Bugtong kong Paraluman

Salin ng katutubong ambahan na pumapaksa hinggil sa kasal, at sinulat ng di-kilalang awtor na itinala ng Mangyan Heritage Center.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

BUGTONG KONG PARALUMAN

Bugtong kong paraluman
Akin ka balang araw
Di ako hihiwalay
Sa iyo habang búhay.
Lumayo pag namatay
Ang di maiiwasan
Kahit ng aking tatay
O mahal kong nanay;
Wala akong karamay.
Hanggang saan ang pataw
Na taglay ng katawan?
Ang sisidlang makulay
At panagpas kawayan
Ay dito ilalaan
Hanggang aking libingan.

Advertisements

Tatlong Tula ni William Jay Smith

salin ng mga tula ni William Jay Smith mula sa orihinal na Ingles
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

DALAGITANG ITIM

Oo, siya’y itim. Walang bahid rosas ang kaniyang pisngi,
Walang munting siklab, walang gintong butil tulad ng sa langit.
Itim din ang uling. Ngunit sindihan mo saka magparikit,
At lulundag bigla ang mga talulot ng rosas sa tindi.

[mula sa Pranses ni Paul-Jean Toulet]

MGA ROSAS AY PULA

Mga Rosas ay pula
Bughaw ang biyoleta
May bituin ang langit
Ngunit ikaw ang ibig.

Mga rosas ay pula
Asul naman ang lila
Ako ay nagliliyab
Na kalan mong maalab.

Mga rosas ay pula
At pink ay pink talaga
Kung ako’y may gayuma
Inumin mo, o sinta!

NARCISO

Narciso.
Ang halimuyak mo.
At ang lalim ng sapa.

Mananatili ako sa iyong gilid.
Bulaklak ng pag-ibig.
Narciso.

Kumukutitap sa iyong mata
ang himbing na isda’t anino.
Nagbabarnis sa paningin ko
ang mga ibon at paruparo.

Maliit ka at ako’y matangkad.
Bulaklak ng pagmamahal.
Narciso.

Anung likot ng mga palaka!
Hindi nila iiwang mag-isa
ang salaming nagpapamalas
ng iyo at aking deliryo.

Narciso.
Ang aking pighati.
At ang sarili ng aking pighati.

[mula sa Espanyol ni Federico García Lorca]

Kuha ni Peter Griffin

Kuha ni Peter Griffin. Mula sa artsibo ng Public Domain Pictures.net.


Ang Pasamano

"Tampuhan," oleo sa kanbas, pintura ni Juan Luna

"Tampuhan" (1895), oleo sa kanbas, pintura ni Juan Luna

ANG PASAMANO

(pagkaraan ng “Tampuhan” ni Juan Luna)

Kung makapangungusap ang pasamano, ano ang wiwikain nito
sa binatang malayo ang tanaw? Sasabihin ba nitong, “Ang bigat mo!”
at itataboy ang lalaki palayo sa babaeng minamahal?
Ngunit maaaring ang iniisip ng lalaki’y ang magkaibigan
sa kabilang bahay, at inaasám na mayakap ang sinisipat na dilag.
Samantala’y bumibilis marahil ang tibok ng katabi niyang dalaga,
na halos magbulkan ang dibdib sa paninibugho. At ang panibugho
na parang tiktik ay tatangayin ng hangin, lalabas sa durungawan,
at titiyakin ang agam-agam sa katapatan ng pagtitinginan.

Hanggang sumapit ang prusisyon, at basagin ng musika ang pagdaramdam.

Baka nasamyo ng pasamano ang halimuyak ng baro ng binibini,
at kung ito’y nagkataong multo, maaaring inakbayan o niyakap
nito ang babae na animo’y nagugutom, nahihilo, o wala sa sarili.
Umikli ba ang dila ng babae na nagtampo’t pumikit sa mundo?
Ngunit maaaring naghihintay lamang siya ng abaniko, panyo, tsaa,
at katagang “Patawad!” mula sa kaniyang malikot na kasintahan.
O baka naman mainit ang ulo ng lalaki, at kailangang iraos niya
ang niloloob sa pagpapahangin? Lumalayo kahit ang napakalapit,
at marahil ito ang sasabihin ng pasamano sa ginoong ilahás kung umibig.

