanyol, halimbawa

Espanyol            Filipino

baúl            –          baúl
laúd            –          laúd
Raúl            –         Raúl
Saúl             –         Saúl
aúpa            –        aúpa

16. Paghalili ng titik \s\ sa titik \z\ sa alinmang pantig kung ang salitang hiram ay  may katumbas na tunog na \s\. Halimbawa,

Espanyol                Filipino

brazo           –          braso
cabeza          –          kabesa
capataz         –          kapatas
cerveza         –          serbesa
eczema          –          eksema
calzada         –          kalsada
chorizo         –          tsoriso
pozo              –          poso
juzgado         –          husgado
delicadeza   –          delikadesa
finanzas        –          pinansa
fineza            –          pinesa

17. Paghalili ng titik \h\ sa \j\ kung ang bigkas ng \j\ sa Espanyol ay katumbas na \h\ sa Filipino at lalawiganing wika. Halimbawa,

Espanyol              Filipino

caja               –         kaha
cajero          –          kahero
cajon            –         kahon
jamon           –        hamon
japones        –        Hapones
jarana           –        harana
jardin            –        hardin
jasmin          –         hasmin
jefe                –         hepe
Jesucristo   –         Hesukristo
jinete            –          hinete
joven            –          hoben
junta             –          Hunta
jurado          –          hurado
jurisdiccion–         hurisdiksiyon
jurisprudencia–   hurisprudensiya
justicia          –         hustisya
justo               –         husto
juzgado         –         husgado
festejo           –          pesteho
faja                 –          paha
fijo                  –         piho

18. Paghalili ng titik \h\ sa \g\ kung ang bigkas sa hiram na salitang Espanyol ay may katumbas na \h\ sa Filipino at lalawiganing wika ang \g\. Halimbawa,

Espanyol                    Filipino

generación     –          henerasyon
general            –           heneral
Gentil               –           hentil
genuino          –           henuwino
Geopolitica    –          heopolitika
gigante            –           higante
gitano              –           hitano

19. Pagpapanatili ng titik \g\ sa hiram na salitang Espanyol kung ang hiram na salita ay may bigkas na \g\ (gi) sa Filipino (at lalawiganing wika), gaya sa Espanyol. Halimbawa,

Espanyol               Filipino

fogon             –          pugon
fogonero      –          pugonero
Glorieta        –          gloryeta
gobernador–          gobernador
golfo              –          golpo
gorra             –          gora
grande          –          grande
guardia         –          guwardiya
guitarra        –          gitara

20. Pagtanggal ng isang \r\ sa kambal na \rr\ sa salitang Espanyol, at ang bigkas ng hiniram na salita ay iaayon sa nakagawiang bigkas sa Filipino, at hindi sa pagpapahaba ng tunog na \r\ gaya sa Espanyol.
Halimbawa,

Espanyol               Filipino

carrera       –          karera
carreta       –          kareta
carretada    –        karetada
carretero     –       karetero
caratilla     –          kartilya
carreton      –        kareton
carro             –      karo
carroceria   –      karoserya
carroza        –        karosa
carruaje      –        karwahe
mirra            –        mira
cerrado       –        sarado, serado

21. Paghalili ng \ks\ sa kambal titik na \cc\, bagaman iaayon ang bigkas sa dila ng Filipino bukod sa hindi pananatilihin ang pagpapahaba ng katinig. Halimbawa,

Espanyol                  Filipino

accesoria       –          aksesorya
accidente       –          aksidente
acción             –          aksiyon
acceso             –          akseso
diccionario   –          diksiyonaryo
dicción           –          diksiyon
traducción    –          traduksiyon
direccion       –          direksiyon

22. Paghalili ng titik \p\ sa \f\ na nasa orihinal na Espanyol, sa unahan, gitna, penultima, o dulong pantig, kung ang bigkas na \f\ sa Filipino o lalawiganing wika ay matagal nang tinumbasan ng \p\, maliban sa ilang salitang may natatanging pakahulugan, gaya ng “Fausto,” “Filipinas,” “Filipino” at  “Fe,” (pangngalang pantangi); “Federal,” “feminiyedad” at “feminismo” (may bahid politikal), o kaya’y hango sa Latin at agham, gaya ng “flora at fauna”. Halimbawa,

Espanyol             Filipino

café                –          kape
cafeteria      –          kapeterya
cafetera        –         kapetera
certificado   –         sertipikado
defecto          –        depekto
defensa          –        depensa
deficit             –       depisit
definición     –        depinisyon
definido        –        depinido
fabrica          –         pabrika
factoria        –         paktorya
falda              –         palda
falsificar      –         palsipikahin
falso              –          palso
fanatico       –          panatiko
fantastico    –         pantastiko
farol              –          parol
farola            –          parola
fatalidad    –          patalidad
febrero       –          Pebrero
fecha           –          petsa
feria             –          perya
fianza          –          piyansa
fiasco          –          piyasko
ficha            –          pitsa
fiesta           –          piyesta
figura          –          pigura
fila                –          pila
filamento   –          pilamento
filibustero –          pilibustero
filosofia      –          pilosopiya
final             –          pinal
fino              –          pino
firma           –          pirma
firme           –          pirme
fiscal           –          piskal
fisica           –          pisika
fisiologia   –          pisyolohiya
flora            –          plora
florista       –          plorista
flotilla        –          plotilya
fluvial        –          plubiyal
fobia          –           pobya
fondo         –          pondo
fonografo  –         ponograpo
forma        –          porma
formal      –           pormal
formula     –          pormula
formulario  –       pormularyo
frances     –          Pranses
franela     –          pranela
freno       –          preno
funda       –          punda
fundar      –          pundar
grifo          –          gripo

23. Pagpapanatili ng titik \f\ sa hiram na salitang Espanyol, kung ang pagpapalit nito sa titik \p\ ay magbubunga ng kalituhan, bukod sa nagtataglay ng natatanging pakahulugang hindi limitado sa kasaysayan, politika, sining, kasarian, agham, atbp. ang salita. Halimbawa,

Espanyol                          Filipino

flan                        –          flan [cf plan]    leche flan
centrifugo          –          sentrifugo [cf pugo]
fresco                   –          fresko [cf presko]
folio                      –          folyo    [cf. polio]
fraccion              –          fraksiyon
fonda                   –          ponda [cf punda]
Filipinas             –          Filipinas
Filipino               –          Filipino
felon                     –          felon

24. Paghalili ng \ng\ sa titik \n\ kung ang bigkas ng \n\ sa Espanyol ay katumbas ng \ng\, halimbawa:

Espanyol                           Filipino

banco                   –          bang·ko
congregacion    –          kong·gre·gas·yon
konggreso          –          kong·gre·so
congresista        –          kong·gre·sis·ta
congreso            –          kong·gre·sis·ta
conquista           –          kong·kis·ta
domingo             –          Do·ming·go
fandango            –          pan·dang·go
Ingles                   –          Ing·gles
evangelico         –          e·bang·he·li·ko
evangelio           –          e·bang·hel·yo
franquesa          –          prang·ke·sa
rango                  –          rang·go

25. Paghalili ng  \ts\ o \sh\ na katumbas ng \ch\ sa hiram na salitang Espanyol, kapag inangkin sa Filipino at lalawiganing wika. Halimbawa,

Espanyol                Filipino

chaleco        –         tsaleko
chalet           –          tsaley
chambra      –        tsambra
champu       –         shampu, sampu
chapa           –          tsapa
chasis           –          tsasis
chauvinismo–       tsawbinismo
chile              –          sili
china             –          tsina
chinela         –          tsinelas
chino            –          Tsino
chiquito      –          tsikito
chisme         –          tsismis
chocolate    –         tsokolate
choque        –          tsoke
chorizo        –          tsoriso
chupon        –          tsupon
derecha       –          deretsa
derecho       –          deretso
ficha              –          pitsa

26. Pagtatanggal ng titik \c\ sa hiram na salitang Espanyol kung hindi ito binibigkas na \k\ o kaya’y hindi binibigkas [silent letter] sa Filipino at lalawiganing wika, gaya sa  sumusunod:

Espanyol                     Espanyol

disciplina            –          disiplina
disciplinado      –          disiplinado
disciplinario      –         disiplinaryo
discipulo            –          disipulo
doscientos        –           dosyentos
rescindir            –          resindir
rescisión            –          resisyon

27. Paghahalili ng kambal katinig na \ks\ na katumbas ng \x\ sa salitang hiram na Espanyol, lalo kung magkatumbas ang tunog nito pagsapit sa Kapampangan o Filipino. Halimbawa:

Espanyol                  Filipino
exacto          –          eksakto
exaltado      –          eksaltado
excelencia  –          ekselensiya
excelente    –          ekselente
excursion    –          ekskursiyon
exotico        –           eksotiko
expectacion –          ekspektasyon
experiencia –          eksperiyensiya
explotacion –          eksplotasyon
exterior        –          eksteryor
extra              –          ekstra
extremado   –          ekstremado
extremista   –          ekstremista
elixir             –           eliksir
maximo      –          maksimo

28. Paghahalili ng titik \b\ sa titik \v\ sa salitang hiram sa Espanyol pagsapit sa Filipino at lalawiganing wika, lalo kung halos magkatunog ang nasabing mga titik pagsapit sa Filipino. Halimbawa:

Espanyol                    Filipino                         Inggles

evangelico     –          ebangheliko                evangelical
evangelio      –           ebanghelyo                 gospel
evidencia      –           ebidensiya                  evidence
evolucion      –          ebolusyon                   evolution
diluvio           –           dilubyo                         deluge
novela           –            nobela                          novel
novelista      –            nobelista                     novelist
novena          –            nobena                        novena
noveno         –            nobeno                         ninth
noventa        –           nobenta                        ninety
novia, novio –         nobya, nobyo            fiancee
noviembre    –          Nobyembre                 November
nueve              –          nuwebe                         nine

29. Pagtatanggal ng titik \h\ sa salitang hiram sa Espanyol kapag ipinasok sa Filipino at lalawiganing wika, at kapag ang nasabing titik ay hindi binibigkas sa Espanyol at tinanggap noon pa man. Halimbawa:

Espanyol               Filipino

alhaja         –          alahas
chiste         –          siste
habilidad   –         abilidad
habito         –         abito
hacienda    –         asyenda
halibut        –          alibut
harina         –          arina
helada         –          elada
helado         –          elado
heraldo        –         eraldo
heredero      –        eredero
hermana       –        ermana
hermanidad  –      ermanidad
hermoso        –       ermoso
hidalgo          –        idalgo
hielo               –       yelo
hierba            –       yerba
hierro            –       yero
hija, hijo       –       iha, iho
hipocrita      –       ipokrita
historia         –       istorya
hombre         –       ombre
homilia         –        omilya
honesto        –        onesto
honor            –          onor
honorable    –         onorable
honorario     –        onoraryo
hora                –        oras
hostia             –        ostiya
huelga            –       welga
huevo            –        webo
humanidad  –       umanidad
colegiala       –       kolehiyala

30. Pagpapanatili ng titik \h\ sa hiram na salitang Espanyol, kung ang nasabing titik ay binibigkas sa Filipino (at ibang lalawiganing wika) at malapit sa Inggles. Halimbawa:

Espanyol                       Filipino              Inggles

helicoptero   –      helikopter(o)         helicopter
helio                 –      helyo                        helium
hernia              –      hernia                       hernia
heroico           –      heroíko                     heroic
herpes             –      herpes                       herpes
hipopotamo  –      hipopotamo           hippopotamus
hispano           –      hispano                    Hispanic; Spanish
horno              –      hurno                        oven (exception)
hotel                 –      otel o hotel             hotel

31. Pagpapanatili sa titik \e\ ng hiram sa salitang Espanyol, imbes na palitan ito ng \i\, upang mapanatili ang pagkakatangi ng dalawang titik. Halimbawa,

Espanyol            Filipino

esposo    –          esposo          (hindi isposo)
estable    –          estable         (hindi istable)
estacion  –         estasyon      (hindi istasyon)
estado     –          estado          (hindi istado)
estafa      –          estapa           (hindi istapa)
estancia  –          estansiya    (hindi istansya)
estante   –          estante         (hindi istante)
estatua   –          estatwa         (hindi istatwa)
elefante  –          elepante       (hindi ilipanti o ilipante)
estero     –          estero            (hindi istiro o istero)
estilo       –          estilo             (hindi istilo)
estudiante–       estudyante (di istudyanti, istudyante)
etica        –          etika               (hindi itika)
etiqueta  –          etiketa         (hindi itikita o itiketa)
etnico      –          etniko          (hindi itniko)
departamento– departamento   (hindi dipartaminto)
deposito    –        deposito     (hindi diposito)
desastre    –        esastre         (hindi disastri o disastre)
dentista     –        dentista       (hindi dintista)
decente     –         desente       (hindi disenti o disinti)

32. Pagpapanatili ng kambal patinig na \eo\ na ang mga titik ay kapuwa malakas na patinig sa Espanyol, halimbawa:

Espanyol                     Filipino

campeon        –          kampeon
cañoneo         –          kanyoneo
contemporaneo –   kontemporaneo
leon                 –          leon
neon                –          neon
estereo           –          estereo
teo                    –          teo
tropeo            –          tropeo

