Pandaigdigang Panitikan at Filipino: Isang Pagtanaw, ni Roberto T. Añonuevo

Pandaigdigang Panitikan at Filipino: Isang Pagtanaw

Roberto T. Añonuevo

Kapag tinanong tayo kung mayroon bang “pandaigdigang panitikan” [world literature] ay madali nating sagutin ito na “oo.” Ngunit ano ba ang pandaigdigang panitikan, at ang pandaigdigang panitikan sa konteksto ng Filipinas?

Ang talakay hinggil sa pandaigdigang panitikan ay maaaring simulan sa pag-urirat kung ano ang konsepto ng “daigdig” at “panitikan.” Ang paglalakbay ng mga dayong mangangalakal sa isang bayan, o ang paglabas ng isang “bayani” o “bagani” sa kaniyang pamayanan upang umuwi pagkaraan, ang magpapakilala sa kaniya ng malawak na “daigdig” na kakaiba ang kultura, kasaysayan, at kulay kompara sa kaniyang kinagisnan.

Ang konsepto ng “daigdig” ay nagsimula sa interaksiyon ng mga bansa sa pamamagitan ng pang-ekonomiya at pampolitikang ugnayan. Ang tinaguriang Silk Road[i], at daanan sa Indian Ocean at Mediterannean, ang maghahatid ng mga produkto, kasama na ang panitikan at relihiyon, mula sa iba’t ibang bansa. Ang susi sa mga lihim ng banyagang panitikan ay nasa pagsasalin at pag-aaral ng mga wika, kaya ang mga akdang nasusulat sa Chino at Arabe ay nagkaroon ng puwang na mabása sa Ewropa sa pamamagitan ng salin sa Frances, Aleman, Ingles, Portuges, atbp.

May dalawang konsiderasyon ang pagtuturing noon sa “pandaigdigang panitikan,” ani ilang kritiko, bagaman hindi pa lumilitaw ang ganitong termino hanggang imbentuhin ni Johann Wolfgang von Goethe. Una, ang lawak na masasaklaw nitong populasyon; at ikalawa, ang kalidad ng akda na umaabot wari sa pagiging klasiko at dakila. Ang mga imperyo, gaya sa China, India, at Gitnang Silangan, ay nakapagpapalaganap ng panitikan sa maliliit na bansa  sa pamamagitan ng kalakalan, at hindi kataka-taka na maraming kuwentong bayan ang nagkaroon ng lokal na kulay.

Nang lumaon, lumakas ang Ewropa dahil sa pag-angat ng ekonomiya nito at dahil na rin sa mga nasasakop nitong mga bansa.  Noong panahon ng kolonisasyon, ang Ewropa ay sinisipat ang panitikan alinsunod sa punto de bista nito, at ang panitikang nalilikha sa Ewropa ang tinitingnang nangunguna sa lahat. Ang usapin sa pagiging “superliteratura” [Spitzenliteratur] ay isa pang isinaalang-alang na pamantayan, upang masalà ang mga obra maestra mula sa mga karaniwang akda.

“Kung may lakas ng loob tayong ihayag ang Ewropeong panitikan,” ani Johann Wolfgang von Goethe[ii]  sa kaniyang disipulong si Johann Peter Eckerman, “o yaong unibersal na pandaigdigang panitikan, ay hindi pa natin ganap na nagagawa yaon maliban sa pagtukoy na ang iba’t ibang nasyon ay kinikilala ang bawat isa at ang kani-kaniyang mga likha, dahil sa ganitong diwain ay umiral ito nang napakatagal, at patuloy na nagtatagumpay.” [Wenn wir eine europäische, ja eine allgemeine Weltliteratur zu verkündigen gewagt haben, so heißt dieses nicht daß die verschiedenen Nationen von einander und ihren Erzeugnissen Kenntnis nehmen, denn in diesem Sinne existiert sie schon lange, setzt sich fort und erneuert sich mehr oder weniger].[iii]

Kayâ kahit binanggit ni Goethe na ang Ewropeong panitikan ay pandaigdigang panitikan, ang ganitong paniniwala ay sinisimulan na niyang baklasin, upang itanghal ang panitikang maaaring magmula sa mga bansang hindi Ewropeo. Naniniwala si Goethe na ang sining ay pag-aari ng buong mundo, at maipapalaganap lámang sa malaya at pangkalahatang interaksiyon ng mga kapanahon.[iv] Kung ang tula ay pag-aari ng buong mundo, aniya, hindi rin umano dapat ipagmayabang na ang isang makata ay nakalikha ng nakauungos na tula, sapagkat ang paglikha ng tula ay hindi pambihirang bagay sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nawika ni Goethe na “Walang halaga sa kasalukuyan ang pambansang panitikan, sapagkat ngayon ang panahon ng pandaigdigang panitikan, at dapat magsikap ang lahat para pabilisin ang panahong ito.” [Nationalliteratur will jetzt nicht viel sagen, die Epoche der Weltliteratur ist an der Zeit, und jeder muß jetzt dazu wirken, diese Epoche zu beschleunigen.][v] Ang tinutukoy ni Goethe na pandaigdigang panitikan ay ang sumisilang na panitikan sa kaniyang panahon, at hindi noong nakalipas, at kung gayon ay dapat maging bukás ang paningin ng lahat hinggil dito. Hindi tinitingnan ni Goethe na may “superliteratura,” sapagkat ang “pandaigdigang panitikan” ay paparating pa lamang, ngunit tumitingki wari sa globalisasyon. Ang kalakalan ay hindi na basta produkto o serbisyo lamang, bagkus kaugnay ng mga idea o kaisipan, at sa yugtong ito, ang mga tao sa iba’t ibang panig ng daigdig ay kinakailangang makilahok sa ganitong gawain.

Importansiya ng Pandaigdigang Panitikan

Mahalagang balikan ang konsepto ng pandaigdigang panitikan at mga wika, sapagkat sangkot tayo lahat dito, gaya ng winika ng manunulat at intelektuwal na si Tariq Ali[vi]. Hindi natin napapansin na ang pandaigdigang panitikan ay hinuhubog ang mga isipan at asal ng ating mga estudyante at guro, kahit sa panonood ng Koreanobela at Mexicanobela o ng mga pelikulang yari sa Hollywood at Bollywood. Tinatanggap natin nang hindi namamalayan ang bisa, kiling, at prehuwisyo kahit sa mga balita ng Fox News, ESPN, at CNN, at sa mga pagpapahalaga nito sa mga manunulat at artist.

Magaan nating tinatanggap ang manipis na talakay mula sa ating kurikulum pagsapit sa pandaigdigang panitikan. Halimbawa, hindi natin napapansin kapag tinalakay ang Florante at Laura (1838) ni Francisco Balagtas Baltazar na maraming alusyon ukol sa Imperyong Ottoman ang matatagpuan sa naturang tula at bahagi ng “ibang panitikan.” Hindi ito kataka-taka, sapagkat mulang siglo 14 hanggang siglo 20, ang Imperyong Ottoman, na kilala ngayon bilang Turkey, ay sumakop sa Timog-silangang Ewropa, Kanluraning Asya, at Hilagang Africa. Isang multi-lingguwal at multi-nasyonal na imperyo ang Turkey na malaki ang ambag sa pagpapalaganap ng iba’t ibang panitikan noong kasibulan nito.

Kahit balikan natin ang mga mapa noong 1822 o1885, malawak ang imperyalistang pananakop ng Turkey, gaya sa Africa, Asia, Sudamerica, Greenland, Russia, Mongolia, China, hanggang Australia, at yaon ay nakahihigit sa mga sakop ng France, España, o US. Kahit ang Filipinas ay hindi nakaligtas sa impluwensiya ng gayong pananakop, at isang halimbawa ang koridong Ibong Adarna na sumagap ng maraming alusyon sa mga pook at mito mula sa Turkey.

Gayunman, kung ihahambing ang ibang panitikang nalathala noon sa Ewropa, ang panitikang pasulat sa Filipinas ay waring nakaiwanan ng panahon, sanhi na rin ng baluktot at paurong na pamamalakad ng España sa Filipinas. Hindi lalaganap nang lubos ang pasulat na panitikan sa Filipinas dahil sa censura ng Español, at sa pagdating pa lamang ng mga Amerikano at Hapones magkakaroon ng bagong sigla ang panitikang palimbag, at maipagpapasalamat ang pagdating ng mga imprenta, pagbubukas ng Suez Canal, at transportasyong panghihimpapawid.

Ang pandaigdigang panitikan at ang paglinang sa mga wika (kabilang na ang mga wika sa Filipinas) ay parang magkapatid na hindi mapaghihiwalay. Sa kabilang panig, kapag pinag-usapan ang pambansang panitikan ay hindi naiiwasang maiugnay ang isang pambansang wika, gaya sa Filipinas, at kung gayon ay maaaring mahanggahan ang mailalahok sa pambansang panitikan kung sadyang marupok ang pagpapahalaga sa salin at paglinang sa mga katutubong wika mula sa mga rehiyon. Kung hindi naman magkakapuwang sa merkado ang mga panitikang mula sa rehiyon ay mabilis ang magiging pagkalusaw nito sa hinaharap.

Isang realidad na ang isang panitikang sumilang mula sa isang liblib na lalawigan ay tumataas sa nibel ng pambansang antas dahil sa pagsasalin, halimbawa, sa Filipino, bukod sa lumalalim ang diskurso ukol sa nasabing akda. Sa kabilang dako, ang akdang Filipinong pampanitikan ay umaakyat sa nibel ng pandaigdigang panitikan sa oras na ito ay maisalin sa Ingles, Frances, Español, Mandarin, Arabe, at sa lahat ng pangunahing wika ng daigdig. Kayâ ang ating mga katutubong tanaga at dalít, kapag naisalin sa Ingles o iba pang pangunahing wika at nalathala sa US o France, ay hindi na lamang pag-aari ng Filipinas, bagkus ng lahat ng bansang nakauunawa sa nasabing mga pangunahing wika.

Gayunman, ikakatwiran ng iba na hindi kinakailangan ang salin para maging kanonigong “pambansa” o “pandaigdig.” May katotohanan ito, subalit kailangan nating tanggapin na para lumaganap ang isang panitikan, at makilala saka maangkin sa pambansa at pandaigdigang antas, ay dapat maunawaan sa wika ng nakararaming mamamayan. Nagkakaroon pa ng multiplikasyon ng lakas ang panitikan sanhi ng natatamong prestihiyo nito sa mga wikang pinagsasalinan. Kayâ kung hindi isasalin sa mga malaganap na wika ang mga akdang pampanitikang nagmula sa iba’t ibang rehiyon ng Filipinas, mananatili sa limitadong baul ang gayong yaman at hindi mapakikinabangan ng iba pang populasyon.

Ang isa pang impluwensiya ng tinaguriang “pandaigdigang panitikan” ay sa pagpasok ng mga hulagway at alusyong banyaga sa mga lokal na panitikan, gaya sa ating mga dalít at tanaga hanggang awit at korido noong siglo 18, hanggang sa introduksiyon ng nobela at kuwento noong siglo 19-20. Sa ganitong pangyayari, ang pananaw sa daigdig, gaya ng mula sa Imperyong Ottoman at España, ay nagiging lente ng Filipinas na nagbubunga kahit sa pagkabansot ng pambansang panitikan. Maihahalimbawa ang koridong Ibong Adarna, na nagpasok ng mga konsepto ng hari at reyna, paghahanap ng lunas sa sakit, pag-aagawan ng poder, paglapastangan sa magulang o pagtatatwa sa kapatid, bukod sa bulok at rasistang pagtanaw sa ating mga katutubo. Kung ako ay isang kasapi ng liping sabihin nating Agta (na inuuyam din sa taguring “Negrito), marahil ay sinunog ko na ang Ibong Adarna dahil sa paglalarawan nito sa pangkat etnikong Negrito na ginagawang laruan ng hari. Kahit ang ganitong kaikling banggit sa ating mga kapatid na pangkat etniko ay dapat tinutuligsa, dahil sa imperyalistang pananaw, upang mapurga ang baryotikong listahan ng babasahin sa ating sistema ng edukasyon.

Proseso ng Pandaigdigang Panitikan

Problematiko kung gayon kapag tinalakay ang pandaigdigang panitikan, lalo’t tinanggal ang panitikan sa tersiyaryang antas at ibinuhos lahat sa sekundaryang antas—na magpapasakit sa ulo ng DepEd. Hindi natin mababatid ang buong saklaw ng pandaigdigang panitikan hangga’t limitado ang ating bansa sa wikang pinagsasalinan, lalo kung ang pinagsasalinang ito ay Filipino at mga katutubong wika. Wala nang iba pang magagawa kundi sumangguni sa mga tekstong Ingles, at ito ang maglalagay sa balag ng alanganin sa Filipino.

Ang salitang “pandaigdigan” ay patuloy na nagbabago ang pakahulugan, halimbawa sa punto de bista ng mayayaman at ng mahihirap na nasyon, o kaya’y sa mga nasyon na may iba’t iba ang kultura. Sa panig ng mayayaman, ang salin mulang maliit at mahirap na bansa ay maaaring tanawing magaspang, eksotiko, at kakatwa; samantala, ang salin ng tekstong mula sa mayamang bansa ay maaaring tanawing sopistikado, mapanupil, at de-kahon kung sisipatin sa paningin ng mahihirap na bansa. Ang paglulugar sa “pandaigdigang panitikan” ay maaaring nasa konteksto ng “pambansang panitikan” at “lokal na panitikan,” at dito matutuklasan ang iba’t ibang henyo ng kultura, na bagaman nabubukod sa lahat ay makapagluluwal ng unibersal na diwain.

Hangga ngayon, isang pangarap ang pagtuturo ng pandaigdigang panitikan sa wikang Filipino sapagkat walang mayamang malig ng panitikang salin sa Filipino, at may kaugnayan dito ang patakaran at programa ng gobyerno.

Makadaragdag pa ang sagabal na kakaunti ang mga panitikang naisasalin tungo sa mga pangunahing wika ng daigdig—kung isasaalang-alang ang bilang ng mga bansang kasapi o hindi kasapi sa United Nations— at dahil sa pangyayaring ito ay hindi nababasbasáng kanonigo ang naturang mga akda. Isang konsiderasyon dito, pansin ni Tariq Ali, ay kung kikíta ba ang pabliser mula sa paglalathala ng salin, at kung magkano ang mapipiga nito sa bansang tatanggap ng salin. Apektado ang Filipinas sa pangyayaring ito, sapagkat labis tayong nakasalalay sa mga panitikang nasusulat sa Ingles, bukod sa mga duwag sumugal ang ating mga lokal na pabliser. Hindi dapat ipagtaka kung gayon kung limitado ang pumapasok na panitikan sa Filipinas sa pamamagitan ng edukasyon o salin.

Sa US, noong 2008–2017, may 4,592 titulo ng mga aklat na isinalin sa Ingles at nagmula sa ilang bansa, gaya ng China, España, Italy, Denmark, France, Iceland, Mexico, South Africa, Germany, Switzerland, Chile, Austria, Sweden, Serbia at Montenegro, Czech Republic, Romania, Netherlands, Israel, Palestine, Morocco, Brazil, Ukraine, Poland, Pakistan, Djibouti, atbp. Ang mga wikang pinagmulan ng salin tungo sa Ingles ay German, Icelandic, Norwegian, Español, Italian, Arabe, Danish, Greek, Portuges, Swedish, Czech, Russian, French, German, Chinese, Dutch, Bengali, Yiddish, Romanian, atbp.[vii] Sa ganitong pangyayari, makikita na agad ang limitasyon ng mga pagsasalin, at hindi pa napapasama rito ang Filipinas na ngayon ay may mahigit 100 milyon ang populasyon. Nakalulungkot din na kulang ang estadistika sa atin, halimbawa, kung ilan ang nalalathalang saling akda tungo sa Filipino kada taon, at ang ganitong kakulangan sa impormasyon ay dapat tugunin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), yamang ito ay ahensiyang ang tungkulin ay gumawa ng saliksik at bumuo ng patakarang pangwika na may kaugnayan sa panitikan.

Isinasalin naman sa wikang Arabe ang tinatayang 1,500-2,500 aklat kada taon, ayon sa tantiya ni Richard Jacquemond na isang tanyag na tagasalin[viii]. Higit na malaki ang bilang na ito kung ikokompara sa suma-total ng inilalathalang aklat sa Filipinas sa isang taon, na umaabot sa mahigit 1,500 titulo ng aklat kada taon, ayon sa UNESCO.