Mani, Pag-ibig, at Kapalaran sa nobela ni Teofilo E. Sauco

HALAMANAN, kuha ni Bobby Añonuevo

HALAMANAN, kuha ni Bobby Añonuevo

Tampok sa nobelang Ang Magmamani (1924) ni Teofilo E. Sauco ang pakikipagsapalaran ng mag-inang pinaghiwalay ng tadhana ngunit pagbubuklurin muli dahil sa pag-ibig sa isang lalaki. Si Tentay (Vicenta Gomez) na mula sa alta sosyedad ay nabuntis ng kaniyang kasintahang si Ventura Villaroman, ngunit napilitang ipaampon ang kaniyang sanggol sa solterong si Ingkong Pinong na taga-Baliwag, Bulakan. Sisikaping palakihin ni Ingkong Pinong ang bata, na sa paglipas ng panahon ay magiging marikit na dalagang tatawaging si Ninay.

Pagtatanim at pagtitinda ng mani at iba pang gulay ang ikinabubuhay ni Ingkong Pinong, at balang araw ay kakatuwangin niya si Ninay sa pagtitinda ng mani. Hahangaan naman si Ninay sa sipag nito’t bait, at pagnanasahan ng mga binata. Ngunit walang makapangahas makapanligaw sa kaniya dahil sa pangingilag kay Pinong, hanggang makilala ni Ninay ang binatang si Luis na taga-Maynila. Pinakyaw ni Luis ang tindang mani ni Ninay, hahabulin ang dalaga, at pagkaraan ay yayayaing pakasal. Subalit may isang balakid. May isang babaeng kinakasama si Luis, at iyon ay si Tentay na dating mananayaw sa kabaret sa Santa Ana. Matutuklasan ni Tentay ang retratong kuha ni Luis kay Ninay, at maghihinuha si Tentay na anak niya ang dalaga dahil kahawig na kahawig niya ito.

Hahanapin ni Tentay ang kinababaliwan ni Luis, at nang matiyak kay Ingkong Pinong na si Ninay ay anak nga niya, kukumbinsihin ni Tentay ang matanda na pumayag na sa pagpapakasal ng magkasintahan. Lalayo si Tentay at papasok sa kumbento upang mapalayo kay Luis. Samantala, hihimukin at paaaralin naman ni Luis si Ninay na pumasok sa kolehiyo at nang makatapos makapag-aral. Makikilala ni Ninay si Tentay sa loob ng kumbento, at magtuturingang mag-ina, subalit mananatili ang lihim hangga’t hindi nakakasal si Ninay kay Luis.

Sa dakong huli’y magkakasakit nang malubha si Tentay na nagtatago sa ngalang Madre Victoria Fuentes. Mangungumpisal siya sa pari, ngunit pinagtiyap naman ng pagkakataong ang nasabing pari ay siya pala niyang dating kasintahang si Villaroman. Matutuklasan din ni Padre Villaroman na anak niya si Ninay na ipinaampon sa matandang Pinong, at ang babaeng pakakasalan ni Luis. Ang pangungumpisal ni Tentay ang sukdulan ng kuwento, dahil doon mabubunyag ang lahat ng lihim na kipkip ni Tentay mulang pagdadalaga hanggang pagiging baylarina tungong pagiging kabit ni Luis hanggang pagsisikap maging madre para ituwid ang mga pagkakamali.  

Makakasal sina Luis at Ninay, samantalang magkakapatawaran sina Padre Villaroman at Tentay. Mamamatay si Tentay dulot ng karamdaman, at pagkaraan niyon ay lalasapin naman ng mag-asawang Luis at Ninay ang bagong buhay at saganang pagsasama.  Aalagaan nila si Ingkong Pinong, at ipasasaka sa iba ang lupain nitong laan sa pagtatanim ng mani. At magbabalik sina Ninay at Luis sa Tiaong, Baliwag, Bulakan upang magbigay-galang sa amang si Padre Villaroman, at sariwain ang nakaraang “hindi na babalik sa kanila kailan man.”

