Wika ng Manlalakbay sa Larawan, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Manlálakbáy sa Laráwan

Roberto T. Añonuevo

Humíhintô ang daigdíg sa iyó, áking laráwan, at hindî ka diyós bagkús isáng ídolong pándagdág sa polusyón. Warìng nalilímot ng panahón ang pág-andár, alinsúnod sa íbig mo o ng potógrapo, at ang pórma ay isáng pórma, gáya ng tindíg, lundág, o ngitî, na mabíbigông maúlit, at kung ulítin man ay magíging huwárang pagtátaksíl. Laráwan sa Instagram, laráwan sa dingdíng, laráwan sa pitakà, laráwan sa tárpolin, laráwan kung saán-saán, ikáw ang laráwan ngúnit hindî manánatíling akó magpákailánman. Nang titígan kitá, at tumítig ka sa ákin, áko ay hindî na akó, bagamán kahawíg kitá, ngúnit ikáw ay nanánatíling ikáw. Nása laráwan ang kúlay, ang liwánag, ang ánggulo, ang síning, ang sandalî, at ang lahát ng itó ay humintô, sámantálang akó ay patúloy na gumágaláw hanggáng sa ináasáhang paglálahò sa dilím. Hindî akó ikáw, o áking laráwan! Kayâ kapág may nagsábing “Ang gúwapo mo sa laráwan!” akó ay hindî na ang nása laráwan, sapagkát akó ay ibáng-ibá na túlad ng tubigáng umaágos o plánetang umiínog. Anó ang kasaysáyan kung ipípirmí sa mga laráwan? Maráhil, itó ang talá-talaksáng iskrápbuk, na makapágdudúlot ng lugód o sindák, o paghangà o paglibák, ang ártsibo ng tagumpáy o libíngan ng panlúlupaypáy. Magpapáhiwátig ang mga laráwan sa wikàng maúunawàan ng mga matá na sumaságap pára sa ipinápalagáy na takbó ng mga susunód na pangyayári, at ang intérpretasyón ay láging nakásalálay sa mga saksí o nakakíta, at sabíhin nang may háwak ng kasaysáyan, bukód sa tagláy nitóng estétikang panlása. Ang laráwan, paáno itó tátakbó sa dískurso kung hindî ipapáliwánag ang yugtô nang sumílang itó? Hindî ba sapát ang pagigíng pérmanénte—na hindî nangangáilángan ng pagpápaláwig—yámang sadyâng ang pagigíng pérmanénte ang diwà ng laráwan? Mahúli sa ákto ay kagilá-gilalás, gáya ng bulkáng súmasábog o maringál na pagpípigíng, o kayâ’y líhim na pagtátagpô ng magkási, na hinintáy o dî-ináasáhan, ngúnit ang susunód na pángyayári ay durúgtungán ng kung anó-anóng katwíran mulâ sa sinúmang malikót ang guníguní at malikot ang dilà. Maipápalagáy na ang laráwan ay manipúlasyón pára hulíhin ang katótohánan o realidád, nang makapágbigáy ng tiyák na sagót mulâ sa úliúli ng mga hakà-hakà, at nang magíng éstatwa akó sa isáng gunitâ. Ang katótohánan, kung magíging laráwan, ay isáng kabúlaánan, sapagkát ang laráwan ay mapánghihímasúkan ng modipíkasyóng dihitál at téknikong sabwátan. Ang realidád, kung magíging laráwan, ay ibabátay sa máteryal na pángyayári, ngúnit ang realidád ay naibábalangkás sa ísip at isá ring laráwan, na kung manánatíli sa papél o isasálin sa pelíkula, ay hindî na ang órihínal. Humintô ang daigdíg sa iyó, áking laráwan. Huwág magtaká, kung ikáw ay íwan ng sinúmang íbig ang ngayón imbés na ang kahápon; o kayâ’y mulîng balík-balikán ng sinúmang sumásambá sa mga hulagwáy. Paúmanhín, áking laráwan, kung tumátanggí man akó magpáhanggá ngayón, na ikáw ay tingnán.

