Paglisan, ni Maria do Carmo Abecassis

Salin ng “Parti,” ni Maria do Carmo Abecassis ng Mozambique
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paglisan

Maria do Carmo Abecassis

Nakasakay sa tren na tinaguriang lunggatȋ
ang kabulgaran ng panahon nang napakatagal.
Ginugol ko ang madilim na realidad ng búhay
para makabili ng tiket na may biyaheng paalis
at nang makamit ang pangarap
(at nagbayad pa sa tagadala ng kargamento).
Inilibre niya ako dahil sa kaniyang pasaporte.
Nang umalis ako’y natagpuan ko ang sarili
sa tabi ng bintana at mag-isang nagbubulay:
Inihahatid ako ng tren sa aking libingan
at nagwawagayway ako ng panyo
at nilalagpasan ang bawat bulgar na tao
na nakikita kong higit na piniling manatili
sa panahong napakakaraniwan
mula nang araw nang ako’y lumisan.
Kung sakali’t ako man ay mapalugmok
sa kung saang banyagang pook
upang pagdaka’y uminom ng pag-asa
upang kalimutan itong pakikibaka,
(umiinom ako sa kawnter nang nakatayo)
lagi akong nagbabayad sa alinmang inumin
nang may taglay na panghihinayang
at nakamamatay na pagkapagod
ng mga kumakayod na karaniwang tao
na nagtitimpla ng barakong kape sa tasa.
Tuwing binabago ko ang tanawin sa labas
(ang pagmulat ng liwayway o pagsilang ng talà)
nakakaligtaan ko at ni hindi napapansin
ang bawat mukhang nagdaraan
nang wala akong kamalay-malay
dahil sa pagkauhaw na malagok lahat
ang pag-asa, alak, at araw na lilimutin
sa kung saang bahagi
na hihinto ang biyahe ng tren.
At ang pakikibaka ay pipintig muli
ng medyokridad
mula sa pook na aking iniwan.
Malimit kong nakikita ang sarili
sa tren na tinatawag na pag-asa,
kumakaway nang may paggunita
sa bawat bulgar na tao
na aking nakikitang nakahiga sa tabi
ng bintana,
at bantulot na nagmamasid
sa bawat tren na lumalampas.  .  .  .

Train of change is coming. Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs!

Advertisements

“Kapalaran,” ni Tariq Ibn Ziyad

Kapalaran, ayon sa wika ni Tariq Ibn Ziyad

“Mga bagani, bakit kayo tatakas? Nasa likuran ninyo ang dagat,
at nasa harapan ang kaaway!”

—Tariq Ibn Ziyad

Wasak ang taytay
at bangkang patay
ang nasa bungad.
Amoy ng sungad:
pugot na ulo
dito sa dulo
ang iyong uwi,
o siya’y sawi.

Tariq Ibn Ziyad, pintura ni Fareed Suheimat, lapis at tubigkulay, Setyembre 2009.

“Kambal Siyam,” ni Mao Zedong

Kambal Siyam
[采桑子·重阳/ Chong Yang]

Salin ng tula ni Mao Zedong, People’s Republic of China.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Mabilis tumanda ang tao di tulad ng Mundo;
Laging nagbabalik ang kambal na siyam ng taon.
Ngayon pang may kambal na siyam ang biglang sumibol,
Bulaklak na dilaw sa pook ng digma’y kay-bango.

Mabagsik ang hihip ng hanging taglagas paglipas
Ng taon, di tulad ng dingal na mulang tagsibol
Subalit  hihigtan kahit pa ang mismong tagsibol.
Masdan ang niyebe sa dagat at langit, kay-lawak!

Tatlong Talinghaga ni Ho Chi Minh

Mga tula ni Ho Chi Minh
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

GABI NG TAGLAGAS

Sa tarangkahan, sakbat
ng bantay ang tangang riple.

Tumatakas sa kapal ng ulap
ang buwan sa himpapawid.

Ang paglusob ng laksang surot
ay hukbo ng mga tangke sa gabi.

Ang eskuwadron ng mga lamok
ay alon ng salakay ng eroplano.

Naiisip ko ang aking bayan.
Mithi ko’y lumipad nang malayo.

Ngunit ang pangarap ko’y
nabitag ng mga sapot ng pighati.

Nagwakas ang isang taon dito.
Ano ang aking pagkakasala?

Habang lumuluha’y sumulat
muli ako ng tula ng pagkakapiit.

