Uhaw ang Tigang na Lupa

Ipagdiriwang sa 8 Mayo 2008 ang ika-65 taon ng pagkakalathala ng maikling kathang “Uhaw ang Tigang na Lupa” (1943) ni Liwayway A. Arceo. Mahalaga sa aking palagay ang nasabing araw dahil iyon ang magbubukas ng pinto kay Liwayway sa daigdig ng panitikang Tagalog, at pagkaraan, sa panitikang Filipino sa kabuuan. Pambihira ang hagod ng mga salita sa kathang “Uhaw ang Tigang na Lupa,” at hindi kataka-taka kung umani iyon ng mga papuri mula sa mahihigpit na kritiko.

Inilahad ang “Uhaw ang Tigang na Lupa” sa punto de bista ng isang anak na dalagita, at sa kaniyang mala-muslak na mata’y masisilayan ang matimpi, kung hindi man sikil na ugnayan, ng magkabiyak na ang lalaki’y manunulat at ang babae’y tapat na maybahay. Magkakalamat ang kanilang pagsasama, nang di-sinasadyang matuklasan ng babae na may ibang sinisinta ang kaniyang bana. Ngunit lilihis sa kakaibang wakas ang kuwento nang magkasakit, magdeliryo, at pagdaka’y mag-agaw-buhay ang lalaki. At bago ito malagutan ng hininga’y hiniling nito ang pagsang-ayon ng kaniyang kalaguyo sa bagong pagsasama. Sumagot ang kabiyak at nagkunwang kalaguyo—at pinagbigyan kahit napakasakit pakinggan ang gayong pagtataksil ng kaniyang bana.

Tapat at dalisay ang himig ng persona, at bawat kataga nito’y tila ibinubulong sa kaniyang saksing talaarawan. Kung naganap marahil ang tagpong iyon sa ngayon ay hindi na talaarawan ang anyo bagkus isa nang lahok sa blog. Ang paglalarawan sa mga tauhan, ang paghuhunos ng panahon, ang unti-unting pagbubunyag ng lihim, at ang maingat na pagkatalogo ng diwa’t damdamin ay pawang itatakda ng numero sa simula ng talata o pangkat ng mga talata.

Walang pasubaling naiiba ang hagod ng wika ni Liwayway sa iba pang manunulat na nauna sa kaniya, gaya nina Fausto Galauran, Valeriano Hernandez Peña, at Antonio Sempio, at kahit sa kaniyang kapanahong si Genoveva Edroza-Matute. Maindayog gaya sa musika ng tulang tuluyan ang pukol ng salita ni Liwayway. Ngunit hindi mahahaba ang pangungusap, at kung pinahaba man ay halatang sinadya upang patagintingin ang bagsak ng mga salita o diwa; hindi rin mapalamuti ang pandiwa o pang-uri; at lalong hindi makapagpapaantok ang monologo gaya ng sa mga tauhang nauuso noon. Heto ang ikalimang bahagi ng “Uhaw ang Tigang na Lupa” na maitatangi sa iba pang bahagi dahil waring sinadya rito ang repetisyon ng mga salita at paglalarga ng diwa:

Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulot ng isang amang nagsasalaysay ukol sa mga kapre at nuno at ukol sa magagandang ada at prinsesa, ng isang nagmamasid at nakangiting ina, ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang bata.

Nguni, sa halip niyon ay minamalas ko si Ama sa kaniyang pagsusulat, sa kaniyang pagmamanikilya, sa kaniyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangungunot ang kaniyang noo, kung paano niya ibinubuga ang asóng nagbubuhat sa kaniyang tabako, kung paano siya titingin sa akin na tila may hinahanap, kung paano niya ipipikit ang kaniyang mga mata, kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat . . . .

Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punít na damit, kung nag-aayos ng mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kaniyang pagbuburda ng aking mga kamison at panyolito-sa galaw ng kaniyang mga daliri-ay natutunghan ko ang isang kapana-panabik na kuwento. Nguni, ang pananabik na ito’y mapapawi.

Kabagut-bagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay-isang batang marahil ay nasa kaniyang kasinungalingang gulang o isang sanggol na kalugud-lugod, may ngiti ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliliit na na paa at kamay na nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at labìng walang-bahid kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid na kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan . . . .

Magaan ang ganitong uri ng pananagalog, at masasabing kauri ng wikang ginagamit kahit sa pagsusulatan ng mga karaniwang tao noon. Ngunit siyempre, hindi na uso ngayon ang ganitong uri ng wika. Ano’t anuman, kapupulutan pa rin iyon ng aral ng bagong henerasyon ng mga manunulat, gaya sa hanay ng mga manunulat sa Tagalog Online Pocketbook at iba pang literaturang pangkabataan. Mabuti nang mag-aral hinggil sa ating wika at panitikan, kaysa ipagpatuloy ang pangangapa at walang habas na katangahan.

Inaanyayahan ko kayong basahin muli si Liwayway A. Arceo. Basahin natin ang kaniyang mga nobela, kuwento, dula, sanaysay, at iba pang akda nang bukas ang isip at malayo sa prehuwisyo at haka ng ibang kritikong mababaw ang pagsusuri sa panitikang Filipino. Basahin at pahalagahan natin ang mga manunulat na Filipino alinsunod sa likas na agos ng kasaysayan ng panitikang pambansa habang gamit ang lente ng pagbasang magmumula lamang sa pananaw ng Filipino. Mabigat ito, subalit nakatitiyak akong kayo rin ang ganap na makatitighaw ng uhaw ng malawak, mayamang lupain ng ating pambansang panitikan.

Science fiction at Panitikang Tagalog

Kathang agham (science fiction) ang nauuso ngayong uri ng kuwento at nobelang kinakagat ng kabataan. Ang nasabing uri ng akda ay hindi totoong pinasimulan ng ilang kabataang manunulat sa Unibersidad ng Pilipinas o Ateneo de Manila University. May pinag-ugatan iyon sa Tagalog, at ugat na marapat lingunin ng sinumang nagtatangkang pumalaot sa gayong pagkatha.

Maaaring magsimula sa koridong Ibong Adarna na ang awit ng mahiwagang ibon ay kayang makapagpagaling ng sakit na pisikal. May ipot din ang Adarna na kapag sumayad sa sinumang tao ay nagiging bato ito. At mapanunumbalik lamang ang dating anyo ng tao kapag binuhusan ito ng mahiwagang tubig na mula sa ermitanyong nag-aangkin ng lihim na karunungang gaya ng siyentipiko.

Lilipas ang mahabang panahon bago maghunos ang uri ng kathang agham sa Filipinas. Nang malathala ang Doktor Satan ni Mateo Cruz Cornelio noong 1945, hahatak sa mga mambabasa ang bagong uri ng katha. Ito ang kathang hango sa daigdig ng agham, ang agham na bagaman hinaluan ng guniguni ay halos maging kapani-paniwala sa mga tao na naghahanap ng lunas sa kanilang sakit at kahinaan.

Umiinog ang Doktor Satan sa buhay ni Dr. Alberto Estrella. Binagabag si Alberto ng pangyayaring ang kaniyang ina ay dinapuan ng malubhang sakit, at kailangan niyang tumuklas ng bagong gamot na makapagpapagaling sa ina. Nagsaliksik nang nagsaliksik ang doktor. Hanggang isang araw, napanumbalik ni Alberto ang buhay ng Rusong si Igor na nagpatiwakal, kaya lalong lumakas ang kutob ng naturang doktor na nakamit niya ang gamot na magbibigay ng inmortalidad sa sinumang tao.

Tinungga ni Alberto ang gamot na kaniyang inimbento, ngunit sa kasamaang-palad ay nakaranas siya ng di-inaasahang epekto. Naghunos ang kaniyang pagkatao na animo’y satanas na may mabalasik na kalooban. Dumating ang sandaling pinatay ni Alberto ang kaniyang kasintahan dahil sa hindi mapigil na panloob na puwersa. Naghasik ng lagim si Alberto hanggang mapatay ito ng kaniyang kapatid na si Pepe na isa ring alagad ng batas. Samantala, gumaling mula sa pagkakasakit ang ina ni Alberto matapos inumin ang gamot na ibinigay ng kaniyang anak.

