Talasalitaan ng Digmaan sa Gaza

Makabubuo ng mahabang talasalitaan hinggil sa nagaganap na digmaan sa Gaza at ang mga lahok dito ay malimit mababasa sa mga pahayagang palimbag at elektroniko. Ang mga lahok ay maaaring nakukulayan ng propaganda sa isang panig, na ang layunin ay kumbinsihin ang malaking populasyon na maniwala sa madugong operasyon ng Israel laban sa mga Palestino. Heto ang ilan sa mga salitang maaaring maging Salita ng Taon ngayong 2009, na inilatag sa bisa ng lakas ng alpabeto ng karahasan:

airstrikes [Ing] png: asintadong pambobomba at pagpapatumba sa kapuwa kawal at sibilyang populasyon ng Palestino sa Gaza, alinsunod sa pahayag ng Israel.

all out war [Ing]: walang pakundangang digmaan para turuan ng maluwalhating kapayapaan ang mga Palestino, at singkahulugan ng “Bakbakan na!”

Apache Helicopter [Mil] 1: hango mula sa tribung Indian sa Estados Unidos, ito ay taguri sa helikopter na kayang magtaglay ng misil, bomba, at masinggan para lipulin ang malaking populasyon ng sibilyan 2: metalikong ibong mandaragit na tinitirador o pinupukol ng bato ng mga batang Palestino ngunit hindi kayang patamaan.

calculated risk [Ing]: masining na pagsasabi ng pinsala at pagpatay sa mga sibilyang Palestino na pawang nadamay sa digmaan ng Israel at Hamas.

carnage [Ing]: tahimik at siyentipikong pagpaslang sa mga bata, babae, at matandang Palestino, alinsunod sa mabuting halimbawa ng pagsalakay ng IDF.

cease-fire [Ing]: pangarap na paghinto sa anumang pakikidigma, at reserbado para sa Israel at Estados Unidos lamang.

cluster bombs [Ing]: malaking itlog na metal na nagtataglay ng maliliit na itlog, at ginagamit sa kahanga-hangang pagbalda sa mga sibilyan, terorista, at sinumang kamukha ng mga kawal ng Hamas.

disproportionate attacks [Ing]: tayutay sa pamamaslang at pagwasak ng Israel sa buong Gaza at Lebanon, at naglalayong ikubli ang malawakang henosidyo ng Israel sa mga lupaing sinakop nito sa ngalan ng pambansang seguridad.

economic blockade [Ing]: matimping pagsasabi ng “Bawal pumasok dito!” o “Hanggang diyan ka lang, gago!” at nagsasaad ng banayad na pagkakait ng pagkain, yaman, gamot, at iba pang mahahalagang bagay na kailangan sa pang-araw-araw na buhay ng mga Palestino, alinsunod sa dikta ng Israel at Estados Unidos.

F-16 [Mil]: sasakyang panghihimpapawid na idinisenyo ng Estados Unidos para gamitin ng Israel na masigasig na lumilipol sa populasyong Palestino, at nagsisilbing taliba sa kapayapaan ng Israel.

Gaza, Gaza Strip [Heo]: pahabang lupain na ginawang malaking bilangguan ng Israel para sa mga itinuturing nitong hayop na Palestino, at kanugnog ng Egypt at Lebanon.

Gaza Forum [Png]: pook ng tsismisan sa cyberspace hinggil sa digmaan sa Gaza, at sentro ng balita, propaganda, at opinyon ng kapuwa Israel at Hamas.

genocide [henosidyo sa Fil.] png: masinop at pinagplanuhang paglipol sa malaking populasyon ng mga Palestino sa Gaza upang ipagtanggol ang seguridad ng Israel.

Hamas [Ara] 1: pangkat ng mga pesteng terorista, alinsunod sa pananaw ng Israel, ngunit makabayang pangkat na Palestino na naglalayong palayain ang mga Palestino sa pananakop ng Israel, alinsunod sa pananaw ng maghihimagsik 2: kalabang mortal ng Israel at hukbong sandatahan nito.

IDF png 1: daglat ng Israeli Defense Forces, na malimit akalaing International Death Forces, ito ang propesyonal na sandatahang lakas ng Israel na handang durugin o digmain ang alinmang nasyon o estadong tutol sa pag-iral ng Hudyong estado ng Israel 2: mapanakop na tropang Israeli sa Gaza, at kalabang mortal ng Hamas.

Israel’s insanity [Ing] 1: kabaliwan ng Israel, ayon kay Megan G. Kennedy, na tumutukoy sa labis na pagkasangkapan sa mga sandatang pandigma upang makamit ang pansariling kapayapaan 2: pagkasira ng bait dahil sa pagkabigong malupig ang Hamas sa kabila ng pagtataglay ng sopistikadong kasangkapang pandigma.

massacre [masaker sa Fil.] png: masining na paglipol sa malaking populasyon ng mga Palestino sa Gaza sa pamamagitan ng sopistikadong sandata, gaya ng bomba, artilyeriya, baril, tangke, helikopter, eroplano, at iba pang kaugnay na uri.