GABING MALAMIG

Ito ang gabi ng taglagas.
Wala akong sapin ni balabal.

Walang tulog. Halukipkip ko
ang binti’t lawas na naninigas.

Nagniningning ang buwan
sa dahon ng saging na hinamog.

Sa labas ng mga rehas, nanayaw
sa polo ang Dawong-dawungan.

BALIGTARAN

Itatatag ng lumayang mga bilanggo ang bansa nila.
Mula sa labis na kamalasan ay aahon ang katapatan.
Ang mga kaluluwang ligalíg ang pinakamababait.
Pagbukas ng bilibid, lalabas ang tunay na bakunawa.

Bilanggo

Bilanggo, larawan mula sa http://www.historycommons.org

Ang Rebelde

Salin ng “Bidrohi” ng dakilang makatang Bengali na si Kazi Nazrul Islam, batay sa saling Ingles ni Mohammad Nurul Huda.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kazi Nazrul Islam

Kazi Nazrul Islam, guhit sa tubig-kulay ni Alaptagin Tushar, 1995, Dhaka

Ang Rebelde

Sabihin, Magiting,
Sabihing: Taas-noo ang aking pagkatao!

Nakatanaw sa ulo ko
Ang matayog na bundok Himalaya!
Sabihin, Magiting,
Sabihing: Pinupunit ang malawak na himpapawid,
Iniiwan ang mga buwan, planeta, at bituin,
Nilalagos  ang lupa at ang langit,
Itinutulak ang sagradong luklukan ng Maykapal,
Bumangon ako,
Ako na malimit na kababalaghan ng daigdig!
Kumikinang sa aking noo ang galít na Diyos
Na gaya ng maningning na sagisag ng maharlika.
Sabihin, Magiting,
Sabihing taas-noo ang aking pagkatao!

Ako ang iresponsable, malupit, at bastos.
Ako ang hari ng matinding kaguluhan,
Ako ang bagyo, ako ang pagwasak,
Ako ang ligalig, ang sumpa ng uniberso.
Wala akong awa,
Dinudurog ko ang lahat ng bagay.
Magulo ako at walang sinusunod na batas,
Sinusuway ko ang patakaran at disiplina.
Ako ang Durjati, ako ang unos sa tag-araw,
Ako ang rebelde, ang suwail na anak ng daigdig!
Sabihin, Magiting,
Sabihing taas-noo ang aking pagkatao!

Ako ang buhawi, ako ang dagudog
Ako ang wumawasak ng lahat ng nasa daan!
Ako ang himig ng nakalalasing na sayaw,
Sumasayaw ako sang-ayon sa kaluguran,
Ako ang malayaw na kasiyahan ng buhay!
Ako ang Hambeer, ang Chhayanata, ang Hindole,
Ako ang walang humpay na pagkabalisa,
Ako ang aliw at indak habang gumagalaw!
Ginagawa ko kung ano ang ibig anumang oras,
Niyayakap ko ang kaaway at binubuno ang kamatayan,
Ako ang baliw. Ako ang ipuipo!
Ako ang salot na peste, ang malubhang takot,
Ako ang kamatayan ng lahat ng hari ng sindak,
Ako ang ganap ng pagkabalisa habang buhay!
Sabihin, Magiting,
Sabihing taas-noo ang aking pagkatao!

Ako ang paglikha! Ako ang pagwasak!

Ako ang paninirahan, ako ang libingan,
Ako ang wakas, ang wakas ng magdamag!
Ako ang anak ni Indrani
Na may buwan sa tuktok ng ulo
At araw sa pilipisan.
Tangan ng isang kamay ko ang payat na plawta
Habang tangan ng kabila ang tambol pandigma!
Ako ang Bedouin, ako ang Chengis,
Wala akong sinasaluduhan kundi ang sarili!
Ako ang kulog,
Ako ang tunog ng Brahma sa langit at lupa,
Ako ang dagundong ng kalatong ni Israfil,
Ako ang malaking salapang ni Pinakpani,
Ako ang tungkod ng dakilang hari ng katotohanan,
Ako ang Chakra at ang dakilang Shanka,
Ako ang makapangyarihang sinaunang sigaw!
Ako si Durbasha na Poot, ang mag-aaral ni Bishyamitra.
Ako ang silakbo ng sunog sa kagubatan,
Sinusunog ko hanggang maabo ang sangkalawakan!
Ako ang malutong na halakhak ng pusong mapagbigay.
Ako ang kalaban ng paglikha, ang matinding sindak!
Ako ang lahò ng labindalawang araw,
Ako ang tagapagbadya ng pangwakas ng paggunaw!
Tahimik ako minsan at payapa kung minsan,
Ngunit nahihibang sa mga sandaling di-inaasahan.
Ako ang bagong kasibulan ng liwayway,
Nililigis ng mga paa ko ang kahambugan ng Maykapal!