Madaling sabihin na naanggihan si Cornelio ng mga akdang gaya ng Frankenstein  (1818; 1831) ni Mary Wollstonecraft Shelley o kaya ng Dr. Jekyll and Mr. Hyde (1886) ni Robert Louis Stevenson, gaya ng haka ng kritikong si Soledad S. Reyes. Ngunit ang akda ni Cornelio ay hindi sadyang panggagagad, dahil ang pagnanais na humanap ng gamot sa sakit ng tao ay hindi lamang esklusibo at nagmumula sa kanluran bagkus malaganap na tema sa mga alamat at mito dito sa Asya.

Kung babalikan naman ang mga pangyayari noong dekada 1930-1940, lilitaw ang mga pambihirang tuklas sa larangan ng agham. Kabilang dito ang tuklas ni Ernest O. Lawrence hinggil sa pagpapangkat ng mga dugo ng tao; ang bakunang pinaunlad ni Max Theiler laban sa yellow fever; at ang saliksik ni Otto Warburg ukol sa enzyme. Mulang biyolohiya hanggang kemistri, mulang pisika hanggang medisina, napakaraming tuklas na ang pinakarurok ay ang pagkakaimbento ng bomba atomikang pupuksa sa laksa-laksang tao sa Nagasaki at Hiroshima. Ang panahon nang sulatin ni Cornelio ang kaniyang nobela’y panahon ng lagim, at hindi kataka-taka kung maghanap ang tao ng mga bagay na lulunas sa sakit o bagabag nito.

Hindi nagwawakas sa nobela ni Cornelio ang mga kathang agham. Noong 1959, ilalathala sa magasing Aliwan ang nobelang Ang Puso ni Matilde ni Nemesio E. Caravana. Naiiba sa lahat ang akdang ito ni Caravana dahil sumusugal ito nang malaki sa paksang hindi lubos maisip ng masa.

Ang “Matilde” na tinutukoy ay hindi tao bagkus babaeng buldog. Si Matilde ang matapat na aso ni Dr. Lino Romasanta. Ang nobela ay pumapaksa sa transplantasyon ng puso ng isang aso sa katawan ni Angela, ang kasintahan ni Lino. Ginahasa si Angela ni Dr. Razul, at pagkaraan ay nasiraan ng bait, saka inatake sa puso. Isinumpa ni Lino na bubuhayin ang kaniyang katipan, at pakakasalan. Dahil matinik na siruhano, tinistis ni Lino ang puso ni Angela at pinalitan ng puso ni Matilde. Nabuhay si Angela, subalit nagpapabago-bago ang kaniyang asal, na kung minsan ay sa tao at kung minsan ay sinusumpong na mabangis na aso. Dito nagsimula ang pagpapanday kay Lino bilang matapat na asawa at alagad ng medisina.

Kung babalikan ang kasaysayan, naganap ang unang matagumpay na operasyon na ginawa sa puso ng aso noong 1914, at mababanggit si Dr. Alexis Carrel. Samantala, ang unang transplantasyon ng puso ng tao ay isasagawa ni Dr. Christiaan N. Barnard noong 1967 sa Groote Schuur Hospital, Cape Town, South Africa. Nangangahulugan ito na nahulaan na ni Caravana ang posibilidad ng transplantasyon ng puso ng tao; gayunman, ang kaniyang nobela ay pumapaksa sa paglilipat ng puso ng buldog sa katawan ng tao.

Kinakailangang tuklasin muli ng bagong henerasyon ng mga kabataan ang akdang ito ni Caravana. Pulido ang wika ni Caravana, at bukod dito’y pambihira ang kaniyang paglinang sa mga tauhan upang maging kapani-paniwala. Ginamit din ng awtor ang paglalatag ng mga kapana-panabik na tagpo, at kahanga-hanga ang pukol ng mga salita ng mga tauhan na kumbaga sa pelikula’y makapagil-hininga. Heto ang isang halimbawa makaraan ang seremonya ng kasal nina Lino at Angela:

Hindi matingkala ang kagalakang nag-uumapaw sa puso ni Dr. Romasanta nang matapos na kasal. Masigla at halos pasagsag na inilabas niya ng simbahan ang kanyang magandang asawa.

Gayunman, nang sila’y magkasama na sa awto ay hindi pa rin lubusang mapawi sa isipan ni Lino ang pag-aalaala. Baka sumpungin ng pagkaaso si Angela. Hindi nakaila kay Angela ang pag-iisip ni Lino.

—Bakit ba tila may inaalala ka?—pansin ni Angela.
—A, walang anuman,—pakli ng manggagamot. —Naisip ko lamang na tutuksuhin tayo ng ating mga kaibigan.
—Maano kung manukso sila,—ani Angela.—Bakit, ikahihiya mo ba ako kaninuman?
—Hindi sa ikahihiya. Ang totoo’y ikinararangal kita, Angela. Para sa akin ay ikaw na ang lahat: ang langit, kaligayahan at lahat-lahat na!

Gayon na lamang ang pagbabatian nang dumating na ang bagong kasal sa tahanan ng lalaki. Gaya ng sinabi ni Lino, gayon na lamang ang panunukso sa kanila ng mga dinatnan.

At dumating ang oras ng salu-salo. Sabay-sabay na nagsiluksok ang lahat sa isang mahabang mesa. May biruan at may tawanan. Madalas nilang pasaringan ng biro ang mga bagong kasal. Nguni’t napuna ni Dr. Romasanta na walang imik si Angela. Napansin din niyang nananalim ang mga mata nitong nakatitig sa buto ng hita ng litson.

Kinabahan si Lino. Sinapantaha niyang hindi malayong sumpungin si Angela. Nakita niyang gumalaw-galaw ang mga labi nitong walang iniwan sa asong si Matilde. (Ika-21 labas, Ang Puso ni Matilde ni Nemesio E. Caravana, Aliwan, 7 Oktubre 1959).

Makabubuting magbalik sa nakalipas na panitikan bago maghayag ng kung ano-anong kabaguhan kuno sa panitikang Ingles o Filipino dito sa Filipinas. Ang paglingon sa nakaraan ay pagharap din sa maaliwalas na bukas ng ating pambansang panitikan.

Pagsulat ng Blog

Hindi ako eksperto sa pagsulat ng blog, at ibig kong matuto sa maraming kabataang adik na adik hinggil dito. Nais kong sagapin ang bagong wika ng teknolohiya at internet, at pag-aralan ang pambihirang halina nito sa madla. Bilang isang tagamasid, marami akong napansing silbi ng blog.

Ang blog ay maaaring ehersisyo ng paghuhubad, at malaya ang awtor na ibunyag ang lahat ng kaniyang baho’t kabuhungan, o bango’t karanasan, habang saksi ang buong daigdig. Maaaring lumampas pa ang gayon sa yugto ng pagsasalsal, na ang bawat akda’y hinugot sa guniguni upang magmukhang makatotohanan at kapani-paniwala. Sa isang panig, may kakayahan ang blog na ipaggiitan ang angking layon at gulantangin ang mambabasa sa pamamagitan ng makukulay na imahen o retrato.

Maaari din itong network ng mga ugnayan, at ang blogista ang tagapag-ugnay, kung hindi man pumalit sa sinaunang umalohokan, na tagapaghatid ng babala, balita, at tsismis. Napakahalaga kung gayon ng pagkawing (i.e., link) sa ibang blogista, upang ang isang akda ay makaabot sa maraming tao sa mabilis na paraan. Nakatutulong ang blog kahit sa pagpapakilala ng iba pang websayt, at malas na lamang ang sinumang ibig magsarili o galit sa mundo.

Blog ang imbakan ng mga personal na tala, at walang pakundangan itong maghayag sa ibang tao na para bang ang taong iyon ay kaibigan o kakilala kahit ni wala siyang kaugnayan sa blogista. Gayunman, hindi na mananatiling nasa antas iyon ng personal, dahil sa oras na tumugon ang mambabasa at mag-iwan ng puna ay nagkakaroon ng kisapmatang diyalogo ang blogista at ang mambabasa.

