Ganting-Tagay, ni André Frénaud

Salin ng “Toast en réponse,” ni André Frénaud ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ganting-Tagay

Sa mga imposibleng hámon.
Sa dalawang napakalayong disyerto.
Sa liwanag na nagbubukod sa kanila.
Sa mga di-tiyak na hiyas ng kailaliman.
Sa katotohanan ng baliw na pagdulog.
Sa meditasyon ng apoy.
Sa di-masikmura. Sa pasasalamat.
Sa pagpapalitan. Sa restorasyon.
Sa sabay na migrasyon.
Sa pinagsaluhang pagpápapások.
Sa iyo. Sa akin.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig.

Advertisements

Pasiyok, ni Oktay Rifat

Salin ng “Kaval,” ni Oktay Rifat ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Ruth Christie

Pasiyók

Ang araw na inihambing niya ang libingan sa kawan ng tupa
Ang araw na nabatid niyang “pagsapi sa kawan ang mamatay,”
Isinulat niya ito. Ngunit ang pangungusap na ito’y taliwas
Sa puntod, walang himig sa pasiyok ng pastol, wala ni pastol.
Nagmula kung saan ang himig-pasiyók, magaan at mapaglaro.
“Narito ang mga pastol,” wika nito, napukaw ang mga tupa,
Ngunit nang mayamot ang mga ito’y tumahimik ang pasiyók.
Mabuti nang ilibing ang lahat ng di-nasusulat na bagay
Sa isang taludtod: “Ang mamatay ay pagsapi sa kawan.”
Ngayon, muling tumugtog ang pasiyók, para sa kaniya lamang,
Subalit maaasahang biglang hihinto ito sa piniling sandali.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Lúpos, ni Forugh Farrokhzad

Salin ng “Reborn,” na isinulat sa orihinal na Farsi, ni Forugh Farrokhzad
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Sholeh Wolpé

Lúpos

Lahat ng aking kaakuhan ay bersong makutim
na inuulit sa iyo hanggang bukang-liwayway
ng di-humuhupang pamumukadkad at paglago.
Binabalani kita sa aking tula pagbuntong-hininga
at pinasusupling sa tubig, apoy, at punongkahoy.

Marahil ang búhay ay isang mahabang abenida
na binabagtas araw-araw ng babaeng nakabasket;
Marahil ang búhay ay isang matibay na lubid
na ipinambibigti ng lalaki sa sarili doon sa sanga,
o isang bata na umuuwi ng bahay mula eskuwela.

Marahil ang búhay ay pagsisindi ng sigarilyo
makaraan ang walang kalatoy-latoy na pagtatalik,
o isang hungkag na sulyap ng dumaraan na itinaas
ang sombrero at bumatìng, Magandang umaga!
. . . . . . . . . . . . . . . . . . nang hindi man lang ngumingiti.

Marahil ang buhay ay pagkabilaok na ang titig ko
ay binubura ang sarili sa loob ng iyong balintataw—
. . . . . . . . . . . . . .Ihahalo ko ang pagdama sa pag-unawa
. . . . . . . . . . . . .  sa buwan at pag-arok sa sukdol-dilim.

Sa silid na kasukat ng kalungkutan,
ang puso ko’y kasukat ng pag-ibig.
Nagbubulay ito sa payak na palusot sa kaligayahan:
ang kariktan ng mga bulaklak na nalalanta sa plorera,
ang supling na itinatanim mo sa ating hardin,
at ang awit ng mga kanaryo—na sinlaki ng bintana.

Naku, ito ang aking kapalaran.
Ito ang aking kapalaran.
Ang kapalaran ko’y langit na naipipinid
sa pamamagitan ng pagsasabit ng kortina.
Ang kapalaran ko’y pagbabâ sa malungkot na hagdan
tungo sa pagkabulok at pagkadurog nang madestiyero.
Ang kapalaran ko’y makulimlim na paglalakad
sa makapal na halamanan ng mga gunita,
at pagkamatay mula sa pangungulila sa tinig
na nagsasabing, Gusto ko ang iyong mga kamay.

