Wika ng Parola sa Panauhin, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Paróla sa Panaúhin

Roberto T. Añonuevo

Isang tuldók ang lundáy sa láwak ng bugháw; isáng tuldók na untî-untîng nagíging línya ang káwan ng kanáway na sumásayáw palapít. Humáhampás ang mga álon sa dalámpasígan, at tangìng ikáw ang mabíbingí, kayâ walâ akóng pakíalám. Sumásalpók, at malímit humáhagunót ang hángin, na ikáyayaníg mo, ngúnit walâ akóng pakíalám. Paroó’t paríto sa palígid ang mga bapór at yáte, umiíwas sa pangánib na sumadsád sa págang o bahúra, at kung gabí’y akó ang tinátanáw. Kapág lumambóng ang úlop at dágim lálo’t takípsílim, hindî kitá makikíta; at maráhil, hindî mo rin akó makikíta kundî ang ináakálang bituín. Anó kung magsílundág ang mga lúmba-lúmba? Ano kung habúlin ng patíng ang mga dúgong o pengguwín? Anó kung sisingháp-singháp si Íkaro na hindî nápansín ng dumaáng barkó? Kailángang maníwalà ba sa mga kuwénto ng magdaragát na nakáriníg sa pamatbát hinggíl sa siréna, o sa áwit ni Amánsináya? Hahabà ang listáhan ng tánong kapág naríritó ka, at makíkiníg kina Homer at Vyasa. Magbibiláng ka ng mga bagyó at buhawî sa panganórin; magbibiláng ng mga ármada at digmâ na panónoórin. Pagkaraán, titingkád na éskarláta ang batuhán sa mga lulútang-lútang na bangkáy. Susukátin ng mga mánlalakbáy ang layò ko at ang layò nila, tumáog man o kumáti. Makábubúti kung párang adwána itóng kinálalagyán ko na mágkakaltás ng buwís sapagkát nágbubuwís-búhay. Lumúluhà sa halúmigmíg ang áking salamín, at áakalàin mong nalulungkót akó pára sa iyó. Hindî. Pagód lang maráhil ang mga talibà ng liwánag. Higít pa sa unós itóng dumáratíng—ang mga humihíngal na bálangkawítan mulâ sa ibáng bansâ—na warì’y sasakúpin ang mga latìan, at mag-iíwan ng trangkáso sa mga bahayán. Itúring mo akóng paralúman, o ílaw ng sángkataúhan, subálit walâ akóng pakíalám. Hindî akó ang iyóng músa; ang músa mo, gaáno man karikít, ay hindî mapapásaákin kailánman. Walâ siyá ríto. At walâ ákong pakíalám.

Alimbúkad: Poetry breaking barriers. Photo by Michael Judkins on Pexels.com

Mga Pangarap ng Tubig, ni Donald Justice

Salin ng “Dreams of Water,” ni Donald Justice ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Pangarap ng Tubig
  
 1
 Dumapo ang kakatwang
 Katahimikan nang nasok kami
 Sa maginhawang bar ng barko.
  
 Ang kapitan, na nakangiti,
 Ay iniunat ang kaniyang
 Kataleho saka nagkusang
  
 Ipakita ang malalaswang
 Hugis ng ilang isla,
 Doon sa dulo ng laot.
  
 Umupo ako nang tahimik.
  
 2
 Dumudungaw mula sa dulo
 Ng pantalan ang mga tao
 Na nakasuot ng kapote.
  
 Namuo ang kaunting ulop;
 At ang maliliit na barko,
 Na lalong nangangamba 
  
 Sa kanilang puwesto,
 Ay nagsimulang magreklamo
 Sa malalim at balbasaradong
  
 Tinig ng mga ama.
  
 3
 Magwawakas na ang panahon.
 Ang mga puting veranda
 Ay kumukurba palayo.
  
 Tila hungkag ang hotel,
 Ngunit, nang makapasok,
 Narinig ko ang tampisaw.
  
 Sa kabila ng pinid na pinto’y
 Nakalungayngay ang mga lolo
 Sa mga umaasóng paliguan,
  
 Malalakí, ni hindi namumula. 
Alimbúkad: Poetry insanity unlimited. Photo by Brooke Lewis on Pexels.com

Tunog ng Ulan, ni Chu Yohan

 Salin ng tula ni Chu Yohan ng Hilagang Korea
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Tunog ng Ulan
  
 Umuulan.
 Marahang ibinuka ng gabi ang mga pakpak nito,
 at bumubulong sa bakuran ang ulan
 gaya ng mga sisiw na palihim na sumisiyap.
  
 Patunáw ang buwan na singnipis ng hibla,
 at bumubuga ang maligamgam na simoy
 na tila aapaw mula sa mga bituin ang bukál.
 Ngunit ngayon ay umuulan sa gabing pusikit.
  
 Umuulan.
 Gaya ng mabuting panauhin, umuulan.
 Binuksan ko ang bintana upang batiin siya,
 ngunit nakatago sa bulóng ang patak ng ulan.
  
 Umuulan
 sa bakuran, sa labas ng bintana, sa bubong.
 Nakatanim sa aking puso
 ang masayang balitang lingid sa iba: umuulan. 
Alimbúkad: Reconstructing ideas through translation. Photo by Ashutosh Sonwani on Pexels.com

“Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot,” ni Dante Alighieri

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot

salin ng “Un dì venne a me Melanconia,” ni Dante Alighieri ng Republika Italyana.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

. . . . . . . . . . . . . . . . .     Sa ika-9 ng Hunyo 1290

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot
At sabi ng Lungkot, “Sasamahan kita.”
Wari ko’y pumasok ang pait at kirot
Sa aking kanlungan upang makiisa.

At suminghal ako, “Magsilayas kayo!”
At sumagot sila nang paligoy-ligoy,
At kung mangatwiran ay tila Griyego.
Tahimik ang Irog na dumating noon,

Suot niya’y itim, kay-rikit na damit.
Ang sumbrerong itim ay nakip sa buhok
At luha’y dumaloy sa pisnging namurok.

Ano ba ang sanhi’t masikip ang loob?
At tumugon siya, “Pighati’y dinibdib
Dahil ang mahal ta’y yumao palangit.”