Blog ang malayang lunan ng mga seryosong usapan, na ang layon ay abutin ang maraming tao na salat sa impormasyon hinggil sa partikular na larang, gaya ng panitikan, agham, at iba pang aspekto ng lipunan. Hindi dapat minamaliit ang blog, dahil kung minsan, ang laman at anyo nito ay nakahihigit sa mga sanaysay na nalalathala sa magasin, diyaryo, at iba pang babasahin.

Ang blog ay maaari ding gamitin sa pagsusulong ng ideolohiya at pananalig, at kung minsan, ang dating nanggagalaiting protesta na matatagpuan lamang sa sirkulo ng lihim na kilusan ay lumilitaw upang himukin ang malawak na publiko na lumahok sa makukulay na demostrasyon.

Blog ang ruweda ng paglalathala, at ang panitikan ngayon ay hindi na lamang maaasahan sa tradisyonal na palimbag o pabigkas na anyo, bagkus sa di-kumbensiyonal na paraan. Mailalathala sa blog ang mga tula, kuwento, sanaysay, o nobela. Ang panganib lamang ay nasa malaganap na plahiyo o pangongopya ng iba upang gamitin ang iyong akda nang walang pahintulot at pagkakitaan at maging tulay ng balighong kasikatan.

Magagamit ding taktika sa promosyon ang blog, at ang malalaking korporasyon ay maibabandila ang mga sariling produkto upang lumikha ng pangangailangan sa panig ng mga tao. Kung paano sasagapin iyon ng publiko ay iba nang usapan.

Blog din ang alternatibong raket ng mga manunulat, at maituturing na lehitimong larangan ng pagkakakitaan. Mahalaga kung gayon ang dami ng hits at kawing, at dami ng anunsiyo gaya ng sa google ads.

Marami pang silbi ang blog, at kung bakit nakaaadik ito ang isa pang penomenong dapat pag-aralan. Sa oras na simulan mo ang pagsulat ng blog ay hindi ka na makalilingon. Mananalig ka na lamang na lalong humusay ka sa pagsulat, luminaw ang pagsasakataga ng diwa, at maabot ang madlang dating watak-watak.

Nawa’y mabuklod ng blog ang mga Filipino, at maging paraan na mag-usap-usap sila sa wika at diskursong matalik sa kanilang puso at alaala. Hindi ito imposible, gaya lamang ng pagbubuo ng blog na ito.

Romanza ni Marivic

Liberal ang pananaw ng nakararami hinggil sa tula, at ang pakahulugan ng isang bagay ay hindi mananatiling estatiko sa habang panahon. Ang “tula” ngayon ay hindi na katulad ng dating kaugnay ng bayan, at siyang ginagamit sa pagpapahayag upang pagbuklurin ang mga mamamayan. Ang tula ngayon ay naghunos na pansariling instrumento na magagamit sa paggigiit ng indibidwalidad, at sa pagtatanghal ng kagila-gilalas na eksentrisidad sa ngalan ng Kalayaan ng Sining.

Kaya may karapatan si Angelo V. Suarez na ideklarang “Poetry is useless!” (Walang silbi ang tula!) nang magtanghal siya ng tula sa Le Printemps des Poetes sa Alliance française de Manille noong 2 Abril 2008. Ang totoo’y hindi orihinal ang deklarasyon ni Suarez. Nauna na sa kaniya si Jose Garcia Villa o si Alejandro G. Abadilla, na itinuturing na ang tula ay dapat titigan bilang sining lamang at hindi kagamitang pampolitika o pangkultura. Ang tula ay dapat kinaluluguran, at kung may silbi man ito sa panig ng nagbabasa ay sekundaryo na lamang.

Makalulusot na sana si Suarez hanggang magtanong si Virginia R. Moreno. “Maaari mo bang ipaliwanag,” sambit ni Moreno sa banayad na Ingles, “kung ano ang ibig mong sabihin na ‘Walang silbi ang tula’?” Sayang at kulang ang sandaling iyon upang maipaliwanag nang ganap ni Suarez kung ano ang kaniyang poetika. Mababatid din kung ano ang inilihis ng kaniyang pananaw sa pananaw ni Villa, o kaya’y sa kaakuhan ni Abadilla.

Maiisip na ang tula ay hindi nabuo sa kisapmata lamang. Kaugnay ng tula ang mga salita, at ang salitang iyon ay nilikha ng pangkat ng mamamayan na pagkaraan ay magiging bayan. Magkakaroon ng sariling konteksto ang mga salita sa paglipas ng panahon, at hindi magtatagal ay mabubuo ang pakahulugan, paghihiwatigan, at pagdadalumatan para sa mga tao na nauunawaan at gagamit niyon sa kani-kanilang ugnayan at komunikasyon.

Gaano man kapayak ang tanong ni Moreno at umuurirat pa rin iyon sa matagal nang bumabagabag sa mga Filipino: Ano nga ba ang tula?

Kung babalikan ang mga lumahok sa bigkasan ng tula sa Alliance française, ang tula ay walang tiyak na anyo, pakahulugan, nilalaman, silbi, at padron. Ang tula ay maaaring saliwang pagkakaunawa sa “estranghero” gaya sa tula ni Pauline Juliene. Ang tula ay maaaring humangga sa sentimental, de-kahon, at kakornihan, gaya ng kina Anabel Bosch, Yanna Verbo Acosta, at Asha Macam. Ang tula ay maaaring magpalarga ng repetisyon ng diwa at salita, gaya ng kay Antonio C. Sison. Ang tula ay maaaring prosa at walang latoy na paglalahad, gaya ng kay Miguel Ongpin. Ang tula ay maaaring may abanggardistang lamyos ni Trix Syjuco, na ang damit ay ginugupit at naliligo sa champagne. Ang tula ay maaaring pagsisirko, gaya ng ginawa ni Alma Anonas-Carpio, o kaya’y pagsusulat nang nakatiwarik, gaya ng kina Cesare A.X. Syjuco at Vim Nadera.

Ngunit ang tula ay maaaring simbanayad ng pagtawid sa ilog, gaya ng ginawa ni Sid Gomez Hildawa. Ang tula ay maaaring maselang pagtitig sa babaeng sugatan, abandonado, at anonimo, gaya ng kay Marne L. Kilates. Ang tula ay maaaring erotikong pawis o bayarang katawan, gaya ng kina Ramon C. Sunico at Alfred A. Yuson. At higit sa lahat, ang tula ay maaaring kawangis ng batang tinuturuan ng kataga at nagsisimula-nagwawakas sa salita, gaya ng halimbawa ni Gemino H. Abad.

Nakalaan ang gabi para kina Marivic Rufino at Virgilio S. Almario na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Ang makukulay, masisinop na pintura ni Rufino ay kahanga-hangang tinumbasan ng dalít, tanaga, at diona ni Almario sa aklat na Romanza (2008). Nilapatan naman ng de-kalibreng salin sa Ingles ni Marne L. Kilates ang nasabing mga tula, at kasaysayan na ang sumunod. Walang kupas si Marivic sa sukdulang pakahulugan ng matimyas na estetika, at ang nilikha niyang sining ay lumalagom sa lahat ng posibilidad ng tula.

Kudeta ni Balagtas

Napagdiskitahan kong titigan muli ang Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Cahariang Albania (1861) ni Francisco (Balagtas) Baltazar noong nakaraang linggo. Kung pagtitiwalaan ang sinabi ni Hermenegildo Cruz, ang nasabing awit ay unang inilimbag noong 1838 ngunit sa kasamaang palad ay hindi na matagpuan ang nasabing edisyon. Ipinagdiriwang ngayong taon ang masasabing ika-170 taon ng pagkakalimbag ng Florante at Laura. Sa lahat ng akdang nalathala sa Filipinas, ang naturang awit ni Balagtas ang dumanas ng mahaba at masusing paglilitis ng mga kritiko at iskolar, at nilapatan ng kung ano-anong lente ng pagbasa kaya ang orihinal na pakahulugan at paghihiwatigang isinaad ng awit ay lumampas sa sarili nito upang angkinin ng buong sambayanan.