Ako ang ngitngit ng humahalihaw na bagyo.
Ako ang umaatungal na daluyong ng karagatan.
Ako ang patuloy na dumadaloy at masaya,
Ako ang umaagos gaya ng maingay na batis.
Ako ang maitim, mahabang buhok ng dalaga;
Ako ang kislap ng apoy sa kaniyang mga mata.
Ako ang banayad na pag-ibig na nakahimlay
Sa puso ng disiseis na kabataaan.
Ako ang kasiyahan na walang hanggahan!
Ako ang mapaghanap na kaluluwa ng maysakit.
Ako ang kaawa-awang ungol ng kulang-palad!
Ako ang kirot at pighati ng walang tahanan.
Ako ang pagdurusa ng nilalait na puso.
Ako ang hinanakit at kabaliwan ng tinalikdan ng mahal!

Ako ang di-mausal na dalamhati.
Ako ang nangangatal na hipo ng isang birhen.
Ako ang pitlag na banayad sa kaniyang unang halik.
Ako ang sulyap ng nakakulubong na sinta.
Ako ang kaniyang malimit tinititigan nang lihim.
Ako ang tuwa mula sa dibdib ng dalagitang umiibig.
Ako ang kuliling ng musika sa kaniyang galang-galang!
Ako ang batang eternal, ang kabataan habang buhay.
Ako ang mahiyaing dalagitang kabadong sumisibol.
Ako ang nakapananariwang dayaray ng timog.
Ako ang malungkuting amihan ng silangan.
Ako ang matimtimang awit ng makatang mapagbulay,
Ako ang maindayog na musika ng kaniyang lira!
Ako ang uhaw na di-matighaw sa katanghaliang-tapat.
Ang ang nagliliyab, mabalasik na araw.
Ako ang lumalaguklok na matang-tubig ng disyerto.
Ako ang malamig na lilim ng mga punongkahoy!
Napatakbo ako sa matinding ligayang nakababaliw,
Nabubuwang na nga yata ako! Nabubuwang ako!
Bigla kong nakilala ang aking sarili,
At gumuho ngayon ang lahat ng huwad na hadlang.
Ako ang pagbangon. Ako ang pagbagsak.
Ako ang kamalayan ng kubling malay ng kaluluwa.
Ako ang watawat ng tagumpay sa pinto ng mundo.
Ako ang mabunying senyas ng tagumpay ng tao.
Pumapalakpak akong nagpupuri gaya ng buhawi,
Nilalandas ang langit at ang lupa.
Sakay ako ng makapangyarihang kabayong si Borrak
Na humahalinghing sa labis na pagkatuwa!
Ako ang umaasóng bulkan sa dibdib ng sangkalupaan.
Ako ang humahalihaw na apoy sa mga kahuyan.
Ako ang dagat ng silakbo ng Gimokudan.
Inililipad ako ng bagwis ng kidlat nang matalinghaga.
Isinasambulat ko ang karalitaan at takot sa paligid.
Naghahatid ako ng nakaririnding lindol sa daigdig.

Ako ang plawta ni Orpheus,
At nagpapahimbing sa nilalagnat na kalupaan.
Ako ang pumapatay ng apoy sa impiyerno.
Taglay ko ang mensahe ng himagsik ng lupa at langit!
Ako ang rumaragasang baha.
May panahong ako ang nagpapataba ng lupa,
At ako rin ang nagdudulot na malawakang salanta.
Hinablot ko sa dibdib ni Bishnu ang dalawang dalagita!
Ako ang kawalang-katarungan. Ako ang bulalakaw.
Ako ang Saturno. Ako ang apoy ng taeng-bituin.
Ako ang makamandag na ulupong!
Ako si Chandi na pugot ang ulo, ang baganing mapanira,
Na nakaupo sa naglalagablab na kailaliman.
Ngumingiti ako gaya ng inosenteng bulaklak!
Ako ang malupit na palakol ni Parsurama,
At papatayin ko ang mga mandirigma
Upang maisilang ang armonya’t kapayapaan ng uniberso.
Ako ang sudsod ng araro sa mga balikat ng Balarama,
At lilinangin nang magaan ang kalunos-lunos na lupain,
At lilikha ng bagong uniberso ng tuwa at kapayapaan.
Lupaypay sa pakikibaka, ako, ang dakilang rebelde,
Ay tahimik na mamamahinga lamang kapag natuklasang
Ang langit at ang simoy ay malaya sa taghoy ng inaapi,
At napawi sa larangan ng digma ang mga duguang tabak.
Saka lamang ako, na pagod sa pakikibaka, mamamahinga,
Ako ang dakilang rebelde.

