Ang Payo sa Estranghero, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Páyo sa Éstranghéro

Roberto T. Añonuevo

“Ang kuwintás na háwak mo,” sásambitín sa iyó ni Francisco Roca, ang máalamát na kúra na mahílig dumakò sa bambáng, “iyán ba ay yarì sa mga butó ng dúgong?” Mapapáilíng ka, at kúkuyumín ang mga bútil. Mabábalisá ka sa tanóng, kung nagdárasál páloób sa saríli at hindî pálabás sa kaligíran; at káhit ikáw ay hindî matátandâan kung bákit nása iyóng pálad ang kung anóng bágay. “Palitán mo na iyáng háwak mo!” Sakâ iníabót niyá ang kay putîng rósaryo, na yarì sa mga butó, na áyon sa kúra’y katumbás ng dalawáng súpot ng dúkado. Warìng tinamàan ka ng sibát na lumálagós sa bátok o tiyán, ni walâng maítugón, hanggáng pumások sa pandiníg ang atúngal kung saán na makabúbulábog sa buhángin ng tangwáy. “Nakápipígil,” sambít pa ng kúra, “ang mga dinúrog na butó sa matindíng pagdúrugô. . . .” Tatangó ka na lámang, na párang siyá ang iyóng pinágpalàng médiko, at lalangóy sa iyóng guníguní ang isáng sírena, hanggáng gisíngin ka ng tapík sa balíkat. Iuúnat mo ang mga butó, at kikirót ang iyóng balágat at síngit. “Saán ka ba nágmulâ, ginoó?” Sásagutín mo siyá sa kumpás ng mga kamáy, at ang nangungúsap mong kílay at pamúmutlâ ay tútumbasán niya ng ibá pang salaysáy. “Isáng áraw, may Indiyó akóng nakíta na naghíhintáy ng dúgong,” aniyá nang maráhan, “doón sa gílid ng ílog.” Ikáw na kaniyáng kaharáp ay warìng lutáng na lutáng makáraáng itilápon ng buhawì, ngúnit magpápatúloy ang kúra sa kaniyáng íbig ibída. “Tuwíng hápon, nátuklasán ko, umaáhon ang dúgong sa pampáng, ang diyábolíkong nilaláng na may malalakíng súso ng dalaga, pára makípagtálik sa Indiyó!” Mapápangísi ang kúra, at ikáw na tumátanáw sa kaniyá ay tátamàan ng hindík at suklám. “Maniníwalà ka ba, ginoó, na ánim na buwán siláng nagsisíping? Kung hindî pa mangúngumpisál ang laláki, pagkáraáng hipùin ng Diyós ang kaniyáng pusò, parého siláng mahuhúlog sa ímpiyérno!” Hindî mo maáarók ang winikà ng kúra, ngúnit titiím sa iyó ang kaniyáng mga salitâ. “Kasínglakí ng gúya ang dúgong,” may pagmamáyabáng nitóng bigkás, “at ang lamán ay may lása ng tadyáng ng báka!” Mapapáluhà ka na lámang, at sa yungíb ng iyóng ulirát ay aáhon ang iyóng músa, na may kung anóng súgat sa dibdíb, hábang kuyóm mo nang mahigpít ang mga bútil ng kaniyáng alaála. “Huwág kang lalápit sa pampáng,” páyo ng kúra, “baká akítin ka ng dúgong at hindî na mulî pang makíta. . . .”

Alimbúkad: Epic unreal poetry challenging the status quo. Yes to freedom. Yes to humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Wika ng mga Deboto sa Estranghero, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng mga Déboto sa Éstranghéro