Realidad ng pagsasalin sa Filipinas

Mananatili tayong nakasandig sa puta-putaking salin mula sa KWF, na ang mga salin ay kakaunti kung ipagpapalagay na nakapaglalabas ito ng 10-14 titulo kada taon simula noong 2013.  Masakit mang tanggapin ngunit ito ang totoo, na ang mahuhusay na tagasalin ay mabibilang mo sa iyong mga daliri—kahit ang mga ito ay kinontrata pa sa kung saang unibersidad o institusyong malapit sa puso ng tagapagpasiya. Ang magandang balita, nagsisimula na ang KWF sa paglulunsad ng mga pagsasanay sa pagsasalin, at may kurso pa ito hinggil sa pagsasalin na maidurugtong sa propesyonalisasyon ng pagsasalin. May hakbang din na magtatag ng Kawanihan ng Pagsasalin, at kaugnay ito sa bisyong Kagawaran ng Kultura na binubuo ng mga burukrata ng gobyerno. Ang lahat ng ito ay mailalangkap sa pambansang adyenda sa pagsasalin, na magmumula sa KWF o sa Pambansang Lupon sa Wika at Pagsasalin (NCLT-NCCA).

Kung kakaunti ang salin ng mga banyagang aklat tungo sa Filipino, ano ang maaasahan ng ating mga estudyante kapag pinag-aralan ang pandaigdigang panitikan sa wikang Filipino? Wala. Natural na sumangguni ang mga estudyante sa mga akdang Ingles sapagkat doon makikita ang iba pang panitikang nagmula sa iba’t ibang wika ng daigdig. Sa ganitong pangyayari, ang ating pagtanaw sa pandaigdigang panitikan ay kumikitid—sapagkat ang “pandaigdigang panitikan” natin ay batay sa Ingles o salin sa Ingles— at kung ano ang pagtanaw ng mga bansang umiingles ay halos hindi nalalayo ang pagtanaw natin sa kanila. Masuwerte na tayo kung sa ilang pagkakataon, na may isa o dalawang akdang mula sa Español o Frances o Aleman o Mandarin ang sinuwerteng maisalin nang buo tungo sa Filipino nang walang interbensiyon ng Ingles. Mabuting halimbawa rito ang ginawa Joaquin Sy, na nagsalin ng mga kuwento ni Ba Jin (Ang Piping Balalaika at iba pang Kuwento, 2017).

Ang limitasyon ng ating bansa ay nasa pagbibigay priyoridad sa Ingles, at pagkaligta sa iba pang wika ng daigdig. Ngunit hindi ito kataka-taka, sapagkat ang Ingles ay wikang imperyal at makapangyarihan na káyang manakop ng mga bansa. Sa ganito ring pangyayari ay lalong nababansot ang Filipino. Kung hindi gagamitin nang puspusan sa pagsasalin ang Filipino, at hindi mailalathala sa palimbag o elektronikong paraan, hindi lalago ang korpus nito, bukod sa mababansot, gaya sa pagtanaw na bakya o baduy, kapag ginamit ang gramatika at sintaks sa gaya ng mga transaksiyon o komunikasyon.

Sa isang artikulong sinulat ni Kai Chan, at nalathala sa World Economic Forum noong 2 Disyembre 2016, ang pagiging makapangyarihan ng isang wika ay maaaring sukatin sa limang aspekto: una, Heograpiya (kakayahang maglakbay); ikalawa, Ekonomiya (kakayahang makilahok sa ekonomiya); ikatlo, Komunikasyon (kakayahang makapagdiyalogo); ikaapat, Karunungan at Midya (kakayahang kumonsumo ng kaalaman at midya; at ikalima, Diplomasya (kakayahang makiharap sa mga ugnayang pandaigdig)[ix].  Kabilang sa 10 nangungunang bansa ang Ingles, Mandarin, Frances, Español, Arabe, Ruso, Aleman, Hapones, Portuges, at Híndi. Ang mga wikang ito ang pinagmumulan ng panitikang pandaigdig, at batay sa volyum ng mga panitikang mula sa iba’t ibang bansa ay nagagamit ang gayong mga wika bilang midyum ng pagsasalin.

Kung babalikan ang pag-aaral ng panitikang pandaigdig sa Filipinas ay mapapansing wala pa tayo sa kalingkingan kung ihahambing sa ibang bansa— kung ipagpapalagay na may 20 aklat ang naisasalin sa Filipino kada taon. Naipagkakait sa atin ang mga pambihirang panitikang nasususulat kahit sa 10 wikang binanggit kanina. Ngunit higit pa rito, maliit na bahagi ang ating nababatid sa panitikang pandaigdig dahil kulang na kulang ang mga salin ng mga panitikan tungo at palabas sa Filipino. Ano ang maaasahan natin sa ating mga pag-aaral? Kumikitid ang ating pagtanaw sa pag-aaral ng panitikang pandaigdig, dahil kulang ang materyales sa Filipino, at dapat tanggapin natin na tayo’y nagiging baryotiko habang tumatagal.

Ang tinaguriang globalisasyon ng panitikan, kung hihiramin ang dila ni Tariq Ali, ay nagreresulta para ang mga akda ay maging de-kahon o magkaroon ng kompartmentalisasyon sa bawat bansa, kaya higit nagiging baryotiko ang pagtanaw sa kultura.[x] Idaragdag ko rito na hindi lamang nagiging de-kahon, bagkus nasasalà nang husto at hindi nakatatagos ang mga akdang makayayanig sa status quo. Ayon sa International Monetary Fund (IMF), ang “globalisasyon” ay may kaugnayan sa kalakalan, pamumuhunan, migrasyon ng mga tao, at pagpapakalat ng impormasyon sa pamamagitan ng teknolohiya.[xi] Ang globalisasyon ng panitikan ay hindi masasabing patas—na may malayang palitan ng karunungan at impormasyon—bagkus pumapabor sa mayayamang bansa na ang wika ay ginagamit sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya ng kalakalan, edukasyon, impormasyong teknolohiya, at transportasyon, at may mga teknolohiyang umaagapay sa kanilang idea at akda. Sa Filipinas, makatutulong nang malaki sa bansa ang paggamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, at pangunahin na rito ang wika ng gobyerno, edukasyon, at kalakalan.

Hindi makaaasa kung gayon na mabása sa Ingles ang mga manunulat na intelektuwal halimbawa sa Iran o Egypt o Syria o Africa o Hilagang Korea o Russia, at higit na pipiliin ang mga awtor na makapagluluwal ng mga aklat na hindi malayo sa hinagap o makasasaling sa sensibilidad ng publikong mambabasa ng America at kapanalig nito. Ang resulta nito ay hindi natin nauunawaan nang malawak ang ibang kultura sa ibang bansa. Hindi sapat ang Internet para malunasan ang ating katangahan. Kinakailangan ang produksiyon ng higit na maraming libro, na higit sa interes ng DBM o o NBDB[xii] o lokal na pabliser o ng kung sinumang opisyal na gobyerno na may palimbagan at negosyo sa paglilibro.

Ang pangyayaring hindi natin nababása sa ating wika ang mga aklat na nasusulat sa iba’t ibang wika at mula sa iba’t ibang kultura ay malaking sagka sa ating pag-unlad. Nabibigong mahikayat ang mga kabataan nating mag-aral ng iba’t ibang wika sa iba’t ibang panig ng mundo dahil bakit mag-aaral kung salat naman sa libro? Nababansot tayo sapagkat hindi natin nababása ang mga intelektuwal na manunulat sa Ewropa, Asia, Africa, Hilaga at Timog America, Australia, at Antartica. At aminin natin na kakaunti ang ating nalalaman sa pandaigdigang panitikan sapagkat matamlay ang mga pagsasalin na ginagawa tungo sa Filipino at mga katutubong wika, o sabihin nang kahit sa Ingles. Kung kakaunti ang salin sa Filipino o kaya’y Ingles ng mga akdang nagmula sa iba’t ibang bansa, ang ating mga estudyante ay  parang isang pangkat ng bulag na sumasalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng elepante, kung hihiramin ang isang matandang kuwentong Budista, at depende sa masalat nila o maamoy ay ibabatay doon ang kani-kaniyang pagkilala hinggil sa elepante.

Ang pagsasalin bilang ambag sa pagbabago

Gayunman, may ilang pagtatangka na isalin sa Filipino ang mga internasyonal na manunulat, at ito ang matutunghayan sa salin ng mga tula ni Mao Zedong na pinamagatang KAMAO: Salin ng mga Tula ni Mao Zedong (Aklatang Bayan, 2012), at ng mga rebolusyonaryong Vietnamese na salin ni Mykel Andrada. Ang unang antolohiya ay salin ng mga aktibistang makata, samantalang ang kay Andrada ay salin dahil sa pangangailangan sa kaniyang kurso. Ang limitasyon ng ganitong koleksiyon ay nakapokus sa layuning pampolitika, at hindi naibibilang ang mga tula na waring lumilihis sa itinatadhana ng partido. Samantala, ang KWF ay naglabas din ng mga salin, gaya ng mga nobela, kuwento, at tula, na ang konsiderasyon ay maipakilala sa madla ang mga hiyas ng panitikang internasyonal. Halimbawa na rito ang Sa Prága: Mga Piling Tula ni Jaroslav Seifert, na bagaman dating kasapi ng Partido Komunista ay kamangha-manghang nakapagsulat din ng mga paksang matalik sa puso at guniguni ng kaniyang mga kababayan sa Czech Rapublic.

Kung babalikan ang kasaysayan ng Filipinas, ang mga lokal nating manunulat noong bungad ng siglo 20 ay nagsalin ng mga akdang pampanitikan sa Tagalog at iba pang wikang katutubo. Halimbawa, ang Divina Comedia ni Dante Alieghieri ay hinalaw ni Conrado S. Acuña; hinalaw ni Isaac Dizon (alyas Anak-Bayani) ang Decameron ni Boccacio; hinalaw ni Gerardo Chanco ang Las damas de las camelias ni Alejandro Dumas, at isinalin ng iba pang awtor ang mga kuwentong Frances, Aleman, Americano, Español, Arabe, atbp. Para kay Dionisio San Agustin, ang pangulo noon ng kapisanang Aklatang Bayan, ang mga pangunahing layunin ng pagsasalin o paghahalaw ng mga akdang banyaga nang panahong iyon ay ang sumusunod: una, magaang na maunawaan ng mambabasang Tagalog ang ibang akdang mula sa ibang bansa; ikalawa, mapalaganap at malinang ang Tagalog bilang isang wikang pambansa; ikatlo, maunawaan kahit paano ang mga dayong kultura at pananaw; at ikapat, makatulong sa pagpapapaunlad ng katutubong kabihasnan habang gamit ang sariling wika.[xiii] Ang winika ni San Agustin ay totoo pa rin magpahangga ngayon.

Magpapatuloy ang pagsasalin, at isa ang PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan) na maglulunsad ng programadong pagsasalin ng mga akdang pampanitikang kumikiling sa simulaing mapaghimasik noong dekada 1970-1980. Nais ng PAKSA, ayon kay Jose Ma. Sison, na lumikha ng mga huwarang akda, mula man ito sa salin, na pawang makapagmumulat sa masa.[xiv] Ngunit hindi ito magtatagal, dahil na rin sa internal na di-pagkakaunawaan ng mga magkakapartido.

Magpapatuloy ang proyektong pagsasalin sa panig ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas), na pangungunahan ni Virgilio S. Almario, at ilan ang mailalathalang antolohiya at aklat. Maisasalin sa Filipino ang mga akdang pampanitikang internasyonal, sa ayuda na rin ng gaya ng UNESCO, ASEAN, at iba pang ahensiya. Itatatag ang UNTAP (Unyon ng mga Tagasalin sa Pilipinas) na pinamunuan noon ni Teo T. Antonio, at makahihikayat ng mga bagong tagasalin mulang akademya. Ang nakalulungkot ay magiging limitado ang pagpapalaganap ng mga sipi ng salin, at hindi naipalaganap nang lubos sa buong kapuluan ang mga aklat o babasahin.

May ibang ahensiya, gaya ng UP Sentro ng Wikang Filipino na noong 2000 ay naglunsad ng seryeng Aklat Bahandi na binubuo ng mga salin sa Filipino ng mga akdang internasyonal. Ang mga saling aklat na ito ang magagamit sana sa pagtuturo ng panitikan sa sekundarya at tersiyaryang antas. Masigla noong una ang produksiyon nito, sa pamumuno ni Dr. Mario I. Miclat, ngunit nang magpalit ng administrasyon at presidente ang UP, naglaho rin ang nasabing proyekto dahil sa matamlay na suportang pinansiyal ng nasabing unibersidad.

Kung iisipin natin, ang limitasyon ng ating pagtanaw sa panitikang pandaigdig ay nagbubunsod din para ang pagtuturo natin ng “panitikang pandaigdig” ay maging de-kahon habang tumatagal. Ang panitikang pandaigdig natin ay Americasentriko, at hindi Ewropeosentriko o Asiasentriko, dahil manipis ang ating pagkilala sa mga panitikang nasa Ewropa kung pagbabatayan ang kasalukuyang kurikulum sa hay-iskul o kolehiyo. Nagiging kasangkapan din ang salin sa mga layuning pampolitika, at ito marahil ay sanhi ng pakikibaka ng mga manunulat laban sa Batas Militar at buntot ng diktadura. Sa ilang pagkakataon, ginawang raket ang pagsasalin, kaya ang mga proyektong pagsasalin ay di-naiiwasang mapunta sa kamay ng ilang tagasalin lamang.

Negosyo ng mga Aklat

Ayon kay Tariq Ali, ang panitikang pandaigdig ay naididikta ng gaya ng New York Times Best Seller list, at ito ay may kaugnayan sa merkado. Halimbawa, ang bestseller na Go Set a Watchman ni Harper Lee ay nakapagbenta ng 1.6 milyong sipi noong 2014. Kung hindi kumikita ang isang aklat, makaaasa na hindi ito magkakapuwesto sa mga bukstor. Ang isang manuskrito ay kinakailangang ipagdasal na mapansin ng pabliser, at hindi kataka-taka na kahit ang mga awtor na Frances ay nagmamakaawa ngayong malathala sa US. Hindi ito katulad dati, na kung ibig mong manalo ng Nobel Prize in Literature, kinakailangan ka munang maisalin sa Frances, sapagkat ang Frances ang wika ng intelektuwal.

Ano ba ang nasa New York at bakit ito ang tinataguriang Mecca sa publikasyon ng mga panitikan? Matatagpuan sa New York ang 167 bigatin at independiyenteng pabliser ng mga aklat, at kabilang dito ang mga higanteng gaya ng Oxford University Press, Pantheon, Penguin Group, Picador, Random House, W. W. Norton & Company, Vintage/Anchor, Scholastic Coporation, atbp. Bilyon-bilyong dolyar ang kinikita ng industriya sa US, at noong 2014 ay kumita ito ng $27.99 bilyon.[xv] Ang isang aklat sa US sa nasabing taon ay may average na halagang $15.50 kada aklat (pulp fiction), o katumbas ng P 808.56 kada aklat; samantalang ang may matigas na pabalat (hard cover) ay $26.67 kada aklat, o katumbas ng P1,391.24 dito sa Filipinas.

Sa Filipinas, kinakailangan kang manalo sa gaya ng Palanca para mapansin ng pabliser, o kaya’y ng NBDB National Book Award upang ang iyong aklat ay magkaroon ng promosyon sa merkado, bukod sa maisasaalang-alang ng DepEd o CHED na magamit bilang sangguniang aklat, at bilhin pagkaraan ng mga aklatang akademiko sa buong bansa. Kailangan ka ring kumabit sa mga maykapangyarihan para malathala, at isang daan nito ay paglahok sa mga grupo ng mga manunulat o tagasalin. Ganito ang realidad sa Filipinas sapagkat negosyo rin ang pagsasalin.

