Prometheus, ni Johann Wolfgang von Goethe

Salin ng “Prometheus,” ni Johann Wolfgang von Goethe ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Prometheus

Takpan sa makakapal na dagim
Ang iyong langit, O Zeus!
At gaya ng paslit
Na pumipigtal ng mga dawag,
Magsanay sa mga roble at tuktok
Ng mga bundok
Kailangan mo pa ring lisanin
Ang aking mundo na buong-buo,
At ang aking munting kubol
Na hindi mo naman itinayo,
At ang aking dapugan
Na ang naglalagablab na init
Ay sadyang kinaiinggitan mo.

Wala na akong alam na hihigit pa
Na kasuklam-suklam sa balát ng lupa
Kundi kayong mga bathala!
Masinop mong pinakakain
Ang iyong dakilang kamahalan
Mula sa mga buwis ng sakripisyo
At hininga ng panalangin
At magdurusa sa kakulangan
Ngunit hindi sa mga bata at pulubi,
O sa mga kaawa-awang hangal!

Minsan, noong bata pa ako’y
Hindi ko alam kung saan susuling,
Tumingala ako sa araw, na tila ba
May taingang makikinig sa hinaing,
Na may pusong gaya sa akin
Na mahahabag sa mga inaapi.

Sino ang tumulong sa akin
Laban sa kahambugan ng mga Titan?
Sino ang sumaklolo sa akin
Mula sa kamatayan, sa kaalipnan?
Hindi ba ang banal at nagniningning
Kong puso ang gumanap ng lahat
Kahit ni walang isang tumulong?
At hindi ba ang musmos at mabuti
Na nandaya ang nagpasalamat
Dahil sa pagkupkop sa kaniya,
Dahil natutulog ang nasa kaitaasan?

Magpupugay ako sa iyo? Para ano pa?
Pinagaan mo ba kahit minsan
Ang pasaning hinagpis ng tao?
Pinahimasmasan mo ba kahit minsan
Ang sindak na taglay ng mga luha ng tao?
Hindi ba ang omnipotenteng Panahon
Ang pumanday sa aking pagkatao,
At ang walang hanggahang Kapalaran
Ang kapuwa natin mga panginoon?

O naiisip mo rin ba marahil
Na kailangan kong kapootan itong buhay,
Tumakas tungo sa mga disyerto
Dahil hindi lahat ng sumisibol
Na pangarap ay ganap na nahihinog?

Narito akong nakaupo, hinuhubog
Ang mga tao mula sa aking hulagway—
Isang lahing kahawig ko:
Ang magdusa, ang tumangis,
Ang magsaya, ang magdiwang
Dahil ni minsan ay hindi ka pinakinggan
Tulad ko!
(1773)

Pamagat: Prometheus Bound. Artist: Frans Snyders. 1618.  Oleo sa kambas.Taas: 242.6 cm (95.5 ″); Lapad: 209.5 cm (82.4 ″) Museo: Philadelphia Museum of Art

Sapagkat bumubukad ang madaling-araw, ni Merle Collins

Salin ng “Because the dawn breaks,” ni Merle Collins ng Grenada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sapagkat bumubukad ang madaling-araw

Nagsasalita kami sapagkat
Kapag bumuhos ang ulan sa kabundukan
Ay marahang lumalaki’t umaapaw ang ilog
At ilang sandali pa’y bubulusok ang agos
Sa mga tipak na bato
Nang lampas sa mga lansangan,
Paguguhuin ang mga tulay
Na maggigiit ng taglay nitong kapangyarihan
Laban sa rumaragasang lakas
Nagsasalita kami dahil kami’y nangangarap

Nagwiwika kami para sa parehong katwiran
Na ang kulog ay nakasisindak sa bata
Na nakayayanig sa punongkahoy ang kidlat

Hindi kami umiimik upang suwayin ang panuto
O upang baligtarin ang inyong mga plano
O pabagsakin ang inyong mga Tore ng Babel
Sa kabila ng katotohanang ginagawa namin ito