33. Pagpapanatili sa titik \o\ ng hiram sa salitang Espanyol, imbes na palitan ito ng \u\, upang mapanatili ang pagkakatangi ng dalawang titik. Halimbawa,

Espanyol                 Filipino

debito             –       debito         (hindi debitu)
descargo        –       deskargo   (hindi diskargu
destino            –       destino     (hindi distinu)
dialogo            –       diyalogo   (hindi diyalugu)
doctor             –       doktor        (hindi duktur, duktor)
doctrina          –      doktrina      (hindi duktrina)
documento     –      doktrina   (hindi duktrina)
director           –      direktor     (hindi direktur)
directorio       –       direktoryo (hindi direkturyo, direkturyu)

34. Paghalili ng \ny\ sa katumbas na tunog ng \ñ\ ng salitang Espanyol inangkin sa Filipino. Halimbawa:

Espanyol                Filipino

baño               –       banyo
caño               –       kanyo
cañoneo       –       kanyoneo
cariño           –       karinyo
castaña         –       kastanyas
castaño        –       kastanyo
daño              –       danyos
dañado         –       danyado
dañador       –       danyador
dañoso         –       danyoso
paño              –       panyo
piña               –       pinya

35. Paghalili ng titik \m\ sa \n\ kung ang kasunod na katinig ng \n\ sa salitang Espanyol ay \f\ o \v\, at paghahali ng \p\ sa \f\ o \b\ sa \v\. Halimbawa,

Espanyol                Filipino

influjo         –         impluho
informalidad     –          impormalidad
informante        –           impormante
infraestructura –          impraestruktura
ninfa             –          nimpa
ninfomania         –          nimpomanya
informador         –          impormador
influencia            –          impluwensiya
inflación              –          implasyon
inferior                –          imperyor
circunferencia   –         sirkumperensiya
cunferencia        –         kumperensiya
cunfesar              –          kumpisal
confeti                 –          kumpeti
convento           –          kumbento
convidar            –          kumbida
convulsión        –          kumbulsiyon

Panghihiram sa Inggles

Ang panghihiram ng mga salita sa Inggles ay maaaring gawin alinsunod sa orihinal na bigkas na Amerikano o British, ngunit kung gagawin ito ay malaki ang problemang idudulot sa pambansang wikang Filipino at sa mga wikang lalawiganing gaya ng Bikol, Ilokano, Kapampangan, Pangasinan, Tsabakano at iba pa.  Ito ay sapagkat makapapasok sa taal na palabigkasan ang bigkas na banyaga, at ang mga panuto’y posibleng kumiling sa banyaga kaysa taal na pagbigkas o pagsulat.

Upang maiwasan ito, maipapanukala na ang paraan ng pagpapantig at pag-angkin ng mga hiram na salitang Ingles ay baybayin alinsunod sa paraan ng pagbaybay sa Filipino. Bagaman sa ganitong paraan ay maaaring magdulot ng pagkalito dahil sa pangyayaring may maikli at mahabang patinig, at walang diin [unvoiced] at may diin [voiced] sa mga katinig sa Inggles, mapadadali naman ang panghihiram at pag-angkin sa Filipino at iba pang lalawiganing wika.

Mga prinsipyo sa panghihiram sa Inggles:

1. Paghiram ng mga salita sa Inggles na ang mga patinig ay maiikli ang tunog, at ang mga kasama nitong katinig ay hindi kinakailangang palitan o halinhan ng iba pang katinig sa Filipino. Halimbawa[ii],

fan, fat, fad, gap, gab, gal, ham, jab, mat, pan, pad, rag, tab, tag, van, vat,  beg, gem, gel, hem, keg, peg, dip, fin, fig, fit, gin, gig, jib, jip, kin,  nip,  rim, rig, sip, tin,  wit, bop, cod, cog, jog, lob, lot, mob, pod, sod, bum, bus, bud, cud, gum, gut, hug, hut, jug, lug, nun, pun, pug, sum, tug.

deposit, ant, apart, absorb, absent, aspirin, asparagus, artist, hotdog bun, madman, jetlag, winzip, dotcom, nipper, mentor, metal, network,  vetmed, pigpen, tandem, yam jam, penpal, hot rod, rum jig, tenpin, hitman, bedbug, Sun God, lapdog, wet rug, ten bids, tiptop, tidbit, big bag, laptop, wet-mop, kidnap, task, setback, riprap, jetlag, hiphop, lab kit, Denmark, pitbull, dad or mom, cat-nap, sub-par, bar mug, nut bolt, humbug, red lips, lollipop,  helper,  inherit

2. Paghiram ng buong salita kung ang mga salitang Inggles ay magkakaproblema sa pag-unawa kapag binaybay sa Filipino. Halimbawa,

act (na alanganing baybayin na \ak\, ngunit puwedeng tanggapin kapag may dalawa o higit pang pantig, gaya ng aktor mula sa actor o akting mula sa acting)

apt  (na alanganing baybayin na ap)

cat (na alanganing baybaying kat na pangalan ng tao, at itumbas din sa cut  na may maikling tunog \u\)

cap (na alanganing baybaying kap, na puwedeng gamitin din sa cup  na may maikling tunog schwa ng \u\ sa Inggles)

cab (na alanganing baybaying kab na magagamit din sa maikling tunog na \u\ sa cub)

fun (na maaaring maging fan o pan, kapag binaybay sa Filipino)

gun (na maaaring maging gan, bukod sa higit na popular ang baril)

rain (na maaaring reyn, at maikakabit sa rein, bukod sa popular ang ulan)

3. Pag-iwas sa paghiram ng mga pangngalan, panghalip, pang-abay, pangatnig, pang-uri, at pandiwang bagaman nagtataglay na maiikling tunog na patinig at walang dapat baguhin sa katinig kapag inangkin  sa Filipino ay hindi gaanong makabuluhan o may katumbas na sa panig ng Filipino at lalawiganing wika. Halimbawa,

con, did, has, hid,  him, his, ran, sat, got, not, won, but, dug, rid, sun, run, rut, let, met, hat, sap, dim, dig, bet, rat, map, hen, lid, sin, sit, fog, hog, cop, bat, bad, ram, sad, sag, get, jot, cot, rot, led, bin, nod, ton, tot, pup

4. Paggamit ng mga katumbas na salita sa Espanyol na dati nang binaybay sa Filipino kung ang salitang Inggles na may mahahabang tunog na patinig \a\ at may katinig na tunog na \sh\ at \zh\ ay magkakaproblema kapag binaybay sa Filipino. Halimbawa,

Inggles                                                Filipino

education– edukasyon (hindi edukeyshon)

population–populasyon (hindi populeyshon)

adaptation – adaptasyon (hindi adapteyshon)

administration– administrasyon (hindi administreyshon)

approximation– aproksimasyon (hindi aproksimeyshon)

circulation–  sirkulasyon (hindi sirkyuleyshon)

condensation   –   kondensasyon (kondenseyshon)

immigration  –  imigrasyon (hindi imigreyshon)

inauguration –  inagurasyon (hindi inogyureyshon)

irrigation–   irigasyon (irigeyshon)

investigation –    imbestigasyon (hindi imbestigeyshon)

organization  –  organisasyon (hindi organiseyshon)

oxidation –   oksidasyon (hindi oksideyshon)

favor  –   pabor (hindi peybor)

radio  – radyo (hindi reydyow)

train  –  tren (hindi treyn)

5. Pagbaybay sa mga salitang may mahabang tunog na \a\ sa pamamagitan ng paghalili ng \ey\ sa \a\, \ai\, katinig na may \e\, at \ei\ halimbawa:

Inggles      Bigkas sa Inggles            Filipino

baby            \’bâbç\                               béybi
paper            \’pâpYr\                           péyper
table              \’tâbYl\                            téybol
cable              \’kâbYl\                           keybol
fracas             \’frâkYs\                         freykas, prakas
bakery         \’bâk(Y)rç\                      beykeri, beykri
acorn              \’akYrn\                         eykorn
traitor            \’treitYr\                        treytor
terrain           \tY’rein\                         tereyn
sleigh             \slei\                           isley
heinous           \’heinYs\                      heynus
heirloom         \’ºYr,lum\                   eyrlum
wait               \weit\                           weyt
waiter             \’weitYr\                        weyter
contain            \kYn’tein\                    konteyn
training           \’treiniç\                       treyning
sail                     \seil\                    seyl
obtain             \Yb’tein\                       obteyn
remain            \ri’mein\                       remeyn
explain            \ik’splein\                    ekspleyn
strait                 \streit\                   istreyt
daisy              \’deizi\                      deysi
birthday          \’bçrè,dey\                 bertdey
highway           \’hai,wei\                     haywey
display            \di’splei\                    displey
late                   \leit\                    leyt
gate                   \geit\   geyt
cake                    keik\   keyk
rain                  \rein\   reyn
apron               \’eiprYn\                    eypron
gamer               \’geimYr\                    geymer

6. Kaugnay ng naunang bilang, paghalili ng \ay\ sa titik \i\ o sa patinig na may mahabang tunog na \i\ doon sa salitang may dalawa o higit pang pantig, halimbawa:

Inggles                                      Filipino

high school              –             hay-iskul

diet                             –             dayet

scriptwriter             –             iskriprayter

good-night               –             gudnayt

night club                 –             naytklab

egg pie                       –             egpay

side car                     –             saydkar

overnight                 –             obernayt

lighter                        –             layter

black-eye                 –             blak-ay

fighter                        –             payter

ice bag                       –             ays-bag

ice cream                 –             ayskrim

7. Kaugnay pa rin ng bilang 5, pagpapanatili ng \ay\ mula sa mahabang tunog na \a\, kaya karaniwang hinihiram nang buo ang salita sa Inggles, halimbawa:

Inggles  at Filipino

play, mayor, today, prayer, stay, player, pay, holiday, decay, relay, Sunday, bay, Monday, Saturday, Tuesday, Friday, Wednesday, Thursday

8. Paghalili ng \p\ sa titik \f\ na mula sa mga salitang Inggles, kung ang kasunod na patinig ay maiikli ang tunog, at pagbago sa orihinal na ispeling upang ganap na maangkin sa Filipino, halimbawa:

Inggles                                      Filipino

defect                         –             depek

definite                      –             depinit  (depinido)

artificial                    –             artipisyal

effect                          –             epek

perfect                       –             perpek

flashback                  –             plasbak

folder                         –             polder

flashlight                  –             plaslayt

feedback                                   –             pidbak

9. Gayunman, makabubuting isaalang-alang ang iba pang salitang may titik \f\ sa Inggles, ang tunog nito bilang katinig [fricative sound], at ang posibleng maging anyo nito pagsapit sa Filipino. Halimbawa,

Inggles                                      Filipino

fancy                          –             fansi

fan                               –             fan

farm                            –             farm

fault                            –             folt

ferry                           –             feri

full house                 –             fulhaws

fissure                        –             fishur, pisyur

forest                         –             forest

fast                              –             fast

fistula                         –             fistula

firm                               –           firm

flagman                        –          flagman

flamingo                      –          flaminggo

flop                                –          flop

flint                               –          flint

flip flop                        –          flip flop

folklore                       –          foklor

foreman                      –          forman

forward                       –          forward

Frisbee                        –          Frisbee

football                        –          futbol

10. Paghalili ng \k\ sa titik \c\ kung ang \c\ na mula sa salitang Inggles ay katunog ng \k\, halimbawa:

Inggles                             Filipino

apricot                  –          aprikot
account                –           akawnt
active                   –            aktib    (aktibo)
activity                  –          aktibiti
actor                       –          aktor
access                    –          akses
cordon                   –          kordon
corner                    –          korner
carot                        –          karot
coupon                    –         kupon, kiyupon
counter                   –          kawnter
critique                    –         kritik
cucumber               –         kiyukumber, kukumber
dichotomy             –         daykotomi
galactic                    –         galaktik
rollback                   –         rolbak
rest back                   –       resbak
heckler                      –        hekler
Hercules                   –        Herkules
icon                            –        íkon (Esp), aykon (Ing)
archipelago             –        artsipelago ; arkipelago

11. Paghalili ng \s\ sa titik \c\, kung ang \c\ na mula sa salitang Inggles ay katunog ng \s\. Halimbawa,

Inggles                                      Filipino

center                      –             senter
Cyclops                     –             sayklops
cyst                        –             sist
deception                 –             desepsiyon
decision                   –             desisyon
decimal                     –             desimal
gastric ulcer            –             gastrik ulser
cellar                      –          selar
cigarette                   –             sigaret, sigarilyo
cinema                      –             sinema, sine
cinematography   –           sinematograpi
notice                        –           notis

12. Paghalili ng \ks\, \se\ o \s\ sa titik \x\ na nagtataglay ng gayong mga tunog sa Inggles. Halimbawa,

Inggles                                      Filipino

xylophone               –             saylopon

X-ray                          –             eksrey

Xerox                         –             seroks

Xenon                        –             Senon

xylography             –             saylograpi

antrax                        –             antraks

sexy                            –             seksi

taxi                             –             taksi

fax                               –             faks

sex                              –             seks

sexual                        –             sekswal

13. Pagtanggal ng isang titik sa \bb\, \dd\, \ff\, \ll\, \mm\, \pp\, \rr\ o \ss\ na mula sa salitang Inggles upang mapadali ang pagsulat, maliban sa ilang salitang gaya ng add (ad), ass (as), app (a), halimbawa:

