Pulo ng Ibu, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Íbu

Roberto T. Añonuevo

Mínsan pa, mánunuyô ang lalamúnan mo sa páglalakbáy, at daráting ang sandalîng íbig mong bumalík sa pinágmulán, ngúnit tíla pagkalág sa paláisipán ang paglingón at pagbabalík. Tataób ang iyóng bangkâ, dúdunggulín ka ng mga álon, at págtatangkâan kang tuhúgin ng gutóm na gutóm na tagáhan, ngunit dáhil hindî iyán ang kapaláran mo’y may bágong bangkâng sasagíp sa iyó na sakáy ang isáng manduyápit. Hihiláhin niyá ang iyóng buhók at ísasampá ka nang pabalibág sa bangkâ. Pagkaraán, gagáod siyá nang gagáod, at kausápin mo siyá’y ni hindî iimík o lilingón, hanggá’t hindî ka naíhahatíd sa Pulô ng Íbu, ang daigdíg ng mga patáy. Paglapág na paglapág ng mga paá mo sa umuúsok-úsok na dalámpasígan ay kisápmatáng maglalahò ang manduyápit at magpapángalísag sa mga balahíbo mo ang sípol na untî-untîng nauupós papalayô at kakaínin ng makapál na gábun. Nagwawakás ang aliwálas at panahón sa Íbu, at napapáram sa nasábing poók káhit ang tínig ni Libtákan. Sasalubúngin ka roón ng mga ilahás na tahól, at tíla dalawampûng ásong-gúbat na gigíl na gigíl at kumíkisláp ang mga pángil ang hahábol sa iyó mulâ sa bakúran ni Sugúdon. Tatakbó ka nang tuliró pagúbat, susuót sa dáwag at lulundág sa lambák, hanggáng mapúkaw ang tagbusáw na kanína lámang ay ginawâng pigíng ang laksâng bagáni. Másisinghót ng tagbusáw ang iyóng pagdatíng, kapagdáka’y sasaklutín ang iyóng pusò na gáya ng matabâng pantát na sisingháp-singháp sa bátis ng mapapaít na katás ng tublí at lagtáng. Matatagpûan mo ang saríli sa loób ng diwítan, nangangatál o kumikisáy o nauutál, at kung iyón ay sanhî ni Manaúg, kailángan mong bawîin ang lakás na kung tawágin ay pag-íbig at ulirát. Gugúhit sa karimlán ang mga kidlát at kukulóg pádagudóg úpang magpákilála ang Anitán. Maáalímpungátan ang táme, tagbanwá, at dagáw, at sa lábis na inís nilá’y isusumpâ mo ang sandalî ng iyóng pagdatíng. Kung isá kang makadúya, mahúhungkág ang mga tambóbung at matutuyót ang bukirín na tinátakpán ng mga bálang. Mapapáluhód ka at manánambítan kay Hakiádan hanggáng umulán ng mga pálay, at kasabáy ng pagtahíp ng dibdíb mo’y mágliliyáb ang nág-iisáng mandalâ na nakatírik sa gitnâ ng kaingín. Gagápang ang apóy sa mga dayámi at katabíng tuód, hihíhip ang símoy at matutúpok ang iyóng damít at loób. Isisigáw mo ang pangálan ng iyóng hinahánap na tíla kumákatók sa Inugtúhan, at magigisíng kang tigmák sa páwis at warìng uminóm ng pinákulûang talampúnay, lasíng na lasíng sa mga kúlay, makaraáng tangkaíng mágpatiwakál na gáya ng tumutulâ sa agusán ng dalámhatì. Sa Pulô ng Íbu, matatanáw mo ang íyong músa na dalawá ang kaluluwá. Ang isá’y pára sa kaniyá, at ang isá pa’y pára sa iyó, ipágpalagáy mang guníguní itóng isinilíd sa baybáyin—na ikáw lámang ang káyang makapágpahiwátig, at siyá lámang ang tangìng makáririníg sa yabág o kaluskós ng mga pantíg.

