Salin ng "Bats" ni Rei Mina ng Papua New Guinea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoMga Paniki
Sino ang naninirahan sa ganitong madilim, sawîng
Dingding na kasing-itim ng gabi?
Panatag ang simoy,
Naghihintay wari ng panggabing pagkabulabog.
Walang ano-ano’y pumagaspas ang mga pakpak.
May kung anong dumaplis sa aking mukha.
Sumunod ang isa pa.
Maya-maya’y lumitaw ang kawan ng mga nilalang,
At umahon ang ritmo ng nakakikilabot na musika.
Ang masangsang na amoy ng di-naliligong lawas
Ay kumampay-kampay at lumutang sa eyre.
Paano nakikita ng mga nilalang na ito ang daan
Sa pagitan ng mga dingding na bato,
Na higit na maitim pa sa gabi?
Alimbúkad: Poetry across countries. Photo by Brady Knoll on Pexels.com
Salin ng “The Birth of the Smile,” ni Christopher Middleton ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
May tatlong alamat hinggil sa pagsilang ng ngiti, at umuugnay ang bawat isa sa magkakaibang panahon. Kaugalian nang isalaysay ang mga alamat na ito sa pabaligtad na pagkakasunod-sunod, na tila ba maituturo nito sa wakas ang walang katapusang sinaunang panahon na taglay ang mga lihim na balang araw ay ibubunyag din sa mga alamat na kinakailangan pang tuklasin.
Ang unang alamat ay hinggil sa mga Sumeryo. Bumaba mula sa kabundukan tungong kapatagan ang mga tao na ito upang maghanap ng pagkain at tubig. Makalipas ang ilang siglo ng pagtatamasa ng pagkain at tubig, naaburido ang mga tao sa pagkasapád ng kapatagan, nanabik muli sa sinauna’t nakagawiang pag-akyat at pagbabâ sa mga bundok, at nagpasiya pagkaraan na magtayo ng bundok na matatawag na kanila (malinaw na ibig nilang magbalik sa dáting pook). Sa loob ng sampung taon, nagpunyagi ang mga lalaki sa pagtatayo ng bundok. Ang mga babaylan ang tumapos doon—naghukay ng mga butas para agúsan ng tubig, nagtanim ng punongkahoy sa tuktok, isinaayos ang mga silid sa loob, malapit sa paanan, para sa materyales sa aklatan, at ang palikuran, na napakahalaga. Habang abala ang mga babaylan, isang napakalaking hablon, na hinabi sa loob ng sampung taon ng mga babae, ang inilambong paikot sa bundok. At sa wakas, nagtipon ang mga tao; pagdaka’y tinanggal ang nakalukob sa bundok nang may angkop na seremonya habang sumasaliw ang mga lumalabog na agung. Habang lumilislis sa lupa ang hablon, ginupit ang mga hibla sa pamamagitan ng malalaking gunting na yaring Sumeryo, at lumantad ang bundok na sariwa at lastag, at napangiti ang lahat ng Sumeryo sa unang pagkakataon. Maikli ang pagngiti, gayunman. Nagtayo ng bundok ang mga Sumeryo upang bagtasin nang paakyat at pababa, ang bundok ng puso, ang bundok ng kawalang-pag-asa, ang bundok ng kirot; ngunit naglaho ang kanilang ngiti nang ang isang babaylan, mula sa ilalim ng punongkahoy doon sa tuktok, ay maghayag: “Sagrado ang pook na ito; huwag itanong kung kanino laan ito. At huwag pumasok o umakyat sa kabilang panig, o kayo’y mamamatay!”
Isinasalaysay ng ikalawang alamat na isinilang ang ngiti sa mukha ng unang babae nang tumayo ito sa unang pagkakataon sa harap ng unang lalaki, at sumagap ng katahimikan na nagpalaki at nagpahaba sa uten ng lalaki sa labis na pagkalugod sa piling ng babae.
Inilahad ng ikatlong alamat ang panahon na dapat mauna sa ikalawa, kahit pa ilang araw lamang ang nakalipas. Ito ang sinasabi ng alamat: Nang ginagawa ng tagapaghubog ng búhay ang lalaki at babae, napakaingat niya upang mabigyan sila ng matibay na hubog at nang maisilid ang kaluluwa sa kanila. Malimit may panganib na malusaw ang mga anyong ito sa agos na lumalagos sa lahat ng bagay. Napoot ang kaluluwa sa mga bagong nilalang, at nagwala dahil ikinulong ito, at makalipas ang matinding pagpupumiglas at pakikipaghatakan, sumabog ito sa pagiging apoy. Dumaloy ang apoy sa mga katawan ng mga nilalang, at muntik nang matupok ang lahat ng iba pang nilikha kung hindi naagapan ng Kalmanteng diyos na humawak sa kamay ng kaluluwa. Walang ano-ano’y tumayo sa harap ng babae ang diyos. Nang magkaharap na sila, isang pulô ng kalamigan ang nalikha sa gitna ng pagliliyab. Habang nakatitig sa babae, unti-unting namangha sa gaan at kariktan ng babae ang diyos, at sa halos naaaninag na katawan na ginagapangan ng apoy na humahagupit nang malakas. Nagwika ang diyos sa makalangit na pananalita sa katawan ng babae, samantalang namamangha sa pagtitig. Habang nagsasalita ang diyos, narinig ng kaluluwa ang gayong mga salita, at sa unang pagkakataon ay nagsimulang pumanatag ito sa tinatahanan. Iyon ang sandaling napangiti ang babae. Noong panahong iyon, ang ngiti ay sadyang pagpayag ng kaluluwa na manahan sa atin.