Inggles                                      Filipino

address                    –             adres

addition                   –             adisyon (adishon)

afford                         –             aford, apord

arrest                        –             arest

arrival                       –             araybal

carrot                       –             karot

chess                          –             tses

compass                   –             kompas

comma                     –             koma

collapse                   –             kolaps

ribbon                      –             ribon

rock and roll           –             rakenrol

14. Paghalili ng titik \i\ sa kambal na titik \ee\ o sa tunog ng mahabang patinig na \e\ sa Inggles doon sa mga salitang may dalawa o higit pang pantig, halimbawa:

Inggles                                      Filipino

cheese                       –             tsis  (keso)

coffee                         –             kopi, kofi, kape

creek                          –             krik (exception)

guarantee                 –             garanti

feedback                  –             pidbak

meatball                   –             mitbol

beadwork                –             bidwork

feeble                         –             fibol, pibol

wheel-barrow         –             wilbaro

15. Paghalili ng titik \i\ sa mahabang tunog na \e\ o sa mga salitang nagwawakas sa titik \y\ na ang tunog ay \i\ sa Filipino  o  Inggles, ngunit  nagtataglay lamang ng dalawa o higit pang pantig ang buong salita, halimbawa:

Inggles                                      Filipino

party                          –             parti

seat belt                    –             sitbelt

breeder                     –             brider

happy                         –            hapi

entry                         –             entri

city hall                     –             sitihol

civilian                     –             sibilyan

pantry                       –             pantry

busy                           –             bisi (schwa)

rally                            –             rali

bodyguard              –             badigard

army                          –             armi

mystery                    –             misteri

Sa kaso ng ibang salita sa Inggles na ang \y\ ay katunog ng \ay\ o \i\, inihahalili ang \ay\ o \i\ sa \y\, halimbawa,

Inggles                                      Filipino

nylon                                         naylon

typewriter                               tayprayter

apply                                          aplay

bypass                                       baypas

cyclops                                     sayklops

hybrid                                       haybrid

hyperbola                                hayperbola

hyperactive                            hayperaktib

myna                                          mayna

mystique                                  mistik

mystery                                    misteri

physics                                      pisiks

physical                                    pisikal

psychic                                     saykik

16. Paghalili ng \u\ sa kambal patinig na \oo\ o sa mahabang tunog na \u\ sa Inggles, doon sa mga salitang may dalawa o higit pang pantig, halimbawa:

Inggles                                      Filipino

movie house           –             mubihaws

plywood                   –             playwud

book store               –             buk-istor

boomerang              –             bumerang

football                     –             futbol

swimming pool      –             suwingpul

bookmark                –             bukmark

shoot                          –             siyut

shooting                   –             siyuting

collapse                    –             kulaps

collage                       –             kulads

flute                            –             flut

flourine                     –             plorin, florin

beerhouse                –             birhaws

chlorine                    –             klorin

crematorium          –             krematoryum

17. Pagpapanatili ng \o\ sa mahabang patinig na \o\ na may bigkas na \ow\ o kaya’y sa mga salitang ang \o\ ay may bigkas na \a\ sa Inggles, ngunit sa mga salitang may dalawa o higit pang pantig lamang. Halimbawa,

Inggles                                      Filipino

hopeless                   –             hoples

boatman                   –             botman

poisoning                 –             poysoning

oil                                –             oyl (oleo)

photographic         –               potograpik, potograpiko

power                        –             power (pawer)

tower                         –             tower  (tawer)

overlook                   –             oberluk

hora                            –             hora

Roman                       –             Roman

moray                        –             moray

18. Paghalili ng \yu\ o \tsu\ sa mahabang patinig na \u\ o sa mga salitang may tunog na \yu\ sa Inggles, halimbawa[iii]:

Inggles                                      Filipino

tribune                      –             tribyun

bugle                          –             biyugel

Unicorn                    –             Yunikorn

tube                            –             tsub

compute                   –             kompiyut

tune                            –             tsun

exclude                     –             eksklud

reduce                       –             redyus

fluke                           –             fluk, pluk

produce                    –             prodyus

resume                      –             resyum

salute                        –             salut  (exception)

volume                      –             bolyum

perfume                    –             perpiyum, perfiyum

blue                            –             blu (exception)

interview                  –             interbiyu

cute                            –             kyut, kiyut

cuticle                       –             kiyutikel, kyutikel

19.  Pagpapanatili sa tunog at titik \z\  sa Inggles (na  maitatangi sa tunog ng katinig na \s\),  o kaya ay may tunog na \ts\ ang \z\, halimbawa:

Inggles                      Filipino

May tunog na \z\

zoo                              –             zu

zebra                          –             zebra

zigzag                         –             zigzag

Zulu                            –             Zulu

zest                             –             zest

zero                            –             zero

zoom                          –             zoom

zenith                         –             zenith

May tunog na \ts\

pizza                           –             pizza

Nazi                            –             Nazi

waltz                           –             waltz

Mozart                       –             Mozart

Maliban kung ang salita ay matagal nang inangkin sa Filipino, at hinalinhan ng \s\ ang \z\, gaya sa zipper na naging siperzodiac na naging sodyakzarzuela na naging sarsuwela.

20. Pagpapanatili ng titik \s\ sa mga salitang may katunog na \s\ o \z\, kahit pa ang salita ay walang titik \z\, halimbawa,

Inggles                           Filipino

reason  \’rizan\           rison

adviser \ad’vayzer\     adbayser

because \be’koz\        bekos

present \’prezent\       present

seismometer \sayz’mometer\ saysmomiter

seize    \’siz\               sis

series   \’siriz\             siris, serye

21. Sa mga salitang ang titik \s\ o \z\ ay may katumbas na tunog na \zh\ sa Inggles, pinanatili ang tunog na \s\, \sy\ o \ds\,  halimbawa,

Inggles                         Filipino

massage \ma’sazh\      masads

beige    \beizh\              beyds

garrage \ga’rash\           garads

vision \’vizhon\              bisyon

azure    \ash’ur\ asur

television \’tele,vizhon\ telebisyon

version \’verzhon\        bersiyon

conclusion \kan’kluzhon\ konklusyon

measure \’mezhur\         mesyur

exposure \ik’spozhur\ eksposyur

21. Pagpapanatili sa titik \b\ sa mga salitang may tunog na \bi\ sa Inggles, halimbawa:

May maiikling patinig

 

Inggles                               Filipino

best                        –          best

bring                       –          bring

boyfriend                –          boypren

baloon                    –          balun

rubberband             –          raberban

backpack               –          bakpak

blog                        –          blog

bottom                   –          botom

botox                     –          botox

bucolic                   –          bukolik

brag                       –          brag

blackmarket           –          blakmarket

balcony                  –          balkoni

bonsai                    –          bonsay

barber                    –          barber

brandy                    –          brandi

backer                    –          báker

backyard                –          bakyard

bangs                     –          bangs

bangle                    –          banggel

banyan                   –          banyan

basket                    –          basket

bellboy                   –          belboy

billboard                 –          bilbord

May mahahabang patinig

 

Inggles                               Filipino

baby                       –          beybi

baloon                    –          balun

labor                      –          leybor

blinder                    –          blaynder

barricade                –          barikeyd

barrast                    –          barast

baywood                –          beywud

bazaar                    –          basar

battleship                –          batelship

bailiwick                 –          beylawik

baker                     –          beyker

backstroke             –          bak-istrok

bargain                   –          bargeyn

bailable                   –          beylabol

22. Pagpapanatili ng titik \g\ sa mga salitang ang tunog nito ay \j\ o \zh\, at paghiram ng buong salita, samantalang pinag-aaralan pa sa Filipino ang implikasyon ng naturang tunog kung tutumbasan ng titik \j\ kapag inangkin nang ganap sa Filipino, halimbawa,

Inggles                                Bigkas                  Filipino

general                 \jeneral\             general (jeneral)

gin                          \jin\                      gin  (jin)

agent                     \eyjent\              agent (ajent)

energy                  \enerji\                               energy (enerji)

manage                                \manidzh\          manage (manej)

suggest                 \sagjest\             suggest (sajest)

mirage                  \mirahzh\          mirage (mirash)

garage                  \garahzh\           garage (garash

beige                     \beihzh\              beige (beysh)

rouge                    \roozh\                               rouge (rush)

23. Paghalili ng titik \k\ o \kw\ sa \q\ o \qu\ kung ang naturang mga titik sa Inggles ay katunog ng \k\ o \kw\, halimbawa,

Inggles                                                Filipino

antique                                 antik

unique                                  unik

technique                           teknik

grotesque                           grotesk

Iraq                                       Irak

equinox                              ekwanoks, ikwanaks

quality                                 kwaliti

question                              kwestiyon

equal                                     ikwal

require                                 rekwayr

quit                                        kwit

24. Paghahalili ng \ks\ sa \x\ kahit ang titik \x\ na mula sa salitang Inggles ay katunog man ng \ks\ o \gz\, halimbawa,

Inggles                                 Filipino

May tunog na \ks\

exercise                              eksersays

relax                                     relaks

axis                                        aksis

expect                                  ekspek

external                               eksternal

May tunog na \gz\

exam     \ig’zam\              eksam

exact     \ig’szakt\            eksak

exit        \eg’zit, ek’sit\    eksit

executive \ig’zekyutiv\  eksekyutib

exist      \ig’zist\                  eksis

exult     \ig’zolt\               eksult

25. Pagpapanatili ng titik \t\ sa mga salitang walang diin (unvoiced) ang tunog ng \th\, o paghalili ng \de\ sa \th\ kung may diin (voiced) ito, ngunit dapat nagtataglay ng dalawa o higit pang pantig upang maiwasan ang kalituhan sa ibang kahawig na salitang may iisang pantig lamang. Halimbawa,

Inggles                                      Filipino

Walang diin (unvoiced \th\)

 

thematic                   –             tematik

thermal                     –             termal

therapy                     –             terapi

thinner                      –             tiner

thermos                    –             termos

broth                          –             brot

tooth brush             –             tutbras, sepilyo

shoulder                   –             sholder

thunderbolt            –             tanderbolt

bath                            –             bat(h)

zither                         –             ziter

May diin (voiced \th\)

tithing                        –             tayding

mother                      –             mader

father                         –             páder

weather                     –             weder

bother                       –             bader

gathering                  –             gadering

rhythm                      –             ridem

wither                        –             wider

clothes                      –             klowds, clods

26. Pagpapanatili ng titik  at tunog\v\ kung ang pagpapalit nito sa \b\ ay magkakaroon ng kalituhan pagsapit sa Filipino, halimbawa,

Inggles                                                Filipino

vapor                           vapor  (cf  bapor)

valet                 –          valet  (cf ballet)

vamp                –          vamp ( cf bump)

vent                  –          vent (cf bent)

vowel               –          vowel (cf bowel)

Pangwakas

Mapapansin na bagaman tinalakay sa papel na ito ang mga tunog ng katinig sa wikang Inggles ay hindi pa masasabing sapat na ang mga halimbawa. Iminumungkahi na pag-aralan pang maigi ang siyam na tunog ng katinig sa Inggles, na kinabibilangan ng tunog ng \v\, \f\, \h\, \s\, \sh\, \z\, \zh\, at ang malakas at mahinang \th\, gaya ng thin \èin\, think                  \èink\, at thick \èik\ (na pawang mahihina) at them \ð[m\, feather \’f[ðYr\, at weather \’w[ðYr\ (na pawang malakas).

Iminumungkahing pag-aralan din ang mga kambal katinig na \ch\ o klaster na \tch\; ang \ck\ na katunog ng \k\; ang \gu\ na katunog ng \gw\; o ang klaster na gaya ng \dge\ na katunog ng \j\; ang \sch\ na katunog ng \sk\ o \sh\, na magluluwal ng gaya ng iskolar (scholar), iskul (school), iskim (scheme), at iskedyul (schedule).

Malaking hamon ang pagtatakda ng panuto sa mga titik na hindi binibigkas [silent letters]  sa Inggles, gaya \bt\ at \pt\, gaya ng doubt at receipt;   o kaya’y \kn\, \gn\,  at \pn\ na gaya ng knee, gnome, pneumonia.  Bagaman ang ilang di-binibigkas na titik, gaya ng \ps\, \rh\, at \wr\ ay hindi gaanong problema kapag binaybay sa Filipino, halimbawa saykologist (psychologist),  ang problema ay natutuon sa posibilidad ng pagkakaroon ng ibang kahulugan ng salita, gaya ng wrapper na kapag binaybay na raper  sa Filipino ay makalilito kung ito ba ay pambalot o mang-aawit ng musikang rap, o bagong bersiyon ng rapist.

May natatagong pagsalungat ang wikang Filipino sa pag-angkin ng tunog ng \j\, at karaniwang tinutumbasan ito ng \dy\, gaya sa d’yanitor (janitor), d’yaging (jogging), d’yunyor (junior).  Nagkakaroon ng problema sa panghihiram kung ang tunog \j\ ay dinikitan ng  tunog \s\, gaya sa judge  (jadz), knowledge (nalejz), at college  (koledz), ledger (lejer, ledyer). Sa ganitong pangyayari, ang tunog \j\ ay nilalapatan na lamang ng pinakamalapit na tunog, at ang aproksimasyon na ito ay batay sa pandinig ng Filipino.

