At gaano katagal mabuhay?, ni Pablo Neruda

Salin ng “Y cuanto vive?,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

At gaano katagal mabuhay?

Gaano ba dapat katagal mabuhay ang tao?

Mabubuhay ba siya nang sanlibo o isang araw?

Isang linggo, o ilang siglo?

Gaano katagal niyang gugugulin ang pagyao?

Ano ang ibig sabihin ng “walang hanggan?”

Nalunod ako sa ganitong mga pagninilay,
kayâ sinikap ko na linawin ang mga bagay.

Sumangguni ako sa matatalinong saserdote,
hinintay silang matapos ang kanilang mga ritwal,
at tinitigan nang maigi ang kanilang mga lakad
tuwing dumadalaw sa Diyos at Diyablo.

Nabato sila sa aking mga tanong.
Sa panig nila’y kakaunti lámang ang alam nila;
hindi sila makaigpaw sa pagiging administrador.

Tinanggap ako ng mga mediko
nang maisingit sa mga konsultasyon,
habang tangan nila ang panistis,
tigmak sa aureomisina,
at napakaabalá bawat araw.
Natutunugan ko mula sa kanilang sinasabi
na ang problema ay ang sumusunod:
Hindi iyon hinggil sa pagkamatay ng mikrobyo
dahil nalilipol iyon nang tone-tonelada—
bagkus sa kakaunti na nakaligtas
na nagpamalas ng kalisyahan.

Iniwan nila ako nang nagigitla
kayâ sumangguni ako sa mga sepulturero.
Nagtungo ako sa mga ilog na pinagsisilaban nila
ng mga dambuhalang pintadong bangkay,
maliliit na patpating katawan,
mga nakabihis emperador
ng malalagim na sumpa,
mga babaeng nalagas nang kisapmata
sanhi ng daluyong ng kolera.
Naroon ang pampang ng patay
at ng mga abuhing espesyalista.

Nang magkaroon ako ng pagkakataon
ay pinukol ko sila ng matitinding tanong,
at nag-alok naman silang sunugin ako:
Iyon lámang ang lubos nilang nalalaman.

Sa bayan ko, ang mga sepulturero’y
tumugon sa akin, pagkaraang tumagay:
‘Maghanap ka ng mabuting babae—
at tigilan mo na iyang kabulastugan.’

Nakita ko kung gaano kasaya ang mga tao.

Umawit sila habang nagtatagay ng alak,
para sa kalusugan at kamatayan.
Mukha silang mga bigating hindot.

Umuwi ako ng bahay, at ganap na tigulang
makalipas tawirin ang daigdig.

Ngayon ay wala na akong inuusisang tao.

Ngunit kakaunti na ang aking alam bawat araw.

Alimbúkad: World Poetry Translation Project Marathon for Humanity. Photo by Ümit Bulut @ unsplash.com

Wika ng Balikbayang Nabulok sa Kuwarentena

Wika ng balikbayang nabulok sa kuwarentena

Roberto T. Añonuevo

Kung naririto si Shiva,
ipahihiram marahil niya
ang kaniyang tatlong mata
at matatanaw
ng mga barko’t biyahero
ang Olakkannesvara
sa ating pantalan
sa loob ng kalooban;
Walang sinumang maliligaw.
Maiiwasan natin ang sakuna
mula sa mga bahura o bato
o mauunahan ang bagyo
laban sa balak nitong bayó.
Hihipan ng mga tanod
na nakadikit sa mga pader
ang mga pakakak
at mapupukaw ang bayan;
at lalagablab ang apoy,
matutupok ang mga bulok.
At gaya ng dapat asahan,
mapahihinto ang simoy
ng pananakop o pandemya
bumunsod man ito mula sa Tsina.

[1839 lithograph of a structural temple on top of a cave temple in Mamallapuram, Tamil Nadu India, Wikimedia Commons].

Mithi, ni Hanane Aad

Salin ng “أمنية” (Wish), ni Hanane Aad ng Lebanon
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mithi

May samyo ng paghimbing ang lupain.
Ang awit ay may halimuyak ng kalayaan.
Sabik akong langhapin ang aking kalayaan
Bago sumapit ang sukdulang pagtulog.
Sabik na akong awitin ang aking awit
Bago ako tabunan nang lubos ng lupa.

