Kuwento ng Puting Elepante, ni Roberto T. Añonuevo

Kuwento ng Puting Elepante

ni Roberto T. Añonuevo

Lublúban ng gadyâ ang áking galák,
sínlamíg ng liwaywáy sa Bundók Tumatángis.

Lalò akóng natútuwâ kung katabí ka,
ikáw na kapíling ko noón pa man sa Jáva.

Ngúnit nang yumáo ka at nagtúngo kung saán,
mga bakás ng paá sa tumigás na pútik

ang áking dalámhatì.

Kay dilím ng bundók sa gitnâ ng tag-aráw.
Mawawásak ko ang sampûng gúbat
makíta ka lámang.

Walâ akóng silbí pára sa bagínda,
káhit isáng handóg pa mulâ sa mahárlika.

At káhit siyá’y pípilìing pawalán akó
sa iláng, palayàin túlad ng alípin
bágo mabingí sa nakarírindí kong atúngal.

May isáng bagáning haharáp sa ákin,
mga matá niyá’y palasó, at pusò’y
pinandáy na kampílan—

sapagkát íbig niyáng magíng kabiyák
ang dalágang anák ng ráha,
at nang tumahán ang Bundók Tumatángis.

Ligáya ko ang sumápit sa píling mo.
Alimbúkad: Epic unreal poetry in search of humanity. Photo by Roger Brown on Pexels.com

Ang Bayabas, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bayabas

Roberto T. Añonuevo

Ano ang nakita niya sa akin na hindi makikita sa iba?” Ito ang tanong ng bunga ng bayabas, nang minsang humilatâ ang isang binatà at lumílim sa yamungmóng ng mga dahon. Maaaring ang lalaki’y si Juan, at supling nina Fabio at Sofia, ngunit hindi mahalaga kung sino siya. Siya na nakahigâ, nakatítig, nakangangá ang marahil nag-iisip sa kaganapan ng punò o batas ng gravedad; ang nagninilay sa bilóg na bilóg, hinóg na hinóg na sukdulang pag-íral; ang nagugútom at tatangá-tangá ngunit humaharap sa pinakamapait na parusa ng uod at kaliwanagan. “Ang kaniyang bungangà ay sinlalim ng walang hanggang dilim,” sambit ng bayabas. “Ang kaniyang mga mata ay sumasalamin sa akin para mapigtal sa tangkáy at sumanib sa bituka o lupain. Hindi ako sintatág ng tagâ-sa-panahong bodhi, at ni walang budhî, para sa sinumang tumitingala sa akin. Gayunman, siya na titíg na titíg sa akin ay wala nang ibang nakikita, walang ibang naririnig, walang ibang nadarama, kundi ako na nakabitin, at sasayáw-sayáw sa himig ng hangin. Kung siya ang aking kamalayan, kung siya ang aking kapalaran, hindi ko ba pipiliing pumaloob sa kaniyang katawan, at maging bahagi ng kaniyang katauhan?”

Alimbúkad: World-class poetry within your reach. Photo by Adrian Lang on Pexels.com

Ligáw, ni Roberto T. Añonuevo

 Ligáw
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Napakahabang riles ang tinatawid
 ng mga langgam
 para maghanap ng asukarera
  
 o prutas o agaw-buhay na kambing.
  
 Umaalimuom ang lupain.
 Naglalaro ng alikabok at yagit
 ang ipuipo.
  
 Sa talahiban, napakasigasig takpan
 ng mga ilahas na pukyot
 ang lumang Volkswagen
  
 na naglilihim ng kalansay 
                           ng aso.
  
 Waring lumikas ang bayan;
 at ang balita ay dalag sa tuyot 
 na latián.
  
 Sa iyong guniguni, libo-libong maya
 ang kay lilikot
 at nagsusulat sa himpapawid——
  
 ngunit hindi mo maarok ang hiwatig. 
Alimbúkad: Raging poetry soul. Photo by Dave Drost on Pexels.com

Liham mula sa Pamayanan ng Ibon para sa Butihing Alkalde, ni Usman Awang

Salin ng “Surat Dari Masyarakat Burung Kepada Datuk Bandar,” by Usman Awang ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Liham mula sa Pamayanan ng Ibon para sa Butihing Alkalde
 
Mahal na Butihing Alkalde,
kami, na kapisanan ng mga ibon, ay tumawag ng pulong
isang maaliwalas na umaga
sa bubungan ng abandonadong gusali ng Batasan.
 