Maimumungkahi na gamitin ang paraan ng pagbigkas sa Filipino, sapagkat ang mga baguhang mag-aaral ay hindi naman maláy sa pinagmulan ng Inggles at iba ang pamamaraan ng pagbigkas sa Filipino at lalawiganing wika. Ang pagpapanibago ng ortograpiyang Filipino ay dapat nasa parametro ng Filipino, at hindi dapat laging nakatingala sa gaya ng Inggles.

Napapanahon na, kung gayon, na repasuhin at baguhin ang Ortograpiyang Filipino ng KWF.

Ang panukalang pagbabago sa ortograpiyang Filipino ay inaasahang magbubukas din ng iba pang pinto para sa pagsagap ng mga salita mula sa iba pang internasyonal na wika. Kung paano ang mga ito makapagpapalago sa diskurso ng mga Filipino ay isang usaping nangangailangan ng iba pang talakayan.

[Binasa at tinalakay ni KWF Dir. Hen. Roberto T. Añonuevo sa Pangasinan State University, Bayambang, Pangasinan noong 24 Agosto 2012, kasabay ng pangwakas na palatuntunan ng Buwan ng Wika. Ang ilang talakay sa Espanyol, at ang kabuuan ng paliwanag sa Inggles, ay mula sa awtor at hindi pa naibibilang sa Bagong Ortograpiyang Filipino ng KWF na inalathala noong 2009 at inilimbag nang ilang beses.]

Dulong  Tala

[i] Hango ang mga halimbawa sa http://www.andropampanga.com/Spanish.html noong 21 Agosto 2012, alas-otso ng umaga, ngunit ang paglalapat sa makabagong ortograpiya ay mula sa awtor.

[ii] Hango ang mga halimbawa sa http://www.resourceroom.net/readspell/wordlists/last3sylltypes/longa.asp noong 22 Agosto 2012, alas-tres ng hapon sa Filipinas.

[iii] Hango ang mga  halimbawa sa http://teacherhelpforparents.com/category/reading/ long-vowel-sounds/ noong 23 Agosto 2012, alas-dos ng hapon, ngunit ang paglalapat ng tunog sa Filipinoay orihinal ng awtor.

 

Engkuwentro, ni Alex Skovron

salin ng tulang tuluyan ni Alex Skovron.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang panahong iyon, ani Turgenev, na ang pagsisisi ay gaya ng pag-asa, at ang pag-asa ay gaya ng pagsisisi, at pumanaw ang kabataan bagaman hindi pa sumasapit sa pagkatigulang. At mailap sa atin ang mga pakahulugan, nakadapo sa likod ng ilusyon ng salamin, at kumakawala ang mga katwiran, at ang mukha ay naghuhunos na katwiran, at ang katwiran ay basta makapangatwiran. Higit sa paliwanag ang ilang bagay, na ang sinisikap nating mahalukay ang siya nating ibig kalimutan, at kalimutan ang pinaghihirapan nating tandaan. Pagsapit sa mga lalawigan, anung gaan ang pag-akyat sa talampas sa lilim ng makukutim na ulap, anung gandang salungatin ang nilimbag na bangin ng maingay na kapatagan. Ngunit ang lungsod ng gunita ay nakatimo sa likod ng hulagway ng langit—tulad ng dambuhalang sasakyang biglang iniladlad pababa, padausdos sa kahanga-hangang kisame sa likod ng bakood, na ang gilid na ilalim ay tampok ang nakapangangalisag na hubog at sirkito—upang uyamin tayo sa walang hanggang ringal, o tawagin tayo sa paglalakbay na walang balikan. Ngunit kapag tayong nakinig ay hindi banyaga ang musika; kilala nito tayo hanggang kaloob-looban. Magpapaikot-ikot tayo, magsisisi at mag-aasam, makikibaka upang upang tuklasin ang solidong bahagi sa pagitan ng ilog at batuhan. Kapag muli tayong tumingala, maglalaho ang monolito. Kakalmutin natin ang himpapawid para humanap ng dahilan at magpapalit-palit ng kahulugan. Sasambahin natin ito, at tatawaging Maykapal. O pipiliing pumagitna, gaya ng winika ni Montale, sa pag-unawa ng wala at labis; ang lalawigan ng makata o nating lahat.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883. Dominyo ng publiko.

Panukalang Pagdulog sa Pag-unawa ng Tula

Humihirap ang pag-unawa sa tula dahil ang pakahulugan ng “tula” ay hindi na lamang maikakahon sa “tugma, sukat, kariktan, at talinghaga” gaya ng unang winika ni Lope K. Santos, at pinalawig pagkaraan nina Julian Cruz Balmaseda at Iñigo Ed. Regalado. Pumasok ang kaso ng “malayang taludturan” nang tawagin ni Amado V. Hernandez noong 1931 ang kaniyang akdang pinamagatang “Wala nang Lunas” na “maikling kuwento sa tuluyang tula.” Samantala, gagamitin ni Alejandro G. Abadilla noong 1932 ang tawag na “kaunting tula at kaunting tuluyan” sa kaniyang kauna-unahang pagtatangka ng munting tulang tuluyan [petit poeme en prose].

Lalong hihirap ang pag-unawa sa tula kung ilalahok sa pakahulugan ang bersong itinatanghal nang paawit kung hindi man pahimig, at inaangkupan pa minsan ng indak, iyak, at paglulupasay. Ang dating Balagtasan—na matalim na pagtatalo sa pamamagitan ng tulang may sukat, tugma, siste, at talinghaga—ay napalitan ng “rap contest” at “lyrical battle” sa kasalukuyang panahon ng jologs at jejemon. Itinuturing na ring tula ang mismong disenyo at ayos ng mga salita o larawan, kaya ang disenyo ay pinapatawan ng higit na pagpapakahulugan kaysa sa kayang isaad ng nilalaman. Sa ibang pagkakataon, ang “tula” ay naikakahon sa gaya ng pinauusong mababaw na berso ng Makatawanan ng Talentadong Pinoy at waring panatikong representasyon ng himig ni Marc Logan.

Kung ganito kalawak ang pagpapakahulugan sa “tula,” kinakailangang baguhin din natin ang nakagawiang pagbasa ng tula. Hinihingi ng panahon ang masinop na paggamit ng mga lente ng pagbasa, at ang bawat lente ay dapat iniaangkop din sa piyesang sinusuri. Hindi ko ipagpapaunang higit na tama ang isang paraan ng pagbasa kaysa ibang paraan ng pagbasa. Gayunman, masasabing mapadadali ang pagbasa sa isang tula kung hahanapin ang mga panloob at panlabas na reperensiya ng pagbasa ng tula.

Ang panukala kong pagbasa ng tula ay may kaugnayan sa dalawang aspekto. Una, ang panloob na reperensiya ng tula, at siyang may kaugnayan sa gaya ng pananaludtod, pananalinghaga, at pagtukoy ng tauhan, himig, tinig, at iba pang sangkap na ginagamit ng makata. Sa yugtong ito, ang tula ay sinisikap na basahin alinsunod sa pamamaraan, sining, at punto de bista ng awtor, at ang mambabasa ay ipinapalagay na “maláy na mambabasa” na bagaman malaya ang pag-unawa ay kinakailangang pumasok sa itinuturing na kaayusan ng mga pahiwatig at pagpapakahulugan ng makata.

Sa kabilang dako, ang panlabas na reperensiya ng tula ay may kaugnayan sa tao, bagay, at pangyayari sa lipunan o kaligiran at siya namang ipinapataw sa pagbasa ng tula. Sa ganitong yugto, ang mga nagaganap sa lipunan ay hinahanapan ng katumbas na pakahulugan o pahiwatig sa tula; kaya ang tula ay mistulang alingawngaw o kabiyak, kung hindi man salamin ng lipunan. Kabilang sa panlabas na reperensiya ang pagtanaw at pagpapakahulugan ng mambabasa sa masasagap na pangyayari, talinghaga o disenyo mula sa realidad ng lipunan, at bagaman may bukod na pagpapakahulugan ang awtor ay nadaragdagan, nababawasan, o nahahaluan ng pagpapakahulugang nililikha ng mambabasa.

Higit na magiging dinamiko ang pagbasa ng tula kung susubuking gamitin ang dalawang reperensiya, na matatawag na “salimbayang pagbasa,” bagaman hindi maipapalagay na balanse ang pagtalakay. Maihahalimbawa ang tula ng batikang makatang Mike L. Bigornia.

SIYUDAD

Sinasamba kita, Siyudad,
Emperatris ng bangketa at bulebard,
Sultana ng estero at ilaw-dagitab.
Ikaw na parakaleng hiyas,
Kaluluwa at katauhang plastik,
Maha ng basura at imburnal,
Palengke ng busina at karburador,
Gusali, takong, pustiso at bundyclock.

Sinasamba kita, Siyudad,
Kurtesano real ng karimlan,
Ikaw na pulang bampira at mama-san,
Primera klaseng bakla,
Paraiso ng bugaw, torero at burirak,
Sagala ng pulubi, palaboy at patapon,
Kantaritas ng kasa at sauna,
Beerhouse, nightclub at motel.

Sinasamba kita, Siyudad,
Donya marijuana,
Unang Ginang ng baraha, nikotina at alkohol,
Matahari ng haragang tsapa, lumpeng tato,
Halang na gatilyo at taksil na balisong,
Ikaw na una’t huling dulugan
Ng kontrabando, despalko at suhol,
Pugad ng salvage, dobol-kros at rape.

Sinasamba kita, Siyudad,
Ikaw at ikaw lamang ang aking amor brujo.
Itakwil man kita’t layasan,
Tiyak na ako’y magbabalik sa narkotikong katedral
Upang ulit-ulitin
Ang isang nakaririmarim na pag-ibig
At sambahin ang iyong ganggrenong kariktan
At kamatayang diyaboliko.

Maaaring sipatin ang tulang ito ni Bigornia alinsunod sa panloob na reperensiya, na may kaugnayan sa lungsod na inilalarawan ng isang tiyak na personang nakababatid o nakakikilala rito. Kung gagamiting punto ng reperensiya ang lungsod na ginamit ng makata, ang kasiningan ng tula alinsunod sa pananaw ng awtor ay maibabatay sa husay ng pagkasangkapan sa personang nagsasalita sa loob ng tula, at sa pagkatalogo ng mga bagay o pangngalang ginawa nito, na pawang maiindayog ang tunog, at kaugnay ng maselang pananaludtod at pananalinghaga. Pambihira ang ginawang paghahanay ng mga salita ng makata, at bawat pukol ng salita ay nag-iiwan ng nakaririmarim na imahen subalit ang parikala’y lalong nagiging kaibig-ibig ito sa panig ng personang nagsasalitang sungayan din kung mag-isip. Animo’y nabuhay muli ang gaya nina Charles Baudelaire at Arthur Rimbaud sa taktika ni Bigornia, at ang isang nakahihindik na tagpo’y naisasalin nang hindi binabanggit ang isang tiyak na marumi’t napabayaang pook. Maidaragdag din sa pagsusuri ng tula na ang paraan ng pagsasakataga ni Bigornia ay taliwas noon sa paglalarawan ng lungsod na kinasusuklaman. Ibig sabihin, sinusuway ni Bigornia ang kumbensiyon ng pagpuri sa lungsod, at kahit ang itinuturing na pinakapangit na pook ay napagbababanyuhay na pinakamaganda sa daigdig.

Kung gagamitin naman ang panlabas na reperensiya ng tula, ang tula ay maaaring basahin alinsunod sa representasyon ng mga salita doon sa realidad na ginagalawan ng mga mambabasa. Nagiging mabisa ang pagbasa alinsunod sa ipinapataw na pakahulugan ng maláy na mambabasa sa mga pangyayaring may kaugnayan sa trapik, prostitusyon, krimen, basura, droga, sugal, sindikato, at iba pa. Ang isang mambabasa, kung gayon, ay makapagpapanukala ng kaniyang haka-haka hinggil sa kaniyang lipunang batbat ng katiwalian at korupsiyon, at kung paanong tinatanggap [o dinadakila] ito ng isang tao na nagsasalita sa tula. Maaaring basahin kung gayon ang tula alinsunod sa laro ng kapangyarihan ng mga uring panlipunan, o kaya’y sa pananaw na moralistikong alagad ng simbahang tagapangalaga ng kaluluwa, at kung bakit tingnang mapanganib ang lumpeng intelektuwal na nagsasalita at pumupuri sa lungsod.

Kung paglalangkapin sa pag-unawa ng tula ang panloob at panlabas na reperensiya ng tula, ang tula ay magkakaroon ng panibagong pagtanaw. Lalalim ang saliksik hinggil sa pormalistikong pagdulog sa tula, gaya ng paglalaro ng tunog at salita, pagtitimpla ng pahiwatig at hulagway, pagsasalansan ng mga saknong at diwaing pinagbulayan nang maigi. Maiisip din na ang realidad ng lipunan ay hindi lamang ginagagad o ginagaya sa loob ng tula. Matutuklasan ng mga mambabasa ang naiibang realidad sa loob ng tula, kung iuunay ang nasabing kaligiran sa kanilang lungsod na pinagmumulan. Ang mga salita sa loob ng tula ay maaaring kumatawan sa ilang bagay, tao, o pangyayari sa tunay na buhay, ngunit hindi masasabing may iisang tabas ng realidad ang pinagmumulan ng lahat.

