Ulo, ni Roberto T. Añonuevo

Ulo

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Nagpapakilala ka sa daigdig tulad ng pagsuot sa karayom, at sinusukat ang iyong nakaraan at kasalukuyan sa gunita at guniguni. Ang hugis mo ang katwiran ng pamihiin; ang nunal ang mapa ng propesiya. Mahimalang nahuhulaan sa puyó mo ang direksiyon ng bagyo ng bungo; at ipuputong sa iyo ang koronang ipamamana ng pambihirang bálat at balát.

Sisinagan ka, at maiisip na pumapasok wari sa bumbunan ang kaluluwa. Huhugasan ka sa ngalan ng pananalig, hahagkan sa paggalang, at kukutusan sa inis kung kinakailangan. Sapagkat ikaw ang mukha ng umaga at mukha ng takipsilim, at mababanaag sa iyo ang demograpiya ng tuwa o lungkot, at ang pilosopiya ng enerhiya at moda ng panahon.

Ikaw ang pinuno; ikaw ang balita. Nag-iisa ka ngunit dalubhasa sa multiplikasyon: Kilala mo ang libong silid at napararami mo ang sarili tulad ng iba pang masunuring anak ng tupa na pumipila sa atas ng palengke at hukuman. Sa ngalan ng proteksiyon, magsusuot ka ng helmet o kondom. Sa ngalan ng proteksiyon, magpapabago-bago ka ng sombrero at maskara. Sa ngalan ng proteksiyon, magtutukop ka, bago harapin ang lubid o palakol na lumuluha sa pawis.

Bibilugin ka sa doktrina ng modernisasyon at nagbabangayang uri. Malulula ka sa mga inaakalang tagumpay, at maliliyo sa  samot na sabunot, kung hindi man pagkapanot, dahil sa problema ng daigdig. Mabubura sa noo mo ang wika ng magulang, at mahihigop ka ng mga pangako na pawang nakatundos sa bukirin ng mga pakò o kung hindi’y nakalista sa mga imahen ng selfon. Maliligo ka ngunit mananatili ang mga kuto sa kukote, at hindi maglalaon ay malilimot mo dahil sa katí ang sariling pangalan at ang pangalan ng lupang tinubuan.

Gayunman, ituturo sa iyo ng tadhana ang bisa ng untog, bigwas, dura, sampal. Didilat ka nang nakangudngod sa maraming pagkakataon, at didilat  isang araw nang nakatihaya na waring kumakausap sa mga desperadong anghel. Itatanong mo kung nasaan ka, sasalatin ang mga bukol o sugat, at itatanong ang lahat ng tanong sa kamukha mong ano’t wari’y halimaw. Mababaliw ka sa oras na niyanig ng mabibilis na tibok ang puso, at kung ikaw ay tunay na umiibig, ang bibigkasin mo ay higit sa maidudulot ng buto at lamán. Lulundag ang iyong lohika sa espasyo, at makakikita ka ng bahaghari kahit nakatindig sa gilid ng bangin.

At kapag nawala ka sa dami ng tinig na kumakausap sa iyo, ang kakambal mo sa ibabang espero ang babangon mula sa malaong pagkakahimbing—upang mangaral sa kapisanan ng mga robot at mortal.

Advertisements

Parabula ni Juan Wika, ni Roberto T. Añonuevo

Parabula ni Juan Wika

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Wika ang limitasyon ng ating guniguni, kaisipan, lunggati. Nililinang natin ang wika, aminin man natin o hindi, sapagkat dumadako tayo sa dulo ng ating lansangan, ang lansangang inaakala nating magbubunyag ng daigdig, ngunit ang totoo’y putol na riles, o bangkay na naglalakad ngunit pipi, ang sumasalubong sa atin. Nananaginip tayo sa wika, at ngayon, sumasarap ang pagkain dahil sa wika, tumatangkad tayo sa wika, kumikinis ang kutis sa wika, bumabango ang ating hininga sa wika, at naiiwan ang halimuyak sa ating mga damit at singit dahil sa wika. Sumisikat tayo dahil sa wika, lumalakas tayo dahil sa wika, at yumayaman tayo sa utang o pautang dahil sa wika. Makasasakay tayo sa motorsiklo o submarino dahil sa wika, at makalilipad gaya ni Darna dahil sa wika. Subalit sa oras na masalubong natin ang ibang nilalang na bigo tayong maunawaan, at tumatangging umunawa sa atin, at nagggigiit na sila lámang ang may monopolyo ng alpabeto at alpabeto ng kasarian, umuuwi tayong dungo at tulala sapagkat minsan pa’y nalinlang sa kontrata, ninakawan ng titulo ng lupa at titulo sa propesyon, o kaya’y hinahagad ng batas sa ngalan ng seguridad at kaunlaran. Sapagkat ang wika ay hindi na atin; ang wika ay nagmumula sa apat na panig at hatid ng mga banyagang simoy. Nasisinghot natin ang simoy na ito na taglay ang awiwit ng mga barkong sakay ang tone-toneladang produkto at serbisyo, armado ng tratado at negosyanteng politiko, at kung ang mga ito rin ang alagad ng wika, ang wikang ito—na kinakanaw sa ating gunam at isinusuka ng ating puso—ang magpapahiwatig ng limitasyon sa pagbubuo ng sarili at milyon-milyong sarili, tawagin man itong katutubo, tawagin man itong Filipino.