Alimbúkad: Epic swerving poetry questioning reality. Photo by Miray Bostancu0131 on Pexels.com

Sa Laot ng Liwanag, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Láot ng Liwánag

Roberto T. Añonuevo

Sa takdâng sandalî, aakyát ka sa lángit na makikíta mo sa túbig, at makíkilála mo si Túhan na tatanungín ka kung bákit tinanggihán mo ang ínmortálidád, gáya ng tinítingalâ mong buwán. “Bákit hindî ka tumúlad sa panteón ng mariringál na tagalupà? Tumátanggí ka bang sambahín o palákpakán ng madlâ?” Uúsisàin ka niyá kung bákit pinilì mong magíng suplíng ng ságing, na kay bilís maglantád ng pusò at maghubád ng lampín. “Ang kádakilàán,” wiwikàin ng hángin na pumások sa iyóng guníguní, “ay makikíta sa mga anák, hindî sa mga magúlang.” Ay, ang lumalangóy mo namáng tugón hábang sumásagwán ay nagkátotoó. Lumaláboy ang lahì mo sa ápat na pánig ng daigdíg, at kung makatagpô man ng lupà’y tinátakpán namán iyón ng mga álon. Máglalandás ka sa tubigán na tíla kinákaúsap ang mga lamandágat, at maníniwalà ang mga banyagà na tinubùán ka ng hásang, o kung hindî’y áakalàin niláng asín ang iyóng pagkatáo. Hindî man amínin ng mga sugòng saítan, ang katawán mo’y likidó na walâng pirmíng húgis at patúloy na gumágaláw; língid ang kapuwâ pusò at útak ngúnit sumásagitsít ang eléktrisidád. Párang lángit, na hindî lángit—na ang hanggáhan ay sinaságap na lampíngas sa kapaláran.

Alimbúkad: Epic poetry tsunami from Filipinas. Photo by Elianne Dipp on Pexels.com

Wika ng Bantay sa Pulo ng Hinaharap, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Bantáy sa Pulô ng Hináharáp

