Pangalan

4. Pangalan
Tinawag siyang “Wikwik” ng mga kargador, at itinuring na sampid na walang alam sa karagatan. Nagunita niya ang wikwik, at sa kanilang nayon ay kinatatakutan ito bilang ibong mandaragit na malalapad ang bagwis, matigas at pabaliko ang tuka, matatalas ang kuko, malinaw ang paningin, at taglay ang balahibong pinaghalong puti, pula, at itim. Hindi marahil nauunawaan ng mga kargador ang kahulugan ng wikwik, aniya, at binanggit lamang iyon dahil sa pambihirang tunog na gumagagad sa kanilang matitigas na dila.

Nasaksihan niya kung paanong dagitin ng wikwik ang bagong silang na biik, at makaraang umimbulog ay inihulog ang biik sa bangin upang muling pulutin at tangayin sa kung saang pugad sa batuhan. O kaya’y kung paano binulag saka pinilay ng wikwik ang isang unggoy, at pagkaraan ay niluray ang laman-loob sa ilang sandali.

Wala siyang pangalan, at habang siya’y nasa banyagang tubigan ay naisip na hindi mahalaga ang pangalan. Lahat sila, silang nakasakay sa Andalusya, ay pantay-pantay sapagkat anumang oras ay maaaring lamunin sila na matatangkad na alon; o kaya’y sumampa sa kanilang sasakyan ang mahahabang galamay ng pugita; o bungguin ng mga tandayag at pagi ang kanilang proa upang ipamalas ang karupukan ng kanilang pag-iral. Hindi mahalaga ang pangalan, bagkus ang simoy, at ang agos ng tubig ay ihahatid sila sa pampang ng mga kalakalan.

Ngunit nayayamot sa kaniya ang amo tuwing siya’y tatawagin; at si Senyor Fernando ay hindi sanay tawagin siya nang pasutsot, at sumigaw ng “Halika, Alipin!” Nang tanungin siya kung ano ang kaniyang ngalan ay umiling lamang siya. “Mula ngayon ay tatawagin kitang Enrique,” dumaragundong na winika ni Senyor Fernando. “Magiging tukayo mo ang dukeng nabigador ng Portugal, ngunit sa pagkakataong ito ay magiging utusan ka sa piling ko.” Napahalakhak si Senyor Fernando at tumalikod pagkaraan upang harapin ang kaniyang mapa at paraluman.

Naibigan ng binatilyo ang ngalang “Enrique.” Isa na siyang nabigador; at kung siya man ay dating tagasagwan sa kanilang balangay, siya ngayon ay magiging timonero. Tahimik niyang inihanda ang kape at tabako ni Senyor Fernando; at pagkaraan ay lumabas ng silid upang tanawin muli ang mga bituin. “Makababalik ako sa aking bayan,” bulong ni Enrique, “at tutuparin ang kapalaran ng isang dakilang manlalakbay!” Waring narinig siya ng kalangitan, at ilang sandali pa’y gumuhit ang tatlong bulalakaw sa karimlan. (Itutuloy. . . .)

Ikaw

Ikaw ang aking simula at wakas ng pantig
Ikaw ang pintig ng simula hanggang wakas
Ikaw ang wakas ng pintig ng aking simula
Ikaw ang simula ng aking wakas na pintig
Dahil ikaw ang pantig ng aking pintig
Dahil ikaw ang pintig ng aking pantig
Ikaw na wakas at simula ng mga pangalan
Ay siyang simula at wakas na minamahal.

“Ikaw,” tula © ni Roberto T. Añonuevo, 16 Disyembre 2011.

Kung nais ninyong makita ang munting presentasyon ng mga imahen ng tulang ito, mangyaring pindutin ang sumusunod na larawan.

 

Iyang Pagpapangalan

Salita ang bumubuo ng publikong imahen ng tao, at ang masining kung hindi man tusong paggamit nito ay makalilikha ng pambihirang konseptong sasaklaw sa guniguni ng madla. Ang mga taguring “King of Rock & Roll,” “King of Pop,” at “Asia’s Songbird” ay maaaring sumaklaw hindi lamang sa angking husay ng tao sa piniling larang na musika, bagkus sa negosyo at kulturang isinusulong nito. Ang musika ay lumalabas sa dating lunan ng pagtatanghal, at nakakabitan ng mga diwaing maharlika, samantalang ang publiko ay mistulang sakop sa gayong halina. At ang mang-aawit ay nagiging pambihira, dahil ang taguri sa kaniya ay posibleng lampas sa kayang ipakita ng kaniyang talento sa pagtatanghal.

