Mula sa Kaitaasan, ni Roberto T. Añonuevo

Mulâ sa Kaítaásan

Roberto T. Añonuevo

Gumúlong ang dalawámpûng líbong ángud 
pababâ sa lungsód, báwat isá’y may salaysáy
ng bagwís at ulán, walâng número at edád,
nagninílay maráhil sa kutób na tadhanà 
ng pábrika ng mga úling, bangkô, o sangkálan. 
Párang híram sa síning instalasyón ni Junyee—
mga butás na káhoy na inukà warì ng tamílok
o úwang, at may teléponíkong ménsahe 
pára sa mga nawáwalâng tróso o kalabáw,
o pára sa mga adélantádong sálot at bagyó.
Anúng kababálaghán mulâ sa patáy na síglo!
Pagdaán ng helikópter mo, sisímoy ang hardín 
na isáng libíngan o libángan ng kung sínong 
bantulót pumások sa múseo o tanghálan.
Mag-uúsap sa líhim na wikà ang mga ángud.
Ngúnit higít na ínteresádo ka sa níkel at gintô.
At hindî mo maúnawàan ngayón kung bákit, 
mínsan pa, bumúbuntót sa sinásakyán mo
ang mga ugát ng pagtútol, hinagpís, at poót.
Alimbúkad: Epic pink poetry vote for humanity. Photo by Lucas Pezeta on Pexels.com

Isa ka bang araw tulad sa tag-araw? ni William Shakespeare

Salin ng "Sonnet 18: Shall I compare thee to a summer’s day?" ni William Shakespeare ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

 Isa ka bang araw tulad sa tag-araw?        
  
 Isa ka bang araw tulad sa tag-araw?
 Higit kang marikit, labis na panatag.
 Talulot ng Mayo’y nitás ng habagat;
 Maikli ang laan sa isang tag-araw.
 Maalab kung minsan ang mata ng langit,
 Malimit kumutim ang balát na ginto;
 At anumang ganda’y minsang maglalahò,
 Sadya man o likás magbago ang ihip.
 Ngunit di kukupas ang iyong tag-araw
 O maiwawala ang gandang taglay mo;
 Handa kang bumukád sa kabilang mundo,
 At kamatayan ma’y di káyang magyabang.
     Hangga’t tao’y buháy at handang makita
     Habang búhay itong may hatid na sigla. 
Alimbúkad: Poetry translation across cultures. Photo by Jill Wellington on Pexels.com

Sandata, ni Roberto T. Añonuevo

Sandata

Roberto T. Añonuevo
  
 Nahumaling nga ang daigdig sa iyo
 at ginagamit ka
 laban sa lahat ng hindi namin
 gusto.
 Kasangkapan upang patumbahin
 ang katunggali,
 ikaw din ang laging instrumento 
 sa pagsupil ng salot o sakít.
 Wari ba’y lagi kaming nasa digma,
 at sinuman o alinmang salungat
 ang agos
 ay kaaway at kaaway na tunay
 at kailangan ka upang ipagtanggol
 ang puwesto at pangalan.
 Ikaw ang malinaw na linya at kulay
 sa bakbakan ng lakas at kasarian.
 Ikaw ang timbang at sustansiya
 sa taggutom at walang habas
 na kasakiman ng iilan.
 Ikaw ang agimat laban sa kulam,
 at ang sumusuway sa pangaral
 ng diyos ay may katumbas
 na parusa at kapahamakan.
 Hindi ba ikaw ang nakalakip
 at isinasaulo sa aming mga dasal?
 Parang sumpa, ikaw ang panagot
 sa aming katangahan——
 ipinapaskil sa bilbord ng islogan,
 isinasaliw tuwing may kampanya
 sa darating na halalan——
 at kapag angkin ka ninuman
 ay pupurihin kahit ng madlang
 walang kamuwang-muwang,
 walang malasakit o pakialam
 sa puwang o karunungan.
 Naririnig ka namin sa brodkaster
 at parang dapat ipagmalaki pa
 kung nagkulang ang diksiyonaryo
 para sa mga konseptong
 ikakabit sa mga dapat tapatan
 ng salita at gawa.
 Hinahamak kami kapag lumitaw
 ka sa mga banta at paninindak,
 gaya sa talumpati ng pangulo,
 at sinumang may kapangyarihan
 ay mababaligtad ang kahulugan
 ng batas.
 Kung umibig ba kami’y dapat kang
 hasain at laging sukbit saanman?
 Sawâ na kami sa rido at patayan.
 Nagbibiruan tuloy kaming huwag 
 nawa kaming maging makata
 na maláy ang guniguni’t napopoot.
 Baká ang bawat ipukol naming salita
 ay magpaluhod 
 sa nang-aapi at bumubusabos
 sa milyon-milyong dukha’t kawawa,
 kahit ni hindi ka man lang sinisipi.
 Ngunit hindi kami makata,
 at hindi ka rin namin kaaway,
 o mahal na kataga. 
Alimbúkad: World-class poetry for a better world. Photo by Rachel Claire on Pexels.com