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Rawad Semaan, titled “Douq, Lebanon,” @ unsplash.com

Antipasto, ni Antônio Miranda

Salin ng “Antipasto” ni Antônio Miranda ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Antipasto

Lahat ng isinulat ng makata
ay malalagom
sa isang salita: pag-iisa.
Pagbubukod ng sarili sa mundo ang pagsusulat
upang ganap itong maunawaan;
isang paraan ito ng pagpanaw.
Ang pag-iral ay isa pang bagay
bagaman madaranas ang pagkatiwalag.
Ipagpapalit ko ang libong tugma
sa isang magdamag na pag-ibig.
At ipagpapalit ko ang magandang tula
hinggil sa kagutuman
kahit sa isang payak na plato ng pagkain.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Louis Hansel @shotsoflouis from unsplash.com.

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita, ni Gendun Chopel

Salin ng tula sa Sanskrit ni Gendun Chopel ng Tibet
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita*

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita.

Itong sukdulang dunong na Sarasvatī
Ang nagpapatanglaw sa pagsasalita;
Punuin mo nawa ang aking lalamunan
Ng mga salitang maglilinaw sa daigdig.

Supling ng dagat, siya ang nag-aakay
Sa mga tagasunod sa supremong daan
Ng sagradong sigasig at pagmumuni
Sa ibabaw ng masaganang purāņas.

Ang lawak ng kaniyang karunungan
Ay kalangitang di-abot ng mga bituin;
Walang lugar para sa isang hagdang
patungo sa nakasisilaw na araw.

________
*Mula sa “Mga Aral ng Maestrong Walang Disipulo,” na nasa aklat na pinamagatang In the Forest of Faded Wisdom (Sa Gubat ng Pumusyaw na Karunungan) ni Gendun Chopel (1903–1951), batay sa bersiyong Ingles ni Donald S. Lopez, Jr.

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Petr Sidorov @ unsplash.com

Isipin ang iba, ni Mahmoud Darwish

Salin ng “Think of Others,” ni Mahmoud Darwish ng Palestine
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isipin ang Iba

Habang naghahanda ng agahan, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang pagkain ng kalapati).
Habang sumasabak sa mga digma, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang nakikibaka sa kapayapaan).
Habang nagbabayad ng singil sa tubig, isipin ang iba
. . . .(sila na malimit kinakandili ng mga ulap).
Habang papauwi sa iyong bahay, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang mga tao sa mga kampo).
Habang nakahiga at nagbibilang ng tala, isipin ang iba
. . . .(sila na walang pook na matutulugan).
Habang nananalinghaga sa sarili, isipin ang iba
. . . .(sila na nawalan ng karapatang makapagsalita).
Habang iniisip ang iba sa malayo, isipin ang sarili
. . . .(sabihin: kung ako lámang ay tanglaw sa karimlan).

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Sujeeth Potla

Paglalakad sa tanghali sa damuhan ng asilo, ni Anne Sexton

Salin ng “Noon walk on the asylum lawn,” ni Anne Sexton ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paglalakad sa tanghali sa damuhan ng asilo

Ang sinag ng tag-araw
ay pumaling sa mapagdudang punongkahoy,
bagaman binabagtas ko ang lambak ng anino.
Hinigop nito ang hangin
at hinanap-hanap ako.

Nagsalita ang damo.
Dinig ko ang damuhang humihimig maghapon.
Di ako takot sa masama’t walang masamang
kinasisindakan.
Ang mga dahon ay humahaba
at inaabot ang aking dinaraanan.

Napunit ang kalangitan.
Lumaylay ito at huminga sa aking mukha
sa harap ng mga kaaway ko, kaaway ko.
Ang daigdig ay hitik sa mga kaaway.
Wala nang ligtas na pook.

Alimbúkad: World poetry solidarity for humanity. Photo by Casey Botticello @ unsplash.com

Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

Kisáp

Roberto T. Añonuevo

Natulog ako para makapiling ka; ito ang pinakamabilis na paraan tungo sa iyong kinaroroonan. At nang mamulat pagkaraan ng limang dekada ay isa ka nang lungsod na palaisipan ang mga kalye at paradahan.

Hindi ko alam kung dapat ipagpasalamat ang gunita sapagkat nananatili ito sa buto, buhok, hininga. Tanging haraya—kung hindi man kamalayan—ang nalalabi upang magpatuloy.

Naglakad ako, naglakad nang naglakad, kung ito ang patunay ng pagiging tao.

Hanggang sa mapulot ko ang kusót na diyaryo na nakalatag sa bangketa, at nakasaad doon: Bumagsak ang diktador at may naghasik ng rido sa kaniyang mga inapo. Hindi ba siya ang malakas at ang bibig ay nagbubuga ng sindak?

Napailing ako; at tiningnan ang relo sa paskilan, ngunit tumangging maniwala. Naging íkon at bantayog ang pandemya na dati-rati’y agahan ng balita at tsismis; samantala, winakasan na ang panahon ng dam at embargo, o kung hindi’y magkakadigma. Naging karaniwan ang baha at pamamangka sa dáting tigang na lupain. Naisip ko na magkapakpak.