Hindi ko na uulitin pa ang sinabi ng mga kritiko, gaya nina Virgilio S. Almario, Eduardo Calasanz, Isagani R. Cruz, Silvino V. Epistola, Jose Mario Francisco, Lucila Hosillos, Bienvenido Lumbera, Ruth S. Mabanglo, Vivencio Jose, B.S. Medina, Epifanio San Juan, Lope K. Santos, Soledad S. Reyes, at Benilda S. Santos. Hindi sa kanila nagwawakas ang pagbasa kay Balagtas, at pinakamakapal ang aklat ni Fred Sevilla, na inilugar ang akda at ang awtor sa panahon, pangyayari, at iba pang bagay na maaaring may kaugnayan sa pagkakabuo ng nasabing awit.

Binilang ko kung ilang salitang banyaga ang pumasok sa naturang Tagalog na awit at nagulat ako na .015–.02 porsiyento lamang na salita ang may bahid ng Espanyol. Umaabot sa kabuuang 136 salitang Espanyol ang nakapasok sa Tagalog, at pawang pangngalan iyon na maaaring tumutukoy sa tao, lugar, o bagay. Ano ang ibig sabihin nito? Mapili si Balagtas sa pagtanggap ng salitang mula sa ibayong dagat. Hindi lahat ng salita ay ipipilit niyang ipasok sa Tagalog upang maging kosmopolitano ang testura ng kaniyang akda.

Kabilang sa mga salitang banyagang ginamit ni Balagtas sa kaniyang tula ang sumusunod: adarga; adios; Adolfo; Adonis; Aladin; Albania; altar; Antenor; atropos; Arco; astrologia; Atenas; Aurora; Averno; Bandila (bandera); Baselisco; batalia; Beata; Briseo; buitre; cabayo (cabaio; caballo); caliz; campo; carcel; catuno (tono); Celia; cetro; cipres; ciudad; Cocito; coleto; conde; consejo; corales; corona; cristal; Crotona; cuadro historico; Cupido; diamante; dicho; Dios; ducado; duque; Edipo; ejercito; Embahador; Emir; Epiro; escuela; Estanque; Eteocles; Etolia; fama; Febo; filosofia; Flerida; Florante; Floresca; General Osmalic; Grecia; guerra; guerrero; Hiena; higuera; Houris; imperio; incienso; Laura; leguas; leon; letra; libo; Linceo; lira; lobo; maestro; maquina; Marte; matematica; Medialuna; Menalipo; Minandro; Miramolin; Monarca; moro; mundo; musa; musica; Narciso; Nayadas; ninfa; oras (hora); orden; Oreada; original; Palacio Real; paraiso; Parcas; Percia (Persia); perlas; Persiano; pica; pincel; Pitaco; plumage; Pluto; Polinice; Princesa; Profeta; Quinta; Reina; Reino; rubé; salas; sello; sierpe; Sigesmundo; sirenas; soldado; Sultan Ali-Adab; topasio; tragedia; trigo; trono; turbante; turco; Turquia; vasallo; Venus; verdugo; verso; victoria; viva; voses; Yocasta (Reina Yocasta).

Pansinin na walang banggit hinggil sa diyos o santo ng mga Kristiyano. Ang “dios” na binanggit sa talaan ay tumutukoy kay Cupido imbes na kay Hesukristo. Kahit ang salitang “Cristiano” (Kristiyano) ay iniwasan, at mahihiwatigan lamang ito nang banggitin ang “Moro” na mula sa Persia na kabukod ng mga Kristiyano mula sa Albania. Masinop din ang pili sa mga salitang may kaugnayan sa pamunuan, gaya ng Conde, ducado, duque, emir, ejercito, general, reina, reino, prinsesa, profeta, soldado, vasallo, Venus, at verdugo. Ang “reino” ay ginamit na panumbas sa “kaharian”, at pinananatili ang gamit ng “hari” para sa “king.” Pinakamababang banggit ang “vasallo” at “soldado” ngunit kung ano ang tiyak na larawan nila ay kailangan pang hulaan ang anyo. Ang awit, kung gayon, ay mahihinuhang nakatuon sa maharlika at kauri nito, at hindi sa mga tao na nakapailalim sa kanila.

Ang ibang salitang may alusyon sa mitolohiyang Griyego, Romano, at Arabe ay Adolfo, Adonis, Aladin, Ali-Adab, Antenor, Briseo, Celia, fama, febo, Florante, Floresca, Linceo, Menalipo, Minandro, Osmalic, Pluto, Polinice, Segismundo, Sirenas, Venus, at Yocasta. Gayunman, walang tuwirang tumbasang alusyon sa mga salita mula sa pinag-ugatan nitong kasaysayan tungo sa bagong sagisag sa awit ni Balagtas. Halimbawa, ang Osmalic ay maaaring hango sa ngalan ni Osman I, na noong 1288 ay naging tagapagtatag ng Imperyong Ottoman. Si Adolfo ay maaaring ginagad kay Adolf, ang Konde ng Nassau at inihalal na maging haring Aleman noong 1292. Hindi magtatagal ang pamumuno ni Adolf at patatalsikin siya ng mga elektor saka mapapatay sa Bakbakan sa Gölheim noong 1298. Si Aladin ay maaaring hango sa ngalan ni Alauddin Khilji na noong 1296 ay pumalit sa napatay na si Jalaluddin ng Delhi. Si Ali-Adab ay maaaring hango sa ngalan ni Ali Bey, ang pinuno ng Memelukes, at naging Sultan ng Ehipto. Ang Florante o Floresca ay maaaring hango sa ngalan ng Florence, ang pangunahing Europeong lungsod sa larangan ng kalakalan at pananalapi noong 1282. At si Minandro ay maaaring hango sa ngalan ni Minander na isang manunulat ng komedyang Griyego.

Maiuugnay sa itaas ang mga pook na binanggit, gaya ng Albania, Atenas, Averno, campo, ciudad, Estanque, Etolia, Imperio, Grecia, Palacio Real, Persia, reino, at paraiso. Limitado ang mga pook na binanggit sa awit ni Balagtas, at ang iba rito’y binanggit lamang nang walang mahabang paglalarawan, gaya ng Etolia, Grecia, at Persia. Ang Etolia ay maaaring ang Anatolia, na noong 1515 ay sinakop ni Selim I, ang Sultan ng Turkey; o kung hindi’y ang Ethiopia, na noong 1500-1001 BK ay naging independiyenteng gahum. Hindi naman malinaw ang “estanque” (sanaw o tubigan) na binanggit, at mahihinuha lamang na disyerto ang paligid ng kaharian. Hindi naman ako naniniwalang ginagad sa Inferno ni Dante Alighieri ang kagubatang kinalalagakan ni Florante, bagaman malayang isipin ang gayon, dahil ang averno ng kagubatan ay hindi lamang hitik sa mga ilahas na hayop bagkus pintuan din ng impiyerno sa sinumang namumuhay sa siyudad o kaharian. Kung babalikan ang pamagat ng awit ni Balagtas, nakasaad doon na ang awit ay kinuha umano sa “cuadro historico” o pinturang nagsasabi ng mga pangyayari sa imperyo ng Gresya noong unang panahon. Anuman ang ibig sabihin ni Balagtas, mahihinuhang lumilikha na siya ng anomalya dahil ang kaniyang akda ay walang tuwirang alusyon sa makasaysayang Gresya at hindi maikakahon lamang sa lunan ng Gresya. Ginamit lamang niya ang Gresya, Albania, Persia, at Etolia sa pangalan lamang ngunit ang pinakapuso ng akda ay mahihinuhang hinugot sa kalooban ng Katagalugan.

