Bago ko basahin ang The Kite Runner, ni Naomi Shihab Nye

Salin ng “Before I Read The Kite Runner,” ni Naomi Shihab Nye ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bago ko basahin ang The Kite Runner

Kandong ko ito noong nasa eroplano sa Cairo habang papasakay ang mga pasahero. Waring magandang aklat itong basahin, sa wakas, sa gayong mahabang biyahe. Nakakuha ako ng sipi nang mailathala ito, ngunit ngayon sa aking palagay ang tamang panahon. Dalawang lalaki mulang Yemen sa kabilang upuan, at kangina’y naiidlip habang papasakay ang mga pasaherong taga-Ehipto, ay tumuro at nagsabing, “Magandang aklat! Magandang aklat!” Ilang babae mulang Alemanya ang tinapik ang ulo ko at nagwikang, “Gusto namin ang aklat na iyan!” Isang Amerikano na katabi ang kaniyang asawa ay dumukwang at nagsabing, “Namulat kami riyan!” Nakagugulat! Lahat yata ng nasa eroplano ay waring nauna sa aking makabása ng aklat. At lahat sila’y kaibigan dahil tangan ko ito!

Makabubuti sigurong maglagalag na lámang tayo sa ibang bansa habang dala-dala ang mga aklat.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Hannah Grace @ unsplash.com

Katà

Katà

Roberto T. Añonuevo

Magaling, datapuwa hindi tula.

Mahabang pila ng mga bus at trak sa aming balikat,
at ngayon, litanya ng ngitngit ng mga pasahero
na pawang nagbabasá ng tone-toneladang basura:

Hahangaan ka sa isinusukang wika at salamangka,
parang nagmula sa malayong Amerika o Alemanya,
ngunit ang totoo’y sumasakit ang iyong ulo kalalakad.

Naglalakad kang malagihay, kung hindi man sa gutom
ay lungkot, at absurdo ang pumupuwing na kulisap
sa iyong salamin. Masasalubong mo ang iba mo pang

kamukha, na hindi malayo sa pumapakyung Tediboy,
may etiketa ang diplomasya gayong ang anyo’y libagin.
At minsan, may magtatanong kung ikaw ba ay Laláng.

Ang Laláng—sopistikadong Asiong Aksaya—kay pogi
sa antolohiya ng gas ngunit paurong ang ortograpiya
para sa gramatika ng mga turistang sabit sa dyip.

At ano ang ganting sagot mo? Ang kotse mo ba’y
nakukumpuni ng miron? Napagagaling ng pasyente
ang kaniyang sarili, at walang hiwaga sa sakit!

Bakit ka sisisihin, kung ang bathala mo’y pugad
ng mga gastado at gasgas, at ang iyong kasariwaan
ay halaw sa sinasambang bilis at posmoderno?

Gagayahin ka dahil suportado ng bakya o sapatos,
o sapagkat kumikitid ang kalye na bawat kanto
ay may ilaw-trapiko at pulis na iyong sinusunod.

Habang tumatagal, lumalaki ang mundo sa ilalim
ng iyong talampakan. Hahakbang ka nang maliksi
na pagsisinungaling sa harap ng libo-libong tsuper.

Walang lohika ang talinghaga, ang paniwala mo,
tulad ng mga bilbord sa batok ng populasyong
pinarurusahan mo. Itim na usok ang iyong realidad,

at igigiit na ito ang iyong mensaheng sobrenatural.

Aralin sa Dyip

Sumibad ang dyip sa daan. Sumibad ang sarikulay na dyip na sakay ang sampung pasahero sa walang hanggahang daan. Ang daan ay kalyehon at haywey sa loob ng parisukat sa loob ng bilog, at ang bilog ay isang tuldok sa puso. Ang sampung pasahero ay sampung identidad na iisa ang katawan, ngunit kung ito ang itinitibok ng puso ay walang makaaalam. Iisang katawan at sandaang kalooban. Kung paano mo nauwaan ang mga pasahero ay pag-unawa sa dyip na umaandar o nakahinto.  Samantala’y parang bandila ang mga kulay, iba ang nakapahid sa balát at iba ang balát sa ilalim ng bálat. Itatanong mo kung dyip nga ba iyan o banderitas sa pista at halalan. Sumibad at huminto ang dyip. Naglaho ang mga kalye, at walang kanto ng kanan o kaliwa. Saan daan ka sumibad? Kung ako ang tsuper mo’y isasakay kita tungo sa kalawakan ng itim. Ngunit hindi ako tsuper, bagkus malaya mong isiping batas na itatakda ni Newton o Galileo.

[“Aralin sa Dyip,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo, 26 Nobyembre 2012]

Guniguning Kirot

salin ng tulang tuluyang “Phantom Pain” ni Maxine Chernoff.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

GUNIGUNING KIROT

Makaraang mawala ang hita, nanatili ang kirot gaya ng emblema; kaya ang kidnaper ay hindi malilimot ang mga pabatid na ransom. Ang mataas na maninisid, na naglaho sa subway, ay binabanat nang mapagsanggalang ang kaniyang mga kalamnan. Pumusyaw ang mga manonood na parang alon sa tubigang walumpung talampakan ang lalim. “Doon,” itinuro ang ilong ng nakaupong pasahero, “ako babagsak.” Lumingon ang baliw na bombardero sa kaniyang asawa at nagwikang, “Iiwan ko ang aking trabaho para sa iyo.” Inisip niya ang maseselan nitong bomba na pinauupos, gaya sa mga tagpo sa pelikulang pinaaandar nang pabalik. Samantala, ang kidnaper, na naging pabaya  dahil sa pagiging maramdamin, ay nailaglag ang pabatid na ransom sa upuan ng subway. Ang konduktor ng tren, na kagabi’y napanaginip ang salarin, ay itinago ang pabatid gaya ng ninakaw na pistolang isinilid sa sombrero. Pagkaraan, ang bombardero ay huminto sa hapunan ng mga tanyag na bombardero. Balisa, naibagsak niya ang  tasa ng kape, na ang mga piraso ng bubog ay sumambulat sa kaniyang paanan.