Mga Tagpo, ni Salih el-Soisi

Salin ng tula sa Arabe ni Salih el-Soisi ng Tunisia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tagpo

Mga Biyolin

Sa pagitan ng dalawang malungkuting mantra,
nagsayaw ang mga munting biyolin
at itinangis
ang gunita ng kanilang dumupok na bagting. . . .

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Unti-unting Kamatayan

Umupo siya sa tabi ng huklubang dapugan
at pinuri nang pabiro ang natitirang oras
ng mga uhay ng trigo—ang kaniyang edad!
Anong kahanga-hangang panahon. . . !
Maagang sumapit ang taglagas ngayong taon.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Hula

Sa ganitong kahabang gabi, ano pa ang magagawa
ng magkasintahan. . . ?
Marahil, ngingitian nila
ang nakakubling buwan
sa likod ng mga ulap ng taglamig,
at mangarap!

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Liham

Inilagay ko ang rosas sa liham
na may ilang titik na ikinalat gaya ng mga luha
sa mukha ng iskrin. . .
Kinaumagahan, binuksan niya ang kaniyang busón
at bumulwak ang liwanag,
at sa pagitan ng mga daliri niya’y sumayaw
ang libong paruparo. . . .

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

 

Palipad-sabi, ni Czeslaw Milosz

Salin ng “Rozmowa płocha,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Palipad-sabi

—Nakalipas ko’y gagong paglalakbay ng paruparo sa ibayong-dagat.
Hinaharap ko’y hardin na ang kusinero’y ginilit ang leeg ng tandang.
Ano’ng taglay ko, sa lahat ng aking pasakit at paghihimagsik?

—Teka, sandali lang, at kapag ang mga pinong takupis nito,
Ang magkahugpong na palma, ay marahang bumukad,
Ano ang iyong nakikita?

—Isang mutya, isang segundo.

—Sa loob ng segundo, ng mutya, sa bituing ligtas mula sa panahon,
Ano ang nakikita mo kapag huminto ang simoy ng pagbabanyuhay?

—Ang lupa, ang langit, at ang dagat, mga barkong kargado,
Umaga ng tagsibol na mahamog, at malalayong prinsipalidad.
Sa kamangha-manghang tanawing panatag ang kadakilaan,
Nagmasid ako, at hindi na muling nagnasa dahil kontento na.

Goszyce, 1944

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Guru, ni Roberto T. Añonuevo

Guru

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Ang sentro ang bulkan at ang bulkan ay umáhon sa palad ko noong isang araw. Hipan ito at lalong uusok at mapopoot. Takpan ito at mabilis sasabog. Ipinaloob ko sa bulsa ang aking kamao, at sa loob ng limang minuto’y wala na ang bulkang pinipigil umatungal. Maya-maya’y naramdaman ko ang apoy sa aking bayag, at ang bulkan ay pitong kilometro ang naratibo hinggil sa pag-iral ng paruparo. Ang paruparo? Kisapmata ang isang siglo, at marahil kayâ minamahal ng mundo. Isang taon ang lumipas, at ang gunita ng bulkan ay nagpasigla ng ekta-ektaryang rosas—na kakatwang pinakinabangan ng ibang lupalop. Maraming katwiran ang bulaklak, ngunit hindi nito kapalaran ang kapana-panabik na silakbo ng paikid na apoy. Hinahanap ko ngayon ang bulkan; at nang basahin muli ang palad, ang bulkan ay hindi na bulkan bagkus lumalargang kawan ng mga ibon. Kagila-gilalas na iginuguhit nito sa himpapawid ang ngalan ko habang lumilipad papalayo, at waring sumisigaw, nang hindi umuusal, na hindi ako, hindi ako ang sentro ng uniberso.

Laboy, ni Roberto T. Añonuevo

Láboy

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Nadarama ng paruparo ang bathala sa isang bulaklak, at ang eternidad sa simoy, at malalagas ang mga pakpak gaya ng mga tuyong dahon sa huklubang punongkahoy. Nakatatak iyon sa gusgusing tisert ng kaniyang alter ego, at siya na naligaw sa lungsod ay maglalakad na kung hindi alupihan ay langgam na sumusuot sa laberinto ng kanal. Umuulan ngunit sinisinat ang kaniyang panimdim sa iniwang baláy, na marahil ay nakatirik sa gilid ng gulod, at ngayon, hinahanap niya ang katubusan sa talaksan ng basura at bukál ng imburnal. Itataboy siya ng batas palayo sa bangketa kung hindi man palengke, iiwasan ng kotse na waring lumilihis sa askal, at makikita niya ang mga sulat sa pader na dumudugo ngunit hindi niya kailanman maarok ang gramatika ng poot o ang semantika ng hilakbot. Maniniwala siyang guniguni ang lahat—gaya ng nagmumultong binibini sa maaliwalas, maningning na tulay—kung guniguning maituturing ang kagila-gilalas na pag-aaklas sa loob ng kaniyang numinipis na láwas.

