Ang Kakatwang Nilalang sa Daigdig, ni Nâzim Hikmet

Salin ng “Dünyanin en tuhaf mahluku,” ni Nâzim Hikmet ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kakatwang Nilalang sa Daigdig

Para kang alakdan, kapatid,
duwag kang namumuhay sa dilim gaya ng alakdan.
Para kang maya, kapatid,
na pumapagaspas gaya ng maya.
Para kang talaba, kapatid,
nakapinid ang takupis at panatag na panatag.
At nakatatakot ka, kapatid,
gaya ng bunganga ng patay na bulkan.

Hindi isa,
. . . . . . . . . hindi lima,
. . . . . . . . . . . .  .  .bagkus milyon-milyon ang bilang mo.

Para kang tupa, kapatid,
kapag itinaas ng nakabalabal na pastol ang patpat,
mabilis kang sumasapi sa kawan
at tumatakbo, halos nagmamalaki, pa-katayan.
Kakatwa kang nilalang sa daigdig
higit na kakatwa sa isda
na hindi makita ang karagatan para sa tubig.

At ang kaapihan sa daigdig na ito
. . . . . . . . . .. . . . . . . . . . . .ay ipinagpapasalamat mo pa.
At kung tayo man ay nagugutom, pagod, duguan,
at dinudurog na tila mga ubas para maging alak,
kasalanan mo iyan—
. . . . . . . . . .na hindi ko kayang bigkasin—ngunit
ang karamihan ng sala ay dahil sa iyo, kapatid!

Alimbúkad: Uncensored poetry imagination for humanity. Photo by Mita Park.

Ang Araw ng Tagumpay, ni Rużar Briffa

Salin ng “Jum ir-Rebh,” ni Rużar Briffa ng Malta
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Araw ng Tagumpay

Biglang napukaw ang madla at humiyaw: “Maltés ako!
Sino ang nanlilibak sa akin? Sino ang nangmamaliit sa akin?”
Sabay-sabay umawit ang laksang tao upang sila’y marinig.
Ang pambansang awit ng Malta—at ang tinig ay nagwagi
Laban sa paghimbing noon at sa nakaaantok na kawalang
Pakialam noong tulog kami sa kama na sakop ng banyaga.
At ang kaluluwa ni Vasalli ay bumangon mula sa libingan,
At siya’y sumigaw: “Sa wakas, makapagpapahinga na ako!”

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Magdalena Smolnicka @ unsplash.com

Mga Mapa, ni Alberto Blanco

Salin ng “Mapas,” ni Alberto Blanco ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Mapa

. . . . . . . . . . . .I
Magsimula tayo sa pinakauna:
Ang Mundo ay hindi ang lupa ng mundo:
Hindi teritoryo itong isang mapa.
Hindi isang mapa itong teritoryo.

Ang mapa ay isang hulagway.
Ang mapa ay isang paraan ng pagsasalita.
Ang mapa ay kalipunan ng mga gunita.
Ang mapa ay representasyong proporsiyonal.

Ang apat na hangin, ang apat na ilog, ang apat na pinto, ang apat na haligi
. . . .ng mundo na walang pinag-uusapan ang mga mito kundi ang apat
. . . .na sulok ng mapa.

Bawat mapa ay isang hulagway, pintura, talinghaga, deskripsiyon. . .
Ngunit hindi bawat deskripsiyon, talinghaga, hulagway, o sa isang
. . . .kaso, hindi bawat pintura—dahil kailangan—ay mapa.
Bagaman maaaring maging gayon.

. . . . . . . . . . . .II
Walang saysay ang mapa—gaya ng winika ng pintor na Nabi Maurice
. . . .Denis sa lahat ng pintura—bagkus isang areglo ng mga anyo
. . . .at kulay sa dalawang-dimensiyong rabaw.

Kung ang buong teritoryo’y omohéneo, tanging hugis ng mga hanggahan
. . . .ng teritoryo ang mailalahok sa mapa.

Walang punongkahoy ang tumutubo sa mapa.

Ang mapa ng tunay na mundo’y hindi mababaw na guniguni kompara
. . . .sa guniguning mundo.

. . . . . . . . . . .III
Ang mapa’y wala kundi dalawang-dimensiyonal na representasyon ng
. . . .tatlong-dimensiyonal na mundo na dinadalaw ng multo: panahon.

