Oras, ni Roberto T. Añonuevo

Oras
 
Roberto T. Añonuevo
 
Nag-iimpok ng luha ang gabi,
kumukuliglig nang walang humpay
sa abandonadong hardin,
waring ibinubulong
ang aking pangalan,
at pumukaw ka sa aking pag-iisa
nang buklatin ko ang mga retrato
sa aking alaala:
 
Isang lungsod na halos isang milyon
ang populasyon,
ngayon ay parang multong naglalakad
sa kalyeng katumbas ng sampung
siksikang ospital.
 
Wari ko’y nagasgas ang aking puso.
 
Umaalulong ang mga askal——
marahil sa gutom, marahil sa simoy.
Nagkalat ang mga tuyong dahon
sa aking paanan,
at nang tingnan ko ang relo
ay parang magugunaw ang mundo.
 
Humahagibis ang ambulansiya,
sumisigaw ang masipag na sirena,
parang pinauuwi ako, pinauuwi
sa kung saang destinasyon,
ngunit nang sumilay ang ngiti mo
sa aking balintataw,
naglaho ang kilabot ng pagpanaw.
 
Nahihilam ang mga mata sa pagod,
hindi tulad ng titig mong humahagod.
Naaamoy ko sa malayo
ang bagong lutong pansit bato;
at marahil, kung naririto ka,
may isang tasa ng umaasóng kape
ang naghihintay sa rabaw ng mesa.
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Engin Akyurt on Pexels.com

Paaralan, ni Roberto T. Añonuevo

Paaralan

Roberto T. Añonuevo

Ikaw ang aking bahay
kubo at bahay na bato—
na hindi ako kilala—
ngunit taon-taong
nagpapakilala
ng libong magulang
at milyong kapatid
na nagsusunog ng kilay
at nagsusunog ng salapi;
ang aking tinitingala
at inaakyat
na mga baitang
subalit mapagkumbaba
gaya sa mga pangaral
ng timawa
at itatayong kabihasnan.

Ikaw ang paboritong
tambayan
sa pagbulas at dunong,
ang tambalan
ng sinaunang kamalig
ng salita at lihim
na laboratoryo
ng mga mithi at gamot
nang maimapa
ang likaw o sangandaan
ng intoleransiya
at balón ng katangahan.

Ikaw ang realidad:
ang simulakro ng opisina
at tungkulin,
ang anino ng burukrasya
at bagong terminal
sa tren ng mga panaginip,
ang nagturo sa akin
ng halaga ng koliseo
para sa basketbol at pista,
at pana-panahong
entablado
sa paggunita at politika.
Ikaw ang iglap na takbuhan
ng mga bakwet
kapag hinahagad ng bagyo
at pinalalayas ng sunog,
kapag sumusugod ang baha
o sumasalakay ang hukbo
na nagsasabong sa dahas.

Tunay kang mapagkalinga:
ang talyer ng pagtitiis
at hardin ng mga balak
na malupit kung tawaging
bilangguan,
gayong napagiging ospital,
at kung minsan,
nagsasalit-salit na artsibo
at punerarya
ng mga agaw-buhay
na pinagkakaitan ng dalaw.
Durupok ang mga haligi mo
at mapupundi ang ilaw
sanhi man ng kapabayaan
at kawalan ng pondo
ngunit mananatili kang
inaaring tunay na tahanan—
may pagkain para sa lahat,
may bubong na masisilungan,
at may subók na kubeta
sa malilibag na noo at paa.

Ipinid ka’y pilit na magbubukás
gaya ng kalsadang walang wakas.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity

Sa Labas, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Labas

Roberto T. Añonuevo

Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos, na maaaring pagpapahalaga kay Imelda
Marcos o Yao Ming, ngunit hindi kailanman ruta
Ng Ang Tibay sa lumang museo ng mga sapatero.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . O iyon ang hinala mong tumatamà.

