Ang Espiya ng Pamahalaan

Banayad na pandarahas na maituturing ang pinakabagong pakana ng pamahalaan na tiktikan ang Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera. Kahapon, nahuli ng mga security guard ng Mapayapa Village ang isang ahente ng Hukbong Dagat ng Filipinas na kumukuha ng retrato ng bahay ni Lumbera, samantalang nakatakas ang dalawang kasapakat nito.

Ang dalawang ID ni Korporal Hannibal Mondido Guerrero mula sa Hukbong Dagat ng Filipinas (Philippine Marines)

Ang dalawang ID ni Korporal Hannibal Mondido Guerrero mula sa Hukbong Dagat ng Filipinas (Philippine Marines). Si Guerrero ang espiya ng pamahalaan laban kay Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera.

Nagngangalang Korporal Hannibal Mondido Guerrero, ang ahente ay pinalaya makaraang masiyasat ng mga tauhan ng seguridad ng subdibisyon.

Sa unang malas ay simpleng ehersisyo lamang ito, kung paniniwalaan ang palusot  ni Tenyente Koronel Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Hukbong Dagat, na sumasailalim umano sa pagsasanay ang nasabat na ahente. Kung ang batayang kurso ng Hukbong Dagat ay hanapin ang mga aktibistang alagad ng sining, ang kursong iyon ay dapat isailalim sa masusing pagbabago sapagkat kahit ang mga karaniwang kritiko ng pamahalaan ay ipinapalagay sa ngayon na mahigpit na kalaban ng pambansang seguridad.

Mahirap paniwalaan ang butihing Tenyente Koronel Arevalo, dahil ang karaniwang tinitiktikan ay nakatitikim ng pagdukot, pagpapahirap, pagkulong, kung hindi man tandisang asesinasyon, hindi lamang noong panahon ng Batas Militar bagkus magpahangga ngayon. Matagal na itong iniaangal ng mga aktibistang dumanas ng gayong pandarahas, at siyang  nagiging bangungot sa mga dating sundalong militar na nasa poder ng pamahalaan. Kahit hindi aktibista ay nakararanas ng pandarahas, at maihahalimbawa ang ginawang paniniktik bago ang pagpaslang sa mga testigo ng kasong Dacer-Corbito na kinasasangkutan ng mga kilalang personalidad.

Kung paniniwalaan si Direk Carlo J. Caparas, si Lumbera umano ay alagad ng sining mula sa akademya at walang pangalan. Ngunit kung walang pangalan si Lumbera, ano’t abala ngayon ang pamahalaan para alamin ang mga gawain nito? Para makilala ang dati nang iginagalang ng mga tagasubaybay ng sining? Para sa kaalaman ng lahat, si Lumbera ay hindi lamang aktibo sa pagsusulat, pagtuturo, at paggampan sa tungkulin bilang pambansang alagad ng sining. Kalahok din siya sa mga makabuluhang organisasyong gaya ng Wika Inc. (Wika ng Kultura at Agham Inc), ACT (Alliance of Concerned Teachers) Partylist, at iba pang samahang binubuo ng matitinik na manunulat sa Filipinas.

Nakatatakot ang ginagawang paniniktik kay Lumbera, dahil ang isa pang Pambansang Alagad ng Sining, sa ngalan ni Virgilio S. Almario, ay malapit lamang ang tinitirahan mula sa bahay ni Lumbera. Maaaring tinitiktikan din si Almario, dahil sa pagtuligsa nito sa administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo mulang patakarang pansining hanggang patakarang pangwika; ngunit para sa akin ay naglulustay lamang ng salapi ang pamahalaan sa gayong pagkilos.

Kapuwa masugid na tagapagtaguyod ng sining at panitikan sina Lumbera at Almario, at sino man sa kanila ang unang paslangin ng mga armadong grupo ay makatitiyak na isa na namang bayani ang lilitaw sa paningin ng taumbayan.

Bagaman dinaraan sa biro ni Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita ang paniniktik kay Lumbera, hindi dapat magwakas sa ganito lamang ang lahat. Nakataya ang seguridad ng pamilya ni Lumbera, at ang anumang sinadyang kapahamakang sapitin niya mula sa awtoridad ay kapahamakang tatamasahin din ng buong sambayanang Filipino. Hindi sapat ang paghingi ng paumanhin ng pamahalaan kay Lumbera. Dapat imbestigahan ang kaso, at patawan ng parusa kahit ang mga opisyal na nag-utos kay Korporal Guerrero dahil sa katangahan.

Maraming silbi ang paniniktik. Ang datos na makakalap ng espiya ay maaaring gamitin ng awtoridad laban sa tao na tinitiktikan. Sa kaso ni Lumbera, ang mga datos ay maaaring may kaugnayan sa kaniyang radikal na pakikilahok sa mga organisasyong may kaugnayan sa sining, panitikan, at edukasyon, at anumang taghiyawat na makukuha sa datos ay maaaring gamitin laban kay Lumbera sa legal man o extra-legal na pamamaraan.