Kung maimamapa natin ang tatlong-dimensiyonal na mundo sa dalawang
. . . .dimensiyon, posible ring maipama ang apat-na-dimensiyonal
. . . .na mundo sa tatlong dimensiyon.

Sa olográfikong mapa, ang panahon ay marapat na maimapa.

Gaya ng Mundong hindi humihintong magbago sa paglipas ng panahon,
. . . .ang kasaysayan ng mga mapa ay hindi humihinto sa kasaysayan.
Ang ídea natin ng espasyo ay nagbabago alinsunod sa mga pagbabago
. . . .sa ating ídea ng panahon.

. . . . . . . . . . .IV
Bawat mapa ay nagsisimula sa paglalakbay.
Ngunit ang bawat paglalakbay ba’y nagsisimula sa mapa?

Ang mapa ay sa paglalakbay kung ang mito ay sa wika.

Ang mga mapa, noon pa man, ay mga kuwento ng biyahe.
Nang lumaon, ang mga mapa’y tanawin sa gilid ng panganorin:
. . . .Mga biswal na salaysay.
At sa wakas, mula sa pananaw ng ibon: mga tulang heograpiko.

Ang mapa ay masining na manipestasyon ng tákot sa nalilingid.

 . . . . . . . . . . .V
Sipatin ang lupain mula sa itaas: kahambugan ng pekeng diyos.

Sa simula, ang mga mapa ng mundo ay kaagapay ng mga mapa
. . . .kalangitan.
Nang lumaon, ang mga mapa’y naiwang walang langit.
Kung magpapatuloy ito, ang mga susunod na mapa’y mawawalan
. . . .ng mundo.

Hindi totoo ang anumang katotohanang maisasalaysay.
Ang mga salita’y taliwas sa mga pinatutungkulan nito.
Ang mga mapa ng mundo ay taliwas sa nasasagap na mundo.
Ang mga karta ng mga bituin ay hindi yaong kalangitan.

Ang tuldok ay bayan.
Ang linya ay isang haywey.
Ang pintadong rabaw ay isang bansa.
Ang isang tomo ay mapa marahil ng kasaysayan.

 . . . . . . . . . . .VI
Mga mapang eksteryor: heograpiya.
Mga mapang interyor: sikograpiya.
Ang mga pandama ang mga pinto.
Ang mga hanggaha’y láwas na buo.

Ang aral na mahuhugot sa mga mapa’y kaugnay ng ídea ng kontrol,
o—sa maraming kaso—sa ídea ng konserbasyon.

Kung iisipin ang tuwirang relasyon na umiiral sa mga mapa at tubò,
. . . .mga digma ng pananakop, at pagsaklaw sa panahon, hindi
. . . .maiiwasang magunita ang tula ni Stephen Spender:
Ang Kronometro at ang Mapa ng Artilyeriya.

Ang mapa ang suka ng ambisyon ng tao.
Ang ambisyon ng tao ang sukat ng Sistema ng mga reperensiya.

Ang lahat ng punto ng reperensiya sa mapa ay palabas sumipat.

. . . . . . . . . . . .VII
Mga mapa ang mga ideal na retrato ng ating ina.

Tinititigan tayo ng mga mapa kapag ipinamalas nila ang mga rabaw nila.
Kapag ibig ipakita ang lalim, tumitingin ang mga ito nang patagilid.

Noong bago pa ang kartograpiya, hindi pa possible—marahil hindi
. . . .kanais-nais—na ibukod ang mga teritoryo ng pagiging gising
. . .  mula sa mga tanawin ng panaginip.

Ano ang mga kulay ng mapa kundi pangangarap?
Ang anestesyadong gunita ng ating kabataan.
Sa tanggapan ng kartograpo, ito’y bintanang bukás.
Ligayang pinakapayak, pinakalantay na bukál.

. . . . . . . . . . . VIII
Bawat mapa ay isang isla.

Ang dáting ilahas na teritoryo’y isa nang mapa.

Lahat ng pagsulat ay pira-piraso.
Bawat mapa ay pira-piraso.

