“Kapalaran,” ni Tariq Ibn Ziyad

Kapalaran, ayon sa wika ni Tariq Ibn Ziyad

“Mga bagani, bakit kayo tatakas? Nasa likuran ninyo ang dagat,
at nasa harapan ang kaaway!”

—Tariq Ibn Ziyad

Wasak ang taytay
at bangkang patay
ang nasa bungad.
Amoy ng sungad:
pugot na ulo
dito sa dulo
ang iyong uwi,
o siya’y sawi.

Tariq Ibn Ziyad, pintura ni Fareed Suheimat, lapis at tubigkulay, Setyembre 2009.

Advertisements

Ang Kahon

"Balikbayan Box," pintura ni John Santos

"Balikbayan Box," oleo sa kanbas, pintura ni John Santos

ANG KAHON

(salamat sa “Balikbayan Box” ni John Santos)

Maaaring ang parihabang kahon ay matayog na gusali,
at ang loob ay naglilihim ng mga butong bali-bali.
Nagtataglay din marahil iyon ng tsokolate, prutas, alak,
gamot, damit, kompiyuter, retrato, at kung ano-anong
rekwerdo o pasalubong o bakás ng mga paglalakbay.
Buksan ang kahon at mabubuksan ang laksang silid.
Buksan ang mga silid at lilitaw ang sumpa at salot.
Buksan ang kahon at mabubuksan ang mga bintana.
Buksan ang mga bintana, at mauulit ang panahon ng pagtuklas.

Maiiwan sa loob ng kahon ang Pag-asa.

Nasa tuktok niyon ang mga aklat ng karunungan o bait
o karanasan na masasagap sa banyagang isla o lupalop.
Sapatos ang palamuti sa garautan, ang sapatos na tumapak
sa entablado at balikat, sa bibitayan at anino upang manaig.
Gawa sa Filipinas ang kahon, ngunit marahil hindi ang laman,
dahil ang anumang umalis sa pantalan o paliparan
ay maghuhunos ng anyo, magpapalit-pangalan, mananariwa
sa pasaporte, retrato, at katauhan. O ito lamang ang nais
mong isipin. May naglaho at maaaring hindi na magbabalik pa.

Ipagugunita ng kahon ang lahat ng balikbayan. At ang balikbayan,
gaya ni Jose Rizal, ay dapat litisin, hatulan, bago kitlin sa Bagumbayan.

Mga Hulagway sa Kamay ni Renata Domagalska

Flamenco, guhit ni Renata Domagalska.

Flamenco, guhit ni Renata Domagalska.

Malikot, malandi, at marikit ang mga hulagway na iginuguhit ni Renata Domagalska. Sumasayaw sa kambas ang kaniyang mga binibini sa himig ng flamenco, at tatatak sa gunita ang mga mukhang animo’y namimighati ngunit nagmamahal. Marahas, mabilis, magaspang ang hagod ng mga kulay, mga kulay na bagaman mababansagan ng impresyonismo o ekspresyonismo ay ibig kumawala sa mga de-kahong taguri o kalakaran. Maglalaro ang guniguni ni Domagalska sa hubad na katawan ng babae, at dito ipakikita ng pintor ang kaniyang kadalubhasaan sa pigura at erotika, at ang dating pagtanaw sa babae ay makakargahan ng magnetikong pahiwatig dahil hinahatak ang sinuman na tumanaw sa paningin ng isa ring babae.

Passivity, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

Passivity, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

Una kong napansin ang mga pintura ni Domagalska sa Flcker. Napahanga ako sa kaniyang serye ng mga lastag na babae at mananayaw, at pagkaraan ay nag-usisa ng iba pang pagkakakilanlan sa pintor. Nag-email ako pagkaraan sa kaniya’t nakipaghuntahan sa himpapawid tuwing hatinggabi. At bagaman magkalayo ang aming kultura at magkaiba ang tabas ng wika, ay sinikap pa rin niyang tugunin ang aking mga tanong sa Ingles. Polish ang wika ni Domagalska ngunit gaya ng iba pang pandaigdigang tao ay mahusay din sa iba pang wikang internasyonal.

“Hindi ko iniintindi ang sasabihin ng publiko,” ani Domagalska sa Ingles. “Nais kong lumikha at magpinta ng mga positibong larawan. “Hitik ang ating daigdig sa pighati, panlulumo, ligalig, at digmaan. Makikita iyan sa maraming likhang-sining. Nais ko namang lumihis. Nais kong magbigay ng pag-asa, at magpahatid ng matitimyas na damdamin ng tao.”

Mahaba ang kasaysayan ng Poland, at ang bansang ito ay dumanas ng madudugong digmaan, at pagkakawatak-watak at pananakop ng dayuhan, at panggigigipit kahit ng mga dugong bughaw, at muling pagbubuo ng kabansaan. Malalim din ang tradisyon ng sining ng Poland, mulang sinauna hanggang makabagong panahon, at ang mga ito ang tinutuntungan ni Domagalska upang lumikha ng iba’t ibang makukulay na hulagway at kaisipan.

Relief in Closeness, guhit ni Renata Domagalska.