Nagwiwika kami dahil kami’y nangangarap
At ang aming mga pangarap ay hindi  maipipiit
Sa kural ng baboy sa kanino mang bakuran
Hindi para sumalo ng mga mumo sa mga mesa
Hindi para gumapang nang walang hanggan
Sa walang katapusang linya ng mga langgam
Upang lumihis palayo sa isang biglang liko
Kapag ang paa ng elepante’y biglang lumagapak
Hindi para umurong at tumakbo palayo
Kapag ang malansang simoy ng kamatayan
Ay nakasusulasok na sa aming mga pandama
Hindi para makibaka nang walang katapusan
Upang gagapin ang hulagway ng inyong mga diyos
Sa loob ng aming likha

Mga Pangarap at Patatas, ni Abbas Beydoun

Salin ng tula ni Abbas Beydoun ng Lebanon
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pangarap at Patatas

Abbas Beydoun

Ipinasok nila ang isda sa hurnó at niluto.
Binunot nila ang mga pangarap mula sa lupa.
Dito na ang mga tao ng balón ay nangaglaho,
naglaho rin ang iba pang sinundan ang bakás ng ibon.
Naghukay kami para sa mga panaginip at patatas
at dumaklot ng mga pumupusag na isda.
Kumain kami ng maraming lihim at libong bukál.
Hangga’t gapiin kami ng labis na pagod o pagtanda,
hindi kami mababahala kung maglaho man ang lupain
sa aming paningin.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Upholding human rights is beneficial to all Filipinos!

Ang Saglit, ni Jorge Luis Borges

Salin ng “El Instante,” ni Jorge Luis Borges
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Saglit

Saan patúngo ang mga siglo, na ang pangarap
ng mga espada ang pinangarap ng mga Tartar,
na pinaglatagan ng mga moog na matitibay
na may punongkahoy ni Adan at ibang tuód?

Nag-iisa ang kasalukuyan. Ang gunita’y
nagtitindig ng panghalili sa panahon at linlang.
Ito ang karaniwang gawa ng oras. Ang taon
ay hindi nalalayô sa banidosong kasaysayan.

Sa pagitan ng madaling-araw at gabi’y bangin
ng mga hinagpis, ng mga liwanag, ng kalinga;
ang mukhang tumititig sa mga pagod na mukha

na sumasalamin sa gabi ay hindi magkapareho.
Ang panandaliang ngayon ay marupok at eternal;
hindi makahihintay ang ibang Langit o Impiyerno.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping. Uphold the human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!

“Pangarap sa loob ng isang pangarap,” ni Edgar Allan Poe

Salin ng “A Dream within a Dream” (1850), ni Edgar Allan Poe ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pangarap sa Loob ng Isang Pangarap

Idampi sa kilay ang halik na ito!
Sa aking paglayo ngayon sa piling mo,
Ay hayaan akong mangako sa iyo—
Di ka nagkamali, ikaw na nagsabing
Pangarap ang aking araw sa pagkasi;
Kung ang pag-asa’y ganap na nalusaw
Sa isang magdamag o sa isang araw
May pangitain man o kahit na wala
Katumbas na nga ba ng walang bahagya?
Lahat na ng ating makita’t matatap
Ay pangarap lámang sa ubod pangarap.

Nakatindig ako dito sa pasigan
Ang atungal alon ay tagos sa lamán
At kuyom ng palad ang gintong buhangin
Na kahit kaunti’y may kung anong lagim
Sa aking daliri na nasok sa lalim
Habang lumbay ako at natak ang luha.
Diyos ko,  ano ba’t hindi maunawa
Ang aking kinuyom at taglay ng palad?
Di ba masasagip ang butil sa dagat?
Ang lahat bang ito’y sadyang malikmata,
Pangarap sa loob ng pangarap, sinta?

Edgar Allan Poe

Edgar Allan Poe

“Testamento ng Makata,” ni Angkarn Kanlayanapong

Salin ng tula ni Angkarn Kanlayanapong ng Thailand, at batay sa salin sa Ingles na “The Poet’s Testament” nina Sulak Sivaraksha at Hiram Woodward.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Testamento ng Makata

Ibinalabal ko ang kalangitan
Upang pawiin ang lamig
At naghapunan ng sinag-tala
Na kahalili ng kanin.
Kumalat ang hamog sa ilalim ng langit
Upang tighawin ang aking uhaw,
At umagos ang aking mga tula
Upang salubungin ang liwayway
Hanggang sa huling panahon.

