Monumento, ni Roberto T. Añonuevo

Monumento

Robeto T. Añonuevo

Matatayog na basura, gunita kayo ng matatangkad
na bisyon, at ngayon ay ultimong bakas ng polusyon.
O yaon ay guniguni lamang ng bulag na si Borges?

Nabása marahil ito ng Komandante, at kung ang Cuba
ay Filipinas, ang rebolusyon ay pagtanggi sa parangal
na magpapasikip sa rotunda o plasa ng mga palaboy.

Sementeryo ang bantayog. Kung hindi kayo mga multo,
bakit iihian ng askal o dudungisan ng aktibista’t tambay?
Kulang para sa tindahan o terminal ng mga sasakyan,

memoryal kayo ng isla o kalabisan, ang palatandaan
kapag naliligaw, ang kabayanihan sa aming natatakot
humawak ng baril at laging tangan ang bagong selfon.

Ngunit babalâ kayo para sa inaasahang kapahamakan,
dulot man ng bagyo o sunog o digma, at tinatanggap
namin ang henyo ng eskultor o kontratista na kumikita

para iresiklo ang mga kamalayang lumulutang sa baha,
tinatabunan ng banlik at putik, at kung sakali’t magbalik
ay hindi mauunawaan ng mga batang naglalaro sa titik.

Pana-panahon kayong nililinis para ulanin ng bulaklak,
at kung minsan ng awit at tula at dula, sa selebrasyon
ng mga politikong artista o sotang bastos ng burukrata.

Sapagkat kayo’y mahal ngayon, at magmamahal lalo
kung artefakto ng kolektor: ang dambana ng papuri,
ang listahan ng pangalan at patina sa tansong tagumpay.

Kung ituring man kayong bilangguan ng dakila’t bathala
ay ano’t hindi namin ikinasisiya ang luwag at aliwalas?
Kahit ang gamot ay nagiging lason sa wika ng hinaharap.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!

Advertisements

“Ang Pamilihan sa California,” ni Allen Ginsberg

Salin ng “A Supermarket ni California,” in Allen Ginsberg ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Ang Pamilihan sa California

Ano ang iisipin ko ngayong gabi sa iyo, Walt Whitman, pag tinahak ang mga eskinita sa lilim ng mga punongkahoy nang hilo sa maláy na maláy na pagtanaw sa bilog na buwan?
. . . . . . . Sa gutóm kong kapaguran, at paghahanap ng mga hulagwáy, pumasok ako sa pamilihang neon ng prutas, habang nangangarap ng iyong listahan!
. . . . . . . Anung peras at anung malaanino! Mga pamilyang namimili sa gabí! Mga pasilyong hitik sa mga bána! Mga misis sa mga abokado, mga sanggol sa mga kamatis!—at ikaw, García Lorca, ano ang ginagawa mo sa mga pakwan?

. . . . . . . Nakita kita, Walt Whitman, walang anak, malungkuting huklubang pagpag, nanunundot ng mga karne sa pridyider at nakamasid sa mga batà ng tindahan.
. . . . . . . Nakita kitang nagtatanong sa bawat isa: Sino ang pumatay sa karneng baboy? Magkano ang mga saging? Ikaw ba ang aking Anghel?
. . . . . . . Naglabas-masok ako sa makikinang na salansan ng mga delatang bumubuntot sa iyo, at sa aking haraya’y sinusundan ng mga tiktik sa pamilihan.
. . . . . . . Tinahak natin ang mga bukás na pasilyo sa ating nakagiliwang pag-iisa at tinikman ang mga alkatsopas, inaari ang bawat nagyeyelong linamnam, at umiiwas sa kahera.

. . . . . . . Saan ka pupunta, Walt Whitman? Ipipinid ang mga pinto sa loob ng isang oras. Saan nakaturò ang balbas mo ngayong gabi?
. . . . . . . (Hinipò ko ang iyong aklat at nangarap ng ating pakikipagsapalaran sa palengke at nadama’y pagkaabsurdo.)
. . . . . . . Maglalakad ba tayo nang buong gabi sa mga hungkag na kalye? Nagdaragdag ng lilim sa dilim ang mga punongkahoy, pinapatáy ang mga ilaw sa mga bahay, at kapuwa táyo malulungkot.
. . . . . . . Maglalagalag ba tayong nangangarap ng naglahong America ng pag-ibig nang lampas sa mga bughaw na kotse sa mga lansangan, na tahanan ng ating tahimik na dampâ?
. . . . . . . Ay, mahal kong ama, pithô, malamlám na huklubang gurò, anong uri ng America ang taglay mo nang sumuko si Kharón sa paggaod at dumaong ka sa maulop na pasigan, at nakatindig na tinititigan ang bangkâ na nilalamon ng maitim na tubigan ng Leteo?

