Monumento, ni Roberto T. Añonuevo

Monumento

Robeto T. Añonuevo

Matatayog na basura, gunita kayo ng matatangkad
na bisyon, at ngayon ay ultimong bakas ng polusyon.
O yaon ay guniguni lamang ng bulag na si Borges?

Nabása marahil ito ng Komandante, at kung ang Cuba
ay Filipinas, ang rebolusyon ay pagtanggi sa parangal
na magpapasikip sa rotunda o plasa ng mga palaboy.

Sementeryo ang bantayog. Kung hindi kayo mga multo,
bakit iihian ng askal o dudungisan ng aktibista’t tambay?
Kulang para sa tindahan o terminal ng mga sasakyan,

memoryal kayo ng isla o kalabisan, ang palatandaan
kapag naliligaw, ang kabayanihan sa aming natatakot
humawak ng baril at laging tangan ang bagong selfon.

Ngunit babalâ kayo para sa inaasahang kapahamakan,
dulot man ng bagyo o sunog o digma, at tinatanggap
namin ang henyo ng eskultor o kontratista na kumikita

para iresiklo ang mga kamalayang lumulutang sa baha,
tinatabunan ng banlik at putik, at kung sakali’t magbalik
ay hindi mauunawaan ng mga batang naglalaro sa titik.

Pana-panahon kayong nililinis para ulanin ng bulaklak,
at kung minsan ng awit at tula at dula, sa selebrasyon
ng mga politikong artista o sotang bastos ng burukrata.

Sapagkat kayo’y mahal ngayon, at magmamahal lalo
kung artefakto ng kolektor: ang dambana ng papuri,
ang listahan ng pangalan at patina sa tansong tagumpay.

Kung ituring man kayong bilangguan ng dakila’t bathala
ay ano’t hindi namin ikinasisiya ang luwag at aliwalas?
Kahit ang gamot ay nagiging lason sa wika ng hinaharap.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!

Advertisements

Mensahe para sa KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino)

Malaking karangalan ang humarap sa kalipunan ng mga guro, dahil ang pagharap na ito’y maituturing na pagkilatis sa sariling katauhan na hinubog din ng mga guro sa loob at labas ng paaralan. Parang humaharap ako sa salamin na maraming panig, at bawat anggulo’y lumilikha ng anyo o hulagway na kung hindi matapat sa realidad ay salamangka ng kulay at liwanag.

Bawat guro’y maaaring sipatin na aktibong tagasagap ng karunungan, ngunit hindi basta bulag na tagasunod sa sinumang tagapagsalin ng kaalaman. Ang kakayahan ng gurong magtanong, magtanda, magsaliksik, magsulat, makinig, at magsalita ang magbibigay ng malaking bentahan sa kaniya sa larangan ng pagtuturo.

Kaya hindi biro ang pagtuturo, lalo sa Filipino.

Kinakailangan ng guro ang dibdibang pagsasanay at pag-aaral hindi lamang sa disiplinang nais niyang pagtuonan, bagkus maging sa pakikipagkapuwa sa kaniyang mga kapuwa guro at mag-aaral. Upang matamo ito, kinakailangan ang organisasyon na mapagkakatiwalaan at malinis at bukás makipag-ugnayan. Na maaaring nasa katangian ng gaya ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino).

Hinahamon ang KASUGUFIL na itaas ang pakikibaka nito sa higit na malikhaing antas. Ito ay dahil sa pangangailangang buuin ang bagong kurikulum sa Filipino at repasuhin ang multilingguwal na edukasyong panukala ng ilang tao o sektor.

Hinihimok ko kayong bantayan ang sariling hanay nang may tunay na pagmamalasakit at kabutihang-loob upang maisagawa ninyo ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987 hinggil sa Lakas ng Bayan [People Power]. Bagaman malaki at makapangyarihan ang makinarya ng Kagawaran ng Edukasyon, hindi ito sapat para maging kampante ang bawat guro at iasa ang kaniyang kapalaran sa awtoridad. Sapagkat gaya ng ipinamamalas ng nakaraan, gaano man kadakila ang isang institusyon ay nauuk-ok pa rin ito ng anay sa iba’t ibang paraan.

