Mga Tambo, ni Derek Walcott

Salin ng “Sea Canes,” ni Derek Walcott ng Saint Lucia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tambo

Kalahati sa mga kaibigan ko’y patay na.
Lilikha ako ng mga bago, sabi ng lupa.
Hindi, ibalik na lamang sila sa akin, gaya noon,
kahit pa may mga sala, sigaw ko.

Ngayong gabi, maaagaw ko ang usapan nila
mula sa mahinang higing na umaalon
sa mga tambo, ngunit hindi ko kayang maglakad

nang mag-isa sa mga dahon ng dagat
na tanglaw ng buwan pababa sa puting daan,
o lumutang na may nananaginip na kampay

ng mga kuwagong iniiwan ang bigat ng mundo.
O lupa, ang bilang ng mga kaibigang kinakanlong
mo’y lumalabis sa mga naiwang dapat mahalin.

Kumikislap ng lungti’t pilak ang mga tambo sa gulod
sila ang mga anghel na sibat ng aking pananalig,
ngunit sa anumang nawala’y may lakas na lumilitaw

na may matuwid na kinang ng bato,
natitiis ang sinag-buwan, malayo kaysa panlulumo,
mas malakas sa hangin, na sa nahawing mga tambo

ay naibabalik sa atin silang minamahal, gaya noon,
may mga sala, hindi mas marilag, naroroon lang.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Michaela @ unsplash.com

 

Mga Tinig, ni C.P. Cavafy

Salin ng “φΩΝΕΣ,” ni C.P. Cavafy (Constantine Peter Cavafy) ng Egypt
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tinig

Ang mga huwarang tinig at labis na minamahal
Mula sa mga namatay, o galing sa mga tao
Na nawala sa ating piling, ay nais pa ang patay.

Minsan, nagsasalita sila sa ating panaginip;
Minsan, sa ating pagmumuni’y maririnig ng isip.

At sa tunog nila para iglap magbalik nang lubos
Ay mauulinig sa mga unang tula ng búhay—
Gaya ng musika sa gabi, kay layo’t papaupos.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

 

Sa bayan ng patay, ni Habib Tengour

Salin ng “Au pays des morts (extraits),” ni Habib Tengour ng Algeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa bayan ng patay (mga hango)

Tiresias: Bakit, o sawimpalad, iiwan ang liwanag, at lilisan upang makita
ang patay sa malupit na pook na ito?

Mga Anino 1

Lahat ng patay na ito

sino sa atin ang uusisa sa kanila

kailangan ba ng masaker
at mga luha
nang makita ang daan sa kailalimang babakasin para sa atin

maliban kung ang habagat na pumupunit sa atin
ang magpapalusaw sa ating bait

sa yugtong wala tayong pakialaman hinggil sa pagtatagpo

Mga Anino 2

Lahat ng patay na ito
aling pangalan ang tatawagin papasok sa bilog

nakaunat ang mga kamay sa dasal ng paghihiwalay
gayong nagbabantulot

hindi na tayo humahagulgol gaya ng nakagawian

kayraming tao ang namamatay bawat araw
kaya tumatanggi
ang ating mga puso na magdalamhati

ito ba ang pagbabanyuhay

Mga Anino 3

Lahat ng patay na ito
na hindi natin nakikita
kapalaran ba nila ang mamatay

mga babae bata kabataan matanda at sundalo
marami ang tulad ng kawawang Alpénor
na nabigong mapanatili ang balanse

mga peryodiko’y binibigyan minsan sila ng pitak
sa kabila ng sensura

sinasabing marami sila kaya nililimot natin

Mga Anino 10

Lahat ng patay na ito
na marahang tumatakas sa kanilang buhay
ano ang inihandog natin sa kanila sa panahong ito
nahuhubad ang mga salita upang isilang na tula
mga salitang pinigil ng panghihinayang o ibinitin
ng sindak sa harap ng ating paningin
noong unang panahon pa man gaya sa kawikaan
ang mga salitang ginagamit ay lumalabo sa atin
tatanungin minsan natin ang sarili hinggil sa pagdiriwang
ang ningning nito’y bigong sinagan ang kakatwang mithi sa gunita

Ang Karahasan ng mga Oras, ni César Vallejo

Ang Karahasan ng mga Oras

Salin ng “La violencia de las horas,” ni César Vallejo
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

