Ang Emperatris, ni Janine Pommy Vega

Salin ng “Empress,” ni Janine Pommy Vega ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Emperatris

Para kay R.S.

Ngayong takipsilim, mayroong
sandaling si Venus
ay nagniningning mula sa kanluran
at umaahon sa maulop na pampang
ang buwan sa silangang kabundukan
Ang musikang pinatutugtog nila
sa kasal ay umaalunignig sa pandinig

Dala-dala mo ang gayong yumi—
ang mga minutong pumipitlag, sakâ
ang naturang katapangan
sa pakikihalubilo isang hápon
habang minamasdan ang lambak sa ibaba

May higit pa sa ganitong tagpo,
isang tagumpay na hindi ko matutukoy
ang katiyakan ng hayop na naglalakad
sa gubat, naghahandog ng lahat
ng kilos nang matatag ang kariktan

Maiisip lamang ang gayong mapagparayang
tikas sa harap ng mga simoy ng pagbabago,
gawing trono ang anumang makita sa daan,
ang mapagpalang pook na matatahanan,
ang mga hayop na nagtipon sa bangan
ang tigmak na pelaheng umaasóng
sumasaksi nang may pagkabighani sa sinag
na lumiliyab sa loob ng katawang
gaya ng sa paslit.

Pakiramdam ko’y lumusong ako
sa mga sinaunang bulwagan, ni walang
kaluskos ng hakbang ang gumagambala
sa dinaraanan
bumubulusok pababa sa landas
na malimit kong ginuguni-gunita.

Ito ang bagay na nasa kalooban natin
na dinudulugan nang may maskara,
nang maisuot siya mula sa loob, maging
karapat-dapat sa gayong kaningningan,
di-nagkakamali sa piling ng mga bituin,
isuot ang kapa
na minana mula sa mga salinlahi

Ang posibilidad ng lahat
na hinipo
nang sumibol tungo sa gayong liwanag
na lumalaganap sa loob mismo
ang palaging umiiral doon bilang binhi.

Shady, NY, Nobyembre 7, 1976

Ang Unang Digmaan, ni Samuel ha-Nagid

Salin ng tula ni Samuel ha-Nagid (Ismail Ibn Nagrelʿa)
ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Unang Digmaan

Ang unang digmaan ay kamukha
. . . . . .. . .  .ng magandang dalaginding
at lahat tayo’y sabik na manligaw
sa kaniya at maniwala.

Pagkaraan, unti-unti itong nagiging
kasuklam-suklam na ubaning puta
. . . . . . . . .na ang mga suki’y napopoot
at humahagulhol.

Ang Bugsók, ni Samuel ha-Nagid

Salin ng tula ni Samuel ha-Nagid (Ismail Ibn Nagrelʿa)
ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bugsók

Ipagpapalit ko ang lahat sa isang bugsók
na bumabangon tuwing gabi nang taglay
ang kaniyang kudyapi at plawta,
at nang makita ang tangan kong kopa
ay biglang nagwikang,
“Inumin ang duguang bignáy sa bibig ko!”
At ang buwan, na nabiyak na pakwan
sa balabal na itim, ay iginuhit sa bulawan.

Bugsók

Wakas ng 1968, ni Eugenio Montale

Salin ng “Fine del ’68,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Wakas ng 1968

Pinagnilayan ko mula sa buwan o kawangis
nito ang munting planetang nagtataglay
ng pilosopiya, teolohiya, politika,
pornograpiya, literatura, siyensiya,
lantad man o lingid. Nasa loob niyon
ang tao, na kasama ko, at kakatwa ang lahat.

Ilang oras pa’y hatinggabi na at ang taon
ay magwawakas sa pagsabog ng tapón ng alak
at ng mga paputok. O kaya’y bomba o higit pa,
ngunit hindi rito sa kinaroroonan ko. Hindi
mahalaga kung may mamatay, hangga’t walang
nakakikilala sa kaniya, hangga’t napakalayo niya.

Ang Henyo, ni Eugenio Montale

Salin ng “Il genio,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Henyo

Hindi nagwiwika, sa kasamaang-palad,
sa sarili nitong bibig ang henyo.

Nag-iiwan ng kaunting bákas ng hakbang
ang henyo, gaya ng kuneho sa niyebe.

Ang kalikasan ng henyo’y kapag huminto
ito sa paglakad, nagiging paralisado
ang lahat ng kasangkapan.

At hihinto ang mundo, maghihintay
ng kunehong makatatawid
sa malabong pagbuhos ng niyebe.

Matatag at maliksi sa angking sayaw,
hindi nito nababása ang mga markang
malaon nang naabó,
napakalalim.

Pagkaraan sa tahanan ng Baba Yaga, ni Roberto T. Añonuevo

Ang taytay na nag-uugnay sa bundok
at kastilyo
. . . . . . . . . ang tinatahak ng guniguni mo
na lumilingon para sa hinaharap,
at humaharap para muling sumulyap
sa anino at relo.

Wala ito sa aklat; nakatatak itong pilat.

Hindi nag-aaral ang simoy kung saan
iikot upang mag-iwan ng mga alabok.
Parang sirang plaka
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang lipad ng mga ibon.

Nagtatanong ba ang hangin sa ugat?
na retorika ng palusot sa palaisipan.

Samantala, nauubos ang kilay ng unggoy
upang maging hari
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . at upang maisuot
ang kamalayan ng imperyo,
. . . . . . . . . . . .o nang makahiga sa mga hiyas
kapiling ang tropeo ng mga kabalyero.