Roberto T. Añonuevo

Téritóryo ng kamalayán ang nagtatakdâ ng panahón, at hindî itó maúunawàan ng mga tuwíd mag-isíp o kayâ’y nágkukulóng sa silíd—patingín-tingín sa reló, pabuklát-buklát ng peryódiko, o paékis-ékis sa mga número ng kálendáryo. Ang daigdíg ay dî-maliparáng uwák na bakás ng mga talampákan at kasíng-ínit ng nágtitimpîng bulkán, paúlit-úlit na tinútuklás sa kaingín at págtataním, sa pangangáso at pangingisdâ, sa pag-aaníto at pangángalákal; at ang talâarawán ay maiíwan sa bangín, bátis, at bituín na pawàng magíging orasán ng katawán. Kabesádo noón ng iyóng butó’t lamán ang madalîng-áraw káhit ninanákaw ang iyóng labuyò. Ngúnit ngayón, namumugtô ang iyóng títig na hindî dápat magíng balità ng paglímot. Náililípat sa lupàin ang nakalípas at kasálukúyan, na warìng migrasyón ng mga tiklíng at tigdás, ngúnit ang hinaharáp ay manánatilìng walâ. Walâ walâ walâ! Umiíral ka sa mga kámpo, at paglabás mo sa déstakaménto ay malulúsaw din ang lahát sa paningín, gáya ng maiitím na úlap at walâng katupárang pláno at pangakò. Máglalakád ka kapíling ang ibáng lipì, mag-aáral nang de-kórbata pára lalòng lumabò ang pagkatáo at pipilìing magíng aníno gayóng sumísigáw ang mga kamaó na pigíl na pigíl sapakín ang tumárantádo sa iyó na ipinágmamálakí ang mga muhón at título. Natúto ka sa mga batás at sumunód sa pamantáyan. Gayunmán, ibíbilanggô ka sa mga téksbuk o énsiklopédya nang manatilìng punggók at estátiko, at isásaúlo ang kulót na álpabéto na párang pagtingalâ sa mga bagyó. Ang lungsód, anó ang págkakaibá sa iníwan mong gúbat o iláwod? Sapagkát kumikíta gáya ng dambúhalàng pábrika, ang lungsód mo’y dilát na dilát ngúnit duróg na duróg, hindî ináantók gayóng kay rupók na tíla naáagnás na tuód o puntód. Ganiyán din ba ang masasábi mo sa gúbat at iláwod na napupúkaw sa iyóng hiningá, kaluskós, at wikàng ilahás? Nangíngibáng-báyan káhit ang mga aníto pára sambahín sa mga pérya o múseo; at doón sa malayò, hindî man silá manlimós ay magkakároón ng mga eksótikong taták, gáya sa tsókolate o óleo o restorán, úpang kathâin ang sinaúnang úgat at dángal na magpapáluwág sa kaloóban ng módernong sibílisasyón. Pupukulín ka ng nakásusúgat na tingín, o háhambalúsin ng túbo o ínsulto, ngúnit íigpawán ang dumaráming pílat sa alaála. Bubuksán mo ang kamalayán na párang pagpások sa isáng pulô na nakápaloób sa higít na malakíng pulô na nakápaloób sa kapulûan na nakápaloób sa lupálop na nakápaloób sa karagatán na nakápaloób sa kalawákan na nakápaloób sa kawalán. Pára kang pugà sa réhas ng mga álon, hindî sumúsukò magbágo man ang klíma, hindî natatákot mamutî ang mga talampákan sa lábis na lamíg o lábis na gútom. Sapagkát liliwaywáy sa iyó na itinátakdâ ng panahón ang kamalayán ng téritóryo na untî-untî mong ináangkín nang palihím at páilalím—birùin ka mang sumusúlat sa túbig, o gumugúhit sa ibáng hímpapawíd—na isáng kathâng ísip, túlad mo, at túlad nitó.

Alimbúkad: Epic poetry Filipinas rampaging the world. Photo by @rrinna on Pexels.com

Wika ng Napagtanungan sa Estranghero, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng napágtanungán sa estranghéro

