Pulo ng Gawis, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Gáwis

Roberto T. Añonuevo

Sa panahón ng pangungúlilà, ang isáng butikî ay nagigíng dambúhalàng butikáw sa masúkal na kagubátan ng iyóng paningín. Ang palígid ay láging kulimlím; ang símoy ay warìng úsok mulâ sa kaingín. At ang butikáw ay didilà-dilà sa hángin, pagkáraán ay gagápang nang maráhan na párang sumásayáw, at kung nagkátaóng amóy ságing ka o susô na umáhon sa bátis ay hahabúlin ka niyá, sa átas ng gútom at pagkábagót, úpang págpistahán sa óras na hindî ináasáhan. Kailángang harapín mo ang tadhanà ng iyóng butikáw. Mágtatangkâ ang butikáw na pumások sa íyong sikmurà, at pagkáraán ay lalamúnin ang lahát ng íyong ágam-ágam at pag-aálalá na lulúsaw sa iyóng pagkatáo. Kung hindî alísto’y matátaúhan kang isá nang butikáw, na lumálakí nang lumálakí sa alaláhaníng hindî namán karápat-dápat paglaánan ng pansín. Ganiyán ang pakíramdám kapág sumápit sa Pulô ng Gáwis. Sa poók na itó, tutupúkin ka ng lungkót sa pág-iisá, at ang pangungúlilà ay tíla tipák ng batóng natapyás mulâ sa gulód at pumisák sa mga bahayán. Sa sandalî ng pangungúlilà, ang buntóng-hiningá ay maísasákatagâng tagulayláy na tátangayín ng amíhan at makáraratíng sa iyóng minámahál. Ngúnit bágo makáratíng iyón sa kaniyá, ang tagulayláy ay maaarîng magbágong anyô at magíng isáng balitáw, na isásayáw ng tandáng para sa dumalága, at mulâ roón ay hindî na mabábahíran ng pighatî o bagábag, bagkús isáng pagdiríwang túngo sa nakásasabík na págtitipán. Kayâ kailángang higtán mo ang saríli at maglakád at maghanáp hanggáng ang báwat bangúngot ay magwakás sa pagigíng bangúngot at maghúnos na halakhák o hagikgík ng mga paslít na náglalarô sa párang. Káhit ang pinakámatípunông mándirigmâ’y tumítiklóp kapág napurúhan ng suntók sa kaniyáng gáwis, na tíla binughán ng mángkukúlam hábang tirík na tirík ang áraw. Ngúnit kapág natutúhan mong pálakasín ang iyóng gáwis, ang pangungúlilà ay maítatawíd sa ibáyo sa anyô ng pámbihiràng inabél at hablón, o pinandáy na kárit at baróng, o hinúbog na abrám at palayók, o kamá-kamálig na balátináw na makapágpapálusóg sa buông ílihan. Sa Pulô ng Gáwis, matagpûan mo man o hindî ang iyóng minámahál ay tiyák na titíbay ang kaloóban—kapág napáamò at napásunód ang sasápit sa iyóng dambúhalàng butikáw.

Alimbúkad: Poetry tsunami without warning. Photo by Francesco Ungaro on Pexels.com

Mula sa laot

1. Sa tabi ng ilog

Itim lahat ang kaligiran, winika ni Enrique habang nakatanaw sa laot, at sa labis na pagod at pangungulila’y inakala niyang mga alitaptap na pumirmi sa kalangitan ang mga bituin.  Kinausap niya ang mga kulisap, at tumugon ang mga ito sa pamamagitan ng ampiyas at ulop. Namasa ang kaniyang buhok, at nang haplusin niya ang noo’y kumapit sa kaniyang palad ang dungis at langis.

Napahagulgol ang mga alon, at kung nagkataong lumingon si Enrique, natanaw sana niya ang mga sirena sa Malaka. Humihimbing sa kanilang kandungan ang mga magdaragat na maputla ang balat at gutom na gutom. Nakatanaw si Enrique sa malayo, at ang naririnig niya’y ang tinig ng isang binibining naglalaba sa tabi ng ilog. (Itutuloy. . . .)

Gabi ng Taglagas ni Viggo Stuckenberg

Salin ng katha ni Viggo Stuckenberg, at batay sa saling Ingles ni Anthony Weir.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

GABI NG TAGLAGAS

Nakatirik ang tore sa gilid ng kahuyan, ang luma’t naaagnas na tore na binalot ng lumot at palumpong ang mga silipang butas, na pawang pinalooban ng mga damo ang mga puwang at singit, at ang tuyong baging ay nakabiting gaya  ng matigas, tuyong buhok na nakalugay sa duguang bato. Sa itaas sa gawing silangan ay nakatimo ang tanging bintana ng gumuguhong pader.