Bawat isa’y nagpasugo ng matalas ang isip,
maliban sa mga uwak, dahil labis silang abala
sa pagdadalamhati sa kanilang mga mahal, na binaril
at inanod ang mga bangkay sa Ilog Kelang.
 
Dumating ang mga piling panauhin bilang mga saksi,
isang delegasyon ng mga paruparo,
na pawang sangkot sa usapin.
 
Mahal na Alkalde,
bagaman wala kaming kapangyarihang ihalal ka
yamang ang prangkisa ay hindi para sa mga ibon,
pinupuri ka pa rin namin dahil sa iyong pangako
na bumuo ng Lungtiang Lungsod.
 
Ay, nilapastangan nila ang lungtiang kalikasan
upang sambahin ang kulay ng dolyar;
nang maging kongkreto ang putikang Kuala Lumpur,
kaming mga ibon ay tahimik na nagdurusa.
Napisâ ang tariktik nang mabagsakan ng punò;
niloko si Merbuk ng nagngangalang Padang Merbuk.
Habang siya at mga kauri niya’y bilanggo sa hawla
ang delegasyon ng mga pipit ay nagpoprotesta
laban sa uyam na palaman ng iyong kawikaan:
“Ang paking na pipit ay magugutom sa tag-ulan.”
Nadarama ng kapuwa pipit at punay
na hindi angkop sa inyong banggitin pa
ang maseselang bahagi ng katawan
sa katumbas nitong taguri, yamang batid ninyong
ang inyong pipit at punay ay hindi nakalilipad.
(Nasaktan po ang aming kalooban
habang pinatatayog ninyo ang sariling kabunyian.)
 
Mahal na Butihing Alkalde,
hiling ng liham na ito na sa bisa ng inyong dunong
ay pangalagaan ang bawat sanga, bawat ugat,
bawat dahon, bawat talulot, bawat bulaklak,
dahil yaon ang kanlungan namin sa paglipas ng siglo,
at ang mga ito rin ang makatutulong sa tao,
makapagpapalusog sa kaniya at magdudulot ng saya,
ng kapayapaan ng isip;
at hayaang ang kalikasan at iba’t ibang rikit
ay mamukadkad sa tanglaw ng maningning na araw.
Alimbúkad: World poetry translation project unlimited. Photo by Somya Dinkar on Pexels.com

Ang Karpintero, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Karpintero

Roberto T. Añonuevo

Magdamag na pag-ulan ang pumasok sa aking silid.
Bumaba ang mga ulap upang magsilang ng anghel—
taglay ang diwa ng robotikong artipisyo at buhangin.
Nang dumilat ang anghel,
sanlibong ilog ang nag-aklas sa mga higanteng dam,
na tila masaklap na pagbibiro ng salot at tagsalat.
Unti-unting kumampay ang kaniyang mga pakpak,
namuo pagkaraan ang ipuipo at kumulog-kumidlat,
at nang siya ay umiyak nang umiyak, ang bagyo
ay isang pangulong nagkakamot ng ulo at naghahasik
ng nakalalangong digmaan laban sa sangkatauhan
sa ngalan ng aniya ay labis na pag-ibig sa watawat.
Umapaw ang mga kalansay sa aking silid, umapaw—
waring pinipilit ako na lumikha pa ng mga bagong silid.

Alimbúkad: Poetry challenge for a better tomorrow. Photo by Ricky Kharawala @ unsplash.com

 

 

Paalam na Hibik, ni Kulleh Grasi

Salin ng “Halam Ikak,” ni Kulleh Grasi (Royston John Kulleh)                        ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paalam na Hibik

Binabayó-bayó
ng mga anino ang iyong ulo
sa dingding,
na himig-balúk sa hangin.
Tinig ng mga bagting ng buktót
ang kabiyak ng hininga
sa mga daliri mong
tumatangis nang hibang.

Agaw-lila’t bughaw ang ulop
na bumaba sa payëw ng langit
at marahang pumasok sa isip.
Inilihim mo ang kamatayan
dito sa higaan na kakatwa:
Anong tamis ng búhay sa iyo!

Ulo sa ulo,
bibig sa bibig,
paulit-ulit kang namamatay:
Ano’ng tamis ng búhay sa iyo?

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Round Table, ni Roberto T. Añonuevo

Round Table

Roberto T. Añonuevo

Nakikipaghuntahan ang mga ugat ng punongkahoy
sa mga ugat ng pana-panahong
palumpong o baging,
ani mo’y hinugot kay Sadhguru o sa dibuho sa komiks,
at kung ang mga ito ay papasok
sa aking bibig
ay maaaring lumabas sa tainga,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at gumapang
palapit sa mga mata, at tumimo sa mga balintataw
ang kagubatan, at maghunos na eksotikong libingan.

