Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

 Kisap

 Roberto T. Añonuevo
  
 Pulgas na kumakain sa balintataw,
 isang tasang tsaa,
 at sa ibabaw ng mga aklat
 ay napakahaba ng umaga——
 ang kapalaran ng aking salamin.
  
 Lumalago ang baging sa paningin;
 ang tatlong oras
 ay tatlong siglo
 at mabilis mabubusóg ang pulgas
 upang matulog sa loob ng talukap.
  
 Marahil, ang halimuyak ng tsaa
 at ang usok mula sa tasa
 ay pangarap din ng ibang balintataw,
 at kung hindi súnog sa kagubatan
 ay isang sigâ sa masukal na bakuran.
  
 At ikaw, minamahal kong Salita,
 ang poot ng mga lagas na dahon
 sa kumukunat na panimdim——
 habang naliligo sa mga luha ko
 ang pulgas sa aking balintataw. 
Alimbúkad: Poetry imagination alone. Photo by Arnie Chou on Pexels.com

Mahal, ni Roberto T. Añonuevo

 Mahal
 (para kay Maribeth)
  
 Kung nakapagsilang ka ng dalawang bathalà,
 Sino akong nilalang upang hindi humangà?
  
 Ikaw ang aking panahon, at ang mga aklát
 Na magbubunyag kung paano mabuhay ang lahát.
  
 Itinuro mo sa akin ang ubod ng tatag at sigásig
 Sa mga balakid na wari ko’y abot-lángit.
  
 Ngunit dinadapuan ka rin ng paninibughô
 Sa mga sandaling dumarami ang aking pusò.
  
 Sinamahan mo ako nang tumayo sa bangín,
 At ngiti mo’y nakagagaan gaya ng hángin.
  
 Ikaw ang aking pook, at kalakbay sa ibang pook,
 At hindi nagmamaliw kahit dapat na matakot.
  
 Ang munting puwang mo’y maginhawang báhay
 Na kahanga-hangang ayaw dalawin ng lamlám.
  
 Gumagaan ang aking balikat sa mga wika mo
 Kahit parang ang sermon ay laan sa mundo.
  
 Kapag dumarating ang salot, bagyo’t taggutóm,
 Ang lutong isda mo'y higit pa sa sampung litsón.
  
 Mga retaso ng layaw ay ano’t iyong nahahábi
 Nang magkadisenyo na kagila-gilalas ang silbí.
  
 Ngunit labis kang mag-ipon ng mga alaála
 Upang ang mga retrato’y maging pelikúla.
  
 Ikaw na hindi ko maisilid sa isang salaysáy
 Ay lumalampas sa uniberso ng aking pagmamahál. 
Alimbúkad: Poetry beyond symmetry. Photo courtesy of Maribeth M. Añonuevo.

Iral sa pagitan nina Nasimi at Abadilla, ni Roberto T. Añonuevo

 Iral sa pagitan nina Nasimi at Abadilla
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Ang katawan
                 ang isipan
 at ako
 at ikaw
              ay hindi mundo
              ang mundo
 ay hindi ako
 at hindi ikaw
 bagkus
          ang kamalayan
 tawagin man ito
                  na Maykapal
 o himagsikan sa mga maykapal
  
 Ang kamalayan
 ang mundo
              sa isipan
              sa katawan
 ang lakas
           ang puwang
                   ang panahon
  
 At ako’y
                    nasa labas
            at ikaw
            at ako’y
 nasa loob
 ang kamalayan
                 ang kamalayan
 na gumagalaw
                    ang lawak
                    ang lalim
 mula at tungo sa lahat 
                       ng bagay
 Ang pumasok
              sa katawan
 ay katawan
              ang lumabas
 sa katawan
 ay katawan
             ang mundo
                   ng kamalayan
 sa lahat ng nilalang
  
 Ang pumasok
 sa isipan
 ay isipan
                ang lumabas
                sa isipan
                ay isipan
 ng katawan
 ng kamalayan
  
                Ang pumasok
                ang lumabas
 ang katawan
 ang isipan
                ang kamalayan 
 ang ako
 ang ikaw
 ang mundo
 tawagin man ito
                  na Maykapal
 o Himagsikan sa mga Maykapal 
Alimbúkad: Poetry pure across time and space. Photo by Ana Madeleine Uribe on Pexels.com

Ligáw, ni Roberto T. Añonuevo

 Ligáw
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Napakahabang riles ang tinatawid
 ng mga langgam
 para maghanap ng asukarera
  
 o prutas o agaw-buhay na kambing.
  
