Napagdiskitahan kong titigan muli ang Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Cahariang Albania (1861) ni Francisco (Balagtas) Baltazar noong nakaraang linggo. Kung pagtitiwalaan ang sinabi ni Hermenegildo Cruz, ang nasabing awit ay unang inilimbag noong 1838 ngunit sa kasamaang palad ay hindi na matagpuan ang nasabing edisyon. Ipinagdiriwang ngayong taon ang masasabing ika-170 taon ng pagkakalimbag ng Florante at Laura. Sa lahat ng akdang nalathala sa Filipinas, ang naturang awit ni Balagtas ang dumanas ng mahaba at masusing paglilitis ng mga kritiko at iskolar, at nilapatan ng kung ano-anong lente ng pagbasa kaya ang orihinal na pakahulugan at paghihiwatigang isinaad ng awit ay lumampas sa sarili nito upang angkinin ng buong sambayanan.
Hindi ko na uulitin pa ang sinabi ng mga kritiko, gaya nina Virgilio S. Almario, Eduardo Calasanz, Isagani R. Cruz, Silvino V. Epistola, Jose Mario Francisco, Lucila Hosillos, Bienvenido Lumbera, Ruth S. Mabanglo, Vivencio Jose, B.S. Medina, Epifanio San Juan, Lope K. Santos, Soledad S. Reyes, at Benilda S. Santos. Hindi sa kanila nagwawakas ang pagbasa kay Balagtas, at pinakamakapal ang aklat ni Fred Sevilla, na inilugar ang akda at ang awtor sa panahon, pangyayari, at iba pang bagay na maaaring may kaugnayan sa pagkakabuo ng nasabing awit.
Binilang ko kung ilang salitang banyaga ang pumasok sa naturang Tagalog na awit at nagulat ako na .015–.02 porsiyento lamang na salita ang may bahid ng Espanyol. Umaabot sa kabuuang 136 salitang Espanyol ang nakapasok sa Tagalog, at pawang pangngalan iyon na maaaring tumutukoy sa tao, lugar, o bagay. Ano ang ibig sabihin nito? Mapili si Balagtas sa pagtanggap ng salitang mula sa ibayong dagat. Hindi lahat ng salita ay ipipilit niyang ipasok sa Tagalog upang maging kosmopolitano ang testura ng kaniyang akda.
Kabilang sa mga salitang banyagang ginamit ni Balagtas sa kaniyang tula ang sumusunod: adarga; adios; Adolfo; Adonis; Aladin; Albania; altar; Antenor; atropos; Arco; astrologia; Atenas; Aurora; Averno; Bandila (bandera); Baselisco; batalia; Beata; Briseo; buitre; cabayo (cabaio; caballo); caliz; campo; carcel; catuno (tono); Celia; cetro; cipres; ciudad; Cocito; coleto; conde; consejo; corales; corona; cristal; Crotona; cuadro historico; Cupido; diamante; dicho; Dios; ducado; duque; Edipo; ejercito; Embahador; Emir; Epiro; escuela; Estanque; Eteocles; Etolia; fama; Febo; filosofia; Flerida; Florante; Floresca; General Osmalic; Grecia; guerra; guerrero; Hiena; higuera; Houris; imperio; incienso; Laura; leguas; leon; letra; libo; Linceo; lira; lobo; maestro; maquina; Marte; matematica; Medialuna; Menalipo; Minandro; Miramolin; Monarca; moro; mundo; musa; musica; Narciso; Nayadas; ninfa; oras (hora); orden; Oreada; original; Palacio Real; paraiso; Parcas; Percia (Persia); perlas; Persiano; pica; pincel; Pitaco; plumage; Pluto; Polinice; Princesa; Profeta; Quinta; Reina; Reino; rubé; salas; sello; sierpe; Sigesmundo; sirenas; soldado; Sultan Ali-Adab; topasio; tragedia; trigo; trono; turbante; turco; Turquia; vasallo; Venus; verdugo; verso; victoria; viva; voses; Yocasta (Reina Yocasta).