Ang taytay, gaano man kahaba, ay ulap
na iyong niyayapakan.
. . . . . . . . . .  .Maglalakad kang may bagwis
ang ulirat,
. . . . . . . . . . .  .at matatagpuan sa mga palad
ang mapa ng mga balak at tadhana,
gaya ng halimaw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa kristal na tasa
o lason mula sa pinilakang tenedor.

Kung ang sibilisasyon ay naipupundar
sa mga salita,
ang mga salita mo’y kalansay at dugo,
na kusang nagtatatwa at nagtataksil
sa sarili,
lumilikha ng arkitektura ng mga elipsis,
at nasa diksiyonaryo ng mga tahimik.

Isang hakbang pa, at bubulaga sa iyo
ang walang pangalang pangarap,
ang walang pangalang kumukurap—
. . . . . . . . . . .tawagin man itong katubusan
ng payasong umiiyak.

Malalagot na ang mga lubid ng taytay.

Ngunit hindi ka lilingon, bagkus lalakad
nang lalakad,
lumulutang—wala ni kimera sa batok,
walang kausap na Baudelaire o Borges
ngunit tahimik at buo
ang loob, gaya ng simoy na sumasalpok
sa moog na bumabakod sa kalawakan:

isang librong nagwiwiski sa Bagong Taon.

Pag-ibig, ni Nikos Engonopoulos

Salin ng “Love” ni Nikos Engonopoulos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pag-ibig

Paalis na tayo. Ngunit bago maghiwalay, sabay nating awitin ang himig ng batong awtomobil. Kapag sinabing “bato,” gayunman, ay dapat maging tiyak: matatagpuan sa mga sulok ang mga bato; at ang iba pa’y ladrilyo at tabla, gaya ng karaniwan, na may mga gulong ng tintura de yodo. Pasanin natin ang gunita ng maningning na laberinto at ang magkakambal waring bato ng mga kahong arsonista. Tulad ng nakagawian, ang direksiyon pakanan, tungo sa abandonadong bangka ang nagpapailaw sa ating pag-ibig. Paggunita at kalooban ng aspalto: Poseidon. Para sa akin, ang bituin ay aawitin sa loob ng kaha ang awit ng aking tuwa sa pamamagitan ng lagari. Huwag hayaang sumunod sa akin ang sinuman. Hayaang magpahinga ang lahat, gaya ng mga mitolohikong kandelabra at plaka ng pararayos. Na may mga ibon, na may isang ibon, na may dalawang ibon.

Panahong Malangis, ni Ernest Hemingway

Salin ng “Oily Weather,” ni Ernest Hemingway ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Panahong Malangis

Lunggati ng dagat ang malalalim na kasko—
Tumataog ito at pagulong-gulong ang alon.
Lumalangitngit ang pagpihit ng elisi—
Tumutulak, pumipitlag, umuuswag.
Sumusulong ang dagat nang may pag-ibig
Na sumusulak, humahaplos-haplos,
Pinaaálon ang malaki’t maalab na pusón.
Ang dagat ay dambuhala at hukluban—
Na inuuyam ng mga barkong kakatál-katál.

Mga Bato, ni Yannis Ritsos

Salin ng “Stones,” ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Bato

Sumasapit, lumilipas ang mga araw nang magaan at karaniwan.
Tigmak ang mga bato sa liwanag at gunita.
May isang isinasaping unan ang bato.
May ibang naglalagay ng bato sa damit bago lumangoy
upang makaiwas tangayin ng simoy. May gumagamit ng bato
bilang upuan
o upang tandaan ang isang bagay sa bukid, sa sementeryo,
sa dingding, sa kahuyan.
Nang lumaon, matapos ang takipsilim, kapag nakauwi sa bahay,
alinmang bato mula sa dalampasigan na ilapag mo sa mesa’y
munting estatwa—isang maliit na Nike o aso ni Artemis,
at ang isang ito, na tinapakan ng kabataang basâ ang mga paa
noong hápon, ay si Patroklus na malamlam ang pilik na pikit.

Alimbukad: Poetry Imagination

Ang Magsing-irog ng Tlatelolco, ni Elsa Cross

Salin ng “Los amantes de Tlatelolco,” ni Elsa Cross ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Magsing-irog ng Tlatelolco

Para kay Teresa Franco

Halos kaaahon lámang nila mula sa anino.
Mga bulóng nila’y
. . . . . . . . . . . . . .  .nagpaalsa ng banayad na hiwatig
sa paanan ng kontrapuwerte.
Kumikislap ang puting sapatos nilang pantenis.

Lumayo sa likod ng mga bato
pagdaka’y bumalikwas sa isa’t isa,
nakaligtaan nila sa kanilang mga labì
ang hiyaw ng mga masaker,
ang mga dibdib na biniyak ng lakas na obsidyana
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .o bayoneta—

hindi alintana ang aninong tumakip sa kanila,
ang kabataang magsing-irog ay nagbulungan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .o nanatiling tahimik,
habang ang gabi’y lumalaganap sa mga guho,
lumulukob sa mga haligi ng mga templo,
sa mga inskripsiyon.

At sa ibayo, naroon sa urna
ang dalawang kalansay na magkayakap
sa kanilang maalikabok na higaan,
sa ilalim ng kristal na ang mga bulaklak
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na handog ay nakabilad.