Ang araw ng liwanag, ni Bjørnstjerne Bjørnson

Salin ng tula ni Bjørnstjerne Bjørnson ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Araw ng Liwanag

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Gumalà ako sa kahuyan, humiga sa damuhán,
At sa duyan ng kaluguran ay nagpabíling-bíling;
Ngunit laksa ang langgam, nangangagat ang mga lamok,
Mabagsik ang mga niknik, at putakti’y nag-aamok.

“Mahal ko, gusto mo bang magliwaliw ngayong maganda
ang araw?” ani inang nasa hagdan at kumakanta.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Sumapit ako sa párang, humilata sa damuhan,
At inawit ang ibinulong sa akin ng damdamin;
Gumapang ang ulupong na sandipa ang habà,
Nagbilad sa araw, at tumakbo ako nang magitlâ.

Sa ganitong araw, puwedeng magyapak, ani ina,
Habang hinuhubad niya ang medyas sa mga paa.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Kinalag ko ang tali’t humilata ako sa paráw
At masayang nagpaanod saka biglang napahimbing;
Ngunit nakapapasò ang sinag, sunog ang ilong ko,
Ayoko na, dadaong na ako sa pasigan dito!

“Ito ang panahon para mangalaykay,” ani ina’t
Isinudsod ang kalaykay sa dayami ng mandalá.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Umakyat ako sa puno’t naglaro nang walang humpay,
At ang malamig na simoy ang nagpakalma sa akin.
Ngunit nangalaglag ang mga uod sa aking batok,
Napalundag ako’t humiyaw: “Yawang umiindayog!”

“Kung hindi malilinis ang mga baka,” ani inang
nakatitig sa buról, “huwag umasang lilinis pa.”

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Nagtungo ako sa talón, naglaro kahit maginaw,
At natamo ang kapanatagan sa angking damdamin.
Nakita ako ng sinag-araw nang nalunod at yumao—
Ikaw ang kumatha ng awit na ito’t hindi ako.

“Tatlong maliwanag na araw na lamang,” ani ina,
“at lahat ay handa na,” at inayos ang aking kama.

Pangaral ng Kalikasan

Mayaman sa kawikaan ang mga Filipino, ayon sa saliksik ni Damiana L. Eugenio, kapag pinag-usapan ang bagyo, baha, hangin, unos, ulan, at tubig. Maaaring nakatulong dito ang pangyayaring ang Filipinas ay may tropikong klima, at nakapuwesto sa lugar na malimit dalawin ng unos o bagyo, samantalang nagtataglay ng malawak, sari-saring tubigan. Mahihinuhang hinugot sa karanasan ang nasabing kawikaan, pinagbulayan nang matagal, sinubok nang paulit-ulit, at tumitingkad ang kulay dahil ang pahiwatig at pakahulugan ay lumalampas sa ordinaryong kabatirang may kaugnayan sa kalikasan.

Paano kaya tumula ang ating mga ninuno? Marahil ang sinaunang makata noon ay lagalag at mahilig magmasid sa paligid. Isang Tausug ang magwiwikang “In tubig ulan di humanti ha bud” (Hindi nananatili sa bundok ang tubig-ulan). O kaya’y may Sugbuhanong bihasang maglayag ang magsasaad na, “Ang tubig nga malalum,/ Malisud kung salumon” (Mahirap ngang arukin ang tubig na malalim). Posibleng naglalakad ang isang palaboy na Tagalog kung saan at napadako sa pasigan, saka itinala ang nasaksihan:

Ang sa tubig ay nagmula,
Sa tubig din nawawala.

Payak sa unang malas ang siniping tula, dahil sa tatlong salita lamang umiinog ang pananalinghaga: “tubig,” “nagmula,” at “nawawala.” Tugmang pantigan ang ginamit sa tula, at lumalakas dahil maragsa ang bigkas. Ang kakatwa rito’y ang “tubig” bilang poste ng tula ay nakakargahan ng pambihirang pahiwatig, dahil ito ay may angking doble-karang katangian. Ang kapuwa “nagmula” at “nawawala” ay maituturing na magkabilang suhay sa posteng diwain. Maiisip na bukál ng biyaya ang tubig sa isang banda dahil nakapagbibigay ng pagkain at inumin, ngunit ang tubig na ito, sa kabilang dako, ay nagiging mapanganib (gaya sa baha at daluyong) sa pagbabago ng klima at panahon. Sa higit na malalim na pagbasa, ang “tubig” ay masisipat na hulagway lamang ng abstraktong diwain, gaya ng “pangarap” o “pagsisikap,” at lumalalim ang pahiwatig kung ilalapat sa ibang yugto ng buhay at karanasan.

Maiisip na tila bantay-kalikasan ang sinaunang makata noon. Daig pa niya ang taga-PAGASA sa pagtaya ng panahon. Anumang pagbabago ng simoy ay naitatala sa pamamagitan ng tula, at maihahalimbawa ang Boholanon: “Maabot na gani ang bagyo,/ Mogula ang tanan hangin” (Kapag bagyo ang dumating, bubuga lahat ng hangin.) Ang gayong obserbasyon ay tutumbasan ng kawikaang “Dakula in hunus,/ Sagwa way ulan niya” (Malakas ang bagyo, ngunit walang ulan.) Makata rin ang maghahatid ng babala sa taumbayan para maghanda: “Bayu datang ing bagyu,/ Patukuran mong bale mo.” (Bago dumating ang bagyo,/ Tukuran mo ang bahay mo.”) May pasaring ang kaugnay na kawikaan sa makukupad: “Nang ang bagyo’y nakaraan,/ Saka pa mandin nagsuhay.” Na ang ibig sabihin ay huli na ang lahat.

Samantalang lilinga-linga sa paligid ang sinaunang makata, malalim din siyang dumamá ng kalooban ng kapuwa. Sa kawikaang “Kapug ngan pa’y baha,/ Dili ang biga,” itinatanghal ang pangyayaring kayang supilin ang baha, ngunit hindi kailanman ang masidhing pagnanasa. At ang pagnanasang ito ay maaaring libog sa pakikipagtalik, o kaya’y pambihirang ambisyong harangan man ng libong pagsubok ay magtatagumpay pa rin sa wakas. Batid noon ng sinaunang makatang Kapampangan ang pangyayaring habang tumatagal ang baha ay lumalaganap ang taggutom (“Ing maluat a albug/ Maragul a danup.”) Na totoo pa rin magpahangga ngayon, at patutunayan ng mga karanasan sa buong Kamaynilaang sinalanta ng bagyong Ondoy, o sa Pangasinan na winasak ng bagyong Pepeng.

Gaano man kabigat ang problemang iniiwan ng bagyo o baha ay hindi panghabang-panahon, kung paniniwalaan ang mga kawikaan. “Pagkaraan ng sigwa/ ay magandang umaga.” Na may pag-asa pa pagkaraan ng sakuna. Matutumbasan ito ng pangyayaring “Walang isang taóng bagyo,” dahil nagbabago ang hihip ng panahon. Kung ang ganitong kabatiran ay nagpasalin-salin nang pabigkas sa iba’t ibang henerasyon, marahil ay dahil may silbi ito sa ating buhay. Kung paano nagiging makabuluhan ang mga kawikaan ay maaaring nasa pagpapahalaga ng madla, at ang madlang ito ay minsang nakinig sa makatang mapagmasid at malikot ang guniguni.