Pansinin na walang banggit hinggil sa diyos o santo ng mga Kristiyano. Ang “dios” na binanggit sa talaan ay tumutukoy kay Cupido imbes na kay Hesukristo. Kahit ang salitang “Cristiano” (Kristiyano) ay iniwasan, at mahihiwatigan lamang ito nang banggitin ang “Moro” na mula sa Persia na kabukod ng mga Kristiyano mula sa Albania. Masinop din ang pili sa mga salitang may kaugnayan sa pamunuan, gaya ng Conde, ducado, duque, emir, ejercito, general, reina, reino, prinsesa, profeta, soldado, vasallo, Venus, at verdugo. Ang “reino” ay ginamit na panumbas sa “kaharian”, at pinananatili ang gamit ng “hari” para sa “king.” Pinakamababang banggit ang “vasallo” at “soldado” ngunit kung ano ang tiyak na larawan nila ay kailangan pang hulaan ang anyo. Ang awit, kung gayon, ay mahihinuhang nakatuon sa maharlika at kauri nito, at hindi sa mga tao na nakapailalim sa kanila.
Ang ibang salitang may alusyon sa mitolohiyang Griyego, Romano, at Arabe ay Adolfo, Adonis, Aladin, Ali-Adab, Antenor, Briseo, Celia, fama, febo, Florante, Floresca, Linceo, Menalipo, Minandro, Osmalic, Pluto, Polinice, Segismundo, Sirenas, Venus, at Yocasta. Gayunman, walang tuwirang tumbasang alusyon sa mga salita mula sa pinag-ugatan nitong kasaysayan tungo sa bagong sagisag sa awit ni Balagtas. Halimbawa, ang Osmalic ay maaaring hango sa ngalan ni Osman I, na noong 1288 ay naging tagapagtatag ng Imperyong Ottoman. Si Adolfo ay maaaring ginagad kay Adolf, ang Konde ng Nassau at inihalal na maging haring Aleman noong 1292. Hindi magtatagal ang pamumuno ni Adolf at patatalsikin siya ng mga elektor saka mapapatay sa Bakbakan sa Gölheim noong 1298. Si Aladin ay maaaring hango sa ngalan ni Alauddin Khilji na noong 1296 ay pumalit sa napatay na si Jalaluddin ng Delhi. Si Ali-Adab ay maaaring hango sa ngalan ni Ali Bey, ang pinuno ng Memelukes, at naging Sultan ng Ehipto. Ang Florante o Floresca ay maaaring hango sa ngalan ng Florence, ang pangunahing Europeong lungsod sa larangan ng kalakalan at pananalapi noong 1282. At si Minandro ay maaaring hango sa ngalan ni Minander na isang manunulat ng komedyang Griyego.
Maiuugnay sa itaas ang mga pook na binanggit, gaya ng Albania, Atenas, Averno, campo, ciudad, Estanque, Etolia, Imperio, Grecia, Palacio Real, Persia, reino, at paraiso. Limitado ang mga pook na binanggit sa awit ni Balagtas, at ang iba rito’y binanggit lamang nang walang mahabang paglalarawan, gaya ng Etolia, Grecia, at Persia. Ang Etolia ay maaaring ang Anatolia, na noong 1515 ay sinakop ni Selim I, ang Sultan ng Turkey; o kung hindi’y ang Ethiopia, na noong 1500-1001 BK ay naging independiyenteng gahum. Hindi naman malinaw ang “estanque” (sanaw o tubigan) na binanggit, at mahihinuha lamang na disyerto ang paligid ng kaharian. Hindi naman ako naniniwalang ginagad sa Inferno ni Dante Alighieri ang kagubatang kinalalagakan ni Florante, bagaman malayang isipin ang gayon, dahil ang averno ng kagubatan ay hindi lamang hitik sa mga ilahas na hayop bagkus pintuan din ng impiyerno sa sinumang namumuhay sa siyudad o kaharian. Kung babalikan ang pamagat ng awit ni Balagtas, nakasaad doon na ang awit ay kinuha umano sa “cuadro historico” o pinturang nagsasabi ng mga pangyayari sa imperyo ng Gresya noong unang panahon. Anuman ang ibig sabihin ni Balagtas, mahihinuhang lumilikha na siya ng anomalya dahil ang kaniyang akda ay walang tuwirang alusyon sa makasaysayang Gresya at hindi maikakahon lamang sa lunan ng Gresya. Ginamit lamang niya ang Gresya, Albania, Persia, at Etolia sa pangalan lamang ngunit ang pinakapuso ng akda ay mahihinuhang hinugot sa kalooban ng Katagalugan.