Sa ating mga pangunahing bukstor, ang matutunghayan nating mga aklat na itinatanghal sa mga estante ay yaong na NYT Best Seller List din. Hindi susugal ang ating mga bukstor na bumili ng aklat na hindi napapansin ng New York Times, o kaya’y naisapelikula, gaya ng Lord of the Rings (1937–1949) ni J.R.R. Tolkien, at higit na papaboran ang gaya ng mga nobelang romanse kaysa antolohiya ng mga kuwento o dula, halimbawa ukol sa Lebanon. Gayunman, may ilang tindahan gaya ng Solidaridad, na maghahain ng ibang putaheng pampanitikan. Ang ibang tindahan ay nagbebenta ng mga segunda manong aklat na hinakot wari sa ukay-ukay o tambakan ng basura sa US. Kahit ang mga isinasaling aklat ng KWF ay makikita rin ang bersiyong Ingles sa gaya ng National Bookstore. Mahilig tayong manggaya, at kung minsan, hindi natin alam na inilalathala yaon nang hindi sinusuri nang maigi ng pabliser at pinagbabatayan lámang kung mabilis tumakbo ang aklat sa merkado.

Nakatatakot ang ganitong pangyayari. Halimbawa, kapag isinalin sa Filipino ang To Kill a Mockingbird (1960) ni Harper Lee, masasagap ng mga Filipino kahit ang rasistang pagtanaw at ang pangingibabaw ng puti sa itim na lahi, at ang puti ay waring siyang laging tagapagligtas ng itim o Negro na umiiral lámang para magdulot ng kaliwanagan sa puti.[xvi] Estereotipo at walang latoy ang pagkakalarawan sa mga Negro sa nobelang ito, at waring umiiral para kaawaan ng puti, pansin ng sanaysayistang si Anjali Enjeti.

Usapin sa Karapatang-intelektuwal

Nagkakaroon pa ng suliranin kapag pinag-usapan ang mga intelektuwal na pag-aari sa mga akda, kayâ ang isang banyagang akda ay hindi agad makatagos sa ating wika dahil sa lintik na legalidad. Ang isang pabliser o tagasalin ay kinakailangang humingi ng permiso (at magbayad) sa mga kontemporaneong awtor o kaya’y pabliser o fundasyon nito para maisalin sa Filipino o katutubong wika ang kanilang akda. May kontrata sa pagsasalin at paglalathala, at ito ang pahirap sa panig ng mga lokal na pabliser. Wala sanang problema sa aspektong ito. Ngunit kung ang legalidad lagi ang pagbabatayan para tayo makapagsalin, maipagkakait sa atin ang mayamang malig ng daigdig. Sa aking palagay, ang pagsasalin ng mga kontemporaneong akda na mula sa maykayang bansa ay hindi dapat masagkaan ng usaping pinansiyal. Kinakailangang manghimasok kahit ang ating gobyerno—sa pamamagitan halimbawa ng KWF o NBDB o NCCA— para makapagsalin nang walang humpay ang mga Filipino.

Ang isa pang sagabal ay umaabot o lumalampas kung minsan ng isang buwan ang isang awtor o pabliser kung pahihintulutan nito ang pagsasalin ng kanilang akda. Kung ikaw ay matatakuting lokal na pabliser ay masisiraan ka ng loob sa labis na bagal ng pagsagot mula sa hinihingan ng permiso, bukod sa mahal ang bayad sa karapatan sa pagsasalin. Ang ginagawa ng ilang lokal na pabliser ay isaad na ang salin ay nakalaan para sa layuning pang-edukasyon lamang.

Kung babalikan ang kasaysayan ng pagsasalin sa Filipinas, walang ganitong problema noon. Halimbawa, noong bungad ng siglo 20 ay nailalathala sa mga pahina ng El Renacimiento at Muling Pagsilang ang mga tula ni Eugene Field at ni Emperor Mutsuhito nang walang hinihinging permiso mula sa mga orihinal na awtor. Editor at peryodista si Field, na mahilig sumulat ng tulang pambata, bukod sa ang ilang tula ay nilapatan ng musika o kaya’y ilustrasyon, at kabilang sa St. Louis Walk of Fame. Samantala, si Emperor Mutsuhito ang ika-122 emperador ng Japan, at sa kaniyang pamamahala ay napaghunos niya ang kaniyang bansa mula sa pagiging bukod tungo sa pagiging bukás at moderno.  Ang pagsasalin ng mga tula, kuwento, at dula ay sisigla bago at makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaidig, at magsasagawa pa ng mga patimpalak, gaya ng timpalak ng salin ng Don Quixote ni Miguel Cervantes. Magwawagi ang grupo nina Dionisio San Agustin, Cirio H. Panganiban, Teodoro E. Gener, at Buenaventura G. Medina dahil sa kanilang rendisyon ng  Ang Palaisip na maharlikang si Don Quijote de la Mancha (1940). Ang nakapagtataka’y hindi na nakapaglabas ng iba pang modernong salin ng Don Quixote na aangkop sa kasaluyang panahon.

Mahalaga ang Don Quixote sapagkat ito ang kauna-unahang modernong nobela na kinilala sa buong daigdig. Ang pinapangarap noong España ni Don Quixote ay may toleransiya, na ang mga kultura ng Kristiyano, Hudyo, at Muslim ay umiiral nang magkakatabi at payapa, imbes na magkakabukod, nagbabakbakan, at watak-watak. Mula sa pagsasanib ng mga kultura, ani Tariq Ali, ay sumilang ang kulturang Al Andalus (Muslim Spain o Muslim Iberia). Si Miguel de Cervantes, na nagkukuwento ng buhay ni Don Quixote, ay nagsaad na hindi sa kaniya nagmula sa kuwento bagkus sa isang Moro. Ang nobela kung gayon ay mahihinuhang hindi basta ukol sa pagiging kabalyero o matapat na Kristiyano (dahil nabaliw si Don Quixote sa kababasa ng mga basurang librong romanse na mahihinuhang doble-karang aklat relihiyoso), bagkus hinggil sa pagsasaharaya ng isang ideal na daigdig na higit sa maihahain ng isang pananalig o kultura.

Paglampas sa Legalidad

Ang kinakailangan ng ating bansa ay makalundag sa legalidad na may kaugnayan sa karapatang intelektuwal nang sa gayon ay makapagsalin nang malaya ang malaking populasyon ng mga Filipino. Sa panig ng KWF, imbes na magsalin ito ng sertipiko at ilang dokumento mula sa ibang ahensiya ng gobyerno, ito ay dapat gumagawa ng mga patakaran at patnubay na batay sa saliksik upang ang pagsasalin ay maging malaya at katanggap-tanggap sa mga unibersidad at kolehiyo, bukod sa mahimok ang mga pribadong indibidwal o korporasyon o kaya’y grupo ng mga pabliser na mag-ambag sa pagsasalin.

Ang programa sa pagsasalin ay maaaring isaalang-alang ang paglalathala ng 5,000 titulo o higit pang aklat sa loob ng tatlo o limang taon, sa tulong ng mga estadong unibersidad at kolehiyo, at may subsidyo mula sa gobyerno o pribadong sektor. Ang isa pang magagawa ay muling buhayin at gawing obligatoryo ang mga kurso sa pagsasalin, upang ang pagsasalin ay hindi lamang maging elective subject sa kolehiyo o senior high school bagkus isang nagsasariling larang.

Kung ang bawat Estadong Unibersidad at Kolehiyo ay makapaglalabas ng isa o dalawang salin ng mga akdang internasyonal kada taon, malulutas ang problema natin ukol sa panitikang pandaigdig sa loob ng limang taon.

Nakalulungkot na kung babalikan ang librong Apat na Siglo ng Pagsasalin, ang Bibliograpiya ng mga Pagsasalin sa Filipinas (1593-1998), ni Dr. Lilia F. Antonio, matutunghayan doon na may tinatayang 1,060 titulo ng mga akda ang naisalin sa Filipino. Sa loob ng apat na siglo, pansin nga ni Dr. Mario I. Miclat, halos dalawang aklat o titulo kada taon ang naisasalin sa loob ng 400 taon.[xvii] Higit na marami pa rito ang isinasaling aklat pampanitikan sa Ingles sa US sa loob ng limang taon (2008-2017), at walang sinabi sa mga salin sa wikang Arabe. Mahihinuha na sa estado ng pagsasalin sa Filipinas, ang pagiging makitid ng ating pagtanaw sa daigdig ay tumitingkad, at hindi maikukubli ang ating saliwang pagpapahalaga ukol sa panitikan at mga wika ng daigdig, o kaya’y sa edukasyon sa pangkalahatan.

Pagsasalin bilang Pangkatang Gawain

Kailangan nating tanggapin na ang pagsasalin o ang paghahasa sa mga tagasalin ay hindi lamang trabaho o tungkulin ng KWF. Hinihingi ng panahon na buksan natin ang ating loob at isip hinggil sa posibilidad ng malawakang pagsasalin, na pinopondohan nang malaki ng gobyerno at tinatangkilik ng pribadong sektor, para sa kapakanan ng ating mga estudyante at guro. Binuksan ko ang usaping ito sapagkat kung nais nating pasiglahin ang pagtangkilik sa mga banyagang panitikan, kinakailangan nito ang katumbas na pagsisikap ukol sa pagsasalin.

Sa mikrokosmong pagdulog, ang isang guro na makapagtuturo nang mahusay na pagsasalin, ay maaaring makahikayat sa buong klase niya na binubuo ng 50 kabataan na bumuo ng mga salin. Ang pagsasalin ay maaaring maging pangkatang gawain, at kung ang bawat pangkat ay may tiglilimang kasapi, makabubuo agad ng 10 akdang salin na maituturing na antolohiya at maaangking proyekto ng lahat. Ang proseso ng pagtuturo ay maaaring nasa anyo ng palihan [workshop], at hindi mahalaga ang pagtatamo ng mataas na grado bagkus ang pagkatuto sa esensiya ng pagsasalin. Bukod pa rito ay matuturuan ang mga estudyante kung paano tumanaw ang isang editor ng antolohiya, na hindi lamang maalam sa wika, bagkus sa konsistensi sa estilo, anyo, at gamit ng mga salita o jargon.

Ang modernong rebolusyon na may kaugnayan sa mass media at Internet ay nakapag-ambag nang malaki sa pagsasalin. Pinalitan ni Mark Zuckerberg si Johanne Gutenberg, at dinanas natin kahit ang masaklap na pangyayari ukol sa mga pekeng balita at akda. Ngunit higit pa rito, ang Internet ay nagpapadaloy ng malayang impormasyon, kaya ang isang akdang banyaga ay maaaring magkaroon ng katumbas sa Filipino sakali’t ito’y isalin at ilathala sa elektronikong paraan. Kung gagamitin sa positibong paraan ang Internet, ang mga salin sa Filipino ay maipalalaganap nang lubos hindi lamang sa Filipinas bagkus maging sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Sa isang klase ng mga estudyante, ang Internet ay maaaring maging lunsaran ng isang kolektibong publikasyon at dito matitingnan ng guro ang progreso ng kaniyang mga estudyante. Ang paglalathala—sa ayaw man natin o gusto—ay hindi lámang matatagpuan sa palimbag sa papel na pamamaraan, bagkus sa elektronikong paraan. Mahalaga pa rin sa aking palagay ang mga imprenta, ngunit  hindi matatawaran ang impormasyong teknolohiya na higit na nagiging malaya ang pagtatamo ng akdang pampanitikan mula sa iba’t ibang bansa, at makapagpapadali sa gawain ng mga estudyante.

Sa mga paaralan na hindi pinapalad na maabot ng Internet, ang magagawa natin ay ang pagbabalik sa lumang paraan ng pag-aaral. Kabilang dito ang paglalaan ng oras sa pagbabasa ng mga aklat, ang pagpapalalim ng bokabularyo ng bawat kasapi, ang talakayan sa loob ng pangkat hinggil sa nilalaman o anyo ng akda, at ang pagsasaalang sa lente ng pagbasa, halimbawa kung ano ang nararapat na pagdulog o teorya na magagamit sa pagbasa. Matuturuan sa ganitong paraan ang mga estudyante nang walang pakialam sa mga grado o award, at ang higit na mahalaga ay naitatampok kung naunawaan nga ba talaga ng isang estudyante ang aklat na kaniyang binása.

Tungo sa Ibayong Pagsasalin

Ang isang university press sa Filipinas ay masuwerte nang makapaglimbag ng 2-3 na titulong salin sa isang taon. Kung ang nasabing palathalaan ay madaragdagan pa ang salin at maging 20 kada taon, mapupuwersa ito tungo sa malikhaing promosyon at distribusyon ng mga aklat. Ngunit hindi ito nagaganap. Hindi na sapat ngayon ang maglathala ng 500-1,000 sipi, bagkus panahon nang maglathala ng tig-25 libong sipi bawat titulo upang madaling maabot ang pangarap na 1 milyong aklat kada taon.

Kapag pinag-aralan na ang konsepto ng pandaigdigang panitikan pagsapit sa mga silid aralan ay nagkakaroon na ng problema kung iuugnay dito ang wika o mga wikang pinagmumulan ng nasabing larang. Ito ay sapagkat ang pandaigdigang panitikan ay nakasalalay sa wika ng pinagsasalinan, pansin ni Tariq Ali, at depende sa volyum ng salin ng mga akda ay mababatid natin kung ano ang nilalaman ng mga malikhaing akda sa iba’t ibang panig ng daigdig. Halimbawa, hindi kilala sa Filipinas si Adonis (Ali Ahmad Said Esber) na isang rebeldeng makata ng Syria, kahit ang taong ito ay tinitingalang pinakadakilang makata sa modernong panahon sa hanay ng mga bansang ginagamit ang wikang Arabe. Ang kakatwa’y ni hindi siya manalo ng Nobel Prize in Literature (at nauna pa si Bob Dylan), subalit hindi ako nagtataka dahil ang nasabing parangal ay mula sa umimbento ng dinamita na kung hindi lumipol ng mga tao kapag may digmaan ay ginagamit sa pangingisda ng mga tiwaling propitaryo.

Ang Filipino, at iba pang pangunahing katutubong wika sa Filipinas, ay dapat magkaroon ng programadong pagsasalin ukol sa panitikang pandaigdig, na ang network ay tumatagos hanggang pamayanan, upang maunawaan ang sari-saring kultura at kasaysayan ng bawat bansa o nasyon, at nang lumawak ang ating pagtanaw bilang mamamayang kabilang sa sandaigdigan at bilang isang Filipino.  Ang trabaho ng pagsasalin ay hindi nangangailangan ng titulong Masterado o Doktorado, bagkus ay patuluyang pagsasanay sa mga aktuwal na pagsasalin na mailalathala sa papel o sa elektronikong anyo. Ito ay upang salungatin ang namamayaning gahum ng globalisasyon na “walang pakialam” sa kultura, bagkus kumita.

Waring hindi nasusupil ang agos ng intoleransiya mula sa malalaking negosyo, at ang nakikita nating problema kahit sa diskurso ng “bagani” ay dahil sa ating baluktot na pagtanaw at mala-Hollywood na pagdulog sa ating mga aliwan, gaya ng telenobela, pelikula, at timpalak sa telebisyon. . . .

Ibig kong wakasan ang aking papel sa pagsasabing ang panitikan saanmang bansa ito nagmula ay nagiging pandaigdigan pagsapit sa Filipinas kapag ito ay naisalin sa Filipino o sa mga katutubong wika ng Filipinas. Sa pagsasalin, ang isang banyagang akda ay nagkakaroon ng lokal na testura at kulay, upang umangkop kahit paano sa konsepto na taglay ng wikang pinagsasalinan. Kung hindi ito magaganap, mananatiling nasa literal na pakahulugan ang salin, at lilitaw ang kahinaan ng isang akda kahit hindi karapat-dapat ang gayong pagtaya. Nakatutulong din ang pagsasalin para umunlad ang mga lokal na panitikan hinggil sa korpus ng mga salita, pakahulugan, at pahiwatig, at lumawak ang ating pagtanaw sa daigdig.

Sa ating panig, hinihintay tayo ng panahon na mag-ambag sa ating sari-sariling mga pamamaraan. Huwag na tayong umasa pa sa gobyernong bulok, o ipinapalagay ng ilang kritiko, na bulok.  Sapagkat sa bandang huli, ang importante ay may masimulan, anuman ang antas ng ating kaalaman at kasanayan ukol sa pagbabasa, pagsusuri, at pagsasalin ng mga akdang dayuhan. Ang pagsasaayos ng ating kurikulum ukol sa pandaigdigang panitikan ay tungkulin nating lahat, at kung gayon, natural na hinihingi ang inyong pakikiisa sa ganitong gawain.