Walang nagaganap na paglalakbay sa mga mapa.
Sa tula ay walang ganap na naisasakataga.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Magkikita tayo sa langit, ni Roberto T. Añonuevo

Magkikita tayo sa langit

Roberto T. Añonuevo

Matatakpan ng laksa-laksang saranggola ang langit,
At lilitaw ang sumisingasing na kabayo at dragon,
Lalangoy sa kaitasan ang mga balyena at lumba-lumba,
Lulutang ang mga kahon, watawat, at ulupong,
Iikot saka aalagwa ang mga leon, kalapati’t mariposa
Hangga’t hindi natin nayayapakan ang ating lupain.
Bakit ang himpapawid ay dapat lagyan ng hanggahan
Ay hindi natin maunawaan. Sasabihin ba nila sa ibon,
“Bawal pumasok dito?” kung nagmula sa ibang lupalop?
Mapipigil ba ang simoy para samyuin lámang nila
Sa lupaing dati nating nililinang, nilalandas, tinitirhan?
Mauutusan ba ang mga isda, korales, at salabay
Sa tadhana ng búhay, gaya ng embargo sa akwaryum?
Ang sinag ba ng araw ay dapat nakakiling sa relihiyon,
Politika, at lahi, at dapat maging monopolyo ng baterya?
Ang ulan ba ay mabubulyawan, ang bukál ba ay dapat
Angkinin lámang ng maykapangyarihan at mayayaman?
Maghahatid ng bulkan ang piling guryon, gaano man
Katayog at kahaba ang mga moog at pader; sisiklab
Ang mga lungsod, lulukob ang nakasusulasok na usok,
At gumanti man ng misil, lason, at uyam ang kalaban,
Mababatid nilang hindi tayo kaaway, bagkus kapatid,
Na may isang Salita.

Heto ang eksperimental na videopoema ni Roberto T. Añonuevo.

“Kapalaran,” ni Tariq Ibn Ziyad

Kapalaran, ayon sa wika ni Tariq Ibn Ziyad

“Mga bagani, bakit kayo tatakas? Nasa likuran ninyo ang dagat,
at nasa harapan ang kaaway!”

—Tariq Ibn Ziyad

Wasak ang taytay
at bangkang patay
ang nasa bungad.
Amoy ng sungad:
pugot na ulo
dito sa dulo
ang iyong uwi,
o siya’y sawi.

Tariq Ibn Ziyad, pintura ni Fareed Suheimat, lapis at tubigkulay, Setyembre 2009.

Rosas, Toro, at Gabi, ni Zakariyya Mohammed

salin ng “The Rose and the Bull” at “Night,” ni Zakariyya Mohammed ng Palestine.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Rosas at Toro

Itim ang rosas kapag gabi

Sa gabi, ang torong itim
ay lumilipad palayo sa rosas
Itinutusok nito sa balát
ang dalawang sungay na pilak

Itim ang rosas kapag gabi
Tumutulo sa mga sungay nito
ang dugong lumigwak
mula sa kawawang nagdaraan

Sa gabi, ang rosas ay itim

Ngunit kapag may araw,
ang itim na toro ng rosas
ay isa lamang aninong
nakabalatay para tambangan

Kayâ mag-ingat
kapag pumitas ng rosas
Mag-ingat

Magdala ng patalim
nang malapit sa puso
upang paslangin
ang naturang toro

na nakahimlay
nang buong araw
at nakatiklop na mga talulot
sa pinakapuso ng rosas

* * *

Gabi

Pinaaalimbukad ng gabi ang makamandag na bulaklak
Tumatagos iyon sa buong kalangitan
gaya ng tinturang humalo sa tubig

Pinabubuka ng magdamag ang bulaklak nito
para sa mga solitaryong hindi makatulog
na nangadarapa sa bawat paghakbang

Bumabálot sa lungsod ang gabi
tulad ng mga walang bahay na tao na lumalabas
mula sa masisikip na pasilyo at silong

Pinabubukad ng gabi ang makamandag nitong bulaklak
habang ang sindak ay gumugulong sa hagdan
gaya ng pakwan
Digmaan

ang digmaan ay nasa panginorin, itaga mo sa bato
Kumukulo ang gulo

Inalagaan ko ang aking mga bangungot
at pinalago gaya ng mga ulap

Mula sa balabal ng karimlan
ay nakararating ang pabatid—

mga tsismis ng mga mandaragit at eroplano
metalikong isda at artilyeriya

Pinatibay ko ang aking moog
na gumuguho sa aking harapan

Napipinto sa amin ang sakuna
ng mga bato, tinik, at wasak na lupain.

Tanging ang hindi matitinag na araw
ang nakaaalam kung gaano katagal

kung gaano karahas, kung gaano kalupit
ang aming magiging digmaan

Tanging ang araw
ang makapagsasabi

kung paanong ang lagablab ng apoy
ay nakasusunog sa gilid ng kalawakan

Mga Kuwaderno ng Destiyero

Salin ng pangunang tula ng Los cuadernos del destierro (1960) ni Rafael Cadenas.
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa orihinal na Espanyol.