May sariling realidad ang loob ng tula; at kung matagumpay itong naitaguyod ng makata, at naaarok ng mambabasa dahil sa pagsasalupong ng diskurso ng makata at mambabasa, marahil ay masasabing nagtagumpay nga ang pagsulat ng tula.

Sa ibang pagkakaon, ang reperensiya ng tula ay higit na nakakiling sa panlabas na pagtanaw. Dito, ang mambabasa ay higit na makapangyarihan dahil sa kapangyarihan ng kaniyang guniguning hanapan ng pakahulugan ang mga simpleng bagay. Heto pa ang isang tula ni Bigornia:

PANINDIM

. . . . .Padalos-dalos
Nadulas
Ang aking puso
At nabasag.

. . . . . Nagising ang ulan
Sa alingawngaw
At nang makita ito’y
Biglang pumalahaw.

Sa tulang ito, ang panloob na reperensiyang ginamit ay personang malungkutin. Sa paglalarawan ng kaniyang kakatwang puso, at daigdig ay natigatig nang ito’y mabasag dahil sa kapabayaan. Nagbunga ito ng paghagulgol o pagsigaw ng kaligiran. Kung palalawigin pa ang pagsusuri, maaaring dumako sa anyo ng pagkakahanay ng mga taludtod, na ang unang taludtod ng bawat saknong ay waring gumagagad kung hindi man representasyon ng anyong pagkakabiyak, pagkakabitin, at napipintong pagbagsak ng mga salitang may kaugnayan sa bigat na tinataglay ng persona.

Kung gagamitin naman ang panlabas na reperensiya ng tula, ang “puso” na tinukoy sa tula ay humuhulagpos sa dating pagpapakahulugan dito ng karaniwang tao. Ang puso ay maaaring reperensiya ng pag-ibig, at ang persona’y maiisip na palikero o malandi. Dahil mapaglaro ang persona, maghahatid ng kalungkutan ang ipinapalagay na kalikutan. Ang mambabasa, kung gayon, ay makapagdaragdag pa ng iba pang pahiwatig o pakahulugan, na hindi na lamang sakop ng romantikong pagmamahalan bagkus maaaring umugnay din hanggang pagmamahal na dibino’t makabayan. Hahaba pa ang talakay sa panig ng panlabas na reperensiya kung iuugnay dito ang iba’t ibang konseptong may kaugnayan sa “puso,” “loob,” “kalooban,” “dibdib,” “ulan,” at iba pang hulagway.

Kung pagsasalikupin naman ang dalawang pagbasa, ang mambabasa ay maaaring dumako sa “labis na pagbasa,” dahil maaaring ang mga pagpapakahulugan ay lumampas sa itinatakda ng disenyo at haba ng tula, at mailalahok kahit ang mga komentaryong labas na sa teritoryo ng panulaan. Dito dapat mag-ingat sa pagsusuri, sapagkat ang tula ay sinusuri nang higit sa parametro ng sining at panulaan, at kinakargahan ng sari-saring pagpapakahulugan, at kumikiling sa pangkulturang politika o pampolitikang kultura.

Magiging palaisipan din sa guro kapag ang ginamit na pamamaraan ng makata ay tulad ng tulang tuluyan. Hindi naman dapat ikatakot ito, dahil madaling maunawaan pa rin ang tulang tuluyan alinsunod sa kumbensiyong naitatag na rito. Maibibilang sa kumbensiyon ang paglalahad, paglalarawan, paghahambing at pagtatambis, at pagsasalaysay, at kahit ang pagbubuo ng mga talata ay sumusunod wari sa padron ng prosa. Ang pagkakaiba nga lamang, ang tulang tuluyan ay hindi basta prosa na salat sa talinghaga. Ang tulang tuluyan ay nagkukunwa lamang na prosa ngunit ang pakahulugan ay nakaririndi kung minsan. Tunghayan natin ang halimbawang ito ni Bigornia:

PASENSIYA

Silang pino at makinis, anila’y kapita-pitagan yaong marunong sumikil sa silakbo ng dugo, kaya’t bago raw magdilim ang aking paningin ay magbilang muna ako hanggang sampu.

Ayaw ko nang maging sibilisado kung hinihiling ng kagandahang-asal na ngumiti habang tinatapakan nila ang aking mukha. Ako ay may dilang babad sa abo at asin, ako na may puso at matang may lintos.

Silang pino at makinis, sila ang aking guro sa pagkagat ng labi, mga paa nila ang nagtakdang hagkan ko ang alabok at pusali, mga pangako nila ng langit ang nag-atas na ialay ko ang sariling balikat upang maabot nila ang bunga at pangarap.

Nasubok ko na ang haba ng luha at sugat. Lunod hanggang leeg ang aking kaluluwa. Ngayon pa ba ako hindi gagamit ng kuko at pangil?

Kung gagamitin sa pagbasa ang panloob na reperensiya ng tula, mahalagang pag-aralan ang taktika ng makata sa paghahanay ng mga talata, at kung paanong ang paghahanay na ito nang marahan at matimpi ay umuugnay din sa personang mababa, dukha, at mapagtiis. Ngunit higit pa rito, kailangang pag-aralan ang tinig at himig ng persona [na bukod sa tinig ng makata], at kung bakit ang angking pagrerebelde ay naipahahatid sa payak ngunit marubdob na pamamaraan. Ang pangwakas na talata ay binabaligtad ang konsepto ng ános o pagtitiis, sanhi ng pagdurusang umiral nang napakatagal. Bagaman patanong ang pagwawakas, ang tanong ay waring naghuhudyat ng dapat isagot ng sinumang binubusabos ng mga awtoridad at maykapangyarihan.

Lulusog lalo ang pagbasa kapag ang representasyon ng persona sa tula ay iugnay sa mga pangyayari sa lipunan—na panlabas na reperensiya ng tula. Ang kaalipnan ay magkakaroon ng gulugod; at ang pagbabalikwas ay masisipat na reaksiyon sa pang-aapi ng mga maykaya’t nakatataas. Maaaring dukalin sa pagbasa ang kasaysayan, relihiyon, at kultura, gayunman ay dapat pa ring ipagpaunang walang direktang tumbasan ang maaaring matunghayan sa loob ng tula at sa loob ng lipunang ginagalawan ng mga mambabasa.

Kung pagsasalikupin muli ang dalawang pagbasa, maaaring dumako hanggang sa kasaysayan ng lipunan at kasaysayan ng panitikan; at kung bakit karapat-dapat dakilain si Mike L. Bigornia sa pagpapakilala ng anyong panitikang halos napakanipis ng hanggahan ng pagkatula at pagkaprosa. Ito ang dapat pang pag-aralan ng mga estudyante at guro, habang hinihintay ang Kimera ng bawat makatang nakatakdang magbalik “sa loob ng sandaang libong siglo ng araw at buntala.”

Magandang umaga sa inyong lahat.

[Binasa sa Pambansang Kumperensiya sa Pagtula ng LIRA, 25-26 Nobyembre 2010, Bulwagang Claro M. Recto, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon]

Dominyo ng Jejemon

Sirkulo ng mga Jejemon ang pinag-iinitan ngayon ng mga awtoridad, at kabilang na rito ang Kagawaran ng Edukasyon. Portmanteau, o pinagsanib na mga salita ang “jejemon.” Mauugat ito sa “jeje-” (na katumbas ng mahinang pagtawa at binibigkas sa Espanyol na “hehe,” gaya ng Espanyol na “jefe” na “hepe” sa Filipino) at “-mon” na mula sa Ingles na “monster” na ang isa pang inimbento’t tinipil na anyo ay ang “pokémon” [pocket+monster] na pinasikat sa mga palabas na animé ng Hapones.

Ayon sa Urban Dictionary. Com, ang “jejemon” ay mga tao na nasa mga networking site na gaya ng Friendster at Multiply na “may mababang IQ na nagpapakalat ng katangahan” sa pamamagitan ng pagtipa ng mga salitang may pambihirang ispeling at sintaks. Isang halimbawa nito ang “a person WhO tyPeZ lYKeS tH1s pfOuh… whether you are RICH, MIDDLE CLASS or POOR ifpK eU tYpE L1K3 tHiS pfOuh..eU are CONSIDERED AS JEJEMON.” Ang nasabing paraan ng pagsasakataga ay tinatawag na “jejenese” na maituturing na isang bago’t malusog na wika ng isang subkultura.

Sumasaklaw din ang jejemon sa moda, at kinikilala siya sa pagsusuot ng makulay na ballcap o sombrero na halos nakapatong lamang sa ulo, at hindi inilalapat nang ganap. Nagsusuot siya ng maluluwang na tisert at pantalong maong, at kung umasta’y maangas na tambay na kung hindi nagpipilit na rakista ay alagad ng hip-hop at rap. Para sa ibang fashionista, ang jejemon ay reenkarnasyon ng “jologs” ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit na adik at marunong kumalikot ng kompiyuter ang mga jejemon.

Mabalasik ang pagtanaw sa mga jejemon at ang hanay nila ay sinisipat ng mga maykaya at awtoridad na mababang uri. Ngunit kung susuriin nang maigi, ang jejemon ay isang anyo ng rebelyon ng subkultura, at ang rebelyong ito ay may kaugnayan sa laro ng kapangyarihan sa lipunan.

Ang mismong paraan ng pagsasakataga ng jejemon ay hindi basta paglalaro lamang ng salita. Ito ay mauugat sa Hypetext Markup Language (HTML) na pangunahing wika ng pagpopoprograma sa Internet. Lumilikha ng sariling kodigo ang mga jejemon, at ang mga kodigong ito ay isang anyo ng paglilihim upang ikubli ang mga pakahulugan at paghihiwatigan nang hindi madaling maunawaan ng nakatataas o awtoridad, gaya ng magulang at guro. Sa madali’t salita, ang wika ng jejemon ay hindi panlahat. Isinasaalang-alang ng gumagamit nito ang angking posisyon sa ugnayan ng mga tao o pangkat sa loob ng lipunan. Ang jejenese ay para sa isang uri ng subkultura na may angking konsepto at diskurso, at bagaman umiiral sa kasalukuyang realidad ay nakakayang tumawid at magpabalik-balik sa mala-realidad o hiperrealidad na likha ng Internet at World Wide Web.

Mauugat ang ganitong asta ng mga jejemon sa konsepto ng “tayo-tayo” at “kami-kami” ng mga Filipino. Para sa mga Filipino, may tinatawag na “malalapit na tao” na tumutukoy sa matatalik na kaanak, kaibigan, at kakosa. Kabaligtaran nito ang “ibang tao” na malayo sa kalooban ng nagsasalita. May mukhang inihaharap sa malalapit na tao, samantalang iba ang mukhang inihaharap sa ibang tao. Ang paraan ng komunikasyon ng mga Filipino ay isinasaalang-alang ang kausap at hindi itinuturing na isang malamig na bagay, ayon na rin sa pag-aaral ng sosyo-antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay, at kung gaano ito kalapit o kalayo sa kalooban ng nagsasalita ang magpapabago ng timbangan ng usapan.

Kung babalikan ang kaso ng jejemon, ang kaniyang pagsasakataga ay nagsasaalang-alang na malapit sa kaniyang sirkulo ang kausap, at ang sirkulong ito ay maaaring esklusibo sa kung anong dahilan. Kapag ginamit ng jejemon ang kaniyang wika sa labas ng kaniyang sirkulo, may panganib na maisantabi siya dahil ang pamantayan at panuto ng komunikasyon ay nakakiling sa kumbensiyon ng gramatika at sintaks ng nakababatid ng wikang Ingles. Ngunit sa oras na pumasok sa sirkulo ng jejemon ang sinumang tuwid magsalita ng Ingles, lilitaw naman siyang katawa-tawa at maaaring hindi tanggapin sa sirkulo dahil iba ang kaniyang pinagmumulang wika at diskurso. Ito ay dahil hindi tanga o gago ang jejemon na ibubunyag ang identidad nang basta-basta.

Malaya ang sintaks at gramatika ng jejenese, ngunit habang lumalaon ay napupulido ito sa paraan ng pagsasanib ng patinig at katinig; sa kombinasyon ng mga salita at tunog; sa pagpapantig, pagpapahaba ng pantig, at paglalagay ng mga panlapi [i.e., unlapi, gitlapi, at hulapi]; at sa pagsasaad ng dalasan [frequency] ng malaki at maliit na titik sa loob ng isang salita o parirala o pangungusap na mahuhugot muli sa wika ng kompiyuter. Humihiram ang jejenese sa paraan ng paggamit ng pandiwa [verb] ng Tagalog, kahit nilalahukan ng Ingles ang pangungusap o parirala; at makikita ang paggamit ng pandiwang Tagalog sa transpormasyon ng mga pangngalan [noun] at pang-uri [adjective] tungo sa pagiging pandiwa sa ilang pagkakataon. Ang wika ng jejemon kung wawariin ay wika ng mga hacker at spamer; at ang paglihis nito sa kumbensiyon na itinatakda ng pormal na edukasyon ay masisipat na isang uri ng subersiyon at pagpapanatili ng seguridad at kaayusan ng subkultura. Niyayanig kung hindi man iniinis ng mga jejemon ang karaniwang konsepto sa komunikasyon ng malawak na publiko, at ang pagpasok nila sa eksena sa gaya ng Facebook sa paraang kakatwa ay parang asta ni Joker na lumiligalig sa estado ng Gotham City.