Roberto T. Añonuevo

Pananálig na bumíbiyák sa Salitâ, isá ka nga bang itinálagáng anák ng maykapál, pumapások sa putól na kálye ng mga kúwarta o kahón, handâng lumantád sa telébisyón at tumálikod sa tatlóng dímensiyóng manióbra na hirám warì sa grápikong fórmat ni Pépe Pimentél o Pépe Oysón? Kasímpayák ka ng mga kúwento hinggíl kiná Pépe at Pilár, at nangangáral na párang anótadór ng ságradong aklát, nagbúbukás ng Málparáiso at nagpipínid ng pagkáparoól ni Adán sa sinaúnang daán. Humuhúgot ka sa síkolingguwístika ng pagsagíp ng anák na sumísigáw sa kaniyáng amá kung bákit itínabí siyá sa dalawáng mágnanákaw, maráhil sapagkát ang dúngis ay nabúbuô sa sinápupúnan, sumúsunód sa krúsada ng paglúpig at humahámig ng gintô, kamanyáng, at míra mulâ sa isáng milyóng sabsában, at kailángang dalisáyin pa ang sanlíbután sa kamatáyan. Bílang sampálatáya, ikáw na áming tiníngalâ at pinalákpakán ang pinágpalà na may pámbihiràng kamálayán, warìng sinásamyông dísimuládong alingásaw mulâ sa Pálasyo ng Malabánan, nagpapámudmód ng mga áyuda at kapátawarán, madulás magmatwíd káhit lubák-lubák at mapútik ang áming ísip, batíd ang dilà ng démonyo at ang pakakák ng anghél, nanínindák ng ímpiyérno o dísaster sa sínumang salungát, at pinánindigán ang aníno ng mga bentríloko at ásesíno ng Dagháng Digmâng Sumásaámin. Kung paáno naganáp ang  pagtátalagá, ikáw at tangìng ikáw lámang ang nakáriníg ng pagtátalagá, ang nakádamá sa káharìán na isinátulâ rin ni Dante, ikínandóng ng amá pára angkinín ang kaniyáng luklúkan, ang nakábubúlag na luklúkan sa káharìáng putîng-putî gáya ng térnong damít at sápatos, na iparáratíng sa ámin sa pangakò ng sáko-sákong péra na párang gáling sa síndikáto ng dróga at itinákas na pag-ása ng lipì; o kung hindî’y magpapáhulà ka kung anó itóng lamán ng kahón, na kung hindî báhay o béntiladór o deláta ay bató ang líhim, batóng nagpakibúlon sa áming útak at loób, limáng líbo na’y nagíng bató pa, ang likhâ ng pagsunód nang tapát at paglundág sa bangín bílang ginháwang walâng káhalíli. Éstranghéro, kung ikáw nga ang itínalagáng anák ng maykapál, bákit mangángambá sakáli’t habúlin ng batás? Hindî ba mayroón ka ring dókuménto, gáya náming nabílog ang úlo at pumintóg ang pusón sa sabwátang wagás?

Alimbúkad: Epic unreal poetry uncorking the world. Photo by Pixabay on Pexels.com

Ang Puwesto sa Kalooban, ni Papa Juan Pablo II

Salin ng “The Place Within,” ni Papa Juan Pablo II (Karol Wojtyla)
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Puwesto sa Kalooban

. . . . . . .Nasa iyo ang aking puwesto, ang iyong puwesto ay nasa akin. Ngunit ito ang puwesto ng lahat ng tao. At hindi ako napabababà nila sa puwestong ito. Nakahihigit ako nang mag-isa—nakahihigit kung wala nang iba pa—nag-iisa ang katauhan. Gayundin, ako ay napararami nila sa Krus na nakatindig sa lugar na ito. Ang pagpaparaming ito nang hindi nababawasan ay nananatiling misteryo: ang Krus ay sumasalungat sa agos. At doon, marami ang umuurong sa harap ng Tao.
. . . . . . .Para sa iyo—paanong naging ganap ang Krus?
. . . . . . .Ngayon, hayaang maglakad tayo sa makikitid na baitang na tila ba tunel na naglalagos sa dingding. Silang naglakad sa dahilig ay huminto sa pook na kinaroroonan ng láha. Hinirang ang iyong katawan at isinilid sa libingan. Sa pamamagitan ng iyong katawan ay nagkaroon ka ng lugar sa mundo, ang papalabas na pook ng katawan na ipinagpalit mo para sa pook sa kalooban, at nagwika: “Kunin ninyong lahat ito at kainin.”
. . . . . . .Ang radyasyon ng gayong lugar sa kalooban ay kaugnay ng lahat ng papalabas na pook sa Mundo na dinaluhan ko sa peregrinasyon. Pinili mo ang lugar na ito ilang siglo na ang nakalilipas—ang pook na ibinigay mo ang iyong sarili at tinanggap ako.

Doon sa San Naum, ni Azem Shkreli

Salin ng “Në Shën Naum,” ni Azem Shkreli ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Doon sa San Naum

Nagtungo ako rito
Upang binyagan nang walang pangalan.

Nagtungo ako rito
Upang pagpalain nang walang korona.

Nagtungo ako rito
Upang pabanalin nang walang insenso.

Nagtungo ako rito
Upang magsabáng ang dalawang landas.

