Adiyogi sa Pasig, ni Roberto T. Añonuevo

Adiyogi sa Pasig

Roberto T. Añonuevo

Ang gabi ng mga kamay ay mga kaluluwa
sa agos.
Ang gabi ng pagtatalik ng mga kaluluwa
ay agos.
Ang gabi ng pagsilang ng mga kaluluwa
ay agos.

Hayaang umagos ang sayaw ng kalululuwa.
Hayaang umagos ang buwan ng kaluluwa.
Hayaang umagos ang bulaklak ng kaluluwa.

Sapagkat ito ang gabi ng landas palaot.
Sapagkat ito ang gabi ng landas ng laot.
Sapagkat ito ang gabi ng laot ng mga landas.

Ang gabi ng bathala ay gabi ng mga likha.
Ang gabi ng bathala ay likha ng mga gabi.
Ang gabi ay bathala na gabi ang lumilikha.

Ito ang sandali ng paglusong sa karimlan.
Ito ang sandali ng pag-ahon sa karimlan.
Ito ang karimlan ng paglusong at pag-ahon
ng sandali.

Sapagkat ito ang inaasam na paghuhugas
ng sandali.
Sapagkat ito ang inaasam ng paghuhugas.
Ang sandali—
Ang inaasam na paghuhugas nang wagas.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Poetry making the impossible possible. Photo by Arti Agarwal on Pexels.com

Sukdulang Luningning, ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Ultimo Replandor,” ni Jorge Luis Borges ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sukdulang Luningning

Malimit nakayayanig ang takipsilim
gaano man ito karangya o kapayak,
ngunit higit na nakayayanig
ang pangwakas, desperadong ningning
na nagiging kalawang ang karaniwan
kapag ang panganorin ay wala nang alaala
ng hambog na rikit ng araw na papalubog.
Kay hirap pigilin ang gayong liwanag,
sagad na sagad at naiiba,
ang naguguniguni ng tao na takot sa dilim
at ipinapataw sa espasyo,
at kisapmatang nauupos
sa sandaling mabatid ang balatkayo nito,
ang paraan na nababasag ang panaginip
kapag natauhan ang himbing sa pananaginip.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity

Mga Tambo, ni Derek Walcott

Salin ng “Sea Canes,” ni Derek Walcott ng Saint Lucia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tambo

Kalahati sa mga kaibigan ko’y patay na.
Lilikha ako ng mga bago, sabi ng lupa.
Hindi, ibalik na lamang sila sa akin, gaya noon,
kahit pa may mga sala, sigaw ko.

Ngayong gabi, maaagaw ko ang usapan nila
mula sa mahinang higing na umaalon
sa mga tambo, ngunit hindi ko kayang maglakad

nang mag-isa sa mga dahon ng dagat
na tanglaw ng buwan pababa sa puting daan,
o lumutang na may nananaginip na kampay

ng mga kuwagong iniiwan ang bigat ng mundo.
O lupa, ang bilang ng mga kaibigang kinakanlong
mo’y lumalabis sa mga naiwang dapat mahalin.

Kumikislap ng lungti’t pilak ang mga tambo sa gulod
sila ang mga anghel na sibat ng aking pananalig,
ngunit sa anumang nawala’y may lakas na lumilitaw

na may matuwid na kinang ng bato,
natitiis ang sinag-buwan, malayo kaysa panlulumo,
mas malakas sa hangin, na sa nahawing mga tambo

ay naibabalik sa atin silang minamahal, gaya noon,
may mga sala, hindi mas marilag, naroroon lang.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Michaela @ unsplash.com