Alimbúkad: Epic raging poetry Filipinas engulfing the world. Photo by Gerald Yambao on Pexels.com

Bitukang Pulo, ni Roberto T. Añonuevo

Bitúkang Pulô

Roberto T. Añonuevo

Mákikilála mo si Eduardo, ang amá ng pamilyáng tumanggáp sa iyó, at hábang tumatágay kayó ng sariwàng tubâ ay ituturò niyá na ang hinahánap mo ay walâ sa Pulô ng Atáy, bagkús sa karugtóng nitó, ang Bitúkang Pulô. Mulâ sa Pulô ng Atáy ay makásasakáy ka ng lundáy na yarì sa mga tingtíng. Tibáyan mo ang loób. Kapág nagsimulâng mágbantulót ka’y lulubóg ang lundáy mo at kakaínin ka ng mga álon, at iyán ang sinápit na kapaláran ng mga nangánauná sa iyo. Úpang makaíwas sa anumáng pangánib, ituón mo ang paningín sa diréksiyón na íbig maratíng at huwág kang lumingón ni lumingá-lingá hábang naglálayág. Kapág lumagós ka sa úlop ay makikíta mo ang Bitúkang Pulô. Ang Bitúkang Pulô ay sérye ng mga pulô at batuhan na kung hindî paikíd ay paikót, at doón mo matútuklásan na ang mga bágay ay nása yugtô ng patúloy na pagbabágo. Halímbawà, ang pumások na kanáway sa únang antás ng Bitúkang Pulô ay magigíng malmág, na kapág lumípat sa ikalawáng antás ay magigíng anuwáng, na kapág lumípat sa ikatlóng antás ay magíging nilaláng na may katawán ng táo ngúnit may mukhâ ng pawíkan, na patúloy ang pagbabágo hanggáng ang sukdúlang anyô ay umabót sa perpéktong walâ ngúnit naroón at umiíral. Kayâ kapág kinaúsap mo ang kanáway ay mauúnawàan mo lámang siyá sa wikà ng malmág. Kausápin mo ang malmág at magwíwikà siyá sa talínghagà ng anuwáng. At kapág kinaúsap mo ang táo na may mukhâ ng pawíkan ay kailángang maúnawàan mo na ang mga pahiwátig niyá ay karágatán na kuyóm ang táo o táo na kuyóm ang karágatán. Hindî siyá nagmulâ sa lahìng siréna o siyókoy. Ang táo na nása yugtô ng pagbabágo ay mauúnawàan mo lámang kung anó siyá sa anyông panlabás, at mulâ roón, kailángang sisírin mo ang kaniyáng kaloóban úpang maúnawàan ang líkaw-líkaw na pakikípagsápalarán, ang pakikípagsápalarán na maglulúwal ng barumbárong o kastílyo, na magsisílang ng iba pang mithî, gáya ng gamót, damít, sandáta, pabangó, eropláno, palayán, gusalì, at sangkatérbang hulagwáy na káyang isaísip. Sa Bitúkang Pulô, humandâ kang mamatáy. Humandâ kang mamatáy nang paúlit-úlit. Sa gayóng paraán, matutúto ka kung paáno umangkóp sa kaligíran, at mabábatíd na hindî ikáw ang séntro ng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry metamorphosis making waves. Photo by Mohammad Jumaa on Pexels.com

Sa Pulo ng Atay, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Pulô ng Atáy