Higit na Mautak si Zorro

Higit na Mautak si Zorro

( “El Zorro en más sabio” ni Augusto Monterroso
Salin mula sa orihinal na Espanyol ni Roberto T. Añonuevo)

Naaburido isang araw si Zorro dahil sa hirap at lungkot, kaya nagpasiya siyang maghunos na manunulat, na pinagbuhusan niya ng loob kaagad, dahil nayayamot siya sa tao na magsasabi ng isang bagay ngunit salungat ang gagawin.

Magaling ang una niyang aklat, at matagumpay; umani yaon ng palakpak sa sangkalupaan, at mabilis isinalin (bagaman sablay kung minsan) sa iba’t ibang wika.

Hinigtan ng kaniyang ikalawang aklat ang una, at ang ilang propesor mulang Hilagang Amerika na pawang bigatin sa akademya ay masiglang pumuna at sumulat ng mga aklat hinggil sa mga aklat ni Zorro.

Nalugod nang sandaling yaon si Zorro, at pinalipas ang mga taon nang walang inilalathalang akda.

Ngunit pabulong na umangal ang ibang tao, at inulit: “Ano ba ang pasanin ni Zorro?” At kapag nagkita sila sa mga pagdiriwang na may inuman ay paliligiran nila si Zorro para tanungin kung bakit tinalikdan nito ang pagpapalathala.

“Pero nakapagpalathala na ako ng dalawang libro,” tugon niya nang may pagkainis.

“Mabuti iyan,” ang sagot nila, “kaya dapat ka ngang magpalathala pa ng maraming akda.” Hindi umimik si Zorro, ngunit nawika niya sa sarili: “Ang totoo’y ibig nila akong maglabas ng masamang aklat; ngunit dahil ako si Zorro, hindi ko gagawin iyon.”

Halaman sa Tadyang

Isang maikling kuwento ni Pedro S. Dandan ang pumapaksa sa pagkabuwal ng kawal noong digmaan. Pinamagatang “At Nupling ang Isang Halaman,” ang akda’y nagsasalaysay sa malagim na pangyayari sa sundalong tinamaan ng bala habang nakikihamok sa tropang Hapónes doon sa Bataan. Nalugmok sa gilid ng punongkahoy ang lalaki, at habang agaw-buhay ay ginunita ang masasayang araw sa piling ng kaniyang ina, kasintahan, at Lupang Tinubuan.

Sa unang malas ay sentimental at melodramatiko ang rendisyon ng salaysay, ngunit kung uuriin nang maigi’y matutuklasan ang paggamit ni Dandan ng mga pahiwatig o pagpaparamdam hinggil sa unti-unting pagkamatay ng sundalong si Berto. Ang pagkamatay ni Berto ay magsisimula sa paghahangad nitong maging sundalo upang labanan ang mananakop, at ito’y ipahihiwatig ng pangangamba ng ina niya. Ang ikalawang pagkamatay ni Berto ay ang pagkakawalay sa kaniyang magulang at kasintahan. Ikatlong kamatayan ang pagkakalayo sa baryong kinalakhan upang sumabak sa Bataan. Ikaapat na kamatayan ang kawalan ng saklolo mula sa kapuwa sundalo o kababayan sa gitna ng paghihirap habang malubhang sugatan. Ikalimang kamatayan ay mula sa uwak na kumain ng laman at uminom ng dugo ni Berto. At ikaanim na kamatayan ang kawalan ng lilim ng punongkahoy na kinahimlayan niya.