Itinatanim ko ang mga kamay sa luad—
Sisibol ako.
. . . . . . . . . . . . . .  . .  . Alam ko. Alam ko. Alam ko!
At sa guwang ng aking mga palad na batik ng tinta
ay hahabi ng pugad ang mga langay-langayan.

Palalamutian ko ng pinitas na tangkay ng kambal-seresa
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . ang mga tainga,
at isusuot ang mga talulot ng dalya sa aking mga kuko.
Naroroon pa rin ang lumang eskinita na ang mga totoy
na minsang minahal ako’y gusot pa rin ang mga buhok,
maninipis ang leeg, at mapapayat ang mga binti,
pinagbubulayan ang mga inosenteng ngiti ng dalagitang
tinangay ng bugso ng hangin isang gabi.

May isang eskinitang ninakaw ng aking puso
mula sa teritoryo ng aking kabataan.

Ang lawas na naglalakbay sa kahabaan ng linya ng panahon
ay tinitigmak ang tigang na pusod ng panahon,
at nagbabalik mula sa pagpipista ng salamin
nang matalik sa sariling hulagway.
Ganito kung paano mamatay, at kung paano manatili.

Walang sinumang naghahanap ang makatatagpo ng perlas
. . . . . . . . . . . . . . . .  sa sapa na dumadaloy tungo sa kanal.

Batid ko ang munti’t malungkuting diwata na nasa laot,
at nagpapatugtog ng kawayang plawta sa kaniyang puso,
nagpapatugtog nang napakalamyos. . .
isang malungkot, munting diwata na namamatay sa halik
tuwing gabi,
at muling isinisilang sa halik pagsapit ng madaling-araw.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Ibig kong makatipan sa hardin ang minamahal

Salin ng tula ng anonimong makatang Berber ng Morocco,  batay sa bersiyong Ingles ni Willis Barnstone
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ibig kong makatipan sa hardin ang  minamahal

Ibig kong makatipan sa hardin ang minamahal
sa palibot ng mga pabelyon na maririkit ang unan.
Nasa gitna nito ang mga puwente, at ang tubig
ay sumisirit na waring sariwang gatas.
Pinariringal ng ruwisenyor ang halamanan
at ang mga punong peras na pito ang kulay
sa anyo ng nakababalaning awit.

Isang binata ang labas-masok sa iba’t ibang silid
nang napakaelegante.

Napigtal ang mga sanga ng hasmin.

Katabi ang aking kaibigan habang nakaupo,
ako ay gagaling, at mapagagaling.

Awit ng Kalsada, ni Cesare Pavese

Salin ng “Canzone di strada,” ni Cesare Pavese ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Kalsada

Bakit ka mahihiya? Kapag natapos mo ang sentensiya
at pinalaya ka nila, katulad ka rin ng iba pang tao
sa mga lansangan na nakaranas na mabilanggo.

Mulang umaga hanggang gabi’y iikot tayo sa mga kalye,
umulan man o umaraw, at makapagpapagaan iyon sa atin.
Kay-inam makatagpo sa kalye ang mga taong nangungusap,
nakikipaghuntahan, at nakahahatak ng mga babae.
Kay-inam sumipol sa mga pintuan at maghintay ng tsiks,
at maglakwatsa nang magkaakbay tungo sa sinehan,
at manigarilyo nang lihim nang nakasandal sa makikinis
na tuhod. Kay-inam makipag-usap, humipo’t humalakhak
at sa gabi’y may dalawang kamay ang hahatak sa iyo
doon sa kama; kay-inam isipin ang araw na lumaya ka na
mula sa bilangguan, at anung lamig ng sinag ng araw.

