Hostage

Ipinamalas ng mga telebisyon network ang kapalpakan ng paglusob ng pulisya sa bus na binihag ni Rolando Mendoza na dating pulis na pinaltalsik pagkaraan dahil sa mga kasong kinasangkutan habang nanunungkulan.

Una, mahina ang punong negosyador sa pagpapalaya ng mga bihag. Pinagbigyan masyado si Mendoza sa mga hiling nito. Maganda na ang pagsisikap ni Bise Alkalde Isko Moreno na nagtungo pa sa Ombudsman ngunit hindi malinaw sa buong pangyayari kung sino ang itinalagang punong negosyador na handang makipag-ayos at maalam sa sikolohiya ng buryong na pulis na gaya ni Mendoza.

Ikalawa, inakala ng mga pulis na ordinaryong pagbihag lamang iyon na malulutas sa pakiusap. Lumipas ang napakatagal na oras bago nagpasiyang lusubin ang bus. Masyadong pinagbigyan ng mga pulis si Mendoza na waring pagpabor sa mga dating kasamang pulis.

Ikatlo, hindi napagplanuhan nang maigi kung paano lulusubin ang bus. Inalam muna dapat ang mga paraan kung paano papasukin ang bus: sa ilalim ba o gilid, sa harap ba o sa itaas.

Ikaapat, pulos porma ang SWAT na nang lumusob ay nakaarmalayt ang iba. Paano ka babaril nang malapitan at sa makitid na lugar gaya ng bus kung M-16 ang hawak? Hindi ba ang kailangan ay maiikling baril, gaya ng kalibre .45 o uzi?

Ikalima, hindi kompleto sa gamit ang SWAT. Nang lumusob ang mga kawal, walang nakasuot ng night vision goggles. May naghagis ng stun bomb o teargas pero ang nagtangkang pumasok na mga pulis ay walang gas mask.

Ikaanim, hindi marunong magmaso ang mga pulis. Sinikap ng isang kawal na masuhin ang bintana, gayunman ay hanggang pagbasag lamang ng bintana ang ginawa. Binasag din ang pintuan, ngunit nabigo pa ring mabuksan iyon hanggang sikapin na lamang na itali ng lubid ang pinto at ipahila sa isang sasakyan. Nalagot ang lubid at hindi pa rin nabuksan ang pinto. Binasag ang harapang salamin, at nang mabutas na ito’y lumusot sa loob ng bus ang maso.

Ikapito, walang kumontrol sa mga usisero. Isang usiserong bata ang tinamaan ng bala. Pinagdadampot dapat ng mga pulis ang mga usiserong ito, kung hindi man pinaghahataw ng batuta, dahil imbes na makatulong ay nagpalala pa ng seguridad ng mga inililikas o sinasagip na tao.

Ikawalo, masyadong maluwag ang coverage ng media. Pinagbigyan ng pulisya ang mga telebisyon network na isahimpapawid ang mga pangyayaring may kaugnayan sa negosasyon. Sa ganitong  pangyayari, namomonitor ng salarin ang mga pangyayari sa labas ng bus. Nagamit din ang media para magmukhang kaawa-awa ang kapatid ni Mendoza na isa ring pulis. At lumitaw din ang kahinaan ng media, dahil sa haba ng oras ng pamimihag, walang nagsaliksik sa buhay ni Mendoza kung karapat-dapat nga itong maparusahan o maparangalan.

Ikasiyam, ang mga kaanak ni Mendoza ay hindi nakontrol ng mga pulis, at puwedeng imbestigahan din dahil nagpainit pa ang mga ito sa dapat sanang kalmanteng negosasyon.

Ikasampu, nang binuksan ang pinto ng bus at kumaway si Mendoza ay dapat pinaputukan agad ng mga sniper. Pero walang pumutok. Ang dating pulis na armado at namihag ng mga turista ay hindi dapat pinagbibigyan nang matagal. May panganib siyang hatid, at kung kinakailangan siya barilin ay ginawa dapat nang maaga.

Ikalabing-isa, walang pahayag na nagmula man lamang sa Kagawaran ng Turismo o Ugnayang Panlabas. Dapat kumikilos agad ang mga opisyal nito dahil ang sangkot sa krisis ay mga turista.

Iisa lamang si Mendoza ngunit ang isang tao na ito ay halos wasakin ang buong imahen ng pambansang pulisya. Paano magtitiwala ang mga bata sa pulis, gaya ng propaganda nito sa mga paaralan na tumutula-tula ang isang babaeng pulis? Isang malungkot na pangyayari ang pamimihag, na dapat iwasan ngayon at sa mga darating na panahon.

PAHABOL: Malaki ang pagkakamali ng drayber ng bus ng mga turista. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay pinasakay nito ang armadong si Rolando Mendoza na parang nag-aangkas ng kung sinong pulis. Dapat maging aral ito sa mga drayber na hindi dapat magpasakay ng kung sinong armadong tao, kahit magpilit pa ito para sa seguridad ng mga pasahero.