Ikalimampu’t siyam na Aralin: Ang Agos, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálimámpû’t siyám na Aralín: Ang Ágos

Roberto T. Añonuevo

“Másalimuót na súrang ang kasalukúyan,” wíwikàin sa iyó ng inhinyéro ng mga wikà; at ikáw bílang tulâ ay pagníniláyan ang ináasáhang ikatlóng matá ng liwánag sa pinilìng destinasyón. Maglálandás ka na káhawíg ng pinagtambal na kutséro at hinéte ngúnit mabíbigô sa kapaná-panabík na biyáhe dáhil hiníhikà ang kabáyo; o kayâ’y binanggâ mo ang mga dambuhalà na ang totoó’y palapà ng molíno; manánagínip ka na lámang na túlad ng patáy na sapà at lumàng póso négro úpang magpalusót na malíkmatá ang lahát at salamángka ng tadhanà. Bumábará ang pámbihiràng kombinasyón ng mga buhók, múmo, at sébo sa warì mo’y alkantarílya na isá ring daigdíg at dánas, at ikáw na tinítimbáng na artefákto ng kabihasnán ay handâng tumigás na padér sa maláo’t madalî kasáma ng dî-ináasáhang basúra, búrak, at buhángin sa máalamát na imburnál at realidád. Itó maráhil ang ngayón ng iyóng pagmámahál sa mithîng músa; itó ang ngayón ng lahát ng nagtítiís sa umaápaw na túbig sa labábo at tumatágas na túbig mulâ sa sahíg o padér. Itó ang ngayón na sásalaksakín nang paúlit-úlit sa táwag ng pangángailángan; o híhigúpin sakâ isusúka mulî ng kung anóng makína na tumátanggíng lumingón sa nakaraáng kapabayàán at pagmámalabís sa kusinà at pagpípigíng ng mga konosedór. Itó ang ngayón ng pagkákaláwang ng kamalayán at pagsísikíp sa dinaraánan ng étiká at pananálig; pagnánasáhan na lámang ang kinabukásan na kung tawágin ay ginháwa o éxtasis. Itó ang ngayón ng paghintô; o higít na tumpák, ang paghintô ng ngayón na isá ring íperrealidád. Ang kasalimuótan ay isáng pangárap-at-gusót.  Ang súrang ay isá nang libíngan. At ang kasalukúyan ay tátanawíng umáalunigníg na palakpák at paswít mulâ sa mga tubéro—na tinatáwag namán ng isáng arkitékto ng mga talinghagà pára sa bágong misyón at húkay.

Alimbúkad: Epic poetry tunnel meditation across the world. Photo by Harrison Haines on Pexels.com

Ikadalawampu’t dalawang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ikádalawámpû’t dalawáng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Kapág naniwalàng kákabít ng makatà ang tulâ, ang tulâ—sa áyaw nitó at sa gustó—ay maitátagnî sa panahón, tatakán mang sinaúna o móderno. Gayunmán, magtátaksíl sa ibá’t ibáng paraán ang tulâ bílang panlílinláng sa mambabása, lílikhâ ng pagkámatulâin sa saríli na págpaloób sa pasíkot-síkot na yungíb, at kúkutyâín sakâ iíwan kung saán ang makatà nang tíla nagpápalít ng damít. Ang tulâ ay tulâ walâ man ang makatà; datapwât “makápagpápaláwig sa míto ng makatà,” gáya ng winikà ni C.F. Bautista. Lahát ng pánsamantalá (at lumilípas) ay máibibítin sa hángin o pananabík bágo tulúyang maglahò; máikákahón sa mga estátikóng katagâ dáhil madalíng mawalâ at nang magkároón ng tránspormasyón; at pagkaraán, ang éstado ng ináakalàng yugtô sa sérye ng mga hulagwáy o pangyayári, gaáno man kabilís o kaliít, ay nahíhigít na tíla góma hanggáng malagót sa karanasán, guníguní, kasaysáyan, réalidád. Nása pagkálagót o paglagót sa ugát ang ikinarírikít ng pánsamantalá. Ang pánsamantalá ay maáarìng ngayón, sanhî man ng kapahamakán o pangánib na nagháhanáp ng tugón, ngúnit magíging ábsurdo kung ipapátaw pa sa nakalípas. Sa hangád na magíng makabágo, ang tulâ’y dî-nakáiíwas lumingón nang pugót ang úlo sa nakaraán. At sa ganitóng kalagáyan, kinákapós kung hindî man nawáwalán ng músika ang pánsamantalá, bagamán may diwà o maháhagíp itó sa ísip gáya ng nakagígitlâng lintík. Dumáraán ang pagdánas sa pánsamantalá sa limáng pandamá, sinásalà ng útak na kung tawágin ay bukál o kabihasnán, ngúnit manánatíling tunóg na salát sa simetríya. Nabúbuô ang simetríya kapág isínaálang-álang ang kabuôán o síklo, gáya sa diwà o téma, at ang kasunód ay ang malikhâing paraán ng paghúli sa tagpô.