. . . . . . . .Yumao ang lahat.
. . . . . . . .Namatay si Ginang Antonia, na namaos, na naghurno ng mga murang tinapay sa nayon.
. . . . . . . .Namatay ang kurang si Padre Santiago, na ibig batiin ng mga kabataan, at binabatì ang kung sino-sino: Magandang umaga, José! Magandang umaga, Maria!
. . . . . . . .Namatay si Carlota, ang may bulawang buhok, at iniwan ang isang sanggol, na pagkaraan ay mamamatay din, walong araw pagkalipas mamatay ang ina.
. . . . . . . .Namatay ang aking Tiya Albina, na malimit awitin ang mga minanang tiyempo at modo, habang nananahi sa mga loob ng koredor, para kay Isidora, na pagiging katulong ang trabaho, at labis na kagalang-galang na tao.
. . . . . . . .Namatay ang matandang bulag ang isang mata, hindi ko matandaan ang kaniyang ngalan, ngunit natutulog siya kahit sa sinag ng umaga, at nakaupo sa sulok ng pintuan ng ohalatero.
. . . . . . . .Si Rayo ay namatay, ang asong kasintangkad ko, at binaril ng kung sinong tao.
. . . . . . . .Namatay si Lucas, ang aking bayaw, na namayapa ang mga baywang, at natatandaan ko tuwing umuulan, at walang sinuman ang may gayong karanasan.
. . . . . . . .Namatay si Nanay nang dahil sa aking rebolber, ang aking ate sa aking kamao, at ang aking kuya sa aking duguang lamanloob, ang tatlong binigkis ng kung anong pighati, sa buwan ng Agosto noong mga sumunod na taon.
. . . . . . . .Namatay ang musikong si Méndez, ang matangkad at lasenggo, na humihimig ng malungkuting tokata sa kaniyang klarinete, na ang pagpapalawig ay nakapagpapahimbing ng mga inahing manok ng aming kapitbahay, bago pa man sumapit ang takipsilim.
. . . . . . . .Namatay ang aking eternidad, at pinupukaw ko ito ngayon.

Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping.

Alin ang totoo?, ni Charles Baudelaire

salin ng “Laquelle est la vrai?” ni Charles Baudelaire
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Alin ang totoo?

May kilala ako noon na nagngangalang Benedicta, na pinasisigla sa ideal ang paligid at nagtataglay ng mga matang sumisinag ng pag-asam sa kadakilaan, kagandahan, karingalan, at sa lahat ng bagay na nagdudulot upang maniwala ang sinuman sa inmortalidad.

Ngunit ang mapaghimalang kabataang binibini’y napakarikit para mabuhay nang matagal, at totoo, matapos kaming magtagpo sa unang pagkakataon ay namatay siya. At sa araw na kahit ang mga sementeryo ay nabalani ng insensaryo ng taglagas, ako na mismo ang naglibing sa kaniya. Oo, ako ang naglibing sa kaniya, na ipinaloob ko sa mahalimuyak na kabaong na mahigpit ang pagkakalapat ng matitigas na kahoy, gaya ng mga baul mula sa malayong India.

At habang ang aking paningin ay nakapako sa pook na pinagbaunan ng aking kayamanan, bigla kong nasilayan ang munting nilalang na kahawig ng yumaong Benedicta at siya, na nagpapapadyak nang masidhi at nagwawala, ay bumunghalit ng halakhak saka nagsisigaw: “Ako ito, ang tunay na Benedicta! Ako ito! Ang sikat na puta! At bilang kaparusahan sa iyong pagiging hangal at bulag, iibigin mo ako gaya ng katangian ko!”

Nagngalit ako’t tumugon, “Hindi! Hindi! Hindi!” At upang maigiit ko ang aking pagtanggi, sumikad ako nang marahas sa lupa at bumaon ang aking binti hanggang tuhod sa sariwang tabon sa hukay. At gaya ng lobo na nabitag, nananatili ako magpahangga ngayon na bihag, at marahil magpakailanman, sa libingan ng Ideal.

Taglagas Ngayon, ni Mihai Eminescu

TAGLAGAS NGAYON

salin ng tula ni Mihai Eminescu.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Taglagas ngayon, kalat sa lupa ang mga dahon,
At naiiwan ang mga hamog sa may bintana;
Nagbabasa ka ng lumang liham na kupas, sira,
at binalikan ang iyong búhay minsan pa noon.

Sa munting bagay ay nalugod kang maglustay-oras
At nayayamot kung lumagitik sa may salamin;
Kung nagyeyelo sa labas-bahay, mas nanaising
Nabí sa siga saka payapang lubos-mangarap.

Umupo ako sa aking silya nang nakatitig
Sa apoy nitong lumang salaysay at adang reyna;
Sa paligid ko’y may singaw-ulop na lumalamig.

At kumaluskos ang mga sutlang nukaw sa akin,
Habang ang yabag na mararahan ay papalapit . . .
At tinakpan mo ng yelong kamay itong paningin.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.