Ang aking puso, na inihayin sa libingan,
Ay nagtamo ng gahum na taliwas
Sa kamunduhan; ang kaluluwa’y
Lumipad tungo sa lupain ng pangarap
Sa malayong panig ng kalawakan.
Hinanap nito ang dibinidad sa Langit
At tinangay padaigdig
Upang panatagin ang buhangin at damo,
Ibalik ang ligaya’t ibalik ang kapayapaan.

Ang layon ng paghabi ko ng mga tula
Ay iligtas ang angking kaluluwa,
Na ngayon ay nakahimlay sa agos
At daloy ng panahon.
Bagaman ang búhay na ito, na maikli,
Ay magugugol sa tumpak na oras,
Ang mga pahayag ng puso, na kumikinang
at dibino, ang mangingibabaw.

Hayaan mong ang katawan ay sunugin
Sa krematoryo nito— ang mga tulang nilikha
nang may tatag at tamis ay hindi matutunaw.
Saanmang daigdig muling isilang ang kaluluwa
Ay may pagbaha ng mariringal at banal
Na bahaghari, na may kislap ng kristal
At ningning na mamahaling bató.

Ang kawalang-tinag ay nagpapasiklab ng lugod
Sa mga salitang isinatitik,
Gaya ng mahalagang buhos ng ulan ng Langit
Na pumapawi sa init ng paligid.
Kaytamis samyuin ang búhay na ito. Ang kasunod
Ay may mga repleksiyon ng katamisan nito.

Handa kong iwaksi ang aking búhay
At talikdan nang lubos,
Ang tanging ibig ko’y mahahalagang bagay,
Ang kumikislap at ang bago.
Tiyak na ang panulaan ang pinakabanal
Na sining sa lahat, isang anyo ng mahika,
Na hinugot mula sa mamahaling kahoy,
At nahulog mula sa kalangitan.

Isang Awit, ni Sonia Sanchez

salin ng “A Song” ni Sonia Sanchez.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

AWIT

kunin mo ang aking pagkabirhen
at sa pagiging nanay ay isalin
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

kunin ang katawan ko at iyong tatakan
tahiin ang aking mga suso sa Amang Bayan
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

ilugar ang pangarap ko sa anumang hagdan
ipihit para sa bangungot ang aking tanaw
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

hininga ko’y higupin hanggang ako’y mautal
makinig sa mga tunog na aking iuusal
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

sa umaga ng linggo’y anak ko’y tangayin
damitan siya nang magara para lurayin
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

ilibing ako nang maaga’t puti ang igayak
humanap ka ng bagong tatak na kabiyak
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.
at masdan ang magagawa ko.

Kamelyo at Kapihan, ni Arjen Duinker

Salin ng “Gedicht voor een kameel” [Tula para sa Kamelyo], “Waar dan Ook” [Saanmang Pook], at “Ambitie” [Pangarap] ni Arjen Duinker, at batay sa bersiyong Ingles nina Willem Groenewegen at Ana Rilke.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TULA PARA SA KAMELYO

Búkas ang araw ng mumunting bagay,
ng aspile at ng pinturang dilaw.
Madarama mo ang kasiyahan.

Búkas ang araw ng mumunting bagay,
ng mga patak at panalì.
Madarama mo ang kapatiran.

Búkas ang araw ng paglalakad
nang lampas sa bunga ng mga anino.
Huwag salingin iyon.

Búkas ang araw ng mga awit
na inaawit nang palihim.
Aawit ka sa piling ng alahero.

Búkas ang araw ng mga musmos
at ng abstraktong ingay nila sa mga kalye.
Pasakan mo ang mga tainga.

Sigaw nila: “Mabuhay ang magandang palengke sa mundo!”
Sigaw nila: “At ang eternal na mga bato ng katapatan!”
Sigaw nila: “Kung banidoso ka, lumayas ka rito!”

SAANMAN

Sa kapihan, saanman ito,
kausap ko ang sarili
upang itatwa ang kalayuan.
Hinangaan ko ang mga upuan
at ang mesang tila ba bitag.

Sa isang kapihan sa Lisbon,
nagtanong ako ng kakatwang sakong
upang pabulaanan ang nawawala.
Tinutungga ko ang mga yabag
na papalapit sa balát ng baynilya.

PANGARAP

Matapos makipagpulong sa tagapaglako ng armas,
Nagtungo ako sa kapihan upang ibunyag ang lahat.

