Paniki, ni Roberto T. Añonuevo

Paniki

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

A
Lumulukob na dilim ang balita ng kamatayan, at gaya sa henétika ng asuwang ay hindi maunawaan kayâ kinatatakutan—na waring pagkasangkapan sa estadistika upang ilihim ang kabulaanan.

B
Walang tao sa lansangan, at kahit ang mga bayakan ay hindi dinalaw ngayong gabi ang punong tsiko sa aming bakuran.

C
Kumakain ka ng mga prutas at kulisap, at malimit, nalulunod sa tuba doon sa niyugan, at kung paano ka nagkakasakit ay isasalaysay ng lason sa mga ugat at balát na kami rin ang may kagagawan.

D
Mapanghi ang simoy? Nabibilaukan sa tae ang yungib? Matutulog ka, kasama ang iba pa, nang nakatiwarik, at dikit-dikit, na parang tinuturuan kami kung paano sisinupin ang init kapag mahaba ang taglamig.

E
Manghihiram ng mukha sa iyo si Batman, para sa kaligtasan ng bayan, at para sa aming nagiging libangan ang halina ng dilim. Gayunman, hihintayin namin kung kailan mo hihiramin ang aming pagmumukha—na parang tubigang inaangkin ng mga banyaga.

F
Sisisihin ka sapagkat ikaw ang ugat ng pandemikong trangkaso, at parang naririnig namin ang umaalunignig mong ik-ik-ik sa eksotikong kusina para sa mga gutóm na panauhin na ikaw ang pulutan.

At mayayanig sa halakhak ang paligid.

G
Alas-onse ng gabi, at parang di-mapakaling kabág ang mag-anak na walang makain sa hapag. At ang ultrasonikong alon ng bituka ang magtuturo sa lahat kung paano makararaos sa pamamagitan ng pagninilay at tumpak na paghinga.

F
Salamat sa iyo, at naunawaan namin kung paano kami mahalin ng mga politiko. Salamat sa iyo, at nakita namin kung gaano kagulo magpaliwanag ang pangulo. Salamat sa iyo, at nadama namin kung gaano kasalimuot ang pagpapatakbo ng gobyerno. Salamat sa iyo, at aliwan namin ngayon ang pakikinig sa radyo—na ang lahat yata ng nagsasalita ay eksperto sa kani-kaniyang kuwentong barbero.

G
Lumalayo ka, sampu ng iyong kalahi, tuwing papalapit nang papalapit kami sa iyong kinaroroonan. Ngunit ikaw at ikaw ang dapat sisihin, sakali’t wala kaming matagpuang gamot mula man sa basag na págang o kalbong bundok.

H
Pambihira ang iyong pandinig at pambihira ang paswit, at kung naririnig namin ang litanya ng iyong reklamo at hinihingi, masuwerte ka na kung maging palasyo mo ang maalinsangang bilibid.

I
Sa laboratoryo ng agham, isa kang halimbawa kung paano matutuklas ang homolohiya ng aming sakít. Ngunit ang sákit mo’y hindi kami ineeksperimento para sa lunas laban sa taglay na bigat ng iyong ilong at pakpak.

J
Pampatigas sa impotenteng libog, ikaw ang mahiwagang sopas upang humaba at lumawig ang aming salinlahi. O sadyang napakaikli ng aming titi para sa gayong kalaking pagkakamali.

K
Pumapasok ka sa aming panaginip, at ang eskarlata mong hulagway ang inaabangan naming kasaganahan o kabaitan o kapanatagan sa oras ng pagpanaw. Na kakatwang kabaligtaran ngayong nagbibilang kami ng mga agaw-buhay.

L
Ikaw ang bampira sa antigong kastilyo ng aming guniguni. Ngunit sa oras na kami’y mapukaw, asahan mong bangungot ang pagtugis sa iyo para maitanghal ka sa aming kayliwanag na museo.

M
Ano kung uminom ka ng dugo mula sa sugatang kambing o kalabaw? Higit na marami kaming napapatay araw-araw, at tumutungga ng mapupulang alak sa ngalan ng Negosyo at Digmaan.

N
Lumulusog ang aming pananim mula sa iyong dumi. At ang dumi mo’y nagpapakapal sa aming bulsa. Bilang pagkilala, iuukit ka namin sa mga alahas, itatampok na fatek sa dibdib, ibuburda sa sablay, ipapalamuti sa setro, at hahaba nang hahaba ang salaysay kung hindi ka namin wawakasan.