Ang pagpapangalan ay tumutulong upang matandaan ng madla ang isang personalidad. Maihahalimbawa ang mga ikonikong pangalan sa resling noong dekada 1980, gaya nina Ricky “The Dragon” Steamboat, George “The Animal” Steele, Jake “The Snake” Roberts, at Jimmy “The Superfly” Snuka, dahil kakabit ng mga pangalan nila ang konsepto ng hayop o insektong mabagsik at nakamamatay. Samantala, ang pagiging ilahas ay itatampok ng gaya nina Randy “Macho Man” Savage at Brett “The Hitman” Hart na hindi lamang guwapo at makisig bagkus maaasahang tirador sa loob ng lona. Ang paglalaban sa lona ay kapuwa isports at aliwan, at naging makulay dahil sa introduksiyon ng madulaing tagpo ng mga bakbakan at katauhan ng mga kalahok.

Hindi magpapahuli ang Filipinas sa kalakaran sa ibayong dagat. May “Living Legend,” “Fortune Cookie,” “Sky Walker,” “El Presidente,” at iba pang taguri na hindi lamang magpapasikat sa basketbolista bagkus magpapakilala rin ng saklaw ng Philippine Basketball Association (PBA) noong dekada 1970-1980. Ang pagpapakilala ay dapat ipapataw ng iginagalang na komentarista, gaya nina Joe Cantada at Ed Piczon, upang maging kapani-paniwala sa madla. Mauulit ang gayon sa bilyar, gaya ng Efren “The Magician” Bata Reyes; at sa boksing, gaya ng taguring “Pound for Pound King” kay Manny Pacquiao.

Pinakamalakas ang datíng ni Michael Jordan na tumulong nang malaki upang makilala ang brand ng sapatos na Nike. Dahil kay Jordan, ang Nike ay hindi naging ordinaryong gomang sapatos bagkus sapatos na kayang magpalutang sa eyre ng kaniyang mga panatikong tagasunod. Ang sapatos ay nagdaragdag ng prestihiyo at angas sa mga manlalaro kung hindi man tagahanga. Ang sapatos at basketbol ay nagkaroon din ng pagsasalikop ng katangian, at umabot hanggang ibang larang gaya ng moda, agham, siyobis, at politika. Ang ehemplo ni Jordan ang sinisikap pantayan ngayon ni Pacquiao, bagaman walang malinaw at konsistent na produktong isinusulong si Pacquiao kundi pain killer at serbesa.

Isang taktika ng propaganda ang pagpapangalan. Ang isang tao ay dapat mahusay at tinitingala sa kaniyang larang, at ang husay na ito ang lilinangin ng mga anunsiyante para ikabit sa isang produkto o simulain. Nagmimistulang ekstensiyon ng produkto ang tao, dahil ang katangian ng tao ay isinisilid sa produkto. Samantala, kinakailangan ang sari-saring pagdulog sa tao upang maging isang ganap na ikon. Kabilang dito ang paghuli sa tiyak na kilos o pagsasalita, kisig o ngiti sa publiko; o kaya’y paulit-ulit na pagpapamalas ng serye ng mga hulagway o salita gaya sa MTV video. Madaling magwakas ang pagiging ikon ng isang tao kapag pumusyaw ang halina ng personalidad, halimbawa sa sandali ng kabiguan o kasawian, o kaya’y natuklasan ang kapintasan ng produkto. O kung sumulpot ang bagong personalidad na tatabon sa kasikatan ng nauna sa kaniya.

Ang pagpapangalan ay estratehiya ng marketing, at dito matutunghayan kung paano ginagamit ang meme para bilugin ang isip ng madla. Ang meme ay maaaring jingle, poster, slogan, retrato, at kung ano-ano pang bagay. Nawawalan ng kakayahan ang isang tao na makapag-isip, wika nga ni Richard Dawkins, at masasagap niya ang isang diwaing lihis man sa lohika at saliksik nang parang ganap na katotohanan. Ang problema sa ganitong pangyayari, bagaman napapanatili ang kaayusan sa lipunan ay lumilikha naman ng mga saliwang pagtanaw sa daigdig palayo sa katotohanan. Halimbawa, gaano man kaganda ang sapatos na Air Jordan, hindi ito makatutulong upang humusay ka sa basketbol. Kailangan ang siyentipikong pagsasanay at talento, at kung minsan, suwerte upang tumanyag.

Maaasahan ang pagpapangalan sa panahon ng halalan. Ang politikong kandidato ay magiging laman ng palengke, kalye, ospital, paliparan, pamayanan, at kung saan-saang lugar. Kailangan niyang magpamalas ng partikular na imahen, gaya sa pananamit at pagsasalita, at ang imaheng ito ang ikakabit sa pagpapangalan na kaugnay ng meme. Kung hindi ito gagawin ng kandidato, maaaring malaglag siya sa sarbey at langawin ang kaniyang kandidatura. Samantala, malaki ang gagampanang tungkulin ng mga partido politikal ng bansa, dahil magsusulong ito ng mga adyenda para sa susunod na administrasyon sakali’t magwagi sa halalan. Kung ang kandidato ay mananatiling nakakahon sa pagpapangalan, ang mga plataporma de gobyerno ay maaaring matabunan sa kampanya, at nakapanghihinayang na hindi makaiigpaw ang halalan sa mababaw na pamumulitika.