Panggulo, ni Roberto T. Añonuevo

Pangguló

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Gumagapang sa disyerto ang anino, at ang anino ay nangangarap ng kabundukan ng yelo. Paikot-ikot sa himpapawid ang buwitre kung hindi man agila, at doon sa pusod ng kapatagan, nakanganga ang bulkan sa pusong mamon.

Humiyaw ang bagyo ng buhangin pagkaraan, ngunit sa loob ng utak ay humahalakhak ang bughaw na dagat habang nagpapaligsahan wari ang mga lumba-lumba’t isdanlawin. Sumasayaw sa lupain ang ulupong, at ang karabanang itinihaya ng pagod at pangamba ay nalusaw na halumigmig sa nakapapasong lawas na nilalagnat.

“Nasaan ka, aking Panginoon?” himutok niya. “Kailan mo ako ililigtas? Kailan.  .  .  .”

Maya-maya’y lumangitngit ang kalawanging seradura, o yaon ang guniguning tunog. At nang mabuksan ang pinto sa noo, tumambad sa balintataw ang huklubang payasong bahaghari ang kasuotan — na inaalalayan ng pitong musang lastag. Tumayo ang anino mula sa labis na inis at inip, at hinulaan niyang hindi, hindi kailanman magugunaw ang daigdig.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs! Yes to humanity! Yes to poetry!

Pakiramdam ng Pagiging Guro, ni Idries Shah

Salin ng “How it Feels to be a Teacher” ni Idries Shah mula sa India.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Itinampok ang pagkaguro sa kathang Nurbakshi sa ganitong paraan:

“Ang guro ay tila dalubhasang artesano sa isang bayan na ang mga tao’y hangad ang likhang-sining ngunit pinapangarap na isagawa iyon sa gitna ng dilim. Siya ay parang agila sa loob ng hawla, na pinagkaitang lumipad at makatanaw, ngunit inuupahan ng mga tambay para sa kalugurang biswal. Siya ay waring leon sa malalim na hukay, na pinapainan ng mga mangmang at hinahangaan ng mga tao na mahilig magsuot ng kalawanging abrigo. Kaparis siya ng langgam, na nakaimbento ng bahay, at nangangarap na mahihimok niya ang tao na tularan siya. Para siyang uwak, at nagpapamalas sa tao kung paano ililibing ang kaniyang mga yumao, habang nakamasid ang tao at nagugulumihanan, yamang batid niyang kaya niyang matuto subalit hindi isinasahinagap kung ano ang dapat matutuhan mula sa ginagawa ng uwak.

“Lahat ng Mago ay dapat matuto kung paano isasalin sa sinuman ang taglay na karunungan. Ngunit magagawa lamang nila iyon kung ang mag-aaral ay bukás matuto ng kung anong dapat pag-aralan, at kung paano siya dapat matuto. Ang paraan ng pagkatuto ang unang dapat niyang ituro. Hindi ka estudyante hangga’t hindi ka handang mag-aral ng paraan ng pagkatuto. At kung ang guro mo’y pinapayuhan kang matuto sa pamamagitan ng mga salita, o gawa, o kaya’y sa paghuhurno ng tinapay, ay iyan ang iyong paraan.”

Ang Tula

Nakaligtaan, at sabihin nang naiwaglit ko ang tula, at para itong maleta na natabunan ng libo-libong maleta, bag, at kargada sa kung saang lupalop. Hindi ko maipagpatuloy ang biyahe, sapagkat ang isang maleta ay makapagtataglay ng epiko ng pakikipagsapalaran o kaya’y walang katumbas na yaman, at binabagabag ako ng panghihinayang sa naglahong minamahal.

Hinahanap ko ang aking tula at hindi ko matagpuan.