Dapat bang katakutan ang mga jejemon? Ang tanong na ito ay depende sa tumitingin. Para sa mga awtoridad, ang jejemon ay waring salot na dapat sawatain o supilin para mapanatiling matatag ang puwesto ng Ingles sa herarkiya ng mga wika; ngunit para sa iba’y ang penomenon ng jejemon ay pagbabalikwas sa kumbensiyon ng wikang itinatakda ng lipunan. Ang mabababang uri ay kailangang patayin sa pagpukol ng mararahas at makukulay na taguri. Kailangang hiyain ang jejemon upang siya mismo ay itakwil ang sarili at ikahiya ang inimbentong wika at diskurso ng isang subkultura. Kailangang pasunurin ang jejemon sa kumbensiyon ng Ingles sa pamamagitan ng mga “jejebuster” at “grammar nazi” na pawang mga pulis sa pagpapairal ng tumpak na paggamit ng Ingles sa lipunan. Ngunit ang ganitong paraan ng pamimilit ay sinauna at laos na.

Kailangang unawain ang mga jejemon, at nang mabatid kung ano ang kanilang iniisip at niloloob, maging yaon ay sa usaping personal o panlipunan. Nililibak ang mga jejemon, ngunit ang pinakamasiglang pakikilahok nila sa usaping panlipunan ay noong nakaraang pambansang halalan, at ang pagsuporta nila kay Jejomar Binay ang naghatid ng maraming boto para sa naturang kandidato. Ang wika ng jejemon ay hindi malalayo sa mga usapang bakla [gay lingo], usapang doktor, usapang abogado, at iba pa. Bawat pangkat ay may angking jargon, at ang jargong ito ay nagsisilbi para sa kapakinabangan ng mga nakauunawa at kasapi ng isang pangkat. Ito ang pangyayaring dapat mabatid ng lahat. Sa oras na tanggapin sa malawak na lipunan ang jejemon, ang kaniyang wika, diskurso, at pagkatao ay hindi na magiging palaisipan at kakatwa; maaaring mapalis ang prehuwisyo laban sa kanilang uri at anyo ng komunikasyon; at higit na lulusog ang ating pagkaunawa sa ugnayan ng mga Filipino saanmang dako sila naroroon.

Tatlong Awit, ni Mary Oliver

Salin ng tulang tuluyan ni Mary Oliver mula sa orihinal na Ingles.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TATLONG AWIT

1
Bumaba mula sa dalisdis ang isang pangkat ng ilahás na pabo. Marahan silang dumating—at habang naglalakad ay nagsiyasat ng anumang makakain sa ilalim ng mga dahon, at bukod dito’y kalugod-lugod humakbang nang pasalit-salit sa mapusyaw na sinag, saka sa mga patse ng katamtamang ginintuang lilim. Lahat sila’y inahin at iniaangat nila nang maingat ang makakapal na hinlalaki. Sa gayong mga hinlalaki’y makapagmamartsa sila sa isang panig ng estado pababa sa iba, o makapagpapadausdos sa tubig, o makasasayaw ng tanggo. Ngunit hindi sa umagang ito. Habang papalapit sila’y ang kaluskos ng kanilang mga paa sa mga dahon ay waring patak ng ulan, na nagiging ulang-banak. Itinaas ng mga aso ko ang mga tainga, at pumaligid sa daan. Imbes na ibuka ang maiitim na pakpak, umikot-ikot ang mga inahin at mabilis na tumalilis sa lilim ng mga punongkahoy, gaya ng mumunting abestrus.

2
Ang lagsíng, na may dilawang dibdib at mahinang paglipad, ay umawit sa umaga, na sa pagkakataong ito, ay ganap na bughaw, malinaw, di-masukat, at walang bugso ng hangin. Kaluluwa ang lagsíng, at isang epipanya, kung nanaisin ko. Kailangan ko lamang na mapakinggan ito para makagawa ng maganda, kahit pabatid, sa okasyon.

At nagtanong ka ba kung anong panulaan mayroon ang daigdig na ito? Para saang layon hinahanap natin ito, at pinagbubulayan, at binibigyan ng pagpapahalaga?

At totoo rin ito—na kapag isasaalang-alang ko ang ginintuang tariktik at ang awit na iniluluwal ng kaniyang makitid na lalamunan sa konteksto ng ebolusyon, ng mga reptil, ng mga tubigang Cambrian, ng hiling ng katawan na magbago, ng kahanga-hangang husay at pagsisikap ng lawas, ng marami sa buhay, ng mga nanalo at nabigo, hindi ko naiwala ang orihinal na okasyon, at ang walang hanggahang tamis nito. Dahil ito ang aking kahusayan—kaya kong pagbulayan ang pinakadetalyadong kaalaman, at ang pinakamahigpit, pinakamatigas na misteryo nang magkasabay.

3
Maraming komunikasyon at unawaan sa ilalim ng, at bukod sa, pagpapatibay ng wikang binibigkas o isinusulat na ang wika ay halos hindi lumalampas sa pagsisilid, o pagpapalawig—isang katiyakan, inihayag na diin, damdamin-sa-palaugnayan—na hindi lahat mahalaga sa mensahe. At kung gayon, bilang elegansiya, na halos pagmamalabis, ito ay maaaring (dahil libreng gamitin) maingat na hubugin para ipagsapalaran, para simulan at patagalin ang mga pakikipagsapalaran na puwedeng maging marupok pagkaraan—at lahat sa layon ng paglipad at alunignig ng tuwa ng mga salita, gayundin ng kanilang kautusan—na gumawa, ng lawas-sinag na pagtataya sa buhay, at sa mga alab nito, kabilang (siyempre) ang rubdob ng meditasyon, ang tiyak na pagdiriwang, o pagsisiyasat, na kinakasangkapan ang gramatika, mirto, at baít sa tumpak at matalisik na paraan. Kumbaga’y hindi mahalaga, bagkus boluntaryo, sa wika ang mga salita. Kung mahalaga ito, mananatili itong payak; hindi nito mayayanig ang ating mga puso sa laging-sariwang kariktan at walang-hanggahang kalabuan; hindi ito mangangarap, sa mahahaba nitong puting buto, na maghunos sa pagiging awit.

Mga Siyokoy na Salita

“Siyokoy” ang taguri ni Virgilio S. Almario sa mga salitang hiram sa Espanyol o Ingles na sablay ang pagbaybay sa Filipino. Ibig sabihin, mahirap iyong mabatid kung Espanyol ba o Ingles ang pinagbatayan ng panghihiram. Maituturing ang salita na alanganin at di-tiyak ang anyo kumbaga sa tao o hayop o halaman.

Halimbawa na rito ang “komento.” Ang salitang ito ay mahihinuhang alanganing Ingles na “comment” at Espanyol na “commentario.” Kung gagamiting batayan ang Ingles, ang baybay ay maaaring maging “koment.” Samantala, magiging “komentaryo” naman kung Espanyol ang panghihiraman. Ngunit pauusuhin ang “komento” ng mga komentarista at brodkaster sa radyo o telebisyon, hanggang pumasok sa daigdig ng internet. Kahit sa WordPress ay nauso ang “komento” ngunit kataka-takang walang “komentista,” “komentor” o “komentador” na pawang siyokoy din. Mabuti na lamang at binago muli ang “komento” nang punahin at ibinalik sa “komentaryo” o “puna.”

Ang tanong: Dapat bang tanggapin ang siyokoy na salita? Maaari itong tanggapin, ngunit hindi maipapayong gamitin dahil ang paggamit niyon ay senyales ng kamangmangan sa pagbaybay at pinanghihiraman. Maituturing na balbal ang siyokoy na salita, gayunman ay higit na mabalasik kaysa sa naunang salita dahil kaya nitong palitan ang nakamihasnang pagbaybay at magpauso nang bara-bara sa pagbubuo ng salita.

Ang siyokoy na salita ay madaling matukoy kung mahahalatang hiram ang salita. Maihahalimbawa ang “kontemporaryo” (contemporaneo) na dapat baybaying “kontemporaneo.” Malimit ding gamitin ang “aspeto” na di tiyak kung hiniram ba sa “aspect” o “aspecto” at dapat baybaying “aspekto.”  Ngunit may siyokoy din na maituturing kahit sa Filipino nagmula ang salita. Maihahalimbawa rito ang “sakin” (sa+akin) at “sayo” (sa+iyo) na pawang nauso nang lumabas ang selfon at ang laos na pager.

Ang kaso ng “sakin” at “sayo” ay halimbawa ng pagtitipil, ayon sa panutong binuo ni Iñigo Ed. Regalado, na pinagdirikit ang dalawang salita upang lumikha ng bagong salita, at ang pagtatambal ay ginagamitan ng taktika ng pagpungos sa unahang pantig ng ikalawang salita. Bagaman katanggap-tanggap ito sa teks, kasumpa-sumpa naman iyon sa pormal na pagsulat dahil ang “iyo” at “akin” ay pinagkakaitan ng ganap na pagkilala ng kaakuhan bilang panghalip panao.

Malubhang sakit ang “sakin” at “sayo” dahil maaaring maipagkamali yaon sa “sakim” at “sakitin” o “sáya” at “sayá.” Bukod dito, ang katagang “sa” ay mapupuwersang maging unlapi [prefix] kaya ang lahat ng ugat ng salitang mapalapit sa “sa” at nagsisimula sa patinig ang pantig ay may posibilidad na kainin nito para mapaikli ang dalawang salitang pinagtambal. Magdudulot ito ng malaking kalituhan, at nakikina-kinita ko ang pagsumpa ng taumbayan sa gayong kalakaran.

Ang kataka-taka’y sumulpot ang salitang “diba” na pinagdikit na “di” (hindi) at “ba.” Sa kasong ito, malaking problema ang pagdirikit ng mga salita dahil kayang tumayong mag-isa ang tinipil na “di” at ang katagang “ba.” Ang “diba” ay mahihinuhang simpleng kamangmangan ng pagtitipil o pagtatambal ng salita, at malayong-malayo sa “diva” na pinauso ng mga bakla. Kung palulusutin ang “diba,” tiyak na aangal ang “dina” na pinagtambal na “di” (hindi) at “na” na pawang magpapadugo ng ilong kahit ng kapangalan nitong artista.

Nakagugulat na ang bagong henerasyon ng mga kabataan ay halos hindi napapansin ang paglaganap ng siyokoy sa kanilang mga akda. Maaaring senyales ito na nakaligtaan na ang pagbabasa at pag-aaral ng Filipino, at ang Filipino na lumalaganap ngayon ay nananatili sa estado ng balbal at kabalbalan lamang. Dapat maging maingat hinggil dito, dahil ang mga siyokoy na salita ay maaaring umahon sa tubigan ng kamangmangan at habulin at paslangin tayo nang walang kamalay-malay.

Kahulugan ng Talinghaga

Binanggit ni Lope K. Santos ang apat na katangian ng katutubong pagtula, at kabilang dito ang tugma, sukat, talinghaga, at kariktan [Santos: 1929]. Mahaba ang kaniyang paliwanag sa kapuwa sukat at tugma, ngunit manipis ang talakay hinggil sa talinghaga at kariktan. Hindi malalayo ang pag-aaral nina Julian Cruz Balmaseda at Iñigo Ed. Regalado sa pag-aaral ni L.K. Santos, ngunit imbes na “talinghaga” ay gagamitin ni Regalado ang salitang “kaisipan.” Ang “kaisipan,” ani Regalado, ay “siyang salik na kinapapalooban ng diwa’t mga talinghagang ipinapasok ng sumusulat. Dito nakikilala ang tunay na manunula. Dito nasusukat ang ilaw ng pag-iisip at ang indayog ng guniguni ng isang ganap na makata” [Regalado: 1947]. Mahihinuha sa talakay ni Regalado na ang kaisipan ay sumasaklaw sa buong retorika ng pagtula.

Mahirap ipakahulugan ang “talinghaga” dahil salát na salát ang pakahulugan dito sa mga diksiyonaryo, at kahit ang Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar ay tinumbasan lamang iyon ng “misteryo” kumbaga sa kaisipan, at “metapora” kumbaga sa kataga at pangungusap,  at siyang nakalahok din sa akda ni L.K. Santos. Para kay L.K. Santos, ang talinghaga ay hindi lamang sumasakop sa “sinekdoke,” “metapora,” at “metonimiya” bagkus sa kabuuan ng retorika at poetika na tumatalakay sa mga kaisipan at sari-saring pamamaraan ng pamamahayag nito. Taglay nito ang “di-tuwirang pagpapahayag ng damdamin, hangad, bagay, o pangyayari sa pamamagitan ng kataga o paglalarawan ng mga pangungusap na nilapatan ng tugma at sukat.”

