Ikaapatnapu’t apat na Aralin: Ang Larangan

Ikaápatnapû’t ápat na Aralín: Ang Larángan

Roberto T. Añonuevo

Umuwî sa kaniyáng báyan si Ápolakí pagsápit ng ikálabíngwalóng áraw ng ikálabíng-isáng buwán ng penúltimang taón at dekáda ng síglo de óro, tagláy ang súgat na dúlot ng palasóng may dità mulâ sa mga kaáway, makalípas ang tatlóng daáng taón ng pananáhan sa larángan at tumangkád ang bundók sa mga pugót na bangkáy. Ang súgat, na umáanták at nagnánaknák sa buông áraw, ay kisápmatáng nagíging pílat sa ritwál ng gabí; ngúnit pagsápit ng umága ay mulîng bumúbukád úpang pigílin ang poón ng digmâan sa kaniyáng bálak na manalantâ sa ibá’t ibáng lupálop. Hinipò ni Ápolakí ang kaniyáng pílat sa leég, na tíla kumíkináng na medálya ng kaniyáng pakikipágsapalarán; at ni mínsan ay hindî siyá nangambá na mamatáy nang hindî man lámang pumápalág o lumalában. Pumikít siyá, at nagdíwang sa bahá-bahágharìng watáwat ang mga táo sa mga lansángan. Nalánghap niyá sa nagdáraáng símoy ang pistá ng pitóng líbong síning, na ang báwat músa’y may angkíng galíng at halína na nakápagpapákalmá ng kaniyáng kalúluwá, samantálang umaákit sa sínumang naninímdim pára isádulâ ang pag-ása. Pagkáraán, dinunggól siyá ng antók at humimbíng sakâ kináin ng mga álon nang managínip ng nagbúbulkáng káluwalhatìan ng isáng ímperyo. Hindî na mulî siyá tinamàan ng liwánag mulâ noón; at hindî matátagpûán nang kung iláng líbong taón malíban sa isáng talâbabâ sa antígong áklat na sinúlat ng anónimong awtór. Sa ilálim ng karagatán, pára siyáng paslít na nag-iípon ng lakás nang makapágpundár ng dambuhalàng lalawígan: may estásyon ng telékomunikasyón ng hukbóng sandatahán; ekópark ng mga endémikong háyop at lamandágat; mináhan ng bumúbukál na gas at minerál; pantalán ng mga bigáting yáte o súbmaríno; esklusíbong resórt ng mga polítiko at bilyonáryo; at palipárang mag-áalagà ng mga súperjet at helikópter. Ngayón, tinátantiyá ng isáng siyentípikong pithó alinsúnod sa wagás na algorítmo ang mga áraw kung kailán siyá dápat pukáwin at mag-alburóto, habàng nagbábakbákan sa láot at himpápawíd ang mga tsísmis, míto at hakà-hakà, at abaláng-abalá namán ang mga kabatàan sa larông dihitál bílang pagháhandâ sa Olímpiyáda ng mga Síning.

Alimbúkad: Epic poetry battlefield in search of humanity. Airfield memorial sculpture on roundabout by John Goldsmith is licensed under CC-BY-SA 2.0

Awit ng Sapatero, ni Roberto T. Añonuevo

Áwit ng Sápatéro

Roberto T. Añonuevo

Kapág pinálad kang makilála ang sápatéro, malilímot mo ang pangálan ngúnit hindî ang mga digmâan. Isisílang kang káwal sa panahón ng tagtuyót, at kasabáy nitó, aágos ang sariwàng dugô, tutupúkin ang buông báryo úpang unáhan ang bagyó, at pagháhatìan ng kung síno-síno ang mga kulimbát. Warìng nagbóksing ang mga pólitíko, at ang magwagî ay magbúbukás ng palásyo at dambúhalàng négosyo sa tumpák na pagkakátaón. Sa ganitóng panahón, búbuklatín mo sa písara ng gúnam ang isáng bérso ng kilaláng détenído.

1
Sápatos sa gílid ng himpílan ang naghíhintáy
sa ákin. Kumatí ang áking mga paá,
ngúnit ang gúwardíya’y matalím ang tingín.