Mga Talâ

[i] Silk Road—sinaunang ruta ng kalakalan, mulang China hanggang Turkey at Mediterannean. Ang ruta ay aabot Ewropa, Arabia, at Hilagang Africa.

[ii] Dakilang manunulat mulang Germany, isinilang noong noong 1749  at yumao noong 1832.

[iii] Hendrik Birus, “The Goethean Concept of World Literature and Comparative Literature” page 2 of 8 CLCWeb: Comparative Literature and Culture 2.4 (2000), p. 2.

[iv] Ibid, p. 3.

[v] Eckermann, Johann Peter. Gespräche mit Goethe in den letzten Jahren seines Lebens. Ed. Regine Otto and Peter Wersig. Berlin: Aufbau, 1987, p. 198. Matatagpuan din sa Hendrik Birus, “The Goethean Concept of World Literature and Comparative Literature” p. 8 CLCWeb: Comparative Literature and Culture 2.4 (2000).

[vi] British-Pakistani na manunulat at intelektuwal, at kinikilalang kritiko at historiyador sa kasalukuyan.

[vii] Complete Database Translation, na may petsang 13 Agosto 2017, at nalathala sa Three Percent: A Resource for International Literature at the University of Rochester, hinango noong 30 Marso 2018, 10 am.

[viii] Basahin ang The Arabist, sa https://arabist.net/blog/2010/11/4/new-numbers-on-translations-into-arabic.html na hinango noong 13 Agosto 2017, 10 am.

[ix] Basahin ang “These are the most powerful languages in the world,” na nalathala sa World Economic Forum noong 2 Disyembre 2016. Tingnan ang https://www.weforum.org/agenda/2016/12/these-are-the-most-powerful-languages-in-the-world/ na hinango noong 26 Marso 2018, ganap na alas-onse ng gabi.

[x] Hango sa lektura ni Tariq Ali na pinamagatang “World Literature and World Languages,” sa University of London noong 2013. Mapapanood ito sa https://www.youtube.com/watch?v=NaP0KEwdGro.

[xi] Mula sa International Monetary Fund (IMF). Basahin ang  http://www.imf.org/external/np/exr/ib/ 2000/041200to.htm, na hinango noong 30 Marso 2018, 9:22 am.

[xii] NBDB, daglat ng National Book Development Board.

[xiii] Basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa salin ng nobelang La Hija del Cardenal ni Felix Guzzoni (Ang Anak ng Kardenal) ni Gerardo Chanco na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2007. Ang Aklatang Bayan ay binubuo ng 42 manunulat na Tagalog, na ang karamihan ay marunong magsalin ng akdang nasusulat mulang Español, Ingles, Aleman, Frances, Hapones, atbp.

[xiv] Basahin ang “Mensahe sa PAKSA Hinggil sa mga Tungkulin ng mga Kadre sa Larangan ng Kultura,” ni Prof. Jose Maria Sison, at may petsang 20 Disyembre 1971. Muling nalathala sa Aklatang Tibak (https://aklatangtibak.files. wordpress.com/2017/05/mensahe-sa-paksa-hinggil-sa-mga-tungkulin-ng-mga-kadre-sa-larangan-ng-kultura.pdf) na hinango noong 29 Marso 2018, 7:27 pm.

[xv] Hango sa datos ng GBO New York, German Book Office. Matutunghayan sa https://buchmesse.de/images/fbm/dokumente-ua-pdfs/2016/book_market_us_jan_2016_56617.pdf na hinango noong 2 Abril 2018, 4 pm.

[xvi] Basahin ang maikling kritika ni Anjali Enjeti na pinamagatang “It’s time to diversify and decolonise our schools’ reading lists,” na nalathala sa Al Jazeera.com. Tingnan ang https://www.aljazeera.com/indepth/opinion/time-diversify-decolonise-schools-reading-lists-180318100326982.html na hinango noong 31 Marso 2018, 1:02 am.

[xvii] Basahin ang “In Focus: Translations into Filipino,” ni Mario I. Miclat, Ph.D., na nalathala sa websayt ng National Commission for Culture and the Arts noong 26 Pebrero 2015.  Matutunghayan sa http://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/translations-into-filipino/ na hinango noong 30 Marso 2018, 4:48 pm.

Advertisements

Tula, Wika, at Nasyonalismo

Wika ang isa sa mga paksang pinagbuhusan ng pansin ng mga makatang Tagalog noong bungad ng siglo 20. Ito ay dahil tanging Ingles at Espanyol lamang ang mga opisyal na wika sa Filipinas, na isang paraan ng pagsasabing “mga wikang pambansa,” na pawang ginagamit upang paikutin ang pamahalaan, edukasyon, negosyo, hukuman, militar, simbahan, at iba pang kaugnay na sangay, kahit matiwalag ang mga karaniwang mamamayan sa kani-kanilang sarili. Hindi rin totoo na pinangibabawan ng Tagalog ang mga taal na wika sa Filipinas upang pagkaraan ay patayin. Ang totoo, Tagalog ang lantarang lumaban sa kapuwa Ingles at Espanyol—na mga wika ng kolonisasyon—at naging halimbawa ng iba pang taal na wika sa Filipinas hinggil sa produksiyon ng panitikan at iba pang lathalain.

Nililingon ng mga makatang Tagalog ang kanilang pakikihamok sa ginawang halimbawa ng wika, diwain, bisyon, anyo, at kabaguhan ng ginawa ni Francisco Balagtas na ibang-iba ang testura ng wika kung ihahambing sa iba pa niyang kapanahon. Bukod kay Balagtas, kinikilala rin nila ang mga ambag na akda ng gaya nina Andres Bonifacio, Marcelo H. Del Pilar, Emilio Jacinto at iba pang kababayan. Halos lahat yata ng makata ay tumula ukol sa kanilang wika o kaya’y kay Balagtas, at marahil may kaugnayan ito sa iba’t ibang samahang pampanitikan, gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik. Sa mga nobelang Tagalog, maibibilang sa pangunang hanay ang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos na naglantad ng Thomasite na nagtuturo sa mga Tagalog at kung paano ibig palitan ng Ingles ang Espanyol bilang wika ng hukuman. Gumamit din ng mga tauhan si Santos upang lokohin ang usapan sa Ingles, na ngayon ay tatawaging “Taglish.” Ang ganitong taktika ni Santos ay mababasa rin sa kaniyang  tulang gaya ng “Let us go, Teacher” na tungkol sa personang estudyanteng tinuturuan ng gurong Amerikano na pangit ang itsura, ngunit makikilala pagkaraan ang Filipina na maganda na yayaing magtanan sa pamamagitan ng balu-baluktot na Ingles.

Sa tulang “Ang Wikang Tagalog” ni Ruperto S. Cristobal na nalathala noong 2 Abril 1919 sa Ang Mithi, inilahad ng persona ang pangyayaring “parang sinusubok kung aling wika” ng sandaigdigan ang “lalong matamis” at “napakainam.” Nagmayabang ang Kastila, sumunod ang Ingles, humirit ang Pranses, at nakisali pa ang Intsik (Tsino) kung aling wika ang dapat mangibabaw sa Dulong Silangang Asya sa kabuuan, at sa Filipinas sa partikular. Sa ikatlong saknong, inilarawan ang Maynila bilang lunan ng mga wikang dayuhan na ibig akitin ang mga walang kibong mamamayan:

Dito sa Maynilang pook na tagpuan ng lahat ng bayan
mga wikang ito’y siyang laging bigkas ng mga dayuhan,
ibig na akitin ng buong paggiliw
itong walang kibong mamamayan natin;
ang unang tinungo’y ang lalong malaking bahay ng kalakal
na may akala pang ipasok na pati ng mga dayuhan,
pinapamayani ang kanilang diwa sa lahat ng bagay
hanggang mapilitang pati kabataa’y mangagsipag-aral
pagka’t siyang tanging kinakailangan
sa maraming yari ditong pagawaan;
nguni’t ngayon pa ma’y di rin nalilimot ang lalong mainam
na wikang Tagalog na sa ganda’t ganda’y di na uunahan.

Ang kakatwa’y kahit anong pang-aakit ng mga banyagang wika ay hindi pa rin malimot ang Tagalog. Inilahad sa sumunod na saknong kung bakit matamis ang Tagalog na puno ng pag-ibig at pangarap na pawang ipinamamana ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sa pangwakas ng saknong, isasaad naman kung bakit nabigo ang pagpapalago ng wikang dayuhan:

Hindi nanagumpay ang pagpapalago ng wikang dayuhan
ang lahat ng wikang dayo sa bayan ko’y hindi kailangan
dito’y may wika ring kabigha-bighani,
dito’y may diwa ring pagkatangi-tangi. . .
Kaya’t nang tangkaing ang wikang Tagalog ay ipagbaunan
sa hukay ng limot, ay nangagsibangon tanang kabataan,
pinigil ang mga masasamang nais at di-wastong pakay
at pinanatiling maglaro sa dila ang wika ng bayan
hanggang kilalanin itong wika natin
na wikang dalisay at lubhang butihin,
kaya ngayon dito’y maraming totoo ang nag-aawita’t
pinupunong lagi ang himpapawirin ng kaligayahan.

Sa naturang saknong, ang wikang Tagalog ay hindi lamang nais patayin bagkus ipagbaunan pa sa limot, at ginagawa ito lalo na ng mga tagapamansag ng Ingles at Espanyol. Ngunit hindi pumayag ang mga kabataan, at sumalungat at lumaban sa nais o patakaran ng mga wikang dayuhan.

Noong 6 Enero 1923, nalathala sa Taliba ang tulang pinamagatang “Imperyalismo” ni Jose Corazon de Jesus. May epigrape ang tula hinggil sa ulat na maraming pahayagan sa Estados Unidos ang nagsasabing hindi dapat palayain ang mga Filipino dahil hindi pa edukado at walang katiyakan ang independensiya hangga’t hindi marunong umingles ang lahat ng Filipino. Heto ang ilang saknong ng tula, at ispesimen kung ano-anong deskriminasyon at pang-aaglahi ang ginawa noon sa mga Filipino upang kaligtaan ang sariling wika:

Ingles naman ngayon itong salitaan,
lalo pang lumayo yaong Kasarinlan;
matuto ng Ingles itong Kapuluan,
mawalan ng Wikang katutubo’t mahal;
mag-Amerikano sa kaugalian,
mag-Amerikano pati kabastusan,
mag-Amerikano gayong hindi naman,
isang utos itong napakahalimaw!

Piliting ang bayan, nang upang lumaya’y
papagsalitain ng di niya wika:
Imulat ang mata sa kilos masagwa,
edukasyon tayong parang gagong bata.
Ito’y gawa lamang noong mga bansa
na lubhang salbahe, makamkam, masiba!
Walang katuwiran ang may ganyang diwang
ululin ang bayan sa pangakong pawa.

At hindi ba Ingles itong aming bayan?
Tingnan at kay buti na naming magnakaw,
tingnan at kay buting umestapa diyan,
tingnan at kay galing sa panunulisan.
Noong araw baga, kami’y mayro’n niyan,
noong araw baga’y may sistemang ganyan?
Iya’y edukasyong aming natutuhan
sa iingles-ingles na dito’y dumatal!

Maraming hinaing ang persona ng tula. Ngunit nahuhulaan na niya noon pa man na kaya ipinatutupad ng Amerika ang gayong patakaran sa Filipinas ay upang panatilihin ang imperyalistang interes nito sa larangan ng kalakalan. Iniugnay ng persona ang usapin ng wika sa pagsakop sa kamalayan ng mga mamamayan. Magwawakas ang tula sa pagsasabing walang katwiran ang Amerika na sakupin ang Filipinas, at umaasa ang Filipinas na hindi bansang sakim ang Amerika. Ngunit kabulaanan ito, dahil ang Amerika ay nananatiling sakim at patuloy nitong igigiit ang pamamayani ng Ingles sa buong kapuluan.

Wala akong nabasang tula sa Ilokano, Bisaya, Bikol, Kapampangan, at iba pang taal na wika sa Filipinas na may lakas ng loob na pumaksa sa imperyalismo at tuligsain ang patakarang panaigin ang banyagang wikang Ingles sa Filipinas bago pa man lumitaw ang tula ni De Jesus. Ang ginawa ni De Jesus ay nakayayanig sa mambabasa, at gumigising sa taumbayan na tuklasin muli nila ang kanilang “Inang Wika.” Noong 29 Marso 1921, inilathala ang tulang “Inang Wika” ni De Jesus. Pumapaksa iyon sa isang inang naghahanap sa nawawalang anak, at ang inang ito ay hindi tumugon sa Espanyol at Ingles na pawang nakasalubong patungong gubat bagkus tumugon lamang sa kaniyang anak na Tagalog. Sa naturang tula, maláy na maláy ang makata sa halaga ng wika na maiuugnay kahit sa pagkamamamayan, at ang pagkamamamayang iyon ay lumalampas sa legalidad at umaabot sa lahi at personal na ugnayan.

Marami pang maihahalimbawa na tula at ibang akda na pumapaksa sa wikang Tagalog, at ang wikang ito ay ilalaban nang patayan ng mga manunulat na Tagalog kahit sa harap ng Ingles, Espanyol, at Nihonggo. Magiging halimbawa noon ang Tagalog sa iba pang wika, dahil pambihira ang sigasig ng mga manunulat na itampok itong maging pambansang wika, may digmaan man o pananakop, at ang paligid ay nababalot ng lagim, ligalig, at tagsalat. Isang masaklap na parikala sa panahong ito na pinararatangan ang Tagalog na pinangingibabawan ang iba pang taal na wika sa Filipinas, at nagpapasimuno ng termino at diwaing “Tagalogization,” Tagalogism,” at “Tagalism” na pawang ibig pausuhin nina Aurelio Agcaoili, Ricardo Nolasco, at Jose Dacudao.  Ang Tagalog na magiging batayan ng pambansang wikang Filipino ay hindi na masisilayan pa ng mga manunulat na Tagalog na isa-isang namatay at nilimot ng panahon. Gayunman, naniniwala akong mananatili ang kanilang pambihirang pamana para sa bagong henerasyon ng mga Filipino ipilit mang ibaon sila sa limot, at limutin ng sambayanang Filipino.

Filipino at ang Kaso ng Multilingguwalismo

Nakakubli sa kalabuan ang ipinakakalat ni Aurelio Solver Agcaoili hinggil sa kaniyang akdang “Countering Tagalism and Tagalogization.” Ayon sa kaniya, ang “Tagalogism is an attitude—a mindset that has trapped us into a belief of a Philippine nation-state as revolving around a center and only this center is important.” Tinatangka niyang destrungkahin ang pananaw na “Tagalog” at yanigin ito sa posisyon bilang batayan ng Filipino na wikang pambansa. Ang ganitong haka-haka ay bulaklak ng dila na nagpapalagay na dominanteng wika ang Tagalog, na nasa Imperyong Maynila, at ang Tagalog na ito ay nakaukit sa kamalayan at kalooban ng bawat Filipino upang kumilos siyang parang robot na sunod-sunuran sa isang makapangyarihang sistema, sa pambihirang gahum na umiiral nang sarili, at nagtatangkang burahin ang iba pang taal na wika sa Filipinas.

Kung ang “Tagalogism” ay isang uri ng saloobin, dapat ilugar ni Agcaoili kung ano ang pinag-ugatan nito. Ngunit mabibigo ang sinuman na pigain sa kaniyang artikulo ang ugat ng “Tagalogism” o “Tagalism” at kung ikokompara sa ibang kinabitan ng hulaping “-ismo,” ay kulang na kulang para tawaging ideolohiya, kung hindi man diwaing gumagabay sa kabuuan ng mga Filipino—nasa loob man o nasa labas sila ng Filipinas. Maiuugnay din ang “Tagalogism” sa “Tagalogization” na aniya’y “…is that long juridical, linguistic, political, economic, and cultural process that has made it certain that this trap, this temptation relative to the entitlement, privileging, and valorization of Tagalog, is going to continue to have its stranglehod over all of us, Tagalog and non-Tagalog peoples alike.” Mapanganib ang ganitong mapanlahat na pahayag dahil ang “Tagalogization” ay ipinakita rito na sumasaklaw hindi lamang sa wika, kundi maging sa iba pang aspekto ng lipunan, at kung hindi susuhayan ng mga patunay ni Agcaoili ay mananatiling mito lamang na kaniyang inimbento para yanigin ang Tagalog na pinagbatayan sa pagbubuo ng isang wikang pambansa. Hindi isinaalang-alang dito ni Agcaoili ang kasaysayan, at tila ba ang Tagalog ay lumitaw na basta-basta lamang. Kinaligtaan niya ang mahabang pakikibaka ng Tagalog hindi lamang bilang wika, at ang paglampas nito sa hanggahan ng pook ng Katagalugan upang magparaya sa buong bansa, at gamitin bilang tulay na kayang makapag-ugnay sa iba-ibang wika sa Filipinas.