Binabati ko ang buong pamunuan ng KASUGUFIL sa matagumpay na pagdaraos ng taunang pagtitipon, ngunit nais kong itangi ang tagapayong tigulang na si Bb. Leonida Villanueva, kasama si Sandor Abad at ang ilang piling superbisor, na matapang na humarap kay Sen. Vicente “Tito” Sotto III upang humingi ng tulong pinansiyal na kailangan sa kongresong ito. Kung hindi dahil sa kanila ay wala siguro tayong kakainin sa loob ng tatlong araw, at maaaring abonohan pa ang gastusin para sa pansamantalang pagtigil dito sa Teachers’ Camp. Dapat ding kilalanin ang pamahalaang lokal ng Baguio, na pinamumunuan ni Alkalde Mauricio Domogan na maluwag na tinanggap ang KASUGUFIL.

Pasalamatan natin ang mga superbisor at direktor na pawang lumikom ng mga guro at naghatid dito sa Baguio. Pasalamatan natin ang mga boluntaryo na bumubuo ng Sekretaryat. Pasalamatan natin ang ating mga tagapanayam. Pasalamatan natin ang network ng mga guro mulang DepEd hanggang KWF. Pasalamatan natin ang mga kawani ng Teachers’ Camp at ang lahat ng tagapagsilbi ng pagkain at tagapagtiyak ng seguridad.

Higit sa lahat, pasalamatan natin ang lahat ng guro, sa publiko man o pribadong institusyon, sa loob man o labas ng paaralan. Kilalanin natin ang dakilang ambag nila sa lipunan, upang marinig ito hanggang sa bulwagan ng Malacañang o Hukuman o Batasan. Kung magsisimula sa atin ang pagpapahalaga sa karaniwang guro, naniniwala ako na pakikinggan tayo kahit ng sinumang Maykapal.

Magandang gabi sa inyo, at mabuhay kayong lahat!

[Mensahe na binasa ni Roberto T. Añonuevo sa “Gabi ng KASUGUFIL” na ginanap noong 18 Abril 2011, Teachers’ Camp, sa Lungsod Baguio, at dinaluhan ng halos dalawang libong kalahok na guro at superbisor mula sa iba’t ibang panig ng Filipinas.]

Gabi ng Gawad Palanca 2009

Nakalulugod at umaani ngayon ang Gawad Palanca ng mga bagong bunga ng panitikang Filipinas. Ang pagsibol ng mga tinig sa panitikan ay senyales na nagtutuloy at sumisigla ang pagtangkilik sa tula, katha, at dula, at kung gaano man katatag at kahusay ang mga akda ay mababatid sa mga darating na araw.

Binabati ko ang mga nagwagi, at kabilang na rito ang mga pamilyar na pangalan na gaya nina Reuel Molina Aguila, Michael Coroza, Genaro Gojo Cruz, Reynaldo Duque, Eugene Evasco, Jerry Gracio, Alwynn Javier,  Luis Katigbak, Domingo Landicho, Jing Panganiban-Mendoza, Jimmuel Naval, Erlinda Panlilio, Frank Penones, Floy Quintos, Jesus Manuel Santiago, Ariel Tabag, at Rodolfo Vera.

Ngunit sa aking palagay ay dapat nang abangan ang mga kabataang gaya nina Mark Cayanan, Vincenz Serrano, Charles Tuvilla, at Eliza Victoria. May iba pang manunulat na bago sa aking pandinig, at mababasa sa listahan ng mga nagwagi, ngunit marahil ay higit na nagtataglay ng galing ang kanilang panulat at siyang dapat tuklasin ng lahat.

Mahalaga ang Gawad Palanca, ani Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera na siyang panauhing pandangal, dahil ang pagpaparangal sa mga nagwagi ay walang bahid ng politika. May prosesong sinusunod ang mga hurado, at ang mga huradong ito ay nagtatalo-talo nang mainit hinggil sa husay at kasiningan ng pagkakasulat ng mga akda. Walang kapangyarihang makialam ang mga taga-Palanca sa mga magwawagi, na salungat sa panghihimasok na ginawa ng pangulo sa pamimili ng magiging Pambansang Alagad ng Sining.