Úpang mapáhabà at mahúli nang lubós ang pánsamantalá, kinákailángan ang kalkuládong repetisyón ng diwàing kapág ipinások sa isáng páhiná ay magkakároón ng hanggáhang tíla pagtítig sa kuwádro kung hindî man panónoód ng maiklîng pelikúla subálit may kákayaháng umalingawngáw sa mga súsunód na páhiná o tumákas palabás sa páhiná. Sa yugtóng itó, ang pagkámatulâin ng tulá ay likás na lumílitáw sa mga pagsasákatagâ, káhit pa karaníwan kung tumúring o tumanáw ang isináharáyang pérsona. Ang estétikóng silbí ng mésa, na kinapápatúngan ng dalawáng páres na santól at pakwán, ang sásagápin sakâ háhabúlin ng tumítingín sa hágod, kúlay at téstura ng óleo pagsápit sa kámbas, sa sínag na bumábalándra sa káhoy o tapéte, at pagdáka’y mághaháin ng répresentasyón ang mésa mulâ sa guníguníng daigdíg na ikabúbusóg ng paningín at ikasísiyá ng mga bisíta kapág napatítig sa dingdíng. Sapagkát isínabúhay ang dalúmat ng pánsamantalá, ang tulâ ay makapágdudúlot ng igláp na lugód o suklám o ligálig sa dáti nang nakápirmíng répresentasyón ng mga bágay-bágay, sa mga antígong náratíbo na mahúhulàan ang bangháy at wakás, alinsúnod sa namámayáning tínig nitó. Ngúnit dáhil pánsamantalá o sabíhin nang panandalî, ang gáyong urì ng tulâ ay mabilís kapusín sa pagtátagúyod ng sariwàng pagtanáw sa kasaysáyan (bagamán nagsisíkap punûán ang síwang ng kasaysáyan), at malímit nása pelígrong hindî makapágdagdág sa bokábuláryo o epígrape dúlot ng limitasyóng ipinátaw mísmo sa saríli. Likás na sumásalungát ang anumáng pánsamantalá sa maipápanukalàng panghíhimások sa kanónigong kasaysáyan. Ang kahambugán ng tulâ ang maggígiít na itó ang kasaysáyan at walâ nang ibá pa: Akó ang daigdíg! Akó ang tulâ! Úpang magíng ínmortál, ang tulâ ng pánsamantalá at panandalîang pag-íral ay kailángang íwan ang makatà, linangín nang kusà ang saríli, o kayâ’y unawàin ang mga piyésa at bahagì ng aparáto ng paglikhâ úpang baklasín at ikabít mulî nang paúlit-úlit hanggáng dumáko sa sukdól na kaganápan. Ang ganitóng nakabábatóng próseso ay isáng magandáng ehersísyo—tapát at walâng báhid ng banidád—na dápat samantalahín, hanggá’t maága, bágo lumípat sa ambisyósong pakikipágsapalarán doón sa bukás na larángan.

Alimbúkad: Epic fleeting poetry walking the talk. Photo by Craig Dennis on Pexels.com

Parabula ng Pagsagip, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Pagsagíp