Bawat pares ay talaan ng mga pakikipagsapalaran;
At bawat destinasyon ay piling kúlay balát tahî taták
Sa alaala, na posibleng nagmula sa mga gasgas
na karanasang hango sa ibayong-dagat o pabrika,
ngunit hindi kailanman mahahalata ng pandama.

Kontaminado ng alikabok, ang salansan ng sapatos
Ay maaaring tumakbo palayo sa pananagutan o rali;
Tumadyak sa mga busabos o sumipa sa isang bola;
Umiwas sa di-mapigil na panlulumo o panlalamig;
Hinubad dahil sa tuwa at ipinamigay sa kaawa-awa;
Ipinukol sa kinamumuhiang politiko o bagamundo;
Itinapon ng mga baldado at pilay sa basurahan;
Sinagip bago lumutong mula sa resiklong regalo;
Nagbabalatkayo na orihinal at puslit sa adwana;
At ngayon ay naririto para gampanan ang kambal
na papel na uso-at-laos:
Ang replika ng prestihiyo at artefakto ng kalabisan.

. . . . . . . . . . . . . . .Sapagkat ukay-ukay din ang lungkot
Na naghuhunos na lugod kapag napasakamay
Ng sinumang lumaki nang nakayapak, o tumanda
Para sumaksi sa taas at lagitik ng mga takong;
O nakatagpo ng sinumang muling nakatindig
at nakalakad matapos maratay nang napakatagal.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Himala, hindi man himala?

Tatanawin ang eskaparate sa laki at lapad ng paa,
O sa kalidad ng goma o gaan o katad o disenyo,
alinsunod sa presyo na maididikta ng merkado.
Sakali’t isukat sa haraya ang pinili sa mga displey
ay asahan mong ipagpapalit ang ipon at ang hiya
ituring mang tulak ng dibdib dahil kabig ang bibig.

Ang eskaparate ay iba’t ibang panahon ng lakad
ngunit makakalap ang mga bakás sa mga ngalan
ng estetikong silbi at inaakalang pangangailangan:
Kumakaway ang lumbay nito sa likod ng salamin;
Kumakaway, at ang ganti mo ay pag-iling-iling.

Hindi ba ang salamin ay humihikab ding sapatos
Tuwing ihahakbang?

Marahil, o kung hindi’y ngumangangá sa pagod.

Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos sapagkat may katwiran ang isang kuripot
Ngunit malayaw,
Sapagkat may katwiran ang pagtitipid at basura
Sapagkat may bago na sasabihing pangmayamang

Kagila-gilalas ang landas na minsan pa’y pipiliin mong
Talikdan.

Si Ferdinand E. Marcos at ang Panitikang Filipinas

IMELDA MARCOS, kuha ni Bobby Añonuevo

IMELDA MARCOS, kuha ni Bobby Añonuevo

Mananatili ang bangungot sa Filipinas hangga’t hindi naisusulat nang ganap ang panahon ng diktadura ni Pang. Ferdinand E. Marcos. Si Marcos ang ultimong politiko na bihasa sa paghawak ng kapangyarihan, ang kapangyarihang tatagos sa negosyo, militar, simbahan, edukasyon, mass media, barangay, sining, isports, turismo, ugnayang panlabas, timpalak pangkagandahan, imperyalismong US, rebolusyon, at ang pinakasukdulan ay ang Aklasang Bayan sa EDSA. Ngunit hindi basta diktador si Marcos. Isa siyang intelektuwal na diktador, de-kalibre at pandaigdigang uri, na kaiinggitan nina Fidel Ramos at Gloria Macapagal-Arroyo.  Maalam sa mga batas mulang pamahalaang lokal hanggang United Nations si Marcos, at magiging alamat ang kaniyang husay bilang abogado, mambabatas, at kung minsan, hukom, sa kinabukasan ng kaniyang mga alagad at kalaban. Upang mapanatili ang kapangyarihan, ipakikilala ni Marcos sa buong sambayanan ang Batas Militar.