 

 

Paruparo, ni Frances Brent

Salin ng “Butterfly,” ni Frances Brent ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paruparo

Nabubuo ang paruparo sa parehong kawalan
tulad ng punongkahoy o gusgusing kabayo.
Mga bátik nito’y alipato ng tansong pinakintab.
Nagsasalikop ang mga ugat nito sa pinulbuhang
rabaw gaya ng mga dahon ng pamaypay.
Ngayon, tent itong naninimbang sa dulo ng daliri,
na ang pinakaibabang gilid ay higit na mapusyaw
kaysa gula-gulanit na payong na Haponés.

 

Ako, ni Roberto T. Añonuevo

Ako

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Buhawì sa láot ang naípapások sa hungkág na kahón—na kapág ibinálot sa hablón ay malayàng isíping regálo kung kaníno. At ang kahón ay kusàng maghuhúnos na alupíhang-dágat, na untî-untîng hihimbíng kapág tinamàan ng sínag at magkákapakpák sa panagínip úpang isakátupáran ang pagigíng paruparó. Lilípad ang paruparó at darapò sa áking balíkat. Putîng gamugamó na palamutîng panaúhin sa kayumanggîng balát, anó ang pangálan ng ginháwa na hatíd mo? At ang áking balíkat, na tawágin mang tátay o bána, ay tutugón sa paglápad hanggáng lumayláy o dumupók dáhil sa bigát ng pinapásang daigdíg, at ang daigdíg na itó na húgis parisukát ay mágbabalík sa guniguníng kahón, at matitigmák sa di-inaasáhang ulán hanggáng malúsaw at magbanyúhay na símoy na kung hindî tuliróng ipuípo ngayón ay mag-iípon ng lakás búkas hanggáng magíng ganáp na bagyó na maglalahò sa tatlóng áraw—tawagin man itóng talangkâ, tiniklíng, tanagà.

Ang Tanong, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Tanong

Tula ni  Roberto T. Añonuevo

(Para kay Tatang Temyong)

Mga gusali sa kaliwa, mga barumbarong sa kanan,
ano na ang tahanan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng mga palaka at paruparo?
Isang retrato sa dingding o kaya’y mesang salamin.

Tila ba maasim na tsismis o diyabolikong pag-ibig:
Bulawang mga pakpak
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . na nagpapaguho ng metropolis
sa loob ng aklat.
Ang lumang peluka o pelikula sa antigong estante.
Ang fatek sa iba’t ibang timbang at katawan.
. .. . . . . . . . . . . . . . . . .. .Nakaririnding rak-en-rol ng kokak
sa selfon at Youtube. Maaaring punit na tisert
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .o pintadong pader sa Instagram.
Ang niresiklong notbuk para sa listahan ng utang.

Maidaragdag:
Ang botelya ng lason at halimuyak ng luwalhati.
Ang hinihimod na pook ng albularyo at adik.
Ang kasarian ng súpot o supót na pananalig.
Ang motel ng pag-ibig at motel ng pagtataksil.
Ang kongreso ng pataasan ng ihi at balatkayo.
Ang ruleta ng numero at kubeta ng suwerte.
Ang mapang ipinambalot sa lumpiya at bibe.

At marahil,
ang pinunong matapat sa resipi ng lutong makaw.

Ang magugunita
mong ipit sa buhok sa utak na natutulog sa tag-araw
ang magugunita
mong kumakain sa kulisap o tumatakip sa bulaklak.

Na marahil ay guniguni sa kagubatan ng kamalayan.

Tangkilikin ang mga aklat ng MBMR Publishing. Bili na!

Ang Tulay, ni Leopold Staff

Salin ng “Most,” ni Leopold Staff ng Poland.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Tulay

Leopold Staff

Hindi ako noon naniwala,
Habang nakatindig sa pampang ng ilog
Na napakalapad at rumaragasa ang agos,
Na matatawid ko ang mahabang taytay
Na nilala sa maninipis, maseselang baging
At ibinuhol sa mga uway.
Maingat akong naglakad gaya ng paruparo
At simbigat ng elepante,
Tiyak ang hakbang ko gaya ng mananayaw,
At humapay-hapay gaya ng isang bulag.
Hindi ako makapaniwalang matatawid ko
Ang tulay, at ngayong nakatayo na ako
Sa kabilang pampang,
Hindi ako naniniwalang nakatawid nga ako.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. End impunity for crimes against humanity! Pass the word.

Paruparo, ni Chinua Achebe

salin ng “Butterfly,” ni Chinua Achebe  (Albert Chinualumogu Achebe) ng Nigeria.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Paruparo

Ang bilis ay karahasan
Ang gahum ay karahasan
Ang bigat ay karahasan

Hinahanap ng paruparo ang kaligtasan
sa gaan, sa kawalang-bigat, sa umaalong lipad

Ngunit sa sangandaan, na ang batikang sinag
mula sa mga punongkahoy ay bumabalatay
sa bagong haywey, nagtatagpo ang ating mga pook

Sumasapit akong sapat ang kargada para sa dalawa
At ang mayuming paruparo ay inihahain
ang sarili bilang matingkad, dilawang handog
sa rabaw ng aking matigas, de-silikong kalasag.