Roberto T. Añonuevo

Maniníwalà ka, gáya ng ibá pang binatà, na may sinaúnang kástilyo sa gitnâ ng masúkal, matarík na gúbat, at doón naníniráhan ang isáng huklúbang áda na alangáning diwatà ngúnit malayàng isíping may katangìan ng asuwáng o mangkukúlam, na káyang maghúnos na kuwágo, o lumákad nang tahímik gáya ng músang hábang may liwánag, subálit magbábalík na huklúbang babáe pagsápit ng gabí. Íbon o háyop sa umága, datapuwâ matandâng dalága sa gabí! Mapápatawá ka, sapagkát maráhil ay inaántok kung hindî man natutúlog ang kuwágo o músang sa buông maghápon, sámantálang magpapátotoó sa kataúhan ng babáeng posíbleng masúngit at nakáiwánan ng panahón—na balisâ at mapág-alalá sa gabí—at magbábantáy nang buông sigásig úpang pigílin ang sinúmang binatàng makalápit sa mga padér ng kástilyo. Ang sinaúnang kástilyo, kapág tinangkâng pasúkin ng kung sínong dalága’y may sumpâ dîumanó, at magíging tagbáya ang dalága, na sásaklutín ng kuwágo o sásakmalín ng músang úpang íbilanggô sa mahíwagàng háwlang mabúbuksán lámang ng pag-íbig ng binátang makapágpapálayà sa bíhag na dilág. Maniníwalà ka rin sa pitúndaáng háwlang may pitúndaáng íbon, na ang húni ay warìng tagúlayláy sa mga naúnsiyamîng tadhanà. Maniníwalà ka pa sa binibíning kasíngrikít ni Jorinda, na mailíligtás sa pamámagítan ng bulaklák na lílang may mutyâng hamóg, at sa pagsagíp ni Jorindel, na háhamákin ang lahát ng ímpakto’t hadláng sa loób ng walóng gabí’t siyám na áraw, makíta lámang ang babáeng minámahál. Sapagkát umiíbig ka nang higít sa paníningalâng-púgad, maglálahò ang iyóng saríli, itúring man itóng panagínip o kathâng-ísip. Ang háwla ng áda, kapág nádampîán ng bulaklák na líla ay úulít-ulítin ng mga dilà hanggáng makáratíng sa pandiníg ng mágkapatíd, gáya niná Jacob at Wilhelm, na maráhil ay sinúlat ang kúwento pára sa mga paslít at nang maílathalà sa elektrónikong mágasin makalípas ang kung iláng síglo, bágo mulîng hulíhin ng tukayò ni Vladimir Propp sakâ magíng alíwan sa métabérso ang padrón at balangkás nitó, isasádulâ sa esotérikong wikà ng Momòland, hábang nag-íimpók ka ng mga kríptopíso at nagkúkublí sa mga huwád na pangálan o hirám na hulagwáy. Magtátaksíl ang iyong gunitâ, túlad ng ártipisyál na karunúngan, subálit panínindigán mo ang lahát, magbáwa man ang iyóng tiwalà sa mga salitâ.

Alimbúkad: Epic poetry metamorphosis challenging the status quo. Photo by Alesia Kozik on Pexels.com

Laglág, ni Roberto T. Añonuevo

Laglág

Roberto T. Añonuevo

Mga dáhon ng talísay na iníhalò sa pútik
Ang pinakámadilím na gabí sa áking baníg.

Sing-itím maráhil ni Tapár nang mág-aníto
Bágo habúlin ng mga sibát si Fray Francisco.

Ngúnit dumádapò sa nilálagnát na ulirát
Ang Mapulón na hihílom sa súgat ng pálad.

Akalà ba ni Galileo'y pitóng asúl na babáe
Ang umíindák nang mágkasíning ang gabí?

Walâ akó ni téleskópyo; gayúnman ay ramdám
At tiyák ang landás sa mápa ng paralúman.

Naghíhintáy ang búkid sa mga magsasáka,
At ang tág-aráw ay nakalálangóng pag-ása.

Nakáhigâ akó’t dumílat ang pílat sa dibdíb,
Hábang sumasábog ang talà ng mga pag-íbig.
Alimbúkad: Epic freedom poetry in search of humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Pakpak ng Balita, ni Roberto T. Añonuevo