Kaya ang Florante at Laura ay maiisip na pinagsalikop na kasaysayan at kathang-isip o mito na ang bunga ay kagila-gilalas na malikhaing guniguning pampanitikan. Maláy si Balagtas sa mitolohiya, kasaysayan, politika, tula, dula, wika, at pakahulugan na pawang bumubuo sa isang di-karaniwang diskurso para sa karaniwang Tagalog dahil hindi naman lahat ng Tagalog noon ay may oportunidad na makapag-aral o makapagbasa ng panitikang Tagalog. Maaaring sinulat ni Balagtas ang kaniyang awit hindi para sa kaniyang henerasyon, bagkus para sa darating na henerasyong handang umunawa sa lalim at lawak ng kaniyang pagkagagap sa panulaang Tagalog. Maaari ding ang Florante at Laura ay hindi lamang idinisenyo upang basahin kundi pakinggan at itanghal din para sa kaluguran ng madla. Sa gayong pangyayari, hinahatak ng makata ang Katagalugan sa modernong diskursong lalampas sa itinatakda ng relihiyon o politika o kultura; at ang nasabing Katagalugan ay nagsisilbing kritiko o konsumidor ng tula ng makata. Tumataas samakatwid ang kamalayan ng madla, at ang madla naman ay nagpapatalas din sa makata upang lumikha ito ng higit na kapaki-pakinabang na tula para sa sambayanan.

Ang pinakamagagandang saknong sa Florante at Laura ay yaong hindi nababahiran ng anumang salitang mula sa Espanyol, at kung nabahiran man ay mahahalatang matagal nang tinanggap iyon sa wikang Tagalog. Ang mga tauhan ay nag-uusap, at ang nasabing pag-uusap ay pabalik-balik sa bawat tauhan upang mapiga ang inaasam na katotohanan. Halimbawa, may diskurso sina Florante at Aladin, at ang usapan ay maaaring hindi tuwid bagkus nagmumula sa isip o damdamin. Lalawak pa iyon kung isasaalang na may kani-kaniyang usapin sina Florante at Aladin, mulang ugnayan sa kani-kaniyang sinisinta hanggang sa sistema ng pamilya tungong malawak na kaharian o bayan. Ipakikilala rin ang iba pang tauhan sa awit upang luminang sa kanilang katauhan, at lapatan ng angkop ng resolusyon ang gusot sa pagsasalaysay.

Kudeta ang ubod na mahuhugot sa awit ni Balagtas. At ang kudetang ito ay hindi lamang mula sa Albania o Persia, kundi sa kalooban ng Tagalog na nakapailalim sa prehuwisyo at panggigipit ng mananakop na Espanya. Maaaring walang kalayaan noon si Balagtas na ibulalas ang lahat ng kabaguhan na ibig niyang ipasok sa panitikang Tagalog. Masikip man ang padron ng awit, de-kahon man ang mga naunang awit ng pakikipagsapalaran at pag-ibig, nakalikha pa rin si Balagtas ng masasabing subersibong diwain at ang diwaing iyon ay hindi niya ipinaloob sa wika at diskursong Espanyol bagkus sa wika at diskursong Tagalog. Nagtagumpay na ang kudeta ni Balagtas. At hindi na ito dapat tawagin pang kudeta bagkus himagsikang Tagalog, at himagsikang pampanitikang ikararangal ng buong Katagalugan—alinsunod sa konsepto ng Katipunan.

Resureksiyon at Larawan ng Bayan, ayon kay Aurelio Tolentino

Binasa kong muli ang Kahapon, Ngayon, at Bukas (Larawan ng Bayan) na mahabang tulang pasalaysay ni Aurelio Tolentino noong nakaraang linggo. Nalathala ang munting aklat noong Setyembre 1913, at mula sa Limbagang Tolentino na may tanggapang nasa San Nicolas, Maynila.

Ang totoo’y nakasaad sa dahong pambungad na “novelang Tagalog” ang akda, ngunit nakasaad naman sa ilalim na “Tula ni Aurelio Tolentino.” Mahihinuha rito na wala pang malinaw na pagtatangi kung ano ang “nobela” at ang “tula” sa panitikang Tagalog, dahil ang mismong “nobela” o “maikling kuwento” ay maituturing na bagong uri ng panitikang nagsisimula pa lamang mamukadkad sa panig ng Tagalog noong bungad ng siglo 20.

May 84 pahina ang akda ni Tolentino, at malayo sa bersiyon ng dulang naging sanhi upang ibilanggo siya ng rehimeng Amerikanong takot sa paghihimagsik ng mga Filipino. Pito ang kabanata ng tula, at kabilang dito ang “Talimhagang Paalam,” “Ang Libingan ni Lakhang Bayan,” “Watawat ng Kalayaan,” “Ang Mag-inang Bihag,” “Pangakong Mahigpit,” “Maligayang Kababalaghan,” at “Natupad ang Tipan.” May pambungad namang “Patungkol” na alay ng awtor sa kaniyang “bayang pinakaiibig.”

Apat lamang ang pangunahing tauhan sa tula: una, si Raha Lakhang Bayan; ikalawa, si Samuel, ang banyagang kaibigang naging kaaway ni Lakhang Bayan; ikatlo, si Kalayaan, na esposa ni Lakhang Bayan; at si Mithi, na anak nina Lakhang Bayan at Kalayaan.

Payak lamang ang daloy ng kuwento. Bago pa man dumating ang mga banyagang mananakop ay pinaghaharian ang kapuluan ni Raha Lakhang Bayan. Ang nasabing raha ay inilarawang “matapang,” “matalino,” “bantog,” “mayaman,” “dakila,” at “tagalog na wagas.” Payapa niyang napamahalaan ang bayan, at naging katuwang sina Kalayaan at Mithi.

Samantala, ang kaniyang kaibigang si Samuel (na sagisag sa “Estados Unidos”) na mula pa sa ibayong dagat ay inilarawang “pantas at mayaman,” “lahing puti,” at napadako umano sa kapuluan upang tulungan si Raha Lakhang Bayan na patumbahin ang “kaaway na walang kasing-lupit” (na mahihiwatigang sumasagisag sa Espanya).

Matapos daluhan si Raha Lakhang Bayan ay lalabis ang pagnanasa ni Samuel na palawakin ang lupaing sakop o tirahan nito. Sasalakayin ni Samuel ang kuta ni Lakhang Bayan, at pataksil na papatayin ito bago itapon sa bangin. Susunugin ng hukbo ni Samuel ang saklaw ng Lakhang Bayan, at mapipilitang lumikas tungo sa gubat at parang ang mag-inang Kalayaan at Mithi. Ngunit hindi magtatagal ay mabibihag ni Samuel ang mag-ina. Bibihisan ng banyagang damit ang mag-ina, at pipilitin silang mamuhay gaya ng nakagisnan ni Samuel. Magpapasok din ng pagbabago si Samuel mulang impraestruktura hanggang edukasyon hanggang ekonomiya, ngunit ang lahat ng iyon ay mula pa rin sa yaman ng Lakhang Bayan at hindi mula sa bulsa ni Samuel. Magpapataw ng malaking buwis si Samuel sa kaniyang sakop, na lalong magpapahirap sa mga mamamayan.

Isang gabi, nanalangin si Samuel sa Maykapal kung tapos na ang kaniyang tungkulin para sa bayang sinasakop niya. Sinagot siya ng kalikasan, at makaraang kumulog at kumidlat, bumangon sa libingan si Raha Lakhang Bayan. Magkakabati ang dalawa, at ibibigay naman ni Samuel ang kalayaan sa bayan ng naturang raha.

Hitik sa alusyon ang naturang tula, ngunit kung may pagkakahawig man ang mga iyon sa kasaysayan ay lubhang napabawa na ng awtor. Ang mapagkandiling asimilasyon na isinulong ng Estados Unidos sa Filipinas ay halatang pinatatamaan sa tula, ngunit ang pagwawakas ng Amerikanisasyon matapos “igawad” ang kalayaan sa Filipinas ay hindi ganap na matutuldukan. Manapa’y lalong lalakas ang puwersa ng Estados Unidos sa Filipinas, mulang edukasyon hanggang sandatahang lakas, at mulang kultura hanggang negosyo at moda. Iigting din ang kutsabahan ng mga maykayang pamilya at ng rehimeng Amerikano, at ito ang lilitaw mulang agrikultura at industriya hanggang politika at kalakarang ipinakilala ng Amerika sa Filipinas.