Nagkapakpak nga ako, at nang lumipad gaya ng isang uwak, nasilayan ko ang iyong katawan sa pinakamarikit na larawan na pinaghalong hagod ni Joya at taludtod ni Bigornia. Ang lungsod, sa isang iglap, ay naging planeta na umoorbit sa mga kodigo ng elektronikong himpapawid.

Lumapag ako sa iyong hulagway.

May kung sinong naglalakad sa karaniwang araw, at nang batiin niya ako, nagpakilala siyang propesor na nagmula sa kung saang lupalop, na ang maluluwag na unibersidad ay naging bakwetan, kung hindi man tambayan, ng mga salinlahing palaboy.

Pumikit ako; at nang  dumilat ay ikinalat ng amihan sa sahig ang mga talulot ng mga sariwang sampagita at rosal.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Masaaki Komori.

Pipi, ni Margaret Atwood

Salin ng “Mute,” ni Margaret Atwood ng Canada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pipi

Magsalita o manahimik: muling lumilitaw ang tanong kapag namalayang lumabis na naman ang nasabi mo. Isa na namang kuyom sa mga pangngalan, isang dakot: masdan kung paano nila pinipili ang mga ito, ang mga mamimíli ng mga salita, kumukurot dito at doon upang tingnan kung may gurlis yaon. Hindi nakalalamáng ang mga pandiwa, iniikid nila ang mga ito, pagdaka’y ilalarga, pag-aagawan sa mesa, iikirin muli nang mahigpit, at malalagot ang ispring. Hindi mo matatanggap ang isa pang tula ng ispring, tatanggihan ang mga nakataling patinig, tatanggihan ang gasgas na salitang berde na taglay nito, hindi sa iyo, hindi sa mga langgam na gumagapang sa kabuoan nito, hindi sa ganitong pagkapeste. Merkado ito at may batik ng langaw; paano hinuhugasan ang wika? Naroon ang umpisa ng mabantot na amoy, maririnig mo ang mga atungal, may kung anong nilalamon, na nagiging malimit. Ramdam mong nabubulok ang iyong bibig.

. . . . . .Bakit ka makikisangkot? Makabubuti kung umupo sa gilid, sa bangketa sa lilim ng tabing, nakatukop ang mga palad sa bibig, tainga, mata, at may baso sa harap mo na huhulugan o hindi huhulugan ng barya ng mga tao. Pakiwari nila’y hindi ka makapagsalita, naaawa sila sa iyo, ngunit. Ngunit naghihintay ka ng salita, ang salita na sa wakas ay magiging tumpak. Isang tambalan, ang salinlahi ng búhay, putik, at liwanag.

Alimbúkad: World poetry solidarity for humanity. Photo by Radu Stanescu.

 

Ang Ulam, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Ulam

Roberto T. Añonuevo

Ang tupa ng hari’y
daig pa ang hari.

Anak ng tupa,
paano ka ba naging isang uban
sa gubat ng dilim?
Para kang nakatatak
sa mga tisert o bag
na ipagmamagara sa tamang sandali
ng kawan-kawan mong tagasunod.
Naunawaan ka namin
sa banyagang pananampalataya
kahit higit na masarap ang tulingan
o itik o baboy-damo.
Modelo ka sa laboratoryo ng isip,
at ligtas kami dahil sa iyong lahi
o sa isusuot na damit.
Masungit dahil malayo sa pastulan,
naghahanap ka ngayon ng damo—
kuwarentena ang pastol at mga aso.
Kutob mo ang simoy ng panganib
sa masasalubong na sabik na lobo
o sa tropa ng mga uwak
kung iyan ang kapalaran sa lupa.
Balisa sa iláng, iláng na iláng ka
kapag tinititigan para sa iniisip
nilang piging o hapunan.
Ano ang magiging tanaw sa iyo
ni Abraham kung masalalak sa sukal?
Tumatakbo kang naliligaw,
nagugutom sa kalugurang sensuwal;
kumakapal ang tatag mo sa taglamig,
at sinabing hubad ang iyong anino
na sakay ng usok tungo sa Paraiso.
Sinusukat at inuuri ng mga diyos
ang iyong lamán, balahibo’t balát,
hinahangaan ang bait, buto’t bayag,
at ihatid man sa katayan o palengke,
nakasusuot ka sa aming guniguni:
malumay, pagpalitin man ang puwesto
ng iyong mga katinig. . . .

Alimbúkad: Uncompromising poetry imagination for humanity. Photo by Mat Reding @ unsplash.com