Roberto T. Añonuevo

Sumagì ba sa ínstinto ng paruparó na itó ang séntro ng daigdíg pagdapô sa bulaklák? Naságap ba ng taliptíp na itó ang panahón ng dágat pagdikít sa talúkab ng pawíkan? Nasákop na ba ng mga langgám o buláti ang lupàin úpang itúring na yaón ang dápat magharì sa ibábaw ng bangkáy at asúkal? Sinúsuwág ba ng kalabáw ang mga lángaw at lamók úpang idiín na itó ang dápat masunód sa mapútik na búkid? Mga walâng saysáy na tanóng, dumarakò man sa yugtông éksisténsiyál o materyál, ngúnit sa pánig ng táo ay pósible sapagkát áakalàin niyá na siyá ang daigdíg sa isáng yugtô, na siyá ang éhe at íkot at ínog, na siyá sa bandáng hulí ang únibérso. Maghahanáp ka ng mga pulô káhit nauuklô sa gambá o poót o lagím o litó. Maglalakád ka sa mga désyerto na warìng ikáw ang ináasáhang ulán at padrón ng mga gúbat. Lilikhâ ka ng mga salitâ úpang ang kidlát ay maípahatíd ng dilà o líham. Matutúto kang maglutò úpang gawíng kusinà ang báwat súlok at gawíng úlam ang lahát ng káyang tanggapín ng sikmurà. Kung kasíngliít ka ng bútil ng buhángin, anó’t hindî magtataká kung may ibáng galáktikong míkrobyo na malíligáw sa iyóng bakúran? Ang séntro ng bilóg ay séntro ng parisukát, nagkákaibá lámang sa mga gílid. Ang séntro ng séntro ay tuldók na tuldók ng kawalán; ang séntro ay hindî sólido bagkús hungkág, at kung itó ang nanaísin mo, iiíral kang walâ ngúnit naróroón, íiral kang naróroón ngúnit nawáwalâ. Húwag mo ákong tanungín sapagkát hindî akó glósaryo ng iyóng tadhanà. Hindî akó siyentípiko na tiyák sa báwat makíta bátay sa komposisyón ng mga molékula at túlin sa hátag na dístansiya. Bákit pipigâin ang útak sa gáya ng sampûng líbong diyós gayóng hiníhingî ang niyógan at bakáwan bágo maglahô ang dalámpasígan? Magbábalangkás ka ng mga batás na mulî’t mulî mong súsuwayín. Mág-iimbénto ka ng mga hakbáng, gayóng ang kailángan ay pag-upô nang walâng tínag at paghingá nang malálim. Kailán mo naísip na kailángan ka ng músa, o siyá ang kailángan mo, gayóng hindî mo alám kung ang músa ay sadyâng pára sa iyó? Marámi kang tanóng na maráming sagót na párang palábok o pagsúlat sa túbig, at maráming sagót na lihís sa lóhika ng iyóng butó’t lamán. Kung ang tanóng ay tumátawíd sa dimensiyóng máteryal at di-máteryal, ang sagót din ba ay dápat magpabálik-bálik sa dimensiyóng máteryal at di-máteryal nang may katumbás na guniguní at gunitâ, at nang magíng kasiyá-siyá sa gáya mong lagìng gumigitnâ, sa gáya mong ang lahát ay nililikhâ at isáng matigás na bágay ang simulâ ng pag-unawà? Hindî kitá kailángang sampalín pára magisíng. Walâ akóng alám; at malayà mong isíping isá akóng gágo o pilósopo o sadyâng sirâúlo, na hindî dápat séryosóhin sa plánetang itó.

Alimbúkad: Epic rumbling poetry beyond pandemic. Photo by Adam Borkowski on Pexels.com

Pilosopiya, ni Pablo Neruda

Salin ng “Filosofia,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Pilosopiya
  
 Masusubok ang katotohanan
 ng lungtiang punongkahoy
 sa tagsibol at balát ng lupa:
 Pinalulusog tayo ng mga planeta
 sa kabila ng mga pagsabog
 at pinakakain ng mga isda ng dagat
 sa kabila ng mga pagdaluyong:
 Mga alipin tayo ng lupain
 na nangangasiwa rin sa hangin.
  
 Sa paglalakad ko nang may kahel,
 nagugol ko ang higit sa isang búhay
 at inuulit ang globong terestriyal:
 Heograpiya at ambrosya.
 Ang mga katas ay kulay hasinto
 at puting halimuyak ng babae
 na tulad ng mga bulaklak ng arina.
  
 Walang matatamo sa paglipad
 upang takasan ang globong ito
 na bumihag sa iyo pagkasilang.
 At kailangang ikumpisal ang pag-asa
 na ang pag-unawa at pagmamahal
 ay nagmumula sa ibaba, umaakyat
 at lumalago sa kalooban natin
 gaya ng sibuyas, gaya ng mga ensina,
 gaya ng mga bansa, gaya ng mga lahi,
 gaya ng mga daan at patutunguhan. 
Alimbúkad: Poetry ecstasy at its best. Photo by Tuu1ea5n Kiu1ec7t Jr. on Pexels.com

At gaano katagal mabuhay?, ni Pablo Neruda

Salin ng “Y cuanto vive?,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

At gaano katagal mabuhay?

Gaano ba dapat katagal mabuhay ang tao?

Mabubuhay ba siya nang sanlibo o isang araw?

Isang linggo, o ilang siglo?