Pangunahing tesis ng pagtataguyod ng Batas Militar ang pagsugpo sa armadong pag-aaklas mulang dulong kaliwa hanggang dulong kanang puwersa; ang pagsupil sa mga armadong Morong ibig magtaguyod ng bukod na nasyon; ang pagkontrol sa mga pribadong hukbo, oligarkikong ekonomiya, at sindikatong kriminal. At higit sa lahat, ang paglutas sa piyudal na ekonomikong sistema. Hindi ko nakita ang ganitong kasinop na malikhaing pakana sa kasalukuyang administrasyon, na handang lumagda sa tratado na parang ang “tratado” ay isang banyagang lahok sa diksiyonaryo; na handang mag-alaga ng mga niresiklong politiko o negosyanteng animo’y galing sa kung saang pasugalan; na handang makipagsayaw sa simbahan na para bang umiiral pa ang panahong piyudal.

Krus sa Laot, kuha ni Beth Añonuevo

Krus sa Laot, kuha ni Beth Añonuevo

Maghahain si Marcos ng bagong pilosopiya at ideolohiya, at itatatag ang “Bagong Lipunan.” Ngunit gaya ng dapat asahan, magbabago lamang ang mga pangalan ng maykapangyarihan, at ang “bago” ay mananatili hanggang ngalan lamang. Kakainin si Marcos ng sarili niyang mga tuta, mga tuta na higit na mabalasik sa bulldog at handang lamunin ang kaniyang anino, kayamanan, at alaala. Isusumpa si Marcos hanggang langit, patatalsikin ng libo-libong Filipino na sawa na sa dahas at korupsiyon, itatakas nang palihim ng kasapakat ngunit taksil na hukbong Amerikano tungong Hawai’i, lilitisin sa hukuman ng Amerikang nais sakupin ang hurisdiksiyon ng Filipinas, mamamatay nang malayo sa Tinubuang Bayan, at maglalaho nang tahimik sa gunita ng kaniyang mga loyalista. Subalit ang kataka-taka’y hindi pa nalilitis nang lubos ang pamanang iniwan niya sa sambayanan magpahangga ngayon.

Si Imelda na kabiyak ni Marcos ang magpapagunita sa atin ng nakaraan. Ididikdik niya sa ating utak ang ringal sa gitna ng kagutuman, ang halimuyak sa gitna ng mga langaw at alingasaw ng kamatayan, ang halina sa gitna ng panggigipit at di-maipaliwanag na balasik ng militar. Ipagugunita ni Imelda ang pangingibang-bayan ng mga Filipino para magtrabaho. Ibabalik niya sa atin ang mga impraestruktura mulang ospital hanggang plantang nuklear, ang patakarang kolonyal sa bisa ng pakikipag-alyadong militar sa Amerika, at ang pagbabantay ng mga isla laban sa mga kapit-bansa sa atas ng kalayaan o kasarinlan. Libakin siya, at kabitan ng mga pangalan, gaya ng “Imeldipiko” o “Imeldious,” ngunit isang ngiti lamang niya ay sapat na upang maging sampal sa nanlilibak. Hihiyain tayo ni Imelda dahil sa ating uri ng katarungang usad-pagong, sa ating uri ng makitid, panlabas na kasaysayan, sa ating ekonomiyang walang malinaw na bisyon, at sa ating uri ng panitikang-bayang hindi makaigpaw sa pagsipi sa mga pahayagan.

Marahil kailangan nating lumikha ng higit na makabuluhang panitikan. Ang panitikang makaiiral nang bukod sa kasaysayan, at mababaligtad ang mga bayani at ang mga salarin, at mapaghuhunos ang bayang nanggigitata sa hirap at pandurusta. Na masasabing ambisyosong proyekto. Naisip ko lamang ito habang tumotoma at kapiling si Teo, at kapuwa namin nadama ang paghahanap ng mga istoryador at panitikero, na handang magsulat sa Filipino para sa mga Filipino, may bagyo ma’t may rilim sa ating mga puso’t paningin.