Ikalawa, ang paninitiktik ay maaaring ginagawa upang maunahan ng awtoridad ang anumang plano ni Lumbera o kaya’y ng mga samahang kinaaaniban niya. Ang pagkuha ng retrato ng bahay ni Lumbera ay isang panig lamang, at hindi pa kasama rito ang pag-iipon ng materyales na makakalap mula akademya at aklatan, pribado at publikong ahensiya, panayam sa ibang tao, at iba pa. Ang paniniktik ay posible ring may kaugnayan sa eleksiyon, at lumalampas sa usapin ng kontrobersiya sa paghirang ni Pang. Arroyo ng mga bagong Pambansang Alagad ng Sining.

Ikatlo, ang pag-eespiya ay maaaring babala kay Lumbera na ihinto na nito ang ginagawang pagtuligsa sa mga maling patakaran ng pamahalaan. At ang kasunod nito, maaaring inihahanda na ang mga hakbang kung paano patatahimikin nang lubos ang isang alagad ng sining, at bigyang-daan ang gaya nina Carlo J. Caparas at Cecile Guidote Alvarez.

Ikaapat, ang paniniktik ay hindi simpleng pagsasanay militar lamang. Ang paniniktik ay hindi isinasaalang-alang ang importansiya ni Lumbera bilang Pambansang Alagad ng Sining, at itinuturing lamang siya na ordinaryong kritiko ng pamahalaan na maaaring patahimikin o sindakin kung kinakailangan. Kung si Lumbera ay ituturing na panganib sa pambansang seguridad, mahihinuhang sadyang sagad na ang kababawan ng utak at sensibilidad ng pamahalaan para maghari nang matagal.

Advertisements

Ang Balangkas ng “Sanaysaging” ni Epifanio G. Matute

Inimbentong salita ni Epifanio G. Matute ang “sanaysaging” na mula sa pinagtambal na mga salitang “sanaysay” at “saging,” at sumusunod sa yapak ng “Tanagabadilla” na mula sa pinagtambal na mga salitang “tanaga” at “Abadilla” na apelyido ni Alejando G. Abadilla. Kung ang “tanagabadilla” ay isang uri ng tanaga na pinauso ni Abadilla (na iba ang sukat, tugma, at sensibilidad kompara sa tradisyonal na tanaga), ang “sanaysaging” ay sanaysay na bersiyon ni Matute na nalalangkapan ng matalas na satira at pagpapatawa hinggil sa sarili para ibunyag ang saliwang patakarang pang-ekonomiya ng pamahalaan, ang malaganap na kagutuman at tagsalat, at ang pagnanasa ng karaniwang tao na makaraos sa masaklap na kalagayan.

SAGING, kuha ni Bobby Añonuevo

SAGING, kuha ni Bobby Añonuevo

Binubuo ng 29 talata ang buong sanaysaging ni Matute, at kabilang na rito ang paisa-isang salita o pangungusap na paningit sa mga bloke ng salita. Simple lamang ang tesis ng sanaysay: Kailangan ang saging para umunlad ang bansa, kaya dapat itong palaganapin at ilangkap sa patakarang ekonomiko ng Filipinas. Pabalintuna at maparikala ang presentasyon ng gayong tesis, dahil kahit sinasabi na kailangan ng Filipinas ang malawakang produksiyon ng saging ay lalo nitong ibinabaon sa tuligsa ang gayong kalakaran. Ang naturang tesis ay hindi matatagpuan sa unang talata bagkus sa ikatlong talata bago ang pangwakas na talata, at lumalagom sa tinagurian niyang “sagingisasyon”—ang ganap na pananaig ng saging bilang produkto at sagisag ng bansa.

Ang siste ng sanaysay ay nakatuon sa personang naglalahad ng kaniyang karanasan hinggil sa saging.  Sa unang talata, ipababatid agad niya ang angking katangahan sa sining at siyensiya ng pagtatanim hanggang pagpapahinog ng saging. Iuugnay niya ito sa ikalawa at ikatlong talatang pumapaksa sa kakulangan ng suplay ng bigas sanhi ng digmaan, at ang pag-ugat sa esensiya ng sisid rice, kamote, at kangkong. Ang pihit ng paglalahad ay sasapit sa ikaapat na talata, nang makapulot ang persona ng inakala niyang punong saging, at pagsunod sa yapak ng pagong sa kuwentong bayang itinala ni Jose Rizal.

Lilipas ang panahon at mabubuhay ang tanim, ngunit magtataka ang persona kung bakit hindi ito namumunga. Nagbalik si Hen. Arthur MacArthur sa Leyte, winasak ng mga bomba at artilyeriya ang Maynila, at bumaha sa bansa ang mga produktong mula pa sa Estados Unidos ngunit nabigo pa ring mamunga ang pananim. Nang minsang mapadalaw ang amain ng persona ay sinabi nitong hindi naman saging ang naturang tanim bagkus abaka. At ang abakang ito ay maaaring pagkunan ng mga hibla ng lubid na puwedeng pambigti ng persona.