Roberto T. Añonuevo

Kapág nakipágsapálarán ka sa poók na itó, ang mga puslít na láson ay hihigúpin mula sa iyóng bangkâ, at lilinísin ng mga trabáhadór ang sapátos mo’t kataúhan. Gagaán ang iyóng pakiramdám, at maiíwan sa putíng pantalán ang lahát ng kimkím mong ágam-ágam. Maglálandás sa paningín mo ang mga naglalakô ng sarì-sarìng prútas, may hihíla sa bráso mo túngo sa terminál ng mga sasakyán, at may kargadór na handâng magpaúpa ng kaniyáng lakás úpang pasanín ang mga bagáhe mo nang makáratíng sa minimithîng daigdíg. Kailángan mong magíng alísto, hindî dáhil sa kung sínong mandurúkot o manggagántso, kundî hinihingî ng sandalî na ituón mo ang pansín sa nararápat: ang mápa, ang pasalúbong, ang binálot na hapúnan. Walâ rítong Internet, at umása na lámang sa díreksiyón ng mga salitâ na magmumulâ sa despátsadóra. Makábubúting dumaán ka múna sa panáderyá o almasén, ibaligyâ ang mga bagay sa mga íbig kamtín, at pagkáraán ay tumulóy sa dyíp na mágsasakáy sa iyó tungóng Hayáhay. Huwág magpátumpík-tumpík. Umáalís sa takdâng óras ang mga dyíp o hábal-hábal, nang tapát sa tungkúlin nitó at walâng nilúlustáy na pagkakátaón, at kung hindî ka maágap ay maiíwan ka, wikà ngà, sa pansítan. Sa Pulô ng Atáy, kailángang limútin mo ang pinágmulán. Iwaksî sa ísip ang mga ináasáhan, gáya ng marangyâng hotél o dambúhalàng simbáhan. Díto, ang mga kasalánan mo ay kusàng nalulúsaw sa alimbúkad ng madalîng-áraw, at hindî ka tatanúngin kung anó-anó ang mga titúlo ng pinag-aralan. Tatánggapín ka ng mga táo sapagkát dinalísay ka na sa kaniláng pananáw, at may sustansíya kang maídudúlot sa kanilá kahit hindî mo álam. Tandâan mo ang isinásaád ng bitbít na mápa: ang kanlúran ay silángan sa puntó ng mga panaúhin, kayâ ipágpalagáy na isá ka sa mga tagapulô na kabesado ang daán. Ang diréksiyón ng hángin ay patímog gayóng ang darátnan mo ay hilagà ng mga batuhán, na ang palátandâan ay isang huklubang paróla. Ang pasalúbong mong dála-dála ay maáarîng magbunyág ng iyong layúnin o pakanâ sa isáng tahánang bukás ang mga bintanà at pintô, gáya ng malínis na loób; at ang binálot mong hapúnan ay isáng pigíng pára sa iyó, lalò’t nagsísimulâ nang umúlan-úlan. Huwág kumáin nang mag-isá. Makisálo sa pamílyang kumakáin din ng kaniláng hapúnan. Sa Pulô ng Atáy, ang pagkáin ay hindî bastá pagkáin. Ang pagkáin mo ay magigíng kataúhan mo na magiging kaligirán; at ang pagkáin na kináin ng kasálo mo ay magigíng kataúhan din nilá na magigíng kaligirán mo rin. Ang lumábis na úlam sa hapág o mahúlog na múmo sa sahíg ay sandalî ng pagninílay sa mamúmuông láson o mikróbyo sa iyóng guníguní—balikán mo man ang saríling bangkâ kinabukasan, o mamangkâ sa dalawáng tubigán.

Alimbúkad: Yes to poetry. No to war. No to Chinese invasion. Yes to Philippine sovereignty. Photo by Crizaldy Diverson on Pexels.com

Ang Banyaga, ni Roberto T. Añonuevo

 Ang Banyaga

 Roberto T. Añonuevo

 Sampung libong wika ang dumaan
 sa aking dila,
 bawat isa’y bantayog ng lupain
 o hukay na napakalalim.
 At nang minsang masalubong ko 
 ang pugad ng mga hantik
 ay kinagat ako ng mga lintik.
 Tumakbo ako, at bumanggâ 
 sa teritoryo ng mga putakti.
 Napamulagat ako.
 Ibig kong tumakas subalit binigo
 ng namimitig na binti.
 Wala akong nagawa 
 kundi pumikit at humalukipkip.
 At tinanggap ko nang maluwag 
 ang lastag na kamangmangan
 sa wika ng simoy at katahimikan,
 habang tumitikatik at nagpuputik
 ang daigdig. 
Alimbúkad: Poetry silence. Poetry excellence. Photo by Kirsten Bu00fchne on Pexels.com