 Umaalimuom ang lupain.
 Naglalaro ng alikabok at yagit
 ang ipuipo.
  
 Sa talahiban, napakasigasig takpan
 ng mga ilahas na pukyot
 ang lumang Volkswagen
  
 na naglilihim ng kalansay 
                           ng aso.
  
 Waring lumikas ang bayan;
 at ang balita ay dalag sa tuyot 
 na latián.
  
 Sa iyong guniguni, libo-libong maya
 ang kay lilikot
 at nagsusulat sa himpapawid——
  
 ngunit hindi mo maarok ang hiwatig. 
Alimbúkad: Raging poetry soul. Photo by Dave Drost on Pexels.com

Sandata, ni Roberto T. Añonuevo

Sandata

Roberto T. Añonuevo
  
 Nahumaling nga ang daigdig sa iyo
 at ginagamit ka
 laban sa lahat ng hindi namin
 gusto.
 Kasangkapan upang patumbahin
 ang katunggali,
 ikaw din ang laging instrumento 
 sa pagsupil ng salot o sakít.
 Wari ba’y lagi kaming nasa digma,
 at sinuman o alinmang salungat
 ang agos
 ay kaaway at kaaway na tunay
 at kailangan ka upang ipagtanggol
 ang puwesto at pangalan.
 Ikaw ang malinaw na linya at kulay
 sa bakbakan ng lakas at kasarian.
 Ikaw ang timbang at sustansiya
 sa taggutom at walang habas
 na kasakiman ng iilan.
 Ikaw ang agimat laban sa kulam,
 at ang sumusuway sa pangaral
 ng diyos ay may katumbas
 na parusa at kapahamakan.
 Hindi ba ikaw ang nakalakip
 at isinasaulo sa aming mga dasal?
 Parang sumpa, ikaw ang panagot
 sa aming katangahan——
 ipinapaskil sa bilbord ng islogan,
 isinasaliw tuwing may kampanya
 sa darating na halalan——
 at kapag angkin ka ninuman
 ay pupurihin kahit ng madlang
 walang kamuwang-muwang,
 walang malasakit o pakialam
 sa puwang o karunungan.
 Naririnig ka namin sa brodkaster
 at parang dapat ipagmalaki pa
 kung nagkulang ang diksiyonaryo
 para sa mga konseptong
 ikakabit sa mga dapat tapatan
 ng salita at gawa.
 Hinahamak kami kapag lumitaw
 ka sa mga banta at paninindak,
 gaya sa talumpati ng pangulo,
 at sinumang may kapangyarihan
 ay mababaligtad ang kahulugan
 ng batas.
 Kung umibig ba kami’y dapat kang
 hasain at laging sukbit saanman?
 Sawâ na kami sa rido at patayan.
 Nagbibiruan tuloy kaming huwag 
 nawa kaming maging makata
 na maláy ang guniguni’t napopoot.
 Baká ang bawat ipukol naming salita
 ay magpaluhod 
 sa nang-aapi at bumubusabos
 sa milyon-milyong dukha’t kawawa,
 kahit ni hindi ka man lang sinisipi.
 Ngunit hindi kami makata,
 at hindi ka rin namin kaaway,
 o mahal na kataga. 
Alimbúkad: World-class poetry for a better world. Photo by Rachel Claire on Pexels.com

Alak, ni Roberto T. Añonuevo

Alak
 
Roberto T. Añonuevo
 
Malalanghap ang mansanas, peras, at ubas,
ang pambihirang sebada na magluluwal
ng malta,
ang salamangka ng tubig sa lihim na batis
mula sa islang malayo sa paningin—
gaya sa pawis ng mga obrero’t trobador.
 
Pinahinog sa bariles ng pinong robledo,
ito ngayon ang ipinasusubasta sa madla
para tikman ng mga pribilehiyado o lasenggo
at pag-imbutan sa negosyo at elegansiya.
 
Maisasalin sa baso ang komunidad
ngunit mabubura ang karukhaan,
at liligwak sa isip ang langit, ang koleksiyon
ng pulang alak na edad pitumpu’t apat.
 