Operation Cast Lead [Ing]: matalinghagang taguri sa pananakop at digmaang inihasik ng Israel sa Gaza, na ang layon ay tirisin ang mga mala-kutong kawal ng Hamas, at ibinunsod noong 27 Disyembre 2008, para sa kapakanan umano ng madlang Palestino at sa ganap na seguridad ng Israel.

self-defense [Ing]: pagpatay sa kalaban bago ito makauna sa iyo, at siyang katwiran ng Israel at Estados Unidos upang mapangalagaan ang seguridad. Ang karapatan o obligasyon ng pagtatanggol sa sarili ay reserbado lamang sa naturang mga bansa.

Tactical missile [Mil]: masining na taguri sa misil na pinasisirit mula sa lupa, himpapawid, o tubigan, at may kakayahang lumipol ng malaking populasyon at wasakin ang mga gusali, tulay, kuweba, at iba pang katulad para pangalagaan ang interes ng Israel at Estados Unidos sa rehiyong Arabe.

terrorist [terorista sa Fil.]1: mga Palestinong nagpapaulan ng raket tungo sa Israel, bukod sa mga tao na handang magpakamatay makamit lamang ng mga Palestino ang kalayaan at kasarinlan sa lupang sinilangan 2: mamamayang Palestino at lahat ng kaugnay ng pagkamamamayan nito.

war crimes [Ing] png: kathang-isip na krimen na paglabag sa mga patakaran ng pakikidigma, alinsunod sa itinatakda ng United Nations, at siyang malimit sinusunod ng Israel upang ikubli ang malikhaing panunupil nito sa Gaza.

white phosphorous munitions [Ing] png: bulaklak ng dila sa pulbos na pampaputi sa kutis ng mga Palestino, bukod sa panunog, pambulag at pampahika, at ginagamit upang lapnusin ang kanilang layong lumaban sa hukbong Israeli.

Marami pang salita ang mag-aagawan para maging Salita ng Taon 2009, at hintayin natin ang iba pang darating. Ilan lamang ang binanggit dito na malimit sambitin sa digmaan sa Gaza, at kataka-takang hindi napagbubulayan nang maigi ng mga tao. Kung huhubaran ng mga tayutay, talinghaga, at pahiwatig ang mga salita’y payak lamang naman ang ibig sabihin ng lahat: Ang digmaan ay nakamamatay, at kailangang iwaksi nang ganap sa ating isip at buhay.

Tampok na Tula at Video
Heto ang isang tula na nilapatan ng video, na bagaman walang tiyak na pangalan ay maaaring pagbulayan.

Advertisements

Filipino: Paraan ng Pagtanaw at Pananaw

Ang salitang “Filipino” ay malimit nasa bingit ng tunggalian, mulang pagpapakahulugan hanggang pagsasabuhay. Tumutukoy ang “Filipino” rito bilang kapuwa tao at wika, at sa lahat ng kaugnay na katangian nito. Ipaliliwanag ng gaya ni Renato Constantino na ang “Filipino”  ay isang elitistang konseptong hitik sa pagpapakahulugang mapag-aglahi. Ito ang dating tawag sa mga Espanyol na ipinanganak sa Filipinas, samantalang ang mga katutubo ay tinaguriang “Indio.” Ang mga Filipino ay walang kapantay na karapatan gaya ng Espanyol na nasa Espanya. Nang lumaon, ani Constantino, ang Filipino ay sumaklaw na rin sa mga ilustrado na ibig pumailalim sa Madre Espanya, at naging pambansang konseptong tumutukoy sa lahat ng mamamayang naninirahan sa Filipinas.

Tanging sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang tatanggi sa gayong taguri, at ipaliliwanag nang malalim ng istoryador at teorikong gaya ni Zeus Salazar. Hindi nila tatawagin ang sarili na “Filipino” bagkus “Tagalog,” at ang inang bayan nila ay “Katagalugan” imbes na “Filipinas.” Mahalaga ang pagkilala nina Bonifacio at Jacinto sa kanilang kabansaan at pagkamamamayan, dahil ang “Tagalog” at “Katagalugan” noon ay hindi lamang sumasaklaw sa rehiyon ng Tagalog, bagkus sa buong bansa, alinsunod na rin sa pakahulugan ng Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Gayunman, hindi magwawagi sina Bonifacio at Jacinto bagaman ang Tagalog ay mananatili sa larangan ng internet, lalo sa WordPress.