Halos isumpa ng persona ang saging, bagaman walang kasalanan ang saging sa kaniyang katangahan. At magbabago lamang ang kaniyang palagay at prehuwisyo sa saging nang pumasok sa eksena ang United Fruit Company na naglalayong isulong ang malawakang pagtatanim ng saging sa Dabaw, palitan ang mga dating pananim na palay at mais at gulay, at kumbinsihin ang taumbayan, batasan, at gobyerno sa pamamagitan ng mga anunsiyo sa diyaryo, radyo, telebisyon, at iba pang lunan ng talakayan. Ngunit sasalungat si Senador Lorenzo Tañada, at ito ang magwawakas sa tangkang pagbabago sa Saligang Batas na kikiling sa sagingisasyon ng Filipinas. Ang “sagingisasyon” na taguri ni Matute ang katumbas ngayon ng “globalisasyon” sa negatibo nitong pakahulugan, alinsunod sa malayang daloy ng palitan ng produkto at lakas-paggawa sa iba’t ibang bansa.

Banayad ang banat ng persona hinggil sa United Fruit Co., na tinumbasan niya ng salin sa Tagalog na  “Nagkakaisang Prutas.” Kunwa’y pinupuri niya ang pag-ulan ng latundan, lakatan, at bungulan, ngunit ang totoo’y maligoy niyang hinahatak ang mga tao na pag-ukulan ng pansin ang gayong patakarang ang makikinabang lamang ay ang nasabing dambuhalang kompanya. Bagaman walang binanggit na estadistika si Matute, ang lupaing laan sa agrikultura sa bansa ay aabot sa 12.84 milyong ektarya, at 66 porsiyento rito ay tinatamnan ng palay at mais, ayon sa Environmental Law of the Philippines (1992). Ang pagpapanibago ng patakaran kung gayon sa produksiyon ng palay at mais ay makaaapekto hindi lamang sa suplay nito sa buong bansa, bagkus maging sa sistema ng pamumuhay ng mga tao. Mapangingibabaw ang pagtugon sa pangangailangan ng tagaibang bansa, kaysa unahin ang pangangailangang pangkabuhayan dito sa Filipinas.

Ang “Republika ng Saging” ay mahihinuhang hango sa “Banana Republic” na taguri sa mga bansang nakasandig ang ekonomiya sa gaya ng saging, at iba pang produktong pansakahang iniluluwas sa Estados Unidos at Europa. Ibinibilang dito ang gaya ng El Salvador, Belize, Nicaragua, Honduras, at dating panlait sa mga pamahalaan nitong pinamumunuan ng hunta militar. Nang lumaon, ang “Republika ng Saging” ay ibinansag na rin ng mayayamang bansa kahit sa mga bansang walang matatag na ekonomiya, at laging nakasandig sa pagsusuplay ng mga produktong pang-agrikultura o kaya’y lakas-paggawa sa mayayamang bansa. Sa kabila ng lahat, ang Republika ng Saging ay masasabing produkto ng mga multi-nasyonal na kompanyang gaya ng United Fruit Co. at ng kakutsaba nitong ahente sa pamahalaan at pribadong sektor. At kung gayon nga, ang tinatawag na “sagingisasyon” ni Matute ay nagiging lehitimo lamang kung papayagan ng taumbayan, at maipapaloob sa pambansang patakaran ukol sa agrikultura at ekonomiya.

Manghihinayang ang persona at hindi matutupad ang sagingisasyon ng Filipinas. Ang panghihinayang na ito ay ipapasok na lamang sa pambansang awit ng Filipinas: Bayang masaging, Perlas ka ng Sagingan/ Puso ng saging, sa dibdib mo’y buhay./ Lupang Sinaging, duyan ka ng latundan./ Sa kontra-saging, di ka padadagan./ Sa dagat at bundok,/ Sa simoy at sa langit mong bughaw,/ May dilag ang saging/ at awit sa lakatang minamahal/. . . . Ang kontra-saging na binanggit ng persona ay hindi naman talaga kontrabida, bagkus tagapagtanggol nga ng bansa. Ikinukubli lamang ni Matute ang gayon sa pamamagitan ng pagpapatawa, nang mapagaan ang panunuligsa sa pamahalaan.

Ispesimen ang sanaysaging ni Matute kung paano nagbabago ang uri ng sanaysay sa Filipinas. Ang pag-urirat at pagsasakdal sa mga baluktot na patakaran ng pamahalaan ay hindi kinakailangang laging tahas, at magagamit ang bisa ng ligoy at pagpapatawa. Ngunit hindi basta pagpapatawa na gaya ng ginagawa ni Michael V. at iba pa niyang kauri na ginagagad lamang ang realidad. Umiimbento ng realidad si Matute, at gumagamit ng mga tagpo sa lipunan at kuwentong-bayan nang hindi nangyuyurak o pinagtatawanan ang karaniwang tao. Hinahamon tayo ni Matute na kasangkapanin ang sanaysay sa pamamagitan ng madidilim na pagpapatawa, at nasa atin na ang pagpapasiya makaraang mabusog sa sagingan ng kaniyang bait at pahiwatig.