Ngunit sa kabila ng pagkakalugmok ni Berto ay kakikitaan siya ng katatagan at kahinahunan. Lupa ang nagpapalakas kay Berto upang ipagpatuloy ang pakikibaka, at kaugnay iyon ng lunggating bigyan ng maaliwalas na kinabukasan ang kaniyang bayan. Bagaman bibiguin si Berto ng kapalaran, at mananaig ang dahas ng digmaan, ang mortal niyang katawan ay magiging pataba ng lupa upang sumupling ang isang halaman sa pagitan ng kaniyang mga tadyang, at lumilim sa tapat ng kaniyang pusong nasisinagan ng araw.

Lupa ang talinghaga ng kuwento, at ang lupang ito ay hindi lamang tumutukoy sa isang kipil na lupa o pitak-pitak na bukirin. Sa mga sinaunang tula, dula, at katha, ang “lupa” ay kaugnay ng Tinubuang Bayan, at sumasagisag sa Bansa. Mahalaga ring pansinin ang ina ni Berto, dahil ang “ina” ay nagtataglay din ng pahiwatig ng kabansaan, gaya ng “Inang Bayan” na ginamit sa Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Kahit ang kasintahang si Lilay ay maiuugnay sa kabansaan, dahil ang pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay malimit iniuugnay sa panliligaw, pagtatanggol ng puri, at pagpapakasal sa matalinghagang babae.

Nilulupig ng digmaan ang mga tao, anuman ang uri, edad, at kasarian, at ito ang ipinahihiwatig ng kuwento. Gayunman, ang pag-asa na bubukal sa kalooban ng mga mamamayan ang magpapabago ng timbangan upang umusad ang lahat tungo sa kapayapaan. Ang pag-asang ito ang tataglayin ng ina at kasintahan ni Berto, at ang hulagway na ipamamalas ng halamang sumibol sa kalansay. Naagnas man ang katawang pisikal ni Berto, ang kaniya namang diwa para sa kalayaan ay mananatili magpakailanman.

Tula, Wika, at Nasyonalismo

Wika ang isa sa mga paksang pinagbuhusan ng pansin ng mga makatang Tagalog noong bungad ng siglo 20. Ito ay dahil tanging Ingles at Espanyol lamang ang mga opisyal na wika sa Filipinas, na isang paraan ng pagsasabing “mga wikang pambansa,” na pawang ginagamit upang paikutin ang pamahalaan, edukasyon, negosyo, hukuman, militar, simbahan, at iba pang kaugnay na sangay, kahit matiwalag ang mga karaniwang mamamayan sa kani-kanilang sarili. Hindi rin totoo na pinangibabawan ng Tagalog ang mga taal na wika sa Filipinas upang pagkaraan ay patayin. Ang totoo, Tagalog ang lantarang lumaban sa kapuwa Ingles at Espanyol—na mga wika ng kolonisasyon—at naging halimbawa ng iba pang taal na wika sa Filipinas hinggil sa produksiyon ng panitikan at iba pang lathalain.

Nililingon ng mga makatang Tagalog ang kanilang pakikihamok sa ginawang halimbawa ng wika, diwain, bisyon, anyo, at kabaguhan ng ginawa ni Francisco Balagtas na ibang-iba ang testura ng wika kung ihahambing sa iba pa niyang kapanahon. Bukod kay Balagtas, kinikilala rin nila ang mga ambag na akda ng gaya nina Andres Bonifacio, Marcelo H. Del Pilar, Emilio Jacinto at iba pang kababayan. Halos lahat yata ng makata ay tumula ukol sa kanilang wika o kaya’y kay Balagtas, at marahil may kaugnayan ito sa iba’t ibang samahang pampanitikan, gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik. Sa mga nobelang Tagalog, maibibilang sa pangunang hanay ang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos na naglantad ng Thomasite na nagtuturo sa mga Tagalog at kung paano ibig palitan ng Ingles ang Espanyol bilang wika ng hukuman. Gumamit din ng mga tauhan si Santos upang lokohin ang usapan sa Ingles, na ngayon ay tatawaging “Taglish.” Ang ganitong taktika ni Santos ay mababasa rin sa kaniyang  tulang gaya ng “Let us go, Teacher” na tungkol sa personang estudyanteng tinuturuan ng gurong Amerikano na pangit ang itsura, ngunit makikilala pagkaraan ang Filipina na maganda na yayaing magtanan sa pamamagitan ng balu-baluktot na Ingles.