Mga Kuwaderno ng Destiyero

Nagmula ako sa bayan ng kumakain ng malalaking ulupong, malilibog, marurubdob, matatahimik, at nababaliw sa pag-ibig.

Ngunit ang lahi ko ay natatangi ang ugat. Isinulat at batid—o ipagpalagay nang batid—nilang abala sa pagbasa ng mga pahiwatig na maligoy ang pahayag na sumikat ang katipiran. Mahahalata iyon, at humahalughog sa kasaysayan ng pagkawasak ng sangkatauhan, sa mga pinto ng mga bahay, sa mga damit, sa mga salita. Doon ko naibigan ang madidilim na silid-tulugan, ang mga nakaawang na pinto, ang masisinop na yari ng muwebles, ang mga sotanong pinalamutian, ang nakapapagod na yungib, ang manghal ng mga baraha na ang mukha ng pinatapong hari ay nababato.

Hindi sumayaw sa sinag ng buwan ang aking mga ninuno, hindi nila kayang basahin ang senyas ng mga ibon sa himpapawid na gaya ng makulimlim na utos ng pagpaslang, hindi nila alam ang halaga ng makalupang ganda, hindi sila tinatablan ng mga sumpa at sadyang mangmang para maunawaan ang mga seremonya ng kronika ng aking bayang isinulat sa magaspang ngunit masidhing estilo.

Ay! Nag-ugat ako sa mga barbaro na nangulimbat ng dalisay na modo mula sa kanugnog na mga nasyon, ngunit ang aking suwerte ay pinagpasiyahan ng mga mala-salbaheng saserdote na, suot ang mapupulang tunika, ay humula sa tuktok ng mga bato na lilim ng mga higanteng palmera.

Ngunit sila—ang aking mga ninuno—ay itinanikala ng sinaunang kahigpitan hanggang sa punto ng kaluluwa, na pawang elastiko, maliksi, at tiyak ang pangangatawan.

Hindi ko namana ang kanilang mga birtud.

Alanganin ako, lumalakad nang marahan at tinitimbang ang sariling hukot ang balikat, hindi asiwa, ngunit gumagalaw na tila hunghang, ihahakbang ang isang paa, saka ang kabila; ang tahimik na kabaliwan ang taliba ko laban sa kawalang-malasakit, at pumupukaw sa aking maging alerto gaya ng sundalo na pinagtiwalaan ng pamamahala sa destakamento, at gaya ng lilim, ay makararaos sa di-pagpapasiya.

Gayunman, inakala kong taglay ko ang matatayog na lunggati na sa paglipas ng panahon ay wawasak sa akin.

“Ang Mason” ni Louis Bertrand

salin ng “Le Maçon” ni Louis Bertrand (na kilala rin sa pangalang Aloysius Bertrand), mula sa kaniyang aklat na Gaspard de la Nuit (1845)

salin sa Filipino mula sa orihinal na Pranses ni Roberto T. Añonuevo

Ang Mason

Punong Mason: “Tingnan ang mga moog at haligi; iisipin ng iba na nilikha ang mga ito para umiral nang walang hanggan.”

SCHILLER— Guillaume Tell [William Tell]

Humihimig si Abraham Knupfer na mason, tangan ang kutsarang pampalitada, nakapatong sa andamyo habang humahangin sa taas, binabása ang mga gotikong berso na inukit sa malaking batingaw ng kampanaryo, habang kapantay ng mga paa ang pinakamataas na bahagi ng simbahan na may tatlumpung kontrapuwerte, at ang bayan na may tatlumpung simbahan.

Minasdan niya ang mga batong tarasko na bumubuga ng tubig mula sa alulod ng tisang bubong pababa sa bangin ng mga galeriya, ng mga bintana, ng mga haligi, ng mga himpilan, ng mga bubungan at balangkas, ang pook na sinisipat ng banog habang nagpapalutang at naghahanap ng madaragit.

Tiningnan niya ang mga tanggulan na dambuhalang bituin, ang moog na mayabang gaya ng manok sa lawas ng halamanan, ang mga patyo ng palasyo na pinaniningning ng sinag ang mga puwente, at ang mga klawstro ng mga monasteryo na may mga aninong umiikot sa mga haligi.

