Ang Pamana, bilang Ikadalawampu’t limang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pamána, bílang Ikádalawámpû’t limáng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Nakáligtás sa lindól at bagyó, ang vangâ at takíp nitóng tótohóng ay maáarìng nagsilbí nang tapát hanggáng kaapú-apúhan, tahímik bukód sa maáasáhan sa pagdiríwang ng kánin at wákay. Saksí itó sa sálo-sálo ng mag-ának at panaúhin, dumaán sa sámot na pagsúbok at pagtítiís, nagnílay sa óras ng apóy o nagtíka sa óras ng túbig, at malímit naiíwan sa banggérahán úpang mámahingá. Ang kalikásan nitó—ang pinakaúbod, sábi ngâ ni Spinoza—ay hindî maitátanggíng máihíhiwaláy sa táyab na nagsísilbí ng úlam, gáya ng sinámpalúkang báka o binúrong dorádo. Ang mga katangìan ng vangâ at tótohóng ay magpápakilála sa angkíng estétiká at halagá (húwag nang banggitín pa ang mga inúkit na símboló sa rabáw nitó), sa magíging resúlta ng paglúlutò kapág kinasangkápan sa kusinà—ang pagpápatindí sa lása, ang pagpápatakám sa matá, at ang pagpápaginháwa sa katawán. Mulâ itó sa lúad na nilamútak at dinalísay nang paúlit-úlit, sakâ idínaráng sa sigâ at ibinilád sa áraw úpang lampasán ang kinágisnáng hanggáhan ng pamámalayók. Napápabayàan itó kapág dumáratíng ang mga bágong serámiká mulâ Japan o Taiwan, at inílalágak sa bodéga kung hindî man ibínebénta sa makukulít na akáparadór sa sandalîng magkalámat. Kapág minálas, náilílibíng itó ng buhángin at lúmot kasáma ang iláng baryáng gintô at pílak; at pagkalípas ng iláng síglo ay mulîng ibábalík sa altár úpang itanghál na pamána—na tinátamàan ng nakápahilís na sínag ng eskáparáte. Maáarìng nakíta mo na itó sa baybáyin ng Uyógan o Kalatagán. Ngúnit sa pagkakátaóng itó, magbábantulót ka kung paáno bíbigkasín ang pagkátiwalág at kalungkútan sa madilím na merkádong banyagà sa iyóng talâsalitâán.

Alimbúkad: Epic blinding poetry rocking the world. Photo by Los Muertos Crew on Pexels.com

Baalbek, ni Nadia Tueni

salin ng tula ng makatang Lebanes Nadia Tueni (na isinilang sa pangalang Nadia Hamadeh).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles ni Samuel Hazo.

BAALBEK

Kapag sinalpok ng sinag ng araw ang tuod,
At namukadkad ang buwan,
Batid ng mga landas ng Baalbek
Ang kabughawan ng mga sayaw;
Nababalot ng katahimikan ang mga bagay
Na animo’y pinahiran ng langis.
Ang mga bato at uniberso ay nagbubunyag
Ng mga lihim.
Sumasakay ng kabayo ang mga gunita,
Waring mabibigat na nakabaluting kabalyero
Na kinakaladkad ang mga dasal at diyos
Pababa sa mga lansangan.
Umaahon ang gabi mula sa madilim na selda,
Tulad ng buwitre mula sa maputing paghimbing.
Mag-uulap ang Heliopolis na maunos.
Sa paanan ng bawat ng haligi’y sumasabog
Ang natutulog na bituin at magliliwanag
Sa katanghaliang-tapat.
Kumikinang ang wika nito, may-sa arkitektura
Ang mga galaw,
Ang Baalbek ay handog mula sa mga pamana
Ng daigdig.

Mga haligi ng Baalbek. Retrato mula sa Wikimedia Commons.

Mga haligi ng Baalbek. Retrato mula sa Wikimedia Commons.