Kung matutuklasan ang mga sinaunang alamat, maipapaliwanag ng mga ito sa atin ang nahihindik na ngiti ng isang Kafka; o ang ngiti na isiningit sa mga gilid ng bibig ni Che Guevara, sa pamamagitan ng mga hinlalaki ng kaniyang mga salarin.
Alimbúkad: Breaking barriers in the name of ultimate poetry. Photo by Pixabay on Pexels.com
Salin ng tula ni Faiz Ahmad Faiz ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Gabi
Tila templo ang bawat punongkahoy:
Abandonado, liblib na sinaunang templo,
Naghahanap ng katwiran para gumuho,
humapay ang edipisyo’t uga ang mga pinto.
Waring asetikong pari ang kalangitan:
Abuhin ang lawas, may pulang guhit sa noo,
Nakaupo nang yukod nang napakatagal.
Madarama ang mangkukulam kung saan:
Binarang niya ang kalangitan sa paligid,
At tinahi ang panahon sa kandungan ng gabi.
Ngayon, hindi na sasapit
ang takipsilim ni karimlan.
Hindi magwawakas ang gabi,
O sisilang ang madaling-araw.
Naghihintay ang langit na mabasag ang kulam:
Maputol ang tanikala ng katahimikan,
Lumaya sa wakas ang kandungan ng Panahon;
Na umalingawngaw ang pakakak,
Na kumalansing ang mga bitík,
Mapukaw ang diyosa mula sa pagkakahimbing,
Mapukaw ang dalaga at lambong ay hubarin.
Naaakyat ko ang bundok sa mababangong magasin, ngunit hindi ako ni minsan nakarating sa gubat na ikinukuwento mo. Wala bang bagyo diyan, iho? Mahigit animnapung palapag ang taas na káya kong akyatin, at ehersisyo ang pagpindot sa buton sa nais abuting langit. Mamimilì ka sa silbi ng elebeytor at hagdan, at matutuklasan mo, gaya ko, kapag ika’y naparito, ang nakaiinip na siklo ng pagbibilang ng baitang. Ano ang ikinaiba ng gusali sa iyong bundok? Hindi ka ba nababato? Kung nakakikita ka araw-araw ng ulap, sinasalubong naman ng ilong ko ang malulungkot na usok ng lungsod.
Takot ako sa maiilap na hayop, hindi tulad mo, at huwag akong biruing ang higit na katatakutan ay ang kamandag sa dila ng mga tao na naririto para sa kanilang negosyo at plano sa mundo. Tatamaan ka ng lintik sa labis na pagkaabenturero, habang ako’y kukuya-kuyakoy sa upuan ng amo ko kung wala siya’t des-oras ng gabi. Magpalit tayo minsan ng tungkulin, at dito ka dumako sa matayog kong opisina! Ang andamyo sa labas ng bintana kung minsan ay para na ring upuang umuugoy sa hangin, at tiyak kong maiibigan mong maglinis ng libag ng kabihasnang hindi ko maunawaan.
Higit sa pitong bundok ang naabot mong tuktok, ‘ika mo? Ngunit nakakikita ka ba araw-araw ng mga bituing nasa lupa imbes nasa langit? Anak ng Huwé, sunduin mo ako, at ibig kong masilayan ang iniinstagram mong Paraiso. Masarap sigurong tumoma diyan sa gabing malamig pa sa yelo. Kahit sabihing ako ang may-ari ng dambuhalang estrukturang ito, at tumama sa lotto, ipapalit ko ito, kahit saglit, para samyuin ang simoy diyan, at damhin ang putik sa kinalalagyan mo. Natanggap mo ba ang tex ko? Sa isang linggo, magreretiro na ako. Sabik na akong mayakap si Nanay mo! At matagal na rin akong di nakikipagsabong sa tropa ni San Pedro!
Salin ng “Il m’est interdit,” ni Jacques Dupin ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Pinagbawalan ako
Pinagbawalan akong humintô nang makakita. Na tila pinarusahan akong makakita habang naglalakad. Habang nagsasalita. Na masilayan ang aking winiwika, at sadyang magsalita dahil hindi ako nakakikita. Samakatwid para maipamalas kung ano ang hindi ko nakikita, at ang ipinagbabawal sa aking makita. Ang wikang umaalimbúkad ang tumatamà at tumutuklás. Katumbas ng pananagutan ang pagkabulag upang baligtarin ang kalagayan, at itakda ang paglalakad at salita sa harap ng paningin. Upang makalakad sa gabi, upang makapagsalita sa gitna ng ingay at pagkalito, upang ang sinag ng liwayway ay sumanib at tumugon sa aking hakbang, tukuyin ang sanga, at pitasin ang bunga.