Nanirahan sa labas ng lungsod ang mga tropang imperyal. Naroon ang kabalyerong humahataw ng tambol. Nabatid ni Abraham Knupfer na suot ng lalaki ang sambalilong na tatlo ang sulok, pula ang palamuting tali nito sa balikat, ginintuan ang balahibo sa ulo, at may tirintas na laso ang buhok.

Nakita rin niya ang mga sundalong nasa loob ng parkeng nababakuran ng mga dambuhalang lungting sanga—doon sa malawak na esmeraldang damuhan—ay inaasinta ng riple ang mga ibong kahoy na nakabitin sa mahabang poste.

At sa gabi, kapag humimbing ang mga gulong ng mga kampana, na animo’y nakahiga nang nakahalukipkip, maaaninag niya sa panganorin, habang pababa ng hagdan, na sinisilaban ng mga kawal ng digma ang isang nayon, ang nayon na naglalagablab gaya ng bulalakaw sa makutim na bughaw ng himpapawid.

Pamulinawen: Isang Pagbasa sa Epiko ni Jose A. Bragado

Si Jose A. Bragado ay isa sa mga iginagalang na manunulat na Ilokano na mangangatha, peryodista, editor, at makata na nagtamo ng mga parangal sa mga institusyong gaya ng GUMIL at UMPIL, at nakapaglakbay sa ibayong dagat upang magbigay ng mga panayam o katawanin ang bansa sa mga kumperensiya. Nakasulat aniya siya ng 16 nobela, 55 maikling kuwento, 55 tula, pitong nobelang pangkomiks, at 157 sanaysay at artikulo.

Pinakabago niyang epiko ang Pamulinawen (1995) na isinulat sa Iluko, at tinumbasan ng salin sa Filipino ni Dr. Crispina B. Bragado. Walang pumansin halos  sa naturang epiko, at kung bakit ay dapat nating alamin.

ilocos-escapade-apr2008-0431Pinapaksa ng Pamulinawen ang pakikipagsapalaran ni Ricardo na pinaghunos ang pagkatao ng pagsiklab ng digmaan. Sumalakay ang hukbong sandatahang Hapones sa Ilokos, nawasak ang kabuhayan ng mga mamamayan, gumuho ang halagahan at lumaganap ang panunulisan, at walang ibang magagawa kundi ang sumapi sa mga gerilya o pumanig sa mga mananakop. Pinatay ng hukbong Hapones si Tandang Angkuan, ang ama ni Ricardo, samantalang nagsundalo naman ang mga kapatid niyang sina Alfredo at Generoso. Naghasik ng lagim si Arrabas na puno ng mga tulisan.

Nagpasiya si Ricardo na hikayatin ang mga kabataan at magtatag ng armadong pangkat na handang lumaban sa mga Hapones at tulisan. Namundok ang pangkat ni Ricardo, at nagsanay sa mga pagsalakay, at tinambangan isang araw ang tropa ng Hapones. Nakaagaw sila ng armas, napatay ang mga kalaban, at ito ang naging sanhi upang mapoot si Kapitan Furukawa ng Imperyong Hapón. Gumanti si Furukawa sa pamamagitan ng panununog, panggagahasa, pagdakip, pagpapahirap, at pagpatay. Aakalain niyang nagapi na ang mga gerilyang Filipino, ngunit imbes na manghina ay lalong lumakas pa ang pagsalungat.

Nang lumaon, gagamitin ni Ricardo ang pangalang “Pamulinawen” na nangangahulugang “matigas o matibay” gaya ng batong hindi naaagnas o kahoy na taga sa panahon. Tumanyag ang pangkat ni Pamulinawen, at kikilalanin ito ni Koronel Lagmay. Gagawaran si Pamulinawen ng ranggong Tenyente, at pagkaraan ay aatasamg tugisin sina Furukawa at Arrabas. Nakipag-alyansa si Pamulinawen kay Satur upang mabihag si Arrabas, ngunit pagkaraan nito ay naglahong bigla sa salaysay si Arrabas. Masusukol sa isang armadong bakbakan ang tropa ni Pamulinawen at mabibihag sila ni Furukawa.

Muntik nang mapatay si Pamulinawen kung hindi siya sinaklolohan ni Berto na espiya ng tropang Hapones ngunit pagkaraan ay nagbagong loob at sumanib sa kawsa ni Pamulinawen. Pinalaya niya si Pamulinawen at ang iba pa nitong kasama, nagkaroon ng engkuwentro, at napatay si Furukawa. Nagwakas ang epiko sa paglisan ng tropa ni Pamulinawen sa kampo ng mga Hapones, at ipinahiwatig ang tagumpay sa pamamagitan ng pagsapit ng bukang-liwayway.

