Ang Emperador, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Emperador

Roberto T. Añonuevo

Umiiyak na sanggol ang mga panalangin
Sa pusod ng dambuhalang katedral
Na kapatid
Ng tanikala ng mga barong-barong,
At narinig ito
Ng mga ibon
Ng mga mithi,
At lumipad at tinangay yaon
upang lumapág at humápon sa aking mesa.

Ang tinig, ano’t nagtitinikling
Sa mga lapis at ilang kinuyumos na papel!
Ipinaling ko ang tingin
Sa relo,
At kisapmatang huminto ang inog ng mundo
na tuminag sa aking espasyo.
Makahihindi ba ang langit sa munting anghel
Kung wala rito ang Maykapal?

Nag-iwan ng mga balahibo
Sa balintataw ko
Ang mga paglipad,
Ang pagód na pagód na paglipad,
At marahil, nakasalubong nito ang mag-anak
Na lumiban
Sa hapunan,
Subalit nangangarap ng kaligtasan sa labas
Ng bintana.

Baká tinangay ng mga tuka ang mga uhay
Na magpapasimula
Sa planong bukirin
Para sa mga mangingisda
Na napilitang kumahig sa buhangin?
Sakali’t gayon, ang hinaing ng karpintero
ay dapat tumbasan ng pagbuo ng mga ataul.

Sa papel na nakalapag sa mesa’y nakasulat:
“.  .  . At sa laberinto ng mga balón at yungib,
Kumakawag ang ilang isda na magpaparami
Nang likás para sa nagbabadyang tagsalat.”

Ang inosenteng iyak
Ay tumalbog-talbog sa rabaw ng aking mesa.
Kahit ako magtukop ng mga tainga
At pumikit
Ay naririnig ang sariling tákot na nakabibingi;
Parang mga kampanilya sa des-oras ng gabi
Ang mahabang pila
Ng mga kalansay
Na kumakatok sa guniguni.  .  .
Hinahabol din ako
Ng antigong batingaw
Mula sa mga umaasa’t alaga ng kuwarentenas
Sa ngalan man
Ng nabalam na rasyon ng mga de-lata’t bigas.

Sa akin ba sila maglilintanya ng hinanakit
Kung awtoridad
Na maituturing,
Habang umaalat ang mga pisngi sa pawis
Ng pagtitimpi, pagtitiis?
Ang araw na ito’y ilalaan pa ba sa hukluban?
Tanghalian ba ng mga pating
Ang mga bangkay na magbabalik sa laot?
Ang mga sagot ay anong gandang palaisipan
para sa mga yayao,
lalo’t paunti nang paunti ang mga gatong.

Ngunit kailangan kong dumilat
Sapagkat dapat gampanan
Ang tungkulin ng kataas-taasaan at realidad.
Ipinababa ko ang krus at watawat sa tore
At binasag
Ang hanay ng mga deboto—sa isang utos.
Ngunit hindi tumatahan ang sanggol.
Tumatahan ay hinding-hindi ang sanggol
Hanggang mag-ihit.
Hinipan ng simoy
Ang mga balahibo
Palabas ng bintana pagsapit ng liwayway,
At nagpaginhawa sa akin ang gayong tagpo.

At ako na nakaupo sa paboritong trono
Ay titig na titig nang walang pagkasawà
Sa nakalatag na mapa—
Ang mapa na natigmak sa lumigwak na tsaa
Na wari ko’y pamilyar na dagat
Ng mga luha
Mula sa mga sisinghap-singhap na anghel.
Sa ilalim ng bituin, sa ilalim ng pangalan
At ekis,
Nakaturo ang balani ng iniingatan kong
Paraluman
Sa isla ng Ikaapatnapung Gabi.
Umiiyak na sanggol ang mga panalangin. . . .

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Sila, ni Cirilo F. Bautista

Salin ng “They,” ni Cirilo F. Bautista ng Filipinas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sila

Bakit kailangang bulabugin nila ang ating mundo?
Bakit kailangan nilang tapyasin habang lumalaon
ang mga marmol na monumento ng ating sapó-sapóng
gútom at pagpupunyagi? Ang ubod ng ating panahon

para sa kanila ay papel na pútong sa paghaharì,
at ang sigasig nating ipagsanggalang ang angking dangal
laban sa mga hishis-laguklok ng tumitinding hapdî
ay kakatwang bátik sa panig nila, na dapat pagtakpan.