Ito ang mito na kathang-isip ni Agcaoili at siyang ibig ihain sa lahat ng Filipino. Ang “Tagalogism” na ginamit dito ni Agcaoili ay dapat ikinabit sa “Inglesismo” na uri ng wikang ibig gamitin bilang tulay ng pagtuturo sa lahat ng antas ng paaralan sa Filipinas. Ingles ang banyagang wika na malaki ang ambag upang makaligtaang linangin hindi lamang ang Filipino, bagkus maging ang mga lalawiganing wika—at kabilang na rito ang Tagalog—sa Filipinas. Ingles at Espanyol ang ipinakalat sa sistema ng edukasyon sa bungad ng siglo 20, at naglagay sa panganib ng pagkabura ng kapuwa wika at kultura ng iba’t ibang lalawigan. Ingles ang humalili sa Espanyol at ang ginamit sa Kataas-taasang Hukuman, na pawang Amerikano ang mga mahistrado maliban sa punong mahistradong Filipino. Ingles ang bumahang teksbuk at aklat na pawang inangkat mula sa Estados Unidos, at kakaunti pa noon ang mga babasahing nasusulat sa mga taal na wika sa Filipinas. Ingles ang ginamit sa Unibersidad ng Pilipinas—na paaralang tinutustusan ng estado—at napailalim ang Tagalog sa larangan ng wika ng pagtuturo. Noong bungad ng siglo 20, ang bakbakan ay mauuwi sa panitikan, at nagbigay ng mabuting halimbawa ang mga Tagalog kung paano mapananatili ang kanilang wika, at iyon ay sa pamamagitan ng masigasig na pagsusulat at paglikha ng iba pang uri ng sining. Sa ganitong lagay, hindi tumupi ang mga manunulat na Tagalog, at patunay ang kanilang mga akda kung paano lumaban sa gahum ng Ingles. Totoong may iba pang lalawiganing wika, gaya ng Bikol, Ilokano, at Sebwano ang nakibaka laban sa Ingles at nagsikap mangibabaw. Ngunit ang mga dapat sanang tagapagtanggol nito—at kabilang na rito ang mga politiko at manunulat—ay sumanib sa Ingles imbes na pagyamanin ang kani-kanilang taal na wika. Taliwas ito sa Tagalog na hindi lamang ipinagtanggol ng mga Tagalog—bagkus kinakitaan din ng potensiyal ng ibang mamamayan—na may kakayahang maging lunsaran ng pambansang wika na magagamit upang pagbuklurin ang mga lalawigang dating binibigkis nang sapilitan ng Ingles. Ang Tagalog ay hindi dapat minamaliit bagkus dapat pa ngang papurihan, dahil kaugnay nito ang kasaysayan sa pagbubuo ng kabansaan, at paggigiit ng kalayaan, mula sa dikta ng mga pasimuno ng Ingles at banyagang edukasyon na ang tuon ay para sa ikagagaling ng merkado at gahum ng dayuhan.

Hindi ipinaliwanag ni Agcaoili ang pakahulugan niya ng “Tagalog,” bagaman mahihinuha sa tabas ng kaniyang pananalita na ang “Tagalog” ay siya ring “Filipino” na lumalaganap ngayon sa bansa. Ang pagtanaw na “Filipino” bilang baryedad lamang sa “Tagalog” ay pailalim na panunuligsa sa Filipino upang hindi ito makatayo nang bukod sa orihinal na anyo at laman ng Tagalog. Ang linya ng pangangatwiran ni Agcaoili ay nahahawig sa pahayag ng sinibak na pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Ricardo Ma. Duran Nolasco, na ang “Tagalog” at “Filipino” ay iisang uri lamang alinsunod sa mga katangian nitong panggramatika, at kaya lamang nagkaiba ay dahil sa pagpapalit ng pangalan. Isa itong simplistikong pagtanaw, at pagtanaw na nagtataglay ng sadyang pagkaligta sa iba pang aspekto, gaya ng kasaysayan, konteksto, kaligiran, panahon, at siyang maaaring makaaapekto sa ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa. Ang taguring “Filipino” ay hindi lamang “Tagalog,” at ang Tagalog ay hindi kayang kumontrol sa magiging anyo at laman ng Filipino. Ang mungkahi ng gaya ni Carl Rubino na “muling pagsasabalangkas” ng Filipino bilang wikang pambansa ay isang magandang proyekto, ngunit ang ganitong mungkahi ay tumatanaw lamang sa wika na tila walang sariling buhay at nakatiwalag sa mga tao na gumagamit ng wika, at ipinapalagay na ang mga gumagamit ng sari-saring wika ay nagkakaisa sa pagsasaayos ng kolektibong wikang mahihinuhang may labo-labong gramatika at palaugnayan, at yamang walang isang wikang gagawing haligi ng pagpupundar, ay malayang isiping pagtatayo ng maalamat na Tore ng Kalabuan.

Ang Filipino ay pagkilala sa kabansaang may iba-iba mang wika ay tinutuhog ng isang malaganap na wikang may sapat na malig na magagamit ng bawat lalawiganing wika at sa komunikasyon ng mga Filipinong maaaring ang kinamulatang wika ay wikang lalawiganin. Ang Filipino ay paraan ng pagtulay at pag-uugnay sa mga taal na wika sa Filipinas upang pagbukluran, habang masinop na nagbubukas ng pinto sa anumang internasyonal na wikang makapagdaragdag sa kaban ng pambansang talasalitaan, pahiwatig, diskurso, pakahulugan, gramatika. at iba pang kaugnay na bagay. Ang Filipino ay isang natatanging paraan ng pagsagap sa daigdig, ngunit paraan din kung paano titingnan ng mamamayang Filipino ang kaniyang sarili at ang kaniyang bansa. Bagaman ang Filipino ay maipapalagay na “ikalawang wika” para sa ibang taga-lalawigan, ang pagiging “ikalawang wika” nito ay malayo sa kapuwa pakahulugan at karanasan ng pagiging “ikalawang wika” ng gaya ng Ingles na banyagang wikang ang Anglo-Amerikanong tradisyon ay kakatwa kung ilalapat sa kaligiran, konteksto, at diskurso ng Filipinas. Bukod pa rito, ang Filipino ay dapat sipatin nang higit sa saklaw ng lingguwistika, bagkus kaugnay ng konsepto ng pakikipagkapuwa, kabansaan, at kasarinlan.

Pinapatay ba ng Filipino bilang pambansang wika ang mga lalawiganing wika? Hindi. Ang palagay na ipinapaibabaw ang “Filipino” para patayin ang mga lalawiganing wika ay walang batayan, at magsisimula ito kahit sa talakayan, saliksik, at pagtatalong naganap nang itatag ang Institute of National Language (INL) noong 1936 para sa planong bumuo ng pambansang wika, at alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas ng 1935. Mahalaga noon ang pagtataguyod ng pambansang wika, dahil ang Filipinas ay dumaan sa yugto ng digmaan at kolonisasyon, at tanging Ingles at Espanyol ang umiiral na opisyal na mga wika sa Filipinas. Ang pagpili sa Tagalog noon na magiging batayan ng wikang pambansa ay sumailalim sa pag-aaral, pagsasarbey, pagsusuri, at talakayan, kaya hindi makatwiran ang paratang ni Agcaoili na tila tunggak ang mga kasapi ng INL na madaling nilamon ng administrasyon ni Pang. Manuel Quezon. Nakaligtaang banggitin ni Agcaoili na kaya pinili noon ang Tagalog na maging batayan ng wikang pambansa ay dahil ito ang pinakamaunlad na wika nang panahong iyon, mulang estruktura at mekanismo hanggang panitikan at paggamit ng malaking bilang ng mga Filipino, alinsunod sa itinatakda ng Batas Komonwelt Bilang 184. Mula noon, ang Tagalog ay lumampas sa dati nitong hanggahan at gamit, at malayang tumanggap ng iba pang salita, pakahulugan, pahiwatig, at diskursong nagmumula sa lalawiganing wika—sa kabila ng paggigiit na gamitin ang Ingles sa buong Filipinas.

Hindi rin totoong purong Tagalog lamang ang nanaig noon. Kahit sa kautusang ipinakalat ni Celedonio Salvador, na Patnugot ng Edukayon, noong 15 Nobyembre 1940, iminumungkahi ang pagpapalawak ng talasalitaan at wikaing idyomatiko, at ang ganitong kabigat na responsabilidad ay hindi lamang tinatanaw na para lamang sa Tagalog bagkus maging sa ibang taal na wika sa bansa. Kung nagkulang man sa paglinang ng ibang lalawiganing wika ay hindi dapat isisi sa Tagalog, kundi sa baluktot na patakaran at programa ng pamahalaang pumapabor sa paggamit ng Ingles. Nang sakupin ng Hapón ang Filipinas, ayon kay Teodoro Agoncillo, sinikap ng Hapón na palaganapin ang Nihonggo sa buong bansa ngunit nabigo dahil sa kakulangan ng mga guro at pagkatanto na ang banyagang wika ay mahirap palitan ang mga naunang banyagang wika bukod sa mahirap burahin ang mga taal na wika sa Filipinas. Nabatid din ng Hapón na tanging ang pambansang wika lamang ang kayang bumigkis sa kapuluan, at nagkataong nakapag-ambag na naman ang Tagalog. Kahit si Pang. Jose Laurel ay nakita ang kahalagahan ng isang wikang pambansa, lalo sa panahon ng digmaan, ligalig, at karukhaan, at ang wikang ito, aniya, ay magagamit upang magkaintindihan ang mga tao na nagmula sa magkakaibang lalawigan. Muli, hindi arbitraryo ang pagpili sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Nagsagawa muli ng sarbey at pag-aaral at talakayan, at napatunayang Tagalog ang may pinakamabisang katangian para maging haligi ng wikang pambansa, na susuhayan ng mga taal na wika sa buong kapuluan.

Binigyan umano ng pitong dekada ang Tagalog, ani Agcaoili, na maging batayan ng pambansang wika ngunit nabigo ito at winasak pa umano ang milyon-milyong Filipino. Marahas ang ganitong paratang, at ang paratang na ito ay hindi isinaalang-alang ang mga panahon, kaligiran, at kontekstong pinagmulan ng Tagalog na dumaan sa mga digmaan at pag-aaklas; sa deskriminasyon ng Ingles, Espanyol, at Hapones; at kahit sa saliwang pagpapahalaga ng mga politiko at akademiko sa Filipinas. Kahit ang Kumbensiyong Pansaligang Batas noong 1971 ay isang madilim na yugto sa Filipino, dahil ang mga kalahok noon ay nais gawing pambansang wika ang Ingles na nabago lamang nang magprotesta ang mga aktibista at tuligsain ang gayong pakana ng mga demagogong politiko. Pambihira ang Filipinas na ang Saligang Batas—na pagbabatayan ng iba pang batas, kautusan, at kaugnay na patakaran—ay isinulat sa Ingles, at hindi nabigyan ng pagkakataon na gamitin ang Filipino na maging pangunahing wika sa gayong kahalagang instrumento. Totoo ngang nakasaad na ang pambansang wika ay kikilalaning “Filipino,” ayon Saligang Batas ng 1972, ngunit ang pagdurugtong ng pariralang “shall be evolved, developed and adopted based on existing native languages and dialects without precluding the assimilation of words from foreign languages” ay pailalim na pinahihina ang estado ng Filipino. Sa pananaw ng mga delegado, walang kakayahan ang “Filipino”—na parang nasa yugto ng pagkasanggol kahit marami nang napatunayan kung pagbabatayan ang mga palimbag na panitikan—at ang pambansang wikang ito ang sinusurot ni Agcaoili na nabigong magsilbi sa buong Filipinas. Ikakatwiran ng mga lingguwista at sosyolingguwista na kailangan ang estandardisasyon ng wika para maitaguyod ang ortograpiya, at makapaglaan ng unipormadong anyo ng mga sangguniang aklat. Ngunit malabo ang ganitong punto kung isasaalang-alang kung gaano kalawak ang nasabing estandardisasyon, na ang paglihis sa pamantayan ay maiisip na kakulungan kung hindi man patunay sa katangahan.

Nilupig ba ng Tagalog ang iba pang wika sa Filipinas, ayon sa paratang ni Agcaoili? Hindi. Naging ahente ba ang Tagalog para durugin ang lunggati at simulain ng iba pang taal na wika at kultura sa Filipinas, ayon sa paratang ni Agcaoili? Hindi. Ang pagtanaw na nilupig ng Tagalog ang iba pang taal na wika sa Fiipinas ay ibang paraan ng pagsasabing napakahina nga ng mga taal na wika sa buong bansa at kayang diktahan ng isang wika lamang. Walang makinarya, kapangyarihan, at impluwensiya ang mga pasimuno ng Tagalog kung ihahambing sa panig ng mga tagapagsulong ng Ingles, dahil ang Ingles ang nakalusot na maging opisyal na wika at ginagamit sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, batasan, negosyo, at akademya magpahangga ngayon. Humina rin ang mga taal na wika dahil kulang ang mga manunulat at tagapagtaguyod nito, at isang sanhi ang penomenon ng tinaguriang “pagpapalit-wika” at may kinalaman dito ang gahum ng Ingles. Ang Tagalog kung naging batayan man ng Filipino ay isang pangyayaring dapat tingnan sa positibong paraan. Ang Tagalog marahil ang pinakaprogresibong wika na nangunang magbukas ng pinto para tumanggap ng malawakang pagbabago na halos ikalusaw ng sarili nito, ngunit ginawa iyon ng Tagalog hindi para sa mga Tagalog lamang kundi upang isilang muli sa ibang anyo at nilalaman sa pakikipagtulungan sa iba-ibang taal na wika, at maging batayan ng wikang pambansa. Ang tagumpay ng Filipino ay ngayon pa lamang nakikita, hindi lamang sa tradisyonal na mass media, kundi maging sa internet. Malayo na ang iniungos ng Filipino, at nilampasan na nito ang baryotikong komiks, at humahangga sa matatalim na diskurso. Sinusubok na ang Filipino sa iba’t ibang lárang, at hindi ako magtataka kung maging wika rin iyon kahit sa hukuman, negosyo, medisina, at akademya.

Ang nakapagtataka’y ginagamit na dahilan ang multilingguwalismo upang buwagin ang naipundar nang tagumpay ng Filipino bilang wikang pambansa. Ang bersiyon ng multilingguwalismo na isinusulong ng HB 3719 (2008 Multilingual Education and Literacy Act) ni Rep. Magtanggol Gunigundo ay magpapalakas sa reenkarnasyon ng Ingles, at hindi sa mga lalawiganing wika, dahil wala itong itinatakdang sapat na pondo, impraestruktura, kawani, at iba pang bagay para sa pagbubunsod ng malawakan at sabayang pagpapalago ng mga taal na wika. Ang multilingguwalismo ay mauuwi sa laway, at animo’y nakatuon para sa itatatag na Federalismo—na ang bawat lalawigan ay makapagsasariling estado na bibiyak lalo sa Filipinas—at kaya mahihinuha ang pagpipilit na idikit ang wika sa usapin ukol sa kultura, heograpiya, politika, at ekonomiya. Kakatwa ito dahil ang Filipino, na mula sa Tagalog, ay laging sumusuporta sa pagpapalago ng mga lalawiganing wika at sa pagbibigkis ng mga mamamayan. Kung nabigo man ang gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino noon at magpahangga ngayon ay maibubunton ang sisi sa marurupok nitong patakaran, programa, at pamunuang kulang sa bisyon at sigasig na paunlarin ang mga taal na wika sa Filipinas, at kabilang na rito ang mga punong komisyoner na sina Ponciano Pineda, Nita Buenaobra, at Ricardo Nolasco. Ngunit hindi ito kataka-taka. Ang nasabing Komisyon ay kulang din sa badyet, kulang sa mga dalubhasang kawani, kulang sa mahuhusay na pamunuan, kulang sa kasanayan, kung hindi man sadyang kulang-kulang, kaya ang nagiging silbi magpahangga ngayon ay maging katuwang ng Malacañang sa mga hakbanging pampolitika nito.