Nagtungo ako rito
nang magdasal sa mundo alang-alang sa diyos.

greyscale photo of building

Pambungad sa mga Pambungad, ni Migjeni

Salin ng “Parathania e parathanieve,” ni Migjeni (daglat ng Millosh Gjergj Nikolla) ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pambungad sa mga Pambungad

Humihina ang mga diyos sa paglipas ng mga araw;
Gumuguho ang kanilang mga hulagway
Sa pag-inog ng mga taon at siglo,
At ngayon ay walang nakaaalam kung sino talaga
Ang diyos at kung sino ang tao.
Sa utak ng sangkatauhan, nakayukod ang diyos,
Ang kaniyang mga daliri’y nakatimo sa pilipisan
Na pahiwatig ng pagsisisi
At sa mapait na panghihinayang ay napahiyaw:
Ano, ano ang aking nalikha?
Hindi batid ng tao
Kung ang diyos ang kaniyang nilikha
O siya ang nilalang ng diyos,
Ngunit naaarok niyang isang uri ng kahangalan
Ang magmuni-muni sa idolong hindi tumutugon.
At ngayon ay walang nakababatid kung sino
Ang diyos at kung sino ang tao.
Sumapit ang panahon
Na ang mga tao’y lubos na nagkakaunawaan
Sa isa’t isa upang itindig ang Tore ng Babel—
At sa tuktok ng Tore, sa pinakamataas na trono,
Ang tao ay luluklok, at sisigaw nang ubos-lakas:
O diyos! Nasaan ka?

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Pahatid ni Idyanale

Pahatid ni Idyanale

Roberto T. Añonuevo

Mga ugat na bumaón nang napakalalim sa lupa ang kaliwanagan. At ang kaliwanagan ay napagkakamalang putik, kumunoy, bato, o buhangin ng sinumang hangal. Ang lupa, anuman ang anyo nito, ay maghuhunos na mga ugat ng tubig: Mga lupang ugatan, mga ugat ng kabaitan.

Ugat ang lahat. Lahat ay ugat.

Hukayin ang kanluran ng Kaliwanagan. Hukayin ang silangan ng Kaliwanagan. Hukayin ang timog ng Kaliwanagan. Hukayin ang hilaga ng Kaliwanagan. Hanapin ang mga ugat, ang ugat ng Kaliwanagan.

Ngunit bago tangkaing tuklasin ang mga ugat, ikatuwa ang mga balaybay o duklay at ipagdiwang ang mga sanga at bulaklak. Suriin ang mga punongkahoy, palumpong, damo, halamang-ugat, at iba pa. At malaya mong mababatid na tila mga kidlat na naglalagos sa mga ulap ang mga ugat.

Nasa ugat ang liwanag. Nasa liwanag ang Kaliwanagan. Gayunman, ang liwanag ay nakabubulag sa sinumang nahirating tumitig sa makislap o makinang. Itinuring na ginto ang Araw, at laksa-laksa ang nabubulag sa kanilang pananampalataya. Sinamba ang pinilakang Buwan, at nahilam ang paningin ng mga mapamahiin. Tiningala ang mga galáng na bituin, at lalong lumabo ang mga mata ng sakim. Bakit tititig sa punong Saging ng Kalawakanan, samantalang higit ang liwanag ng mga kamay at binting nangagkaugat dahil sa paglilinang ng bundok o kapatagan?

Ang kislap, ang kinang ay matatagpuan sa tubig na tumitighaw sa uhaw ng mga ugat. Walang silbi ang tubig kung walang mga ugat. Ang tubig ay mananatiling tubig hangga’t hindi ito pumapaloob sa mga ugat. Ang hamog, ang singaw, o ang nagsabatong tubig ay magbabalik bilang tubig dahil may mga ugat din ang tubig at ang lahat ng tubigan. At ang tubig na sinipsip ng mga ugat ay nagwawakas sa pagiging tubig upang maisakatuparan nito ang dakilang mithing maging mga ugat.

Liwanag ang mga ugat, at ugat ng bawat liwanag.

At ang hangin na hinihigop o ibinubuga ng mga dahon ay nagiging dahon. Ang liwanag na hinihigop o ibinubuga ng mga dahon ay nagiging dahon. Ang mga ibon na nakikisilong sa mga dahon ay nagiging dahon. At ang mga dahon na sumusupling o dili kaya’y nalalagas sa mga sanga’t tangkay ay sasapit sa hanggahan upang wakasan ang pagkadahon at nang mapuri ang mga ugat.