“Matúlog ka na!” 

2
Ináasám ko rin iyóng isuót at ilákad,
subúkin ang tatág, higitín ang góma o balát,
itanghál káhit lumikhâ ng guníguníng okasyón,
ngúnit ngayón, lumalápit sa ákin ang panahón
úpang pumirmí sa sahíg.

Walâng anó-anó’y tahímik na nagmártsa
ang mga langgám sa padér.

3
Ang sahíg, na sumásaksí sa ákin, ay pinaúupô
akó, maráhil úpang pagniláyan ang katawán
na íbig nitóng lamúnin.

Bumuntóng-hiningá akó, bágo tanggapín
ang kapaláran ng mga míkrobyo sa kukó

o amíning itó’y tapát na pagsísinúngalíng.

4
May pakpák ang áking sápatos noón, inilílipád 
akó nang walâng pakíalám sa mga pangánib.

Ganitó rin ba ang nadaráma ng iméldipíkong
bodégang kung dî láyaw ay kalansáy ang líhim?

5
Ang bantáy ko’y maáarìng nagbábaskétbol
noón; at ngayón, masayá na siyá kung makíta
ákong may réhas ng luhà ang mga matá.

“Ligtás díto,” at siyá’y magtítimplá ng baráko.

6
Ang sápatos na áking tinátanáw ang tadhanà
na sumíkad sa ákin. Warì ko’y bukanégan,

ngúnit paláisipáng walâng wakás.
 
Ngayón, sinásalát ko ang isáng balîng tadyáng
na hiníhintáy magíng kabiyák bálang áraw.

7
Kay bilís dumupók ng áking sápatos.
Ang dalawáng taón sa loób ng paraísong
bartolína

ay katumbás ng pagdilà ng mga súwelas.

Ngúnit walâ akóng maúnawàan sa wikà
kundî ang pagód na pagód na bentíladór.

8
Nakálilímot ng mga paá ang sápatos.
Sabíhin mo iyán sa áking Ádidas

at maglálawáy ka sa mga ísaw at púpog.

9	
Sápatos ng áking haráya, lumakád kayó
at lumápit sa ákin.

Paparatíng ang mga yabág ng mga títik.
Kumíkidlát ang milyón-milyóng ísip. 

Walâ kang maáarók ngúnit lálong masásabík. Kákausápin mo ang détenído sa wikà na kaniyáng alám. Bibigyán mo siyá ng katumbás na tágay. Pagdáka’y mágpipílit kang rébisahín ang natitiráng sandalî, na warìng pagharáp sa bibitáyan.

Alimbúkad: Epic rage poetry beyond Filipino. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Parabula ng Turista, ni Roberto T. Añonuevo

Parabula ng Turista

Roberto T. Añonuevo

Inaakyat ng mga mata mo ang Templo ni Kukulkán, ngunit pumapasok sa iyong guniguni ang mga payëw ng Hungduan na waring handog sa dambuhalang gagambang selestiyal. Sinamba umano noon ang lumilipad na ulupong sa Yukatán, saad ng polyetong dala-dala mo, na habang binabalikan mo’y parang kuwento ng salít-salítang bakunawa at minokawa, alinsunod sa inog ng araw at buwan. Mga piramide sa disyerto, na sintigas ng bisyon ni Imhotep, ang maangas na isiningit ng isang kabataang turista, na waring inupahan ni Netjerykhet para ka gulantangin. Napailing ka. Higit na matanda ang mga piramide ng Brazil, wika ng isa pang turista, at ipinagmagara kung paano binigti ng mga baging at ugat ang natuklasang mga batong inukitan ng epiko ng kagubatan. Hindi magpapatalo ang turistang naglagalag sa Tibet at India, at ikinompara ang mga piramideng waring luklukan ni Shiva laban sa Borobudur ng Java. Habang nakatayo’y tila tatangayin ka ng bagyo ng mga salita at laway sa kabila ng alinsangan; gayunman, mananatili kang panatag, gaya ng ampiteatro ng mga palayan sa Batad. Sa loob-loob mo, ang mga piramide at templo mong naririnig ay pawang mga bato—na hinding-hindi mo ipagpapalit sa mga lungting hagdan ng Kiangan tungong kalangitan, na tila masaganang hayin kay Kabunyian. “Makakain ba ang bato?” untag ng iyong puso. “Hindi ba bato’t guho ang hinukay ng sepulturero ng mga alaala?” Minsan pa, mauulinig mo ang itinuro sa iyong palat; at mapapahagikgik, habang nakatitig sa iyo ang mga banyagang init na init.