Pilit na pag-uuri ang “Tagalogisasyon” at “Tagalogismo,” at ito ang dapat tanggapin ni Agcaoili.

Ang “tiranya ng Tagalogisasyon” at makamandag “na pang-aakit ng Tagalogismo” ay kathang isip lamang ni Agcaoili, at nababahiran ng lihis na pagbasa sa politikang pangkultura, at hinango sa diskurso ng Ingles na pilit iniaangkop bilang paraan ng pagtanaw at pagdestrungka sa Filipino. Na hindi makatwiran. Ang karanasan ng Filipinas ay malayo sa karanasang multilingguwal at multinasyonal na pamayanang nagaganap sa Europa, Afrika, at Amerika, at siyang ibig ipadron sa pagbasa sa karanasan sa buong kapuluan. Wala ring mabalasik na deskriminasyon at prehuwisyo na ipinataw ang Filipino na ikalulusaw ng mga taal na wika sa Filipinas, kompara sa nagaganap sa ibang bansa, kahit pa sabihing ginamit ang Filipino sa pag-aaral ng ilang lárang sa elementarya at hay-iskul. Ang realidad sa Filipinas ay Ingles pa rin ang ibig panaigin bilang wikang opisyal, na mapagbalatkayong taguri sa “wikang pambansa,” at ang pinakabagong halimbawa ay ang patakaran na tanging Ingles lamang ang dapat umiral sa Pamantasan ng Maynila, at gawing midyum sa pagtuturo ang Ingles sa lahat ng antas ng pag-aaral alinsunod sa dikta ng Departamento ng Edukasyon. Hindi rin isinaalang-alang ni Agcaoili na ang migrasyon, urbanisasyon, at pagpapalit-wika ay kaugnay ng pagkamatay ng mga taal na wika, dahil higit na pipiliin na gamitin ang Ingles para mapangalagaan ang ekonomikong interes at seguridad pampolitika, o kaya’y para makaligtas sa deskriminasyon sa larangan ng hanapbuhay, gaya sa pagpasok sa call center at pagtatrabaho sa ibang bansa. Matagal nang pinapatay ang Tagalog noon pa man kahit sa pagbasa ng kasaysayan, at kahit sa loob ng Maynila na ibig ay Ingles ang manaig sa edukasyon, negosyo, batasan, at hukuman; at ngayong narito na ang Filipino na naghahain ng pambihirang posibilidad bilang pambansang wikang makabibigkis sa mga Filipino ay isasalang muli sa marahas na bibitayan ng prehuwisyo at kaululan. Paunlarin natin ang mga taal na wika sa Filipinas; ngunit huwag naman nating patayin ang alimbukad ng isang wikang pambansa. Ang paglingon sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino ay makatutulong sa paglinang at pagpapayabong ng mga taal na wika sa Filipinas, at madudukalan ng aral at karanasan, ngunit hindi ito magaganap hangga’t patuloy na ginagamit na wika, diskurso, at pananaw ang Ingles para paikutin ang kapalaran ng mga Filipino.

Kritika sa Multilingguwalismo at sa Pahayag ni Ricardo Nolasco ng Komisyon sa Wikang Filipino

Ayoko sanang patulan itong si Ricardo Nolasco, ang pansamantalang Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, ngunit nagpapakalat na naman ito sa email ng kaniyang mga opinyon sa wika na marapat sagutin. Sumulat siya ng mahabang papel hinggil sa “Ilang popular pero mga maling hakahaka (sic) tungkol sa wikang pambansa at mga wika sa Pilipinas” na ang bersiyon sa Ingles ay nalathala sa Philippine Panorama noong 22 Pebrero 2008. Sa unang malas, ang nasabing sanaysay ay hinggil sa pagtutuwid sa maling opinyon ukol sa “wikang pambansa” at “mga wika ng bansa,” ngunit kung uuriin nang maigi ay pailalim na bumabanat sa Filipino bilang wikang pambansa at nagpapanukala ng multilingguwalismo para pahinain ang paglago ng Filipino. Heto ang kaniyang pambungad na kuro-kuro:

(1) Sa maraming Pilipino,  ang wikang pambansa lamang ang maituturing na wika,  at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.  Hindi tama ito.

(2)        May mga paraan ang mga pantas-wika o mga linguista para malaman kung ano ang wika at kung ano ang wikain o diyalekto.  Ang unang pamantayan ay kung nagkakaunawaan ang dalawang tagapagsalita kapag ginagamit nila ang sarili nilang wika.  Kapag hindi sila nagkakaunawaan,  nagsasalita sila ng magkaibang wika.  Kapag nagkakaunawaan sila,  nagsasalita sila  ng parehong wika o diyalekto ng isang wika. 

(3)        Ang ikalawang pamantayan ay ang gramatika.  Kapag magkaiba ang gramatika ng sinasalita nilang mga wika,  magkaibang wika ang mga ito.  Kung magkapareho ang gramatika,  mas malamang na nabibilang ang mga ito sa isang wika.2

(4)        Hindi mahalaga kung ang wika nila ay isang milyon o  limang tagapagsalita lamang;  kung mayroon itong nakasulat na panitikan o wala;  o kung sinasalita ito sa isang barangay o sa buong probinsiya.    Hindi mapagpasya ang alinman sa mga ito sa pagkilala sa kung ano ang wika at kung ano ang diyalekto.

(5)        Sa mga batayang ito,  ang Ilokano,  Sebwano,  Pangasinan,  Hiligaynon,  Bikol,  Kapampangan,  Butuanon at Meranao,  kung magbabanggit ng ilan, ay hindi mga diyalekto kundi  ganap na mga wika.   Diyalekto o wikain ang tawag sa  baryasyon ng isang wika, gaya ng Dumaguete-Cebuano, Davao-Cebuano at Iligan-Cebuano.

(6)        Ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ay nakapagtala ng may 170ng wika sa bansa.3   Maaaring umabot sa 500 ang mga diyalekto.  Pangsampu tayo sa may pinakamaraming wika sa daigdig.  Nangunguna ang Papua New Guinea.

Nilagyan ko ng numero ang bawat talata upang masuri nang maigi. Hindi nilinaw ni Nolasco ang batayan ng kaniyang unang pahayag: na  “ang wikang pambansa lamang ang wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.” Sa madaling sabi, ang Filipino lamang ang wika, at ang lalawiganing wika ay diyalekto. Ang ganitong pahayag ay nagmumula kay Nolasco at hindi sa pangkalahatang publiko. Walang isinaad na estadistika o sarbey si Nolasco na may ganito ngang pahayag at pananaw ang malawakang publiko, at yamang hindi totoo, hindi ito kinakailangang sagutin.

Ang pagtatangi kung ano ang “wika” at kung ano ang “diyalekto” ang gagamitin ni Nolasco bilang lunsaran ng hambingan. Ayon sa opinyon ng mga lingguwista, ani Nolasco, na kapag nagkakaunawaan ang dalawa o higit pang tao sa usapan habang gamit ang kani-kaniyang wika ay maituturing yaong wika. At kung hindi sila nagkakaunawaan ay ipinapalagay na magkaiba ang kanilang wika. (Ang pahayag na ito ay nagmula kay Peter Trudgill sa kaniyang aklat na Sociolinguistics: An Introduction to Language and Society, [1974; 1983] at hiniram nang wala sa konteksto ni Nolasco.) Hindi nilinaw dito ni Nolasco kung ano ang wika na ginamit ng dalawang tao sa pag-uusap. Halimbawa, ipagpalagay nang gumamit sila ng Filipino sa pag-uusap, at nagkaunawaan sila, ang Filipino ay ituturing umano na wika. Ngunit ang ganitong simplistikong pahayag ng mga lingguwista ay maraming butas. Una, hindi malinaw kung ano ang antas ng diskurso ng dalawang tao na nag-uusap. Kahit batid ng dalawang tao ang mga pakahulugan ng mga salita sa loob ng usapan, hindi ibig sabihin nito na ganap na magkakaunawaan agad sila. Kailangang isaalang-alang dito ang mga pahiwatig, konteksto, senyas, dalumat, halagahan, at pakikipagkapuwa na pawang makaiimpluwensiya sa kanilang komunikasyon at siyang makaaapekto sa resulta ng kanilang usapan. Ikalawa, hindi malinaw sa pahayag ni Nolasco kung ano ang pinag-uusapan, at maihahakang ang pinag-uusapan ay mabababaw na paksa lamang. Sa ganitong lagay, ang dalawang tao—na kahit may magkaibang wika—ay maaari pa ring magkaunawaan hindi lamang dahil sa bisa ng wika kundi sa senyas ng katawan o kaya’y sa pamamagitan ng pagguhit o paglalarawan o musika o demostrasyon. Ikatlo, dapat linawin ni Nolasco kung ang dalawang tao na nag-uusap ay gumagamit lamang ng isang wika o may magkabukod na wika. Kung isang wika lamang ang ginamit nila at sila ay nagkaunawaan ay maganda. Ngunit kung isang wika lamang ang ginamit nila, at hindi pa rin sila magkaunawaan, marahil may kaugnayan ito sa dalumat na pinagmumulan ng dalawang tao, at magkaiba ang pagkakaunawa nila sa daigdig.

Sa talata 3 ni Nolasco, ang ikalawang pamantayan umano ng mga lingguwista upang ituring na wika ang isang wika imbes na diyalekto ay ang gramatika. Ang pahayag na ito ay hindi nagmumula sa publiko kundi sa loob mismo ng sirkulo ng mga lingguwista. Ang paghahambing sa gramatika ng Filipino sa gramatika ng Ilokano o Sebwano o iba pang lalawiganing wika ay hindi makatwiran dahil magkaiba ang pinagmumulan ng dalawang wika, kahit sa ilang pagkakataon ay nagkakahawig, gaya ng may salita sa Ilokano na kahawig sa mga salitang Filipino o Bisaya, bagaman iba ang pagkakabigkas.

Ang nakababagabag ay ang talata 4 ni Nolasco. Hindi umano mahalaga ang bilang ng tagapagsalita, o kung may panitikang nakasulat o wala, o kung ginagamit ang wika sa isang barangay o sa buong lalawigan. Kung hindi mapagpasiya ang mga pamantayang ito, ano kung gayon ang dapat maging pamantayan upang itangi ang “wika” sa “diyalekto”? Lumilitaw sa pahayag na ito ni Nolasco na hindi lamang niya itinatwa ang mga pag-aaral ng mga kapuwa niya lingguwista, bagkus nagtatangkang magpanukala pa ng sariling pananaw hinggil sa kung ano ang wika at kung ano ang marapat tawaging diyalekto. Ngunit walang ibinigay na panukala batay sa matalisik na pag-aaral si Nolasco. Wala. Ang tanging mababanggit ay ang “baryasyon” o baryedad ng wika, gaya halimbawa ng iba’t ibang testura ng Bisaya o Bikol. Para kay Nolasco, ang lahat ng wika ay magkakapantay, at maipapantay halimbawa ang wika ng Butuan sa wikang pambansa (Filipino). Na isang kalokohan, dahil hindi dapat ikompara ang dalawang wika dahil magkaiba ang silbi nito sa pamayanan at magkaiba ang lawak ng bisa nito sa lipunan. Ang pagtatangi samakatwid ni Nolasco sa “wika” at “diyalekto” ay subhetibo, at nakasalalay sa anumang paraan ng pagsagap ng mga tao.

Ginagawang payak ni Nolasco ang usapin sa wika. Ang Filipino bilang pambansang wika ay malayo na ang iniungos sa iba pang lalawiganing wika, mulang panitikan hanggang iba pang larang ng pag-aaral. Ang pag-ungos ng Filipino ay hindi dapat isisi sa Tagalog na naging batayan ng Filipino, o kaya’y sa masigasig na paggamit ng mga manunulat, editor, panitikero, at iba pang espesyalista. Ang paglakas ng Filipino ay may kaugnayan sa nagbabagong diskurso at kamalayan ng mga Filipino, na handang tumanggap o luminang ng isang wikang pambansa upang magkaunawaan ang mga tao sa iba’t ibang lalawigan. Filipino ang pinakamabisang tulay ng komunikasyon sa buong bansa, at may kaugnayan dito ang mass media, sangguniang aklat, panitikan, at iba pang kaugnay na bagay. Hindi rin dapat ikompara ang Filipino sa ibang lalawiganing wika, dahil higit na abanse ang paglinang ng Filipino at siyang nakaligtaan ng mga lalawiganing wika. Ang Tagalog na ginawang batayan ng Filipino ay lumampas na sa hanggahan nito sa rehiyon ng Katagalugan at nagparaya upang maangkin ng buong bansa at maging pangunahing haligi ng wikang pambansa. Ang ganitong aspekto ang hindi pa nasusubok sa gaya ng Sebwano o Ilokano o Butuanon o Kapampangan o Maranaw. Bagaman makapangyarihan ang gaya ng Sebwano at Ilokano habang ginagamit sa loob ng sirkulo ng Sebwano o Ilokano, ang gayong kapangyarihan ay nananatiling kulob at hindi kayang sumaklaw sa buong lunggati at diskurso ng Filipinas.

Ang binanggit ni Nolasco na 170 wika, bukod sa 500 diyalekto, sa Filipinas ay mahalaga. Ang mga wika at diyalektong ito ang matagal nang sinimulang ilahok sa korpus ng Filipino, at ipaloob sa mga diksiyonaryo at tesawro, hindi pa man nahihirang ng Malacañang si Nolasco na maging pansamantalang komisyoner ng KWF. Ang nakaligtaan ni Nolasco ay sa binanggit niyang 170 wika ay wala siyang tinukoy kung anong wika rito ang may kapasidad na maging wikang pambansa, at sa halip ay minamaliit ang Filipino na mula raw lamang umano sa Tagalog. Kung walang kapasipad ang anumang wika sa Filipinas na maging saligan ng isang pambansang wika, ano ngayon ang marapat maging wikang pambansa? Ingles? Posible. Kung susundan ang baluktot na lohika ni Nolasco, multilingguwalismo ang dapat manaig, ang halo-halong wika na walang tiyak na gramatika, palabaybayan, at palaugnayan na pawang ibinatay sa iba’t ibang wika at mahihinuhang ipinadron sa Ingles. Mahihinuha rito na sa pagsusulong ni Nolasco ng kaniyang kakatwang bersiyon ng multilingguwalismo, ang nakikinabang ay ang Ingles na siyang ibig gawing midyum sa pagtuturo sa buong bansa at isinusulong ni Kalihim Jesli Lapus at binasbasan ng Malacañang.

Kung Filipino ang wikang pambansa, ayon sa Saligang Batas ng 1987, ang wikang ito—anuman ang pinag-ugatang wikang taal sa Filipinas—ang dapat pinagyayaman ng KWF at hindi ibinibingit lagi sa kontrobersiya ng salungatang Filipino vs. Lalawiganing Wika at Ingles. Sa layong isulong ang diwa at sariling bersiyon ng multilingguwalismo, itinatampok ni Nolasco ang Filipino na kaantas lamang ng mga lalawiganing wika imbes na palaganapin ang Filipino bilang wikang pambansang katuwang ng mga lalawiganing wika. Ang ganitong asta ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay mapanghati (i.e., divisive) sa pangarap na itaguyod at linangin ang isang pambansang wikang magagamit ng sambayanang Filipino.

Dumako pa si Nolasco sa pagtutuon sa “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino.” Heto ang kaniyang pahayag:

(8)        Ang “Tagalog.” “Pilipino,” at “Filipino” ba ay magkakaibang wika?  Hindi.  Ang isang nagta-Tagalog o nagpi-Pilipino ay nauunawaan ng sinumang nag-fi-Filipino,  at vice versa.  Ang mga tagapagsalita ng tatlong diumano’y magkaibang barayti ay gumagamit ng parehong gramatika.  Magkapareho ang ginagamit nilang mga pantukoy (ang, ng at sa);  mga panghalip-panao (siya, ako, niya, kanila, atbp.) panghalip-panturo o pamatlig (ito, iyan, doon, atbp.); pang-ugnay (na, at at ay); kataga o paningit (na, daw at pa);  at panlaping makadiwa -in, -an, i- at -um-.   Sa madaling sabi,  walang siyentipikong batayan para klasipikahin ang “Tagalog”, “Pilipino” at “Filipino” na magkakaibang wika.