Relief in Closeness, guhit ni Renata Domagalska.

Edad 31 pa lamang si Domagalska ngunit waring ang kaniyang kaluluwa’y dumanas ng ilang siglong paglalakbay. “Gumuguhit at nagpipinta ako kahit noong bata pa ako,” paliwanag niya sa Ingles. “Hindi ko maipaliwag kung bakit gusto kong gumuhit. Parang may humihimok sa akin, at ang tinig ay parang nanggagaling kung saan. Nagsimula akong magpinta ng batang nagpi-figure skating. Iginuhit ko ang masasayang tagpo ng pamilya. Kasi’y hindi ko naranasan ang magkaroon ng isang masayang pamilya noong bata pa ako.”

Nagtapos si Domagalska sa Panstwowe Liceum Sztuk Plastycznych, na sekundaryang paaralan sa Poznan, noong 1998. Pagkaraan, nagtrabaho siyang computer graphic artist sa isang kompanya ngunit nagbitiw at nagpasiyang ibuhos ang buhay sa pagpipinta, pagdidisenyo, at iba pang uri ng sining. “Noon ay naaagaw ang aking oras sa pagtatrabaho sa harap ng kompiyuter. Ipinasiya kong ilaan ang 90 porsiyento ng aking panahon sa pagpipinta, at ang 10 porsiyento ay para sa iba pang gawain at paglilibang.”

Pope John Paul II, guhit ni Renata Domagalska.

Pope John Paul II, guhit ni Renata Domagalska.

Iba’t ibang anggulo ng personalidad ang pinapaksa ni Domagalska, at maibibilang ang pinakatanyag na anak ng Poland sa siglo 20: si Papa Juan Pablo II. Iguguhit din niya ang mga tagpo mulang dalampasigan hanggang bukirin at kahuyan. Ang nakagugulat ay tila napagagalaw niya ang mga larawan, na kung hindi man binubughan ng simoy ay nangangatal sa sukdulang kaligayahan.

Lumihis si Domagalska sa promosyon ng kaniyang mga akda. Bagaman napapabilang ang ilang pintura niya sa mga galeriya sa Poland, higit na makikilala siya sa pamamagitan ng online gallery na nagtatampok sa mga kabataang pintor at eskultor ng Poland. Hindi siya sumunod sa tradisyonal na pamamaraan na parang naghihintay lagi ng patron na maliligaw at papansin ng kaniyang mga akda, bagkus sinasalubong niya ang madla sa pamamagitan ng elektronikong ugnayan sa himpapawid.

Paano naman niya hinahasa ang kaniyang sarili sa piniling sining? “Palagi akong nagpipinta,” sambit ni Domagalska. Taon-taon ay sinisikap kong baguhin ang aking estilo. Dati, nakabukod wari ang aking modelo sa kaniyang kaligiran. Ngayon, sinisikap kong iangkop ang anyo at kilos ng modelo sa paligid niya.” Itinuring ni Domagalska ang kaniyang estilo ngayon na higit na panatag at malamyos, kaysa noon na pawang madidilim at ekspresyonistiko.

Nude, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

Nude, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

“Marami na tayong alam sa daigdig,” pahatid niya, “ngunit nakapagtatakang marami pa rin tayong dapat tuklasin sa kalooban ng tao.” Ang sari-saring emosyon ang nais hulihin ni Domagalska sa kambas, at ipahiwatig na hindi dapat laging panaigin ang isip sa lahat ng bagay. “Natitiwalag na tayo sa ating mga sarili. Ginagamit natin ang utak, at kinakaligtaan ang kibot ng damdamin. Kinakaligtaan natin ang mga likás na pagdama at pagsagap sa daigdig. Halimbawa, ang erotisismo ay bahagi ng ating likas na pagkatao ngunit itinatatwa ito ng ilan. Magkukunwari tayo sa kalibugan, subalit lilitaw at lilitaw ang totoo.”

Ano naman ang kaniyang masasabi bilang mamamayan ng Poland? “Mahal ko ang Poland. Mahal ko ang aking pinagmulang nayon at kahuyan. Gayunman, itinuturing ko rin ang sarili na anak nitong sandaigdigan, na nangangarap na mabubuwag ang hanggahan ng mga nasyon, na mag-uusap tayo sa wikang makapagbubuklod at makapagpapaunawa sa isa’t isa.”

Ikinuwento pa ni Domagalska na nakatagpo niya minsan ang isang matandang pitho [psychic]. “Sabi ng manghuhula’y dati akong taga-Espanya o Portugal. Kung totoo man na ang dating kaluluwa ko’y nagmula sa gayong lugar, hindi ako magtataka dahil parang malapit ang puso ko doon at hindi ko maunawaan.”

Renata Domagalska

Renata Domagalska

“Hindi ko alam kung ano ang magaganap sa hinaharap,” pahiwatig niya. “Problema ko ang aking kalusugan, at marahil, kung ano ang magiging lagay ng aking katawan ang magtatakda rin kung hanggang saan makararating ang aking sining.” Nais ni Renata Domagalska na huwag nang pag-usapan pa kung ano ang kaniyang dinaramdam (habang sinusulat ito’y ilang ulit siyang naospital), at gaya ng tunay na alagad ng sining, ay higit na pipiliin ang paghahatid ng masasaya, makukulay na hulagway at itampok ang gunita ng tunay na pagmamahal.