Pambihira ang nobelang ito dahil sa pagtatagni-tagni ng mga pangyayaring halos imposible, ngunit dahil nasa lunan ng guniguni ay maaaring tanggapin at paniwalaan. Gayunman, dapat suriin ang naturang akda sa husay ng imahinasyon nito, at hindi bilang tuwirang salamin ng realidad sa lipunan, bagaman kayang lumundag papaloob sa realidad ng lipunan ang akda.

Pag-ibig ang ubod ng kuwento, at ipinakita sa nobela ang iba’t ibang antas nito. Halimbawa, ang pag-ibig nina Tentay at Ventura na paghihiwalayin dahil ang mga angkan nila’y mortal na magkaaway sa politika. Ang pag-ibig ni Ingkong Pinong kay Ninay na itinuring na sariling anak bagaman hindi naman kaano-ano. Ang makalupang pag-ibig ni Luis sa mag-inang sina Tentay at Ninay, at pagtuhog sa dalawang magkabukod na kapalaran ng babae. At ang dalisay na pag-ibig ni Ninay mula sa kaniyang amaing si Ingkong Pinong hanggang sa mga tunay na magulang na sina Tentay at Padre Villaroman, tungong pag-ibig kay Luis na kasintahan. Pag-ibig din sa diyos ang maglalapit kina Tentay at Padre Villaroman, at siyang maghahatid sa kapatawaran. Ngunit pinakamatindi sa lahat ang pag-ibig ni Tentay sa lahat ng lalaking naging matalik sa kaniyang puso, mula kay Villaroman hanggang mga lalaki sa kabaret, hanggang kay Luis at pagkilala kay Ingkong Pinong, tungong sukdulang pag-ibig sa anak na nawalay at minamahal.

Paraan ng paglalahad
Mabilis ang pihit ng mga pangyayari sa nobela, o sabihin nang nobeleta, ni Sauco. Ang problema’y isinasangkot minsan ng tagapaglahad ng nobela ang kaniyang sarili, at kakausapin wari ang mga bumabasa hinggil sa maaaring maganap na tagpo (halimbawa, tingnan ang una at pangwakas na kabanata). Ang ikatlong panauhang paglalarawan ay hindi naiiwasang lumihis sa unang panauhan, at maiisip dito na nakikialam ang awtor sa dapat sanang pambihirang paglalarawan mula sa paningin ng isang saksi. Mapalulusot ang gayong taktika dahil sa pagsasaalang-alang marahil ng awtor sa kaniyang mga tagasubaybay ng magasing Liwayway, at pawang nangangapa sa bagong uri ng panitikang Tagalog.

Kinasangkapan ni Sauco ang ilang piling tauhan, gaya nina Tentay, Ninay, Ingkong Pinong, Luis, at Padre Villaroman. Ang limang tauhang ito ay sapat na upang paikutin ang tadhana, at gaya sa mga telenobela ngayon, ay magkakasala-salabid ang buhay na parang sila lamang ang tao sa daigdig. Mapapansin din ang ilang pagpapaikli ni Sauco sa mga tagpo, halimbawa na’y biglang mapapaibig si Luis kay Ninay gayong isang beses pa lamang sila nagkikita. O kaya’y nilutas ang mga lihim ni Tentay nang mangumpisal ito kay Padre Villaroman. Pinatitindi ni Sauco ang kapanabikan sa mga susunod na tagpo sa pamamagitan ng pagbitin sa dapat sanang pagbubunyag, halimbawa na ang paghaharap nina Tentay at Ninay sa loob ng kumbento, o kaya’y ang pananahimik ni Luis sa harap ng dalawang babaeng tinuhog ng kaniyang bato-balani.