Anuman ang kulay ng mga dahon ay may ugat. Lumilitaw o napipigtal ang mga dahon dahil sa tunggalian ng bagwis at ugat. Mamumukadkad ang bulaklak, aakit ng mga kulisap, ibon, at hayop dahil may pandama ito hinggil sa Ugat. Kakapál, lulusog, didilim ang kagubatan dahil sa di-mabilang na ugat na pawang lingid sa paningin ng kaligiran. Totoo, maraming ugat ngunit nananatiling iisa lamang ang lumulukob sa kalawakan ng mga buto’t himaymay. Matutong gumapang gaya ng ugat. Huwag kalimutang magparami ng ugat. Gumapang at sumisid pailalim sa walang hanggang dilim. At makipagtalik nang ubos-lakas sa Dakilang Ugat, upang kahit paano’y pumasok sa loob ang Kadakilaan ng Ugat ng Kawalan.

landscape tree nature forest path grass light sky night sunlight morning leaf atmosphere evening jungle autumn darkness vegetation rainforest deciduous grove woodland midnight ecosystem phenomenon biome old growth forest computer wallpaper temperate broadleaf and mixed forest temperate coniferous forest spruce fir forest

“Hindi kita gusto, Kamatayan!”

Salin ng tula ni Samih al-Qasim ng Estadong Palestina.
Salin sa eleganteng Filipno ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hindi kita gusto, Kamatayan!

Hindi kita gusto, Kamatayan,
Ngunit hindi ako takót sa iyo
Batid kong ang lawas ko’y higàan mo’t
Kobre-kama mo ang aking kaluluwa
Alam kong ang pasigan mo’y makitid
Para sa akin
Hindi kita mahal, Kamatayan,
Ngunit hindi ako nasisindak sa iyo.

Ang Lakad, ni Derek Walcott

Salin ng “The Walk” ni Derek Walcott mula sa Saint Lucia ng Silangang Dagat Caribbean. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Ang Lakad

Matapos ang malakas na ulan ay nagbubutil muli ang alero,
ibinubuga ng mga punongkahoy ang duda mo gaya ng tinakpang ilaw,
patak kada patak, gaya ng abakus ng paslit
mga butil ng malamig na pawis na nakahanay sa matataas na kawad,

ipanalangin kami, ipanalangin ang bahay na ito, hiramin ang pananalig
ng kapitbahay, ipanalangin ang utak na itong napapagal,
at nawawalan ng pananampalataya sa mga dakilang aklat na nabása;
makaraan ang isang araw nang nakahiga, dinurugo ng mga tula,

bawat parirala ay tinuklap mula sa nakabendang lamán,
bumangon, maglagalag sa ilalim ng kalangitan
tigmak gaya ng labada sa kusina,
habang humihikab ang mga pusa sa likod ng bintana,
mga leon sa pinili nilang kulungan,
na hindi malayo sa tarangkahang pinalamutian ng perlas
ng huli mong kapitbahay. Anung bagsik ng iyong

katapatan, O puso, O rosas ng bakal!
Kailan higit naging anyong nobela ng katulong ang iyong trabaho,
na waring iyaking dula-dulaang naging malapit
sa iyo sa tunay na buhay? Tanging kirot,

ang kirot ay tunay. Heto ang wakas ng iyong buhay,
isang kulumpon ng mga kawayan na ang kuyom
na kamao ay nagpapapigtal ng mga bulaklak nito, ang landas
na gumagapang na hishis sa basâng-basâng

kahuyan: iwan ang lahat, ang hanapbuhay,
ang hapdi ng maikling buhay. Nagulantang, napakislot ka;
ang iyong bahay, na bumabángong leon, ay gumanti ng kalmot.

Wakas ng Prusisyon

“Mahaba man ang prusisyon, sa simbahan din ang tuloy,” ang sinaunang kawikaang tumutukoy sa panahon ng paglalakbay na nagwawakas sa iisang lugar. Ang lugar ay maaaring pisikal na lunan, bagaman maaari ding tumukoy sa matalinghagang dimensiyon na ang realidad at guniguni ay nagsasanib sa kung anong paraan. Malimit na ikinakabit ang nabanggit na kawikaan sa kasal, at sa matagal na panahon ng panunuyo o panliligaw, subalit ang totoo’y ang kawikaan ay puwedeng ilapat kahit sa haba na buhay na ang wakas ay kamatayan.

Matatagpuan sa prusisyon ang parada ng mga imahen, rebulto, at estatwa ng mga santo—na ang karaniwang tagapangalaga ay maykaya sa lipunan at kayang tustusan ang pagpapagawa ng mariringal na kasuotan at korona. Pinaghahandaan din ang matitibay na karosa na may kahoy na gulong at hinihila ng mga lubid, bukod sa binabantayan ng mga lalaking deboto. Sa pamamagitan ng karosa, ang isang rebulto ng santo ay naitatanghal sa madla at naililibot sa bayan, na waring pagpapamalas ng pananampalatayang kahit ang mga santo at Maykapal ay kinakailangang lumapit sa tao at hindi ang tao ang palaging lalapit sa kanila.