Sa tulang “Ang Wikang Tagalog” ni Ruperto S. Cristobal na nalathala noong 2 Abril 1919 sa Ang Mithi, inilahad ng persona ang pangyayaring “parang sinusubok kung aling wika” ng sandaigdigan ang “lalong matamis” at “napakainam.” Nagmayabang ang Kastila, sumunod ang Ingles, humirit ang Pranses, at nakisali pa ang Intsik (Tsino) kung aling wika ang dapat mangibabaw sa Dulong Silangang Asya sa kabuuan, at sa Filipinas sa partikular. Sa ikatlong saknong, inilarawan ang Maynila bilang lunan ng mga wikang dayuhan na ibig akitin ang mga walang kibong mamamayan:

Dito sa Maynilang pook na tagpuan ng lahat ng bayan
mga wikang ito’y siyang laging bigkas ng mga dayuhan,
ibig na akitin ng buong paggiliw
itong walang kibong mamamayan natin;
ang unang tinungo’y ang lalong malaking bahay ng kalakal
na may akala pang ipasok na pati ng mga dayuhan,
pinapamayani ang kanilang diwa sa lahat ng bagay
hanggang mapilitang pati kabataa’y mangagsipag-aral
pagka’t siyang tanging kinakailangan
sa maraming yari ditong pagawaan;
nguni’t ngayon pa ma’y di rin nalilimot ang lalong mainam
na wikang Tagalog na sa ganda’t ganda’y di na uunahan.

Ang kakatwa’y kahit anong pang-aakit ng mga banyagang wika ay hindi pa rin malimot ang Tagalog. Inilahad sa sumunod na saknong kung bakit matamis ang Tagalog na puno ng pag-ibig at pangarap na pawang ipinamamana ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sa pangwakas ng saknong, isasaad naman kung bakit nabigo ang pagpapalago ng wikang dayuhan:

Hindi nanagumpay ang pagpapalago ng wikang dayuhan
ang lahat ng wikang dayo sa bayan ko’y hindi kailangan
dito’y may wika ring kabigha-bighani,
dito’y may diwa ring pagkatangi-tangi. . .
Kaya’t nang tangkaing ang wikang Tagalog ay ipagbaunan
sa hukay ng limot, ay nangagsibangon tanang kabataan,
pinigil ang mga masasamang nais at di-wastong pakay
at pinanatiling maglaro sa dila ang wika ng bayan
hanggang kilalanin itong wika natin
na wikang dalisay at lubhang butihin,
kaya ngayon dito’y maraming totoo ang nag-aawita’t
pinupunong lagi ang himpapawirin ng kaligayahan.

Sa naturang saknong, ang wikang Tagalog ay hindi lamang nais patayin bagkus ipagbaunan pa sa limot, at ginagawa ito lalo na ng mga tagapamansag ng Ingles at Espanyol. Ngunit hindi pumayag ang mga kabataan, at sumalungat at lumaban sa nais o patakaran ng mga wikang dayuhan.

Noong 6 Enero 1923, nalathala sa Taliba ang tulang pinamagatang “Imperyalismo” ni Jose Corazon de Jesus. May epigrape ang tula hinggil sa ulat na maraming pahayagan sa Estados Unidos ang nagsasabing hindi dapat palayain ang mga Filipino dahil hindi pa edukado at walang katiyakan ang independensiya hangga’t hindi marunong umingles ang lahat ng Filipino. Heto ang ilang saknong ng tula, at ispesimen kung ano-anong deskriminasyon at pang-aaglahi ang ginawa noon sa mga Filipino upang kaligtaan ang sariling wika:

Ingles naman ngayon itong salitaan,
lalo pang lumayo yaong Kasarinlan;
matuto ng Ingles itong Kapuluan,
mawalan ng Wikang katutubo’t mahal;
mag-Amerikano sa kaugalian,
mag-Amerikano pati kabastusan,
mag-Amerikano gayong hindi naman,
isang utos itong napakahalimaw!

Piliting ang bayan, nang upang lumaya’y
papagsalitain ng di niya wika:
Imulat ang mata sa kilos masagwa,
edukasyon tayong parang gagong bata.
Ito’y gawa lamang noong mga bansa
na lubhang salbahe, makamkam, masiba!
Walang katuwiran ang may ganyang diwang
ululin ang bayan sa pangakong pawa.

At hindi ba Ingles itong aming bayan?
Tingnan at kay buti na naming magnakaw,
tingnan at kay buting umestapa diyan,
tingnan at kay galing sa panunulisan.
Noong araw baga, kami’y mayro’n niyan,
noong araw baga’y may sistemang ganyan?
Iya’y edukasyong aming natutuhan
sa iingles-ingles na dito’y dumatal!

