Binubuhay ni Pastor Terry Jones, pinuno ng munting sekta ng mga Protestante sa Estados Unidos, ang sining ng prehuwisyo at poot laban sa Islam na taliwas sa dapat asahan sa isang alagad ng simbahan. Sa Setyembre 11, nakatakda niyang sunugin ang mga sipi ng Koran sa piling ng kaniyang mga alagad, upang ipagunita ang madugong 9-11 atake ng mga Islamistang rebelde sa Amerika. Marami ang nabulabog sa dogmatikong pahayag ng butihing pastor, na ikinangingitngit ng mga Muslim sa iba’t ibang panig ng daigdig, dahil ang kaniyang pahayag ay sinasaplutan ng pangangatwiran ng pananampalatayang relihiyoso imbes na maging lohiko.
Pinanaig ni Jones ang sukal ng damdamin laban sa itinuturing na sagradong aklat ng mga Muslim na tiyak kong hindi niya nabasa sa kabuuan. At ang Koran, na nagtataglay ng samot-saring pakahulugan, sagisag, at halagahan sa panig ng pangunahing relihiyon sa daigdig, ay yuyurakan sa paraang sinematograpiko upang igiit ang sinaunang krusadang relihiyoso na handang sumabay sa armadong digmaan at pananakop na pawang isinusulong ng Amerika at ng mga alyado nitong bansa sa Afghanistan, Iraq, Lebanon, Pakistan, Palestine, at sa Gitnang Silangan sa kabuuan.
Ngunit sa oras na gawin iyon ni Jones, ang mga salita sa Koran ay lalong magiging eternal at makapangyarihan. Ang Koran ay hindi na lamang magiging newtral na artefakto at malamig na teksto. Ito ay babangon mula sa mga abo, magkakaroon ng bagong anyo, magtitindig ng kontra-diskurso laban sa baryotikong pananaw ni Pastor Jones, at marahil ay makahihimok ng bagong hanay ng mga radikal na deboto upang ipagpatuloy ang pakikibaka para wakasan ang prehuwisyo, katangahan, at kapaluan ng mga Amerikanong hangga ngayon ay bansot mag-isip.
Nakapangingilabot ang pagsulpot ni Jones dahil isinasakatawan niya ang diwain ni Joseph McCarthy na lumilikha ng Kubling Digmaan na sa pagkakataong ito ay may kaugnayan sa relihiyon. Ngunit higit na barbaro bagaman banal itong si Jones, na parang emperador o obispo na handang sunugin ang aklatan at ilibing nang buháy ang mga iskolar ng Islam. Sabihin mang simboliko ang pagsunog ng Koran, ang mismong asal na iyon ay nagpapalaganap ng ultimong karahasan na pangkaisipan at pangkalooban na pawang tumututol kumilala sa pambihirang pananampalataya at paraan ng pamumuhay.
Kailangang iwaksi ang halimbawa ni Pastor Jones.
Nakapagtataka na kahit sa Amerika ay nagaganap pa hangga ngayon ang librisidyo. (Kung ang librisidyo ay tumutukoy sa panununog ng aklat at iba pang kaugnay na babasahin dahil sa pagtutol na moral, politiko, at relihiyoso, ang pagtutol na ito ay dapat ibinabatay ni Pastor Jones sa aral na nakalimbag sa Koran at hindi sa mga lihis na pangangaral ng kung sinong radikal na Islamista.) Ang librisidyo ay ginagawa upang ipataw ang kapangyarihan ng awtoridad sa madla, at imbes na hayaan ang madlang mag-isip ay binabansot ng propaganda ang madla para sumunod sa atas ng awtoridad alinsunod sa paghalukay ng damdamin. Ang pagpapasiklab ng damdamin ang minamabuti ng librisidyo, at ang dapat sanang diskurso hinggil sa isang usapin ay natatabunan ng paninigaw at pang-uusig.
Kahit sabihin pang bulok ang isang aklat o babasahin, hindi mawawakasan ang halina nito sa panununog, gaya sa Sunog sa Moriones noong dekada 1940 na ginawa ng mga panitikerong tutol sa sinauna’t de-kahong pagsusulat sa Tagalog, o kaya’y pagsisiga ng mga aklat at tropeo sa tabi ng Pambansang Aklatan noong dekada 1970 para tutulan ang nakababansot na literaturang pinalulusot umano ng matatandang tinale. Sa panununog ng aklat, nabubura nang pansamantala lamang ang mga salita, ngunit nananatili ang bulok na diwaing maaaring umiral at magsilang ng bagong prehuwisyo kahit sa isip ng mga tao. Ang kinakailangan kung gayon ay paglikha ng sariwang panitikang sumasagot, at sabihin nang nagdudulot ng alternatibong kaisipan kung alternatibo ngang maituturing, sa mga dating inilalathala ng awtoridad.
Ang kailangan ng panahong ito ay mga intelektuwal—imbes na arsonistang pastor at aktibistang utak-pulbura—na handang isatitik ang kanilang karunungan, saliksik at guniguni sa pinakamasining na paraan. Sa unang malas ay mapanganib ang ganitong tindig, dahil sino bang nasa poder ang nais makabangga ang mga intelektuwal na magbubunyag ng kaniyang lihis na pamamalakad? Ngunit kinakailangan ang mga intelektuwal na magpapanukala ng sariwang pagtanaw at pananaw, para ipaliwanag ang mga sinaunang diwaing nangangailangan ng sariwang pagtitig at interogasyon, na makatutulong sa mga tao sa paraang realistiko, pragmatiko, at pilosopiko.
Naganap na ang madugong 9-11, at maaaring maulit pa ito kung hindi mapipigil ang paglaganap ng mga sungayang Pastor Jones na handang maghayag ng ebanghelyo ng poot, prehuwisyo, at katangahan laban sa mga mamamayan ng daigdig.