Marahil may kaugnayan dito ang panggigipit ng estado sa gaya ni Tolentino na ipinakulong saka binugbog at pinahirapan ng mga Amerikano sa loob ng bilibid noong 1903. Pinaratangan si Tolentino na naghahasik ng sedisyon dahil sa pagtatanghal ng dulang Kahapon, Ngayon, at Bukas sa Teatro Libertad, Santa Cruz, Maynila. Itinampok sa dula ang pananakop ng mga banyaga sa Filipinas, at nagbabanta na armadong pag-aaklas ang taumbayan nang makamit ang kalayaan. Nakalaya lamang si Tolentino nang patawarin siya ni William Cameron Forbes matapos ang siyam na taon sa bilangguan.

Napakapayak ang tumbasan ng mga sagisag sa tula ni Tolentino, at ang resureksiyon ni Raha Lakhang Bayan ay itinadhana ng Maykapal—imbes na mula sa lakas ng taumbayan—at nabahiran ng biblikong pahiwatig. Pambihira rin ang resureksiyon, dahil ihuhudyat iyon ng pagdating ng ibon at hayop na pawang ilahás, habang yumayanig ang lupa at animo’y sasabog ang bulkan. Kung bakit nagkaisa ang naturang mga ibon at hayop at salubungin ang resureksiyon ni Raha Lakhang Bayan ay dapat pag-aralan pang maigi. Kung ang nasabing tagpo ay alusyon sa panibagong himagsikan, nakahihindik ang tagpo dahil nagbabalikwas ang likas na kaligiran sa rehimen ni Samuel at si Samuel sampu ng kaniyang hukbo ay nanganganib na lurayin ng naturang mga ibon at hayop.

Sa kabila ng lahat, ang anumang kahinaan ng Kahapon, Ngayon, at Bukas ay wala sa nilalaman, bagkus sa mga salik na hindi naipaloob dito. Ang nasabing akda ay tila munting introduksiyon lamang sa “kasaysayan,” ngunit kaululan kung iisipin ang gayon dahil may sariling lunan ang nasabing tula na bukod sa kasaysayan. Dumudukal nang malalim ang tula sa tradisyon ng awit at korido, gayunman ay lumalampas pa rin doon dahil ang paksa ng tula ay malayo sa mga pakikipagsapalaran ng hari o prinsipe, bagkus ng isang bayang naghahanap ng kalayaan matapos sakupin ng dayo.

Ang unang kabanata ng tula, na pinamagatang “Talimhagang Paalam,” ang pinakamagandang seksiyon kompara sa iba. Pambihira ang palitan ng opinyon nina Raha Lakhang Bayan at Samuel, at sinematiko ang pagwawakas nang ihagis ni Samuel sa bangin si Raha Lakhang Bayan. Maalam din si Tolentino sa mga alusyong buhat kina Flavius Vegetius Renatus, Aristotle, Sun Tzu, Herbert Spencer, Sigmund Freud, Robert Burton, at iba pa na pawang isinalin niya sa bibig ni Samuel na kausap noon si Raha Lakhang Bayan. Halimbawa na rito ang sumusunod:

Ang ibig mamuhay sa katahimikan
ay dapat gumayak sa mga labanán,
ang nagkailangan ng saganang buhay
ay dapat humarap sa mga patayan.

Na tila hango sa winika ni Vegetius na “Qui desiderat pacem, praeparet bellum” (He who desires peace must prepare for war) o kaya’y ni Aristotle na “Nakikidigma tayo upang makapamuhay sa kapayapaan” (We make war that we may live in peace).

Taliwas naman iyon sa mga konsepto ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, at lilitaw sa mga terminong gaya ng “katwiran,” “bait,” “dangal,” at “pag-ibig” na pawang mamumutawi sa mga labi nina Raha Lakhang Bayan, Kalayaan, at Mithi. Ang maganda sa tula’y waring sinadyang gawing simple ang taludturan, gaya ng sa awit ni Francisco Balagtas, at iniayon sa madlang mambabasang naghahanap ng bagong panitikang makapagbubukas ng kani-kanilang isip.

Hindi pa tapos ang larawan ng bayang iginuhit ni Tolentino sa pamamagitan ng tula. Ang “Búkas” sa tula ni Tolentino ay patuloy na nagaganap ngayon, at ito ay hindi lamang sasaklaw sa kalayaan at kasarinlan, bagkus maging sa katarungan at kaunlaran. Kinakailangang suriin din muli ang “Kahapon” dahil masalimuot ang pag-aaral ng kasaysayang alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Marahil, nasa kamay na ng bagong henerasyon ng mga Filipino kung ano ang naaangkop na larawan ng bayan na kanilang iguguhit sa pag-iral sa kasalukuyan, alinsunod sa kanilang karanasan, at sa nabubuong agos ng kasaysayan. (Roberto T. Añonuevo)

Mga Katawagang Pampanitikan noong 1947 at 1950

Kung gaano kasumpa-sumpa ang pamunuan ng Komisyon sa Wikang Filipino ngayon, kapuri-puri naman ang pamunuan ng Surian ng Wikang Pambansa noong 1947-1950 dahil malaki ang malasakit nito na payamanin hindi lamang ang pambansang wika bagkus maging ang panitikang Filipinas. Bumuo ito ng lupon na kinabibilangan ng mga panitikero, manunulat, editor, kritiko, at dalubwika na nagsikap payamanin ang batis ng mga katawagang pampanitikan na magagamit ng mga estudyante, guro, at kritiko sa pagsusuri ng mga akda. May ginawang konsultasyon ang lupon, bago ipinalaganap ang kanilang ginawang listahan ng salitang pampanitikan. Tandaan na noong panahong iyon, baguhan pa lamang ang Filipinas hinggil sa panunuring pampanitikan o pagbubuo ng teoryang pampanitikan. Noong 16 Oktubre 1947, pinagtibay ng SWP ang mga sumusunod na salita na magagamit sa pag-aaral ng panitikan. Kabilang dito ang sumusunod:

1. unity—kaisahan
2. ornamental—mapalamuti
3. profound—marurok
4. objective—palayón
5. time—panahon
6. incident—pangyayari
7. treatment—talakay; pagtalakay
8. unusual—di-karaniwan
9. ordinary—karaniwan
10. natural—likás
11. overwritten—maligoy
12. synopsis—buód
13. denoument—kakalasán
14. emphasis—diín
15. restraint—katimpian
16. forceful—mabisa
17. slang—balbal
18. essay—sanaysay
19. description—paglalarawan
20. end—wakas
21. different—naiiba
22. artistic—masining
23. great—dakila
24. deep—malalim
25. drama—dula
26. problem—suliranin
27. solution—kalutasán
28. diction—tatás o katatasán (ukol sa pagbigkas)
29. structure, framework, plot—balangkas
30. refined—dalisay
31. style—himig
32. parallel—agapáy
33. fable—kata
34. subject, topic, theme—paksa

Madaragdagan pa ang nasabing listahan, at noong 21 Enero 1950 ay inihayag ng SWP ang iba pang katumbas na katawagan sa Ingles:

1. atmosphere—aluhimig
2. abstract—kipil
3. aktor, aktres—artista
4. article—lathala
5. background—duyo
6. beat—kumpas; unday
7. brief—tipil
8. coherence—kaugnayan
9. conclusion—kawakasan
10. convingcingness—kapaniwalaan
11. dialogue—salitaan
12. dramatis personae—tauhang-dula
13. epic—epiko, tulang pangkabayanihan
14. expository biography—talambuhay na palahad
15. expository writing—pagsulat na palahad
16. feature article—pananging lathala
17. imaginary—guniguni; pangguniguni
18. original—orihinal; sarili
19. soliloquy—munimuni
20. accent—diin
21. allegorical story—kuwentong alegoriko
22. aside—pasarili
23. ballad—balada
24. book review—suring-aklat
25. burlesque—tudyó; patudyó
26. complexity—kasalimuután
27. conflict—pagsasalungatan
28. denoument—kalutasán
29. didactic—nakapagtuturo
30. emphasis—kasiglahan
31. experimental—pasanay
32. exposition—paglalahad
33. expository narrative—salaysay na palahad
34. farce—palabás; saynete
35. fictionist—mangangatha
36. motivation—pagganyak
37. originality—kasarilinan