Isang milyong dolyar marahil ang katumbas,
matanda pa sa akin ngunit buháy na buháy,
magpapasulak ng dugo,
magpapatigas ng uten,
magpapaputok ng bátok,
ngunit makapapasá sa dila ng mga konosedor.
 
Paano ito nakaligtas sa digma, salot, tagsalat?
 
Sasagutin iyan ng espiritung maglalandas
sa lalamunan at maiiwan sa hininga,
palalawigin ng mga kuwento
at pakikipagsapalaran kahit kabulaanan,
ngunit kung ano man ang kasaysayan nito
ay hayaan para sa naghuhukay ng kalansay.
 
Nalilikha ang alak para malasing ang mga diyos
at sila’y minsan pang magbalik na mortal
o ito’y hakang marapat na ipawalang-saysay.
 
Kapag iniharap ang matandang wisking ito
sa aking lambanog na hinog na hinog,
ang suwabe ay sagradong niyugan at palaspas,
ang nunal na hindi mabura-bura ng mababangis
na bagyo, sakit, at pananakop
bagkus ay patuloy na bumabangon, tumatatag——
mula sa liblib na baybay o dalisdis ng bundok,
mula sa mga bisig na kumakarit ng mga bituin,
mula sa mga binting nanunulay sa alanganin,
mula sa mga himig na sumasayaw sa guniguni,
mula sa pag-asang subók sa iba’t ibang simoy.
 
Nakapapasò ang guhit at sumisipa
nang marahan,
ang lambanog na ito pagkalipas ng isang siglo
ay epiko ng komunidad na babalik-balikan ko.
Alimbúkad: Unspoken poetry imagination. Photo by Elina Sazonova on Pexels.com

Oras, ni Roberto T. Añonuevo

Oras
 
Roberto T. Añonuevo
 
Nag-iimpok ng luha ang gabi,
kumukuliglig nang walang humpay
sa abandonadong hardin,
waring ibinubulong
ang aking pangalan,
at pumukaw ka sa aking pag-iisa
nang buklatin ko ang mga retrato
sa aking alaala:
 
Isang lungsod na halos isang milyon
ang populasyon,
ngayon ay parang multong naglalakad
sa kalyeng katumbas ng sampung
siksikang ospital.
 
Wari ko’y nagasgas ang aking puso.
 
Umaalulong ang mga askal——
marahil sa gutom, marahil sa simoy.
Nagkalat ang mga tuyong dahon
sa aking paanan,
at nang tingnan ko ang relo
ay parang magugunaw ang mundo.
 
Humahagibis ang ambulansiya,
sumisigaw ang masipag na sirena,
parang pinauuwi ako, pinauuwi
sa kung saang destinasyon,
ngunit nang sumilay ang ngiti mo
sa aking balintataw,
naglaho ang kilabot ng pagpanaw.
 
Nahihilam ang mga mata sa pagod,
hindi tulad ng titig mong humahagod.
Naaamoy ko sa malayo
ang bagong lutong pansit bato;
at marahil, kung naririto ka,
may isang tasa ng umaasóng kape
ang naghihintay sa rabaw ng mesa.
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Engin Akyurt on Pexels.com

Anggulo, ni Roberto T. Añonuevo

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Asul na paningin sa kayumangging talukap, na binagayan ng malalantik pilik na itim at lilang kilay, bukod sa ilong na mamula-mula sa mapusyaw na puting pisngi at pink na labì, bakit ka dumidilat na sugat kapag tinamaan ng sinag ngayong nasa harap ko’t minamasdan? Bahaghari ang mukha mo kung iibigin, nasa pagitan ng payaso at supermodel, ngunit walang aasahang gusi ng ginto sa magkabilang dulo. Kapag nakukutuban kong umuulan sa iyong kalooban, waring abo ang lahat sa paligid. Abo ako, at abo ikaw, at sa isang iglap, ang newtral na kulay ay kawalan ng sinag. Kung isinilang akong bulag, ang masasalat ko’y walang hanggang dilim na kumakain at nagsisilang sa akin, ang isasaharaya kong orihinal na kulay mo rin na tangi kong alam, at marahil, magiging banyaga sa akin kung sumapit ang liwanag at pumutok ang selebrasyon ng mga kulay, mula man sa iba o sa iyong mga mata, na sa aking palagay ay mahirap ngunit dapat kong makilala.