Masasabing ang taguring “Filipino” ay lunan ng tunggalian magpahangga ngayon. Patunay ang mga mapag-aglahing palabas mula sa Europa, Estados Unidos, at Asya kung paano sinisipat ng dayuhan ang mga Filipino, at ang pinakabago ay ang palabas ng BBC Corporation. Bukod pa rito ang komodipikasyon ng salitang “Filipino,” halimbawa na ang maitim na tsokolate na gawa sa Espanya, Portugal, at Netherlands; sa promosyon ng boksing ni Manny Pacquiao at sa iba pang isports na gaya ng basketbol at bilyar; at sa pagtatanghal ng mga artista ng GMA 7 at ABS-CBN sa Amerika at iba pang panig ng daigdig. Ang komodipikasyon ng Filipino ay makikita sa pagtatampok ng timpalak pangkagandahan ng babae, o kaya’y sa taguri sa mga babaeng nagbibili ng aliw sa mga dayuhan, kung hindi man inilalako na mail order bride. Mababanggit din ang pagpapakahulugan sa Filipino, gaya sa diksiyonaryong Larousse Gran Diccionario Español-Ingles (1984) ni Ramon Garcia-Pelayo y Gross, na ang lahok sa “Filipino” ay may pabalbal na pakahulugang katumbas ng “hangal,” “busabos,” at “palaboy,” at sa iba pang diksiyonaryong ipinanunumbas ang Filipina bilang katulong. Ang sukdulang panlilibak sa Filipino ay matatagpuan sa ipinapakalat na katatawanan ukol sa katulong, kaya ang “katulong” o “alipin” ay pailalim na naitutumbas sa “pagkamamamayan” o “kabansaan” kahit sablay ang gayong lohika.

Sa naturang pangyayari, ang “Filipino” ay hindi neutral o kaya’y walang tinag na salita. Ang “Filipino” ay lumalampas sa heograpiya ng Filipinas, at hinuhubog ng mga tao. Ang “Filipino” ay hindi kathang-isip lamang na konsepto bagkus may katumbas na realidad. Ang relasyon ng “Filipino” sa daigdig o ipagpalagay nang mayayamang bansa, gaya ng Amerika, Australia, at United Kingdom, ay kaugnay ng paglalaro ng kapangyarihan. Ang “Filipino” ay gagamiting pang-uri sa diksiyonaryo, ngunit kakabitan ng “cook” (kusinero) imbes na “chef.” Gagamitin ang “Filipino” bilang pakahulugan sa pinakamagandang puta sa balat ng lupa, at panumbas sa pinakamasipag na migranteng manggagawa na maibabangga sa mga manggagawa ng ibang lahi. Ilalantad ang Filipino sa mga pahayagan na “bandido,” “hampaslupa,” “kaliwete,” “katulong,” “magnanakaw,” “pirata,” “puta,””sugarol,”  o kung ano-ano pang makukulay na taguri alinsunod sa pagkakakilala at prehuwisyo ng bansang tumatanggap sa mga nandarayuhang Filipino.

Kaya hindi natin dapat ipagpalagay na ang “Filipino” ay balangkas lamang ng mga mito o kathang-isip. Ang “Filipino” habang lumalaon ay nagiging lawas ng teorya at praktika,  at ang naturang pananaw at pagsasabuhay ay nahuhubog nang malaki ng mga dayuhan at maykapangyarihan. Marapat tingnan ang “Filipino” bilang isang uri ng kapangyarihan, ngunit ang kapangyarihang ito ay nakapaloob sa gahum (i.e., hegemoniya) ng mayayamang bansa, kaya madaling malusaw kung hindi man pumisan sa dapat sandigan. Masalimuot ang bakbakan ng mga kapangyarihan—sa cyberspace man o sa merkado o sa sandaigdigan—kaya hindi dapat ipagtaka kung napakabagal pumiyok ng Filipinas tuwing nahaharap sa pakikipagtalo sa higit na makapangyarihang bansa o lawas ng mga dominanteng institusyon.

Ang “Filipino” ay hindi basta isang malamig na paksang mahuhugot sa akademya o kung saang pook. Ito ay isang pumipintig na kamalayan, isang kalipunan ng interes, isang pagpapakahulugan ng lunggating nilalapirot ng mas makapangyarihang puwersa. Ang “Filipino” ay hindi estatiko dahil araw-araw itong nililitis sa banggaan ng mga kultura at politika at midya. Makabubuti na mabatid kung paano natin inilalantad, kinakatawan, at ipinapakahulugan ang konsepto ng Filipino. Sa gayong paraan, maiiwasan natin ang mga de-kahong pananaw na patuloy na dumudungis at nagpapabansot sa ating pagkatao at kabansaan.

Napapanahon na para sipatin ang Filipino sa pananaw, wika, at diskurso ng mga Filipino at hindi ng kung sino-sinong dayo. At maaaring simulan ito kahit sa munting blog, na gaya nito.