(9)        May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.   Para sa kanila, ang pulong at guro ay salitang Tagalog samantalang ang miting at titser ay salitang Filipino.  Gayon man, ang panghihiram ng salita ay hindi mapagkakatiwalaang batayan sa pag-iiba ng wika sa diyalekto. Lansakan ang ginawang “panghihiram” ng Zamboangueño (Chavacano) sa Espanyol subalit nakabuo ito ng ibang gramatika.  Hindi ito mauunawaan ng mga Espanyol, at dahil dito ay nararapat na ituring  na magkaibang wika.

Inuri ni Nolasco ang “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino” na magkakapareho, at iniugnay niya sa pagsusuri ang paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga. Ang ganitong simplistikong pagsusuri ay hindi nagsasaalang-alang sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa na dumaan sa yugto ng pagbubuo, paggamit, pagpapalaganap, at pagtanggap ng sambayanan. Ang ginawang batayan lamang ni Nolasco ay mula lamang sa pananaw ng lingguwistika na isang malaking pagkukulang. Ang Tagalog na lumaganap noong bungad ng siglo beynte ay iba sa “Pilipino” noong dekada 1960, at lalong iba sa testura ng “Filipino” ng siglo 21. Mababatid ito kapag sinuyod nang maigi ang mga lumabas na panitikan, gaya sa nobela, kuwento, tula, at dula mula sa iba’t ibang panahon. Halimbawa, iba ang Tagalog ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos kung ikokompara sa Pilipino ni Amado V. Hernandez sa Mga Ibong Mandaragit at itatambis sa Filipino ng Oriental ni Rio Alma. Kung nagkakapareho man ang gamit ng pantukoy, panghalip, at kataga ay dahil sa ginawang batayan ang Tagalog na maging haligi ng pambansang wika na malaya at handang tumanggap ng mga salita mula sa ibang wika. Dagdag pa, nagbabago ang Filipino kahit sa paraan ng asimilasyon, sa gramatika at palaugnayan, sa pagpapakahulugan at pagpapahiwatig, at humahalo kahit ang “Ingles na Tinagalog” na Ingles ang padron ng pagkakabuo ng pangungusap ngunit ang ginagamit ay wikang Tagalog. Ang paggamit ng pamantayan ng paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga para sabihing magkapareho lamang ang “Tagalog” at “Filipino” ay isang malaking pagkakamali; at sinasadyang ihiwalay at itago ang iba pang aspektong may kaugnayan sa wika para palabasing totoo ang gayong pahayag alinsunod sa pananaw ng lingguwistang gaya ni Nolasco.

Tumuloy pa si Nolasco sa kaniyang pagpuna na “May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.” May katotohanan ito, ngunit kulang ang pahayag ni Nolasco. Ipinapalagay sa sinabi ng butihing komisyoner na ang Tagalog ay iisa lamang ang tabas ng wika, na ang Tagalog ay Tagalog ding lumalaganap sa Bulakan, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, Rizal, at Palawan. Ang Tagalog Rizal ay iba sa Tagalog ng Bulakan o Batangas, at maihahalimbawa ang uri ng Tagalog ni Raul Funilas na mulang Binangonang nakapaloob sa Halugaygay sa Dalampasigan, kompara sa Tagalog ng nobelistang si Jose Munsayac na taga-Bulakan. Binabanggit ang pagiging “purista” ng Tagalog alinsunod sa lugar na pinagmumulan nito at ayon sa pinagmumulang dalumat, pakahulugan, at pahiwatig ng mga taal na salita. Ang binanggit na halimbawa ni Nolasco hinggil sa Chavacano na lansakang nanghiram ng mga salitang Espanyol ngunit nakabuo ng kakaibang gramatika ng Zamboangeño ay maituturing na pag-aangkin. Hindi lamang Chavacano ang gumawa nito. Ang pag-aangkin ay matagal nang ginagawa noon ng Tagalog at siyang ipinagpapatuloy sa Filipino, kaya ang salitang “titser” at “miting” ay maituturing nang inangkin ng Filipino, gaya lamang ng “bintana” o “sibuyas” o “kudeta.”

Ang maganda kay Nolasco ay bihasa siya sa meme. Inuulit niya ang mga salita, paniniwala, at konsepto ng ibang tao nang walang kamalay-malay, at ipinapalagay niyang kaniya lamang ito. Heto ang iba pang pahayag niya:

Ang iba’t ibang kultura at wika sa Pilipinas ay nagkakaloob sa atin ng hindi matutuyuang balon ng mga katutubong konsepto at bokabularyo.  Halimbawa,  ang gásang ay Sebwano para sa “coral” at ang kagasángan ay lokal na termino para sa “coral reef”.  Ang payew o payaw ay siyang tawag sa rice terraces o mga palayang inukit sa mga bundok sa Cordillera. Kung magpapatuloy tayo sa paggamit ng mga terminong Ingles para sa ganitong mga konsepto,  o magkakasya na lamang sa ponetikong baybay  (koral rif), o salin (hagdan-hagdang palayan),  mamamatay ang lokal na termino.  Kailangan nating itaguyod ang paggamit ng katutubong mga konsepto sapagkat kailangang irepresenta ng wikang pambansa ang karanasang pambansa.  Ganitong-ganito ang itinatadhana ng ating saligang batas na paraan upang linangin ang Filipino.4  Kung ito ay isang uri ng purismo, ito ang purismo na itinataguyod ko.

Ang purismong inaayawan ko at inaayawan ng mamamayan ay iyong  nagluwal ng mga salitang gaya ng  salumpuwit at salipawpaw.  Ang salumpuwit ay pinaikli ng “pangsalo ng puwit,”  at ang salipawpaw ay nanggaling sa “sasakyang lumilipad sa himpapawid.”  Inimbento ang mga salitang ito noong mga 1960 para gawing “puro” ang wikang pambansa.  Sapagkat palasak na ang silya at eroplano,  ang ganitong uri ng purismo ay  itinakwil ng ating mamamayan.

Ang pahayag na ito ng punong komisyoner ay hindi na bago. Matagal na itong ginagawa ni Virgilio S. Almario kahit hindi pa siya itinatanghal na Pambansang Alagad ng Sining, o nina Zeus Salazar, Prospero Covar, Virgilio Enriquez, at iba pang eksperto sa kani-kaniyang larang. Ang pagkakaiba lamang, nauna sina Almario at iba pa sa mga pahayag ni Nolasco. Bukod sa “gasang” ay ginagamit na sa tula ang “tangrib” na mula sa Iluko at ipinaloob na sa Filipino. Matagal na ring ginagamit ang “payyo,” “payaw,”  at “payew,” hindi lamang sa tula at kuwento kundi kahit sa ibang babasahing nasusulat sa Filipino subalit kataka-takang hindi ito binanggit ng butihing komisyoner. Kahit ang pag-ayaw ni Nolasco sa uri ng purismong Tagalog sa gaya ng “salumpuwit” ay hindi orihinal at matagal nang binanatan ni Almario. Ang masaklap ay hindi marunong lumingon si Nolasco sa nakaraan, at para bang siya ang nagpasimuno ng gayong pagpapayaman ng wika. Ang hindi naisip ni Nolasco ay ang henyo ng pagtatangka ng umimbento ng sariling katawagan para gamitin sa diskurso ng Filipino. Ang pag-imbento ng salita ay hindi dapat ikahon at patayin sa taguring “purismo.” Ang gayong pagtatangkang umimbento ng salita na hango o halaw sa malig ng Tagalog o iba pang lalawiganing wika—na bukod pa sa mga balbal na salita—ay isang rebolusyonaryong hakbang sa isang banda at paglihis sa gahum ng Ingles, samantalang pinaiigting ang sariling wika, dahil sinisikap ng gumawa niyon na lumikha ng salitang maaaring maging batayan ng diskurso ng Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Nagiging katawa-tawa ang “salumpuwit” o “salipawpaw” o “salungsuso” dahil ang ginagamit na batayan sa paglitis niyon ay ang pinaghiramang salita mula sa Ingles o Espanyol.

Hindi pa rito nagwawakas ang pahayag ni Nolasco. Pansinin ang mga talatang ito:

Kung gayon, bakit natin kinailangang baguhin pa ang pangalan buhat sa “Tagalog,”  patungo sa “Pilipino” at pagkatapos sa “Filipino”?

Ang mga dahilan ay may kinalaman sa katwirang pang-sosyo-linguistika.  Ang dati rati’y wika lamang ng  Katagalugan ay lumaganap na sa buong kapuluan at naging wika na ng sambayanang Pilipino.  Mas marami nang nagsasalita ng Tagalog na hindi taal na Tagalog.  Batay sa sensus ng 2000,  9 sa 10ng Pilipino ang nakapagsasalita at nakauunawa ng Tagalog,  magkakaiba nga lamang ang antas ng kasanayan. Sa dulong hilaga man ng Batanes hanggang sa dulong timog ng Tawi-Tawi, ay may nagsasalita ng wikang pambansa. Sa pamamagitan ng wikang pambansa ay nagkatotoo na ang komunikasyong inter-etniko.  Salamat sa TV, radyo,  romance novel, komiks,  paglilipat-tahanan at sistemang pang-edukasyon. Hindi ang lehislasyon kundi ang aktuwal na praktika ng sambayanang Pilipino ang siyang lumutas sa isyu ng wikang pambansa.

Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika.  Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog.  Ang mga di-taal na tagapagsalita ng Tagalog ay naiimpluwensiyahan ng palabigkasan at gramatika ng kanilang unang wika.  Halimbawa, ang salitang manî (may impit na tunog sa hulihan) ay binibigkas na maní (walang impit na tunog) ng maraming Ilokano kapag nagta-Tagalog sila.  Hindi nakapagtataka at nagsulputan sa buong bansa ang mga baryedad pangrehiyon ng Tagalog.  Tinatanggap at kinikilala na ang mga ito na lehitimong bahagi ng wikang pambansa.  

Ang Ingles ay pangalawang wika rin ng maraming Pilipino.  Sa paniwala ng iba,  higit itong prestihiyoso kaysa Filipino.  Ayon sa surbey noong 2008 ng Social Weather Stations, 3 sa bawat 4 na  Pilipino (75%)  ang nakakaunawa at nakakabasa sa Ingles.  Dalawa sa bawat tatlong Pilipino (61%) ang nagsabing nakakasulat sila sa Ingles at halos kalahati  (46%) ang nagsabing nakakapagsalita sila nito.  

Ito ang magpapaliwanag bakit pinaghahalo ng mga Pilipino ang Ingles at Tagalog.  Kilala ito ng marami sa penomenon na “Taglish.”  Sa ilan, ito ay kapag sinimulan mo sa Ingles o Tagalog ang pangungusap,  tapos you switch to another language sa parehong pangungusap.  “Taglish” din ang tawag kapag ginagamit mo ang gramatika ng Tagalog kasabay ng bokabularyo ng Ingles. 

Ang pagbabago ng “Tagalog” tungong “Filipino” ay hindi lamang may kaugnayan sa sosyolingguwistika, ayon sa paniniwala ni Nolasco. May kaugnayan din iyon sa politikang pangkultura, na umuuri sa ugnayan ng kapangyarihan sa lipunan. Hindi makausad ang “Filipino” dahil laging ipinapantay ito sa “Tagalog” na ang labas ay nagmumukhang baryedad lamang ng Tagalog ang Filipino. Hindi makausad ang “Filipino” dahil ang wika ng pamahalaan, batasan, hukuman, negosyo, at akademya ay “Ingles.” Hindi makausad ang “Filipino” dahil kulang na kulang kahit ang pabliser na magsusugal na maglathala ng mga babasahing nasusulat sa Filipino, at higit na pipiliin ang umangkat ng mga babasahing Ingles mula sa ibang bansa. Ang binabanggit kong politikang pangkultura ay makikita kahit sa pagsasagawa ng sarbey, na gagamitin ang “Tagalog” kahanay ng “Ingles,” “Sebwano,” at iba pa ngunit kakaligtaan ang “Filipino” na isang malaking pagkakamali at pagpatay sa simulaing itaguyod ang isang pambansang wika. Marahil, dapat payuhan ang gaya ng National Statistics Office o National Book Development Board o Social Weather Station o WordPress o Google na gamitin sa kanilang sarbey ang salitang “Filipino,” at ibukod ito sa mga lalawiganing wika at wikang internasyonal na Ingles, dahil buong bansa ang sangkot dito.

Kakatwa kahit ang paraan ng pahayag ni Nolasco: Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika.  Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog.  Ipinapantay wari niya ang Tagalog sa Filipino, at inuuri ang Filipino na parang Ingles bilang “ikalawang wika,” at sa tabas ng kaniyang pananalita’y Tagalog ang Filipino na binago lamang ang taguri. Ang binanggit niyang dalawang porsiyento lamang ang taal na Tagalog ay hindi malinaw kung ano ang ikinatangi sa gumagamit ng wikang Filipino. Malabo rin ang pakahulugan niya ng “ikalawang wika” at mahihinuhang ang ginawang batayan na naman ay pamantayang lingguwistika ng Ingles. Ang ganitong kalabuan, na nagmumula sa bibig ng pansamantalang punong komisyoner ng KWF, ay mapanganib dahil pailalim nitong minamaliit ang Filipino sa kakayahan nitong tumindig bilang pambansang wikang tulay sa pagitan ng mga lalawiganing wika.

Binanggit din ni Nolasco ang sarbey ng SWS na higit na prestihiyoso ang paggamit umano ng Ingles, ngunit hindi niya nilinaw kung itinapat ba iyon sa wikang Filipino, o baka naman sa Tagalog lamang na itinuturing na lalawiganing wika. Sa aking pagkakaalam, ang sarbey ay nakatuon sa Tagalog, at hindi sa Filipino. Hindi rin mapagtitiwalaan ang sarbey na nagsasabing 75 porsiyento ng Filipino ay nakababasa at nakauunawa ng Ingles. Ang hindi inalam sa sarbey ay kung ano ang uri ng lathalain ang binabasa ng mga tao, at kung gaano kalalim ang pagkakaunawa nila hinggil dito. Mahalaga ito upang mabatid ang antas ng diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng Ingles, kung ihahambing sa diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng wikang Filipino.

Sablay din ang konklusyon ni Nolasco hinggil sa pagsulpot ng “Taglish.” Ang usapin ng Taglish o paghahalo ng Tagalog at Ingles ay hindi lamang may kaugnayan sa wika at lingguwistika, kundi maging sa politikang pangkultura. Maituturing ang paglitaw ng Taglish bilang reaksiyon sa patakarang kolonyal ng Amerika na pinalaganap sa buong Filipinas, at ang Tagalog noon, na lumaban sa paglaganap ng Ingles, ay gumawa ng paraan upang angkinin ang Ingles, at gamitin para sa kapakinabangan ng Filipino. Makikita ito sa paglalaro nina Julian Cruz Balmaseda, Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus, at Ildefonso Santos hanggang mga blogista ng panahong ito. Bagaman hindi katanggap-tanggap ang Taglish sa mga purong Inglesero, ang Taglish na ito ay lumikha ng mga tagasunod mulang subkultura sa mga kolehiyo at klub hanggang mass media at iba pang lunan. 

Wika at Nasyonalismo
Ang problema kay Nolasco ay lumilikha siya ng opinyon mula sa pira-pirasong pagsipi hinggil sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino. Heto pa ang kaniyang pahayag:

Noong mga 1930, pinili ng pamahalaang Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa.  Dahil dito, naging opisyal at de facto na wikang pambansa ang Tagalog.  Magiging sagisag daw ito ng ating kabansaan, gaya ng pambansang watawat at pambansang awit.  Pagyayamanin daw ito batay sa MGA wika ng Pilipinas, pero nakasaad din sa batas ang “pagpapadalisay” dito.8

Bahagya lamang ang totoo sa sinipi ni Nolasco. Una, hindi naman basta pinili lamang ng administrasyon ni Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Lumalabas sa pahayag ni Nolasco na diktador ang administrasyon ni Pang. Quezon at hindi na makapapalag pa ang ibang tao. Ang nakaligtaang banggitin ni Nolasco ay nagkaroon ng konsultasyon sa iba’t ibang eksperto na pawang kumakatawan sa iba’t ibang lalawigan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Institute of National Language, at matapos ang masusing deliberasyon ay saka pinili batay sa datos at saliksik ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Mali rin ang pagbasa ni Nolasco sa pagpapayaman sa Tagalog. Binanggit na payayamanin ang Tagalog batay sa mga umiiral na wika sa bansa, ngunit lilisain ang “di kinakailangang banyagang termino, salita, at konstruksiyon.” Ano ang masama rito? Hindi isinaalang-alang ni Nolasco na iba ang lagay ng Tagalog noon na nagsisimula pa lamang.  Kailangang maipon muna ang malig ng mga salita sa Tagalog upang sinupin ang mga “banyagang salita” (i.e., internasyonal na wika) na pumapasok sa korpus ng Tagalog. Lumabas ito sa serye ng mga pulong sa INL, at isa si Iñigo Ed. Regalado na nagpanukala sa pagpapalago ng kaban ng Tagalog at iba pang wika. Ang pagkokompara, samakatwid, ng Tagalog sa Filipino ngayon—na kumapal na ang korpus at naisayos na kahit paano ang pagtanggap ng mga banyagang salita—ay isang kaululan.