Nagtanong-tanong ako sa bawat makasalubong, at isinalaysay ang aking pagpapabaya, hanggang isang araw ay makilala ang pilay na lalaking palaboy at ituro niya ang bodega na maaaring nagtatago niyon. Bagaman may pag-aalinlangan ay pumunta ako sa sinabing kalye at numero ng lugar. Sumapit ako nang maghahatinggabi, at nang tumimbre sa pader ay sumalubong ang matandang babae. “Ano ang kailangan mo, iho?” usisa niya.

Isinalaysay ko ang pagkawala ng aking tula, na nakasilid sa plastik, at nagbaka-sakaling doon sa bodega ng matanda napadpad.

Napangiti ang babae, at dumukot sa bulsa ng kaniyang gulanit na palda. “Ito ba ang hinahanap mo?” sabay pakita ng naninilaw na larawan ng dalagang matikas, nakangiti, at may asul na titig.

Imbes na tumugon ay pumikit ako at bumuka ang aking bibig, at mula sa aking lalamunan ay umahon ang mga kataga na parang libo-libong maleta, bag, at kargadang may tatak at pangalan na pawang iniluluwal sa mga paliparan at pantalan. Tumakas sa aking pilik at talukap ang luha, at sumisigaw sa aking pilipisan na hindi ko na kaya pang tumula. Napatungo ako at humagulgol.

Walang ano-ano’y may tumapik sa aking balikat, at pag-angat ko ng ulo’y bumungad sa aking harap ang babaeng nasa larawan, at bumibigkas ng mga talinghaga na hindi kailanman, aniya, kahit minsan, naghunos na banyaga.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.

Dalawang Parabula ni Kahlil Gibran

Parabula at tulang tuluyan ni Kahlil Gibran
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG BALYÁN

Sinabi ko minsan sa balyán, “Pagod ka na marahil sa katatayo sa malungkot na bukiring ito.”

At sumagot siya, “Malalim at tumatagal ang tuwa ng pangangalaga, at hindi ako kailanman napagal.”

Sumabat ako, makaraan ang isang minutong pag-iisip, “Totoo iyan; dahil ako rin ay nabatid ang ganiyang kasiyahan.”

“Tanging ang siksik sa dayami,” ani Balyán, “ang makababatid niyon.”

At iniwan ko siya, nang hindi alam kung pumapanig ba siya sa akin o minamaliit ako.

Lumipas ang isang taon, at ang balyan ay naghunos na pilosopo.

At nang muling mapadaan ako sa harap niya, nakita ko ang dalawang uwak na gumagawa ng pugad sa ilalim ng kaniyang salakot.

BATHALA

Noong sinaunang panahon, nang ang unang pangangatal ng pagsasalita’y sumapit sa aking labi, umakyat ako sa sagradong bundok at kinausap ang Diyos, saka nagwikang, “Panginoon, ako ang iyong alipin. Batas ko ang lihim mong niloloob, at susundin kita magpakailanman.”

Ngunit hindi tumugon ang Diyos, at gaya ng malakas na unos ay biglang naglaho.

At pagkaraan ng sanlibong taon, umakyat ako sa sagradong bundok at muling kinausap ang Diyos, at nagwikang, “Maykapal, ako ang iyong likha. Hinubog mo ako mula sa luad at utang ko sa iyo ang lahat.”

At hindi tumugon ang Diyos, at tulad ng laksang bagwis ay lumipad kung saan.

At pagkaran ng sanlibong taon, inakyat ko ang sagradong bundok at muling kinausap ang Diyos, saka nagwikang, “Ama, ako ang iyong anak. Isinilang mo ako sa awa at pag-ibig, at sa pamamagitan ng pag-ibig at pagsamba’y mamanahin ko ang iyong kaharian.”

At hindi sumagot ang Diyos, at gaya ng ulop na lumulukob sa malalayong dalisdis ay naglaho kung saan.

At pagkaraan ng sanlibong taon, inakyat ko ang sagradong bundok at muling kinausap ang Diyos, at nagsabing, “Diyos ko, ikaw ang aking mithi at kaganapan, ako ang iyong nakaraan at ikaw ang aking bukas. Ako ang iyong ugat sa lupa at ikaw ang aking bulaklak sa kalawakan, at sabay tayong lumalago sa harap ng mukha ng araw.”

At humilig sa akin ang Diyos, at bumulong ng matatamis na salita sa aking pandinig, at kahit gaya ng dagat na pumapalibot sa batis na dumadaloy palaot, lumukob siya sa akin.