Salin ng “Ende eines Sommers,” ni Günter Eich ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Wakas ng Tag-araw
Walang ibig mamuhay nang malayo sa lilim ng mga puno!
Mapalad na tayo, at naging mortal silang nilalang!
Pinipitas ang mga peras, tumitingkad ang sirwelas
Habang dumadagit ang oras sa ilalim ng tulay.
Ibinahagi ko ang panlulumo sa kawan ng ibong patimog.
Panatag nilang sinukat ang kanilang bahagi sa eternidad.
Ang kanilang ruta
Ay lumitaw bilang madilim na pagpipilit sa kayabungan.
Ang pumapagaspas na mga pakpak ay kumulay sa bunga.
Kailangan nating magtiyaga.
Mauunawaan balang araw ang sulat-sa-langit ng mga ibon.
Hindi mo ba nalalasahan ang tansong kusing sa ilalim ng dila?
Salin ng “Было тело моё без входа,” ni Maria Shkapskaya ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Walang lagusan ang aking katawan
Walang lagusan ang aking katawan, ngunit
nakalapnos sa akin ang itim na usok:
Yumukod siya’t lumukob sa katawan ko—
ang sungayang kaaway ng sangkatauhan.
Pumikit ako’t nilimot ang angking dangal.
Ibinukás sa kaniya’y buong loob ko
upang ang pusón ko’y magkabinhi’t umumbok
at isilang ang anak kong kaibig-ibig.
Salin ng katutubong awit ng Zimbabwe na inawit ni Apollonia Hodza
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Aaron C. Hodza
Shona: Awit sa Pagbabayo
Ikaw na kabilang sa pook pulungan ng mga lalaki,
Ang tangan mong nilupak ay dapat sapat na ang dami;
Nakapapagod din naman ang pagbabayo ng mais.
Noong bata pa ako’y tumatawa ka nang malimit
Dahil lagi nang tumutulo ang uhog ko’t gusgusin.
Ano ba ngayon ang lagi mong napapansin sa akin?
Dahil ba nakita mo ang gayuma ng aking dibdib
Na bilog, malambot, at ang utong ay tirik na tirik?
Bakit ka naninilip sa likod ng punong mabolo?
Sumasasál ang tibok ng puso mo sa pagbayo ko,
Habang unti-unting nadudurog ang mais sa lusóng,
Habang unti-unting nadudurog ang mais sa lusóng.
I
Habang naghihintay ang makata’y
Namatay si Aisha sa pagkadestiyero
At naging tala sa umaga:
Ang kintal nina Lara at Khuzama, Hind at Safa,
Reyna ng mga reyna,
Lagablab ng apoy sa mga tore ng langis
At sa mga saknong ng Awit ng mga Awit;
Dugo sa mga taludtod ng Torah
At sa noo ng mga magnanakaw ng mga himagsikan.
Siya ang naghunos na Nilo at Ewfrates,
Ang mga panata ng maralita
Sa Kabundukan ng Atlas;
Isang liriko sa tula ni Abu Tammam.
Siya ang naging Beirut at Jaffa
Isang Arabeng nasugatan sa mga lungsod ng malikhain
Na sumumpa ng pagmamahal
At sinapian ng apoy.
Siya ay naging si Ishtar.
II . . . . . . Nang lumisan ang makata, . . . . . . Ang kaniyang mga bakás ay nagmapa ng mga bagay.
III . . . . . . Nang magpatiwakal ang makata’y . . . . . . Nagsimula ang kaniyang dakilang paglalakbay. . . . . . . Ang kaniyang mga bisyon ay natupok sa laot;
Nang ang sigaw niya’y tumagos sa kaharian ng destiyero,
Ang mga tao na nagmula sa disyerto’y nagsimulang umibig
Upang wasakin ang mga diyos na hinubog sa luad
At nang maitatag ang Kaharian ng Maykapal.
Salin ng tula ni Ch’oe Song-yu ng Korea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Graeme Wilson
Sapínit sa Gubat
Gumulapa ako sa aking kinatatayuan
Makalipas ang mahaba’t nakapapagal
Na martsa kagabi,
Nang walang ano-ano’y gulatin ako
Na nasa tabi ko lámang palá
Ang kulumpon ng sapínit na nag-aalab
sa pagkahinog sa gilid ng isang tuod.
Ay, lintik na digma! Dinaluhong ko
Ang mga bunga na parang ako’y bata.
Stop weaponizing the law. Resist Chinese occupation of the West Philippine Sea! No to foreign aggression!