Alalay, ni Roberto T. Añonuevo

Alalay

Roberto T. Añonuevo

Nang humangin sa loob ng kaniyang utak, ang ulap ay dumikit sa pader. Pagdaka’y ang pader, na retoke ng mga baság na bote at lastág na tisà, ay naghunos na muralyang iginuhit na banig. Tumitig siya sa hindi ko nakikita, at ang natuklasan ay artsibo ng palasyo at palakol na pawang isinalaysay ng kaniyang mga kamay. Ang mga kamay! Ang kanan ay dumudukal sa hukay; ang kaliwa’y kuyom ang sanlibong panginoon! Pumikit siya, at humiging wari ko sa pandinig ang helikopter at alpabeto ng kalamidad. Ngunit sumisilang siyang tápis ng takúpis, sapagkat hindi man niya aminin, siya ang bahagsúbay ng silakbo at kamalayan. Siya ang akto ng pagguhit ngunit hindi kailanman ipagmamalaking siya ang gumuhit. Siya ang aking binabantayan, ngunit ang tingin marahil niya sa akin ay estatwang kumikinang, parang batong nakausli sa gulod na ang gilid ay tinampukan ng mga asul na baláy, sirkito ng mga lingam, at isang marmol na monasteryong nabubuntis sa mga panikì: pundí ang guniguní. Sumakay siya sa ulap at ito ang aking kutob. Lumulutang siya, at habang umuulan ng mga siyap sa bakuran, bumabahâ sa aking kalooban, waring sinasabing makipaghuntahan sa walang katapusang aklatan, na kinaroroonan ng kaniyang pangalan at kapiling ang mga lihim na salita sa sarkopago—na sikapin man ay tiyak kong tatanggí na maunawàan.

Alimbúkad: Poetry without tags. Photo by Rohan Shahi on Pexels.com

Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

 Kisap

 Roberto T. Añonuevo
  
 Pulgas na kumakain sa balintataw,
 isang tasang tsaa,
 at sa ibabaw ng mga aklat
 ay napakahaba ng umaga——
 ang kapalaran ng aking salamin.
  
 Lumalago ang baging sa paningin;
 ang tatlong oras
 ay tatlong siglo
 at mabilis mabubusóg ang pulgas
 upang matulog sa loob ng talukap.
  
 Marahil, ang halimuyak ng tsaa
 at ang usok mula sa tasa
 ay pangarap din ng ibang balintataw,
 at kung hindi súnog sa kagubatan
 ay isang sigâ sa masukal na bakuran.
  
 At ikaw, minamahal kong Salita,
 ang poot ng mga lagas na dahon
 sa kumukunat na panimdim——
 habang naliligo sa mga luha ko
 ang pulgas sa aking balintataw. 
Alimbúkad: Poetry imagination alone. Photo by Arnie Chou on Pexels.com

Pintakasi

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Tumilaok ang limampung tandang sa bakuran ng aking umaga, at parang magigiba ang bahay sa pagtawag sa aking pangalan. “Meron! Wala! Meroooon! Walaaaaa!” Ito ang sandali sa pagkilatis sa balahibo. Limampung tandang at limampung agahan ay limampung soltada ng pakikipagsapalaran ang naglalaro sa aking gunam-gunam. Malilimot ko ang pamilya at pangalan na parang iglap na paglipad at pagpupog, upang pag-uwi ay makapagpatayo ng bahay at makapagbalato sa mahabang pila na umaasa sa ayuda. Sa limampung sabungan, ilang kombinasyon ng parada ang maibibigay sa aking mga manok? Ay! Limampung pares ng pakpak. Limampung tari. Limampung tuka. Limampung sabungerong nakaaamoy ng pang-ilalim at pilay, ako na mukhang dehado ay kutob ang liyamado sa libong dibersiyon mula sa lingguhang pagdalaw ng mga tahor. Hindi ko maramdaman ang gutom, hindi gaya ng aking mga bulik, ngunit ang pananabik, kahit sa pinapatos na tupada, ay higit sa alak na nakaaadik. Susubaybayan ko ang bawat bitaw, hindi man batikang sentensiyador; at magtitiwala nang palihim sa potograpikong memorya ng kumpareng kristo—na nakapako wari sa akin ang mga paa at mata.

(Salamat kay Tatang Temyong)

Alimbúkad world-class prose poetry from Filipinas. Photo by Vincent Tan on Pexels.com

Totoo, ni Roberto T. Añonuevo

Totoo

Roberto T. Añonuevo

Nananatili itong malamig
at depende sa iyong ibig
ay magiging plastik o banig.
Itinutulak ng bibig
at dibdib mo ang kinakabig,
nakapapasò rin kapag ligalig
ka, at ang loob ay umaapaw
o nagsasayelong sanaw.
Hipuin ito at mapupukaw.
Himasin ito at matutunaw
na parang halimaw,
habang ang iyong tanaw
ay naglalaro
mulang lalim hanggang rabáw
nang lampas sa init ng araw.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo courtesy of Birmingham Museums Trust, titled, “Changing the Letter,” 1908, by Joseph Edward Southall. The subject is taken from the poem ‘The Man Born to be King’ from William Morris’s ‘The Earthly Paradise’. The sealed letter is addressed ‘To The Governor’

Paaralan, ni Roberto T. Añonuevo

Paaralan

Roberto T. Añonuevo

Ikaw ang aking bahay
kubo at bahay na bato—
na hindi ako kilala—
ngunit taon-taong
nagpapakilala
ng libong magulang
at milyong kapatid
na nagsusunog ng kilay
at nagsusunog ng salapi;
ang aking tinitingala
at inaakyat
na mga baitang
subalit mapagkumbaba
gaya sa mga pangaral
ng timawa
at itatayong kabihasnan.