Ang problema ngayon ay dadalawang beses na lamang nagtatagpo ang mga hurado sa bawat kategoriya, imbes na tatlo gaya noong nakalipas na mga taon. Ang ganitong kaikling panahon ay dapat ibalik sa tatlo. Hindi maiiwasan kung gayon na makaligtaan ang pagtitiyak kung ang ilang akda ay nanggaya lamang ba o nangopya ng akda ng iba at ipinalabas na sa kaniya. O kung dapat repasuhin muli ang isa o dalawang lahok dahil nagtataglay ng pambihirang kinang.

Malaki ang responsabilidad ng mga hurado dahil nakataya rin ang kani-kaniyang pangalan sa paghuhusga ng mga akda. Kaya sa pagsisimula pa lamang ng pagpupulong, karaniwang pinagkakaisahan ng lupon kung ano ang magiging pamantayan ng pamimili, at mula rito ay maaaring bumunsod palayo ang mga hurado na magagabayan ng ilang puntos. Nagkaroon lamang ng alingasngas sa Palanca ngayong taon, kung alingasngas ngang matatawag, dahil may nakasilip sa mga networking site hinggil sa estado ng pamimili ng ilang hurado.

Ipinaabot sa akin ang balitang ito, at nanahimik na lamang ako. Ang balita ko’y may sumulat sa pamunuan ng Palanca hinggil sa naturang banayad na pagpaparamdam ng ilang hurado. Ano ang mapupulot na leksiyon dito? Kung maging hurado ka man sa Palanca ay dapat kang matutong magtikom ng bibig. Sakali ma’t may lumabas na pangalan ng mga nagwagi, marahil ay nagmula na ito sa hanay ng mga mismong nagwagi na natural lamang na ipagmagara ang kanilang tagumpay sa mga kaibigan. Ngunit uulitin ko, hindi dapat magmula ang ingay sa panig ng mga hurado.

Isang bagay lamang ito na mapalalampas. Habang tumatagay kami ng Johnny Walker nina Rayvi Sunico at Krip Yuson, aba’y gumaan ang aking pakiramdam lalo’t nasaksihan ng lahat ang pagtatanghal ng dalawang tsikiting na maririkit sa entablado. Hindi ko matandaan ang mga pangalan ng dalawang bata, ngunit ang husay nila sa pagbigkas at pagtatanghal ng mga tula ay lalong nagparikit sa gabi ng Gawad Palanca.

Pagtatanggol sa National Artist Reward

Kahanga-hanga ang ginawa ng Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa panghihimasok nito sa pagpaparangal ng Orden ng Pambansang Alagad ng Sining ngayong taon. Napatunayan ng butihing pangulo na ang kaniyang kapangyarihan ay kayang yumanig at bumiyak sa hanay ng mga alagad ng sining, at magtakda ng sariling pamantayan at panlasa batay sa rekomendasyon ng kaniyang Lupon ng Parangal.  Higit pa rito, ang pagbuo ng Kautusang Tagapagpaganap ay siya na ngayong ehemplo kung paano sususugan, kung hindi man iiwas, sa esensiya ng batas. Dapat kung gayon na pasalamatan ang pangulo sa kaniyang mithi na isabalikat ang lahat, lalo ang kadakilaan sa arte ng politika.

Pinagagaan ng kagalang-galang na Pang. Arroyo ang trabaho ng mga lupon sa sining ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Mantakin mo, kahit pala magpabandying-bandying at hindi magsunog ng kilay ang mga kasapi ng mga lupon ng tagasala ay may lilitaw pa ring Pambansang Alagad ng Sining? Hayaang maging tamad ang mga kasapi ng CCP at NCCA, dahil magiging marangal na tungkulin nila ang pagsunod sa patakaran at simoy ng kasalukuyang administrasyon. Huwag makinig sa mga eksperto at dakila sa sining, gaya nina Ben Cabrera, Bien Lumbera, Arturo Luz, at Virgilio Almario, dahil ang naturang mga eksperto ay maaaring kontra lamang sa pangulo. Ang tunay na mga eksperto ay silang malalapit sa pangulo, gaya nina Vilma Labrador, James Reuter, Alejandro Roces, at Edgardo Angara, dahil ang kanilang mga bulong ay higit na mabisa kompara sa sigaw at hiyaw na nagmumula sa iba’t ibang pangkat ng mga alagad ng sining na nagpoprotesta sa lansangan.