Alimbúkad: Pure poetry passion unleashed. Photo by Ramona Duque on Pexels.com

Pintakasi

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Tumilaok ang limampung tandang sa bakuran ng aking umaga, at parang magigiba ang bahay sa pagtawag sa aking pangalan. “Meron! Wala! Meroooon! Walaaaaa!” Ito ang sandali sa pagkilatis sa balahibo. Limampung tandang at limampung agahan ay limampung soltada ng pakikipagsapalaran ang naglalaro sa aking gunam-gunam. Malilimot ko ang pamilya at pangalan na parang iglap na paglipad at pagpupog, upang pag-uwi ay makapagpatayo ng bahay at makapagbalato sa mahabang pila na umaasa sa ayuda. Sa limampung sabungan, ilang kombinasyon ng parada ang maibibigay sa aking mga manok? Ay! Limampung pares ng pakpak. Limampung tari. Limampung tuka. Limampung sabungerong nakaaamoy ng pang-ilalim at pilay, ako na mukhang dehado ay kutob ang liyamado sa libong dibersiyon mula sa lingguhang pagdalaw ng mga tahor. Hindi ko maramdaman ang gutom, hindi gaya ng aking mga bulik, ngunit ang pananabik, kahit sa pinapatos na tupada, ay higit sa alak na nakaaadik. Susubaybayan ko ang bawat bitaw, hindi man batikang sentensiyador; at magtitiwala nang palihim sa potograpikong memorya ng kumpareng kristo—na nakapako wari sa akin ang mga paa at mata.

(Salamat kay Tatang Temyong)

Alimbúkad world-class prose poetry from Filipinas. Photo by Vincent Tan on Pexels.com

Pananabik, ni Roberto T. Añonuevo

Pananabik

Roberto T. Añonuevo

1
Ang pananabik ay naikukubli sa paghuhugas ng pinggan
at baso, na tila hindi maubos-ubos doon sa lababo.

Magmamantika ang mga palad mo, at iisipin na lámang
na ang bulâ ng sabon ay balikbayan mula sa ibayo.

2
Ang pananabik ay walang espasyo at panahon.
Minsan, nagpapakita ito sa gitna ng trabaho,
nagbibihis ng papeles na tambak sa harap mo.

Ngunit kay gaan ng iyong puso sa ritmo ng daigdig.

3
Ang pananabik ay napakahaba, napakabagal
na pila, na parang isang kilometrong sawá,

at kung ikaw ang nasa dulo ng buntot,
maiisip ang walang katuparang pangako—
gaya ng mula sa politiko na ibinulsa ang ayuda.

4
Magpapahaba ka ng buhok dahil sa labis na inip,
at di-alintana kung pumuti ang bigote o balbas.

Ngunit kapag sumusuot sa guniguni ang inaasam,
pipiliin mong maging hubad at kalbong naglalakad,

na parang iyon na ang pangwakas na araw
ng lahat ng salon at barberya.

5
Naantalang kartero o sulatroniko ang pananabik.
Silip ka nang silip mula sa bintana,
at bumubungad sa paningin mo ang mga sáko
ng basurang hahakutin ng mga basurero.

Maiinggit ka, sapagkat hindi ikaw ang hinakot nila.

6
Kapag may narinig kang eroplanong nagdaan,
ang akala mo’y dumating na ang hinihintay.

Maririnig sa iyo ang paboritong “Sana, sana. . . “
at hindi na muling manonood ng Koreanobela.

Bakit luluha kung sakali’t wala ang sinisinta?

7
Nakababaliw ang pananabik, kayâ naititindig
ang pinangarap na bahay,
at nakalilikha ng hardin ng mga gulay o bulaklak.

Magninilay ka sa inilatag na mga graba sa daan,
sa munting talón malapit sa pader,
at kapag may naligaw doon na paruparo o maya
magpaparaya ka sa kanilang pulut-gatâ—

na parang ikaw ang Bathala nilang lumuluha.

8
May samyo ng umaasóng sinaing ang pananabik.
Nakahanda ang hapag-kainan at naghihintay.

Susulyapan mo ang selfon at magkukunwari
na ang mahal ay dumating, at ngayon ay kapiling.

9
Mabibigo kang itala sa isip ang iyong pananabik.
Susulat ka nang susulat, kahit sa sahig o dingding,
para tawagin bilang sining,
para tawagin bilang tula,
at lilikha ka ng libong talinghaga hindi man makata.

Sapagkat siya ang iyong walang hanggang pag-ibig.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Jack Sloop @ unsplash.com