Napopoot ka sa kanila, at likás lang na madamá,
nang mapanatili ang kalayaan ng iyong damdamin;
ngunit dapat nating baguhin iyan hangga’t makakáya
sa anyo ng karunungan at balanì, gaya ng sining.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

 

Mga Pison, ni Nikos Engonopoulos

Salin ng “Steamrollers,” ni Nikos Engonopoulos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pison

Isang bagay na yari sa solidong goma ang aking puso. Taglay nito ang dalawang makirot, walang kuwentang kukóng kristal. Pinulot ko ang bagay na ito, at habang ipinipiglas nito ang kapuwa mga kamay at paa, naisilid ko ito sa kahonera na lihim kong pinagtataguan ng mga salita at kuwento mula sa nayon ng mga bisikleta. Hindi ako natatakot sa dalagang suot-suot ang uten o ang lalaking may mga pelaheng mata na manhik-manaog sa hagdan. Noon pa mang bata pa ako’y nakilala ko na ang salamin ng mga bulaklak. Inaawit ko ang kadakilaan ng mga pison, pinupuri ang kadalisayan ng mga salmo ng mga bote, habang ang kuwagong papel ay ibinubulong tungo sa aking tainga—na may imbudo—ang salitang “estranghero.”

Mga Ebanghelyo, ni Liyou Libsekal

Salin ng “Gospels,” ni Liyou Libsekal ng Ethiopia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Ebanghelyo

Umiiral ako sa kama ng mga araw at papel
sa pagitan ng mga hibla ng abuhing suweter
na naghihimulmol, nakakalas. Hindi ako
napalayô mula sa aking mga ebanghelyo.

Humahabi ang oras, at ako’y nangangalap
ng mga salita, isang libingan ng mga panulat
at ibinasura’t gastadong mga talâ.
Makupad akong kumilos at napakasamâ.

Nanliliit ako at hirap ang pakiramdam
sa pagsusuot ng lumang pangginaw.
Nisnis na’t kulang-palad sa paningin,
ako’y marupok sa kaguluhang walang tigil.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs.

Kaibigan, ni Roberto T. Añonuevo

Kaibigan

Roberto T. Añonuevo

Dumarami sila, gaya sa bisperas ng pista, at magpapakilala, sakâ makíkipágsayá, habang ikaw ang bumabangkâ, ngunit biglang maglalahò kapag sumapit ka at tumindig o umupo sa gilid sa bangin. Hindi nila mauunawaan ang rikit ng panginorin, bagkus malululà sa panganib ng bato o alon na sasalo sa kanila sa kailaliman. Ikakatwiran nila ang kanilang seguridad, trabaho, pangalan, pamilya, at kung ano-ano pang bagay—iiwas sa iyong anyong sumasalungat sa agos na karaniwan—at hindi mo alam kung karapat-dapat sila sa taguring ibig. Ano ang kaibig-ibig sa kanila, at pagtalikod mo’y bumubukad ang kani-kanilang bibig upang magbunyag ng pangil, kamandag, o dilang lumalatay hanggang iyong anino? Mababait sila kung ikaw ay may silbi sa kanila, at iyan ang katotohanang ipagugunita ng iyong laptop o selfon. Masusubok sila sa alak o papel, at masusubok ang kanilang balak o koneksiyon, hanggang sa madamong lupaing kinatatayuan mo. Mabilis silang mapawi gaya ng usok mula sa kusina o sigâ, kapag dumarating ang maiitim na tsismis o balita. Ngunit ang totoo sa kanila’y hindi nang-iiwan, itaga mo sa bato, at hindi nangangambang maulingan ang mukha pagtabi sa iyo; o malangisan ang kamay, maghugas man siya ng kaserola’t pinggan, o kaya’y maghigpit ng lumuwag na tornilyo sa iyong pilipisan.

Stop illegal arrest. No to arbitrary detention.