Para kay L.K. Santos, may dalawang uri ng talinghaga: una, ang mababaw; at ikalawa, ang malalim. Ang una’y tumutukoy sa madaling maunawaan ng nagbabasa o nakikinig; samantalang ang ikalawa ay nangangailangan ng malalim na pag-iisip at tuon upang maunawaan ang kahulugan. Ipinanukala naman ni Virgilio S. Almario na sinupin “ang mga butil ng halagahan, paraan ng pahayag, at tayutay na ginagamit noon ng mga makatang Tagalog.” Sa pamamagitan nito’y mauunawaan ang talinghaga, malilinang ang anumang maituturing na katutubo at mapauunlad ang anumang kabaguhan. Ang paliwanag ni Almario hinggil sa talinghaga ay nakapaloob sa aklat na Taludtod at Talinghaga (1991). Ipinaliwanag niya roon ang pakahulugan at ang mga mekanismo ng talinghaga sang-ayon sa naging gamit nito sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan.

Ang “talinghaga,” ani Almario, ay ang “buod ng pagtula. Ito ang utak ng paglikha at disiplinang pumapatnubay sa haraya at sa pagpili ng salita habang isinasagawa ang tula. Sa gayon, napaghaharian nito ang pagbukal at pagdaloy ng diwa gayundin ang kislap ng tayutay at sayusay na isinasangkap sa pagpapahayag.” Mabigat pa rin ang paliwanag ni Almario, at para masuhayan ang gayong pahayag ay gagamitin niya ang “panloob at panlabas na puwersa” na pawang kaugnay sa paglalarawan o pagsasalaysay ng tula, at nakaaapekto sa pagsagap sa isang bagay, pangyayari, o persona. Ang panloob na puwersa ay mahihinuhang may kaugnayan sa mga salita o sagisag na ginagamit sa loob ng tula, samantalang ang panlabas na puwersa ay may kaugnayan umano sa anumang umaantig o nakaaantig sa diwa o guniguni.

Kung paglalangkapin ang siniping mga pakahulugan, ang talinghaga ay maaaring magtaglay ng mga sumusunod na katangian: una, ito ang sisidlan ng diwa; ikalawa, ito ang palaisipan na nakasakay sa pahiwatig at ligoy; ikatlo, ito ang disenyo at paraan ng pagpapahayag, paglalarawan, o pagsasalaysay; ikaapat, ito ang buod na nilalaman ng tula. Maidaragdag ko rito ang isa pang elemento, at ito ang resultang diwain sanhi ng kombinasyon ng mga salita, sagisag, pahiwatig, pakahulugan, at disenyong taglay ng tula. Ano ang ibig sabihin nito? Ang talinghaga ay hindi malamig na bagay na nakatago sa loob ng tula. Nabubuo ito sa pagsasalikop at pagsasalimbayan ng mga salita at disenyo sa loob ng tula, at naihahayag sa isang pambihirang pamamaraan. Ang dalawa o higit pang salita na pawang may kani-kaniyang pakahulugan o pahiwatig ay nagkakaroon ng isa o higit pang resultang pahiwatig o pakahulugan kapag pinagsama-sama. Mababatid ito sa ganitong hatag: A+B=C. Tumatayo ang A sa unang salita, ang B sa ikalawang salita, at ang resultang pahiwatig ay ang C, bagaman ang C na ito ay maaaring hindi lamang isa ang pahiwatig, gaya ng bugtong, bagkus iba-iba ang pahiwatig, gaya ng iniluluwal ng salawikain. Ipinapalagay dito na ang A ay hindi lamang simpleng singkahulugan ng B. Tingnan ang halimbawang ito:

Ang tubig ma’y malalim
malilirip kung libdin
itong budhing magaling
maliwag paghanapin.

Sa naturang kawikaan, isinasaad na gaano man kalalim ang tubig, gaya sa dagat o ilog, ay madali itong mababatid kung nanaisin ninuman kompara sa “budhing magaling” (mabuting kalooban) na mahirap matagpuan sa libo-libong tao. Kasalungat ng “budhing magaling” ang “budhing masama” na tumutukoy sa mga tao na may negatibong asal o ugali. Sa naturang tula, ang talinghaga ay ang bunga ng kombinasyon ng “tubig,” “budhi,” “malilirip,” at “maliwag.”  Talinghaga rin ang konseptong nabuo sa paghahambing ng “budhi” at “tubig,” ng “malalim” at “magaling,” at ng “malilirip” at “mahirap hanapin.” Ang “tubig” o “budhi” ay hindi maituturing na talinghaga agad hangga’t hindi lumalampas ito sa likas o nakagawiang pagkakaunawa rito, saka naiuugnay sa iba pang salitang may partikular ding diwain. Samantala, ang “tubig,” na ikinabit na pahambing sa “budhi,” ay mahihinuhang lumalampas sa ordinaryong pakahulugan, nagiging talinghaga, at nagiging kasangkapan upang maitanghal ang kakatwang katangian ng kalooban ng tao.  Heto ang isa pang halimbawa:

Ang katakatayak, sukat
makapagkati ng dagat.

Ipinahihiwatig ng matandang kawikaang ito, na itinala nina Noceda at Sanlucar, na ang isang patak na alak ay makapagtataboy palayo ng mga alon. Sa ibang anggulo, ang “patak ng alak” ay kaya umanong makahawi ng dagat, gaya sa Biblikong alusyon. Ang talinghaga rito ay hindi lamang ang “utak” o “diwa” ng pagkakalikha. Tumitindi ang pahiwatig ng paglalarawan sa kombinasyon ng mga salitang “katakatayak” at “dagat” na bagaman magkasalungat ang katangian (maliit ang una at malaki ang ikalawa) ay kayang makapagluwal ng kabatirang maparikala. Hinihikayat ng tula ang mambabasa na aninawin kung ano ang “katakatayak” o “dagat” nang higit sa karaniwang pagkakaunawa rito ng mga tao. Ang katakatayak ay mahihinuhang metonimiya lamang ng bisyo o paglalasing, kung ibabatay sa kaugalian ng mga tao noon na mahilig uminom ng alak, gaya ng tuba o lambanog. At ang “dagat” ay maaaring hindi ang pisikal na dagat, kundi maaaring tumukoy sa “kaugalian,” “lipunan,” “katahimikan,” at iba pang diwaing matalik noon sa mga katutubo. Sa naturang pahayag, ang resultang kabatiran ay maaaring magsanga-sanga, dahil ang “katakatayak” ay maaaring sipatin sa doble-karang paraan: positibo (dahil sumasalungat sa nakararami) at negatibo (dahil maaaring taliwas ang patak o gawi sa itinatakda ng kalikasan).

Ang resultang diwain ay masisipat na hindi rin basta ang “buod” [summary] ng tula, kung isasaalang-alang ang mga tulang pasalaysay. Ang serye ng mga pangyayari ay dapat may kakayahang magluwal ng isang pahiwatig nang higit sa dapat asahan. Maaaring ihalimbawa ang tula ni Regalado na pinamagatang “Ang Salát sa Isip”:

Ang aking si Kuting may nahuling daga
kinakagat-kagat sa aming kusina,
nang aking makita, sa daga’y naawa,
pusa’y binugaw ko, daga’y nakawala.

Nang kinabukasan, ang bago kong damit
uka’t sira-sira sa pagkakaligpit,
ako ang naawa’y sa akin nagalit,
ganyan kung gumanti ang salát sa isip!

Maituturing na tulang pambata ito na hinggil sa istorya ng dagang nahuli ng alagang pusa ng persona. Ang hatag ng mga pangyayari ay masisipat nang ganito. Una, naawa ang persona nang akmang kakainin ng pusa ang daga.  Ikalawa, pinalis ang pusa. Ikatlo, nakatakas ang daga. Ikaapat, gumanti ng paninira ang daga sa persona. At ikalima, salát sa isip ang daga. Kung wawariin, ang resultang diwain o talinghaga ay hindi ang simpleng pagganti ng daga. Ang literal na daga ay maaaring lumampas sa nakagawiang pagkakaunawa rito ng madla sakali’t ikinabit sa “pag-iisip.” Bagaman may utak ang daga, nabubuhay ito batay sa instinct at alinsunod sa likás na pangangailangan. Ang pagganti nito ay pagpapamalay ng mataas na kalooban, na matataglay lamang ng tao. Samantala’y may ilang tao na walang utang na loob, at kahit tinulungan na’y nagagawa pang gumanti sa negatibong paraan para manaig sa kapuwa. Sa tula, hindi na magbubulay pa ang daga na tinulungan ito ng persona, at wala itong hangad na pumantay sa antas ng tao. Pabaligtad na ipinahihiwatig wari ng tula na may ilang tao na gaya ng daga, at ito ay hindi lamang dahil sa kasalatan sa isip kundi sa pagtalikod sa makataong damdamin. At ang awa ay hindi dapat ibinibigay sa lahat ng pagkakataon, dahil ang “awa” ay nararapat lamang sa sinumang makauunawa ng gayong kaselang damdamin. Ang nasabing kabatiran ang maituturing na talinghaga.

Ang “talinghaga” ay nadaragdagan ng pakahulugan habang lumilipas ang panahon. Masisipat ito hindi lamang bilang resultang diwain o pangyayari, bagkus maging sa pagpapahiwatig ng aksiyon o pagbabago ng mga tauhan, lunan, at panahon. Heto ang isang tanaga na pinamagatang “Tag-init” (1943) ni Ildefonso Santos:

Alipatong lumapag
Sa lupa—nagkabitak
Sa kahoy—nalugayak
Sa puso—naglagablab!

Sa tanagang ito, ang “alipato” na tumutukoy sa munting apoy mula sa lumilipad na titis o abo ay maituturing na lumalampas sa ordinaryo’t nakagawiang pagpapakahulugan. Ang pagbabagong idinudulot ng alipato ay serye ng mga pambihirang pangyayari. Una, pagkatuyot ng lupa. Ikalawa, pagkasira ng kahoy. At ikatlo, pagkabuhay sa damdamin. Ang alipato kung gayon ay masisipat na pahiwatig ng munting pangyayari na makalilikha ng malaking pagbabago sa buhay o kaligiran ng tao. Ang iba’t ibang antas ng kabatiran o anomalya hinggil sa “alipato” ang masasabing talinghaga ng tula. Tumitindi ang talinghaga kung idaragdag ang pambihirang tugma, na bumabagay sa masilakbong damdamin o pangyayari. Ang ganitong taktika ay ginagawa ng mga makata upang umangkop ang tunog o himig sa nais iparating na pahiwatig ng tula. Mahihunuha na ginamit lamang ang “alipato” bilang kasangkapang panghalili sa bagay na makapagdudulot ng pagkasira o pagkabuhay sa sarili o paligid.

Ang pagpapakahulugan sa “talinghaga” na binanggit dito ay hindi pangwakas, bagkus muling pagsipat at pagdaragdag sa mga naunang pakahulugan. Inaasahan ang pagiging dinamiko ng pakahulugan, dahil kung magiging estatiko ito ay mahuhubdan ng “misteryo” ang salita at maaaring itumbas lamang sa napakakitid na pagkakaunawa sa banyagang “metapora.”

Sanggunian:
Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula. Pasig: Anvil Publishing Inc., 1991.

Noceda, Juan de at Pedro Sanlucar. Vocabulario de la lengua Tagala. Manila: Ramirez y Giraudier, 1860.

Regalado, Iñigo Ed. “Ang Panulaang Tagalog.” Maynila: Institute of National Language, Tomo 6, bilang, 5, Hulyo 1947.

Regalado, Iñigo Ed. Damdamin: Mga Piling Tula. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2001. Binigyan ng introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo.

Santos, Lope K. “Peculiaridades de la poesia tagala.” Manila, 1929. Muling inilathala sa Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining Pagtulang Tagalog, inedit ni Virgilio S. Almario. Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, 1996.

Eskandalo

Hiram na salita mula sa Espanyol ang “eskandalo” na ibinatay naman sa salitang Latin na “scandalum” na ang ibig sabihin ay “balakid, kasalanan.” Ang salita sa Latin, ayon sa diksiyonaryong internasyonal gaya ng Webster’s (1976), ay nagmula umano sa salitang Griyego na “skandalon.” Pangunahing lahok sa diksiyonaryo ang pakahulugang “kasiraan sa relihiyon sanhi ng taliwas na asal mula sa relihiyosong tao.” Kaugnay ng pakahulugan ang pagkakasala, pagdududa, o pagkalito na idinulot sa isang tao dahil sa paglabag sa etika o relihiyon. Maaaring tumukoy din ang eskandalo sa asal o gawi na nagiging sanhi o humihimok na mapahina ang pananampalataya o relihiyosong pagsunod sa pinaniniwalang diyos o relihiyon.

Ikalawang pakahulugan ng eskandalo ang “pagkawala o pagkasira ng puri sanhi ng tunay o inaakalang paglabag sa moralidad o kabutihang-asal.” Kaugnay ng pakahulugang ito ang “nakahihiyang pagpaparatang o bintang at paninisi na walang batayan.” Ang dalawang pakahulugang ito ang malimit lumulutang sa isip ng Filipino kapag may nabalitaang nakayayanig na pangyayari mulang korupsiyon sa gobyerno hanggang korupsiyon ng laman. Nasisira ang reputasyon ng tao dahil sa kasalanang moral. Mahihinuha sa pakahulugang ito na malaki ang ipinapataw na pagpapahalaga sa mga pananaw sa kabuuang lipunan.