Alimbúkad: Poetry dream across cultures. Photo by Mike van Schoonderwalt on Pexels.com

Pulpolitiks, ni Roberto T. Añonuevo

Pulpolitiks

Roberto T. Añonuevo

Para itong kilikíli o galáng-galáng, na pana-panahong sinusúkat ang taglay na init o tibók, nang matiyak kung ang láwas ng madla ay may lagnat o pilay. Hindi sapát ang pagpapatunay ng paningin o pandinig, o kaya’y ang pahiwatig ng ritmo ng maluwag na paghinga; kailangan, sabi ng awtoridad, ang termometro at relo sa pag-arok sa pagkatao, upang pagkaraan ay maibigay ang tumpak na pampaginhawa sa anyo man ng ulan ng mga kendi o ulan ng mga bala. Ngunit espasyo rin ito upang diktahan ang isip, ang isip na tinuturukan ng lason, wika ng rumarapidong tinig sa radyo, upang mapaniwala ang tao na may sakit o may taning sa mundo, kahit mukhang malusog pa sa kalabaw. Mag-iimbento ang mga mananaliksik ng mga tanong, mga tanong na sila rin ang ibig sumagot at ibig ipalunok sa iyo ang resulta, na pakiwari mo’y walang saysay at para lámang sa laboratoryo ng mikrobyo, ngunit mamumulagat ka na lámang na mula roon ay maititindig ang paliparan o pasugalan o ospital para sa mga dinoktor na papel at pagtataksil. Sa tumpak na sandali’y makapag-uutos din ito sa ituturok sa iyong bakuna, sa dapat mong maabot na temperatura, at sa anumang ayuda sakali’t manatili ang pandemya, habang bumibilib kang nagmumurá sa monologo ng posonegro—mula sa koboy ng sariwang dinastiyang elemental.

Alimbúkad: Poetry beyond press release. Photo by Tima Miroshnichenko on Pexels.com

Ang Ulam, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Ulam

Roberto T. Añonuevo

Ang tupa ng hari’y
daig pa ang hari.

Anak ng tupa,
paano ka ba naging isang uban
sa gubat ng dilim?
Para kang nakatatak
sa mga tisert o bag
na ipagmamagara sa tamang sandali
ng kawan-kawan mong tagasunod.
Naunawaan ka namin
sa banyagang pananampalataya
kahit higit na masarap ang tulingan
o itik o baboy-damo.
Modelo ka sa laboratoryo ng isip,
at ligtas kami dahil sa iyong lahi
o sa isusuot na damit.
Masungit dahil malayo sa pastulan,
naghahanap ka ngayon ng damo—
kuwarentena ang pastol at mga aso.
Kutob mo ang simoy ng panganib
sa masasalubong na sabik na lobo
o sa tropa ng mga uwak
kung iyan ang kapalaran sa lupa.
Balisa sa iláng, iláng na iláng ka
kapag tinititigan para sa iniisip
nilang piging o hapunan.
Ano ang magiging tanaw sa iyo
ni Abraham kung masalalak sa sukal?
Tumatakbo kang naliligaw,
nagugutom sa kalugurang sensuwal;
kumakapal ang tatag mo sa taglamig,
at sinabing hubad ang iyong anino
na sakay ng usok tungo sa Paraiso.
Sinusukat at inuuri ng mga diyos
ang iyong lamán, balahibo’t balát,
hinahangaan ang bait, buto’t bayag,
at ihatid man sa katayan o palengke,
nakasusuot ka sa aming guniguni:
malumay, pagpalitin man ang puwesto
ng iyong mga katinig. . . .

Alimbúkad: Uncompromising poetry imagination for humanity. Photo by Mat Reding @ unsplash.com