Pagkaraang makinig kay Julian Bream, ni Roberto T. Añonuevo

Pagkaraang makinig kay Julian Bream

Roberto T. Añonuevo

Tsinelas sa gilid ng pintuan ang naghihintay marahil sa iyong anino. Isang tasa ng umaasóng kape ang panahon na waring kausap ng naulilang gitara si Fernando o si Mauro, na may halimuyak ng taberna ang alaala ngunit may lawak ng lupalop ang pananabik. Lumilipad ang mga papel, at ang mga nota’y hindi makaliligtas sa matatalas ang pandinig. Ang gabi’y hindi laan sa kabiyak; ang gabi’y paghahanap sa pambihirang tunog na nakababagabag at kumikilapsaw sa puso. Sa loob ng kapilya, ano ang umaalunignig? Maaaring bugso ng malamig na simoy o tikatik ng ulan. Parang magaspang na tunog ng gramopono, ang musika ay sinasaliwan din ng mga lagitik ng nayapakang siit o sitsit ng kuliglig, at likás lámang. Kung hindi’y ang inaasahang masagap sa kinukuyumos na matatandang pahina ang bibitin sa pinilakang kilay at lumalapad na noo. May laud na giniginaw sa makulimlim na silid. At hindi naiwasang ibulalas ng sandali: “Julian, ikaw ba iyan?” Naglaho ang iyong tsinelas, ngunit dumadalaw sa guniguning silid ang ritmo ng mga kaluskos sa sahig.

Alimbúkad: Boundless poetry imagination for humanity. Photo by Sudhith Xavier

Guru, ni Roberto T. Añonuevo

Guru

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Ang sentro ang bulkan at ang bulkan ay umáhon sa palad ko noong isang araw. Hipan ito at lalong uusok at mapopoot. Takpan ito at mabilis sasabog. Ipinaloob ko sa bulsa ang aking kamao, at sa loob ng limang minuto’y wala na ang bulkang pinipigil umatungal. Maya-maya’y naramdaman ko ang apoy sa aking bayag, at ang bulkan ay pitong kilometro ang naratibo hinggil sa pag-iral ng paruparo. Ang paruparo? Kisapmata ang isang siglo, at marahil kayâ minamahal ng mundo. Isang taon ang lumipas, at ang gunita ng bulkan ay nagpasigla ng ekta-ektaryang rosas—na kakatwang pinakinabangan ng ibang lupalop. Maraming katwiran ang bulaklak, ngunit hindi nito kapalaran ang kapana-panabik na silakbo ng paikid na apoy. Hinahanap ko ngayon ang bulkan; at nang basahin muli ang palad, ang bulkan ay hindi na bulkan bagkus lumalargang kawan ng mga ibon. Kagila-gilalas na iginuguhit nito sa himpapawid ang ngalan ko habang lumilipad papalayo, at waring sumisigaw, nang hindi umuusal, na hindi ako, hindi ako ang sentro ng uniberso.

Tama, ni Roberto T. Añonuevo

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Tamà

Pumasok sa kaliwang tainga ko ang kulagu noong isang umaga, at pagdaka’y naglaho nang ilang minuto upang lumitaw muli sa aking utak. Mga pakpak nito’y naghanap ng makukulay na bulaklak sa aking guniguni na waring gutóm o gumón sa kung anong katwiran, at sumuot sa mga antigong gubat at lihim na pangamba, at di-naglaon ay pinalad naman ang tuka at nakalagok sa mahahamog na hardin ng kantutay at talampunay upang tighawin ang pananabik. Ilang sandali pa’y nag-iwan ng liham ang ibon—ang liham na nagsasalít na bulóng ng bubuyog at kawáy ng paruparo— na nakapagpapaalunignig sa puso ang kumpisal. Nang lumabas sa kanang tainga ko ang kulagu matapos ang isang oras na katumbas ng sampung taon, nakita ng sumalubong na simoy ang nakangiting anghel na umaakyat sa kaleydoskopyong bagnós, at nagwikang, “Mabuhay! Tuloy po kayo, o kasampaga!”

Kulagu

Ang Hinagpis ng Hukluban, ni Charles Baudelaire

Salin ng “Le Désespoir de la vieille,” ni Charles Baudelaire
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Hinagpis ng Hukluban

Natuwa ang maliit na huklubang babae nang makita ang magandang batang kinagigiliwan ng lahat at sinisikap amuin—ang kaakit-akit na nilalang na sinrupok ng maliit na matandang babae, na bungal at kalbo. At lumapit siya sa bata, upang masilayan ng bata ang tuwa sa kaniyang mukha, at makisaya sa piling nito. Ngunit ang nahintakutang paslit ay pumiglas palayo sa mga haplos ng maliit na huklubang babae, at nagngangawa na lumukob sa bahay. Pagdaka’y napaurong ang matandang babae at nagpasiyang mag-isa, at napagibik sa sulok, saka winika: “Ay, lumipas na ang panahon, para sa aming matatanda, na mapaligaya kahit ang isang musmos; at ngayon, sinisindak namin ang mga paslit na batang ibig naming mahalin.”

No to military junta. No to coup d’état. No to dictatorship. Yes to humanity. Yes to poetry!