Maraming butas ang epiko na kasumpa-sumpa.

Una, problematiko ang daloy ng salaysay, mulang pangangalap ng tauhan ni Pamulinawen hanggang pakikipagbakbakan kina Arrabas at Furukawa. Kaduda-duda kahit ang paghirang sa sarili ni Ricardo bilang tenyente na waring hanggang isip-ranggo lamang ang mga kawal noon. Tumatalon kahit ang transisyon ng mga tagpo, mulang Pamulinawen at Furukuwa hanggang kampo at trintsera. Parang Rambo ang pagsasanay ng mga bagitong gerilya at pananambang sa mga Hapones, at nagapi ng pangkat ni Ricardo ang kalaban kahit wala pa itong sapat na karanasan sa pakikidigma. Hahabulin ni Pamulinawen si Furukuwa, at hahabulin ni Arrabas si Pamulinawen, at si Furukawa naman ay tutugisin din si Pamulinawen. Kung paanong hindi magtagpo ang tatlo sa Ilokos ay isang palaisipan.

Ikalawa, malabo ang mga tauhan sa epiko. Pinakamatingkad dito ang katauhan ni Arrabas na hindi malaman kung ano na ang nangyari sa kaniya matapos tugisin ng magkasanib na puwersa nina Pamulinawen at Satur. Matapos ipakilala si Arrabas na mabalasik na tulisan ay isinaad na lamang sa Kabanata 8 ang kaniyang pagkamatay sa hindi malamang dahilan. Kaduda-duda rin ang katauhan ni Berto bilang espiya ng Hapones ngunit kumampi pagkaraan sa mga Filipino, at isa siyang halimbawa marahil ng doble-karang espiya. Kung gayon nga, nabigo itong linangin sa salaysay, at parang komiko ang biglang pagbaligtad ni Berto. Mahina kahit ang paglinang sa mga katauhan nina Pamulinawen at Furukawa, at ang kanilang pagiging pinuno ay personal imbes na militar ang pagdulog. Sa Kabanata 6, isinaad doon ang unang paghaharap ng magkatunggali. Nagbigay ng manok kay Furukawa ang nagbabalatkayong magsasakang si Pamulinawen, at itong si Furukawa naman ay tila tunggak na naniwala sa gayong pakana. Kaya pala ginawa iyon ni Pamulinawen ay upang mukhaan lamang ang Hapones!

Ikatlo, nabigong maipakita sa epiko ang lawak ng imahinasyon sa paglalarawan ng mga lunan. Nasayang ang banggit sa Kailokuhan dahil parang palamuti lamang ito na nilalakbay nang mabilis nina Pamulinawen at Arrabas. Maganda sanang tagpo ang panununog ng buong bayan, ang pangungulimbat sa mga ari-arian, ang malaganap na ligalig at gulo ng mga tao, ngunit hindi iyon mapalalawig sa kuwento. Ni hindi rin maipamamalas ang malawak na kagutuman o tagsalat, at natabunan ang gayong tagpo ng panggagahasa nina Furukawa at Arrabas sa mga dalaga, o kaya’y sa pag-asinta ni Pamulinawen sa dati niyang kasintahan at bagong inaasintang dalagang si Brigida.

Ikaapat, kumapal ang epiko dahil ang ilang bahagi ng Kabanata 6 ay inulit lamang sa Kabanata 8, at marahil isama na ang pagkabusalsal ng paglilimbag. Nawala ang mga pahina 88 hanggang 103, at kung naroon man ang misteryo ng pagkamatay ni Arrabas ay hindi na mahalaga.

Ikalima, sumamâ ang epiko sa salin ni Belen, at pambihira ang pananaludtod sa Filipino na mapaiikli at maisislid sa tugma at sukat kung nanaisin.