Ikaw ang paboritong
tambayan
sa pagbulas at dunong,
ang tambalan
ng sinaunang kamalig
ng salita at lihim
na laboratoryo
ng mga mithi at gamot
nang maimapa
ang likaw o sangandaan
ng intoleransiya
at balón ng katangahan.

Ikaw ang realidad:
ang simulakro ng opisina
at tungkulin,
ang anino ng burukrasya
at bagong terminal
sa tren ng mga panaginip,
ang nagturo sa akin
ng halaga ng koliseo
para sa basketbol at pista,
at pana-panahong
entablado
sa paggunita at politika.
Ikaw ang iglap na takbuhan
ng mga bakwet
kapag hinahagad ng bagyo
at pinalalayas ng sunog,
kapag sumusugod ang baha
o sumasalakay ang hukbo
na nagsasabong sa dahas.

Tunay kang mapagkalinga:
ang talyer ng pagtitiis
at hardin ng mga balak
na malupit kung tawaging
bilangguan,
gayong napagiging ospital,
at kung minsan,
nagsasalit-salit na artsibo
at punerarya
ng mga agaw-buhay
na pinagkakaitan ng dalaw.
Durupok ang mga haligi mo
at mapupundi ang ilaw
sanhi man ng kapabayaan
at kawalan ng pondo
ngunit mananatili kang
inaaring tunay na tahanan—
may pagkain para sa lahat,
may bubong na masisilungan,
at may subók na kubeta
sa malilibag na noo at paa.

Ipinid ka’y pilit na magbubukás
gaya ng kalsadang walang wakas.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity

Katà

Katà

Roberto T. Añonuevo

Magaling, datapuwa hindi tula.

Mahabang pila ng mga bus at trak sa aming balikat,
at ngayon, litanya ng ngitngit ng mga pasahero
na pawang nagbabasá ng tone-toneladang basura:

Hahangaan ka sa isinusukang wika at salamangka,
parang nagmula sa malayong Amerika o Alemanya,
ngunit ang totoo’y sumasakit ang iyong ulo kalalakad.

Naglalakad kang malagihay, kung hindi man sa gutom
ay lungkot, at absurdo ang pumupuwing na kulisap
sa iyong salamin. Masasalubong mo ang iba mo pang

kamukha, na hindi malayo sa pumapakyung Tediboy,
may etiketa ang diplomasya gayong ang anyo’y libagin.
At minsan, may magtatanong kung ikaw ba ay Laláng.

Ang Laláng—sopistikadong Asiong Aksaya—kay pogi
sa antolohiya ng gas ngunit paurong ang ortograpiya
para sa gramatika ng mga turistang sabit sa dyip.

At ano ang ganting sagot mo? Ang kotse mo ba’y
nakukumpuni ng miron? Napagagaling ng pasyente
ang kaniyang sarili, at walang hiwaga sa sakit!

Bakit ka sisisihin, kung ang bathala mo’y pugad
ng mga gastado at gasgas, at ang iyong kasariwaan
ay halaw sa sinasambang bilis at posmoderno?

Gagayahin ka dahil suportado ng bakya o sapatos,
o sapagkat kumikitid ang kalye na bawat kanto
ay may ilaw-trapiko at pulis na iyong sinusunod.

Habang tumatagal, lumalaki ang mundo sa ilalim
ng iyong talampakan. Hahakbang ka nang maliksi
na pagsisinungaling sa harap ng libo-libong tsuper.

Walang lohika ang talinghaga, ang paniwala mo,
tulad ng mga bilbord sa batok ng populasyong
pinarurusahan mo. Itim na usok ang iyong realidad,

at igigiit na ito ang iyong mensaheng sobrenatural.