Pananabik, ni Roberto T. Añonuevo

Pananabik

Roberto T. Añonuevo

1
Ang pananabik ay naikukubli sa paghuhugas ng pinggan
at baso, na tila hindi maubos-ubos doon sa lababo.

Magmamantika ang mga palad mo, at iisipin na lámang
na ang bulâ ng sabon ay balikbayan mula sa ibayo.

2
Ang pananabik ay walang espasyo at panahon.
Minsan, nagpapakita ito sa gitna ng trabaho,
nagbibihis ng papeles na tambak sa harap mo.

Ngunit kay gaan ng iyong puso sa ritmo ng daigdig.

3
Ang pananabik ay napakahaba, napakabagal
na pila, na parang isang kilometrong sawá,

at kung ikaw ang nasa dulo ng buntot,
maiisip ang walang katuparang pangako—
gaya ng mula sa politiko na ibinulsa ang ayuda.

4
Magpapahaba ka ng buhok dahil sa labis na inip,
at di-alintana kung pumuti ang bigote o balbas.

Ngunit kapag sumusuot sa guniguni ang inaasam,
pipiliin mong maging hubad at kalbong naglalakad,

na parang iyon na ang pangwakas na araw
ng lahat ng salon at barberya.

5
Naantalang kartero o sulatroniko ang pananabik.
Silip ka nang silip mula sa bintana,
at bumubungad sa paningin mo ang mga sáko
ng basurang hahakutin ng mga basurero.

Maiinggit ka, sapagkat hindi ikaw ang hinakot nila.

6
Kapag may narinig kang eroplanong nagdaan,
ang akala mo’y dumating na ang hinihintay.

Maririnig sa iyo ang paboritong “Sana, sana. . . “
at hindi na muling manonood ng Koreanobela.

Bakit luluha kung sakali’t wala ang sinisinta?

7
Nakababaliw ang pananabik, kayâ naititindig
ang pinangarap na bahay,
at nakalilikha ng hardin ng mga gulay o bulaklak.

Magninilay ka sa inilatag na mga graba sa daan,
sa munting talón malapit sa pader,
at kapag may naligaw doon na paruparo o maya
magpaparaya ka sa kanilang pulut-gatâ—

na parang ikaw ang Bathala nilang lumuluha.

8
May samyo ng umaasóng sinaing ang pananabik.
Nakahanda ang hapag-kainan at naghihintay.

Susulyapan mo ang selfon at magkukunwari
na ang mahal ay dumating, at ngayon ay kapiling.

9
Mabibigo kang itala sa isip ang iyong pananabik.
Susulat ka nang susulat, kahit sa sahig o dingding,
para tawagin bilang sining,
para tawagin bilang tula,
at lilikha ka ng libong talinghaga hindi man makata.

Sapagkat siya ang iyong walang hanggang pag-ibig.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Jack Sloop @ unsplash.com

Takipsilim, ni Jules Laforge

Salin ng “Crepuscule,” ni Jules Laforgue ng Uruguay/France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Takipsilim

Takipsilim.  .  .  Mula sa mga bahay na dinaraanan ay nalalanghap ko ang inilulutong pagkain at nauulinig ang kalantog ng mga pinggan. Naghahanda ang mga tao na maghapunan at pagdaka’y matulog o tumungo sa teatro.  .  .  Ay, matagal ko nang ginawang bato ang búhay laban sa mga luha; káya kong maging kapuri-puring duwag ngayon sa harap ng mga bituin!

At lahat ng ito’y walang katapusan, walang wakas.

Ang mga pagál na kabayo’y hinihila ang mabibigat na kariton sa kahabaan ng mga kalye—gumagala ang mga babae—binabati ng ngiti ng mga lalaki ang isa’t isa.  .  . at umiinog ang mundo.

Hápon.

Kalahati ng mundo’y sinisinagan ng araw, at ang kalahati’y maitim at may batik ng apoy, gas, resina, o alab ng kandila.  .  .  Sa isang pook, nagbabakbakan ang mga tao, at may mga masaker; sa kabilang panig, may pagbitay, at sa isa pa, nakawán.  .  .  Sa ibaba, natutulog ang mga tao, namamatáy.  .  .  ang mga itim na láso ng paghahatid sa paglilibing ay nagwawakas sa mga punong teho. . . walang hanggan. At sa lahat ng itong pasan-pasan, paanong nakaiinog pa na simbilis ng lintik ang dambuhalang mundo sa eternal na espasyo?

Pinggan at Kulisap, ni Frances Brent

Salin ng “Plate and Insect,” ni Frances Brent ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pinggan at Kulisap

Usok mula sa sinaing ng kawalan
na pumapalibot sa hungkag na pinggan ang gutom,
at ang kulisap ay hugis butong pakwan,

pagdaka’y pawang magiging singaw.

Ang kapanatagan ko’y
nakasalalay sa di-nakikitang panimbang, malayang
lumilipat sa gitna ng inmakuladang platong paikot

at bumabalik sa maliit, itim na mantsang batik-batik
para sa mga binti, sa pagitan ng habilog
na iginuhit sa papel at ng makutim na sanaw

ng munting Buddha na tiwarik ang anyong
isang ipis, at sa porselana nitong pugad
ay naroon ang tumpok ng sinuklay na buhok,

at ang isinaharayang bigat ng balighong mangkok
ng Tsino ay ang bibig ng Diyos
at alimuom sa bundat na tiyan.

Nabubuhay ako sa dalawang bagay,
ang pagkabato ng bukás at ang isa pa’y
siksik sa ginto,

ang kaganapan
at ang batong-ilog.
Nalusaw ako sa ulap ng hiláw na gatas.