Mapapansin sa listahang ito na ang karamihan sa mga lahok ay ginagamit pa hangga ngayon, kahit sa teksbuk. Na mabuti. Nadagdagan din ang mga katawagan sa paglipas ng panahon, dahil ang mga kritiko at manunulat ay umimbento mismo ng mga salita para gamitin sa panunuri o pagbubuo ng teoryang pampanitikan. Inaasahan na ang bagong henerasyon ng mga manunulat sa Filipino ay lalong magpapasigla sa pagbubuo ng mga terminong pampanitikan, upang makabuo ng sariling diskurso na hindi lamang basta panumbas o salin o halaw, bagkus sariling katawagang taal sa Filipino at siyang magagamit sa pagsusuri ng mga akdang Filipino, alinsunod sa diskurso ng mga Filipino.

Batutian: Diyalogo sa Tula

Malaki ang naging impluwensiya ng balagtasan sa buhay ng mga Filipino noon, dahil sa unang pagkakataon ay nasilayan sa entablado ang paligsahan sa pagtula at pangangatwiran ng dalawang makata. Ang balagtasan, na hango sa pangalan ni Francisco Balagtas, ay lumitaw noong 1924, at lumunsad sa dating popular na duplo. Pinakatanyag sa lahat ang pares na Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes, na walang makahihigit hangga ngayon. Ngunit hindi magtatagal ang balagtasan, dahil na rin sa pagsulpot ng radyo at telebisyon, na pawang pumatay sa halina ng entablado.

Ang mahika ng balagtasan ay malilipat sa mga magasin o pahayagan, at ilalathala noong 1940 sa magasing Mabuhay Extra ang balagtasan nina De Jesus at Amado V. Hernandez, kahit may walong taon na ang nakalilipas nang yumao si Batute. Samantala, lilitaw ang isa pang uri ng balagtasan, na tatawagin noong “batutian” na hinango naman sa pangalan ni “Huseng Batute,” ang alyas ni De Jesus.

Kabilang sa mga katangian ng Batutian na lumabas sa mga magasin noon ang pagtataglay ng siste, ang pagtalakay sa kasalukuyang isyung pampolitika o pangkultura, ang pag-antig sa damdamin ng mambabasa, ang pagpapalitan ng katwirang maaaring taglayin ng magkatunggaling sektor. Ang daloy ng pangangatwiran ay maluwag ang lohika, at hindi tulad sa mga tekstong prosa. Heto ang halimbawa ng Batutian na nalathala sa Sinag-Tala noong 1946, at isinulat ng di-nagpakilalang awtor, na makikilala pagkaraan na si Manuel Principe Bautista na noon ay katuwang na editor sa naturang magasin.

Bambu Inglis vs. Wikang Pambansa (Batutian)

Lakambini (kay Huwan):

Namamanaag na sa dakong silangan
Ang kulay ng iyong magandang liwayway;
Bukas, sa pagsikat ng palalong araw,
Isa kang watawat na mamamagayway!

Mula sa Kanluran: dinala ng alon
Sa iyong pasigan ang tapat na layon;
Sa buton ng abo: ikaw ay babangon
Na malayang bayan sa habang panahon.

Paulo:
Huwan,tanggapin mo ang pakikilugod
Ng isang kasama sa tuwa at lungkot,
Binabati kita: ang tapat na loob
Ay madarama mong laging naglilingkod.

Huwan:
Tapat na dibdib ay iyong damahin
At pasasalamat ang tibok na angkin
Ako’y sasaiyong gunita’t panimdim
Habang ang silangan ay silangan pa rin.

Paulo:
Kaya, nang malubos ang pagkabanas mo,
Ako ay may isang mungkahi sa iyo:
Tagolog na ingles ang panukala ko
Na wikang gamitin-du yu get mi ako?

Huwan:
Ano, mister Paul, nalalaman mo ba
Kung ano ang iyong tinuran kanina?

Paulo:
Wat is rong may pren Wan, sa nasyonal langweds
Kung ito’y gagawing Pilipinais Ingles?

Huwan:
Sa iyong sarili’y manainga ka nga,
Kung ano ang iyong dinalit na wika;
Kung ganyan, katoto, ang wikang pambansa:
Anong wika iyan-mestisong baluga?

Paulo:
Huwag kang magtawa-do yu nat anderstan
Ang ingles na wika ay pangyunibersal;
Bilang isang nesyon: kinakailangan
Na maanderstan ka ng iba pang bayan.

Ang Tagalog langweds ay pang Pi Ay lamang,
Di maikukumper sa Ingles, mister Wan;
At sa diplomatik na mga usapan,
Magagamit mo ba ang langweds mong iyan?

Huwan:
Dapat mong mabatid na ang pagkabansa
Ay makikilala sa sariling wika,
Bakit pipiliting ako’y magsalita
Ng wikang di akin-hiram at banyaga?

Paulo:
Tingnan mo nga kami-bakit ang inadap
Ay wikang mula pa sa ibayong dagat?
Tulad ng Bretanya: kami ay umunlad
Gayong wikang hiram ang aming binigkas!

Huwan:
Kung iyan ang iyong wikang sinasabi,
Wikang pinagmula’y higit na mabuti.

Paulo:
Tingnan ang Hapon sa klos dor palisi
Ang ginamit lamang ay wikang sarili;
En wat is di risolt op dat pangyayari,
Natutong sulatin ay magulong kandyi.

Huwan:
Nakakatawa ka, hindi naging hadlang
Sa bayan ng Hapon ang wikang minahal;
Ang simula”t dulo ng ganyang dahilan
Ay dala ng kanyang mga kaimbutan.

Paulo:
Kaya tingnan natin kung saan hahantong
Ang nasyonal langweds na onli por pinoy.

Huwan:
Ang nakakatulad nitong pagtatalo:
Pork tsap at hambardyer ang wikang Ingles mo;
Ang wikang Tagalog naman ay adobong
Masarap sa akin nguni’t di mo gusto.

Dapat mong malamang ang wikang pambansa
Ay kinamulatan mulang pagkabata;
Ito ay ang buhay, kaluluwa at diwa. . .
Ng pagkalahi ko sa balat ng lupa!

(Wakas)

Mula sa Sinag-Tala, Hunyo 20, 1946, pahina 8, at orihinal na akda ni Manuel Principe Bautista. Malalathala muli ito sa aklat na 2: Tula: Manuel Principe Bautista, Sanaysay: Liwayway A. Arceo (UP Press, 1998, mp. 68–72).

Ang manunulat sa pananaw ni Adrian E. Cristobal

Malaking kawalan sa panitikang Filipinas ang pagkamatay ni Adrian E. Cristobal na itinuturing na ama ng maraming manunulat na Filipino. Intelektuwal at kritiko, si Adrian ay batikang satiriko ng kaniyang panahon na malalim ang kaalaman sa bituka ng politika, kasaysayan, at higit sa lahat, panitikan ng Filipinas. Wala pa akong nakikitang manunulat na Filipino na may kalibre at resistensiya ng satirang gaya ng pinagyaman ni Adrian.

Isa sa mga itinuturo ni Adrian noon, habang nag-iinuman kami sa kaniyang dampa na malapit sa estero ng Dingalan, na kailangan ng manunulat na laging magduda sa lahat ng masasagap sa paligid o mababasa sa aklat o maririnig sa kung sinong santo-santito. Kailangan umano ng manunulat ang pagpapatalas ng isip, ang paghalukay sa nakaraan, ang pagpapakadalubhasa sa wika, at ang paglalatag ng tatlong elemento sa masining na paraan sa mga pangungusap na ikababaliw ng mambabasa.