Maraming hinaing ang persona ng tula. Ngunit nahuhulaan na niya noon pa man na kaya ipinatutupad ng Amerika ang gayong patakaran sa Filipinas ay upang panatilihin ang imperyalistang interes nito sa larangan ng kalakalan. Iniugnay ng persona ang usapin ng wika sa pagsakop sa kamalayan ng mga mamamayan. Magwawakas ang tula sa pagsasabing walang katwiran ang Amerika na sakupin ang Filipinas, at umaasa ang Filipinas na hindi bansang sakim ang Amerika. Ngunit kabulaanan ito, dahil ang Amerika ay nananatiling sakim at patuloy nitong igigiit ang pamamayani ng Ingles sa buong kapuluan.

Wala akong nabasang tula sa Ilokano, Bisaya, Bikol, Kapampangan, at iba pang taal na wika sa Filipinas na may lakas ng loob na pumaksa sa imperyalismo at tuligsain ang patakarang panaigin ang banyagang wikang Ingles sa Filipinas bago pa man lumitaw ang tula ni De Jesus. Ang ginawa ni De Jesus ay nakayayanig sa mambabasa, at gumigising sa taumbayan na tuklasin muli nila ang kanilang “Inang Wika.” Noong 29 Marso 1921, inilathala ang tulang “Inang Wika” ni De Jesus. Pumapaksa iyon sa isang inang naghahanap sa nawawalang anak, at ang inang ito ay hindi tumugon sa Espanyol at Ingles na pawang nakasalubong patungong gubat bagkus tumugon lamang sa kaniyang anak na Tagalog. Sa naturang tula, maláy na maláy ang makata sa halaga ng wika na maiuugnay kahit sa pagkamamamayan, at ang pagkamamamayang iyon ay lumalampas sa legalidad at umaabot sa lahi at personal na ugnayan.

Marami pang maihahalimbawa na tula at ibang akda na pumapaksa sa wikang Tagalog, at ang wikang ito ay ilalaban nang patayan ng mga manunulat na Tagalog kahit sa harap ng Ingles, Espanyol, at Nihonggo. Magiging halimbawa noon ang Tagalog sa iba pang wika, dahil pambihira ang sigasig ng mga manunulat na itampok itong maging pambansang wika, may digmaan man o pananakop, at ang paligid ay nababalot ng lagim, ligalig, at tagsalat. Isang masaklap na parikala sa panahong ito na pinararatangan ang Tagalog na pinangingibabawan ang iba pang taal na wika sa Filipinas, at nagpapasimuno ng termino at diwaing “Tagalogization,” Tagalogism,” at “Tagalism” na pawang ibig pausuhin nina Aurelio Agcaoili, Ricardo Nolasco, at Jose Dacudao.  Ang Tagalog na magiging batayan ng pambansang wikang Filipino ay hindi na masisilayan pa ng mga manunulat na Tagalog na isa-isang namatay at nilimot ng panahon. Gayunman, naniniwala akong mananatili ang kanilang pambihirang pamana para sa bagong henerasyon ng mga Filipino ipilit mang ibaon sila sa limot, at limutin ng sambayanang Filipino.

Prosang Tagalog ni Jose Rizal

Jose Rizal sa GSIS Museum

Jose Rizal sa GSIS Museum

Kilala si Jose Rizal sa kaniyang prosang nasusulat sa Espanyol, ngunit nakasulat din siya ng ilang akda sa Tagalog. Magaan at madulas ang prosang Tagalog niya, bagaman masasabing malayo sa testura ng Tagalog nina Emilio Jacinto, Andres Bonifacio, at Francisco Balagtas. Pinakatampok na marahil ang Makamisa (1892), ang sinasabing karugtong ng El Filibusterismo (1891), at pinag-ukulan ng pag-aaral ni Ambeth Ocampo. 