Baguio ng mga Manunulat

Mahalumigmig sa Camp John Hay nang magtungo ang mga piling manunulat at sumailalim sa mahigpit na palihang ibinunsod ng Institute of Creative Writing noong 6-13 Abril 2008 kaugnay ng Sentenyal ng Unibersidad sa Pilipinas. Gayunman, umaasó ang talakayan, gaya ng kapeng barako na bagong hango sa lutuan.

Kabilang sa mga kalahok, ayon sa paalpabetong pagkakasunod-sunod, ay sina Roberto T. Añonuevo, Abdon Balde Jr., Rica Bolipata-Santos, Ian Rosales Casocot, Frank Cimatu, Allan Derain, Ana Maria Katigbak, Luis Katigbak, Rodolfo Lana Jr., Nicolas B. Pichay, Tara F.T. Sering, at Vincenz Serrano. Walang itulak-kabigin sa pangkat na ito, at ang maituturing na pinakamahuhusay na manunulat sa kanilang piniling lárang, gaya ng dula, kuwento, nobela, sanaysay, at tula.

Tutumbasan ang nasabing pangkat ng mga batikang panelistang gaya nina Gémino H. Abad, Virgilio S. Almario, Jose Dalisay Jr., Cristina Pantoja Hidalgo, Bienvenido Lumbera, V.E. Carmelo D. Nadera, Charlson L. Ong, at Jun Cruz Reyes. Inimbitahan naman si Karina Bolasco ng Anvil Publishing Inc. upang magbigay ng kaniyang kaalaman hinggil sa mga aklat na kinakagat sa merkado.

Mataas ang inaasahan ng mga panelista sa mga fellow. Kabilang dito ang kadalubhasaan sa anyo at nilalaman ng akda; ang taas ng ambisyon ng likha at kung paano iyon isinulat; ang kahusayan sa paggamit ng wika; ang talas ng diwain sa akda; at ang pagtatangkang mag-ambag sa pagbuo ng kabansaan sa pamamagitan ng malikhaing paraan.

Inilahad ng mga kalahok ang kani-kaniyang proyekto, at lumitaw sa talakayan ang dalawang mahalagang aspekto. Una, may ganap na kontrol ang manunulat sa kaniyang akda, at maihahalimbawa ang mga kuwento, nobela, at tulang isinaaklat. At ikalawa, may mga bagay na nakaaapekto sa akda, gaya sa dulang panteatro at pampelikula, na ang piyesa’y malimit pakialaman ng direktor, prodyuser, at artista. Sa ibang pagkakataon, ang akda’y maaaring maapektuhan ng kung ano ang hinihingi ng pabliser o tagapagbenta ng libro. Sinipat din sa talakayan ang papel ng makabagong teknolohiya at pangyayari, gaya sa cyberspace, at kung ano ang mga posibleng epekto nito sa dating sakop ng panitikang pasulat at de-papel, lalo sa proyekto ng mga manunulat.

Pinag-usapan din ang aspekto ng pag-abot sa malawak na mambabasa, kung hindi man manonood. Hindi umano makatatagal ang manunulat sa kaniyang pedestal, at kailangan niyang kausapin ang kaniyang mambabasa sa higit na malinaw subalit masining na paraan alinsunod sa wikang nagkakaunawaan ang magkabilang panig. Sa naturang pananaw, ipinapalagay na nakauungos ang diskurso ng manunulat kaysa pangkalahatang mambabasa kaya kinakailangang hatakin ng manunulat ang mga mambabasa upang makasabay sa diskurso.

Ang kahusayan sa pagsusulat ay hindi rin nangangahulugang dapat mabigat palagi ang akda, mapawika man o mapadiwa. Kahit ang matatayog na diwain ay mapagagaan, alinsunod sa kombinasyon ng mga salita at paraan ng pagsasabi. Idiniin ni Virgilio Almario na mabilis na namamatay ang wika at ang pinakaepektibong paraan upang mapanatili ang pag-iral nito ay gamitin sa panitikan. Ang pagtataya ay masisilayan sa ginagawa nina Frank Cimatu at Bobby Añonuevo, na lumilihis sa nauusong ngangayunin at balbal na wika ng midya.