O
Ligaya kung tanawin ka namin, at tatangayin kami ng suwerte sa mga pook na hindi inaasahan. Hindi mo ba itatanong kung bakit nagluluksa ang mga bata’t matanda?

Ispahan, ni Andreas Embirikos

Salin ng “Ispahan,” ni Andreas Embirikos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Lumukob sa nayon ang dumadagudog na bagyo. Sinalakay ng mga batong umaalulong ang mga gasalakót na lawa at ang napinsalang isda ay gumapang sa himpilan ng mga ermitanyo. Walang saklolong dumating doon at sumambulat ang atungal ng mga megalosawro sa magkabilang panig at ang mga kabute’y nanahimik sa mga aktuwal na pangyayaring lumulutang sa prusisyon ng kasal ng mga buntong-hininga ng kabataang planeta. Pagkaraan, hindi na muling naibalik ang dati. Nabigong umiral ang kapanatagan bilang tunay na entidad. Pinigil ng mga kamelyo ang disaster. Namukadkad ang mga templo ng mga bangkay. Ilang kalapati ang nagpapagál dahil ang sápal ng lawa ay lumikha ng kanal sa pinakamakipot na yugto ng kanilang paglagos sa laksang panlilibak na niyurakan ng nababaliw na ingay ng mga ina at batang higit na mapayat sa mga kalansay ng paniki.

No to US aggression against Iran. No to assassination. No to economic embargo against Iran. Yes to humanity. Yes to poetry!.

Ang Paniki, ni Theodore Roethke

Salin ng “The Bat,” ni Theodore Roethke
Salin sa pandaigdigang Filipno ni Roberto T. Añonuevo

Ang Paniki

Ang paniki kapag umaga’y pinsan ng daga,
Sa átiko ng matandang bahay nagkukuta.

Mga daliri niya ay panakip sa ulo.
Mabagal ang pulso niya’t animo’y yumao.

Paikot kung gumuhit ng pigura sa gabi
Sa mga punongkahoy na may sinag sa tabi.

Ngunit kapag siya’y bumangga sa ating iskrin,
Takót tayo sakali’t mabatid ng paningin:

Dahil may kung anong mali o wala sa puwesto,
Kapag ang daga na may pakpak ay mukhang tao.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs!

Anos

Matutunghayan isang araw na tumatawid ka sa lansangan ng apoy at guho. Ang palasyo na tinutuluyan mo’y alaala na lamang ng abo at usok. Naubos ang mga punongkahoy at halaman sa bakuran. Humilig kung hindi man tumumba ang mga poste at pader. Nagsisilikas ang iyong mga kaanak at kapitbahay, at nag-uunahan sa pagsakay sa trak, dyip, o kalabaw. Humuhugong ang sirena, at ang panganib ay lumulukob na parang kawan ng ilahas na paniki. Maglalakad ka na waring may hinahanap. Kakabahan ka sa sinapit ng kapatid. Lilingon ka nang paulit-ulit, at pilit na isinasahinagap ang rimarim at kaguluhan. Lilinga ka sa kanan, at pagkaraan sa kaliwa, at kung may diwata kang ninang ay naisip mo marahil na ililigtas ka ng mahiwagang karwahe. Wala kang baon, at umaasa na lamang na magpapaulan ng tinapay ang kung sinong Maykapal. Maya-maya’y masasalubong mo ang isang gusgusing hukluban, at nang magtagpo ang inyong paningin ay ano’t tila binabati ka ng “Maligayang kaarawan!” Hindi mo matandaan kung saan mo nakita ang matanda, at magtataka sa kaniyang winika, at aakalain mong napagkamalan ka lamang na kakilala o kaibigan. Iiling ka na lamang, at mapapabuntong-hininga. Lalakad ka pa nang lalakad na waring walang katapusan. Pagkalipas ng ilang taon, at ganap ka nang tigulang, matutuklasan mo ang sarili kung bakit kailangang itindig ang tahanan o pamayanan; o kung bakit dapat manalig sa taimtim na pagmamahal.

[“Ános,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 11 Nobyembre 2010.]
"Paglikas sa nayon," pintura ni G.N. Gruzinsky

"Paglikas sa nayon," pintura ni G.N. Gruzinsky. Dominyo ng publiko.