At nang bumaba ako sa mga lambak at tinahak ang kapatagan, naroon din pala  ang Bathala.

Balyan, retrato mula sa artsibo ng Wikimedia Commons

Balyan, retrato mula sa artsibo ng Wikimedia Commons. Dominyo ng publiko.

Talinghaga ng Kabutihan ni Oscar Wilde

Dalawang tulang tuluyan ni Oscar Wilde
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG GUMAGAWA NG MABUTI

Takipsilim na at nag-iisa Siya.

At natanaw Niya sa malayo ang mga pader ng pabilog na lungsod at dumako paparoon.

At nang Siya’y malapit na, narinig Niya sa loob ng lungsod ang indak ng mga paa ng tuwa, at ang halakhak ng bibig ng kasiyahan, at ang ingay ng maraming laúd. Kumatok Siya sa tarangkahan at tiwalang ang mga taliba ang nagbukas sa Kaniya.

At sinipat Niya ang bahay na yari sa marmol na may mga haliging parisukat sa harap. Ang mga haligi’y kinuwintasan ng mga bulaklak, at sa loob at labas ay may mga sedrong sulo. At pumasok Siya sa bahay.

At nang nilandas niya ang bulwagan ng kalsedonya at ang bulwagan ng haspe, at nakarating sa mahabang bulwagan ng pista, nakita Niyang nakahiga sa lilang kutson ang lalaking may korona ng mga pulang rosas at ang labi’y pinapula ng alak.

At nagtungo Siya sa likuran nito at tinapik ang balikat, saka winika sa lalaki, “Bakit ka namumuhay nang ganito?”

At lumingon ang kabataang lalaki at nakilala Siya, at sumagot, “Ketongin ako dati at pinagaling mo ako. Paano ba ako dapat mamuhay?”

At nilisan Niya ang bahay at muling naglagalag sa lansangan.

At hindi naglaon ay nasilayan Niya ang mukha at damit na pawang pinintahan at ang mga paang may galang ng mga perlas. At sa likod ng babae’y dumating nang marahan, gaya ng mangangaso, ang binatang nakabalabal ng dalawang kulay. Kasingrikit ng mukha ng idolo ang mukha ng dilag, at ang mga mata ng kabataang lalaki’y kumikislap sa pagnanasa.

At mabilis Niyang sinundan at hinawakan ang kamay ng kabataang lalaki at nagwika, “Bakit mo tinititigan ang babaeng ito at sa gayong katusong paraan?”

At lumingon ang binata at nakilala Siya at nagsabing, “Ngunit dati akong bulag, at binigyan mo ako ng paningin. Ano pa ang dapat kong tingnan?”

At tumakbo Siya nang pasulong, at hinipo ang pinintahang kasuotan ng babae at winika sa kaniya, “Wala na bang ibang landas na malalakaran bukod sa landas ng kasalanan?”

At napalingon ang babae at nakilala Siya, at tumawa saka nagsabing, “Ngunit pinatawad mo ang aking mga kasalanan, at ang daan ay daan ng kaluguran.”

At lumabas Siya sa lungsod.

At nang makalabas siya palayo ng lungsod ay nakita Niya ang kabataang lalaking nakaupo sa gilid ng lansangan at humahagulgol.

At nilapitan Niya ang kabataan at hinaplos ang mahahabang buhok nito at nagwika, “Bakit ka umiiyak?”

At tumingala ang kabataang lalaki at nakilala Siya, at sumagot, “Ngunit namatay na ako noon, at ikaw ang bumuhay muli sa akin. Ano pa ang dapat kong gawin kundi humagulgol?”

ALAGAD NG SINING

Sumapit sa kaniyang kaluluwa isang gabi ang mithing lumikha ng hulagway ng ANG KALUGURANG NANANATILI NANG SANDALI. At ginalugad niya ang daigdig upang maghanap ng bronse. Dahil tanging sa bronse lamang siya nakapag-iisip.

Ngunit naglaho ang lahat ng bronse sa buong daigdig, at walang matagpuang bronse saanmang sulok, maliban sa imaheng bronse ng ANG DALAMHATING UMIIRAL MAGPAKAILANMAN.

Kinuha niya ang naturang hulagway, at sa kaniyang mga kamay ay hinubog, at inilagay sa libingan ng minahal niya sa tanang buhay. Sa libingan ng patay na bagay na kaniyang pinakamamahal, lumikha siya ng hulagway ayon sa kaniyang  guniguni, upang maging sagisag ng pag-ibig ng tao na hindi mamamatay, at maging sagisag ng dalamhati ng tao na mabubuhay magpakailanman. At sa buong daigdig ay wala nang iba pang bronse kundi ang bronse ng hulagway na ito.