Ang problema sa papel ni Nolasco ay patalon-talon ang argumento, ngunit hindi ko sasabihing baliw ang paraan ng kaniyang pangangatwiran. Binuksan niya ang usapin hinggil sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa ngunit mag-iiwan naman ng mga puwang na ipinapalagay niyang tatanggapin nang buo ng mga mambabasa. Nilaktawan ni Nolasco ang talakay noong panahon ng pananakop ng Hapones at pagkaraan ay gagamiting halimbawa iyon bilang argumento sa pagiging “nasyonalista” na hindi dapat umanong ilapat o ikabit sa wikang Filipino. Isa itong kaululan. Totoong nagpakana ang Hapon na palaganapin ang wikang Nihonggo sa buong bansa, ngunit kulang ang mga titser noon at kaya kinakailangang sanayin ang mga tao na puwedeng magturo ng Nihonggo. Nabigo ang patakaran ng Hapon, at pagkaraan ay binuo ang Pambansang Lupon ng Edukasyon na kinabibilangan nina Jorge Bocobo, Francisco Benitez, at Mariano de los Santos upang gumawa ng sarbey at pag-aaral hinggil sa sistema ng publiko at pribadong edukasyon sa bansa. Lumabas sa kanilang pag-aaral ang kahalagahan ng paggamit ng isang wikang pambansa, at ang malaganap na pagtuturo nito sa lahat ng antas ng paaralan. Sa panayam ni Teodoro Agoncillo kay Pang. Jose Laurel, sinabi nitong “walang layong patayin ang mga katutubong wika” sa paggamit ng isang pambansang wika, bagkus maging tulay ng pagpapahayag sa puwang sa pagitan ng mga lalawiganing wika. Halimbawa, ani Laurel, ang Ilonggo na hindi makapagsalita ng Kapampangan ay maaaring gamitin ang pambansang wika upang maunawaan siya ng taga-Pampanga, at iba pa.

Dapat isaisip ni Nolasco na ang administrasyon ni Pang. Laurel ay nasa yugto ng digmaan, at iba ang kalagayan ng mga tao na dumanas ng lagim ng karahasan at kahirapan. Ang isang wikang pambansa ang isang makapangyarihang kasangkapan upang pagbuklurin ang lugaming bansa—at ito ang kapuri-puri sa ginawa ni Pang. Laurel—at nang maihatid nang mabilis ang mga kinakailangang impormasyon at serbisyo sa sambayanan. Ang administrasyon ni Laurel ay hindi masasabing sunod-sunurang tuta lamang ng mananakop na Hapones  (at tatanga-tanga sa pagkasangkapan sa nasyonalismo) bagkus nagsikap din iyong gumawa ng mga hakbang upang maipasok ang usapin ng kalayaan at pagsasarili, kahit man lang sa panig ng edukasyon at pagpapalaganap ng wika. Kaya kung iugnay man ang “pambansang wika” sa “nasyonalismo” ay hindi dapat sipating kahinaan sa panig ng Filipino. Dapat pa ngang ipagmalaki ito, dahil ang pambansang wikang ibinatay sa Tagalog ay malaki ang naging ambag para pagkaisahin ang mga Filipino, at buhayin ang kanilang loob, saanmang lalawigan sila nagmula.

Hindi ko na papatulan ang kronika ni Nolasco hinggil sa ebolusyon ng wikang pambansa dahil pagsasayang lamang iyon ng laway. Ang nais ko lamang ipakita rito ay kung paano binabaluktot ni Nolasco ang kasaysayan at impormasyon, upang iangkop sa nais niyang maging patakaran ng KWF. Heto pa ang pahayag niya:

Paano natin pahahalagahan ang ating mga wika?

Kailangan nating baguhin ang ating saloobin tungkol dito.  Ituring nating yaman sa halip na pabigat ang ating mga lokal na wika at ang dibersidad pangwika sa Pilipinas. Itakwil natin ang mga maling hakahaka gaya ng huwad na mga argumentong “nasyonalista”. Huwag nating paglabanin ang lokal na wika at ang wikang pambansa.  Huwag nating paglabanin ang Ingles at Filipino.  Kailangan natin ang isang wikang pambansa pero kailangan din natin ang ating mga lokal na wika at ang mga wika ng lalong malawak na talastasan (i.e. Ingles at Español).  Sa pamamagitan ng mga wikang ito, nabubuo natin ang ating etnisidad at kasabay nito ay nakikilala ang ating pagka-mamamayan ng bansa at ng daigdig.  Sabi nga,  mag-isip nang global at kumilos nang lokal.

Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan.14  Napatunayan nang sa pamamagitan ng mga wika ng tahanan at  lokal na kultura ay napapadali ang pagkakatuto ng bata sa eskuwelahan.  Nagsisilbi ring tulay ang mga ito upang epektibong kabisahin ang ibang wika, gaya ng ipinakita sa Lubuagan.  Nagkakaroon ng paggalang sa sarili ang isang mag-aaral kung ang kanyang mga karanasan at ang wikang ginagamit niya sa pagpapahayag ng mga iyon ay tinatanggap o kinikilala.  Mula sa kaalamang ito, ang bata ay natututo, nakapagdaragdag ng bagong mga konsepto at nakakabuo ng mas malalim at  abstraktong ideya.

Ang katutubong mga sistema ng kaalamang nakaimbak sa mga lokal na wika ay nagkokomplemento sa ating kaalaman sa agham at teknolohiya ng Kanluran.  Ang pinagsamang kaalamang ito ay tumitiyak na ano mang kaunlarang maidudulot nito ay magiging pangmatagalan at makakalikasan.

Ang tunay na nagmamalasakit sa Filipino bilang wikang pambansa ay hindi kailanman iniisip na magiging hadlang ang paggamit ng mga lalawiganing wika para sa kapakinabangan ng isang solidong pambansang wika. Ang mga tumututol lamang sa pagkakaroon ng wikang pambansa rito ay ang ilang demagogong Inglesero, Sebwano, at Bikolano, at makikita ito kahit sa patakaran ngayon ng Departamento ng Edukasyon (DepEd).  Kaya ang pahayag ni Nolasco sa itaas ay bahaw na bahaw, at inulit lamang ang dating hinagpis na nagmula rin sa hanay ng mga tunay na taliba ng wika. Kaya lamang nagkakaroon ng labo-labo ngayon hinggil sa wikang pambansa ay dahil na rin sa maling priyoridad ni Nolasco bilang pansamantalang komisyoner ng KWF. Ibig niyang isulong ang multilingguwalismo ngunit pailalim na pinahihina ang Filipino bilang wikang pambansa. Ang mga pangamba ni Nolasco na maging purong Tagalog ang Filipino ay isang haka-haka lamang na walang batayan, at kathang-isip na naging halimaw na siyang kinatatakutan mismo ng butihing komisyoner.

Ang sinipi ni Nolasco mula kay Rep. Magtanggol Gunigundo na, “Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan,” ay hindi na dapat pang pagtalunan. Karapatan nila iyon. Ngunit ang pagturing sa Filipino na parang Ingles ay isang mabuway na pagpapahalaga. Ang Filipino bilang wikang pambansa ay makatutulong sa anumang wikang kinagisnan ng bata upang lalo siyang matuto. Magkalayo ang polong pinagmumulan ng Ingles kompara sa Filipino, at ang Anglo-Amerikanong tradisyong taglay ng Ingles ay hindi kasinghusay ng tradisyong Filipinong mataas ang uri ng paghihiwatigan at pagpapakahulugan kung ilalapat o kakasangkapanin sa kaligiran ng Filipinas.

Mapanganib ang mga pahayag ni Ricardo Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang mga sablay niyang pahayag ukol sa Filipino ay hindi ko iisiping naaanggihan ng Summer Institute of Linguistics na sinisipat ng ibang kritiko na pumapabor sa patakarang kolonyal ng Estados Unidos. Subalit ibang usapan na ito, na nangangailangan ng ibang talakayan at inuman. Ano’t anuman, malaya ang Malacañang na hirangin muli si Nolasco bilang punong komisyoner ng KWF, nang di-alintana ang nagbabadyang sigwa sa loob at labas sa Malacañang.

Para sa kaugnay na artikulo, basahin ang Lily Pad ni Ninotchka Rosca na may akdang pinamagatang “The Language of Ourselves.”

KWF, niloloko ang Kongreso?

Makabubuting pag-aralan ng Kongreso kung karapat-dapat pakinggan si Kgg. Ricardo Nolasco, ang kasalukuyang tumatayong punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Sa websayt nitong Komisyon sa Wikang Filipino, iniulat na naninidigan umano ang nasabing ahensiya  “ng opisyal na posisyon sa pagkakaroon ng bagong patakarang pangwika sa ilalim ng Panukalang Batas” na magkakahiwalay na ipinanukala nina Luis Villafuerte (PB Blg. 230), Eduardo Gullas (PB Blg. 305), Raul del Mar (PB Blg. 446), at Lisa Maza (PB Blg. 1138).

Kung paniniwalaan ng mga butihing mambabatas ang gaya ni Nolasco ay hindi lamang sila lilitaw na katanga-tanga sa paningin ng taumbayan, kundi nalinlang nang hindi inaasahan ng nasabing pansamantalang punong komisyoner ng KWF.  Bakit? Dahil ang “multilingguwalismong programa” ng KWF ay walang kaukulang resolusyon na pinagtibay ng buong lupon ng KWF.  At kahit hindi pa opisyal yaong posisyon ng KWF ay patuloy na itong pinagbubuhusan ng salapi na labag sa Saligang Batas, ayon sa aking impormante. Ibig sabihin, ang “multilingguwalismong programa ng KWF” ay likhang-isip lamang ni Nolasco at binuo upang sumikat siya nang wala sa lugar.

Dapat ding isaisip ng mga mambabatas na umiiral pa ang “bilingguwal” na patakaran ng pamahalaan at siya ngayong ipinatutupad sa buong bansa.

Ang dapat inaatupag ng KWF ay ang pagsusulong at pagpapayaman ng isang wikang pambansa (i.e., Filipino), imbes na biyakin ito sa pamamagitan ng “multilingguwalismo”.  Kung nais igiit ni Nolasco ang kaniyang pansariling programa, iminumungkahing palitan o buwagin ang KWF at pangalanan na lamang itong Komisyon ng Multilingguwalismo sa Filipinas (KMF).

Sa apat na panukalang batas sa Kongreso, tatlo ang pabor sa pagpapalakas ng paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sa buong Filipinas, kompara sa isa lamang na panukalang batas na nagtatakda sa Filipino bilang opisyal na wika ng pagtuturo sa mga paaralan. Heto ang nasabing mga panukalang batas:

1. Panukalang Batas Bilang 230—An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Villafuerte);

2. Panukalang Batas Bilang 305—An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Gullas);

3. Panukalang Batas Bilang 446—An Act to Strengthen the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Del Mar);

4. Panukalang Batas Bilang 1138—Batas na Nagtatakda ng Filipino bilang Opisyal na Wika ng Pagtuturo sa mga Paaralan (ni Maza).

Tanging ang panukala lamang ni Kinatawan Maza ang may kabuluhan sa nasabing mga panukalang batas. Ang panukalang batas ni Maza ay hindi lamang magpapalakas sa wikang pambansang Filipino, bagkus makatutulong pa ito upang pagbuklurin ang mga Filipino sa pamamagitan ng sama-samang paglinang sa isang wikang pambansang pinayayaman ng sari-saring wika mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Estratehiko ang posisyon ni Nolasco hinggil sa multilingguwalismo, dahil kahit sa unang malas ay pinalalakas nito ang paggamit ng wikang kinamulatan ng bata doon sa elementarya, hindi naman ito natutumbasan ng kaukulang pinansiyal na taguyod mula sa pamahalaan. Ibig sabihin, nakatakda iyong mabigo dahil wala sa priyoridad ng pamahalaan. Napakagastos ng nasabing multilingguwalismo, bukod sa tinatabunan nito ang orihinal na layon ng Kongreso na magpasa ng mga batas na magpapayabong sa isang wikang pambansa, alinsunod sa itinatadhana ng saligang batas ng 1987.

Inihain naman ni Magtanggol Gunigundo I ang Panukalang Batas Bilang 3719 na nagtatatag ng programa sa “Edukasyong Multilingguwal”. Ang nasabing panukala ay magpapataas umano “ng kalidad ng programa sa literasiya ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtuturo ng wika ng bata sa ika-anim [sic] na baitang.” Sa nasabing panukala, ang “unang wika,” ang “Ingles” at ang “Filipino” ay ituturo bilang magkahiwalay na asignatura sa antas elementarya.

Ginagago ba ng mga mambabatas ang ating wika, o seryoso talaga silang paunlarin ang ating wika? Ano ba ang gusto nila sa bata? Na lumaki siyang bihasa sa mga wika, gaya ng lingguwistang hindi mo alam kung saan nagmula? May hinuha ako na hindi talaga napag-aralan ni Gunigundo ang kaniyang panukala, at tila suntok sa buwan.

Nakapagtataka na isang boses lamang, at boses pa ng babae,  sa ngalan ni Maza ang nagsusulong ng makabuluhang panukalang batas sa wikang pambansa. Pambihira ang ginagawa ni Maza na handang sumalunga sa agos upang sumilay ang ating kabansaan. Makabubuti sa mga kasama niya sa Kongreso na tangkilikin ang PB 1138, at nang mapaunlad pa ito nang lubos.

Hindi ko nais harangin ang pagpapayaman ng mga lalawiganing wika. Ang Ingles ay dapat ituring na gaya lamang ng iba pang wika sa Filipinas at hindi dapat maging dominanteng wika bilang midyum ng pagtuturo. Samantala, nakasaad sa batas na ang wikang pambansa ay Filipino at kailangang patuloy na linangin iyon para sa kapakanan ng taumbayan.

Madaling pagtawanan ang gaya ni Miss World at ni Mister Boksingero kung balu-baluktot ang kanilang Ingles, at maraming handang magturo sa kanila ng tumpak na Ingles. Ngunit bakit hindi pinagtatawanan o nililibak kung kahit sa wikang Filipino ay mali ang gramatika at palaugnayan ng ilang ipinahahayag ng gaya ng pangulo at ikalawang pangulo ng Filipinas, pangulo ng senado o kongreso, at brodkaster na gaya ng sa ABS-CBN at GMA 7? Masyado tayong mapagkunwari.  Kailangang turuan ang nasabing mga tao na magsalita at magpahayag sa sariling wika, at ang wikang iyon ay hindi kailanman magiging Ingles.

Kailangang mag-usap ang mga Filipino sa wikang Filipino upang maunawaan ng nakararaming Filipino. Bakit, halimbawa, Ingles ang gagamitin sa kongreso at hukuman, gayong makatutulong nang malaki sa pagmumulat ng madla ang paggamit ng Filipino na mauunawan ng mga Filipino? Natitiwalag ang mga Filipino sa kanilang kaisipan, dahil iba ang lumalabas sa kanilang bibig, at iba naman ang laman ng kanilang puso at utak. 

Panahon na para palitan ng bagong punong komisyoner ang KWF. Kailangang patalsikin sa puwesto si Nolasco dahil wala siyang naitutulong sa Filipino bagkus pinababahaw pa niya ang kalagayan ng ating pambansang wika. Ang kailangan ng KWF ay isang tunay na alagad ng wikang pambansa at tunay na alagad ng sining. Alam na ninyo marahil kung sino ang aking tinutukoy.