Kung hindi makukuha sa santong dasalan ang parangal, magagawa iyon sa dagdag-bawas at santong paspasan.

Sino ang nagsabi na walang delikadesa ang kapita-pitagang Cecile Guidote Alvarez? Mabuting mabatid ng taumbayan na ang delikadesa ay alinsunod sa tumitingin. Mahalaga ang parangal, gaya ng National Artist Reward, na ibinibigay sa matatapat na tagasunod ng pangulo lumindol man o bumagyo. Ang NAR ay magpapatunay na ang delikadesa ay isang sinaunang konsepto na dapat kalimutan ng mga Filipino. Hindi ba may nagawa naman si Alvarez bilang direktor ng teatro, at pundador ng PETA? Nalilito marahil ang madla, dahil ang PETA ay hindi lamang daglat ng “Philippine Educational Theater Association” kundi inaagaw ngayon ng “People for the Ethical Treatment of Animals.” Dapat igalang ang mga hayop na opisyal ng pamahalaan, kung susundin ang pangaral ng PETA, dahil marunong silang bumaboy ng proseso ng pagsala sa mga kandidato sa pagiging Pambansang Alagad ng Sining.

At bakit dapat banatan si Carlo J. Caparas bilang de-kalibreng alagad ng sining biswal? Mabuti sa mga kabataan na mapanood ang mga pelikula niyang sagad sa pagdanak ng dugo at bakbakan, kahit marupok sa lohika at aspektong teknikal. Kailangang maisapuso ng bagong henerasyon ang mga pelikulang de-masaker at de-kahon, dahil maaaring ginagagad lamang nito ang mga paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng gobyerno, gaya ng paratang ng mga aktibista. Ang mga pelikula ni Caparas ang bagong pamantayan ng sining, na handang bumaba sa antas ng masa, upang ang masa ay lalong maging tanga at mababaw hinggil sa pag-iral at pagdama bilang tao. Huwag banatan si Caparas bilang ilustrador, yamang hindi naman siya ang ilustrador ng kaniyang mga nobelang pangkomiks. Siya ang nagbigay ng trabaho sa maraming ilustrador, at sabihin nang nagpainom, para maging katanggap-tanggap sa mga mambabasa ang kaniyang mga pantastikong kuwentong ibig yatang higupin ng basurahan.

Batikan sa sining ng panggugulo sa sining ang ating pangulo, at maaaring siya ang susunod na mapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sin, dahil sa mahusay na pag-arte, pagdidirek, at pagsisinungaling may bagyo ma’t may rilim.

Balatong Pampolitika

Mataas na pagkilala na maituturing ang pagtanggap ng anumang gawad o parangal, lalo kung may kaugnayan sa sining. Nagiging matamis ang gawad kung karapat-dapat tumanggap ang isang alagad ng sining, gaya ng manunulat o pintor o eskultor o kompositor, at ang mga kasama niya sa larang ay umaangat din kahit paano ang estado dahil pinagpupugayan sa pinakamataas na paraan ang kanilang kasama. Ang gawad ay iniuugnay sa simbolikong tagumpay, at nakahihigit sa pabuyang salapi, bagaman makapagbubukas din yaon ng pinto sa sinuman upang makilala sa daigdig.

Hindi naman ibig sabihin na kapag nabigong tumanggap ng gawad ang isang tao ay bigo na siyang maituturing sa kaniyang larang. Di-iilang manunulat, gaya ni Iñigo Ed. Regalado, ang tumangging tumanggap ng gawad kung nararamdaman nilang ang gawad ay ginagamit na balato, kung hindi man kasangkapang pampolitika, ng mga awtoridad. Pipiliin nila ang manahimik dahil buo ang tiwala nila sa sariling kakayahan, at hindi kailanman mapapupusyaw ng pagkaligta ang kanilang ambag sa piniling larang.