Gaano katagal niyang gugugulin ang pagyao?

Ano ang ibig sabihin ng “walang hanggan?”

Nalunod ako sa ganitong mga pagninilay,
kayâ sinikap ko na linawin ang mga bagay.

Sumangguni ako sa matatalinong saserdote,
hinintay silang matapos ang kanilang mga ritwal,
at tinitigan nang maigi ang kanilang mga lakad
tuwing dumadalaw sa Diyos at Diyablo.

Nabato sila sa aking mga tanong.
Sa panig nila’y kakaunti lámang ang alam nila;
hindi sila makaigpaw sa pagiging administrador.

Tinanggap ako ng mga mediko
nang maisingit sa mga konsultasyon,
habang tangan nila ang panistis,
tigmak sa aureomisina,
at napakaabalá bawat araw.
Natutunugan ko mula sa kanilang sinasabi
na ang problema ay ang sumusunod:
Hindi iyon hinggil sa pagkamatay ng mikrobyo
dahil nalilipol iyon nang tone-tonelada—
bagkus sa kakaunti na nakaligtas
na nagpamalas ng kalisyahan.

Iniwan nila ako nang nagigitla
kayâ sumangguni ako sa mga sepulturero.
Nagtungo ako sa mga ilog na pinagsisilaban nila
ng mga dambuhalang pintadong bangkay,
maliliit na patpating katawan,
mga nakabihis emperador
ng malalagim na sumpa,
mga babaeng nalagas nang kisapmata
sanhi ng daluyong ng kolera.
Naroon ang pampang ng patay
at ng mga abuhing espesyalista.

Nang magkaroon ako ng pagkakataon
ay pinukol ko sila ng matitinding tanong,
at nag-alok naman silang sunugin ako:
Iyon lámang ang lubos nilang nalalaman.

Sa bayan ko, ang mga sepulturero’y
tumugon sa akin, pagkaraang tumagay:
‘Maghanap ka ng mabuting babae—
at tigilan mo na iyang kabulastugan.’

Nakita ko kung gaano kasaya ang mga tao.

Umawit sila habang nagtatagay ng alak,
para sa kalusugan at kamatayan.
Mukha silang mga bigating hindot.

Umuwi ako ng bahay, at ganap na tigulang
makalipas tawirin ang daigdig.

Ngayon ay wala na akong inuusisang tao.

Ngunit kakaunti na ang aking alam bawat araw.

Alimbúkad: World Poetry Translation Project Marathon for Humanity. Photo by Ümit Bulut @ unsplash.com

Wakas ng 1968, ni Eugenio Montale

Salin ng “Fine del ’68,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Wakas ng 1968

Pinagnilayan ko mula sa buwan o kawangis
nito ang munting planetang nagtataglay
ng pilosopiya, teolohiya, politika,
pornograpiya, literatura, siyensiya,
lantad man o lingid. Nasa loob niyon
ang tao, na kasama ko, at kakatwa ang lahat.

Ilang oras pa’y hatinggabi na at ang taon
ay magwawakas sa pagsabog ng tapón ng alak
at ng mga paputok. O kaya’y bomba o higit pa,
ngunit hindi rito sa kinaroroonan ko. Hindi
mahalaga kung may mamatay, hangga’t walang
nakakikilala sa kaniya, hangga’t napakalayo niya.

Ehersisyo sa Espasyo, ni Roberto T. Añonuevo

Ehersisyo sa Espasyo

Roberto T. Añonuevo

1
Sayang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang puwang
kung walang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .mga nilalang
na gaya mo
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na gaya ko—
nagsasanib,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . naghihiwalay
sa kawalan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .umiikot,
walang laman.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . Sayang.