Nakapanghihinayang na ang paksang umuurirat sa digmaan ay waring hanggang komiks pa rin ang pagdulog. Ang kabayanihan ay laging nakasentro sa iilang tao, at ang kaligtasan ay laging kaugnay ng paghihiganti imbes na malawak na bisyon para sa Filipino. Baryotiko ang pagtanaw sa pagbubuo ng armadong kilusang ni walang malinaw na ideolohiya o lunggati. Pasibo lagi ang mga Filipino na reaksiyonaryo ang tugon sa pananakop ng mga dayuhan o sa paghahasik ng lagim ng mga tulisan. Napakarupok ng balangkas ng epiko, at mabuway kung gagamiting haligi ang mga tauhang Pamulinawen, Furukawa, at Arrabas na waring hinango sa patakbuhing pelikulang koboy. Kung gagamiting panukatan ang epikong Pamulinawen, masasabing nahuhuli na ang panitikang Iluko sa pambansang antas. At ang epikong ito, na bagaman nasusulat sa Iluko at nagmula sa manunulat na Ilokano, ay hindi dapat mabilis na ipagmagara na mahusay. Kahanga-hanga ang wikang Ilokano, datapwat hindi nangangahulugan iyon na magaling na ang epikong tulang Pamulinawen, na napakalambot kung hindi man walang latoy bilang halimbawa ng matinong panitikan.

Pahabol: Nakikiramay ang Alimbukad sa pagyao ni Genoveva Edroza Matute, na mas kilala bilang Aling Bebang. Masakit ang pagkawala ng isang manunulat, lalo’t nakapag-ambag siya nang malaki at makabuluhan sa ating panitikan at sa ikagaganda ng daigdig.

Talasalitaan ng Digmaan sa Gaza

Makabubuo ng mahabang talasalitaan hinggil sa nagaganap na digmaan sa Gaza at ang mga lahok dito ay malimit mababasa sa mga pahayagang palimbag at elektroniko. Ang mga lahok ay maaaring nakukulayan ng propaganda sa isang panig, na ang layunin ay kumbinsihin ang malaking populasyon na maniwala sa madugong operasyon ng Israel laban sa mga Palestino. Heto ang ilan sa mga salitang maaaring maging Salita ng Taon ngayong 2009, na inilatag sa bisa ng lakas ng alpabeto ng karahasan:

airstrikes [Ing] png: asintadong pambobomba at pagpapatumba sa kapuwa kawal at sibilyang populasyon ng Palestino sa Gaza, alinsunod sa pahayag ng Israel.

all out war [Ing]: walang pakundangang digmaan para turuan ng maluwalhating kapayapaan ang mga Palestino, at singkahulugan ng “Bakbakan na!”

Apache Helicopter [Mil] 1: hango mula sa tribung Indian sa Estados Unidos, ito ay taguri sa helikopter na kayang magtaglay ng misil, bomba, at masinggan para lipulin ang malaking populasyon ng sibilyan 2: metalikong ibong mandaragit na tinitirador o pinupukol ng bato ng mga batang Palestino ngunit hindi kayang patamaan.

calculated risk [Ing]: masining na pagsasabi ng pinsala at pagpatay sa mga sibilyang Palestino na pawang nadamay sa digmaan ng Israel at Hamas.

carnage [Ing]: tahimik at siyentipikong pagpaslang sa mga bata, babae, at matandang Palestino, alinsunod sa mabuting halimbawa ng pagsalakay ng IDF.

cease-fire [Ing]: pangarap na paghinto sa anumang pakikidigma, at reserbado para sa Israel at Estados Unidos lamang.

cluster bombs [Ing]: malaking itlog na metal na nagtataglay ng maliliit na itlog, at ginagamit sa kahanga-hangang pagbalda sa mga sibilyan, terorista, at sinumang kamukha ng mga kawal ng Hamas.

disproportionate attacks [Ing]: tayutay sa pamamaslang at pagwasak ng Israel sa buong Gaza at Lebanon, at naglalayong ikubli ang malawakang henosidyo ng Israel sa mga lupaing sinakop nito sa ngalan ng pambansang seguridad.

economic blockade [Ing]: matimping pagsasabi ng “Bawal pumasok dito!” o “Hanggang diyan ka lang, gago!” at nagsasaad ng banayad na pagkakait ng pagkain, yaman, gamot, at iba pang mahahalagang bagay na kailangan sa pang-araw-araw na buhay ng mga Palestino, alinsunod sa dikta ng Israel at Estados Unidos.

F-16 [Mil]: sasakyang panghihimpapawid na idinisenyo ng Estados Unidos para gamitin ng Israel na masigasig na lumilipol sa populasyong Palestino, at nagsisilbing taliba sa kapayapaan ng Israel.

Gaza, Gaza Strip [Heo]: pahabang lupain na ginawang malaking bilangguan ng Israel para sa mga itinuturing nitong hayop na Palestino, at kanugnog ng Egypt at Lebanon.