At kinuha niya ang hulagway na kaniyang hinubog, at ipinatong sa malaking siga, at ipinaubaya sa lagablab ng apoy.

At mula sa imaheng bronse ng ANG DALAMHATING UMIIRAL MAGPAKAILANMAN ay nilikha niya ang hulagway ng ANG KALUGURANG NANANATILI NANG SANDALI.

Maria Magdalena. Pintura ni Francesco Hayez.

Maria Magdalena. Pintura ni Francesco Hayez. Dominyo ng publiko.

Ang Sugo

Ipinadala siya ng Tsina sa Filipinas, at bilang iginagalang na akademiko’y napasok niya ang unibersidad ng estado. Noong una’y patango-tango lamang siya, waring muslák at walang alam, ngunit ang totoo’y higit niyang kabesado ang tesawro-diksiyonaryo ni Jose Villa Panganiban kung ihahambing sa karaniwang Filipino. Nanirahan siya nang ilang linggo sa Binondo, lumipat sa kung saang dormitoryo, at kumilos gaya ng matapat na mamamayan. Napangiti siya sa kaniyang pagbabalatkayo. At ang kaniyang utak ay kumislot gaya ng pinakabagong komputador, itinala ang lahat ng dapat itala—mulang aklat, balita, at tsismis hanggang samot na kalakaran, mapa, at dunong—upang pagkaraan ay ipadala sa pamamagitan ng elektronikong simoy tungo sa Peking. Bumigat ang kaniyang balikat at napakabilis ng sandali.  Ganito ba ang puso ng Wakyaw, bulong niya sa sarili. Hanggang isang araw, napaibig siya sa isang binatang kayumanggi; at di-napigil ang mga labi na bigkasin ang pinakamatamis na pagtataksil habang lastág na nagsusulat ng tula sa gilid ng Ilog Pasig.

Ang Dakilàng Makatà

José Corazón de Jesús

José Corazón de Jesús

Maálinsángan ngúnit nánanabík ang buông plása nang gabíng iyón. Nagsimulâ nang magtípon-típon ang mga táo. Nagháhabulán ang iláng batàng uhugin paikót sa mga kawáyang upúan. May limá o ánim na dalágang naghuhuntahan, hábang nágpapaypáy, sa tabí ng póste ng koryénte. Samantála, ang mga  binatà’y nagsimulâng umáwit ng kundíman, at tíla nagpápalipád-hángin. May mga tindérang naglalakò ng kakanín, tabáko, ngangà, tinápay, at ibá pang bágay sa halagáng isá o dalawáng kusíng. Hábang lumaláon,  lumakás nang lumakás ang lagitík ng mga bakyâ sa loób ng plása. At ang gabí’y may kung anóng kutítap pára sa bituíng pandangál.

Mayá-mayá pa’y dumatíng ang kalésa na hinihíntay ng lahát.

Bumabâ sa sasakyán si José Corazón de Jesús na nakabaròng Tagálog na yarì sa husì, at binagayan ng putîng pantalón at sapátos na putî. Pinagkáguluhán si Huséng Batutè—ang paláyaw ng makatà—ng mga dalága, at humintô ang awítan ng mga binatà. May tatló o ápat na laláking umalálay sa nasábing makatà paakyát sa entabládo. Magálang na bumatì si Huséng Batutè sa mga táo, at tinugón namán siyá ng mga sigáw, paswít at palakpák. At nang siyá’y magsimulâng tumulâ nang maálab, lálong napaíbig ang mga binibíni. Humangà ang mga kabatáan. Nápailíng ang alkálde’t kapitán. Natigalgál ang kúra paróko’t napápalakpák ang matatandâ’t batàng matiím na nakíkiníg. 

Kumálat ang sarì-sarìng opinyón úkol sa nasábing makatà, makaraáng bigkasín niyá ang mga tulâ ng pag-íbig at pagbabalík. May iláng napaluhà at naantíg. At may iláng natuwâ, hábang ang ibá namán ay nainís, sa mga usápang walâng kaugnáyan sa pánitikán o tulâ. Lumagánap din ang ibá’t ibáng puná, balità o tsísmis, na pawáng nagpatingkád sa alamát at gayúma ni Huséng Batutè. Ngúnit may iláng nayamót, at nainggít. “Síno ba iyáng binatà?” usig ng isáng dáyong nagpakilálang si Alejandro. “Nawá’y si Huséng Batutè’y hindî multó lámang niná Huséng Sísiw at Balagtás!”