Totoma tayo mulang umaga hanggang magdamag,
at pagtatawanan ang lahat ng dumaraan, na masayang
tumatambay sa mga kalye, kahit na ang mga hangal.
Aawit tayo nang lango mulang umaga hanggang gabi,
masasalubong ang mga lasenggo at makikipagsatsatan,
na halos walang katapusan, na lalong nakapagpapauhaw.
Lahat ng tao na itong gumagala at nagkukuwentuhan
ay ibig nating makapiling ngayong gabi sa pusod ng bar,
nais nating pakinggan nila nang taimtim ang ating gitara
na lumulukso sa pagkalasing, at ayaw nang magpabihag pa,
ngunit sumasabog sa mga pinto’t umaalunignig sa eyre—
habang sa labas ay umuulan, o umaambon ng bulalakaw.
Wala tayong pakialam kung ang mga kalye’y hungkag
sa magagandang babae:
Makatatagpo tayo ng lasing na mag-isang tumatawa,
na marahil ay lumaya rin sa bilibid ngayong gabi,
at sabay tayong hihiyaw at aawit kapiling niya, sa awit
na makararating din tayo sa maaliwalas na umaga.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Mga Kaluguran ng Pinto, ni Francis Ponge

Salin ng “Les Plaisirs de la porte,” ni Francis Ponge ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Kaluguran ng Pinto

 . . . . . .Hindi humihipo sa pinto ang mga hari.

 . . . . . .Ito ang tuwa na lingid sa kanila: ang pagtulak pabukás, sa marahas o marahang paraan, ng isa sa malalaking pamilyar na panel, at ang paghatak pabalik sa kinalalagyan nito—ang paghawak sa pinto na waring niyayakap.

 . . . . . ..  .  . Ang galak sa pagtangan sa porselanang pihitang nasa pusod ng isa sa matatangkad na harang sa silid; ang mabilis na pagdadaop, sa pasulong na galaw na sandaling pinigil, habang bukád na bukád ang paningin, at ang buong katawan ay umaangkop sa bagong pahingahan.

 . . . . . .Nananatili ito nang matagal-tagal sa mabait na kamay bago isakatuparan ang mapagpasiyang tulak at ipinid ang pinto kapag nasa loob na ang tao, ang kalagayang kasiya-siyang tinitiyak ng lagitik ng matibay ngunit madulas na kandado.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!

Mangmáng, ni Claire Lejeune

Salin ng “Illettrée,” ni Claire Lejeune ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mangmáng

. . . . . ..Mangmáng. Hindi ako makabása maliban kung iyon ay pahiwatig. Wala nang iba pang matatagpuan saan man . Maliban sa mga buto, sa kulungan. Kapag nilamon ko ang mga lamanloob at ininom ang dugo, kailangan kong sunggaban ang bangkay .  .  . At doon, sa lihim na paaralan ng gulugod ay natutuhan ko ang lahat ng bagay, ang pag-iral ng kawalan. Natagpuan ko ang sariling mag-isa sa napakalawak na landas. Ni wala akong sandata.

. . . . . ..Dahil ako ikaw, giginhawa ang loob ko mula sa orihinal na pagdurusang ang pag-iral mo ay kumakatas sa akin. Ang lapástangánin: wala nang iba pang remedyo para sa pagkakapaslang ng ating pagkakamali.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!

Bigo akong nangingibang-bayan, ni Abdellatif Laâbi

Salin ng “En vain j’émigre,” ni Abdellatif Laâbi ng Morocco
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bigo akong nangingibang-bayan

Bigo akong nangingibang-bayan
umiinom ako ng kape sa bawat lungsod
at nilulunok ang nababatong mukha ng weyter
Ang halakhak sa kabilang mga mesa
ay binubulabog ang musika ng gabi
Isang babae ang naglakad sa huling pagkakataon
Bigo akong nangingibang-bayan
at tinitiyak ang sariling alyenasyon
Tanaw ko ang parehong gasuklay na buwan
pagtingala sa kung saang langit
at ang mapaggiit na pananahimik ng mga bituin
Nagsasalita ako sa sari-saring wika at panawagan
ng iba’t ibang hayop kahit pa natutulog
Ang silid kung saan ako nagigising
ay ang parehong silid noong ako’y isinilang
Bigo akong nangingibang-bayan
Umiilap sa akin ang lihim ng mga ibon
gaya ng pagkamagneto ng aking maleta
na kusang nagbubukas nang bigla
sa bawat antas ng mga paglalakbay