Ang dalumat ng “mani” ay isa pang dapat pag-ukulan ng pansin. Tumutubo ang mani saanmang may malusog na lupa o kahit na sa maasidong lupa, at nagbibigay ng bagong sustansiya rito. Ang maning ito na hindi pinapansin noon ay kaya palang bumuhay sa isang sanggol at dating pag-ibig na inunsiyami ng pagkakataon. Matalinghaga rin ang mani dahil sa seksuwal nitong pagpapahiwatig sa clitoris ng babae, kaya maiisip ang bighani ni Ninay na nasa kasibulan at ni Tentay na nasa ganap na pagkatigulang na pawang naangkin ni Luis. Ang dalumat ng mani ni Ninay ang paiikutin sa nobela, at pailalim na ihahayag ni Sauco.

Maiikli ang pangungusap at usapan sa Ang Magmamani kompara sa iba pang nobelang Tagalog, bagaman nalalahukan kung minsan ng patalinghagang pananalita. Ang patalinghagang pananalitang ito ay mamumutawi sa bibig ni Tentay o ni Ingkong Pinong, at ikapagtataka ng taga-Maynilang Luis na hindi sanay sa gayong matalik na komunikasyon. Mauunawaan lamang ni Luis ang lahat habang lumalapit ang kaniyang loob kina Tentay, Ninay, at Ingkong Pinong. Ang nasabing uri ng paghihiwatigan ay karaniwan na sa Tagalog, dahil sa pagturing na kabahagi ng tao ang kaniyang kausap o minamahal.

Itinuturo ni Sauco nang di-sinasadya ang pormula kung paano maging kapana-panabik ang mga tagpo sa bawat kabanata. Ang mga tauhang sina Tentay at Ninay ang magiging haligi ng istorya, at susuhayan sila ng mga katauhan ng lalaking sina Luis, Ingkong Pinong, at Padre Villaroman. Si Tentay ang mag-uugnay sa dalawang uring panlipunan: una, ang maykaya na kaniyang pinagmulan; at ikalawa, ang dukha na kaniyang daranasin nang itakwil siya ng sariling angkan dahil sa pagbubuntis nang hindi pa kasal. Samantala, si Luis ang ultimong babaero na ibig mamangka dalawang ilog, at makaliligtas lamang siya hindi dahil sa sariling pagpapasiya kundi sa kusang paglayo ng kaniyang kabit na si Tentay. Mapapansin naman ang kahinaan ng gulugod ni Padre Villaroman, na marupok harapin ang responsabilidad sa kasintahan at gagamitin ang relihiyon upang talikdan ang dapat sanang maaliwalas na pagsasama nila ni Tentay. Pinakamalakas ang paglalarawan kay Ingkong Pinong, na kahit dukha’t matanda na’y aalagaan ang sanggol upang ipamalas ang pagmamahal na hindi kayang tumbasan ng salapi.

Inuurirat sa nobela ang pagpapahalaga sa dalisay na pag-ibig. Maiuugnay iyon sa sex, anak sa labas, pag-aampon, at relihiyon na pawang kikilatisin din sa mga tauhan. Ang mga usaping ito ay maseselang paksa sa panahon ng Amerikanisasyon, at kulturang Tagalog na may matayog na pagtingin sa “dangal,” “puri,” at “pagkatao.” Kahit sa unang malas ay mababaw ang kuwento, mababatid naman sa wakas ang kasalimuotan ng mga pangyayari dahil magkakatali ang mga kapalaran ng limang tauhan. Ang naturang kapalaran ay hindi tadhana ng diyos, bagkus ginagawa at supling ng mga gawa ng mga tao.

Marami pang dapat tuklasin sa nobelang Tagalog. Ang nobelang Ang Magmamani ni Teofilo E. Sauco ay isang halimbawa lamang kung paano naghuhunos ang nobelang Tagalog, ang nobelang susubaybayan ng daan-daang mambabasa noong dekada 1920, at magtatampok sa usapin ng masalimuot na pag-iibigan ng magkasintahan, anumang uri ang kanilang pinag-ugatan.