Nang pag-usapan ang pagpapalathala at pagbebenta ng aklat, mataas ang bentaha ng koleksiyon ng mga kuwento o kaya’y serye ng nobela o nobeleta, ani Karina Bolasco. Ito ang puwang na mapagkakakitaan ng mga manunulat. Samantala’y madilim ang tagpo sa gaya ng tula at dula, na pawang may kahirapan ang pagbebenta ng mga aklat maliban na lamang sa ilang sitwasyong nakalikha ang awtor—gaya nina Ricky Lee, Boy Noriega, at Rene O. Villanueva—ng masusugid na tagasubaybay na handang maglabas ng salapi. Iba  ang sitwasyon sa panig ng dulang pantelebisyon o pampelikula na ang manunulat ay malaki ang pagkakataong kumita kapag nagkahalo ang talento, tumpak na panahon, at oportunidad.

Ang maganda sa talakayan ay nabigyan ng pagkakataon ang mga manunulat na ipakilala ang kanilang binubuong aklat o proyekto. Bukod dito’y nailabas din nila ang kani-kaniyang itinatagong pananaw ukol sa estetika at poetika, na pawang kaugnay ng kanilang paglago bilang manunulat. Malaking tulong sa talakayan ang pagbibigay ng mungkahi mula sa mga nakatatandang manunulat o kritiko at siyang tutumbasan ng matatalim na obserbasyon at tugon ng mga kalahok. Ang proyekto, kung gayon, ay lumalampas sa teksto bagkus umaabot hanggang sa buong pagkatao ng manunulat.

Maaaring sina Tara Sering, Luis Katigbak, Rica Bolipata-Santos, at Ian Casocot ang bagong mukha ng katha sa Ingles, samantalang sina Jun Balde at Allan Derain ang maghahawan ng landas sa kasalukuyang yugto ng katha sa Filipino. Nagbabanta sina Tara at Jun na maglabas na mahigit 500 pahinang nobela; nakakasa na ang maiikling kuwento ni Luis para sa bagong koleksiyon; at pakasaysayan naman ang pagdulog nina Rica at Ian sa pagbuo ng mga personalidad mulang Zambales hanggang Dumaguete.

Matitiyak na paghaharian ni Jun Lana ang pelikula at telebisyon, hindi lamang bilang premyadong mandudula o iskriprayter, bagkus bilang batikang direktor. Na kay Jun ang sensibilidad ng matinik na manunulat na maalam sa nakaraan at ang lakas ng loob na lumihis na nakagisnan. Aasahan din ang malaking papel ni Nick Pichay sa teatro at sining-pagtatanghal upang mapanumbalik ang halina nito sa kasalukuyang manonood na pihikan ang panlasa.

Samantala’y pambato sina Vinz Serrano at Mookie Katigbak sa panulaang Ingles, habang tahimik lamang sina Frank Cimatu at Bobby Añonuevo na pawang nagbabantang magsilang ng mga aklat ng tula sa Filipino—na maipagyayabang hindi lamang sa Filipinas bagkus maging sa iba pang panig ng daigdig. Ipinamalas ng apat na makata na hindi lamang sila marunong sumulat ng tula. Matinik din silang sumuri at bumuo ng teorya ng pagbasa sa tula na dapat mabatid ng iba pang kritiko o guro.

Pambihira ang talakayan sa Baguio dahil sumapit na sa pagkatigulang ang mga kalahok. Matatalim ang pukol ng mga diwain, ngunit kataka-takang ni wala man lamang nagsaksakan, nagmurahan, o nagbatuhan ng silya. Mapapansin ang paggalang sa isa’t isa, at walang may hangin sa ulo. At gaya ng winika ni Tara, kalmante man ang pangkat ng mga kumag sa palihan, maaasahan naman na lilikha sila ng nakayayanig na bagyo pagsapit sa larangan ng panitikan ngayon at sa mga darating na araw.