*Hindi nasunod ang pagkakahanay ng mga taludtod, sapagkat hindi ko alam ang disenyo ng WordPress para sa indensiyon ng mga salita.

Lagalag at Katawan, ni Alissa Leigh

salin ng mga tula Alissa Leigh.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

LAGALAGIYA

Sa simula, lumitaw ang salitang, kumilos;
saka ang plano at ang mga dahilan,
na hindi ko lubos na matandaan.
Tanging natatandaan ko ang mga damit
na ibinigay sa amin para sa paglalakbay,
at ang pangwakas, ang pagkain
nang tahimik na aming pinagsaluhan.
Nilisan namin nang magaan ang pook,
gaya ng aming pagdating, maraming
taon na ang nakalilipas.

Sa tanglaw ng lagay ng kamuslakang
pinagsampayan ng mapuputing sapin
upang matuyong tila ulap sa paraiso;
mula sa ewkaliptong-simoy ng lupain,
isang pulang bahay na may bakurang
humahapay sa nananaginip na mga burol,
dinambong ng mga rakun, ikinahon ng liryo,
gaya ng mga trumpeta ng mga arkanghel,

lumisan kami: paloob sa kasaysayan, ilog
na bumabagal dahil maraming pasikot-sikot,
isang nayon ng mga paboreal na sandaan
ang mata; munting kubol sa mga bukirin,
na may kalang bakal, dambana sa taglamig;
isang dapugang pinaitim ng panahon,
maseselang buto ng mga langay-langayang
nanigas sa anyo na animo’y lumilipad.

Nang patugtugin ni ama ang trombon niya
sa atiko, humagikgik ang mga paslit
sa kalye. Pagsapit ng dapithapon, nagtipon
ang mga baka sa tarangkahan, aanga-anga
at hinihintay ang anak ng magsasaka.
Sa bahay, pinapantig ng mga bata
ang mga pandiwa, tinutuklas ang mga salik,
gumuguhit ng mga dayagram ng puso ng tao.

Pagsapit ng gabi, ang bilugang hapag-kainan
na may lamparang Olandes ay tinatawag
ang mga makata, manlalaro, magdarambong
para tumagay ng jenever. Marahang aangat
ang insenso ng mga tsismis na magpapaitim
sa mga dingding. Sa labas, ang mga kabayo
ay kakahig sa karimlan, sisingasing ng yelong
tila balahibo. Magsusumamo kami sa hiwatig
ng gagamba, daga, at hayop na naglulungga.

Lumiliit ang aming mga salita at numinipis
gaya ng mga buto, at umuungol ang aming
mga kumpas dahil sa panlalamig. Tinuruan
kami ng walang-bait na daigdig ng tubig,
kahoy, at bato kung kailan dapat sumuko.
Kapag panahon na para muling lumisan,
kami ay apat na estrangherong kumakaway
sa bawat isa, sa paraan at kilos na marahan,
sa kabila ng nakatutulig na lawak ng karagatan.

KATAWAN

Mapa ng sindak at lugod,
marubdob na sampan, maalab na kongresong
hitik sa mga argumento ng mga kemikal,

silid ng Alingawngaw para sa panatikong sigaw
ng sutil na salinlahi, lahat ng kakatwang lingid
na pinagtubuan ng balbas ng kamatayan,
laberinto ng mithi, palaruan ng silakbo,

pabrikang pinapasukan ng tahimik na hukbo
ng pagkaagnas, pilosopo-payasong nagtotorotot
sa bawat epipanya.

Pinaliguan ng mabagsik na nars ng umaga,
inihatid sa ward ng dapithapon,
pinakain, nagpasalamat, sa malinamnam
na sabaw ng takipsilim.

Binasa ang paiba-ibang baraha ng panaginip,
binuksan ang salansanan ng insomnia,
ninakaw ang dalawang-katiting na pag-idlip.

Naiwala ang ngalan sa mga banyagang yakap,
lumikha ng pasaporte sa bansa ng kayumian,
nagmuwestra gaya ng bata sa anumang nais nito,
halumigmig sa salaming binughan ng hininga.