Ang ikatlong pakahulugan ng eskandalo ay tumutukoy sa “pangyayari o pagkilos na lumalabag sa kabutihang-asal o establisadong pagkaunawa hinggil sa moralidad.” Sa ganitong yugto, ang tao ay ipinapailalim sa isang kaayusan, at ang kaayusang ito ay itinatakda ng mga awtoridad, kundi man ng mayorya, ng lipunan.  Nakatimo sa pakahulugan ang “tao” na ang asal ay labag sa moralidad. Halimbawa, ang sex ay hindi maituturing na eskandalo agad. Ang pagkakarat ng magkasintahan, mag-asawa, o magkaibigan ay nagkakaroon ng kulay ng eskandalo kung ilalantad palabas ng silid ng pribadong tahanan, at ipalalaganap sa madla upang hiyain, kalibugan, dumugin, at pagpistahan ng sambayanan ang grapiko kundi man akrobatikong pagtatalik.

Tumutukoy ang ikaapat na pakahulugan ng eskandalo sa “tsismis o pagpapakalat ng usap-usapan na nagpapatingkad ng mga totoo o maling detalyeng pawang nakasisira sa dangal ng isang tao.” Mahihinuha sa ganitong pakahulugan na malaki ang pananagutan ng mga tagapagpakalat ng tsismis o maling balita, dahil ang gayong pananalita’y umiiwa sa pagkatao na pinatutungkulan. Ang isang maliit na bagay ay napalalaki ng tsismis, at kahit ang totoong bagay ay napalalabis upang maging katawa-tawa o kahiya-hiya ang lagay ng isang tao.

Ang ikalimang pakahulugan ng eskandalo ay maaaring tumukoy sa “poot, kahihiyan, pagkalito, at pag-aalinlangan na pawang hatid ng lantarang paglabag sa moralidad, kabutihang-asal, o kuro-kuro ng relihiyoso.” Mahihinuha sa pakahulugang ito na nagkakaroon ng ikatlong dimensiyon ang eskandalo, na hindi na lamang sangkot ang tao at ang asal nito kundi ang “maaaring maidulot ng pangyayari” sa mga tao, kapisanan, lipi, at propesyon. Halimbawa, ang pag-inom ng alak ay hindi maituturing na eskandalo, maliban na lamang kung matapos kang uminom ay magwala ka sa bar, manapak ng di-kakilala, o mantsansing sa sinumang babaeng mapadaan para pag-usapan ng buong bayan. Sa ganitong lagay, ang propesyon o kapisanan ng tao na naghasik ng eskandalo ay nadadawit, lalo kung siya ay doktor, pulis, guro, at pari na pawang inaasahang may pamantayang moral bilang propesyonal. At yamang nadadawit ang kapisanan na kinabibilangan ng eskandalosong tao, ang kapisanang ito ay may karapatang patalsikin ang sinumang kasapi na lumabag sa itinakdang panuntunan para sa buong kasapian.

May kaugnayan sa hukuman ang ikaanim na pakahulugan ng eskandalo. Ito ay ang “pagsasabi ng walang kaugnayang bagay sa paglilitis o pagdinig at humahangga sa paninirang puri.” Halimbawa, may publikong pagdinig sa hukuman, at nagkataong ang isang tao na hiningan ng paliwanag ay nagsabi ng kung ano-anong kabulaanan para siraan ang isang babae, samantalang ipinagtatanggol ang sarili. Ito ang eskandalo, at dapat patawan ng karampatang parusa upang maibalik ang dignidad ng siniraang tao.

Ang mga pakahulugang binanggit dito na hinango sa diksiyonaryo sa Ingles ay malaki ang kaugnayan sa relihiyon, ngunit lumawak nang lumawak ang mga pahiwatig, at ngayon ang “eskandalo” ay halos itumbas sa “kahihiyan,” “kabastusan,” “pagtatalik,” at “kalibugan.” Ang larawan ng “balakid sa daan” ang matalinghagang panumbas sa kabiguan ng isang tao na makamit ang marahil ay pinakamabuti sa kaniyang panig. Ang eskandalo ay nagiging “patibong” na iniuumang sa isang tao upang mabihag siya ng matalinghagang kasalanan na nasa katauhan ng demonyo. Ang kakatwa’y sa panahong ito, ang demonyo ay maaaring walang sungay at napapakisig o napaaamo ng kosmetiko at propaganda, at ang eskandalo ay nagiging masaganang piging na tila dapat pagsaluhan ng madla.

Sa Filipinas, ang eskandalo ay kaugnay ng puri o dangal. Ang puri o dangal ay higit sa pagkabirhen sa sex, o sa kulay ng balát, o sa propesyon, at may kaugnayan sa kataasan ng kalooban. Ito ang idinidikdik ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang puri ay umuugnay sa kalooban ng tao, sa pagpapahalaga at paggalang sa kaniya, at kung minsan ay ikinakabit sa pinakamatimyas o pinakadakilang katangiang pinapangarap na makamit ng karaniwang tao upang mapanatili ang ginhawa. Ang puri ay nakasalalay sa pananaw at pagpapahalaga ng malalapit na tao kompara sa “ibang tao.” Nasisira ang puri o dangal dahil sa matatabil na dila na nagpapakalat ng paratang, bintang, o anumang kaugnay na bagay na maaaring nilululon nang buong-buo ng madla. At kapag nawalan ng puri ang tao, wala na rin siyang mukha na maihaharap sa publiko. Ang “mukha” na ito ay hindi lamang panlabas na anyo, bagkus ang buong tiwala sa katauhang ipinamamalas sa pakikipagkapuwa.

Nagiging makapangyarihan ang eskandalo alinsunod sa pagsagap ng madla sa anumang tsismis, balita, at propaganda, lalo’t susuhayan ng video o retrato. Nagiging makapangyarihan ang eskandalo dahil sa mga promotor at tagapagpalaganap ng mga pangyayari at pagpapakahulugang ipinalulunok sa madla nang maitanghal ang “katanggap-tanggap” o “kasuklam-suklam.” At nagiging makapangyarihan ang eskandalo dahil sa pagpapakitid sa pananaw o kaalaman na siyang ibig lamang iparating sa lahat para pumabor sa isang panig. Ang “puri” o “dangal” ng tao na idinawit sa eskandalo ay mahihinuhang laging nasa bingit ng pagtanggap ng lipunan, dahil ang lipunang ito ay nagtatakda ng kaayusan para mapanatili ang kapanatagan, katarungan, at kabutihan ng mga mamamayan. Kapag ang konsepto ng “puri” o “dangal” ay mananatiling sinauna at bansot—na laging ang kaligtasan ay nasa katanggap-tanggap na pakikipagtalik, kung hindi man sa lamad sa pagitan ng mga hita— alinsunod sa itinatakda ng relihiyon o pananalig, ang eskandalo ay maaasahang laging mananaig.

Agimat

Mahirap paniwalaan ang agimat. Sinasabing nagbibigay ng kapangyarihan sa tao ang agimat, at sa pamamagitan nito ay lumalakas ang tao upang salagin ang bala, makabighani ng binibini, makagapi sa kaaway, at makapagtanghal ng kagila-gilalas na mahika. Agimat ang tagapamagitan ng dimensiyong pisikal at dimensiyong sobrenatural, at upang maganap ito ay kinakailangang taglayin ng agimat ang dalawang katangian: ang habang-alon [wave length] ng materyal na realidad at ang habang-alon ng espiritwal na realidad. Ibig sabihin, dapat makapasok sa dalawang dimensiyon ang agimat—ayon sa paniniwala ng tao—at kung paano nangyayari ito ay isang kababalaghan.

Ngunit bago maganap ito, ang isang bagay, gaya ng kuwintas, susi o panyo, ay kinakailangang magkaroon muna ng di-karaniwang kapangyarihang ikinabit ng isa ring puwersang sobrenatural. Ang isang bagay ay walang kapangyarihang magluwal ng sariling kapangyarihang sobrenatural, dahil kung magkakagayon ay maipapalagay na nakahihigit iyon sa tao at hindi dapat tawaging “bagay.” Ang puwersang ito ay maaaring nagmumula sa isip, dahil ang isip ay maipapalagay na makapangyarihan bago pa man nalikha ang tao. Ang isip ang nakapagbibigay ng sagisag sa isang bagay upang ang karaniwang kuwintas, susi o panyo ay malampasan ang nakagawiang pakahulugan, pahiwatig, at pagkakagamit (o silbi nito) at magkarga ng kaisipang matalik sa lumikha at sa tao na gumagamit ng agimat. Halimbawa, ang isip na naglatag ng paniniwalang ang antigong singsing ay makagagayuma sa sinumang dalaga ay maaaring kinakargahan ang singsing ng lakas sa bisa ng paniniwala ng tagapagsuot ng singsing. Kailangang paniwalaan ng serye ng mga tao ang bisa ng agimat, at makulayan ng kung ano-anong sabi-sabi at guniguni mula sa madla upang ang relikya ng nakalipas ay matagumpay na makairal sa makabagong panahon.

Ang isip ay maaaring likha ng tao o kaya’y ng Maykapal. Ipinapalagay dito na ang Maykapal bilang Dakilang Isip ay maaaring makapili ng isang bagay na makakargahan niya ng kapangyarihan upang ang kapangyarihang ito ay magamit ng tao saanman niya naisin. Ngunit maaaring hindi kinakailangang gawin ito ng Maykapal—kung ipagpapalagay na ibinigay na niya ang lahat sa tao at ganap ang talino, kakayahan, at kapangyarihan nito para magtagumpay sa hamon ng kalikasan—maliban na lamang kung hindi sapat ang kakayahan ng tao upang lampasan ang aba niyang kalagayan. Ang tao bilang Mortal ay maipapalagay na may hanggahan dahil sa katangiang pisikal, kaya mananalig ito sa mga di-nakikitang bagay na wala pang sagot ang agham at teknolohiya. Sa kabilang dako, ang pagiging mortal ng tao ay nawawakasan sa lakas ng kaniyang isip na may kapangyarihang magplano, lumikha, manggagad, umimbento, at magdisenyo; at makairal sa guniguni upang ang larang ng guniguni ay magkaroon ng buto’t laman sa realidad. Ang Isip ng Tao ang maaaring nagkakarga ng konsepto, pamahiin, paniniwala, pakahulugan, at pahiwatig sa isang bagay upang ang bagay na ito ay maging tulay ng tao mulang dimensiyong materyal tungong espiritwal. Kaya dumarami ang “lucky charms” na bulaklak ng dila para sa “agimat” o “pantaboy ng malas” na ipinalalaganap ng mga eksperto sa feng shui at astrolohiya.

Pinaniniwalaan ang agimat sa bisa nito. Halimbawa, ang susing may dalawang dahon, pakpak, at mutya na popular noon sa Binangonan, Rizal ay hindi karaniwang susi na magbubukas ng pinto. Magbubukas ng dimensiyong espiritwal ang nasabing susi, upang ang tao na may hawak nito ay makatulay sa larang ng guniguni mula sa daigdig na pisikal at materyal. Kung hihiramin ang konsepto ng Kadungayan ng mga Ifugaw, ang Kadungayan ay daigdig na tinutuluyan ng mga kaluluwa, at makapapasok lamang dito ang tao kung siya ay mamamatay o kaya’y magtataglay ng pambihirang susi na makapagbubukas ng dimensiyong espiritwal. Ang Kadungayan ay salamin ng pisikal na daigdig, at kung ano ang nagaganap sa daigdig ay nagaganap din sa Kadungayan. Maaaring bago maganap sa pisikal na daigdig ang isang pangyayari, gaya ng digmaan o taggutom, ay naganap na iyon sa daigdig ng mga kaluluwa. Ang pisikal na daigdig ay maaaring ekstensiyon lamang ng Kadungayan, o maaaring kabaligtaran, kung ipagpapalagay na parang sirang plaka lamang na inuulit sa Kadungayan ang naganap sa pisikal na daigdig at wala nang panghihimasok na magagawa pa ang tao, maliban na lamang kung mamamagitan ang puwersang sobrenatural.

Kaakit-akit ang agimat dahil ang isang karaniwang bagay ay lumalampas sa ordinaryong pagtingin ng madla. Ang anting-anting, gaya ng ipinamalas ni Nardong Putik o Pepeng Agimat, ay nagiging mabisa sa ating guniguni upang malunasan ang sakit, paghihirap, at kung minsan, kaalipnan ng tao. Sa oras na maging agimat ang isang bagay, ang bagay na ito ay mawawakasan ang tungkulin bilang karaniwang panyo, susi, at kuwintas na pawang materyal na magagamit ng tao. Kailangang taglayin ng agimat ang mabigat na tungkuling iniaatas dito ng Maylikha nito, at iyon ay maging kasangkapan ng tao na lampasan ang anumang pagiging karaniwan. Magsisimula ito sa mga sagisag, pakahulugan, at pahiwatig na pawang hindi mauunawaan mismo ng bagay, bagkus ng mga tao lamang na naniniwala sa kakayahan ng isip na dumako sa dimensiyong kamangha-mangha sa abot ng ating karanasan at kaalaman. Kapag nabigo ang agimat na gampanan ang tungkulin nito batay sa natatanging pakahulugan, pahiwatig, at sagisag na pawang ibinigay ng sinumang maylikha nito’t siyang pinaniniwalaan ng mga deboto, mawawakasan ang turing dito na pagiging agimat, at kailangang magbalik sa sinaunang silbi nito. Tatawagin yaong walang talab, walang bisa, kahit labis-labis ang inaasahan ng tao na tila nasisiraan ng ulo.