Igalang mo ang mambabasa, aniya.

Ang paggalang sa mambabasa ang magiging mabigat na hamon sa mga manunulat. Maaaring mali sa pananaw ng iba ang iyong pinagmumulang panig, ngunit kung paano mo makukumbinsi sa bisa ng lohika at satira ang mambabasa ang makapagpapanibago ng timbangan. Kapag pumasok ka sa balangkas ng pangangatwiran ng isang manunulat, kinakailangang ang gayong balangkas ay lubos na matatag upang maging kapani-paniwala at siyang sasang-ayunan ng mambabasa kahit ayaw niya ang gayong panig. Magigiba lamang ang pangangatwiran ng naturang manunulat kung lalabas ka sa ruweda ng naturang pangangatwiran at gagamit ng bagong ruweda ng pangangatwirang mula sa pananaw ng ibang teoriko.

Taliwas sa kaalaman ng nakararaming Filipino, si Pang. Ferdinand E. Marcos ang pinakamahusay na tagapagsalita ni Adrian, at ito ang laging ipinagyayabang ni Adrian. Sinasabi lamang ni Marcos ang mga salitang sumilang sa guniguni ni Adrian, at hindi si Marcos ang ultimong diktador ng mga salita na dapat sulatin ni Adrian. Sa nasabing tagpo, nagkakaroon ng banggaan ng isip ang dalawang intelektuwal—na magiging klasikong pangyayari noong panahon ng Batas Militar. Ang masaklap ay nakumunoy si Marcos sa labis na kapangyarihan, at ang nasabing kapangyarihan ang kokontrol din sa kaniyang buhay bilang pangulo.

Samantala, magiging mohon sa patakarang pang-ekonomiya ng Filipinas ang “Filipino First: An Approach to Economic Policy” na pinairal noong administrasyon ni Pang. Carlos P. Garcia, at siyang isinakataga ni Adrian. Walang nakaisip nito noon, na dapat unahin ang kapakanan ng Filipinas kaysa ibang bansa sa lárang ng pagpapatakbo ng ekonomiya. Nagiging makabuluhan ang “Filipino muna!” lalo ngayong panahon ng globalisasyon, na ang kaakuhan ng isang bansa ay nalulusaw upang sumanib sa pandaigdigang kaakuhang walang katiyakan at pagkakakilanlan.

Sa maniwala kayo’t sa hindi, sumulat din ng nobela ng kabaliwan si Adrian, at sinulat niya iyon hindi sa Ingles bagkus sa eleganteng Tagalog. Isinerye noon sa Filipino Magasin ang pakikipagsapalaran ni Juan, ang manunulat na maiipit sa kalibugan at kalabisan ng lipunang naghahanap ng pagbabago. Pambihira ang alusyon sa nobelang ito, at huhula akong kaiinggitan ito ni F. Sionil Jose na hangga ngayon ay nangangarap makapagsulat sa Filipino o maisalin sa Ingles ang kaniyang mga dakilang akda.

Naulila ang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) sa pagkawala ng isang ama. Ngunit naniniwala akong sisilang ang marami pang Adrian E. Cristobal, upang itaguyod ang bansa nating pinakamamahal.

Edit, Editing, Editor (Unang Bahagi)

(Noong 28 Nobyembre 2007, naanyayahan akong magbigay ng panayam sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman hinggil sa editing. Hindi ko matanggihan si Dr. Galileo Zafra, na iginagalang kong kritiko at istoryador ng panitikan. Heto ang panimulang bahagi ng aking papel. Saka ko na lamang isusunod ang iba pa, dahil mahaba ang artikulo.)

Kathang-isip man o hindi, ang unang propesyonal na editor sa larangan ng panulaang Tagalog, at siyang kinilala ng madla, ay si José de la Cruz, ayon kay Julian Cruz Balmaseda. Itinuring ni Huseng Sisiw, alyas ni De la Cruz, na propesyon ang pagiging editor, kaya sumisingil siya ng isang sisiw sa bawat tao na ibig magpatulong sa kaniyang magsaayos o magtuwid ng mga tula. Mapapansin sa anekdotang ito na itinatakda na noon pa ni Huseng Sisiw ang bawad sa isang editor. At mabuting naipakita niya na may katumbas na halaga ang anumang paghihirap ng editor, hindi lamang upang mapabuti ang akda ng gaya ng makata, bagkus upang matugunan din ang pangangailangang pangkabuhayan ng editor-makata.

Kung babalikan ang kasaysayan ng panitikang Tagalog o ang iba pang panitikang nasusulat sa wikang lalawiganin, Ingles, at Espanyol, mababatid na gumaganap ng malaking papel ang editor sa pagtataguyod ng ating panitikang pambansa. Ang mga editor ng aklat, komiks, magasin, pahayagan, polyeto, at iba pa ang magtatakda ng pamantayan at kumbensiyon sa pagsulat ng mahuhusay ng tula, kuwento, nobela, sanaysay, at kritika. Makikilalang editor bukod sa pagiging manunulat sina Gemino H. Abad, Alejandro G. Abadilla, Teodoro A. Agoncillo, Virgilio S. Almario, Lamberto E. Antonio, Cecilio Apostol, Francisco Arcellana, Liwayway A. Arceo, Julian Cruz Balmaseda, Mike L. Bigornia, Ariel Dim. Borlongan, Jose Y. Dalisay Jr., Gregorio Brillantes, Florentino T. Collantes, A. C. Fabian, Amado V. Hernandez, Nick Joaquin, Jose F. Lacaba, Rogelio G. Mangahas, Clodualdo del Mundo, Bienvenido A. Ramos, Iñigo Ed. Regalado, Severino Reyes, Alfrredo Navarro Salanga, Lope K. Santos, Jose Garcia Villa, Alfred A. Yuson, at iba pang bantayog ngayon sa panitikan.

Editor ang tagapagsalba o salarin ng isang akda bago pa ito mailathala. Siya ang gabay ng manunulat; at gaya sa basketbol, ang coach na naghahain o nagpapanukala ng mga estratehiya kung paano maihahatid nang epektibo tungo sa mambabasa ang mensahe ng awtor. Sa ilang pagkakataon, ang editor ang kritiko ng manuskrito at ang espesyalista sa isang lárang. Kaya siya rin ang malimit maging kontrapelo ng manunulat na napakakunat tumanggap ng pagkukulang at aminin ang angking katangahan.

Pangunahing tungkulin ng editor ang maging ikalawang mata—na bukod sa angkin ng manunulat—na titingin at sasala nang matindi sa bawat salita o sa kabuuang disenyo ng anumang akda mulang pabalat hanggang pangwakas na pahina. Editor din ang tagapangasiwa sa iba pang tauhan sa produksiyon at paglilimbag, o kung minsan, hanggang paghahanap ng network sa promosyon ng aklat. Ang tagumpay kung gayon ng isang akda ay hindi lamang maipapataw sa balikat ng awtor. Nasa likod palagi ng manunulat ang editor, na malimit lingid sa kaalaman ng madlang mambabasa.

Gayunman, ang editor ang pinakakawawa yatang nilalang sa lárang ng publikasyon. Hindi kinikilala sa Filipinas ang kaniyang uri at galing. Malimit tinitipid, kung hindi man minemenos, ng pabliser ang bayad sa kaniya. May ilang manunulat na nagkakasiya na lamang tumbasan ng ilang bote ng serbesa at samplatitong pulutan ang paghihirap ng editor matapos lumabo ang mga mata nito sa pagbabasa at pagtutuwid ng tekstong namumutiktik sa mali. Kaya naman may ilang nagtangkang magbuo ng kapisanan ng mga editor sa teksbuk nang maitakda ang bayad sa propesyon; ngunit pagkalipas lamang ng ilang buwan ay tila nawalan ng tinig ang pangkat sa kung anong dahilan.

Mahabang usapan ang pangkabuhayang aspekto ng editor, at nangangailangan yaon ng iba pang talakayan. (Wakas ng unang bahagi. Karapatang-ari ni Roberto T. Añonuevo)