Ang mga Ikon, ni James K. Baxter

Salin ng “The Ikons,” ni James K. Baxter ng New Zealand
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga Ikon

Matigas, mabigat, mabagal, madilim
O yaon ang nabatid ko, ang mga kamay ni Te Whaea

Na tinuturuan akong yumao. Sasapit pagkaraan ang gaan
Kapag ang puso’y nilusaw ang di-makatarungang pag-asa

Para sa natatanging trato. Ngayon, bitbit ko ang balde
Sa binakurang bukirin ng mga musmos na damo,

Na maselan gaya ng malalapad na dahon ng pakô,
at naghahanap ng mga kabute. Sandosena ang nakita ko,

mumunti ang karamihan at kinain ng mga uod ang iba,
Ngunit isasahog ko pa rin sa sopas. Napakatagal na

Mula nang bumagsak ang mga dakilang ikon,
Diyos, Maria, bahay, sex, panulaan,

Alinman ang ginagamit ng ibang tao bilang tulay,
Para tawirin ang ilog na iisa ang pampang,

Kahit ang ngalan mo’y paraan ng pagsasabing—
‘Ang puwang sa loob ng abrigo’— ang dilim na tinawag

Kong diyos, ang dilim na tinatawag kong Te Whaea,
Paanong isasalin ang bughaw, payapang langit ng gabi

Na nilalagusan ng eroplano, gaya ng putakti o baldeng
Tangan, tungo sa kung saan? Naghanap ako ng kabute

Sa mga parang, at bumigwas ang kamao ng pananabik
Sa aking puso, hanggang walang maaninag sa dilim.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights at all costs! The train of change is coming.

Ang mga Tuta, ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga Tuta

Roberto T. Añonuevo

Walong tuta ang nananaginip ng mga utong,
ito ang haka mo, at ang gatas ay napakalayong
pantalan na dapat tawirin — sa kisapmata.

Umihip ang simoy, at mula sa alimbukay
ng alikabok ay tumatakbong naghahanap
ang isang aso,
na sa iyong tanaw ay naging tao,
at ito ang paraiso sa mga supling ng lupa,
o kung hindi’y bunganga ng impiyerno.

Umiiyak ang mga tuta, at umiiyak
ang lupa na yumayanig wari dahil sa awa.
Mga bulag silang nilalang na gumagapang.

Tumalikod ka ngunit naririnig mo ang tahol
ng paghangos at pagkalinga.
Ang tahol ay paos, at tumatagos sa balát.
Maya-maya’y umalulong ang karo ng dyip.
Lumakad ang nagdadalamhating mga gulong,
at sa bodega ng iyong gastadong guniguni
ay pumaloob ang mga nagugutom na hayop.

Kinusot mo ang iyong paningin.
At nang buksan mo ang kalooban sa tagpo,
ang mga tuta’y iba-iba ang kulay sa malay.

Parang tao, wika mo, na alipin ng burukrata
o pangulo, at naghahanap ng pangako ng gatas
at pulut upang makaraos sa gutom at pangamba.
Ngunit ang gayong kuro-kuro ay kalabisan
sapagkat walang pakialam ang mga hayop
sa pagtitindig ng burukrasya at politika,
at hinding-hindi sasawsaw sa agawan ng poder.

Kinusot mo muli ang iyong paningin.
Gumapang ang walong tuta sa walong daan
tungo sa sariling kaligtasan, at higit kang nalito.

Ang walong tuta, sa pakiwari mo, ay kapatid
mong iniwan sa kangkungan isang gabi,
habang gutom na gutom ang kalan,
at kumikislap ang patalim sa paminggalan.
Nauulinig mo ang sumisiyap-siyap na motor.
Naghahalakhakan ang mga lasenggo,
at ang hapag ay nabuburyong sa liwanag
mula sa mga berso ng makatang San Miguel.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping. Uphold the human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!