Labis na mainipin ang kasalukuyang henerasyon upang maunawaan ang halina ng prusisyon. Iniisip ng iba na pagpapabagal lamang ito ng trapiko ng mga sasakyan; samantalang iniisip ng iba na ang isa o mahigit pang oras ng paglalakad ay sakripisyong matutumbasan pagkaraan ng katuparan ng hinihiling sa Poon. Ituring man itong ehersisyo ng pananampalataya, ang prusisyon ay manipestasyon ng lunggati ng simbahan para sa lahat: ang kabutihan na inaasahang mangingibabaw sa anumang anyo ng kasamaan.

Nagiging makabuluhan ang prusisyon dahil sa kolektibong sakripisyo ng mga tao. Kung pinaghahandaan ang mga kasuotan, bulaklak, at ilaw para sa isang santo, naghahanda rin ang mga tao sa espesyal na araw na naglilibot ang diyos at ang mga santo para tunghayan wari ang nagaganap sa bayan. Ang prusisyon ang yugto na sama-samang nananalangin ang bayan, at ang kanilang panalangin ay hindi na lamang nagiging personal bagkus pambayan. Sa oras na makabalik ang Diyos at ang mga santo sa simbahan ay saka pa lamang magbabalik sa kani-kanilang tahanan ang mga deboto bilang pahiwatig ng paggalang sa kapangyarihang sobrenatural.

Kamatayan at katubusan. Paete, Laguna.

Kamatayan at katubusan. Paete, Laguna. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Patsada ng Simbahan ng Santo Jerome. Morong, Rizal.

Simbahan ng Santo Jeronimo. Morong, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo, 2012.

Simbahan ng Birhen ng Antipolo.

Reproduksiyon at pananalig. Patsada ng Katedral ng Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Simboryo ng liwanag.

Simboryo ng liwanag. Parokya ng Santa Rosa ng Lima (St. Rose of Lima), Teresa, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Dasalan sa Parokya ng Santa Magdalena, Pililla, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Dasalan sa Parokya ng Santa Magdalena, Pililla, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Altar ng Katedral ng Birhen ng Antipolo. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

St. Rose of Lima Parish, Teresa, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Simbahan ng Paete, Laguna.

Patsada ng Simbahan ng Paete, Laguna. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Morong Church.

Simbahan ng Morong, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Sulat ng Dayaray, ni Noshi Gillani

mga tula sa wikang Urdu ni Noshi Gillani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

SULAT NG DAYARAY

Ngayong natuto ang dayaray na sumulat,
Maisusulat nito ang taglagas bilang tagsibol
Upang itumbas ang tagsibol na paghihintay.

Ngayong ang dayaray ay natutong sumulat,
Maisasalin nitong sumpa ang paglalagalag
At sumpain ang matatapat sa matwid na landas.

Ngayong natuto ang dayaray na sumulat,
Ang pagtitipon ay mailalarawang paglilipat;
Ang pag-ibig ay maisasaling kahinaan,
At ang punongkahoy ay mawawalan ng lilim.

Ngayon ay hihipan ng dayaray ang mga ilawan,
Magpupugay sa takipsilim, iwawaksi ang liwayway.

O, lahat kayong nagturo sa dayaray na sumulat!
Ngayon, ang dayaray ay natuto nang sumulat.

NAGBABAGO NG HIHIP ANG HANGIN

Alam mo bang
Nagbabago ng hihip ang hangin?
Iiwan ng mga ibon ang pugad sa madaling-araw
At malilimutan ang landas pabalik.
Minsan sa tagsibol, nagkakasanga ang puno’t
Nalalagas ang mga dahon bago pa ang taglagas;
Gaya ng mga landas na tinahak ng aking buhay
Na tinangay kung saan at parang alikabok
Ang kakaibang ngiting humuhugis sa labi mo.
Wiwikain mong, “Ano ang bago?”
Sa anumang bagay sa kuwento, at tutugunin kang
Ikaw ang bago,
Alam mo ba?
Ngunit paano mo mababatid ito?
Ang kanlungan ng iyong pag-ibig at pananalig
Ay maaaring hipan palayo na parang alabok
Dahil nagbabago rin kahit ang hihip ng hangin.