Gaza Forum [Png]: pook ng tsismisan sa cyberspace hinggil sa digmaan sa Gaza, at sentro ng balita, propaganda, at opinyon ng kapuwa Israel at Hamas.

genocide [henosidyo sa Fil.] png: masinop at pinagplanuhang paglipol sa malaking populasyon ng mga Palestino sa Gaza upang ipagtanggol ang seguridad ng Israel.

Hamas [Ara] 1: pangkat ng mga pesteng terorista, alinsunod sa pananaw ng Israel, ngunit makabayang pangkat na Palestino na naglalayong palayain ang mga Palestino sa pananakop ng Israel, alinsunod sa pananaw ng maghihimagsik 2: kalabang mortal ng Israel at hukbong sandatahan nito.

IDF png 1: daglat ng Israeli Defense Forces, na malimit akalaing International Death Forces, ito ang propesyonal na sandatahang lakas ng Israel na handang durugin o digmain ang alinmang nasyon o estadong tutol sa pag-iral ng Hudyong estado ng Israel 2: mapanakop na tropang Israeli sa Gaza, at kalabang mortal ng Hamas.

Israel’s insanity [Ing] 1: kabaliwan ng Israel, ayon kay Megan G. Kennedy, na tumutukoy sa labis na pagkasangkapan sa mga sandatang pandigma upang makamit ang pansariling kapayapaan 2: pagkasira ng bait dahil sa pagkabigong malupig ang Hamas sa kabila ng pagtataglay ng sopistikadong kasangkapang pandigma.

massacre [masaker sa Fil.] png: masining na paglipol sa malaking populasyon ng mga Palestino sa Gaza sa pamamagitan ng sopistikadong sandata, gaya ng bomba, artilyeriya, baril, tangke, helikopter, eroplano, at iba pang kaugnay na uri.

Operation Cast Lead [Ing]: matalinghagang taguri sa pananakop at digmaang inihasik ng Israel sa Gaza, na ang layon ay tirisin ang mga mala-kutong kawal ng Hamas, at ibinunsod noong 27 Disyembre 2008, para sa kapakanan umano ng madlang Palestino at sa ganap na seguridad ng Israel.

self-defense [Ing]: pagpatay sa kalaban bago ito makauna sa iyo, at siyang katwiran ng Israel at Estados Unidos upang mapangalagaan ang seguridad. Ang karapatan o obligasyon ng pagtatanggol sa sarili ay reserbado lamang sa naturang mga bansa.

Tactical missile [Mil]: masining na taguri sa misil na pinasisirit mula sa lupa, himpapawid, o tubigan, at may kakayahang lumipol ng malaking populasyon at wasakin ang mga gusali, tulay, kuweba, at iba pang katulad para pangalagaan ang interes ng Israel at Estados Unidos sa rehiyong Arabe.

terrorist [terorista sa Fil.]1: mga Palestinong nagpapaulan ng raket tungo sa Israel, bukod sa mga tao na handang magpakamatay makamit lamang ng mga Palestino ang kalayaan at kasarinlan sa lupang sinilangan 2: mamamayang Palestino at lahat ng kaugnay ng pagkamamamayan nito.

war crimes [Ing] png: kathang-isip na krimen na paglabag sa mga patakaran ng pakikidigma, alinsunod sa itinatakda ng United Nations, at siyang malimit sinusunod ng Israel upang ikubli ang malikhaing panunupil nito sa Gaza.

white phosphorous munitions [Ing] png: bulaklak ng dila sa pulbos na pampaputi sa kutis ng mga Palestino, bukod sa panunog, pambulag at pampahika, at ginagamit upang lapnusin ang kanilang layong lumaban sa hukbong Israeli.

Marami pang salita ang mag-aagawan para maging Salita ng Taon 2009, at hintayin natin ang iba pang darating. Ilan lamang ang binanggit dito na malimit sambitin sa digmaan sa Gaza, at kataka-takang hindi napagbubulayan nang maigi ng mga tao. Kung huhubaran ng mga tayutay, talinghaga, at pahiwatig ang mga salita’y payak lamang naman ang ibig sabihin ng lahat: Ang digmaan ay nakamamatay, at kailangang iwaksi nang ganap sa ating isip at buhay.

Tampok na Tula at Video
Heto ang isang tula na nilapatan ng video, na bagaman walang tiyak na pangalan ay maaaring pagbulayan.