Sa bungad pa lamang ng Makamisa ay mahihiwatigan agad ang kakatwang tagpo sa simbahan, ang simbahan na parang karnabal na sinusugod ng mga tao, at ang mga tao ay pawang mapagbalatkayo sa harap ng kanilang panginoon. Titindi ang paglalarawan dahil Linggo de Pasyon, at ang kurang si Padre Agaton—na pinakamakapangyarihan sa Bayan ng Tulig—ay tumangging magbigay ng ostiya sa mga mananampalataya gayong mahigpit naman sa pakumpisal. Ang karikatura ni Padre Agaton ay di-malalayo sa mapaglarong komedya, at ang banal ay nagiging makalupa at karnal. Ipakikilala pagkaraan si Marcela, na maaaring malaki ang papel sa nobela, at mahihiwatigang ang nasabing dalaga ang puntirya ng libog ni Padre Agaton. Samantala’y si Kapitan Lucas, ang ama ni Marcela, ay satiriko rin ang paglalarawan. Siya ang punongbayan ngunit kinapopootan ng mga mamamayan, at animo’y tuta ni Padre Agaton. Kahit ang paglalarawan sa loob at labas ng kumbento ay hitik sa siste mulang di-pinapansing mga bulaklak sa hardin hanggang asal ng Guwardiya Sibil hanggang pananampal ng kura kay Aling Anday, na matalik ang ugnayan sa naturang pari. Si Padre Agaton ang mahihinuhang paglulunsaran ng salaysay, at kung bakit niya sinampal si Aling Anday ay siyang aabangan sa mga susunod na kabanata ng nobela.

Kung sadya ngang mapagpatawa ang nasabing akda hanggang wakas ay walang makababatid yamang maliit na bahagi lamang ang nasulat ni Rizal. Tanging mga sulat ni Rizal kay Ferdinand Blumentritt ang makapagpapahiwatig kung ano ang posibleng tatahakin ng nobela. Ibinubunyag din ng mga liham ni Rizal kay Blumentritt ang kaniyang kakapusan sa wikang Tagalog, at ang pagnanais na isulat na lamang ang nobela sa Espanyol dahil may mga yugtong gaya ng sermon ng pari na kailangang nasa Espanyol. Maaaring nagpapalusot lamang si Rizal. Si Rizal ang halimbawa ng intelektuwal na nabigong gamitin ang sariling wika alinsunod sa diskurso ng kaniyang mga kababayan, bagaman kapuri-puri ang kaniyang pagtatangka.

Kung pagbabatayan naman ang ibang prosa ni Rizal, gaya ng “Paalaala sa mga Mapag-usapin,” ang siste ay laging nakapaloob kahit sa munting salaysay na tila tulang tuluyan. May magkaibigan na nakatagpo ng kabibi, at pinag-agawan iyon, at ang pagtatalo’y nauwi sa hapag ng hukom. Ngunit pagsapit sa hukom ay dinukit niya ang laman ng kabibi at kinain, saka ibinahagi ang dalawang takupis sa magkaibigan. Ang ganitong uri ng salaysay ay tila hango sa Biblikong alusyon, nang magtalo ang dalawang ina sa harap ni Haring Solomon hinggil sa kung sino ang marapat kumuha ng sanggol (1 Hari 3: 16–28). Kaugnay din iyon ng de-ilustrasyong “Si Pagong at si Matsing” na hinango ni Rizal sa kuwentong bayan na ukol sa magkaibigan ding nagtalo at naghati sa tiniban ng saging. Ano’t anuman, ang “Paalaala sa mga Mapag-usapin” ay hindi simpleng pagpapatawa lamang. Inuusig nito ang pagtatalo sa mumunting bagay na hindi dapat pagtalunan, samantalang iginigiit ang halagahan ng pagbibigayan ng magkaibigan. Ang hukom ay hukom lamang sa pangalan, dahil kahit siya ay manlalamang at kakainin ang dapat sanang pinaghatian ng magkaibigan.

Sa isa pang akdang pinamagatang “Ang Magkapatid” ni Rizal, inilahad ng persona ang masaklap na pangyayari sa buhay ng mahihinuhang ulilang magkapatid na pinagmalupitan ng kanilang ale (i.e., tiya). Dating mayaman ang ale ngunit naghirap pagkaraan, at pinagbuntunan ng lupit ang magkapatid. Magbubulay ang isa sa magkapatid, ayon sa pagunita ng persona, kung gaano ang ginhawang matatamo sa paglayas sa poder ng ale, ngunit magwawakas sa pangangamba: “Makapangangako kayang tutugon, at di lulubay, yamang ang sala o hina ng isa’y makapapahamak sa lahat?” Ang tanong ay patungkol sa pagtutulungan ng magkapatid. Hindi sinagot ang nasabing tanong, ngunit ang tanong na iyon ay umaalingawngaw magpahangga ngayon sa mga nakikibaka tungo sa ganap na ikagiginhawa ng ating bansa.