Nagbago na ang panahon ngayon. Pinakamagandang halimbawa ang panghihimasok ng pangulo ng Republika ng Filipinas hinggil sa pamimili kung sino ang dapat tanghaling pambansang alagad ng sining. Ang pagpili ng mga tao na mapapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining ay napakahigpit, at dumaraan sa maiinit na talakayan at deliberasyon ng mga lupong binubuo ng mga kinatawan ng bawat larang ng sining. Pinag-aaralan nang maigi ang naging ambag ng bawat kandidato, at dumarating sa yugtong kinakailangang may isang tagapagtanggol ang kandidato sa harap ng mga lupon upang ipaliwanag kung bakit karapat-dapat magwagi ang kaniyang manok.

Ngunit sa oras na makialam ang pangulo, ang kaniyang piniling mga kandidato ay sapilitang maipapasok sa listahan ng mga pararangalan. Karapat-dapat na magwagi bilang Pambansang Alagad ng Sining ang tulad nina Manuel Urbano, Lazaro Francisco, Federico Alcuaz, at Francisco Mañosa Ramon Santos na pawang pinili ng mga lupon sa sining. Ngunit por diyos por diyablo, nanghimasok muli si Pang. Gloria Macapagal Arroyo na pumili kina Cecille Guidote Alvarez, Carlo J. Caparas, at Pitoy Moreno! Isang mariing sampal ito sa buong pamayanan ng sining at panitikan, at lalong magpapababa sa kredibilidad ng pambansang institusyon.

Hindi ko kaaway sina Alvarez, Caparas, at Moreno ngunit sasabihin kong hindi sila karapat-dapat na mapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining. Kung kinakailangang bigyan ng gawad si Moreno ay dapat magmula lamang iyon sa hanay ng mga tagadisenyo ng damit at modista. Si Caparas naman ay kasumpa-sumpa kung ihahanay bilang manunulat o direktor ng pelikula, at lalong isusuka kung ibibilang sa larang ng sining biswal yamang hindi naman siya dibuhista o pintor o eskultor. At si Alvarez ay higit na magaling na politiko imbes na direktor ng dula, at ang kaniyang napipintong pagtanggap ng gawad ay lalong mababatikan dahil kabilang siya sa pamunuan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA/ Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining).

Naging tradisyon na yata ng pangulo na bigyan ng parangal ang mga tao na malapit sa kaniyang sirkulo. Ang pagbibigay ng ganitong gawad ay maituturing na “balatong pampolitika” dahil ang nagwagi ay hindi ang pinararangalan na gaya nina Alvarez, Caparas, at Moreno kundi ang pangulo mismo. Niyuyurakan ng pangulo ang prestihiyong dating taglay ng gawad, at waring sinasabi niyang kaya niyang magpasiya kung ano at sino ang karapat-dapat tanggapin sa larangan ng sining. Na hindi makatwiran. Ang tindig ng pangulo ay paglulugar sa mataas na luklukan, at ang awtoridad at pagsang-ayon ay laging nagmumula sa gitna. Isang bituin siyang iniinugan ng maliliit na planeta na kung hindi man sipsip ay kaibigan, at sinumang sumalunga sa kaniya ay walang pagkakataong mabigyan ng parangal. Higit pa rito, ang gawad ay nagiging parang kendi na maipamamahagi lalo kung malapit na ang halalan.

Naghahasik ng unos ang pangulo sa panghihimasok muli sa pamimili kung sino ang magiging Alagad ng Sining. Kung nabubuhay marahil si Francisco ay baka tanggihan niya ang gawad, dahil nalulukuban ng kontrobersiya ang isang pinagpipitaganang institusyon. Marahil ay hindi lamang tatanggihan ni Francisco ang gawad kundi babatikusin pa ang pangulo dahil ang ipinangangako nitong panlipunang pagbabago, gaya ng reporma sa lupa, ay nananatiling pangarap lamang ng mga magsasaka, gaya ng mababasa sa kaniyang mga nobela. Ngunit hindi na magagawa pa ito ni Francisco, dahil wala siyang kapangyarihan at impluwensiya gaya ng taglay ng kagalang-galang na Pangulo ng Republika ng Filipinas.