Natuklasan ko ang daigdig na di-mapabubulaanan,
At hangga ngayon ay matatag na katotohanan.

Aniko, ang loro ng tagapaglako ng armas ay tahimik,
At sa winiwika nito’y ni hindi ako makahihigit.

Sinabi kong pinapawisan siya sa angking ambisyon,
Na tunay na nagpapaalingawngaw ng pagkakataon.

Binanggit ko sa kaniya ang presyo ng mga sandata,
Na katotohanang nagpapakirot sa bawat pagkikita.

Ang Mithi

Lumilipad ang iyong panalangin upang hanapin ako sa kung saang lansangan. May bagwis ang iyong bawat kataga, at mapapansin ko na lamang ang mga balahibong lagas sa ulo o balikat. Nakapagtindig ka ng gusali sa aking dibdib isang araw, at ang gusaling ito ay unti-unting tumayog, ngunit taliwas sa dapat asahan, nabubuo iyon sa mga salitang iniluluwal ng mga diwa. Hindi humihinto ang iyong panalangin, at ang gusali mo ay naglagos sa aking balát, pataas nang pataas, at hindi ko ngayon malaman kung ang gusali ay higit sa aking pangalan at pinagmulan.

Pambihira ang iyong panambitan, at kung makikinig ang sinumang Maykapal, matutulig siya na parang hinahabol ng lamok at langaw.

Sadyang may elektrisidad ang hangin, at kaya nitong isakay ang iyong mithi na handang tumanggap ng pala-palapag na tungkulin at pagsasakit. Umusal ka pa, at magliliwanag ang bawat bintana ng gusali. Humibik ka, at isa-isang mabubuksan ang mga pinto. Sumigaw ka, at ang mga tao sa gusali’y magiging abala at magkukunwaring inaabot ang kalangitan. Sasapit ang panahong matutuklasan ng gusali ang esensiya ng semento at pagkabato. “Bakit kailangang tumayog?” at ang paulit-ulit mong tugon sa pamamagitan ng mahihiwagang bulong ay katumbas ng pagdama sa malamig na simoy at bulawang dapithapon.

Sinusundo ako ng iyong mga panalangin. Hindi ako makaiiwas. Sagrado ang iyong bibig na makapagbubuklat ng diksiyonaryo ng pag-ibig. Naiiwan ang iyong ngiti sa aking guniguni. Kinukusot mo ang aking buhok, at pinipisil itong balikat. Samantala’y bumibigat ang gusali sa aking katawan; at kailangan ang bagong lawas na kayang magsakatawan ng iyong salita. Kailangan kong matuto ng naiibang sagot para makaugnay ka, o kung hindi’y maniniwala ako na isa rin akong  bathala—na handang magbukás ng langit para sa mga maysakit, mangmang, palaboy, at dukha.

“Ang Mithi,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 10 Pebrero 2010.
"Las damas Romanas," pintura ni Juan Luna.

"Las damas Romanas," pintura ni Juan Luna.

Ang mga Alon

Malawak na dagat ang guniguni, at ang mga alon ay tumatakbong metalikong kabayo na sinasakyan ng kaniyang katauhan. Kumikitid ang isip kapag dumadaong sa hanggahan ng tangway at tangrib, ngunit lumalawak muli tuwing binubuksan sa elektrisidad ng araw at elektridad ng hangin.

Nakatimo sa laot ang isang pulo, na maaaring nagkukubli ng pangalan ng imperyal na hukbo na nagpapahinga makaraan ang pakikipagsagupa sa dambuhalang molino. Lumalaki ang pulo sa oras na lapitan; gayunman, hindi yaon kumakain ng bangka na napapadpad sa buhanginan.

Kinakalinga ng pulo ang mangingisda, at kakalingain ng tubig ang mangingisda. Ito ang kaniyang paniniwala. Liliit nang liliit ang pulo hanggang maglaho sa pananaw ng mapagsaparalang nilalang. Iilap kahit ang dilis at butanding. Magdidilim ang paningin ng mga kanaway. Manlalamig ang kubol sa pag-iisa.

Tatalilis palayo ang mola sa kung saang bahagharing kumikinang; at sa likod nito’y nakaupo ang unggoy ng kagubatang isinisigaw ang lunggati ng kalayaan.

“Ang mga Alon,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 31 Enero 2010.

Paggaod