Romanza ni Marivic

Liberal ang pananaw ng nakararami hinggil sa tula, at ang pakahulugan ng isang bagay ay hindi mananatiling estatiko sa habang panahon. Ang “tula” ngayon ay hindi na katulad ng dating kaugnay ng bayan, at siyang ginagamit sa pagpapahayag upang pagbuklurin ang mga mamamayan. Ang tula ngayon ay naghunos na pansariling instrumento na magagamit sa paggigiit ng indibidwalidad, at sa pagtatanghal ng kagila-gilalas na eksentrisidad sa ngalan ng Kalayaan ng Sining.

Kaya may karapatan si Angelo V. Suarez na ideklarang “Poetry is useless!” (Walang silbi ang tula!) nang magtanghal siya ng tula sa Le Printemps des Poetes sa Alliance française de Manille noong 2 Abril 2008. Ang totoo’y hindi orihinal ang deklarasyon ni Suarez. Nauna na sa kaniya si Jose Garcia Villa o si Alejandro G. Abadilla, na itinuturing na ang tula ay dapat titigan bilang sining lamang at hindi kagamitang pampolitika o pangkultura. Ang tula ay dapat kinaluluguran, at kung may silbi man ito sa panig ng nagbabasa ay sekundaryo na lamang.

Makalulusot na sana si Suarez hanggang magtanong si Virginia R. Moreno. “Maaari mo bang ipaliwanag,” sambit ni Moreno sa banayad na Ingles, “kung ano ang ibig mong sabihin na ‘Walang silbi ang tula’?” Sayang at kulang ang sandaling iyon upang maipaliwanag nang ganap ni Suarez kung ano ang kaniyang poetika. Mababatid din kung ano ang inilihis ng kaniyang pananaw sa pananaw ni Villa, o kaya’y sa kaakuhan ni Abadilla.

Maiisip na ang tula ay hindi nabuo sa kisapmata lamang. Kaugnay ng tula ang mga salita, at ang salitang iyon ay nilikha ng pangkat ng mamamayan na pagkaraan ay magiging bayan. Magkakaroon ng sariling konteksto ang mga salita sa paglipas ng panahon, at hindi magtatagal ay mabubuo ang pakahulugan, paghihiwatigan, at pagdadalumatan para sa mga tao na nauunawaan at gagamit niyon sa kani-kanilang ugnayan at komunikasyon.

Gaano man kapayak ang tanong ni Moreno at umuurirat pa rin iyon sa matagal nang bumabagabag sa mga Filipino: Ano nga ba ang tula?

Kung babalikan ang mga lumahok sa bigkasan ng tula sa Alliance française, ang tula ay walang tiyak na anyo, pakahulugan, nilalaman, silbi, at padron. Ang tula ay maaaring saliwang pagkakaunawa sa “estranghero” gaya sa tula ni Pauline Juliene. Ang tula ay maaaring humangga sa sentimental, de-kahon, at kakornihan, gaya ng kina Anabel Bosch, Yanna Verbo Acosta, at Asha Macam. Ang tula ay maaaring magpalarga ng repetisyon ng diwa at salita, gaya ng kay Antonio C. Sison. Ang tula ay maaaring prosa at walang latoy na paglalahad, gaya ng kay Miguel Ongpin. Ang tula ay maaaring may abanggardistang lamyos ni Trix Syjuco, na ang damit ay ginugupit at naliligo sa champagne. Ang tula ay maaaring pagsisirko, gaya ng ginawa ni Alma Anonas-Carpio, o kaya’y pagsusulat nang nakatiwarik, gaya ng kina Cesare A.X. Syjuco at Vim Nadera.

Ngunit ang tula ay maaaring simbanayad ng pagtawid sa ilog, gaya ng ginawa ni Sid Gomez Hildawa. Ang tula ay maaaring maselang pagtitig sa babaeng sugatan, abandonado, at anonimo, gaya ng kay Marne L. Kilates. Ang tula ay maaaring erotikong pawis o bayarang katawan, gaya ng kina Ramon C. Sunico at Alfred A. Yuson. At higit sa lahat, ang tula ay maaaring kawangis ng batang tinuturuan ng kataga at nagsisimula-nagwawakas sa salita, gaya ng halimbawa ni Gemino H. Abad.

Nakalaan ang gabi para kina Marivic Rufino at Virgilio S. Almario na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Ang makukulay, masisinop na pintura ni Rufino ay kahanga-hangang tinumbasan ng dalít, tanaga, at diona ni Almario sa aklat na Romanza (2008). Nilapatan naman ng de-kalibreng salin sa Ingles ni Marne L. Kilates ang nasabing mga tula, at kasaysayan na ang sumunod. Walang kupas si Marivic sa sukdulang pakahulugan ng matimyas na estetika, at ang nilikha niyang sining ay lumalagom sa lahat ng posibilidad ng tula.