Pakpák ng Balità

Roberto T. Añonuevo

Nása dúlo ng lápis ang túlin ng liwánag, at nang habúlin itó ng talangkâ kung mag-isíp, nabuô maráhil ang sabwátan ng mga sényas sa Pétra, ang súbmarínong óptika ng nalúnod na Atlantis, ang umáasóng tsaá para sa éspiya ng émperadór, ang halimúyak ng alindóg at pagtátaksíl sa kórtesána, ang aritmétika ng mga diyamánteng puslít, at umáatíkabóng huntáhan ng mga pilîng kasapì ng kapatíran sa landás ng hablón at tulisán. Nása dúlo ng lápis ang liwánag ng bilís, na pósibleng winikà ng kung sínong ulól pára magkábagwís, sakâ pumáloób sa kaliwàng taingá at tumákas pagkáraán sa kánang taingá. Kalabisán kung ihambíng ang hakbáng ng pagóng sa lundág ng kángguro: magkáibá ang kani-kaniyáng sandalî at pag-íral, itúring man ito na lástikong kaganápan. Ang lápis, upód man o matúlis, ang panahón na iníwan mo at kisápmatáng binalikán, hábang umúulán ng mga táeng-bituín at natítigmák sa hamóg ang mga dáhon. Ngúnit ang panahón ay hindî magkákasunód na blóke ng tisà, o napakáhabàng taytáy o rilés, bagkús isáng tuyót na balón, ang éspasyong panahón, sinasálok ngúnit ikáw ang nilalámon, sinisílip ngúnit nagkakaít ng lángit.  Ang makúpad mag-ísip, gáya ng kaharáp mo, ay tíla iníwang lápis sa mésa—nagninílay na nagkúkunwâng tumútulâ, tumútulâ na nagkúkunwâng nagninílay, bágo saksakín ang dáting poón, o kalagín ang paláisipán sa pangínginíg ng kamáy.   

Alimbúkad: Epic raging poetry without warning. Photo by Mike on Pexels.com

Pulo ng Sandali, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Sandalî

Roberto T. Añonuevo

Nabúburá ang kalendáryo sa Pulô ng Sandalî, at díto ay máaarì kang magpátumpík-tumpík nang dî-alíntanà kung anó ang mágaganáp sa hináharáp. Hindî ka ríto máaarìng uyamíng huklúbang pawíkang lumalákad, o paratángan na patabâing pánda na lumapág sa buwán úpang doón mágparámi ng lahì. Walàng sasawáy sa iyó ríto, at itó ang kalákarán sa poók na itó. Maípagpápalíban mo ríto ang pághahanáp sa iyóng mahál, gáya ng nakáugalìan ng mga batâng kapág inutúsan ng kaniláng mga magúlang pára maghúgas ng mga báso at pinggán ay mabilís tutugón ng “Sandalî po!” na ang sandalî ay magíging isáng taón, ang isáng taón ay magíging ísang síglo, at ang ísang síglo ay magíging sampûng síglo na makapágsasálaysáy ng mga artéfakto ng kawalâng-pakíalám. Sapagkát hindî máhalagá ang panahón, ang sandalî ay kisápmatáng ipágpapálit sa páglalarô ng Dóta o pagtámbay sa Netflix o pakikípag-úsap nang mag-isá sa sélfon. Uminóm ka man maghápon ay maipágpapalíban ang pagpápahingá kapalít ng ónlayn sábong. Magtrabáho sa gobyérno’y maipágpapalíban ang serbísyo publíko, na pára bang pinunòng palagìng nágbibirô, hiníhigít ang pasénsiyá ng públikó, at nághihintáy ng kudéta mulâ sa sandátaháng ásong kumákahól. Sa Pulô ng Sandalî, ang lahát ay batà kung hindî man ísip-batà, na hindî tumátandâ, at kung nagkátaón mang may anyông tiguláng ay tumátandâ nang pauróng. Sapagkát walâng takdâ ang panahón, mágagawâ ninúman ang kaniyáng náis o láyaw at walâng makásisitá sa kaniyá. “Anák, bumilí ka múna ng pandesál.” “Sandalî po!” “Íha, magwalís ka namán sa sála.” “Sandalî po!” “Ího, maglutô ka na!” “Sandalî po!” Ngúnit daráting din ang dî-ináasáhang sandalî na ang buông henérasyón na lumakí sa sandalî ay mayáyamót sa saríli, sapagkát káhit ang pagkakásunód-sunód ng mga nakálakháng gawâin ay mababágo. Halímbawà, ang agáhan ay magigíng tanghalìan. Ang tanghalìan ay biglâang púlong, at ang hapúnan ay pagsakáy sa eropláno. Ang pag-aáral ay pagtátrabáho, ang pagtátrabáho ay págkukulóng sa kuwartó nang kung iláng linggó. Mawáwalán ng silbí ríto ang pagtatáya ng búhay pára sa minámahál, sapagkát maipágpapalíban ang panlilígaw at pagpapákasál; maipágpapalíban ang págbubuntís at págpupundár ng tahánan; maipágpapalíban ang págtitiiís o paghingî ng paúmanhín; maipágpapalíban ang pag-abót sa pangárap; maipágpapalíban ang pagharáp sa katótohánan at salamin; at higít sa lahát, maipágpapalíban káhit ang pagsasábi nang tapát. Maipágpapalíban din díto ang págmamahál sa báyan, at manákop man ang mga banyagà ay ipágdiríwang pa ng mga kabatàan na mahílig tumíktok at mágpatawá pára sumíkat at kumíta. Kayâ kapág dumakò ka sa Pulô ng Sandalî, posíbleng mahiráti ka na ríto hábambúhay. Malilímot mo ríto ang ngálan ng íyóng inaasám, malilímot mo ang iyóng saríli, malilímot mo káhit ang paglikhâ ng musíka sa loób ng ísip at guníguní. Sasápit ka sa estatíkong yugtô sapagkát iyán ang tadhanà sa Pulô ng Sandalî. Kung sakalì’t maligáw doón ang iyóng mahál, maáarìng ipágpalíban din niyá ang pakikípagtipán sa iyó, at hindî mo mapápansín na may ípot ka na palá sa úlo.