Kaya ang Florante at Laura ay maiisip na pinagsalikop na kasaysayan at kathang-isip o mito na ang bunga ay kagila-gilalas na malikhaing guniguning pampanitikan. Maláy si Balagtas sa mitolohiya, kasaysayan, politika, tula, dula, wika, at pakahulugan na pawang bumubuo sa isang di-karaniwang diskurso para sa karaniwang Tagalog dahil hindi naman lahat ng Tagalog noon ay may oportunidad na makapag-aral o makapagbasa ng panitikang Tagalog. Maaaring sinulat ni Balagtas ang kaniyang awit hindi para sa kaniyang henerasyon, bagkus para sa darating na henerasyong handang umunawa sa lalim at lawak ng kaniyang pagkagagap sa panulaang Tagalog. Maaari ding ang Florante at Laura ay hindi lamang idinisenyo upang basahin kundi pakinggan at itanghal din para sa kaluguran ng madla. Sa gayong pangyayari, hinahatak ng makata ang Katagalugan sa modernong diskursong lalampas sa itinatakda ng relihiyon o politika o kultura; at ang nasabing Katagalugan ay nagsisilbing kritiko o konsumidor ng tula ng makata. Tumataas samakatwid ang kamalayan ng madla, at ang madla naman ay nagpapatalas din sa makata upang lumikha ito ng higit na kapaki-pakinabang na tula para sa sambayanan.
Ang pinakamagagandang saknong sa Florante at Laura ay yaong hindi nababahiran ng anumang salitang mula sa Espanyol, at kung nabahiran man ay mahahalatang matagal nang tinanggap iyon sa wikang Tagalog. Ang mga tauhan ay nag-uusap, at ang nasabing pag-uusap ay pabalik-balik sa bawat tauhan upang mapiga ang inaasam na katotohanan. Halimbawa, may diskurso sina Florante at Aladin, at ang usapan ay maaaring hindi tuwid bagkus nagmumula sa isip o damdamin. Lalawak pa iyon kung isasaalang na may kani-kaniyang usapin sina Florante at Aladin, mulang ugnayan sa kani-kaniyang sinisinta hanggang sa sistema ng pamilya tungong malawak na kaharian o bayan. Ipakikilala rin ang iba pang tauhan sa awit upang luminang sa kanilang katauhan, at lapatan ng angkop ng resolusyon ang gusot sa pagsasalaysay.
Kudeta ang ubod na mahuhugot sa awit ni Balagtas. At ang kudetang ito ay hindi lamang mula sa Albania o Persia, kundi sa kalooban ng Tagalog na nakapailalim sa prehuwisyo at panggigipit ng mananakop na Espanya. Maaaring walang kalayaan noon si Balagtas na ibulalas ang lahat ng kabaguhan na ibig niyang ipasok sa panitikang Tagalog. Masikip man ang padron ng awit, de-kahon man ang mga naunang awit ng pakikipagsapalaran at pag-ibig, nakalikha pa rin si Balagtas ng masasabing subersibong diwain at ang diwaing iyon ay hindi niya ipinaloob sa wika at diskursong Espanyol bagkus sa wika at diskursong Tagalog. Nagtagumpay na ang kudeta ni Balagtas. At hindi na ito dapat tawagin pang kudeta bagkus himagsikang Tagalog, at himagsikang pampanitikang ikararangal ng buong Katagalugan—alinsunod sa konsepto ng Katipunan.