2
Ang kalawakan
ay pagkakamali
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .kung tayo
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at tayo lámang
ang natitirá,
ang tumitirá
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .sa planeta
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .kahit buhangin
ang posibilidad
ng mga planeta.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ang uniberso
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ay pagkakamali
kung walang
ibang maláy
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na taglay
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang kamalayan
ng tanikala
ng mga tanong,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at ang gunita
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ay konstelasyon
ng tuldok
na walang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .hangga’t
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .hanggahan.

3
Sa espasyong
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ito,
kung ang hakbang
mo’y hakbang.ko,

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ikaw
ay akong
mundong
sinliit
ng atomo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Sa espasyong
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ito
ang sarili
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang sarili
ang ikaw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang ako.

4
Ang lawak
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang lalim
ang lapit
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang taas
ng puwang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ay ikaw
na nasa
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .aking loob.

5
Ang loob:
monotonong
simetriya
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng bagay
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na bagay
sa lakas mo
na lakas ko.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ang hulagway
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at ang anino
sa tambalang
Urong-
Sulong.

Isa pa:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .matematika
ng bato
. . . . . . . . . . ..pabulusok
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .sa banging
nagpapatalbog
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng tunog,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang balaning
di-nakikita
ngunit
. . . . . . . . . . . . . . .gumagalaw
kung hindi
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .nagpapagalaw,
tawagin man
itong

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .sungayang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .salamangka.

Ngunit
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .rumirikit
kung sungkî
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang sukat
o sintunado
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang tugmâ.
Kahanga-hanga,
walang bait,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . walang lohika
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ngunit umiiral
na pananaginip
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang talim
at hiwaga.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Hiwatig waring
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .>>>>.nasa dulo
ng kawad—
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . lumalaylay
na taytay
. . . . . . . . . . . . . . . . ang bukás
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na palad.  .  .  .

6
Salamin
ng langit
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang bundok
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .o batis,
parang luha
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na lihim
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng mata.
Ang dilim
. . . . . . . . . . . . . .na sumusuka
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng liwanag,
ang wala
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na simula
at wakas
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng diwa.

Sayaw ko, ni Blaise Cendrars

Salin ng “Ma danse,” ni Blaise Cendrars (Frederick Louis Sauser)                   ng Switzerland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sayaw ko

Kay Platon, walang karapatan sa lungsod ang makata
Hudyong palaboy
Metapisikong Don Juan
Mga kaibigan, matatalik sa loob
Wala ka nang kaugalian at wala nang bagong gawi
Dapat nang lumaya sa tiranya ng mga magasin
Panitikan
Abang pamumuhay
Lisyang kayabangan
Maskara
Babae, ang sayaw na ibig ipasayaw sa atin ni Nietzsche
Babae
Ngunit parikala?
Tuloy-tuloy na pagpasok at paglabas
Pamimilí sa lansangan
Lahat ng tao, lahat ng bansa
At ikaw ay hindi na pasanin pa
Tila ba hindi ka na naroroon .  .  .
Ginoo akong nasa kagila-gilalas na treng tumatawid sa parehong lumang Ewropa
. . . . . . . at nakatitig nang malamlam mula sa pasilyo
Hindi na makapukaw sa aking interes ang tanawin
Ngunit ang sayaw ng tanawin
Ang sayaw ng tanawin
Sayaw-tanawin
Paritatitata
Ang aking paiikutin

Tatlong Klasikong Haiku

Salin ng mga tula nina Ringai, Buson, at Basho ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Suplíng

Ringai

Itím na túbig
Mulâng nagyélong balón .  .  .
Kisláp-tagsiból.

Payapà

Buson

Tumindíg akó’t
Diníg sa takípsílim:
Hímig ng kókak.

Tagpô

Basho

Sayáw sa símoy:
Kambál na parupárong
Nagtálik-putî.

nature grass outdoor wing plant field meadow prairie flower petal animal cute spring green insect macro natural park butterfly yellow garden flora fauna invertebrate wildflower close up grassland nectar pieridae macro photography pollinator moths and butterflies lycaenid colias