Alimbúkad: Poetry challenging time and timelessness. Photo by Jonathan Borba on Pexels.com

Pawikan, ni Roberto T. Añonuevo

 Pawikan
 
 Roberto T. Añonuevo
  
 Pahiram ng puso
 nang mapalitan ang palyado
 kong puso.
 Lumalangoy, lumulutang ang panahon 
 ngunit dibdib mo’y nananatiling
 artsibo ng mga barko at pulô——
 hindi mamatáy-matáy,
 sagupain man ang daluyong
 o habulin ng mga taliptip.
 Pahiram ng puso
 na dukutin man ng kumatay
 sa iyo at minsang paglaruan
 ay pumipitlag pa rin sa palad
 at tila sumisigaw ng kalayaan.
 Pahiram ng puso
 ngunit ilihim ang luha sa asin.
 Marami akong dapat ibigin
 bilang destiyero sa laot ng dilim. 
Alimbúkad: Poetry freedom, freedom poetry. Photo by Belle Co on Pexels.com

Ang Tinig na Hiram Ko sa Iyo, ni Pedro Salinas

Salin ng ikalabindalawang yugto ng “La voz a ti debida”  
ni Pedro Salinas ng España / Spain
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Ang Tinig na Hiram Ko sa Iyo
  
 12
 Hindi kailangan ang panahon
 upang mabatid ang kahawig mo:
 Magkakilala tayo gaya ng kidlat.
 Sino ang susubok na maarok ka
 sa mga salitang hindi sinasabi
 o kaya’y pinipigil mong sabihin?
 Sinumang naghahanap sa búhay
 na isinasabuhay mo ngayon ay taglay
 ang mga alusyon hinggil sa iyo,
 ang mga palusot na kinukublihan mo.
 Ang bumuntot sa iyo sa lahat 
 ng nagawa mo na, ang magdagdag 
 ng kilos para makuhang ngumiti,
 ng mga taon sa mga pangalan,
 ay paglapit para mawala ka. Hindi ako.
 Dumating ako sa iyo na bagyo.
 Nakilala kita, nang kay bilis,
 noong brutal na napupunit
 ang takipsilim at liwanag,
 na ang lalim na tumatakas
 sa araw at gabi ay nabubunyag.
 Nakita kita’t nakita ako, at ngayon,
 hubad sa lahat ng walang katiyakan,
 ng kasaysayan, ng nakalipas,
 ikaw, amasonang sakay ng kidlat,
 pumipitlag ngayon mula sa hindi
 inaasahang pagdating,
 napakasinauna ka para sa akin,
 kilala na kita nang napakatagal;
 na nakapipikit ako sa iyong pag-ibig,
 at nakalalakad nang tama at ligtas
 sa pagkabulag ko; walang may ibig
 sa gayong mabagal, tiyak na sinag
 na alam ng mga tao ang kahihinatnan
 ng mga titik, anyo, at pigura,
 at naniniwala na kilala ka nila,
 kung sino ka, ang aking tagabulag.
   