Sa likod ng kulimlim na bintana’y nakatindig ang babaeng nakatitig sa sumasapit na takipsilim. Maliit siya at balingkinitan, at ang kaniyang mga kamay na simputi ng sinag ng buwan ay nakapatong sa pasamano ng bintana, at ang kaniyang babà’y maputla at may hubog na gaya ng liryo. Ngunit kumikislap ang mga itim niyang mata, na waring tumutulo mula sa nagliliyab na sulo. Nakatanaw siya sa kapatagang sinlawak ng laot, habang ang mga uwak ay nangagliliparan sa tuktok ng mga punongkahoy at umikot-ikot bago bumulusok sa mga duklay at humiyaw nang nakaririndi sa kahuyan. Sa likod ng babae’y may isang silid ng tore na sinlamig ng bato sa agaw-liwanag, at umaalunignig nang matinis ang kuliglig sa baak na bato.

Tanging ang mga kalawanging damo ng Taglamig ang naiwan sa kapatagan, tila ba pinatag ng niyebe, at doon sa damuhan ay namuo ang mumunting sanaw. Sa tabi ng tore ay sumasalamin ang tubigan sa pulahang langit ng kanluran, samantalang sa may kalayuan ay nagiging abuhin gaya ng mga ulap. Habang tinatanaw niya ang kapatagan na ang kalangitan ay dumidilim at pinatatahimik ng mga hamog ng gabi, pinakikinggan niya ang paikid na hagdanan kung may lagitik ng mga yabag. Matamang inuulinig niya ang kamay na pipihit ng kandado ng bakal na pinto. Pinakikinggan niya ang kislot ng isang buhay na lawas sa patay na tore.  At wala siyang nasagap kundi ang sitsit ng kuliglig at atungal ng simoy sa mga hungkag na silid sa ibaba.

Humilig siya at ipinatong ang mga siko sa pasamano. Malamig ang pasamano ngunit hindi niya alintana. Hindi niya napansin na ang duguang langit ay pumusyaw sa sanaw sa damuhan, ni ang kapatagang dating sinlawak ng laot ay puminid ngayon. At hindi niya napansin ang pananahimik ng mga uwak.

Dahil iniisip niya ang lalaking dumating isang gabi at itinali ang kaniyang kabayo sa may pintuan, inakyat ang kaniyang silid, at sumiping sa kaniya sa kama—upang pagkaraan ay maglaho bago lumatag ang liwayway. Siya ang lalaking dumating sa kaniya gaya ng unos, at may pananalitang gaya ng habagat na humahalihaw sa kahuyan, at ang mga yakap ay sinindihan ang kaniyang mga panaginip at naghatid ng mainit na sinag ng araw sa kaniyang puso. Siya ang lalaking nag-iwan sa kaniya ng mga marka, na ang kabayo’y kinahig ang lupa sa paanan ng tore. Balisa at di-makatulog, tumitig ang dilag sa magdamag.

Tahimik na nakaupo sa tabi ng bintana ang Malungkot na Pananabik, na ang di-maliparang uwak na kapatagan ng gastadong buhay ay nasa harap ng babae, Malungkot na Pananabik, nagdurusa sa kaniyang gunita, at katulad ng imortal na kabataang katumbas ng kabaliwan ng Pag-asa.

Lumubog na ang araw. At sa palibot ng tore ay gumapang ang kagubatan ng karimlan.

Biblis (1884) ni William-Adolphe Bouguereau, oleo sa kambas.

Biblis (1884) ni William-Adolphe Bouguereau, oleo sa kambas.

Kalungkutan, ni Rainer Maria Rilke

salin ng “Die Einsamkeit” (1902)  ni Rainer Maria Rilke.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

KALUNGKUTAN

Ang pagkakalayo at pangungulila ay gaya ng ulan.
Umaalimuom ito sa gabi mula sa pusod ng dagat,
mula sa kapatagan, dalisdis at ilang, inaakyat nito
ang langit, na siya nitong sinaunang tahanan.
At kung aalis na sa langit, saka papatak sa lungsod.

Umuulan sa ating piling sa mga sandaling tikatik
ang oras kapag humaharap ang mga daan sa liwayway,
at kapag ang dalawang lawas ay walang natagpuan,
nangabigo at nanlulumo, at nagpapagulong-gulong;
at kapag ang dalawang tao na nasusuklam sa bawat isa
ay kailangang matulog nang magkasiping sa isang kama—

iyan ang yugtong sumasagap ng mga ilog ang lungkot.

Kumpisal

Kung ang katotohanan ay balaraw na iluluwal ng bibig, masasalo ba ng dibdib ang maiiwang sugat o kamatayan? Paano sasagapin ng makikinig ang kaniyang pagwawakas? Naisip niya ang gayon, isang gabi habang umiinom sa paboritong tambayan, at umiingay ang paligid sa mga espiritu ng libog at lason, at wala ang paraluman sa langit o bulsa o tabi.

Maaaring lumuluha sa halumigmig ang mga bintanang salamin, at tumitikatik ang ulan.