Kabaliwan, ni Ada Negri

Salin ng “La Follìa,” ni Ada Negri ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kabaliwan

Napigtal sa sikomoro ang dahon, niyanig ng lawiswis ang puso
. . . . . . . . . . ng sipres,
at ikaw ang tumawag sa akin.

Mga matang tagabulag ang bumutas sa dilim, nagpakò sa akin
. . . . . . . . . . gaya ng pakò sa dingding,
at ikaw ang tumitig sa akin.

Humipo sa akin ang mga kamay na tagabulag, tungo sa himbing
. . . . . . . . . . na bukál ay sinalok nito ako,
at ikaw ang may gusto sa akin.

Pasukdól sa malamig na gulugod na kumakatal nang tahimik,
. . . . . . . . . . ang kabaliwan ay umahon sa aking utak,
at ikaw ang pumasok sa akin.

Hindi na sumasayad sa lupa ang mga paa ko, magaan ang láwas
. . . . . . . . . . na lutáng, tangay ng nakahihilong dilim,
at ikaw ang nagpabagsak sa akin, ikaw.

Babel, ni Roberto T. Añonuevo

Babel

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Naaakyat ko ang bundok sa mababangong magasin, ngunit hindi ako ni minsan nakarating sa gubat na ikinukuwento mo. Wala bang bagyo diyan, iho? Mahigit animnapung palapag ang taas na káya kong akyatin, at ehersisyo ang pagpindot sa buton sa nais abuting langit. Mamimilì ka sa silbi ng elebeytor at hagdan, at matutuklasan mo, gaya ko, kapag ika’y naparito, ang nakaiinip na siklo ng pagbibilang ng baitang. Ano ang ikinaiba ng gusali sa iyong bundok? Hindi ka ba nababato? Kung nakakikita ka araw-araw ng ulap, sinasalubong naman ng ilong ko ang malulungkot na usok ng lungsod.

Takot ako sa maiilap na hayop, hindi tulad mo, at huwag akong biruing ang higit na katatakutan ay ang kamandag sa dila ng mga tao na naririto para sa kanilang negosyo at plano sa mundo. Tatamaan ka ng lintik sa labis na pagkaabenturero, habang ako’y kukuya-kuyakoy sa upuan ng amo ko kung wala siya’t des-oras ng gabi. Magpalit tayo minsan ng tungkulin, at dito ka dumako sa matayog kong opisina! Ang andamyo sa labas ng bintana kung minsan ay para na ring upuang umuugoy sa hangin, at tiyak kong maiibigan mong maglinis ng libag ng kabihasnang hindi ko maunawaan.

Higit sa pitong bundok ang naabot mong tuktok, ‘ika mo? Ngunit nakakikita ka ba araw-araw ng mga bituing nasa lupa imbes nasa langit? Anak ng Huwé, sunduin mo ako, at ibig kong masilayan ang iniinstagram mong Paraiso. Masarap sigurong tumoma diyan sa gabing malamig pa sa yelo. Kahit sabihing ako ang may-ari ng dambuhalang estrukturang ito, at tumama sa lotto, ipapalit ko ito, kahit saglit, para samyuin ang simoy diyan, at damhin ang putik sa kinalalagyan mo. Natanggap mo ba ang tex ko? Sa isang linggo, magreretiro na ako. Sabik na akong mayakap si Nanay mo! At matagal na rin akong di nakikipagsabong sa tropa ni San Pedro!

Sonámbulo at Panggabing Ritwal, ni Yannis Ritsos

Salin ng dalawang tula ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sonámbulo at ang Ibang Tao

Hindi siya makatulog sa buong magdamag. Sinundan
niya ang mga yabag ng sonámbulong nasa ibabaw ng bubóng.
Umaalingawngaw ang bawat hakbang nang eternal
sa angkin nitong kahungkagan, mabigat at ibinalot wari
sa kung anong saplot. Tumindig siya sa gilid ng bintana,
naghintay para saluhin sakali’t mahulog ang tinitingala.
Ngunit paano kung mahila siya pababâ sa pagbagsak?
Isang anino ng ibon sa pader? Bituin? Siya? Mga kamay niya?

Narinig ang lagabog sa sementadong daan. Madaling-araw.
Nagbukás ang mga bintana. Kumaripas ang magkakapitbahay.
Ang sonámbulo ay tumakbo pababa sa ligtasan kung may sunog,
upang silipin kung sino kayâ ang nahulog mula sa bintana.

Panggabing Ritwal

Kinitil nila ang tandang, ang púnay, ang kambing. Ipinahid
nila ang sumirit na dugo sa kanilang balikat, leeg, mukha.
Humarap ang isa sa dingding at pinahiran ng dugo ang uten.
Pagdaka’y tatlong babaeng nasa sulok at may puting lambong
ang gumibik na waring pinapaslang. Ang mga lalaki—
na nagtaingang-kawali—ay iginuhit sa sahig sa pamamagitan
ng yeso ang mahahabang sawá at sinaunang mga palaso.
Sa labas, lumagabog ang mga tambol na yumanig sa buong
pamayanan.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Yes to Filipino. Yes to human rights. Yes to humanity!