Alimbúkad: Ultra-passionate poetry beyond your textbook. Photo by Dave Morgan on Pexels.com

Teorya at Praktika ng Tula, ni Haroldo de Campos

Salin ng “Teoria e Prática do Poema,” ni Haroldo de Campos ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Teorya at Praktika ng Tula

I
Mga ibong pilak, ang Tula
ay dumudukal ng teorya sa sariling paglipad.
Filomela ng nagbanyuhay na bughaw,
sukát na heometra
ang Tula na nagninilay sa sarili nito
gaya ng bilog na nagninilay ng sentro
gaya ng rayos na nagninilay sa bilog
ang kristalinang fulkro ng paggalaw.

II
Ginagaya ng ibon ang sarili sa bawat paglipad
ang rurok ng garing na ang nakayayanig
na pagkabalisa ang arbitro
sa mga puwersa ng linya ng paggalaw.
Nagiging ibon ang ibon sa paglipad,
ang salamin ng sarili, ang tigulang
na orbit
na umaabang sa Panahon.

III
Mapagtimpi, ang Tula ay isinasantabi ang sarili.
Leopardong pinagninilayan ang sarili sa paglundag,
ano ang mangyayari sa biktima, ulop ng tunog,
mailap
na usa ng mga pandama?
Ang Tula ay nagpapanukala sa sarili: ang sistema
ng mababagsik na hatag,
ang ebolusyon ng mga pigura laban sa hanging
ahedres ng mga bituin. Hunyango ng panununog
na naghahamon, nananatiling malayong masaktan,
lumulubog ang araw sa sentro nito.

IV
At paano ito nagaganap? Anong teorya
ang gumagabay sa mga espasyo ng sariling paglipad?
Anong balastro ang pumipigil dito? Anong bigat
ang kumukurba sa tensiyon ng paghinga?
Sitara ng wika, paano nakikinig ang isang tao?
Hinubog sa ginto, gaya ng nakikita natin,
nasa proporsiyon nito ang Kaisipan.

V
Masdan: nabiyak sa dalawa
ang mahanging pagsasanib ng paggalaw
na namamahingang baylarina. Akrobata,
pag-iral ng madaling paglipad,
plenilunyong prinsesa ng kaharian
ng mga lambong ng pamilihan: Simoy.
Saan nag-ugat ang impulsong humahatak sa kaniya,
na mapagmataas, sa panandaliang pangako?
Hindi tulad ng ibon
na umaayon sa kalikasan
bagkus ito’y bathala
contra naturam sa pag-imbulog.

VI
Gayon ang Tula. Sa larang ng ekilibriyong
eliseo na pinapangarap nito
ay lumalawig ang lahat dahil sa angking husay.
Ang maliksing atletang may bagwis
ay nakatuon sa trapeseo ng abentura.
Hindi isinasaharaya ng mga ibon ang sarili nila.
Pinagninilayan ng Tula ang lahat bago maganap.
Sinusundan nito ang yugto ng walang hanggang
astronomiya at doon nagiging mga balbuning Oryon.
Kumbaga, siya mismo ang arbitro at hukom,
si Lusbel na lumundag pabulusok sa kailaliman,
malaya,
sa harapan ng dakilang hari
ang haring mababa kaysa dakila.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Gaston Roulstone

 

Lagay ng Panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Lagay ng Panahon

Roberto T. Añonuevo

Nagsilindro ang mga anino sa tanghaling-tapat,
nakinig ang palaboy na askal
sa tabi ng tindahan,
at pagkaraan, ang pagkamangha ay naibulsa
ng mga multong naglalakad sa bangketa.
Lumipad ang kumakatal na matandang himig
na bumubuga ang guniguni sa mga traysikel,
at tumawid ang ambulansiya na parang sigà.
Isinapelikula ng mga tambay na paslit ang inip;
naghihintay ng suki ang latag ng prutas, gulay
ngunit bumibili lámang sa sulyap at takam
ang sinumang mapadaan.
Nagtinginan ang mga bilbord ng mga negosyo
na kung mga politiko’y magsisilid ng kamay
sa hungkag na kahon.
Nagbibilang wari ng mga maysakit ang hangin.
Naglaho ang mukha kapalit ng libong maskara.
Nangarap ng videoke ang kalapati sa poste.
At maya-maya’y nagkaulap ng pangamba
habang tahimik na papalapit nang papalapit
ang mga unipormadong tagawalis at tanod.
Saka nagtalumpati na tila sangganong pangulo
ang radyo—sa uyam ng silindro ng mga anino
na ayaw pasindak sa bilibid, uhog, at ulan—
para sa hanapbuhay ng pagsusunog ng bangkay.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Ramadan Morina