Mahirap mang paniwalaan, ang tula ang pinakamatayog na imbensiyon ng tao, na makaraang likhain ay naggigiit ng sariling kalayaan mula sa maylikha nito nang patuloy na makairal sa isang panahon o iba’t ibang panahon. Kailangan ang teknolohikong pagdulog upang mabuo ito—humuhugot ngunit nanghihimasok sa nakaraan, nagbabantayog bagaman waring humahamak sa kasalukuyan, humahamig gayong sumusugal sa hinaharap—na ang mga piyesa ay piling-pili, kalkulado bukod sa kargado ang hiwatig, at paglabas sa talyer ng mga wika at sining ay magiging ehemplo sa bakbakan ng mga kamalayan, damdamin, at kaisipan pagsapit sa papel o pag-imbulog sa himpapawid. Sa ganitong pagtanaw, ang tula ay kailangang magsuot ng isanlibo’t isang pagbabalatkayo, na magsisimula sa anyo hanggang tinig hanggang kislot, titig, at pananalig, na malaos man sa isang yugto ng kasaysayan ay muli’t muling isisilang sa ibang panulat, bibig, at kilusan, magpapahilom ng sariling sugat saka magpapahaba ng angking mga ugat. Kailangan ang malikhaing pagsisinungaling, na lumalampas sa pagsandig sa pagiging totoo ng isang pangyayari o bagay upang itampok ang posibilidad ng pagiging makatotohanan nito na maituturing na kapani-paniwala kahit sabihin pang kathang-isip lamang na sininop sa kung saang bodega ng mga karanasan. Maaaring ganito rin ang maging pagsusuri sa álattalà (2020) ni Phillip Yerro Kimpo at Mulligan (2016) ni Marchiesal Bustamante. Ang una’y nagbubunyag ng walang hanggang posibilidad ng iba’t ibang damit na mapagsisidlan ng pananalinghaga; at ang ikalawa’y waring nagkukubli ng hulagway sa kasinupan ng pananaludtod na matalas ang taglay na talinghaga. Ang dalawang koleksiyon ay patunay kung bakit hindi maikakahon ang tula sa sinaunang pakahulugan o pagkilala, at kung paano nagsasanib ang sining at agham sa pagtula na lumilikha ng bagong wika at pag-iral. Totoo, kulang ang isang tagay para sa dalawang makata.

álattalà (2020) Koleksiyon ng mga tula ni Philipp Yerro Kimpo.