Pagtutuwid: Kabilang si Ramon Santos na batikang kompositor at musiko na pinili at inirekomenda ng lupon sa sining na dapat magwagi ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining. Siya, sa aking palagay, ang dapat inuunang parangalan kaysa sa mga isiningit na sina Cecille Guidote Alvarez, Carlo Caparas, Francisco Mañosa, at Pitoy Moreno. Ang pagkawala ni Santos sa listahan ay sukdulang panghihimasok ng pangulo sa mga lupon ng tagasala, dahil kaya pala niyang baligtarin kahit ang pangwakas na desisyon ng sirkulo ng mga eksperto sa sining.

Panawagan sa mga manunulat mula sa UMPIL

Naging tradisyon na ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) ang pagdaraos ng taunang kongreso ng mga manunulat. Tuwing huling Sabado ng Agosto, magkikita-kita ang mga manunulat anuman ang kanilang kulay, paniniwala, at simulain upang talakayin ang mahahalagang usaping may kaugnayan sa panitikan at pagsusulat sa kabuuan.

Napakahalaga na dumalo sa kongreso ng UMPIL. Sa araw ng kongreso’y itinataon ang pagbibigay ng parangal sa mga manunulat na nakapag-ambag nang malaki sa panitikan, maging yaon ay sa katha, nobela, tula, sanaysay, kritika, dula, pelikula, at pagsasalin. Pambihira ang ganitong okasyon dahil kapuwa mga manunulat ang nagbibigay ng gawad at hindi nagmumula sa mga institusyong pribado gaya ng sa mga komersiyal na korporasyon. Higit pa rito, hindi mawawala ang meryende, pulutan, at serbesa habang umuusok ang huntahang intelektuwal.

Gaganapin sa 30 Agosto 2008, mulang 8:00 umaga–4:00 hapon, ang ika-34 na Kumbensiyon ng UMPIL sa G.S.I.S. Museum of Art sa Cultural Center of the Philippines Complex, malapit sa kanto ng Roxas Boulevard at Buendia Avenue sa Maynila.

Nakalulugod at nagpaunlak si Ryan Palad, ang GSIS Museum Curator, sa UMPIL na doon ganapin sa bulwagan ng GSIS museo ang pagtitipon ng mga manunulat. Sa hindi pa nakababatid, si Ryan ang promotor ng pagsusulong ng panitikan at kultura sa lalawigang Quezon at walang humpay na tumutulong sa mga alagad ng sining.

Panauhing pandangal para talakayin ang paksang Trading Words, Tracing Worlds ay si Bang Hyun-seok na tanyag at mahusay na nobelista mulang Timog Korea at magsasalita bandang alas-diyes ng umaga.

Pagkaraan ng tanghalian ay magkakaroon ng pulong ukol sa Writers Welfare Act at iba pang bagay na susundan ng pagkakaloob ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas na may tropeong nililok ng tanyag na eskultor, pintor, at alagad ng sining na si Manuel Baldemor.

Ayon kay Vim Nadera, ang kasalukuyang tagapangulo ng UMPIL, ang mga tatanggap ng tropeo ng Gawad Balagtas ay sina Ruperta VR. Asuncion (Tula sa Iluko); Edgardo B. Maranan (tula sa Filipino at Ingles); James Teng Choon Na (tula sa Tsino); Armando Y. Lao (dulang pampelikula); at Delfin L. Tolentino (sanaysay sa Ingles). Tatanggap ng Gawad Paz Marquez Benitez si Ligaya Tiamson Rubin, samantalang bibigyan ng Gawad Pedro Bucaneg ang The Arejola Foundation for Social Responsibility, Inc.

Imbitado kayo kung sa inyong palagay ay manunulat kayo at nagmamahal ng sining.

Ito ang unang taon ng panunungkulan ni Nadera bilang tagapangulo ng UMPIL, at ito rin ang unang taon na ipagdiriwang ang kongreso nang wala si Adrian Cristobal, ang UMPIL Chairman Emeritus, na pumanaw ngayong taon.

Dumalo tayong lahat at makilahok sa mga talakayan, lalo sa yugtong pag-uusapan ang mga karapatan ng mga manunulat. At pagkaraan, magpakalunod sa libreng serbesa at talinghaga para sa ikasusulong ng bansa.