Tatanawin niya ang tagpo na waring lumang pelikula, na ang babae’y nasa kabila ng mundo samantalang ang inaasahan niyang katipan ay pinigil ng kung anong sakuna o bagyo. Mananambitan ang dalaga sa kaniyang anito, marahil tutungga ng hinog sa panahong lambanog, manonood ng TV, maiinip sa kuwentuhan, at tatawag sa selfon, hanggang akitin siya ng mga sulyap at palipad-hanging katumbas ng pangangakong wawakasan ang anumang lamig at pangungulila.

Malulupit na rehas ang ulan, na waring hinugot sa tula ni Rio Alma, at ang binibini’y iibigin ang bilangguan para tighawin ang kaniyang kalungkutan. Maaaring siya’y matutulog sa kung saang bahay, ikakatwiran ang baha at usad-pagong na trapiko, at nang isinara ang banyagang pinto, ang magdamag ay nagsalaysay ng mga di-maunawaang usapan o dantay na para lamang sa magkaibigan; at ang silid ay lihim na hindi dapat pag-usapan.

Kukutuban ang kaniyang katipan sa malayong pook. Posibleng lumabis lamang ang kaniyang nainom na serbesa o kapeng barako, at hindi mapakali ni dunggulin ng antok. Nakauwi ba ng bahay ang aking mahal? Nahan na kaya siya? Baka ginabi na naman sa lakwatsa. Marami pa siyang tanong hanggang maglandas sa kaniyang guniguni ang tagpo ng malalanding hulagway, at ang lalaking malagihay ay yayakapin ang kaniyang minamahal.

Bago pa man ikumpisal ng dalaga ang kaniyang katotohanan sa lalaking kausap ay alam na ng kausap ang mga naganap. Posibleng reenkarnasyon ng pitho ang lalaking kausap, wika nga, at ang babae’y hindi na kailangan pang magsalaysay. Ngunit ang sinumang mangangatha’y may kalayaang magsinungaling, kung ang pagsisinungaling ay mahiwagang benda at gamot na papawi ng maantak na sugat ng magdamag na pagtataksil.

Kung ang katotohanan ay patalim na magmumula sa iyong loob o labi, ang gabi ay aking silid na pipiliing ipinid magpakailanman. Ito ang isusulat sa guniguning pader ng lalaking nasiraan ng bait sa labis na panibugho, at ang pader ay iihian pagkaraan ng palaboy na aso o sawimpalad na lasenggo.

“Kumpisal,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 22 Agosto 2010.

Kumpisal (1896), ni Sir Frank Dicksee.

Kumpisal (1896), ni Sir Frank Dicksee.

“Ulan” ni Jorge Luis Borges

Salin at halaw ng “La lluvia”  ni Jorge Luis Borges mula sa orihinal na Espanyol
Salin at halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ULAN

Lumiwanag nang mabilis itong hapon
Nang umambon nang biglaan at banayad.
Ibinuhos o bumuhos. Matitiyak
Na ang ulan ay umiral nang malaon.

Uulinig ang nawalay na panahong
Ang pag-ulan ay hiwagang ibubunyag
Sa kaniya ng pag-iral ng bulaklak
Na ang pula’y pagkapulang umaapoy.

Mahilam man ang salamin sa pag-ulan
Sa malayong kanayunan, ang ubasang
Maiitim ay gagapang nang masigla.

Walang patyong nakatirik ang narito.
Inaasam yaong tinig sa ama kong
Di pumanaw, kung tikatik ang tamasa.

Jorge Luis Borges

Jorge Luis Borges, larawan mula sa Wikipedia.

Pag-ibig

1.
Tagak sa gitna ng putikan ang maglalaro sa iyong guniguni. Lilipad ang ibon at darapo sa iyong balikat. Mapuputikan ang iyong balikat, at ang iyong balikat ay waring likod ng matandang kalabaw na nalulungkot dahil nawawala ang kaibigang kalakian.

Maghahanap ng paraan ang iyong utak upang itumbas ang tagak na umaalo sa kalabaw na sumusuwag naman sa mga pesteng lamok at langaw. At tatawagin mo itong pangungulila.

2.
Mapapailing ka. Kukusutin mo ang paningin, at animo’y nalipat ka sa mahaharot na silid at malalanding himig. Darating ang serbidor at maghahatid ng mamahaling alak. Lulunurin mo ang sarili sa pambihirang espiritu, ngunit habang tumatagal, ang nalalasing ay ang mga tao sa silid at hindi ikaw. Mawawala sa tono ang musika, at mapapahalakhak ka.

At lalabas ka ng silid na hinahanap ang pag-ibig na nagkatawang tao na handang magsabi ng totoo at totoo lamang, baligtarin man ang mundo.

3.
Minsan, sumakay ka ng eroplano. Nang buksan mo ang bintana upang tanawin ang mga ulap, nakita mo ang samot-saring mukha. Ito si A, ito si B, ito si C, at magwawakas ang alpabeto ng mga pangalan nang hindi mo matatagpuan ang tao na inaasam.

Malupit ang gunita, at kahit ang mga payak na bagay ay nagkakahubog ng makukulay na hulagway upang halinhan ang naglaho at hindi na, hindi na muling magbabalik.