Katotohanan ang mesa, at nasasalat na katotohanan.

Pag-uusapan sa lupa at súkal
ang batis at estalaktita at dayaráy, at kung minsan,
kulog at kidlat,
punsô at balón,
ibubulalás ang kimkim na kabág o ahas o bulawan,
isisingit ang tiyaga
ng putakti at sakripisyo ng patpating kalabaw,
ililihim ang palakâ
o ang biya sa sipit ng talangkâ,
hanggang sumapit sa heolohiya ng tákot at mithi
na masisipat na pumutok na kuditdít o nalagas
na dahon sa kay lawak na alpombra ng mga lumot.

Nagpupulong ang mga punongkahoy—waring galít na galít
sa isa’t isa at nagsasapawan—
at anuman ang kanilang napag-usapan
(na lingid sa iyo o sa akin),
gaya halimbawa sa anyo ng bunga o patigasan ng bungéd,
ay pribilehiyong pailalim para sa mga karapat-dapat,
at diringgin
kahit piláy ang isang pakpak ng balitang lilikwad-likwad.

Ang Lihim ng Hoa Sen, ni Nguyen Phan Que Mai

Salin ng “Bí mật hoa sen,” ni Nguyen Phan Que Mai ng Vietnam
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lihim ng Hoa Sen

Ang talukap ng gabi’y isinakay ako sa bangka,
na lumulutang sa humuhuning mga baíno.
Hoa sen! Tinawag ng mahal ko ang halamang-tubig
nang maisalin sa labi niya ang halimuyak nito,
at hubarin ang ulop ng daigdig na lingid sa akin.

Gumewang ang hoa sen, nangatal, pigil-hininga.
“Kumapit sa akin,” aniya, na tila mula sa ibang planeta.

Nang abutin ko ang daigdig ng mukha niya,
nalasahan ko ang pananabik sa kaniyang balát
na kumikislap nang may sariwang araw
na umaahon sa aming pagitan.

Tanging ang hoa sen
ang nakasaksi kung paano ako
naging bulaklak
na nanginginig-nginig sa dibdib ng liwanag.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Renobasyon, ni Edwin Thumboo

Salin ng “Renovation,” ni Edwin Thumboo ng Singapore
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Renobasyon

Ibig kong damhin ang dalisay na hanging
pinakislap ng mga aninong nagsasalaysay
sa piling ng mga aguhong kumunat sa asin.

Ibig kong makita ang kalawanging banug
na matatag, marikit, nakamamatay
at binubuksan ang walang-malay na langit.

Ibig kong marinig ang nagsasangang dila
mula sa lumalargang ikid ng katawang
hanap ang malilibog na kuliglig sa luad.

Ibig kong hipuin ang bughaw na ulop
na nagpapadilim sa Karimon, at abutin
ang kalág na tagaytay na tila mahiwaga.

Ibig kong lasahan ang askad ng patani
mula sa bumaluktot na balát ng buto
upang itago ang nayon sa aking bibig.

Ibig ko ang ganitong limang pagsisimula.

“Ang Ginintuang Padauk,” ni U Kyaw

Ang Ginintuang Padauk

Salin ng “The Golden-Yellow Padauk” ni U Kyaw (1853-1878) ng Myanmar [Burma].
Salin sa elegateng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas, mula sa bersiyong Ingles ni Friedrich V. Lustig.

Bumubukad ang mga bulawang
bulaklak mula sa kumpol-kumpol
na mga lungtiang dahon
ngayong buwan ng Tagu.

May iba pa bang bulaklak
ang makahihigit sa rikit nitong
nasa lilim ng malamig na simoy padauk
na ang daloy ng matatamis na pawis
ay nagwawakas sa bukana ng Yungib Nanda—
na pinagkakanlungan ni Pacceka Buddha?

Sa isang buwan ng taon,
sa isang araw ng gayong buwan,
sa araw na iyon para sa Buddha
ay umaalimbukad ang padauk sa gubat.

Tag-araw na!
Sumapit na ang panahon ng Thingyan.
At mariringal ang ginintuang mawò
na basâng hinahanginan mula sa padauk
at inihahasik nito ang halimuyak
tungo sa mga bagnos ng kagubatan.

Walang makapaglalarawan ng kagila-gilalas
na katangian ng maharlikang bulaklak.
O Padauk!